FEATURED Kapirasong Kritika

Hindi Hinihingi ang Respeto


Rebyu sa pelikulang Respeto, dinirehe ni Treb Monteras II.

Klasiko ang “Gangsta’s Paradise,” kanta ng rapper na si Coolio na lumabas noong 1995. Pumapatungkol ito sa kahirapan, krimen at karahasan na kinapapalooban ng mga Negro o Aprikano-Amerikano sa US. Pamilyar sa marami ang umpisa nito: “As I walk through the valley of the shadow of death, I take a look at my life…

Sa rehimen ni Rodrigo Duterte, parang naglalakad ang mga maralita, at buong bayan, sa “valley of the shadow of death” na sinasabi ni Coolio. Tulad ng mga Aprikano-Amerikano, sangkot sa sitwasyon natin sa kahirapan, krimen at karahasan. Ginegera ang sambayanan sa tatlong pangalan: “droga,” “teroristang Muslim,” at “Komunista.”

At bilang bansa, nagsisikap tayong gayahin ang persona sa kanta: “I take a look at my life.” Ang pelikulang Respeto na idinirehe ni Treb Monteras II at lumabas ngayong taon ang unang resultang pelikula ng ganitong pagsuri sa ating buhay.

Ang rapper na si Abra (kaliwa) bilang Hendrix, at si Kate Alejandrino na gumanap sa karakter na si Candy.
Ang rapper na si Abra (kaliwa) bilang Hendrix, at si Kate Alejandrino na gumanap sa karakter na si Candy.

Nakasentro ang pelikula kay Hendrix, maralitang kabataan na mahilig mag-rap. Ipinakita ng pelikula ang buhay niya: palamunin ng bayaw niyang tulak ng droga na walang ginawa kundi makipagtalik sa kapatid ni “Drix.” Nagmahal ng isang prostitute. Ilang ulit nautusang maghatid ng droga. Nagnakaw, nahuli ng pulis, bumarkada, nangulit, nakipagkulitan, nabugbog. Dalawang beses sumali sa fliptop; ang ambisyon talaga ay manalo sa labanan ng rap.

Pangalawang tampok na karakter si Doc, matandang may pinag-aralan at, malalaman natin sa pelikula, pinagdadaanan. Lalabas na aktibista siya bago ang deklarasyon ni Ferdinand Marcos ng Batas Militar. Biktima siya ng tortyur at pandarahas, kasama ang asawa’t anak. Dati siyang makata, sa tradisyong Balagtasan, na tumigil magsulat dahil sa sinapit na kalupitan.

Sa pamamagitan nila, nailarawan ang pandarahas noong panahon ng diktadurang Marcos at ngayong panahon ng rehimeng Duterte – at ang kanilang ugnayan. Walang gatol ang pelikula: sine ito sa panahon ng Tokhang, ng pagpatay sa mahihirap, ng panunumbalik ng mga Marcos sa kapangyarihan, at ng paghahari ni Duterte. Ito ang laman ng telebisyon at radyo, at lalo na ng mga kalsada at komunidad sa gabi – sa kasong ito, sa Pandacan, Maynila.

Sa pamamagitan nina Drix at Doc, naipakita ang dalawang tradisyon ng pagtula sa labas ng mga paaralan sa dalawang panahon at ang pag-uugnayan ng mga ito. Mahalagang ipaalala: may panahon sa bansa na naging uso ang Balagtasan, tulad ng fliptop – humahatak ng maraming manonood at umaakit ng maraming nag-aambisyong maging makata.

Pansin ng komentaristang si Inday Espina-Varona, “Ginagamit ni Duterte ang mga salita na parang maso (sledgehammer)” sa layuning “patahimikin ang mga kritiko.” Si Duterte, ang fliptop at ang Balagtasan – lahat nagpapakita ng kapangyarihan ng salita, lalo na’t nakatutok sa kalaban. Pero sa ngayon, malinaw kung sino ang may salitang makapangyarihan. Makakatulong kaya sa paglaban sa kanya ang fliptop? Eh ang Balagtasan?

