Kapirasong Kritika

Papel na tigre ang rehimeng Duterte

September 16, 2017

Malupit ang husga ng kasaysayan sa mga rehimeng taksil at mapang-api sa mga mamamayan.

Magkakasunod ang eskandalong bumabayo sa gobyerno ni Rodrigo Duterte. Kaliwa’t kanan din ang mga krimen nito sa sambayanan. Sa ganitong kalagayan, may mga nagtatanong: Popular pa ba si Duterte sa mga mamamayan? Kung oo, bakit?

Sa kanyang artikulong“The Duterte dispensation,” sinikap ng komentaristang si Lisandro “Leloy” Claudio na sagutin ang mga tanong na ito. Bakit nananatiling mataas ang popularidad ni Duterte sang-ayon sa mga survey? Binagabag ng tanong na ito si Claudio, dating lider-kabataan ng Akbayan, ngayo’y lantad na maka-Kanan, at konsistent na anti-Komunista.

Aniya, popular si Duterte dahil naghapag ito ng makapangyarihang “dispensasyon,” “naratibo,” o “kwento.” Halaw ang unang salita sa konserbatibong historyador na Amerikanong si Mark Lilla. Sa isang panayam, sinabi ni Lilla na tinutukoy ng salita ang “partikular na mga palagay (assumptions) tungkol sa kung ano ang mahalaga sa pulitika – ano ang pwedeng sabihin, ano ang hindi sinasabi, ano ang wika ng mga debate…” Ang totoo, hindi na bago ang konsepto, at may kahawig na matagal nang tinatalakay ang Amerikanong liberal-progresibong pilosopo na si George Lakoff.

Anu’t anuman, popular daw si Duterte ayon kay Claudio dahil binabago nito “kung ano ang ibig sabihin ng mamamayang Pilipino.” Ang kwento raw nito: pinagmukhang masama ng mga naghaharing uri ang diktadura, pinalabas na demokrasya ang solusyon, pero hindi gumana ang demokrasyang ito. Mali ang mga oligarko, biased na midya, mga Amerikano, at mga liberal. Tanging karaniwang tao at si Duterte ang tama, at kailangang tulungan si Tatay Digong.

Tila ipinagpapalagay ni Claudio na nanalong pangulo si Duterte sa eleksyon dahil sa naturang “dispensasyon.” Pero hindi niya naipaliwanag kung bakit naging makapangyarihan ang “dispensasyon” na ito. Tiyak, iniiwasan niyang kilalanin ang anumang totoo sa kwento ni Duterte, partikular ang pagiging palpak ng “demokrasya” sa bansa na magdulot ng pagbabagong pabor sa mga mamamayan. Pero mas mahalaga, kapos ang pag-unawa niya sa aktwal na takbo ng pulitika.

Sa kalakhan, ideyalista sa pilosopiya ang paliwanag ni Claudio kung bakit popular si Duterte. Gumawa ng dispensasyon o kwento at maging popular sa mga mamamayan; tila ba ganoon kadali ang pulitika. Pabor ang paliwanag na ito sa mga intelektwal na tulad niya, dahil inilalagay nito sila sa gitna ng pulitika ng bansa.

Tugma rin ang ganitong paliwanag sa pagkamuhi ni Claudio sa Kaliwa – na siniraan niya sa artikulo. Aniya, ang Kaliwa lang ang may alternatibang “dispensasyon” kay Duterte, pero dapat itong ibasura ng mga mamamayan. Walang anumang ebidensya, sinabi niyang ang alternatiba ng Kaliwa ay lipas na sa panahon, uhaw sa dugo, lantarang bobo, at iba pa.

Tutol man si Claudio kay Duterte, ang ideyalismong pilosopikal niya sa kasaysayan ay naglilingkod sa mga naghahari sa lipunan. Isinasantabi nito ang materyal na reyalidad ng sambayanan at ang tunggalian ng mga uri at mga pwersang pampulitika. Sa dulo, binabanatan pa nito ang Kaliwa – na siyang lilikha, sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos nito, ng materyal na pwersa na lalaban at magbabagsak sa rehimen ni Duterte.

Mas lapat sa lupa at maalam sa pulitika ang pag-unawa ng mga manunuring pampulitika na kritikal kay Duterte at bukas ang pag-iisip sa Kaliwa. Si Tony La Viña, halimbawa: “Ikinagagalak ko ang pagpasok ng pambansa-demokratikong Kaliwa sa koalisyong ito para itigil ang pamamaslang. Ang totoo, sa mga grupong pampulitika, sila lang ang may mga organisasyong masa na pwedeng maging nasa unahan ng mga protesta at iba pang sama-samang pagkilos.”

