Eyewitness

Kay Guiller

October 13, 2017

Ilang pakikipagtagpo ng manunulat kay Guiller Cadano, martir ng pakikibakang Pilipino.

Guiller Cadano. Isa ka sa nahuli, kasama ni Gerald Salonga sa Carranglan, Nueva Ecija, noong 2014. Dalawa kayong kabataan na nagsaliksik tungkol sa epekto ng mga proyektong nakakasira sa kalikasan at kabuhayan ng mga magsasaka nang hulihin kayo.

Bagaman madalasa akong nagsusulat tungkol sa mga isyu ng kabataan, hindi kita direktang nakasalimuha. Dalawang beses lang kita nakita’t nakausap. Dalawang beses kong tinangka na magsulat tungkol sa iyo, sa inyo ni Gearry.

Hindi kita nakilala nang husto, Guilly. Sa tanda ko, ilang beses lang tayo nagkita upang magkausap tungkol sa iyong naging pakikisalimuha sa tao, sa iyong pakikibaka, sa iyong buhay.

Dalawang beses akong nabigo. Paumanhiin.

 

* * *

Ang una, nang dumalaw kami sa iyo sa Nueva Ecija Provincial Jail sa Cabanatuan.

Nakita kitang naghahabi ng mga basket. Ibinaba ng matipuno mong mga braso ang ginagawa mo at nakangiti mo kaming sinalubong kami ng aking karelasyon na tumayong isa sa mga abogado ninyo ni Gearry, kasama ng ilan pang nagbigay ng suplay ng pagkain at bigas.

Inaasahan kong payat ka, tulad ng mga nakita ko sa litrato. Pero parang iba ang postura mo. Mas nagkalaman ka.

Kuwento mo, mas mabuti na sa Cabanatuan kaysa sa maliit na selda sa San Jose City Bureau of Jail Management and Penology. “Ipinalipat kami dito ng atorni namin kasi nalaman niya na hindi na maganda ang trato sa amin sa San Jose. Ginigipit kami doon. Kahit yung dalaw namin,” sabi mo.  Sa Cabanatuan, nakakapagtanim kayo ng gulay. Dagdag-pagkain din ito. Maaliwalas ang paligid, hindi gaano mainit. Pero hindi naman talaga maiiwasan na hindi uminit sa loob ng mga selda sa tag-araw.

Kinuwento mo ang inyong sinapit.

Dinampot kayo ni Gearry ng mga elemento ng 3rd Infantry Battalion ng Philippine Army sa Brgy. R.T Padilla, sa Carranglan. Doon kayo nagsagawa ng pagsasaliksik sa isang komunidad ukol sa Dalton Pass East Alignment Road Project. Bubutas ito sa bundok ng Nueva Ecija at Nueva Viscaya para gumawa ng pribadong kalsada. Pinasok ng militar ang komunidad. May hinahanap silang mga tao at baril. Sinilip ang kubo kung nasan kang nagpapagaling. Nilalagnat ka noon dahil sa malalang pigsa mo. Umalis sila, ngunit bumalik din.

“Pinadapa kami. Tapos may narinig akong babae na nagsabing ‘O, wala ba? Damputin na ninyo’yang dalawa na yan,” alala mo sa pag-huli sa inyo ni Geary noong araw na iyon. Itinali ang inyong kamay sa likod.  Pinalabas ka. Nakita ni Lola Valentina, maybahay ng tinuluyan mong kubo, kung paano ka kaladkarin palabas ng kubo, at inapakan pa ng militar ang iyong pigsa.

Sinampahan kayo ng kasong illegal possession ng firearm and explosives.

Sa pagkakakulong mo, kinuwento mo sa amin na salitan ang iyong ama at ina sa pagdalaw. Mahal ang pamasahe. May sakit pa ang iyong ina. Ngunit, oo, alam nila ang iyong adhikain.

Napakasuwerte mong anak, na naunawaan nang lubos ng magulang kung ano ang iyong tinatahak. “Hindi naman ako kriminal. Hindi kami kriminal,” sabi mo sa kanila. Oo, may halo nang personal mong adbokasiya ang ginawa ninyong pagsasaliksik sa matabang lupa ng Carranglan. Nagmamalasakit ka sa mga magsasakang maapektuhan ng proyektong kalsada.