Dilat na dilat ang pelikula sa reyalidad ng pananalasa ng droga sa mga maralitang komunidad. Makikita ito sa buhay ni Hendrix – sa bayaw at kapatid niya, mga barkada, mga kapitbahay, at maging sa babaeng minahal niya.

Pero ang kakaiba at matapang sa pelikula, ipinakita nitong ang maliliit na tulak, iyung nasa mga kalsada, ay kasabwat ng mga pulis. Panis! Ang totoo, isang sistema na tamang tawaging “bulok!” at batbat ng krisis.

Ayon sa pelikula, ang pagpatay sa maliliit na tulak at adik, at mga pinaghihinalaan, ay paglilinis na ginagawa ng pulisya – tinatanggal ang mga hindi nakakabenta nang sapat, hindi nag-eentrega nang lahat, o pwedeng sumatsat at magsiwalat.

Sa isang banda, paliwanag din ito ni Duterte at ng kanyang mga troll at tagapagtanggol. Bakit maraming pinapatay na pinaghihinalaang tulak at adik? Naglilinis ang mga sindikato! Sa kabilang banda, kung kasabwat ang pulisya – na siyang mas malamang na katotohanan! – nakakalusot ang makapangyarihan at hindi matatapos ang problema sa pamamagitan ng pagpatay.

Ang pulis sa pelikula ay anak ni Doc. Sa kagyat, palaisipan ito: Bagamat hindi siya saksi, alam niya ang pagtortyur sa kanyang ama at paggahasa sa kanyang ina, at alam niya na kaya nagpakamatay ang kanyang ina ay dahil sa karanasang ito.

Hindi misteryo ito, at lalong malinaw ngayon. May mga biktima ng karahasan ng Estado na galit dito, at naninindigang magalit dito – gaya ni Doc. Mayroon namang mga biktima nito na hindi nakikitang biktima sila nito, humahanga pa nga rito, at katunaya’y ginugustong maging instrumento nito – tulad ng anak niya. Hindi lahat ng pulis ay ganoon, bagamat mayroon. At hindi sa pulis lang ito totoo.

Hindi romantiko ang paglalarawan ng pelikula sa kahirapan. Maaamoy mo ang baho ng estero sa araw at ang simoy ng tahimik na kalsada sa gabi. Ipinakita ang pagtutulungan ng barkada at ang kalupitan ng karibal na barkada. Ang pambubrusko at pagmamahalan sa pamilya. Kung paanong kapwa may ginto at basura sa dominanteng kultura ng masa. Ang kakayahan ng masa na mapangwasak at mapagbuo.

Pero sa lahat ng ito, ipinakita ang mahihirap bilang mga tao – humihinga, may damdamin, nakakasakit oo pero nasasaktan din. At maraming masakit sa kanila sa pelikulang ito – na ipinaramdam sa manonood. Kakatwa, pero nagawa ng pelikula ang lahat nang ito sa paraang mas nagpapakita ng tibay, kulit at gaslaw ng mahihirap. Astig!

Likhang-sining ito na sumusugat sa pagkamanhid na dulot ng paulit-ulit nang balita ng pagpatay, saan pinatay, paano pinatay, saan itinapon at iba pa.

Napakahusay ng pelikula sa pagbuhay ng damdamin ng manonood. Kapani-paniwala ang mga nagsipagganap, buhay na buhay ang tunog at larawan ng mga eksena. Maraming bahagi ang nagpapatindig ng balahibo: ang kwento ng buhay ni Doc, mga labanang fliptop, pagmamahal ni Hendrix at nangyari sa kanyang minahal, pagmumulto ng nakaraan ni Doc. At ang dulo. Syempre pa, ang dulo! Bang! Ganoon kalakas!

Buong panahon, hahangarin mong manalo si Hendrix sa fliptop. Pero magtatagumpay pala siya hindi sa pagpapakawala ng dahas ng pagbigkas, kundi sa pagbigkas ng dahas.

