Edukasyong Lumad laban sa pasismo

August 27, 2017

Libreng edukasyon ang pantapat ng kabataang Lumad sa pasismo ng Estado.

Sa kasaysayan naitala ang mga abusong dinanas ng mga Lumad sa mismong ‘yutang kabilin’ (lupaing ninuno) nila. Bahagi ng kasaysayang ito—tatlong taon na sa darating na Setyembre 1—ang pagpaslang kina Emerito Samarca, Dionel Campos at Juvello Sinzo.

Si Samarca ang executive director ng Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (Alcadev). Pinaratangan siyang tagasuporta ng New People’s Army (NPA). Tagapangulo naman ng Malahutayong Pakigbisog Alang sa Sumusunod (Mapasu o “Persevering Struggle for the Next Generation”) si Campos. Pinuno naman ng Kiwagan, Bgy. San Isidro, Lianga si Datu Sinzo.

Tulad ng sinapit ng tatlo ang kuwento ni Jenky Malibato, mag-aaral ng Mindanao Interfaith Services Foundation Inc. o Misfi. Sa edad na 14, di lang saksi sa iba’t ibang klaseng pang-aagapi ng mga sundalo ang batang lumad na ito. Maging siya’y biktima rin.

Nakakagulat isiping ang dating payapang komunidad ay naging delikadong lugar para sa isang katulad ni Jenky. Tinutukan siya ng baril at binantaan ang kanyang buhay ng mga paramilitar matapos ang sabihin ng militar na iyung binili niyang bigas ay para raw sa NPA.

Pero di roon natapos ang panghaharas sa kanila. Maging ang mga kapwa nila Lumad ay ginagamit ng mga sundalo at tinatawag nila itong mga Alamara — mga katutubong inaarmasan ng mga sundalo at pinagsisilbing giya sa mga operasyong militar. Ginagamit din sila sa pagbabantay ng militar sa mga minahan, plantasyon at ibang pang hindi maka-komunidad na aktibidad at mga “proyektong pangkaunlaran” na nagtataboy sa mga katutubo sa sarili nilang lupain.

Alam ng mga Lumad tulad ni Jenky ang dahilan kung bakit sila nakararanas ng samu’t saring pang-aabuso at pananakot. “Gusto nila kaming paalisindahil gusto nilang pasukan ng pagmimina at plantasyon kasi mayayaman ang mga lupa namin at malalaki ang puno namin dahil puro virgin forest ang mga nasa amin,” aniya.

Para mapangalagaan ang lupaing ninuno at karapatan, pursigido silang mag-aral. Unti-unti nilang natutupad ang kanilang pangarap sa libreng mga paaralan tulad ng Alcadev at Misfi. “Noong bata pa ako, maski sa pre-school ako nag-aral sa [Misfi] hanggang sa high school, gustung-gusto ko na talagang maging titser,” ani Jenky.

Alam niya kasi kung para kanino ito. “Bakit gusto kong maging titser? Dahil nakita ko sa amin, na wala talaga silang pinag-aralan maski gustung-gusto nilang magaral. Sabi nga ng mga bata doon. ‘Ate Jenky, mag-aral ka nang mabuti. Bumalik ka rito, tuturuan mo kami’. Parang naiiyak ako dahil naaawa ako sa kanila.

Sabi ko, ‘Oo, tutuparin ko ang mga pangarap ko. Babalikan ko kayo talaga’. Kasi doon, gustong-gusto talaga nilang mag-aral. Kaya ako, mag-aral akong mabuti para kami babalik kami sa aming komunidad,” kuwento pa niya.