Inalam mo, ninyo, kung ano ang magiging epekto nito sa mga magsasaka na naroon.

Nagpaalam ka matapos ang ilan pang pakikipagkuwentuhan sa iba pang dumalaw. “Salamat talaga at dumalaw kayo. Sana, dalas-dalasan ninyo,” sabi mo sa amin. Nakangiti ka. Pero dama ko na may halong lungkot. Malungkot nga naman sa tulad mo na makulong at isama sa ibang mga kriminal. Malungkot rin nga naman na hindi mo maituloy ang iyong adbokasiya.

Itinuloy mo na ang iyong paghahabi ng basket sa aming paglisan. “Kailangang maka-quota,” sabi mo. Tinignan ko ang nakasalansan na basket. Mahusay ang pagkakagawa. Export quality pa nga. Pero tulad ng paggawa mo ng mga basket na ito, pinagsasamantalahan ka pa rin. Kapiranggot lamang ang makukuha mo sa kita mula rito, sabi mo.

Sa paglabas namin, tinignan ko ang pader ng kulungan. Isip ko, hindi nito kayang kulungin nang habambuhay ang iyong adhikain.

Ibinulong ko na lang sa hangin, makakalaya rin kayo ni Gearry. At magkikita ulit tayo. Tatag lang, mehn. Nangako akong isusulat ko ang tungkol sa inyo.

Bida sa Balita: Guiller Cadano. Dibuho ni <b>Renan Ortiz</b>

Bida sa Balita: Guiller Cadano. Dibuho ni Renan Ortiz

* * *

Ang ikalawa, sa isang masayang yugto, noong lumaya ka.

Disyembre 2016 nang ipawalang-bisa ang mga kaso laban sa inyo ni Gearry.

Masaya ang lahat. Siyempre, isa ka sa masaya, dahil ibinasura na sa wakas ang mga gawa-gawang kaso na ipinataw sa inyo ni Geary. Ngayon, makakasalimuha mo na ang pamilya mo, ang mga brod mo sa kapatiran, ang iyong karelasyon.

May pabaon akong honeydew noon nang magkita tayo sa apartment ng isa mong brod sa fraternity. Pinagsaluhan natin iyon kasama ang ilang inumin. Puwede palang pulutan ang honeydew. Maraming kuwento, maraming tanong tungkol sa naging karanasan mo sa kulungan.

Marami ring kuru-kuro. May iba’t ibang pananaw tungkol sa ginagawa mo. May iba pa namang pamamaraan para makamit ang pagbabago sa lipunan. “Puwede naman at totoo naman iyan,” sagot mo, “(pero) nasa ilalim dapat ng iisang prinsipyo.”

Napangiti mo ako. “Paglingkuran ang sambayanan” — iyan ang prinsipyong karga ng iyong fraternity. May iba-iba talagang paraan ang mga brod mo. Pero ikaw, malinaw ang prinsipyo: direktang paglingkuran ang inaaping sambayanan sa kanayunan.

Binalatan mo ang honeydew. Kinuwento mo pa ang ilan sa mga karanasan mo sa kulungan. Pero malaon, lumutang pa rin ang tanong: Ano na ang gagawin mo ngayong lumaya ka? Maraming offer ng trabaho ang mga brod mong abugado. “Pag-iisipan ko,” sabi mo. “Sa ngayon, pahinga muna para makasama ko ang pamilya ko.”

Pero naibulong mo rin na magtutuloy ka sa iyong ipinaglalaban. Hindi ko alam kung may kurot na dumampi sa puso ko. Pero alam ko naman na sa mga tulad mong buo na ang pasya sa napiling adbokasiya, hindi na dapat pagtakhan ang ganitong pahayag.