Rap battles sa pelikulang 'Respeto'.
Rap battles sa pelikulang ‘Respeto’.

Ibinubuyo ng katapusan ang sentimyentong naglalabasan ngayon: na dapat talagang “manlaban” ang mahihirap, mag-armas sa mga komunidad, at barilin din ang mga pulis o mga tauhan nila na walang-awang dumudukot at pumapatay, at nananambang ng mahihirap.

Ipinapaalala nito ang karanasang pinaghalawan ng hip-hop at marami pang bahagi ng kulturang popular sa ating bansa – ang mga Aprikano-Amerikano. Oktubre 1966, itinatag sa Oakland, California ang Black Panther Party for Self-Defense. Armadong grupo ito ng mga Negro na ang layunin: ipagtanggol ang kanilang mga komunidad laban sa rasistang pandarahas at pamamaslang ng mga Puti.

Ibayong dumi at karahasan ang pinawalan ng gobyerno ng Amerikkka laban sa Black Panthers hanggang sa madurog ito. Bukod pa diyan, mulat na ipinasok ang droga sa grupo para pahinain ang diwang palaban nito. Hinati at pinag-away-away ang mga Aprikano-Amerikano sa pamamagitan ng mga gang.

Hanggang sa ang mga baril na gamit laban sa mga puti, itinutok na rin ng mga Negro sa kanilang kalahi. Kakatwa, pero droga at gangs ang laging ibinibida ng dominanteng rap – kaiba sa progresibong rap! – ng mga Aprikano-Amerikano. Kahit ang “Gangsta’s Paradise” ni Coolio, nagtapos sa kawalan ng pag-asa, na hindi kayang wakasan ang marahas na kalakarang rasista.

Pero totoo ang ngitngit, ang galit na nararamdaman ng maraming maralita at kahit hindi maralita sa pagpatay sa mahihirap sa bansa – pinaghihinalaan mang adik o tulak, o Lumad sa Mindanao o magsasaka sa kanayunan. Wala namang nangyari sa ibinidang pangakong pagbabago, kaya sumasahol na ang lagay ng mga Pilipino’y may dagdag pang pandarahas ngayon.

May mga nag-iisip na dapat manlaban nang armado ang mga maralita sa loob ng mga komunidad sa mga lungsod o karatig-bayan. Maaari. Pero ang may mahabang karanasan ng armadong paglaban sa bansa ay nasa kanayunan – ang New People’s Army o NPA. Hindi matalu-talo dahil nasa mga lugar kung saan pinakamahina ang militar at gobyerno.

At sasabihin siguro ng NPA: hindi personal na galit lang, kundi poot ng buong sambayanan. Hindi personal na paghihiganti, kundi paghahanap ng katarungan para sa bayan. Hindi pagpatay sa isa, iilan o maraming pulis; “I shot the sheriff,” awit ni Bob Marley, “but I did not shoot the deputy” kaya laging may papalit. Kundi pagbago sa sistema na sabay na naglululong sa mahihirap sa droga, krimen at karalitaan, at todong nandadahas sa kanila.

Kung may kahinaan man ang pelikula, patungkol iyan sa kapani-paniwalang pagtatahi ng kwento. Pero tila hindi ito alintana ng maraming nagpapabaha ng todong papuri. Kung tutuusin nga naman, napakaliit lang ng kahinaan ng napakagaling at napakatapang na pelikulang ito.

Marami na ang nagbigay ng pakahulugan sa titulo nito. Sabi ni Mao Zedong, rebolusyunaryong Tsino, “ang kapangyarihang pampulitika ay nagmumula sa dulo ng baril.” Siguro, ganoon din ang respeto para sa mahihirap – hindi hinihingi, kundi nakakamit lang kapag gamit ang armas laban sa mga naghahari. May panahong hindi na lang tatakbo para tumakas ang mahihirap na inaapi at dinadahas.

Panoorin ang Respeto! Nagpapaalab ng paglaban na parang baril na nakatutok sa mga naghahari at gobyerno.

02 Oktubre 2017