Sining at rebolusyon
Umusbong at ganap na napamalas ang pagkamalikhain ng mga artista dahil nabigyan sila ng tungkulin sa rebolusyon.
May malaking ambag ang sining sa rebolusyong Bolshevik.
Sa isang banda, binago ng rebolusyon ang pagtingin at pagtangkilik sa sining. Sa kabilang banda, nakatulong naman ito sa pagpapalaganap ng mga kaisipan, plano, at tunguhin ng rebolusyon.
Sa panahon ng pag-usbong ng kapitalismo sa Rusya bago ang rebolusyong Oktubre, unti-unting lumakas ang kilusang modernista sa sining. Ibig sabihin, nahimok ang mga artista na mag-eksperimento sa mga likhang sining. Pagdating ng 1913, sumikat ang mga gawa ni Kazimir Malevich at ang kilusang suprematista. Nang magtagumpay ang rebolusyon noong 1917, nalangkapan ng rebolusyonaryong mensahe ang sining na ito.
Bumilis ang radikal na pagbabago sa kultura’t sining pagtungtong ng Oktubre 1917. Hindi na para sa burges at aristokrata ang sining, ito na’y para sa mga manggagawa, magsasaka, at iba pang aping sambayanan. Isinabansa ang mga museo, at ang Estado ng mga manggagawa ang siyang parokyano ng mga likhang-sining.
Nagkaroon ng silbing “agit-prop” (ahitasyon at propaganda) ang mga pinta, musika, teatro, at sine. Sinikap na iugat ito sa kongkretong karanasan ng ordinaryong tao. Ani Vladimir Mayakovsky, “ang mga kalsada ang ating brotsa (brushes), ang mga parke (squares) ang ating paleta (palette).” Pinintahan ng mga alagad ng sining ang mga tren at bangka, at gumawa ng mga karatula upang maging daluyan ng propaganda. Sa mga kalsada naman nagtanghal ang mga teatro at musikero, o kaya’y nagbukas sa masa ng mga tanghalan.
Pinakamahusay na ehemplo nito ang pagsasadula ng Storming of the Winter Palace. Dinirehe ni Nikolai Everinov at dinisenyo ni Yuri Annenkov, nilahukan ito ng 125 mananayaw sa ballet, 100 sirkero, 1,750 supernumeraries at estudyante, 200 kaabaihan, 260 aktor, at 150 assistant. Bukod sa mga tangke at armored cars, pinalamutian ang Winter Palace ng naglalakihang karatula, at ginamit ang mga sirena ng mga pagawaan at arc lights.
Sa ilalim naman ng panawagang “sining sa mga produksiyon,” nagsimula ang mga alagad ng sining na pumunta sa mga pagawaan para lumikha ng mga likhang umaangkop sa hinihiling na mga materyal at porma ng sining ng bagong kaayusang panlipunan.
Halimbawa nito ang mga likhang textiles nina Lyubov Sergeyevna Popova at Varvara Stepanova, dalawang kababaihan na nasa estilong constructivist. Maaaninag sa mga disenyo nila ang pagkilos ng kuryente, ang mga gulong ng tren at traktora, ang pag-inog ng elesi ng helikopter, at iba pa.
Kalaunan, naging pangunahing porma na sa mga likhang sining sa panahon ni Joseph Stalin ang tinaguriang “sosyalistang reyalismo.” Ito ang reyalistikong pagsasalarawan ng sining sa pagtatag ng sosyalistang lipunan sa Rusya – mula sa reporma sa lupa at industriyalisasyon tungo sa pagpapatibay ng “diktadura ng proletaryado” o diktadura ng nakararami (na mga manggagawa). Isinalarawan din ng sosyalistang reyalismo ang pakikibakang kontra-imperyalista, mula sa paglaban nina V.I. Lenin sa natitirang burges na mga puwersa (na sinuportahan ng 14 imperyalistang bansa) hanggang sa paglaban sa pananakop ng Nazi Germany sa ilalim ni Adolf Hitler.
Kaya naman tinumbok sa First All-Russian Congress ng Proletkult noong Oktubre 1920 na mismong ang proletaryado dapat ang pangunahing pokus ng paglilikha ng sining. Dapat ding nagagabayan ng makauring pakikibaka ang sining para makaambag sa pagpapabagsak ng burgesya, pagpawi sa mga uri at pagpawi sa lahat ng porma ng pagsasamantala ng tao sa tao.
Mas pinalalim pa ni Mao Zedong sa China ang teorya at praktika ng proletaryadong kultura sa kanyang mga talumpati sa Yenan Forum noong 1942.