Ang Mandayang pintor ng katutubo’t kalikasan

November 8, 2017

Alamin ang personal na mga karanasan ni boyD na nagluwal sa kanyang makulay, mayaman at matalas na mga obrang alay sa bayan.

Mandaya ang katawagan sa mga naniniwala sa espiritu ng mga buhay na bagay sa kapaligiran. Bagani naman ang tawag sa lider ng mga Lumad na tagapagtanggol ng kanilang lahi at lupang ninuno. Paniniwalang ang mga katutubo’y nabubuhay na may mataas na pagtingin sa kanyang kapaligiran at nagmumula sa balanseng relasyon ng lupa, tubig, hangin, ulap, araw, bituin, buwan, halaman, puno, hayop at mga nilalang.

Nagbago sa paglipas ng panahon ang pagtrato sa katutubong Lumad. Noon, napakababa ng tingin sa kanila ng mga nasa siyudad. Itinuturing silang mangmang, walang kakayahang magpaunlad at nabubuhay lang bilang mga kainginero na taliwas sa kanilang natural na pagtuklas at pagkatuto sa buhay. Panahon ng pananakop ng mga Espanyol ginamit ang relihiyon bilang armas ng panlilinlang. Ipinalaganap ng Kristyanismo ang kahalagahan ng mga rebulto ng mga Santo upang ilihis ang paniniwala na may nangangasiwa sa kapaligiran at doon dapat magpasalamat at manampalataya. Tulad ni San Isidro na siyang tagapagligtas ng bukirin at San Juan na tagapag-alaga ng tubig at marami pang iba.

Nang dumating ang mananakop na mga Amerikano, na nanggatong pa rito at tiniyak na mabura ang kahalagahan ng mga Bagani sa komunidad ng mga Katutubo at ipinalaganap na “tulisan” sila. Nagluwal ito ng tunggalian sa pagitan ng mga inapi at nangapi, nanakop at sinakop, nagsamantala at pinagsamantalahan na nagluwal ng pagunlad. Ngayon, nabago na ang tingin sa katutubong Lumad. Mas kinikilalang biktima sila ng kahirapan, militarisasyon, pagsasamantala ng mga kompanyang nagmimina at iba pang usaping pulitikal na tumataboy sa kanila mula sa lupang ninuno.

Sa ganitong oryentasyon namulat at uminog ang mga obra ni Federico ‘boyD’ Sulapas Dominguez, 64, tubong Davao Oriental.

“Isa akong Mandaya. Bitbit ko at nasasalamin sa aking mga likha ang animalistikong paniniwala ng isang katutubo. Hindi nakakapagtaka, dahil mauugat sa kasaysayan ng aming pamilya na may mga lolo at lola akong dugong Lumad. Sa ganang akin, ang maging isang Mandaya’y kombinasyon ng lahi at ang hangaring palaganapin ang paniniwalang ito.

Kaya ang lahat ng aking obra ay naglalarawan ng aking sariling adbokasya bilang Mandaya,” kuwento ni boyD.

Ang mga obra ni boyD ay makulay, makakalikasan at kumikilala sa lakas ng batayang mga sektor ng lipunan. Hindi rin maisasantabi ang bahid ng aktibismo sa kanyang pagguhit at pigura ng mga nangaapi at nagsasamantala. Biglang tingin sa obra niya’y alam na ng marami na may tatak boyD ito.

Paano at kailan ba nag-umpisa ang kanyang interes sa pagpipinta? Kilalanin si boyD mula sa kanyang kabataan, buhay pamilya at hugot ng kanyang mga inspirasyon sa buhay.

Si boyD sa kanyang studio.

Si boyD sa kanyang studio.

Pamilyang nakagisnan

Panganay si boyD sa walong magkakapatid.

Pangalawang pamilya sila ng kanilang ama na si Francisco Dominguez Sr. na isang kawani ng gobyerno at nagtrabaho bilang sanitary inspector sa Davao. Dahil sa trabaho ni Fransisco, nagpalipat-lipat ng tirahan sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao ang mag-anak. Samantala, maagang pumanaw dahil sa panganganak ang ina niyang si Emiliana Sulapas na tumutok sa pag-aalaga at pagpapalaki sa kanilang magkakapatid.

Nang mawala ang kanilang ina, gumuho ang mundo at nawalan ng direksiyon ang buhay ng ama. Kaya magkahiwahiwalay silang magkakapatid na pinalaki at nag-aral.

Pumanaw na ang dalawa sa kapatid ni boyD. Ang isa, pumanaw matapos isilang. Ang pangatlo, nalason ng mercury na nagtrabaho sa minahan. Sa anim na natira, ang unang tatlong magkakapatid na sina boyD, Pia at Margarita lang ang nakaabot ng kolehiyo.

