Mula bodong hanggang pangiyak ki

August 27, 2017

Bolo sa riple, pana sa kanyon, pattong sa dambana, pinikpikan sa misa.

I. Buhay at identidad

Mayroong mga panahon na tinatanong ko ang aking sarili: “Saan ba nagmula ang buhay?” Sa isang protozoa ba na bigla na lang sumulpot sa kalawakan, sumabog, at bumuo ng buhay sa isa, dalawa, o sa milyong uniberso? Ang hirap sagutin. Eh kung ang mga tao kaya? Saan kaya galing ang mga tao: Dun din kaya sa protozoa? Sinong lumikha ng protozoa? Eh dun sa lumikha ng manlilikha nung protozoa, sino ang gumawa? Masyadong malalim.

Kung ang buhay ay nagsimula bilyong taon bago pa ang sangkatauhan, iba ang kasaysayan. Ang kasaysayan ay nagsisimula kapag ang isang sibilisasyon ay natuto nang magrekord ng kanilang karanasan bilang isang lahi, hindi lang sa pamamagitan ng mga letra o salita, maaari ring drowing o iba pang biswal na pamamaraan.

Higit pa rito, nagsisimula rin ang tinatawag na identidad. Identidad? Ano naman ang pakialam ko sa identidad? Moderno na ang mundo at mayroon na tayong tinatawag na globalisasyon. Hindi na masyadong dapat pahalagahan ang identidad. Iisa na ang mundo. Ngayon, ilang oras na lang ang kailangan mong iupo sa eroplano para makarating ka sa dulo ng mundo. Hindi ito katulad noon na tila isang siglo bago mo malibot ang daigdig. Mali-mali pa ang Google Maps nitong sila Pigafetta, Columbus at Marco Polo.

Ngayon, isang pindot mo lang sa cellphone, lalabas na ang mapa, kakalkulahin kung ilang oras ka makararating sa gusto mong puntahan, at huwag ka, kasama pa sa kalkulasyon ang bigat ng trapik. Kaya iyang identidad, wala nang kuwenta iyan sa panahon na pinagsasaluhan na ng daigdig ang kaalaman ng lahat ng tao.

II. Bayani ang sukatan

Sa pelikula ni Mike DeLeon na Bayaning 3rd World, nahagip niya ang ilang katanungan matagal na ring bumabagabag sa akin. Cross-dresser nga ba si Jose Rizal? O sadyang marupok lang talaga siya? Marupok pagdating sa paninindigan? Si Jose Rizal, ang bayaning ang tanging kahilingan ay maging probinsiya tayo ng Espanya. Hindi nga lang ito nangyari dahil paputok na nung mga panahong iyon ang sarili nilang gera sibil, at saka ano ba naman ang pakialam ng Spanish Cortes sa Pilipinas?

Mga indio lang naman ang nakatira sa Pilipinas, ayon sa bantog nilang mga manunulat. Pero ang mahalaga kong tanong ngayon: Ano ba ng pinagkaiba ni Elly Pamatong kay Jose Rizal? Kung hindi mo kilala si Elly Pamatong, siya iyung tumakbong presidente na nagsusulong na gawing probinsiya ng Estados Unidos ang Pilipinas–parang Guam o Puerto Rico. Hindi naman siguro kasi magaling tumula si Rizal, poetic naman si Pamatong sa mga talumpati niya. Wala rin kasi si Rizal ng makabayang intensiyon at diwa. Sa pagkakaalam ko, makabayan ang turing ni Pamatong sa sarili, kaya niya tayo gustong ipasailalam sa mga Kano. Alam mo iyung perverted na notion ng patriyotismo? Ay sorry, hindi ko naman ibig sabihin na si Rizal ay pervert, ay si Pamatong pala. O silang dalawa?

Ano nga ba iyung identidad. Basta ba pango ka, Pilipino ka na? Basta ba kayumanggi ka at bansot Pilipino ka na? Siguro. Pero bakit lahat ng nabanggit ko tila mga pisikal na katangiang hindi kanais-nais sa mga Pilipino? Ah oo nga pala, globalisasyon. Ano nga ba naman ang pakialam ko kung si Aling Dionisia ay gustong maging kamukha si Taylor Swift, o di kaya’y si Katy Perry? Ano ng aba naman ang karapatan kong tumutol kung gusto nung kapitbahay ko na maging Koreano, sa isip sa salita at hindi sa diwa?

