FEATURED Kapirasong Kritika

Joke No Education


Nasa likod ng pahayag ni Diokno ang isang larawan ng neoliberalismo bilang pagkakamal ng tubo ng malalaking kapitalista mula sa dapat ay serbisyong panlipunan na dapat ay ibinibigay ng Estado.

(1) Nitong Agosto 4, pinirmahan ni Pang. Rodrigo Duterte ang panukalang batas na magpapatupad ng libreng matrikula at ibang bayarin sa mga paaralang pangkolehiyo at panteknikal-bokasyunal na pinapatakbo ng gobyerno. Labag ito sa panawagan ng mga kampeon ng mga neoliberal na patakaran sa kanyang gabinete sa pangunguna ni Budget Sec. Benjamin Diokno. Hindi rin hinintay ni Duterte na kusang maging batas ang panukala na ipinasa ng Kongreso at Senado, na siyang mangyayari kung hindi niya ito pinirmahan.

Kailangan pa ring bantayan at itulak ang pagpapatupad sa tinawag na Universal Access to Quality Tertiary Education Act hanggang sa aktwal na hindi mangolekta ng bayarin ang mga paaralan at hindi magbayad ang mga estudyante. Kailangan pa rin ang iba’t ibang pagkilos at protesta at malalaki pa nga. Pero makabuluhan na ang pagpirma rito ni Duterte.

Tagumpay ito ng sama-samang pagkilos ng mga estudyante, kabataan at sambayanang Pilipino – partikular para sa panawagang libreng edukasyon at pangkalahatan para sa mga makabuluhang reporma. Samu’t saring pagkilos at panawagan ang ginawa ng estudyante at kabataan sa pangunguna ng mga militanteng organisasyong masa at alyansa. Nitong huli, mabigat na presyur ang inabot ng rehimeng Duterte dahil sa papalakas na pagkondena ng sambayanan sa pamumuno ng Kaliwa laban sa papasahol na tunguhin nitong maka-US, maka-Kanan, at militarista lalo na pagkatapos ng krisis sa Marawi City.

Naipakita sa publiko ang pagiging makatwiran ng hakbangin. Para takutin si Duterte na huwag pirmahan ang batas at ang publiko na huwag itong suportahan, nagpalutang si Diokno ng malaking badyet na kailangan umano para maipatupad ito – P100 bilyon. Maagap naman itong kinontra ni Commissioner Prospero de Vera ng mismong Commission on Higher Education o CHED: ang kailangan lang, aniya ay P34.1 bilyon. Larawan ito ng pagtutunggalian ng mga neoliberal gaya ni Diokno sa isang banda at ng mga naliliwanagan gaya ni de Vera sa gabinete ni Duterte.

Signipikante na ipinasa ang batas kapwa ng Kongreso at Senado. Patunay ito ng matagal nang paggigiit ng mga estudyante at kabataan para sa libreng edukasyon, lalo na sa kolehiyo. Kapansin-pansin din ang kanilang pag-abot sa mga kandidato noong eleksyon at mga pulitiko pagkatapos para sa kahilingan. Sa panig nina Sen. Bam Aquino at mga sagad-sagaring “dilawan,” mga alyado ng nakaraang rehimeng Noynoy Aquino, ang layunin ay ipakitang hindi kaya ni Duterte na ibigay ang pangako nitong tunay na pagbabago, at umastang kung hindi man biktima ay bida sa harap ng mga estudyante, kabataan at sambayanan.

Ang pagpirma ni Duterte sa batas ay isang paglihis, bagamat bahagya, sa mga neoliberal na patakaran sa edukasyon at lakas-paggawa; pakikinig ito, kahit bahagya, sa panawagan ng mga estudyante, kabataan at bayan. Maikukumpara ang dogmatikong neoliberal na si Noynoy Aquino: humadlang sa panukalang batas para sa dagdag-pensyon sa Social Security System nang umabot ito sa kanyang mesa.

Maaaring tingnan ito na bahagi ng astang “populista” ni Duterte, na ayon sa isang popular na pakahulugan ay “ang paglikha ng hangganan sa pagitan ng isang ‘natin’ at isang ‘nila,’ sa pagitan ng bayan at ng mga naghahari (establishment).” Maaari ring tingnan si Duterte na pragmatikong pulitiko – napupwersang sumalubong sa mga kahilingang iginiit ng sambayanan at ng mga makabuluhang pwersang panlipunan tulad ng Kaliwa, kahit pa papalakas ang hatak ng US, mga elitista at militarista kay Duterte.

(2) Sa kanyang kampanya laban sa noo’y panukalang batas, sinabi ni Diokno: “ang edukasyong pangkolehiyo ay nagbibigay-pakinabang sa indibidwal, hindi sa lipunan.” Marami ang tumutol agad. Marami rin ang nagpigil sa pagtutol pero nahiwagaan sa ibig niyang sabihin. Hindi matanggap ng nakakarami ang sinabi, na bumabangga sa malalim na pagpapahalaga sa edukasyon, na parang sentido-kumon na sa ating lipunan.