Marami sa mga kaibigan at mga kasamang nakakakilala kay boyD ang makakapagsabi kung gaano siya kasimpleng tao. Walang yabang sa katawan at mapagkumbabang binabahagi ang kanyang sarili sa larangan ng biswal, musika at kahit sa simpleng huntahan sa mga pagtitipon masigla siyang nagbabahagi ng kanyang kaalaman.

“Lumaki ako na pagalagala dahil nga kung saan-saan din kami napapadpad dahil sa trabaho ng aking ama. Nakuha ko sa kanya ang ugaling mapagkasama. Ang pagigig artist ko, marahil sa kanya ko rin nakuha,” kuwento ni boyD.

Manunula (makata) umano ang tatay niya. Ang dingding nila sa bahay, puno ng kanyang mga tula. Mapagbigay sa kanyang mga kaibigan. Lahat ng tao na nakakompromiso niya ay hindi niya binigo.

“Maagang pumanaw si nanay, pero ang matingkad na namana ko sa kanya ay ang pagtatanim. Hindi malayo ang pagiging makakalikasan ko’y nagmula rin sa kanya,” kuwento pa ni boyD. 

Ang pintor, kasama ang kanyang pamilya.

Ang pintor, kasama ang kanyang pamilya.

Hudyat ng sining

Dahil palipat-lipat ng tirahan, nakapasok si boyD sa Davao Central Elementary School para sa Grade 2 hanggang Grade 5 at Francisco Bangoy Elementary School para sa Grade 1 at Grade 6. Elementarya pa lang, nakahiligan niya na ang pagdodrowing.

Laging bitbit ang kanyang lapis at papel. Sa buong panahong ito, nagdodrowing lang siya lagi. “Aktibo ako sa eskuwelahan, kahit elementarya pa lang mahilig na akong magdrowing. Kaya nung Grade 6 tinanghal akong Artist of the Year,” aniya.

Naging inspirasyon ni boyD ang isang nagngangalang Benjamin na kababata at kaklase niya sa elementarya. Sabay silang naglalakad papasok ng eskuwelahan. Sa tuwing madadaanan nila ang puwesto ni Adlaw na isang kilalang pintor sa Davao na nagpipinta ng mga mural, napapatigil sila at laging pinapanood ito at sinasabayan pa nila sa pagdodrowing.

“Pagkatapos n’yo ng inyong pag-aaral, kukunin ko kayo sa akin kayo magpipinta” laging bati sa kanila ni Adlaw.

Nakapaghayskul naman si boyD sa Davao School of Arts and Trade. “Lagi akong tambay sa Bajada Arts and Signs na ngayon ay Victoria Mall na. Nagtitipon dito ang maraming pintor ng grupong Davao Durian Artists Association nung dekada ’70 na napabilang ako. Ito ang pinakamasayang panahon ng aking kabataan,” ani boyD.

Siyempre, napagsasabay ang pag-aaral at pagbubulakbol. Gayunman, sa mga kalsada ng Davao noon, kapag may talento ka sigurado mapapansin at mataas ang tiwala sa iyo. Hindi natigil sa loob ng paaralan ang pagkatuto at paghasa ni boyD sa pagdodrowing at pagpipinta. Nakasama rin niya ang mga naglalako ng paintings sa may Matina, Davao na tulad din ng Mabini Arts sa Maynila.

Dahil marahil sa karanasan niya sa Davao at sa pagpalipat-lipat ng tirahan kaya napakahusay ni boyD sa mga detalye. Lahat ng kanyang obra’y mabusisi at puno ng detalye. Ang kanyang maagang pagtuklas, pagsasanay at pagkamulat sa husay ng mga naunang pintor ay siyang naghasa sa husay ng kayang mga kamay sa paglikha ng sariling obra.

Mandayang pintor sa Maynila

Taong 1984, napadpad si boyD sa Maynila. Naging mapalad silang magkakapatid dahil kalauna’y kinupkop sila ng mga kapatid ng magulang na may maalwang buhay at nabigyan sila ng oportunidad na madala sa Maynila upang makapag-aral.

Pinag-aral sa Centro Escolar University ang dalawang kapatid. Nakatapos si Pia ng Accountancy, bago nagkapag-asawa ng isang seaman at nagkaroon ng dalawang anak. Si Margarita nama’y naging social worker, may isang anak at nabuhay sa pagnenegosyo ng asawa na nanirahan sa Bulacan.

Si boyD naman, nakatungtog hanggang ikatlong taon sa kursong Arhitecture sa University of Mindanao. Nang lumuwas ng Maynila, kumuha ng Fine Arts sa University of the Philippines sa Diliman.