Duterte at mga opisyal ng Philippine National Police: Dapat managot sa mga abuso sa ilalim ng giyera kontra droga. Presidential Communications

Kilalanin natin: popular, popular pa rin, sa mga mamamayan si Duterte. Pero bakit? Kung matatandaan, hindi malakas na nagsimula si Duterte bilang kandidatong presidente. Abril 2016 na siya nanguna sa mga survey, isang buwan bago ang halalan. Ang mayroon siya sa simula, lalong malinaw na ngayon, ay solidong alyansa – kasama ang mga Marcos, si Gloria Macapagal-Arroyo, isang hanay sa militar at pulisya, at malamang ay China.

Pinalaki niya ang pinsala at panganib ng droga at nangako ng mapagpasyang paglutas. Matapang siyang nangako ng mga repormang matagal nang hinihingi ng maralita at mamamayan – bagay na kumabig din sa isang seksyon ng Kaliwa. Pinag-iba niya ang sarili hindi lang sa mga kandidato ng Liberal Party, kundi sa mga tradisyunal na pulitiko. Ang lahat ng ito, ipinakete niyang “Tunay na Pagbabago.”

Sa proseso, lumakas ang kanyang kampanya at nakuha niya ang botong protesta laban sa rehimen ni Noynoy Aquino. May solido siyang alyansa at may hatak na mas malawak sa alyansang ito. Dumating ang Mayo 09 nang papalakas ang suporta sa kanya. Pero 38 porsyento lang ng boto sa pangulo ang nakuha niya – mas malaki na bilang kumpara sa ibang pangulo, pero mas maliit na porsyento kumpara sa kanila.

Tiyak, pagkatapos niyang manalo sa eleksyon, marami pang sumuporta sa kanya. Kalakaran ito, likha ng diskurso ng “demokrasya” ng US at mga naghaharing uri sa bansa: awtomatikong pagsuporta sa sino man ang nanalo, pagpapailalim sa mayorya, pagbibigay-tsansa sa nanalo, pagkakaisa ng bansa para sumulong. Makikita ito nang mahalal si Noynoy Aquino, kahit ang pangako lang niya ay anti-katiwalian at hindi mga sosyo-ekonomikong reporma.

Pero mas malamang, malaking bahagi ng tagasuporta ni Duterte ang pasibo. Iyung napapayapa ng mga simplistikong paliwanag ng mga propagandista ni Duterte sa iba’t ibang isyu: halimbawa, na pulis na dilawan ang pumatay kay Kian delos Santos para “isabotahe” ang gera kontra-droga at idiin si Duterte.

Minimal ang nakamit sa pagsisikap na itransporma ang pasibong suportang ito sa aktibong pagsuporta, sa porma ng tinawag na “Kilusan para sa Pagbabago.” Pero nabuo man ito o hindi, ang tiyak, ang mga mapanuring tagasuporta ni Duterte – iyung mga tumangan sa pangako niyang “Tunay na Pagbabago” at nangampanya sa batayan nito – ay kritikal na rin ngayon sa kanya, at posibleng tumutuligsa. Mas malamang, masasandigan sila para himukin ang kanilang mga ka-DDS na maging mas mapanuri, magpahayag at lumaban.

Ang mahalaga ngayon: matibay ang mga isyu laban kay Duterte. Ang mahalaga ay ang mga abanteng masa – handang magpalalim ng kaalaman sa mga isyu, handang kumilos. Hanggang makabuo ng kritikal na bilang ng masa para labanan ang mga patakaran ni Duterte – at posibleng para patalsikin siya.

Kung matatandaan, hindi mayorya ng sambayanan ang nasa Edsa noong 1986 at 2001, pero nakapagpatalsik ng pangulo. Ang dahilan: batayang moral sa pagpapatalsik, at kritikal na bilang ng masa ng mamamayan na tuluy-tuloy na kumilos laban sa nakaupong pangulo ng bansa.

At alam ito ni Duterte. Ang tugon niya, bukod sa pagtatangkang linlangin ang malawak na masa, ay ang paglikha ng mga banta sa iba’t ibang pwersang pampulitika sa banta. Mga kasong impeachment, banta, aktwal na atake, pagmumura, at iba pa.

Hindi awtomatiko, gaya ng inaasahan ni Claudio, na ang mga mayor na eskandalo ay makakapagpababa ng popularidad ng pangulo – lalo na kung bago pa lang sa pwesto. Mas ang tiyak: nakakapagbukas ang mga ito ng kaisipan ng malawak na masa ng sambayanan.

Walang tagumpay na hindi pinaghirapan, at lumalarga na ang mas malaganap na pagpapaliwanag, pagtatalakay at pag-oorganisa – sa pangunguna ng Kaliwa, syempre pa.

