Pinoy Pride

July 16, 2017

Cute ba talaga ang kamangmangan ng kabataang Pinoy sa sariling wika?

Isasama na raw sa kurikulum ng mga estudyante sa Pilipinas ang wika ng mga Koreano. Okey ‘yun. Magaling na nga tayong mag-Ingles, matututunan pa ng ating kabataan ang bagong wika. Eh mag-Filipino kaya?

Kamakailan lang, may napanood akong bidyo ng mga batang Pilipino, edad apat hanggang 10. Hindi ko tiyak kung nandito sa Pilipinas ang mga bata o sa ibang bansa. Ang gimik, ipahuhula sa mga bata ang ibig sabihin ng ilang salitang Filipino, na tila mga banyagang hindi kilala ang sariling wika. Ilan sa salitang pinahulaan ang salitang “bughaw.” Maraming nagkamali, hindi alam ang ibig sabihin ng salita. Ang bughaw ay Filipino ng kulay na blue. Ang kataka-taka, pati ako’y parang cute na cute sa mga batang hindi alam ang ibig sabihin ng salitang bughaw—parang yung mga banyagang bumibista sa atin at pinipilit mag-“thigalog,” kahit “mabuhey” lang o di kaya’y “mahal ko keyoh,” tuwang-tuwa na tayo. Kakatwa dahil isang dayuhan ang pilit bumibigkas ng ating lengguwahe. Masayahin tayo eh. Kahit na mukha na tayong ewan.

Wala pa akong nakilalang Aleman o Pranses na kapag nilaro ang isang prase ng wika nila, ay matatawa o matutuwa. Magtataka pa sila, at iwawasto ang tamang bigkas ng mga salita. Tayo kasi, kapag nagkakamali ng bigkas yung mga porenger na dumadalaw satin, pag sinasabi nilang “adobow,” parang awtomatikong cute na sila, puwede nang lumabas sa TV o ‘di kaya’y sa pelikula, pero kapag yung maid o yung tindera sa karinderya ang nagsabi ng “adubu kuya?” hindi naman tayo natutuwa — natatawa tayo, oo, pero may halong pangungutya.

Balik tayo sa bidyo, limang salitang Filipino at ang ipinahula sa mga bata. Sa lima, tatlo lang yata sa mga bata ang may tamang sagot. May mali ba rito? Marami. Oo nga’t sa panahon ng globalisasyon, kailangan nating matuto ng mga banyagang wika para maging “globally competitive.” Tama ito, dahil kailangan natin sumabay sa agos ng daigdig para hindi tayo maiwan. Pero ano nga ba ang mga Pilipino sa mata ng daigdig – ng mga banyaga? Mayroong isang diksiyonaryo sa Europa na naglatahala ng isang edisyon na ang pakahulugan ng salitang Filipino ay Overseas Filipino Worker (OFW). Kung nasaktan ka, marahil mayroon kang kamag-anak sa ibang bansa.

Nasasaktan tayo sa depinisyon ng ibang taong nakakikita sa atin pero hindi natin binibigyan ng saysay ang ating pride. Mayroon daw tinatwag na Filipino pride na hindi basta pupuwedeng apak-apakan. Pero sa totoo, mukhang wala sa tamang lugar ang ating pride–‘yun ngang tinatawag nila na “Filipino pride.”

Kung totoong may Filipino pride, hindi natin hahayaang sirain ng mga banyaga ang likas na yaman natin – mula Kalinga hanggang Kudarat. Hindi tayo papayag na habambuhay, empleyado ang mayorya ng ating populasyon. Pipilitin din nating gumawa ng sariling industriya na sa atin magsisilbi — ang Japan ay may industriya ng sasakyan (Honda, Suzuki, Mitsubishi); ang Korea ay mayroong technological industry (Samsung, LG, atbp.). Kung totoong proud tayo sa ating lahi, sa pagka-Pilipino, hindi tayo papayag na gawing base militar ng kahit sinong banyaga ang ating bansa. Kasaysayan ang nagpatunay na walang idinulot na maganda ang paghimpil ng mga puwersang banyaga dito sa ating bansa. Hindi dapat tayo pumapayag sa mga hindi pantay na kasunduan.

Iyan ang tunay na basehan ng pride. Hindi iyong kapag sinabi sa atin ang totoo, masasaktan tayo. Ika nga nila, “Truth hurts, but will set you free.” Lumaya ba tayo? Hindi, dahil patuloy pa rin ang labor-export policy na siyang bumubuhay sa ating ekonomiya, patuloy pa rin at lalong lumalala ang Stockholm syndrome ng marami nating kababayan. Patuloy pa rin ang pagtuturo sa eskuwela ng maka-kanluraning isipan.

Tinanong ko ang sarili ko kung bakit ako natuwa at na-cute-an sa mga batang Pilipinong halos walang alam sa sariling wika. Marahil isa ako sa mga Pilipino na wala sa lugar ang pride, proud lang ako kapag nananalo si Paqcuiao sa boksing. Proud lang ako kapag may sekyung nagsosoli ng wallet ng isang mayamang naiwan sa bangko, o kaya’y taxi driver sa dayuhan na hinatid niya sa airport. Pero kapag pagpoprotekta na sa kamalayan at kultura, nalilito na ako sa ano ba ang dapat at hindi, sa kung ano ba ng makakasira at makakapagpaunlad. Kasama pala ako sa milyong Pilipino na ang taya ay sa banyaga, at hindi sa kapwa Pilipino.

Sa desisyon ng Commission on Higher Education at Department of Education na ituro ang Hangul (alpabetong Koreano) sa mga Pilipino, hindi na kakailanganin maghintay ng subtitle ang mga K-pop at Koreanovela fans, maiintindihan na nila at maisasapuso ang mga awit ng mga idolo nila.


 

Please follow and like us:
Facebook0
Facebook
YouTube0
YouTube
Google+196
Google+
http://pinoyweekly.org/new/2017/07/pinoy-pride/
Instagram0
Follow by Email
RSS
Lucan-Tonio Villanueva

Lucan-Tonio Villanueva

Si Lukan Villanueva ay videographer at photographer ng Film Weekly, grupong multimedia ng PinoyMedia Center na gumagawa ng socially relevant at probokatibong dokumentaryong pelikula.