Wala na akong pakialam dun, lahat ng tao sa modernong mundo ay puwedeng gawin ang gusto niyang gawin. Kaso lang, wala pa yata akong nababalitaang Amerikana na gustong saratin ang ilong at magpaitim ng balat, tulad ng sa mga Aprikano. Isipin mo nga na may kilinika para sa pagpapasarat ng ilong. Nakaktawa ‘di ba? Dok, pa nose-down (kabaligtaran ng nose-lift) naman ako para maakit ulit ang asawa ko sa akin. Wala pa rin akong narinig o nabalitaan na isang Europeong nagpabawas ng height dahil uso. Parang tayo ang nakabuntot sa kanila? Ah oo nga pala, globalisasyon, iisa na ang sangkatauhan. Eh bakit marami pa ring giyera? Akala ko ba iisa na ang sangkatauhan? Ang labo.

Isa sa mga sinusubukang burahin ng “globalisasyon” ang katutubong mga kultura at gawi. Kung sa akin lang, walang problema. Hindi naman ako kumukuha ng pagkain direkta sa gubat at hindi ko kailangang mangaso para lagyan ng pagkain ang sikmura. Hindi ko naman kailangang maggangsa upang humiling ng magandang ani. May simbahan naman kung saan ako pupuwedeng magdasal — kapag sinabi ng pari na “Upo!”, uupo ako. Kapag sabi niya, “tayo!”, tatayo. Kapag ang sabi nama’y “Luhod!”, luluhod. Kapag “Subo!”, susubo. Kapag “Alis!”, aalis. Kapag “Sunod!”, susunod.

Simple lang ang buhay, wala masyadong kumplikasyon. Kung kaya, ano naman ang pakialam ko sa katutubong kultura at gawi? Eh di mas lalong wala. Wala kasi sila lang naman ang mga taong hindi masyadong naimpluwensiyahan ng tinatawag nating “globalisasyon.” Sila iyung mga taong hindi naabot ng “sibilisasyon.” Kung kaya, hindi rin sila sang-ayon sa ating “Amerikanisasyon.” Ano ba ‘yan, ang daming -sasyon, -sasyon. Kunsumisyon! Makukunsumi ka nalang talaga kung susubukan mong intindihin ang epekto ng tinatawag nating globalisasyon sa mga taong hindi nasakop ng mga dayuhan — iyung mga lumaban nang mata sa mata, ngipin sa ngipin noong tangkaing lupigin ang kanilang sibilisasyon.

Sila lang naman ‘yung mga taong hindi naka-Nike, Adidas o Vans, dahil bahag at tubaw ang kanilang accessories, mga kasuotang may malalim na kahulugan sa kanilang kultura’t kamalayan. Sila ‘yung mga headhunter na nagtarak ng ulo ng mga prayle sa sibat nang tangkain nilang palitan ang sistema ng paniniwala nila sa bathala, bulol at babaylan. Sila ‘yung mga taong tunay na may respeto sa kalikasan at yaman ng bansa, na hanggang ngayo’y kanilang pinatutunayan, mula kay Panday Pira, hanggang kay Macliing Dulag. Sila ‘yung mga taong nagsabuhay ng mga katagang isinulat na lang natin noong wala na ang mga mananakop: “Sa manlulupig, hindi ka pasisiil.”

III. Hindi kailanman naging iisa

Kaya’t kung sakaling magtaka ka kung saan ka papunta, kung sakaling mapag-aksayahan ng oras at magdesisyong gugulan ng panahon ang iyong identidad, kung sakaling mapagod sa paghahanap sa loob ng kuwadradong sulok ng nagtatayugang mga gusali kung sino ka ba talaga, bumalik sana sa umpisa, sumagi sana sa isip si Macliing Dulag at at Bai Bibyaon Ligkayan Bigkay, at doon, maliwanag na ang ating lahi ay hindi kalianman naging iisa: Mayroong mga yumuko at nagpaka-pasasa sa mga suhol ng mga dayuhan upang malupig ang karamihan, at mayroong mga tumangis ngunit lumaban, ngipin sa ngipin, mata sa mata, bolo sa riple, pana sa kanyon, pattong sa dambana, pinikpikan sa misa.

Kaya’t kung sakaling magtaka ka, balikan ang iyong pinagmulan. ‘Di tulad nating lahat, laging hubad ang katotohanan.


Featured image: Mga larawan mula sa kaliwa hanggang kanan ay galing sa Cordillera, Tarlac, Bukidnon. (Lucan-Tonio Villanueva)
Lucan-Tonio Villanueva

Lucan-Tonio Villanueva

Si Lukan Villanueva ay videographer at photographer ng Film Weekly, grupong multimedia ng PinoyMedia Center na gumagawa ng socially relevant at probokatibong dokumentaryong pelikula.