Noong simula ng rehimen ni Duterte, malinaw ang tindig at pagkilos ng Kaliwa. Itinulak ang mga pangakong pagbabago para sa sambayanan, tinutulan ang pamamaslang sa “gera kontra-droga,” at nilabanan ang pagpabor sa masasamang pwersang pampulitika sa bansa – Marcos, Arroyo – at ang pagpapailalim sa China.

Sa tinakbo ng mga pangyayari, gayunman, tinalikuran ni Duterte ang mga pangakong pagbabago, pinaigting ang pamamaslang sa “gera kontra-droga,” at tinodo ang pagpabor sa masasamang pwersang pampulitika.

Malinaw na priyoridad niya ang “gera kontra-droga.” Sa paggamit ng dahas sa kampanyang ito, lalo niyang pinalalim ang utang na loob niya sa militar at pulisya. Sa gayon, pinalalim niya ang kontrol ng mga ito sa kanya – mga institusyong sagad-sagaring maka-US, reaksyunaryo at militarista, na kalaban ng mga ipinangako niyang pagbabago.

Sa kabilang banda, kalat-kalat na sabi-sabi at bara-barang hakbangin ang mga pangako niyang pagbabago. Malinaw na wala siyang plano kung paano ipapatupad ang mga ito – mahusay na pagkakasunud-sunod, pagtukoy sa susing hakbangin, at iba pa. Lalong malinaw na walang planong papalalim ang mga pagbabagong ito.

Sa ganitong kalagayan, kinailangan lang ng krisis sa Marawi para maging lantad ang pangingibabaw ng naratibo ng US laban sa terorismo, itali ang gobyerno ni Duterte sa pakikialam ng US, at manumbalik sa kalakarang Noynoy ang gobyerno kaugnay ng US at militar at pulisya.

Prinsipyado samakatwid ang pagtuligsa ng Kaliwa kay Duterte, at nakabatay sa kagalingan ng sambayanang Pilipino. Na hindi masasabi tungkol sa Liberal Party at Akbayan, sa mga dilawan. Ang galit nila kay Duterte, iyung galit ng nawala sa kapangyarihan at gustong makabalik. Ang pakay nila, sariling interes sa kapangyarihan, sa paghawak sa gobyerno, hindi ang mapatigil ang kawalang-katarungan at pagpapahirap na ginagawa sa sambayanan.

Kaya naman ang tanging isyu ng mga Dilawan, iyung pinakalutang: pamamaslang sa gera kontra-droga at pagpabor sa mga Marcos. Malinaw ang pagsaludo ni Claudio, halimbawa, sa mga opisyal sa larangang pang-ekonomiya ng gobyerno ni Duterte.

Kakatwang basahin si Duterte bilang teorya ng pagkuha ng kapangyarihan. Sa kampanyang elektoral at kagyat pagkatapos ng eleksyon, magmantine ng alyansa at hikayatin ang suporta ng mga mamamayan. Pagkatapos ng eleksyon, maghari hindi sa pagtupad sa mga pangakong umani ng suporta ng mga mamamayan kundi sa pamamagitan ng dahas – pag-aalaga sa pulisya at militar – habang minamantine ang pasibong pagsuporta ng mga mamamayan.

Maaaring baguhin nang bahagya ang isang sipi mula sa talumpati sa panunumpa ni John F. Kennedy bilang pangulo ng US: Ang namumuno sa pamamagitan ng pagsakay sa likod ng tigre ay magtatapos sa loob ng tiyan nito.

Kung mayroon mang persepsyon na pumapabor kay Duterte, sa kabila ng mga krimen niya, ay iyung hindi niya ginagawa ang mga ito para sa sariling pakinabang. Pinapalabas pa ngang nagsasakripisyo, tinatanggap ang pagiging hindi ligtas, sa ngayon at sa hinaharap, para mapawi ang perwisyo ng droga sa bansa.

Pero mahalaga ang buhay at masama ang pumatay nang walang karampatang proseso, lalo na ng mga maralita. Sa “gera kontra-droga,” ipinapakita ni Duterte ang kawalan ng kagyat na pagpapahalaga sa buhay. Sa mga patakarang pang-ekonomiya niya, ipinapakita niya ang kawalan ng pagpapahalaga sa buhay sa matagalan – mahigpit na magkaugnay ito. Kaya nga mahalaga ring igiit na ang “gera kontra-droga” ay nakatuntong, sa maraming paraan, sa mga patakarang pang-ekonomiyang matagal nang ipinapatupad sa bansa.

10 Setyembre 2017

 

Teo S. Marasigan

Teo S. Marasigan

Si Teo S. Marasigan ay isang kolumnista na tumatalakay sa progesibong pulitika at popular na kultura.