Kaya marami ang napatanong: Saan galing iyun? Mahalagang paliwanag kung bakit nakapagsabi ng ganyan si Diokno ang pagiging propesor siya sa UP School of Economics – kilalang balwarte ng neoliberal na kaisipan at patakaran sa bansa.

Bahagi ang sinabi ni Diokno ng mga kaisipang pinapalaganap ng mga propesor ng UP School of Economics, na ang marami’y naglilingkod din sa gobyerno at malalaking korporasyon. Ang tinutumbok ng mga ideyang ito: hindi dapat subsidyuhan ng gobyerno ang edukasyong pangkolehiyo: (1) Dahil umano marami nang estudyante ng kolehiyo ang mayayaman, (2) dahil umano ang serbisyong naihahatid nang mas mabuti ng pribadong sektor ay hindi na dapat gawin ng gobyerno, (3) dahil umano hindi karapatan ang edukasyong pangkolehiyo, pero dapat suportahan ito ng gobyerno dahil marami itong idinudulot na “positibong externalities,” o hindi-sinasadyang epekto, para sa lipunan.

Pero mas pinili ni Diokno na magbigay ng pangkalahatang pahayag: “Ang edukasyong pangkolehiyo ay nagbibigay-pakinabang sa indibidwal, hindi sa lipunan.” Sa kanyang desperasyon, arogansya, o pareho, sumandig siya sa isang prinsipyong neoliberal na pinagmumukhang unibersal na batas ng lipunan ng mga katulad niyang kampeon ng mga patakarang neoliberal.

Saan nga ba nagmumula ang sinabi ni Diokno? Sa layunin, proyekto, at ideyal na larawan ng mga neoliberal: na gawing sapat na ang edukasyong pang-hayskul para makapagtrabaho, at gawing ang pagkokolehiyo ay pagsusulong na lang ng mas mataas na pag-aaral o pag-abante sa karera. Tampok na kinatawan nito ngayon ang programang K+12, na ang layunin ay maging handa nang magtrabaho ang mga gradweyt ng hayskul. Pero anong trabaho? Iyung murang lakas-paggawa para sa negosyo ng malalaking dayuhan at lokal na kapitalista.

Kasuklam-suklam itong layunin, proyekto at ideyal na larawan. Una, pagsasadlak ito sa nakakaraming estudyante at kabataan sa murang lakas-paggawa – barat ang sahod, kontraktwal, walang karapatang mag-unyon – at sa di-disenteng trabahong laganap sa bansa at siyang gustong palaganapin pa ng mga makapangyarihan. Ikalawa, nangangahulugan ito ng pagpapalaki pa ng dambuhalang pagkakahating pang-ekonomiya, kung pwedeng humiram sa historyador na si Zeus A. Salazar, sa pagitan ng mayaman at mahirap sa ating lipunan: walang aangat sa mahihirap. At ikatlo, paglilingkod ito sa interes ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal, hindi sa tunay at matagalang interes ng sambayanan para sa reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

Sa makaisang-panig na pagdidiin nito sa paghahanda sa trabaho bilang pangunahing sukatan ng “kapaki-pakinabang” na edukasyon, bangga rin ang neoliberalismong ito kahit sa mga paniniwalang liberal tungkol sa edukasyong pangkolehiyo. Sabi nga ng titulo ng artikulo ng isang administrador ng unibersidad sa US: “Hindi ka dapat ihanda ng kolehiyo para sa unang trabaho mo. Dapat ihanda ka nito para sa buhay.” At liberal na paniniwala pa lang ito, hindi pa radikal. Dahil kahandaan sa trabaho ang tangi nilang sukatan, nasasabi ni Diokno at mga neoliberal na sapat na ang hayskul, at ang kolehiyo ay para sa personal nang pag-angat – hindi kapaki-pakinabang sa lipunan.

Ang suma-tutal ng pangangatwiran ng mga neoliberal: hindi susubsidyuhan ng gobyerno ang edukasyong pangkolehiyo at magiging kalakal ito ng malalaking kapitalista. Ang pagiging karapatan ng edukasyon na sinasabi sa salita ng burges na demokrasya, sinasabotahe sa gawa ng neoliberal na kapitalismo. Ipagkakait ito sa nakakarami sa lipunan. Ang nakikinabang, paalala ng progresibong ekonomistang si Sonny Africa, ay sina Henry Sy, Lucio Tan, Jaime Zobel de Ayala, Emilio Yap, Alfonso Yuchengco, Lourdes Montinola, Ramon del Rosario, Jr., at iba pang malalaking kapitalistang tulad nila.

(3) Wala nga bang pakinabang sa lipunan ang edukasyong pangkolehiyo?

