Mga halili ng Sultanato: Ang pakikibakang Moro

June 7, 2017

Mayaman at masalimuot ang kasaysayan ng mga mamamayang Moro para sa sariling pagpapasya. 

Tila bakal na pinanday ng pagpupumiglas laban sa mga banyagang mananakop ang kasaysayan ng mga mamamayang Moro. Ngunit sa likod ng bakal nilang paninindigan ang mga ina, anak, at mga yumaong kamaganak na sa kabila ng sakripisyo para sa lupa ay naghangad ng kapayapaan.

Nagsimula ang kasaysayan ng mga Moro bago pa dumating ang mga Espanyol. Sila rin ang may pinakamatandang pamahalaan sa Pilipinas — ang mga Sultanato na mula pa noong 14-siglo namayagpag. Sa pagdating ng mga Espanyol, nagsimulang mabansagan ang mga Muslim ng Mindanao na “Moro,” halaw sa Moor na mga Muslim na nakalaban rin ng mga Espanyol sa Europa.

Bagamat matagumpay ang pagtutol ng mga Moro sa kolonyalismong Espanyol, sa pagdaan ng panaho’y humina ang mga Sultanato hanggang sa tuluyan itong mapasok ng mga Amerikano noong 1899. Panahong ito, minasaker ng mga Amerikano ang libu-libong Moro upang magbigay-daan sa pagkamkam ng lupaing ninuno at teritoryo ng mga Muslim na gagawing trosohan, minahan at plantasyon ng mga produktong pangkalakal tulad ng goma.

Kababaihang Moro sa Marawi, taong 2009. <b>KR Guda/PW File Photo</b>

Kababaihang Moro sa Marawi, taong 2009. KR Guda/PW File Photo

Islam sa Mindanao

Dahil sa sinapit nila sa kamay ng mga mananakop at ng tinuturing nilang bulaang pamahalaan at republika, at dahil na rin sa kahirapang dinulot ng pangangamkam sa lupain nila, napilitang ang mga Moro na maglunsad ng iba’t ibang pag-aaklas sa Mindanao.

Pinakamatanda dito ang Moro National Liberation Front (MNLF) na pinamumunuan ni Nur Misuari noong 1969. Layunin ng armadong pakikibaka ng MNLF na humiwalay sa Pilipinas at magtatag ng nagsasariling Bangsamoro (bansang Moro). Binubuo ang MNLF ng 13 tribu na yumakap sa Islam: Tausug, Maguindanao, Maranao, Yakan, Iranun, Kalagan, Sangil, Sama, Jama Mapun, Kalbugan, Badjao,Molbuganon at Palawani.

Ngunit noong 1976, lumagda ang MNLF sa Tripoli Agreement ng rehimeng Marcos para sa usapang pangkapayapaan. Ang tunay na layunin nito’y “ikupot ang MNLF sa balangkas ng Konstitusyon at batas ng gobyerno ng Pilipinas, na siyang pangunahing nilalabanan ng grupo,” ayon sa Moro Christian People’s Alliance (MCPA).

Dahil dito, maraming grupo ang kumalas at bumukod sa MNLF. Noong 1984, kasama si Hashim Salamat, dating ikalawang tagapangulo ng MNLF, sa pagtatag ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Ipinagpatuloy nito ang laban para sa sariling bansa ng mga Moro ngunit mula sa dating oryentasyon nitong nasyunalista ay pinalitan ito ng ideyolohiyang Islam.

Sa pakikipagnegosasyon ng MILF sa iba’t ibang rehimen ng gobyerno sa Maynila – mula kay Arroyo hanggang Aquino hanggang Duterte – nagbago rin ang tindig nito. Unti-unti nitong tinanggap ang awtonomiya sa pulitika at ekonomiya ng mga lugar na dominado pa rin ng mga Moro sa Mindanao.

Dahil dito, umusbong ang isa pang talsok na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) noong 2012 dahil sa pagtutol ng kumander ng MILF na si  Ustadz Ameril Umbra Kato sa pagbasura ng Korte Suprema ang Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOAAD) sa ilalim ng Arroyo GRP-MILF peace negotiations noong 2008.

Sa kabila ng mga negosasyon, nagpatuloy ang mga operasyong militar laban sa mga grupong Moro na nag-aaklas. Isa na rito ang all-out war ng rehimeng Estrada na nagsuspinde sa usapang pangkapayapaan at tahasang nilusob at sinakop ng mga militar ang mga kampo at teritoryo ng MILF. Ang gobyernong US naman ay sikretong nanghimasok rin sa ngalan ng giyera kontra terorismo. Noong 2001, nakatuwang ito ng gobyernong Estrada sa pagsasagawa ng opensiba at pambobomba sa mga komunidad na may impluwensiya ng MNLF dahil lang sa paratang sa MNLF na nagtatago raw ito ng mga miyembro ng bandidong grupong Abu Sayyaf, na may madilim na ugat sa Central Intelligence Agency o CIA ng US.

