Komentaryo

Ang paglalantad kay Duterte

October 12, 2017

Simula pa lang ng pagkakahiwalay sa mga mamamayan ng pasistang rehimeng ito.

Unti-unti, nawawaldas na ang puhunan ni Pangulong Duterte sa pulitika. Nitong nakaraang buwan, nabawasan nang 18 puntos ang kanyang performance rating sa sarbey ng Social Weather Stations (SWS). Matapos ito ng sunud-sunod na pagpatay sa ilalim ng giyera kontra droga, lalo na sa hanay ng mga menor-de-edad.

Hudyat na ba ito ng pagtuluy-tuloy na paglalantad at pagkakahiwalay ni Duterte sa mayorya ng mga mamamayang sumuporta sa kanya noong nakaraang halalan at umasa sa pagtupad ng kanyang mga pagbabago sa pulitika at ekonomiya ng bansa?

Maaari. Ang malinaw sa ngayon, signipikante ang pagbagsak ng ratings ni Duterte at resulta ito ng malinaw na pagtarget sa mahihirap ng kanyang giyera kontra droga. Isama pa rito ang kawalan ng katapusan ng pambobomba at paggiyera ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Marawi City na nagdulot ng pagkabiktima ng daan-daanlibong mamamayang Moro (hindi pa kasama ang mga biktima ng batas militar sa Mindanao).

Pero ang may pinakamalaking epekto? Siyempre, ang kawalan ng tunay na pagbabago sa pulitika at ekonomiya ng bansa. Ramdam na ramdam ito sa patuloy na pagtaas ng batayang mga bilihin, pangunahin ng presyo ng langis, at pati na rin ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng kuryente at tubig nitong nakaraang mga buwan.

Nasaan ang political will ni Duterte para protektahan ang mga mamamayan, sa pamamagitan ng pagkontrol sa presyo o pag-imbestiga sa mga pagtaas na ito? Nasaan ang pagbabago sa pagpapanatili ng polisiya ng kawalan ng kontrol sa mga serbisyong ito? Kung talagang matapang siya at may puso sa sambayanan, gumawa na sana siya ng mapagpasyang mga hakbang para ilihis ang direksiyon ng mga pulisiya ng bansa tungo sa mas mahigpit na kontrol ng gobyerno sa batayang mga serbisyo tulad ng kuryente, tubig at langis.

Pero hindi natin ito nakikita sa kanya. Sa halip, nariyan ang Oplan Tokhang, na lumalamon sa dumaraming bilang ng mga mamamayan, lalo na ng kabataan. Nariyan ang tila pangangayupapa niya sa mga militarista sa gabinete, lalo na kay Defense Sec. Delfin Lorenzana (na inamin mismo ni Duterte na ahente ng US sa loob ng gabinete niya). Patuloy ang pagtindi ng pasismo sa ilalim ng kanyang rehimen, mula sa giyera kontra droga hanggang sa pananalakay, gamit ang pagbomba at iba pang mapanirang paraan, sa mga komunidad ng mga magsasaka at katutubo na binabansagan ng AFP na “simpatetiko” sa rebolusyonaryong New People’s Army o NPA.

Sa kalunsuran, tumitindi rin ang atake. Nabalita kamakailan ang tumitinding presensiya ng Philippine National Police sa ilang malalaking pamantasan (Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas o PUP at Unibersidad ng Pilipinas-Diliman) na may malakas na kilusang kabataan. Nariyan din mga balita ng paniniktik at panghaharas sa ilang mga lider-kabataan, sa PUP at De La Salle University. Pati mga pahayagang pangkampus, tulad ng sa The Sentinel ng Lyceum of the Philippines University at The Catalyst ng PUP, may mga ulat ng panghaharas at pagsasara.

Kamakailan, mukhang inilalatag na rin ng rehimeng Duterte ang mga institusyon na gagamitin nito para atakehin ang pambansang mga lider-progresibo. Tinatag nito kamakailan ang Interagency Legal Action Committee na siyang magsasampa umano ng mga kaso laban sa mga kritiko ng gobyerno. Katulad ito ng Inter-Agency Legal Action Group o Ialag ni dating Pangulong Arroyo, na nagsampa ng gawa-gawang mga kaso sa mga aktibista, kabilang ang mga kinatawan ng progresibong mga party-list sa Kamara.

Sa kalagayan ng tumitinding pasismo ang pagbaba ng kanyang popularidad. Sa kabila nito, nakokonsolida ni Duterte ang mga naghaharing uri, ang “oligarkiyang” sinasabi niya dati na kinamumuhian niya. Sa SWS sarbey, tumaas nang isang porsiyento ang rating niya sa “ABC Classes”, o mga nakaaangat sa lipunan. Tuwang tuwa rin ang oligarkiya sa pag-abandona ni Duterte sa pagbasura sa kontraktuwalisasyon, pagtalikod sa pangakong dagdag-sahod, pagtalaga sa pabor-sa-malawakang-pagmimina na si Hen. Roy Cimatu bilang kinatawan sa Department of Environment and National Resources, at iba pa. Sa tunggalian ng mga uri, malinaw na pumapanig na si Duterte sa iilang naghahari at nagsasamantala.

Ang tungkulin ng mga mamamayan ngayon: palawakin ang pagkakaisa para labanan ang tumitinding pasismo at mga polisiyang kontra-mamamayan ng rehimeng Duterte.


 

Priscilla Pamintuan

Priscilla Pamintuan

Priscilla Pamintuan is a part-time cultural and political writer and fulltime film buff.