Katutubong kahulugan ng ‘kaunlaran’

September 10, 2017

Noon at ngayon, nakikibaka para sa lupaing ninuno ang mga Aeta ng Gitnang Luzon. Bahagi ng serye ng mga istorya ng PW kaalinsabay ng Lakbayan ng Pambansang Minorya.

Panahon na ba para ilabas muli ang mga pana’t itak?

Nariyan muli ang mga magnanakaw, ang mga dayuhang nagpapakilalang may-ari ng lupa sa bisa ng kapirasong papel. Para sa mga Aeta ng Gitnang Luzon, di naman tumigil ang digmaan laban sa mga dayuhang mang-aagaw ng kanilang kabuhayan, tirahan at kinabukasan.

Bagamat nasira na ang ilan sa kabundukang nasa ancestral domain ng mga Aeta, malaki pa rin ang hindi nagagalaw. Target itong pasukan ng nagpapakilalang “development projects.”

Ang “Clark Green City” na ngayo’y nagpalit-tawag na “New Clark City” ang isa sa mga proyektong pumapasok sa lupang katutubo at nanganganib na magpalayas sa higit 20,000 katutubo’t magsasaka sa Tarlac.

“Sa amin, pag-aari ng buong tribo ang mga bundok, ang mga lupa. Dito [sa siyudad], ang daming guhit, puro bakod, gusto lahat pag-aari niya,” ani Johnny Basilio, lider ng mga Abelling at pangkalahatang kalihim ng Aeta Tribal Association. Kasama sa Lakbayan ng Pambansang Minorya ang kanilang tribo.

Aniya, hindi bago ang problemang dala ng Clark Green City na kakain ng halos 10,000-ektaryang lupaing katutubo.

Noong 1947, hindi lubos ang pagpayag ng katutubo sa paggamit nito bilang base militar ng mga Amerikano sa bisa ng Military Bases Agreement. Taong 1991, nang mapaso ang kasunduang ito, binuo ni dating Pang. Corazon Aquino ang Bases Conversion Development Authority (BCDA) para mapanatili sa gobyerno ang kontrol sa mga lupain. Sa administrasyong Benigno Aquino III, naganap ang pirmahan para sa Clark Green City sa ilalim ng iskemang Public-Private Partnership.

Sari-saring paglabag sa karapatang pantao ang naidulot ng proyekto. Ang masama, ipinagpatuloy ni Pangulong Duterte ang planong Clark Green City na minadaling pirmahan ni Aquino III bago matapos ang termino niya.

Ayon kay dating Agrarian Reform Sec. Rafael “Ka Paeng” Mariano, produktibong lupain ang gustong “paunlarin” ng Clark Green City. Nagluluwal ng pagkain ang 10,000-ektaryang lupaing agrikultural na gustong ikumbert ng proyekto.

Maliban sa Clark Green City, nariyan rin ang banta ng pagtatayo ng Balog-Balog Dam sa lupain ng Aeta. Pinalayas ang katutubo nang walang relokasyon. Ang iba, sa gilid ng bangin pinalipat.

Dagdag ni Boranza Solid, ang lider ng mga Aeta sa Zambales, malaki ang nasira ng development projects ng mga negosyante sa lugar.

“Ang problema naming diyan, mayro’ng nakulong na tubig—‘yung pinagbabanlawan ng ginto. Nagkaroon ng kemikal na hindi puwedeng inumin ng kalabaw, at kung may sugat kang maliit, palaki ng palaki ang sugat mo,” ani Solid.

Ang tinutukoy ni Solid na minahan sa San Marcelino’y pinagtulungang proyekto ng Benguet Corp. at Dizon Copper and Silver Mines Inc. na kamakailan lang ay kinastigo ni dating Environment Sec. Gina Lopez dahil sa open pit na iniwan nito sa lugar.

“Hanggang ngayon, naglalaga pa naman ng hilaw na saging ang katutubo at nakabahag pa rin. Walang yumaman na katutubo bagamat napakarami ng lumabas na ginto sa kanyang lugar,” ayon kay Solid.

Ito ang ayaw ng katutubo—ang “madamot na kaunlaran” na gustong ipasok ng mga negosyante sa kanilang lupain. Sisirain ng madamot na kaunlarang ito ang kabundukang nakukumutan ng kagubatang humalukipkip sa kanilang matandang kultura.

Ang katutubong kahulugan ng “kaunlaran” ay sama-samang pag-unlad at hindi lamang para sa iilan.


 

Marjo Malubay

Marjo Malubay

Marjo Malubay is our youngest Pinoy Weekly reporter. A former staffer of The Catalyst, Polytechnic University of the Philippines' campus paper, Marjo currently studies journalism at the same university.