Pambansang Isyu

Pakikipag-usap, pakikipagtunggali

July 22, 2017

Muling nakipagdiyalogo kay Pangulong Duterte ang mga lider ng kilusang masa para maningil sa kanyang mga pangako.

Anim na araw bago ang kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) at mahigit isang taon matapos maluklok sa poder si Pangulong Duterte, muling hinarap niya ang mga lider ng kilusang masa. Sa pagkakataong ito, ayon kay Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), tumitingkad na ang hidwaan sa dalawang panig.

“Kaiba sa nagdaang mga pag-uusap, mabigat at seryoso ang pakiramdam ng mga lumahok,” ani Reyes. Naganap ang diyalogo matapos lang ianunsiyo ng Palasyo na gusto nitong palawigin ang batas militar sa Mindanao. Kabilang sa mga dumalo ang mga lider ng iba’t ibang grupong sektoral, progresibong mga party-list at mga kinatawan mula sa Mindanao.

Sa simula pa lang, ani Reyes, naging matigas si Duterte sa paggiit niyang patagalin pa ang batas militar sa Mindanao hanggang katapusan ng 2016. Sa panig ng mga progresibo, inihayag nila sa Pangulo ang determinasyon nilang labanan ito.

“Sa usapin ng peace talks (sa rebolusyonaryong kilusan), dala ng Pangulo ang linya ng kanyang secuirty cluster na “prolonged ceasefire” bago ang pag-uusap sa reporma,” kuwento ni Reyes. Sa kabila ito ng di pagrespeto ng Armed Forces of the Philippines sa mismong nakaraang mga tigil-putukan na pumipinsala sa mga base ng National Democratic Front of the Philippines (na kumakatawan sa rebolusyonaryong kilusan). Ang malungkot, ani Reyes, walang komitment si Duterte na itigil ang militarisasyon sa mga komunidad ng mga Lumad at paaralan ng Lumad. Ito raw ang “reyalidad ng gera-sibil,” sabi diumano ng Pangulo.

Sa kabila nito, may ilang puwang pa ring ibinubukas si Duterte sa posibilidad na maitulak ang progresibong pagbabago sa kanyang rehimen. “May ilang pagbubukas o posibleng pagsasalubong pa sa mga isyu tulad ng kontraktuwalisasyon, libreng tuition sa [state colleges and universities] at reporma sa lupa,” sabi pa ni Reyes.

Pero pansin niya, hindi matibay ang komitment nito. “(M)angangailangan pa ng malakas na paglaban ng masa,” sabi niya.

Muling nagbukas si Duterte sa usapin ng pagpapalaya ng mga may edad at may sakit na mga bilanggong pulitikal.

Hindi rin umano maikomit ng Pangulo kung kailan niya ipapatupad ang pagbabasura sa Visiting Forces Agreement, o ang kasunduang nagpapayag sa pagpasok ng mga tropang Kano sa bansa. Sa kabila ito ng paulit-ulit niyang pahayag noong nakaraang taon na ibabasura niya ang VFA “sa loob ng dalawang taon.” Isinumite rin nina Reyes ang dokumentong naglalamang ng 20-puntong kahilingan sa SONA. Inihayag din ng mga lider-progresibo na nagpaplano ang kilusang masa ng dambuhalang rali sa araw ng kanyang SONA. “Hindi naman daw niya ito pipigilan o haharangan,” sabi ni Reyes.

Para sa kanya, lalong tumitimo sa mga progresibo ang pangangailangang magbuo ng mas malalaking pagkakaisa sa hanay ng mga mamamayan para itulak ang makabayan at demokratikong mga adhikain at makamit ang tunay na pagbabago.

“Desidido tayo na palakasin pa ang ating panawagan para sa makabayan at demokratikong pagbabago, hindi bigong mga pangako,” pagtatapos ni Reyes.


 

Please follow and like us:
Facebook0
Facebook
YouTube0
YouTube
Google+197
Google+
http://pinoyweekly.org/new/2017/07/pakikipag-usap-pakikipagtunggali/
Instagram0
Follow by Email
RSS
Priscilla Pamintuan

Priscilla Pamintuan

Priscilla Pamintuan is a part-time cultural and political writer and fulltime film buff.