Armadong guwardiya ng Moro Islamic Liberation Front sa kampo nito sa Darapanan sa Sultan Kudarat. KR Guda

Kampo Darapanan ng Moro Islamic Liberation Front, taong 2015. KR Guda/PW File Photo

Panahon ng ‘terorismo’

“Ang Abu Sayyaf, Maute at ISIS ay armadong mga grupo sa hanay ng mga mamamayang Moro na bumabaluktot sa (ating) pakikibaka sa pamamagitan ng taliwas na interpretasyon sa mga aral at turo ng Islam.”

Ito ang paliwanag ng MCPA sa mga grupong gumagawa ng kontra-mamamayang mga aktibidad sa ngalan ng pakikibakang Moro. Naituring silang “terorista” dahil sa kalabisan sa kaninang mga pamamaraan tulad ng pambobomba sa pampublikong mga lugar, pangingidnap at pamumugot ng ulo.

Bagamat ang pagkabuo ng mga grupong ito’y reaksiyon sa laganap na kahirapan at matinding pang-aapi sa mga Moro, malinaw sa mga ebidensiya na nagmula ang Abu Sayyaf sa mga mujahideen na sinanay ng US kontra sa mga tropang Ruso sa Afghanistan noong huling bahagi ng dekada ’80. Mismong ang mga opisyal pa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nag-ensayo sa kanila sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao. Samantala, ang mga armas at salapi nila’y galing mismo sa isang tagong operasyon ng CIA.

Maging ang Islamic State of Iraq and Syria  o ISIS na kamakailan lamang ay pinagsumpaan ng katapatan ng Abu Sayyaf at Maute, pinaghihinalaang likha ng CIA ng US. Sa minimum, umusbong ang ISIS mula sa insurhensiyang Iraqi laban sa pananakop ng US sa naturang bansa. Laganap din ang ebidensiya na pinopondohan ng Saudi Arabia (ang pundamentalistang bansa na pangunahing kaalyado ng US sa Gitnang Silangan), gayundin ng Qatar ang naturang grupo. Ginagamit din ng US ang ISIS para labanan ang gobyernong Assad ng Syria na gustong pabagsakin ng US.

Ayon sa mga tagamasid, pagpapasikat ang ginagawa ngayon ng Maute upang kilalanin at makakuha sila ng suporta mula sa ISIS. Hinala ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), may koneksiyon ang Maute sa AFP na hindi nalalayo sa mga naglitawang hinala rin noong taong 2000 na protektado ng matataas na opisyal ng AFP ang Abu Sayyaf, lalo noong akatakas ito mula sa bitag ng AFP sa Lamitan, Basilan, taong 2001.

Samantala, may mga ulat na namataan rin si Norberto Gonzales, dating national security adviser at kilalang may ugnay sa CIA ng US, sa isang pulong sa Abu Sayyaf at Maute bago mangyari ang insidente sa Marawi.

Ito at ang pagdawit ng dalawang grupo sa ISIS ay di lang nagpakumplika sa sitwasyon ng mga Moro kundi naglapit rin sa kanila sa bingit ng kapahamakan. Dali-dali na lang silang itinuturing na mga terorista maski ordinaryong mga mamamayang Moro sila. Mistulang walang ibang ipinalalaganap ang mga teroristang grupo na itong likha ng US kundi pagkatakot sa mga Muslim o magpalaganap ng islamophobia.

Jihad Al Kursi, tagapagsalita ng Moro Resistance Liberation Organizatio o MRLO. (Macky Macaspac)

Jihad Al Kursi, tagapagsalita ng Moro Resistance Liberation Organizatio o MRLO, taong 2011. Macky Macaspac/PW File Photo

Halili ng Sultan

Lalong tumindi ang pagsubok sa mga Moro na makamit ang tunay nilang kalayaan at lupaing ninakaw. Bagamat matindi ang pagkagalit at takot na nararanasan ng mga Muslim dahil sa mga gawa-gawang terorista, patuloy pa rin ang kanilang paglaban upang kilalanin bilang mga mamamayang may karapatan sa sariling pagpapasya sa Mindanao.

Para sa MCPA, bahagi ang pakikibakang Moro ng pambansa-demokratikong rebolusyon na isinusulong ng rebolusyonaryong kilusan. Kinikilala ng NDFP ang iba’t ibang katangian ng mga mamamayang Moro at ang karapatan nito sa pagpasya. Katunayan, miyembro ng NDFP ang Moro Resistance and Liberation Organization (MRLO), na naglalayong pagbuklurin ang mga Moro para lumahok sa tunay na rebolusyong kikilala sa kanilang mga karapatan at pakikibaka.

Sa kasalukuyang gulo ngayon sa Mindanao dahil sa batas militar, tila laging mga sibilyang Moro ang unang biktima. Ang problema sa grupong Maute ngayon ay resulta lang ng matagal nang problema ng mga Moro: ang walang habas na pang-aapi, kahirapan, at pananamantala sa kanila ng mga naghaharing uri. Tanging sa pagkakaisa at pakikiisa ng mayorya sa mga Moro makakamit ang tunay na kapayapaan.

Tulad ng karamihan ng mga Pilipino, parehas at sapilitan din naman silang pinagkaitan ng bansa at karapatan.