FEATURED Karapatang Pantao

Sa likod ng apoy at abo sa Marawi


Mga mukha ng militarismo sa ilalim ng batas militar ni Duterte sa Mindanao.

[cycloneslider id=”marawi-iligan-sid-natividad”]

Pasulyap-sulyap sa bintana ng evacuation center sa kapitolyo ng Marawi si Nasser Abdul. Maya’t maya kasi ang putok ng mga baril at bomba. Kung hindi mag-iingat, maaaring matamaan ng ligaw na bala.

May asawa at limang anak si Nasser. Pero hindi niya kasama ang mga ito sa evacuation center. Nagkahiwalay sila ng kanyang mag-iina habang lumilikas papalabas ng lungsod sa gitna ng matinding mga bakbakan sa pagitan ng “teroristang” grupong Maute at mga puwersa ng gobyerno. Nang makatawid na sa ilog ng Agus sa Marawi, akala niya’y ligtas siya. May iba pa siyang kasamahang sibilyan.

“Pagdaan namin sa provincial jail ng Brgy. Mapandi, nakita kami ng mga militar. Pinatawag kami. Siyempre, pumunta kami kasi hindi naman kami ISIS (Islamic State, o iyung pandaigdigang “teroristang” grupo). Pagpunta namin, akala nila ISIS kami kasi puro kami lalaki,” ani Nasser. “Kinulong kami. Hindi sila naniniwala (na hindi kami ISIS). Pinakita namin ang mga ID namin, pero kinulong at pinahirapan nila kami.”

Nakalabas lang silang mga sibilyan nang tumawag sila sa lokal na Department of Social Welfare and Development (DSWD). Sinundo sila ng mga kakilala na nangambang baka patayin sila kung magtatagal pa sila sa provincial jail.

Dinala si Nasser Abdul at ang mga kasamahan niya sa kapitolyo ng Marawi na bukod-tanging safe-zone ng siyudad. Hindi niya kasama ang mga kaanak. Wala rin siyang paraan para mahanap sila. Hindil sila pinapayagang lumabas ng Marawi dahil na rin sa batas militar sa Mindanao. Ito ang batas militar sa Marawi.

Ito ang batas militar ngayon sa Mindanao.

Pinsala sa tao

Isa lang ang kuwento ni Nasser sa kuwento ng libu-libo pang Moro at Kristiyano na lumikas mula sa Marawi.

Nagkalat ang 240,000 katao na lumikas mula sa giyera sa halos 33 evacuation centers na 18,000 katao lang ang kayang suportahan. Isa na sa pinakamagaganda at pinakamatitino ang nasa kapitolyo ng Marawi. Ang ibang mga evacuation center tulad ng sa Saguiaran at Toril sa Iligan City, kulang sa palikuran at walang matinong linya ng kuryente at tubig.

Nagresulta ang mga kakulangan sa pasilidad na ito sa kung anu-anong sakit ng mga bakwit (evacuees) o lumikas. Karamihan, mga sakit sa baga at sakit sa balat dahil sa kawalan ng nutrisyon at kasikipan ng mga gusali sa evacuation center. Pangatlo naman sa mga karaniwan nilang sakit ang pagtatae dahil din sa kakulangan ng malinis na tubig. Nadiskubre din ng mga doktor na nagpunta sa mga evacuation center na hindi maaasahan ang serbisyong pangkalusugan doon at walang mga gamot.

Pinalalala rin ng curfew ng batas militar ang sitwasyong pangkalusugan: Hindi maaaring maisugod ang mga may sakit o sugatan sa ospital mula alas-9 ng gabi hanggang alas-singko ng umaga. Lalong mas mahihirapan ang ilan sa kanila kung walang ID.

“Kung wala kang ID, siguradong papatayin ka. ‘Di nila malalaman kung Maute o sibilyan dahil sa pagkataranta kung anong gagawin (ng sundalo). Iyan ang hirap sa martial law,” sabi pa Nasser. Pero kahit may ID, hindi rin siguradong ligtas. Siya mismo at iyung kasamahan niyang lumikas, mayroong ID pero kinulong pa rin at pinaghinalaang Maute.

Sa mismong siyudad, isang karaniwang kuwento ng mga Maranao na bakwit ang indiscriminate bombing ng mga militar. Karamihan sa mga bakwit, wala nang babalikan o patutunguhan matapos man ang giyera o batas militar dahil sa airstrikes. Napulbos na ang kanilang mga bahay at kabuhayan. Kuwento pa ng mga dating residente ng Marawi na noong tanghali pa lang ng Mayo 23, nagsimula ang pambobomba.

Bukod pa sa sapilitang pagpapalayas, pambobomba, at pag-aresto, nasaksihan din ng mga residenta ang pagkuha ng mga sundalo sa kanilang kagamitan tulad ng mga motorsiklo, kama, at mga
refridgerator gamit ang mga truck ng AFP. Maging ang mga alahas at salapi, nadiskubre nilang nawawala matapos halughugin ng mga sundalo ang mga bahay.

Nabahala naman si Gabriela Rep. Arlene Brosas, na kasama sa National Interfaith Humanitarian Mission sa Marawi, sa ilang kuwento ng mga residente hinggil sa ilang taktika ng mga militar para mapalikas sila sa Marawi. Ang ilang militar, nagsasabing gagahasain at papakasalan daw nila ang kababaihan kung hindi aalis ang mga ito. Ito mismo ang ikinatakot ng marami sa madla matapos “magbiro” si Pangulong Duterte na hahayaan daw niya ang militar na manggahasa sa ilalim ng batas militar sa Mindanao.