Ano pa man, alam niya rin ang kahalagahan ng edukasyon para sa kanilang mga Lumad: para hindi na sila maloko. Payo rin ito ng mga magulang ni Jenky sa kanya. Sinabi kasi sa kanya ng magulang niya, binigyan lang sila ng mga pumasok sa kanilang lugar noon ng isang sardinas at isang t-shirt, nakuha na ang apat na ektarya ng lupa. “’Yun talaga ’yung ikinuwento ng aming lolo.’ Yung matatanda noon, wala sa kanila ’yung nakapag-aral. Kaya, ayun, hindi pala nila alam na ang importante ay ang lupa. Kaya napaka-importante talaga ng libreng edukasyon sa amin para hindi kami maloko,” sabi pa ni Jenkay.

Samantala, palagay nila, sadyang tinatarget sila ng batas militar ni Pangulong Duterte sa Mindanao. Kahit wala pa ang deklarasyong ito, lantad na ang mga pang-aabuso ng mga militar sa katutubong Lumad. Samu’t sari nang pananakit at pang-aalispusta ang kanilang naranasan. Panay bakwit (evacuate) sila dahil sa militarisasyon at pang-haharas ng paramilitar. Mas umigting pa ang mga ito nang magdelara ng batas militar sa Mindanao.

Ang mga pangyayaring ito ay ang patuloy na nagtutulak sa mga tulad ni Jenky na mas mag-aral pa. Katulad ng ibang bata, sila ri’y mga batang punung-puno ng pangarap at pang-asa hindi para sa kanilang sarili kundi para sa kanilang komunidad.

Ang kanilang ‘yutang kabilin’ pa rin ang dahilan ng pang-aabuso sa kanila. Pero ito rin ang dahilan ng kanilang pakikipaglaban, kasama na rin ang kanilang patuloy na paghahanap ng edukasyon. “Pinipigilan nila kaming makapag-aral, kaming mga Lumad, upang kunin ang aming mga kayamanan sa aming lupain. Iyun talaga ang dahilan kung bakit hindi [nila] gustong makapag-aral kami,” aniya.

Alam nila na mahirap ang kanilang laban kahit sa edukasyon, lalo na at panay paratang din ang inaabot ng kanilang mga guro, o mismong silang mga Lumad ay nagagamit umano ng kanilang guro. Kinasuhan pa, kunwari ang kanilang guro, ng kidnapping. “Kinikidnap ba ‘yun ni Sir, eh 700 na bakwit (ang estudyante). Gawa-gawang kaso nila ’yan para kaming mga Lumad ay hindi makapagsalita. ’Yun talaga ’yung ginagawa nila pero hindi talaga totoo na ginagamit kami ng mga titser namin. May karapatan naman kami na magsabi ng mga nararanasan namin at sabi pa nila tinuturuan kaming magsalita. Marunong na kaming magsalita kasi nakapag-aral na kami.”

At ngayon, narito ang Lumad sa Kamaynilaan. Kasama nilang binibit ang mga panawagang paalisin ang mga militar sa kanilang komunidad lalung lalo na sa kanilang paaralan. Ngunit taliwas sa kanilang inaasahang tugon mula sa presidente, bomba ang naging kapalit ng kanilang panawagan.

Subalit kahit hindi pa man nabobomba, unti-unti at dahan-dahan nang winawasak ito ng mga sundalo at ng dapat na mismong pumoprotekta sa kanila, ang presidente.

Hindi pa man tapos ang kalbaryo ng mga batang Lumad, tila may paparating na naman. Nabalitaan ng mga Lumad, kabilang si Jenky, na magpapadala ng gobyerno ng mga sundalo at mga kawani mula sa National Commission on Indigenous People (NCIP), Department of Justice (DOJ) upang sapilitang paalisin ang mga Lumad na nagkakampo sa loob ng Unibersidad ng Pilipinas. Ang Malakanyang at ibang sangay ng gobyerno ay nagpaplanong harasin diumano silang katutubo. Maging ang UP ay ginigipit dahil sa pagkanlong nito sa mga Lumad.

Nakasaad sa Konstitusyon na ang makapag-aral ay isang karapatan. Ngunit bakit para sa mga Lumad, ito ay isang napakahirap na abuting pangarap?


May ulat nina Norielyn de Guzman at Monique Panganiban