Pambansang Isyu

Katotohanan sa bagong sistema ng pagbubuwis

July 3, 2017

Magpapahirap lang sa mahihirap ang reporma sa buwis ng administrasyong Duterte.

Inaasahang aakyat na sa Senado ang unang yugto ng Comprehensive Tax Reform Program na House Bill No. 5636 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) matapos makalagpas sa deliberasyon ng Kamara.

Sa ilalim ng programa ay ang mga plano sa pag-aalis ng VAT exemptions bukod sa senior citizens at mga may kapansanan. Kabilang din rito ang pagdadagdag ng buwis para sa mga produktong petrolyo, mga inuming may asukal at maging ang industriya ng mga sasakyan.

Malakas ang suporta ng malawak na sektor ng “high income earners” ang programa ng Department of Finance (DOF) na naging dahilan upang makapasa ang panukala sa 246 miyembro ng Kamara.

Pero ayon sa Ibon Foundation, institusyon ng pananaliksik, may limang (5) tinataglay na katangian ang Train na ipinapanukala ng DOF.

1. Gagawin lamang mas mahirap ng reporma sa buwis ang mga mahihirap.

Ayon sa DOF ang reporma ay maghahatid ng kabawasan ang mabigat na pasanin ng mga mamamayan sa pagbabayad ng buwis. Salungat dito, ang reporma sa buwis ay mas magpapalala sa kahirapan ng mamamayan. Malaki ang magiging epekto nito sa 13.7 milyong pamilya o mahigit 60 milyong pinakamahihirap. Kung susumahin mahigit P737 ang makukuha ng gobyerno taon-taon mula sa bawat pamilyang kumikita ng P5,214 kada buwan sa susunod na taon hanggang sa P2,088 mula sa 2.3 milyong pamilya na may buwanang kita na P19,269.

Sa halip na mabawasan ang buwis na kinukuha ng pamahalaan, mas tataas ang presyo ng pangunahing mga bilihin.

2. Gagawing mas mayaman ng reporma sa buwis ang mga mayayaman na

Magbibigay ng karagdagang pera sa may 9.1 milyong kabahayaan na may 40 milyong Pilipino ang bagong pagbubuwis kabilang ang mga pinakamayayaman na pamilya sa bansa.

Ang 2.3 milyong pamilya na may buwanang kita na P24,355 ay magkakaroon ng karagdagang P4,187 taun-taon. Ang susunod na 2.3 milyong pamilya na may buwanang kita na P32,295 ay magkakaroon ng karagdagang P8,012. Magkakaroon naman ng karagdagang P16,954 ang 2.3 milyong pamilya ng kumikita ng P47,131 kada buwan. Karagdagang P43,540 naman ang makukuha ng 2.3 milyong pamilya na may buwanang kita na P111,380. Nagkaroon sila ng net gains dahil sa pagtaas ng kanilang take home pay mula mas mababang personal income taxes.

Para naman sa mga corporate executive mangangahulugan ito ng karagdagang P91,027 na kumikita ng P280,309 (o P3.4-M kada taon). Para sa chief executive ng isang kompanya na kumikita ng P598,132 kada buwan, karagdagang P130,267 ang makukuha nito.

Walang gagawin ang tax reform program ng administrasyong Duterte sa patuloy na akumulasyon ng malaking yaman sa kamay ng iilan. Mas lalo pa nga nitong pinasasahol ang sitwasyon.

3. Permanente ang buwis sa TRAIN pero panandalian lamang ang proteksiyong panlipunan nito.

Ang tanging rason na naibibigay ng DOF na magbebenepisyo ang mahihirap sa Train dahil mayroon itong social protection. Sa mga naunang panukala, mayroong tinatarget na cash transfer na P300 kada buwan para sa 50 porsiyentong pinakamahihirap o 10 milyong pamilyang Pilipino sa bansa para maibsan ang pagtaas ng mga presyo at Pantawid Pasada scheme na cash cards para sa pampublikong sasakyan para maibsan din ang epekto ng pagtaas ng oil excise tax lalo na sa diesel.

Napakalabo din ng Train Bill na ipinasa ng Kamara sa sinasabing social protection na ito. Sa 59-pahina, wala pa sa isang pahina ang nagbabanggit sa “social benefits program” at “granting fuel vouchers to qualified transport franchise holders.” Ang malinaw na ibinigay, tatagal lang ang mga ito ng tatlong taon. Ibig sabihin, panandalian lamang ang mga ito.

4. Tila bina-blackmail ng DOF ang mahihirap dahil takot itong buwisan ang mga mayayaman.

Mayroong kongkretong pagtatala at matibay na dahilan kung bakit hindi nararapat na ipatong sa mahihirap ang tinik ng bagong reporma sa buwis. Kung patataasin ang buwis ang mayayaman na binubuo ng 1.5 porsiyento ng populasyon maaaring umabot sa P91-B ang mabuo. Ngunit nanatiling malabo ang reporma sa pagbubuwis sa mga bilyonaryo at milyonaryo. Kabilang ito sa report na mayroong mahigit kumulang 690 Pilipino ang may yamang aabot sa P1.4-B. Kabilang dito ang pinakamayayamang oligarkiya na kung susumahin ay may P3.8-Trilyon.

Tama man ang DOF na magkakaroon ng masamang epekto sa buhay ng mga mahihirap gaya ng pagkawala ng klasrum, guro, rural health units, barangay health stations, provincial hospitals, daanan, mga tulay, at irigasyon, pero hindi dapat ang mahihirap ang tinitignan para pagkunan ng ipanggagastos sa mga ito kundi sa mga mayayaman.

5. Sinisira ng Train ang sistema ng pagbubuwis upang mas lalong maging anti-mahihirap at pabor sa mayayaman.

Ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion ay sistemang nagtatago sa likod ng isang maskara. Ang repormang nakatuon sana sa isang mas kapaki-pakinabang na sistema ay nalihis. Ang mga mahirap na ayon sa reporma ay unang aangat ay siyang tuluyang mababaon.

Ipinakikita lamang nito ang pagkakahatihati ng uri sa lipunang Pilipino at implementasyon ng neoliberalismo na pinakikinabangan ng iilan. Gayunpaman, dapat mangamba ang mga naghaharing uri dito. Dahil mas paiigtingin lamang nito ang kontradiksyon sa lipunan at magdudulot ng mas matitinding tensiyon sa pagitan ng mga uri kung saan magsisimula ang tunay na reporma pagkatapos nito.

Ang panukala ay nakatakdang iakyat sa Senado at ang target na araw na maipapasa ito ay sa Hulyo sa pagtutuloy ng sesyon sa mataas na kapulungan.


Featured image: Sina Pangulong Duterte, Executive Sec. Salvador Medialdea at Finance Sec. Carlos Dominguez III, larawan ng Presidential Communications
Please follow and like us:
Facebook0
Facebook
YouTube0
YouTube
Google+196
Google+
http://pinoyweekly.org/new/2017/07/katotohanan-sa-bagong-sistema-ng-pagbubuwis/
Instagram0
Follow by Email
RSS