Dreiza Lininding, taga-Marawi. <b>Sid Natividad</b>
Drieza Lininding, taga-Marawi. Sid Natividad

Apoy ng Marawi

“Mismong ang official media ng ISIS, inuulat na ang mga nangyayari sa Marawi at Maute. Ibig sabihin, nire-recognize na nila—kasama na sila (ng Maute),” ani Drieza Lininding, miyembro ng Bangsamoro Consortium.

Mula sa inisyal na tantiya ng AFP sa bilang ng Maute na 20, biglang lumobo ito ngayon sa 400 sa loob lamang ng tatlong linggo. Tila nahihirapan sila sa pagsugpo sa “teroristang” grupo dahil sa paggamit nito sa Marawi bilang kanlungan. Ito ang ginagamit ng AFP na katwiran sa pambobomba at mga airtstrike. Pero ang solusyon na inihapag nila para sa Marawi ang mismong sumira rito at sa kabuhayan at kaligtasan ng mga residente. Kalaunan, humingi ng saklolo ang AFP sa armadong puwersa ng gobyernong US, kabilang ang paggamit nito ng drones tulad ng US P3 Orion.

Pero ayon kay Drieza, bago pa man magsimula ang krisis sa Marawi, namamataan at naririnig na ng mga residente ng Marawi at Lanao del Sur ang mga drone ng US. “Noong Mayo 8 pa lang, may drones na, hatinggabi lang ito lumilipad. Actually, hindi lang Mayo 8. Bago pa ito, naririnig na namin ‘yung eroplano ‘pag gabi,” aniya.

Matagal nang may presensiya ng militar ng US sa Marawi. Taong 2008 pa, may mga ulat nang nasa Camp Ranao ito—ang kampo ng AFP ngayon sa Marawi na matatandaang isang kilometro lamang ang layo sa pinangyarihan ng unang opensiba ng Maute sa Marawi. Hindi umalis ang mga sundalong Amerikano sa Camp Ranao.

Binanggit na rin niya ang matagal nang hinala ng ilang residente. “Hindi malayo na may kinalaman talaga itong Amerika sa pagbuo ng grupo (Maute) na ito… ‘Yung kanilang aktibidad ay paborable sa Amerika,” ani Drieza. Sa ngayon, hakahaka pa lang ito at walang ebidensiya.

Ang pinagtatakahan pa niya, nangyari ang mga “looting” o nakawan at paninira ng kagamitan sa Marawi sa mismong mga lugar na kontrolado ng AFP at hindi sa lugar na may labanan. May isa pa umanong sibilyang nanakawan ng hanggang P30 Milyon. At mismong ang pagkasunog ng mga bahay, nangyari dahil sa kagagawan ng mga airstrike ng AFP.

“Galit kami sa Maute at galit din kami sa mga sundalo, iyon ang nagiging heneral na sentimyento (ng mga Maranao ngayon), ani Dreiza. “Gusto kong isipin na matagal na itong naplano. Kumabaga, ginawa lang bitag ‘yung grupong Maute, pero ang agenda talaga ay disarmahan yung Maranao,” dagdag ni Drieza.

Checkpoint papalabas ng Marawi. <b>Sid Natividad</b>
Checkpoint papalabas ng Marawi. Sid Natividad

Tulay sa kapayapaan

Araw-araw nang eksena sa Mindanao ngayon ang mahahabang pila ng sasakyan dahil sa mga checkpoint ng militar. Kaakibat ng mga checkpoint na ito—lalo na sa mga kalsadang konektado sa Marawi, ang mga pambabastos at pananakot ng mga militar.

Sa gitna ng kaguluhan, naglunsad ng National Interfaith Humanitarian Mission ang mga iba’t ibang grupong simbahan at karapatang pantao na naglalayong makatulong sa mga bakwit na lumikas mula sa Marawi at iyung mga apektado ng mga operasyong militar sa Mindanao. Hindi naging ligtas ang misyong ito sa panghaharas ng mga sundalo.

Nasaksihan mismo ito ni Eule Leo Cayetano, child rights advocate ng Children’s Rehabilitation Center (CRC) na kalahok sa NIHM. Kuwento niya, nagbiro sa kanila ang mga sundalo sa checkpoint na iwanan na lang sa kanila ang mga dalaga na kasama sa sasakyan. Maging ang relief caravan nina Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, dating Rep. Teddy Casiño, at Gabriela Rep. Arlene Brosas, hinarang at pinigilan sa pagbibigay ng relief goods sa loob ng siyudad.

Para naman sa libu-libong bakwit tulad ni Nasser Abdul na napunta sa kapitolyo, pangmatagalan ang magiging epekto ng sigalot na ito. Napilitan nang tumigil sa pagaaral ang kanilang mga anak. Masaklap ito dahil kabataan ang kalakhan ng mga taga-Marawi.

“Naisip ko, dapat alisin na lang ‘yung martial law para hindi mahirapan ang mga tao–’yung mga nasasaktan, namamatay, mga natamaan ng bala. Mawawala naman iyang ISIS, kahit walang bomba at walang martial law,” ani Nasser.

Pero sa ngayon, ang hiling muna nila, makita ang kanilang kamag-anak. Hindi kasi nila alam kung napano na ang mga ito, lalo pa’t sunud-sunod ang airstrike at nagkalat sa iba’t ibang evacuation center ang mga residente.

“Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa anak ko, sa asawa ko. Hinhiling ko lang sa mga awtoridad na kahit papaano magkitakita kami ng mga anak at asawa ko. At masolusyunan itong nangyayari sa Marawi,” sabi ni Nasser.

Tumingin siya sa alapaap na dinulot ng bomba at batas militar, at naisip marahil kung gaano siya katagal maghihintay at mag-aalala para sa kanyang pamilya, sa kanyang lungsod at bayan.