FEATURED

Para sa lupa, para sa kaunlaran


Narito muli sila, ang mga katutubo at Moro, naglalakbayan sa Maynila para ipagtanggol ang lupaing ninuno at kinabukasan ng sambayanang Pilipino.

Mayaman ang Pilipinas. Bagamat marami-rami na ring likas na yaman ng bansa ang nadambong ng mga imperyalista at kumprador, kalakhan pa rin ng yaman ng bansa ay nasa pusod ng mga kabundukan.

Sa listahan ng “pinaka-“ ay hindi pahuhuli ang Perlas ng Silangan: isa ang Pilipinas sa pangunahing prodyuser ng ginto, nickel, at tanso sa daigdig. Angkop din ang lupa para sa agrikultura kung kaya maraming plantasyon ng prutas pang-eksport gaya ng saging, pinya, at mangga. Dahil naman sa posisyon ng Pilipinas sa mundo, malaki ang nalilikhang enerhiya ng mga dam na kadalasang isinusuplay sa mga minahan na nasa kabundukan.

Hindi nakakagulat na dumaraming dambuhalang dayuhang korporasyon ang gustong sumasawsaw sa yaman ng mga kabundukan ng Pilipinas. Naibunyag ito kamakailan ng dating kalihim ng Department of Environment and Natural Resources na si Regina “Gina” Lopez. Sunud-sunod niyang ipinasara ang malalaking minahan na aniya’y di rumerespeto sa kabuhayan at kalusugan ng mga mamamayang nakatira sa palibot ng kanilang mga istruktura.

Pero bago pa man ang crackdown ni Lopez sa iresponsableng mga minahan, nariyan na ang pambansang minoryang binubuo ng mga katutubo’t Moro na aktibong lumalaban sa mga mapaminsalang gawain ng mga kompanya sa kanilang mga lupain. Ang mga pandarambong na ito’y nagbunga ng malakas na pagtutol ng mga mamamayang nakatira sa palibot ng mga dam, minahan, at plantasyon.

Nitong nakaraang mga taon, naglulunsad ang mga grupo ng pambansang minorya ng Lakbayan mula sa kanilang mga lupain patungo sa Maynila para ipaalam sa mga kapwa Pilipino ang mga nangyayari sa kanilang lugar na kadalasa’y hindi naaabot ng midya.

Laban sa ganid

Malaki ang kontribusyon ng malakas na paglaban ng mga katutubo’t Moro sa pagpoprotekta ng kalikasan. Napipigilan ng mga ito ang agresibong pagkaubos ng yamang-mineral ng bansa na hindi naman napapakinabangan ng mga Pilipino.

Sa tala ng Mines and Geosciences Bureau, kalakhan ng 311,000-ektaryang nasasakupan ng mga minahan sa Mindanao na aabot sa P313-Bilyon ang halaga ng yamang mineral ay nasa loob ng lupang ninuno ng mga Lumad. Gayumpaman, hindi ang katutubo ang nakikinabang sa mga yamang nabubungkal dito. Pinatunayan ito ng tala ng MGB: Nakapagbungkal ang malalaking minahan sa bansa ng yamang-mineral na aabot sa 1.7-Trilyon ang halaga pero P1.6T ng kabuuang halaga nito ang napunta sa mga dayuhang mamumuhunan.

Sa kabila nito, mga katutubo at magsasaka ang magdurusa sa masamang epekto ng malawakan at komersiyal na pagmimina. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit aktibo ang Kalumaran, organisasyon ng mga Lumad sa Mindanao, sa Lakbayan noon at ngayong taon.

“Noon pa ang laban namin sa pagpasok ng dambuhalang minahan. Patuloy na expansion ng monocrop plantation, dahil ito yung direktang kumuha ng aming lupaing ninuno. Para sa amin, ang lupa ay buhay. ‘Pag kinuha na ng mina, kinuha na ng dam yung lupa namin, kinuha na rin nila yung buhay namin,” ani Dulphing Ogan, kinatawan ng mga Lumad sa alyansa ng pambansang minorya na Sandugo.

Kasama ng mga Lumad sa Sandugo ang mga Aeta na ikinakampanya ang pagpapatigil sa itinatayong Clark Green City at Balog-Balog Dam na mag-aalis umano sa libu-libong katutubo at magsasaka sa kanilang tirahan at sakahan.

