Kalayaan sa pamamahayag sa Lyceum, nasa bingit

October 12, 2017

Una sa mistulang sistematikong atake sa karapatan sa pamamahayag pangkampus sa buong bansa ang ginagawang pag-atake sa The Sentinel sa Lyceum.

Kinondena ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) ang panggigipit at nakaambang pagpapasara sa pahayagang pangkampus ng Lyceum of the Philippines University-Manila (LPU-Manila) at iba pang kaso ng atake sa kalayaan sa pamamahayag at demokratikong karapatan.

Naglunsad ng kilos-protesta sa harap ng LPU-Manila noong Oktubre 6 na binansagang “Black Friday Protest” sa pangunguna ng CEGP at The LPU Independent Sentinel kasama ang mga mag-aaral ng LPU-Manila at iba pang pahayagang pangkampus sa Kamaynilaan upang igiit na ibalik ang pahayagan.

Ayon sa ulat ng Sentinel, naging sunud-sunod ang panggigipit sa pahayagan ng administrasyon mula Abril 2017 nang ‘di nagsagawa at patuloy na inantala ng Students Affairs Office (SAO) ang editorial examination. Napag-alaman din ng mga natirang kasapi ng publikasyon noong Hulyo na hindi naningil ng student publication fee ang pamantasan para sa unang semestre.

Ang ‘di paniningil ng student publication fee ay isang paraan ng mga admistrasyon ng paaralan upang patahimikin o kaya tuluyang ipasara ang mga progresibo at kritikal na pahayagang pangkampus sa bansa ayon sa CEGP.

Bagong publikasyon?

Unang napabalita ang tuluyang ipapasara ang Sentinel at magkakaroon ng Student Page sa LPU Tower, magasin ng administrasyon.
‘Di kalaunan ay nag-anunsyo ng isang “qualifying examination” ang administrasyon sa para sa “student publication” na itinakda sa Oktubre 4 ngunit hindi malinaw kung ang publikasyong tinutukoy ay ang Sentinel.

Ang mga hakbang na ito ay bahagi diumano ng planong “reorganization” upang direktang patnubayan ng SAO ang publikasyon. Iginiit ng Sentinel na ito’y labag sa konstitusyon at editorial autonomy ng pahayagan.

Disgusto sa social media

Umani ng malawak na disgusto at kritisismo sa social media mula sa mga mag-aaral ang pagtatangkang ito ng administrasyon na magtayo ng isang pahayagang kontrolado nito. Bumuhos ang suporta ng mga mag-aaral ng LPU-Manila, alumni ng Sentinel, at iba pang pahayagang pangkampus at organisasyon sa loob at labas ng unibersidad sa kalagayan ng Sentinel.

Naglabas din ng mga pahayag ng pagsuporta ang Lyceum Central Student Government (LYCESGO), mga lokal na student government, organisasyon at partido ng pamantasan sa kabila ng pagpigil at pananakot ng administrasyon sa mga lider-estudyante.

Hindi itinuloy ang pagsusulit dahil na rin sa panawagang i-boycott ang “qualifying examination” noong Oktubre 4 at imbis ay napilitang makipagdiyalogo si SAO Dean Jayson Barlan sa Sentinel kasama ang CEGP, LYCESGO at iba pang organisasyon sa pamantasan matapos ang ilang beses na ‘di pagbibigay-pansin ng administrasyon sa pagpapaabot ng pahayagan na makipag-usap dahil pinal na diumano ang kanilang pasya na baguhin ang Sentinel.

Patuloy na pagbabantay

Nagpagkasunduan sa pag-uusap ng SAO at Sentinel na itutuloy ang editorial examination sa Oktubre 17 at sinigurado ni Barlan na hindi sasagka sa kalayaan sa pamamahayag ang mga imumungkahing pagbabago sa konstitusyon at pamamalakad ng publikasyon.

Naglatag ang Sentinel ng mga demanda nito sa administrasyon kabilang ang pagbabalik ng student publication fee sa lalong madaling panahon.

Samantala, itinanggi ni Barlan na siya ang nagrekomenda sa pamunuan ng LPU-Manila sa pagpapasailalim ng Sentinel sa SAO ngunit taliwas naman ang naunang pahayag ni Vice President for Academic Affairs Conrado Iñigo Jr. noong Setyembre na si Barlan nagbukas ng planong “revamp” ng pahayagan.

Nananatili namang mapagbantay ang Sentinel at mga tagasuporta ng nito sa mga hakbang ng administrasyon.


 

Marc Lino Abila

Marc Lino Abila

Marc Lino J. Abila was national president of the College Editors Guild of the Philippines. He studied Journalism at the Lyceum of the Philippines University.