Rebyu

Pagkilala sa nawala

August 27, 2017

Dalawang pelikula sa Cinemalaya na matalas na repleksiyon ng lipunang Pilipino—sa panahon ng
rehimeng Duterte.

Kung sa mga hinala umiikot ang isang sagot, paano malalaman ang katotohanan?

Walang nakitang katawan. Walang gustong umamin. Wala ring pruweba. Mga agam-agam na pinasiklab ng emosyon. Ganito inilarawan ng Nabubulok, sa direksiyon ni Sonny Calvento, ang krimeng hindi na bago sa mata ng masang Pilipino. Pero hindi lang ito mula sa malikot na imahinasyon ng bagong direktor. Ang Nabubulok ay isang artistikong pagsasabuhay sa isang totoong pangyayari.

Nasaan si Luna? Ito ang tanong na gagambala sa mga manonood. Sa Nabubulok, tatangayin tayo ng pirapirasong ispekulasyon ng mga taong nakapaligid sa kinatitirikang bahay ng pamilyang Harper. Tulad ni Luna (isang Pinay) at Jayson Harper (Amerikanong expat), hindi mapagkakaila na normal na ang kultura ng pag-aasawa ng dayuhan noon at ngayon na hinulma ng malakolonyang pananakop sa Pilipinas. Dito maninirahan ang mag-asawa at tatawaging Fil-Am ang mga anak. Hindi na rin kataka-taka sa sariling bansa ay binabayaran bilang kasambahay si Ingrid (Gina Alajar) ng pinsan niyang si Luna na nakapangasawa ng Kano. Isang umaga, magtataka si Ingrid sa kakaibang kilos ni Jayson. Samantala, may umaalingasaw na amoy sa kanilang lote.

Nasa likod ng kuwento ang kontekstong panlipunan ngayon: halimbawa, ang mga pahayag ni Presidente Duterte hinggil sa pagputol ng di-pantay na ugnayan sa gobyerno ng Amerika.

Makikita sa pelikula na mismong naaagrabyado ang gagawa ng hakbang para makuha ang hustisya. Sa madaling sabi, ang Nabubulok ay may tinatanganang responsabilidad sa manonood na ilarawan ang inhustisya sa isang kaso ng pagkawala at isang suspetsa ng pagpatay. Sa pelikulang ito, pangkaraniwan ang krimen. Para sa mga pulis, isa na namang kaso ito. Isa na namang tsismis. Isa na namang nawawala. Isa na namang napatay. Isa na namang inhustisya.

Prominente sa pelikula ang aral na hindi dapat mamanhid ang lipunan sa mga krimen na pang-araw-araw na nagaganap dito.

Pagsundo sa anak

Kasali sa hanay ng Shorts Film B (Maiikling Pelikula) sa 13th Cinemalaya ang pelikulang Nakauwi Na.

Umiikot ito sa paghahanap ng mga paraan ng isang ama na makaipon ng sapat na salapi upang tuluyang mailabas sa punenarya ang anak niyang pinatay. Tinatalakay ng kuwento kung paano mababago ng isang pagkakamali ang buhay ng pamilya.

Hindi sumunod sa kumbensiyunal na naratibo ang pelikula. Hindi ito sumunod sa tradisyunal na simula, gitna at konklusyon. Binasag nito ang nakasanayang pormula sa paggawa ng mga pelikula sa pamamaraang nagsimula ang kuwento sa katapusan. Si Mang Jerry, ang ama, ay nasa punenarya upang dalawin ang bangkay ng kanyang anak na kakatapos pa lang ng Engineering sa kolehiyo. Nakatitig lang siya sa bangkay na balot ng puting kumot. Hindi siya nagsasalita.

Sa pagbabalik-tanaw, tuluyang untiunting nabuo ang kuwento. Nagbabalik ang mga alaala ni Mang Jerry na kasama ang anak. Naging epektibo ang transition ng pangyayari sa kasalukuyan papunta sa nakaraan upang maipakita ang ugnayan ng mga ito sa kuwento. Sa paglabas ng bawat eksena, unti-unting nabuo ang maliliit na piraso ng naratibo. Bukod pa dito, nakadagdag din ang mabisang pagsasabuhay ng mga mga pangunahing tauhan sa loob ng pelikula.

Naipakita sa Nakauwi Na ang isa sa pinakamalaking problema ng maralitang Pilipino na walang kalaban-laban sa sistemang walang pakialam sa kanila. Kinatawan ni Mang Jerry ang libu-libong kaanak ng mga biktima ng giyera kontra droga ng gobyerno: pinagkaitan ng hustisya at tinalikuran ng pamahalaan. Sa huli, kahit na di mo pa mawari kung bakit, kahit hindi mo maunawaan o ginugumon ka ng lungkot, galit at poot: Tulad ni Mang Jerry, kailangang mong magpatuloy sa paglaban.