Sa Timog na bahagi ng bansa, malakas din ang pagtutol ng Sandugo sa malalaking plantasyon ng prutas na ineeksport sa ibang bansa gaya ng Lapanday Foods Corp., sagingan sa Davao del Norte. Mabagsik ang mga kemikal na ginagamit sa mga pinya, saging, at palm oil kaya walang peste ang nakakadapo dito, pero dinudumihan ng labis na kemikal ang lupa at dumadaloy sa mga ilog pagkatapos ng ulan. Nagkakasakit ang mga nagsasaka sa paligid ng mga plantasyon at nadadamay sa mapaminsalang kemikal ang mga tanim nila.

Pagtatanghal ng mga Lumad sa salubungan ng iba't ibang delegado ng Lakbayan. <b>Cindy Aquino</b>
Pagtatanghal ng mga Lumad sa salubungan ng iba’t ibang delegado ng Lakbayan. Cindy Aquino

Laban sa pasismo

Itinuturing din na malaking problema ng mga katutubo’t Moro ang pagpapatupad ng batas militar sa Mindanao.

“Patuloy ang aming panawagan na itigil na itong martial law sa Mindanao. Bukod sa wala itong sapat na dahilan, gumagrabe ang militarisasyon sa aming lugar,” ani Ogan.

Hindi maganda ang karanasan ng Lumad sa mga militar, ayon kay Ogan. Nagsilbi itong mga “tagapagtanggol” ng mga minahang gusting pumasok sa kanilang lugar maski pa hindi nila pinahihintulutan ang mga ito.

Pinalala rin umano ng batas militar ang aerial bombing sa lupaing Lumad bagamat dati na silang binobomba ng Armed Forces of the Philippines (AFP), hindi pa si Duterte ang nakaupong presidente. Ikinababahala rin umano nila ang kawalan nila ng seguridad sa kamay ng mga military dahil sa labis na kapangyarihang ibinibigay ng batas militar sa AFP.

“Aakyat sila sa bahay mo, magtatanim ng ebidensiya, o maghahanap ng kung ano doon, hindi ka na makakuwestiyon. Kung masalita ang lumad, sasabihin ng militar, ‘martial law (kasi).’ Tumahimik ang Lumad, natatakot,” ani Ogan. Kamakailan lang, inutusan ni Duterte ang AFP na bombahin ang mga paaralang Lumad na itinayo ng mga katutubo ng walang tulong ng gobyerno.

Para sa kaunlaran

Madalas na pinagbibintangang “kontra-kaunlaran” ang mga katutubo dahil sa pagtutol nila sa mga “proyektong pangkaunlaran” na pumapasok sa kanilang lupain. Pero ayon kay Ogan, ang mga mapaminsalang mga proyekto lamang na hindi naman pakikinabangan ng mga Pilipino ang tinututulan nila.

Giit ng mga katutubo, hindi sila kontra sa kaunlaran—basta pakikinabangan ito ng mayorya ng mga Pilipino. Katunayan, pabor ang Sandugo sa pagpapatupad ng pambansang industriyalisasyon. Nais umano nilang masiguro na Pilipino ang pangunahing makikinabang sa kayamanan ng bansa.

Malaki ang potensiyal ng Pilipinas na umunlad kung gagamitin nito ng tama ang mga likas na yaman ng bansa. Sapat ang populasyon ng bansa para matutustusan ang pangangailangan sa lakas-paggawa. Pero dahil wala naman tayong batayang mga industriya na paglalagakan sa kanila, napipilitan silang mangibang-bansa. Ang mga mineral namang nabubungkal sa lupain ng Pilipinas, sa halip na gamitin sa loob ng bansa, lumalabas at bulsa ng malalaking dayuhang kapitalista ang nakikinabang.

Palaging sinasabi ni Pangulong Duterte na ayaw niya sa mapanirang pagmimina. Pero pinatutupad pa rin niya ang mga polisiyang pag-akit sa dayuhang pamumuhunan bilang pamamaraan ng “kaunlaran” sa halip na itulak ang pambansang industriyalisasyon. Para sa Sandugo, hindi rin sapat ang gusto ni Duterte na patawan lang ng mas malaking buwis ang malalaking minahan. Napakaliit na bagay umano ng buwis kumpara sa nagiging epekto nito sa kabuhayan at kapakanan ng mga mamamayan.

Nauunawaan ng mga katutubo sa Sandugo ang malaking pangangailangan ng bansa sa aspektong ito kung kaya bitbit nila ang interes ng sambayanan sa bawat Lakbayan taun-taon.

“Likas-yaman ito ng Pilipinas. Para ito sa mga Pilipino. Magtayo tayo ng sarili nating industriya para magkaroon tayo ng tunay na kaunlaran at magkaroon ng trabaho ang mga Pilipino,” pagtatapos ni Ogan.