Sa kasalukuyan, ang nagtatakda ng mga kurso at priyoridad sa mga ito ay ang pangangailangan ng merkado, o ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal at panginoong maylupa. At ang pagsisikap ng huli ay ipakitang tinutugunan nila ang mga pangangailangan ng lipunan. Kaya naman malawak ang madaling pagtutol sa pahayag ni Diokno: kahit karaniwang taong nag-aral ng kolehiyo ay ipinagpapalagay na naglilingkod sa kapakanan ng lipunan ang kanyang pagtatapos ng pag-aaral at pagtatrabaho.

Pero tunay na papakinabangan ng lipunan ang edukasyong pangkolehiyo kung nakabatay ito sa mga patakarang pang-ekonomiya na maglilingkod sa interes ng nakakarami sa lipunan, hindi ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal at panginoong maylupa. Ibig sabihin, kung maglilingkod ito sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Sa pinakabatayan, malinaw na ang mga dominanteng kursong pangkolehiyo ngayon ay hindi tumutugon sa mga batayang pangangailangan natin bilang bansa: pakainin ang mga gutom, bigyang-edukasyon ang lahat, gamutin ang mga maysakit, paunlarin ang kalidad ng buhay ng mga mamamayan, itaguyod ang dignidad at soberanya ng bansa.

Martsa sa loob ng UP Diliman para igiit ang libreng matrikula at pagbasura sa mga patakarang neoliberal sa mga polisiyang pang-ekonomiya ng bansa. <b>Contribution/NUSP</b>
Martsa sa loob ng UP Diliman para igiit ang libreng matrikula at pagbasura sa mga patakarang neoliberal sa mga polisiyang pang-ekonomiya ng bansa. Contribution/NUSP

(4) Pero maaalala, sa pagbanggit ni Diokno, ang pamosong sinabi ni Margaret Thatcher, pasimuno ng neoliberalismo sa Inglatera at buong mundo: “There is no such thing as society.” Pwede kayang isalin ito na “Walang ganoong bagay, itong lipunan”? Na ayon sa pampulitikang teoristang si Corey Robin ay nangangahulugan ng pagpapahalaga sa indibidwal at pamilya, hindi sa buong lipunan.

Mas totoo si Thatcher sa diwa ng neoliberalismo kaysa kay Diokno. Sa pagtanggal ng anumang pagsuporta ng lipunan, sa pamamagitan ng Estado, sa karapatan at kagalingan ng mga mamamayan, naiiwan ang huli sa kamay ng malalaking kapitalista – nagkakarera, nagkakanya-kanya. Sa trabaho, walang pag-uunyon, kundi indibidwal na pagtatrabaho, kundi man pagkarera sa promosyon. Sa mga serbisyong panlipunan, kanya-kanyang diskarte. Sa lipunan, pagandahan ng buhay.

Kaya kakatwa: silang nagtutulak ng indibidwalismo ang may gana ngayong palabasing nagmamaaliit sa indibidwal na interes. Silang mga sumisira sa konsepto ng lipunan ang may gana ngayong magwasiwas ng lipunan kontra sa patakarang tinututulan. Hindi konsistent si Diokno at larawan ito ng pagpapatupad ng neoliberalismo sa isang lipunan kung saan makabuluhang pwersang panlipunan at talastasan ang Kaliwa – na naggigiit, halimbawa, na ang edukasyon ay hindi kalakal kundi karapatan.

(5) Nasa likod ng pahayag ni Diokno ang isang larawan ng neoliberalismo bilang pagkakamal ng tubo ng malalaking kapitalista mula sa dapat ay serbisyong panlipunan na dapat ay ibinibigay ng Estado – at ang pagsisikap na bigyang-katwiran ito gamit ang umano’y mga unibersal na prinsipyo ng Ekonomiks.

Ang totoo, kinakatawan ng neoliberalismo ang pagbuwag sa kalakaran sa edukasyong pangkolehiyo kung saan malaki ang papel ng Estado – kalakarang rumurok at naging istable pagkatapos World War II.

Sa panahong ito, mahusay ang lagay ng ekonomiya ng US at Inglatera bunsod ng gera. Mahalaga ang papel ng Estado sa rekonstruksyon ng Germany at Japan. Sangkatlo ng sangkatauhan sa Rusya at China ang nasa ilalim ng sosyalismo. Iniluwal ang tinatawag na “welfare state” sa Europa bunsod ng banta ng mga sosyalistang bansa at kilusan. Nagaganap ang dekolonisasyon sa Ikatlong Daigdig. Lahat ng ito, sa konteksto ng Cold War. At sa lahat ng ito, mahalaga ang papel ng Estado sa edukasyon.

Nagpapanggap na unibersal na prinsipyo ang neoliberalismo, gaya ng pahayag ni Diokno, pero nakaugat ito at nakatali sa isang partikular na yugto ng kasaysayan. Sa partikular, simula noong dekada 1980, kung saan bunsod ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, mas pinahigpit ng mga monopolyo-kapitalista sa buong mundo ang kontrol sa edukasyon at sa pamilihan ng lakas-paggawa.

May simula ang neoliberalismo, at sa paglakas ng paglaban ng mga estudyante, kabataan at mamamayan ng daigdig, magwawakas din ito.

05 Agosto 2017