Isip ko, maligaya ang Pasko sa lahat ng mga naghirap at tumulong sa inyong paglaya ni Gearry. Masaya na rin ang Pasko ng magulang mo, at kayo ng karelasyon mo. Siguro magkikita pa ulit tayo. Tutal, may bagong pangulo, may bagong pakikipagsapalaran na naman ang hanay ng kabataan.

Sa ikalawang pagkakataon, hindi na naman ako nakapagsulat tungkol sa iyo.

* * *

Ang ikatlo, maulan.

Nagising ako sa umaga ng Pambansang Araw ng Protesta noong Setyembre 21. “Beh, si Guilly,” ang mensahe ng karelasyon ko, kasama ang isang link ng balita. May napaulat na siyam na nasawi sa Carranglan.

Pasulpot-sulpot ang impormasyon tungkol dito. Kalaunan, naipirmi na ang impormasyon.

Isa ka sa nasawi.

Hindi ako makapaniwala. Hindi ko maisip paano ka napunta roon. Isang liham ang ipinakita ng isa mong brod; noong Mayo mo lang ito sinulat. Sinabi mo ritong bumalik ka na pala sa iyong gawain at nangungumusta ka sa lahat.

Dama ko ang lungkot noong gabing iyon. Parang lahat, kahit hindi mo naging kaeskuwela sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) sa Clark, Pampanga, may kuwentong personal tungkol sa iyo. Maaaring ganyan ka nga kagiliw na tao sa mga taong nakasalimuha mo at may baon silang alaala mo.

Inilabas ng iyong ama, si Tatay Amado, si Tatay Boy, ang iyong bangkay sa punerarya. Naranasan niya ang pananakod, ang intimidasyon ng militar bago tuluyang pumayag na ilabas ang iyong bangkay.

Sa lamay mo, tinabunan ng maraming papuri ang lungkot sa iyong pagkasawi. Ikaw na nga daw, Guilly, ang matalino. Mataas na papuring cum laude ang natanggap mo sa UP. Ikaw na ang maaalahanin, hindi mo nakalimutang magpadala ng liham sa mga kaibigan mo para mangumusta at ipaalam ang iyong kalagayan.

Pero mahalaga, ikaw na ang mabuting anak. Naorganisa mo ang iyong magulang, at nakita nila kung ano talaga ang tinatahak mo sa buhay. Kuwento nga ng iyong Tatay Boy, tinanong ka niya kung ano na ang balak mo, kung magtatrabaho ka na ba. Sagot mo sa kanya, “Ito na po ang aking adbokasiya.” At naintindihan ito ng iyong magulang.

Siyempre, masakit kay Tatay Boy at Nanay Marita na mawalan ng anak. Lalo pa’t ikaw ang kanilang unico hijo. Biruin mo, hinintay nila ang walong taon bago ka naging ikaw. Pero ewan ko kung bakit parang sumisiksik ang isang tula ni Khalil Gibran habang tinitignan ko ang iyong ataul, at pinapakinggan ang mga kuwento ng iyong mga magulang.

Sa libing mo, ilan huling eksena ang nasaksihan ko. Sabi ng iyong kasintahang si Briliant, “Babawi tayo, Guiller.” Sumunod, marahang tinapik ni Tatay Boy ang iyong ataul. At sa harap ng iyong ina, kanyang mahal na anak at kasama, taas-kamao niyang isinigaw: “Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!”

Unti-unti nang ibinaba ang iyong ataul sa hukay. Hindi pa rin tumitila ang ilan. Nakaupo na rin ang iyong magulang. Sa ngayon, makakapagpahinga na sila. Pero batid ko, magpapatuloy sila. Si Bril, sa hanay ng kabataan. Si Tatay Boy, sa nabuo niyang paglahok sa pakikibaka — na nagmula sa iyo.

Hindi matatapos ang pagkilos sa pagkamatay mo.

At sa pagkakataong ito, Guilly, hindi na kita bibiguin. Nakapagsulat na ako.


 

Darius Galang

Darius Galang

Darius Galang covers migrant and women's issues for Pinoy Weekly, while also working as a graphic artist and photographer. He one of PW's long-time editorial staff and was a product of Manila Collegian of the University of the Philippines-Manila campus.