Pero hanggang third year din lang siya sa UP Diliman. Pinagsabay niya ang pag-aaral at ang pagpipinta. Ito rin ang dahilan kung bakit hindi niya natapos ang kursong Fine Arts. Nalulong si boyD sa pagpipinta na may kinalaman sa kanyang adbokasya. Nasabak siya sa pagtulong sa maraming kampanyang masa at progresibong mga organisasyon na nagpapatulong sa paggawa ng posters, book covers at murals.

Sa panahong ito, nagbuo na rin ng sariling pamilya si boyD. Nakasama niya sa isang proyekto ng UP ang kanyang naging kabiyak.

Si Maria Teresa Cheng, 59, tubong Tondo, ay nakapagtapos ng Anthropology sa UP Diliman at kumuha ng kanyang Masteral sa Community Development. Sa kasalukuyan, nagtatrabaho siya sa isang nongovernment organization na nagsusulong ng mga karapatan ng mga Batang Pilipino.

Nagkaroon sila ng tatlong anak. Ang pagiging Mandaya ni boyD ay nasalamin din sa kanilang buhay pamilya. Ipinangalan ang kanilang mga anak na may kaugnayan sa kapaligiran at sa pagiging lider na tagapagtanggol ng kalikasan. Ang panganay na si Rio Amir (Leader of the River), 29, ay nakapagtapos ng AB Literature sa University of Sto. Thomas (UST) at nakita ng mag-asawa ang pagiging mahusay na manunulat nito. Sinundan ni Montana Amir (Leader of the Mountains), 27, tapos ng UP Diliman sa kursong SPED Education na kasalukuya’y kumukuha ng medisina sa St. Louise University Baguio. Naging student leader siya sa UP. Ang bunso nama’y si Brisa Amir (Leader of the Air), 25, na kumukuha ng Fine Arts ngayon sa UP Diliman.

“Lumaki ang mga bata na hindi namin sila napalo. Pinabayaan lang namin sila sa anuman ang kanilang gustuhin. Oo, napagsasabihan sila, pero naging malaya silang gawin ang naisin nila. Hindi sila nagmana sa aming mag-asawa. Sila’y nagmana sa panahon nila,” paliwanag ni boyD.

Para kay boyD, malaking bagay si Cheng sa buhay niya dahil tunay siyang naging katuwang .

“Walang regular na kita ang isang pintor. Madalas sa isang artist, mas nananaig ang passion kaysa sa kumita. Walang regular na suweldo. Di naman ako sumasali sa exhibits at madalas inaabutan lang ako kung ano ang kakayanin ng mga nakakausap kong organisasyon. Si Cheng ang nag-uuwi ng regular na kita kaya siya ang madalas na dumidiskarte sa lahat ng pangangailangan ng pamilya at ng mga bata,” kuwento pa ni boyD.

Pangarap

Di pangkaraniwang pintor si boyD.

Marami ang kilalang pintor na pinarangalan ng dahil nagkaroon sila ng pangalan. Basta gawa ng popular na artista, tiyak may presyo na. Lumalahok ito sa mga eksibit at binebenta ang kanilang mga obra sa mayayamang kliyente.

Sa mga gawa ni boyD, mas tumatampok and kanyang mga paniniwala at karanasan. Ang Mandayang pintor na ito’y patuloy na nagbibigay kulay sa kanyang pinagmulan at paniniwala sa buhay na espiritu ng kalikasan. Hindi siya sumasama sa mga eksibit, bagamat may ilang pagsisikap na nairerekominda at nakukumbinsi siya ng mga kaibigan. Hindi rin niya prayoridad na gawan ng sining ang mga mayayaman sa lipunan.

Nakalubog siya sa mga kampanya at organisasyong masa, at nag-aambag ng kakayahan at panahong isalin sa sining ang kongkretong kalagayan lalo na para sa interes ng mga Lumad at kalikasan.

Tulad ng ibang bata, minsang nangarap si boyD nung panahon ng kanyang kabataan na maging sikat. Pero ang kanyang pinagmulan at karanasan sa halaga ng kapaligiran at ang nasaksihang kalagayan ng mga mamamayang katutubo ang naggiya sa kanya upang ilihis ang sarili sa burgis na oryentasyon ng sining. Hindi niya naging prayoridad ang makulong sa apat na sulok ng gallery.

“Ang itinaguyod ko, sining para sa pagbabago ng lipunan, ambag para sa pagpapalaya. Art for a cause, at nakatutok sa gawaing kampanya at propaganda. Dito ako masaya at nakakaramdam ng tunay na halaga bilang tao, pintor at mga mamamayan,” sabi pa ni boyD.

Para sa kanya, depende sa aplikasyon nito sa buhay ang sining. Mahalagang tandaang sa paggamit sa sining para sa panlipunang pagbabago, mahalaga kapwa ang mensahe at pamamaraan–bagamat mas pangunahin pa rin ang mensaheng nais natin ipaabot sa publiko.

Ang isang tumitingin sa obra, ’yung drowing o painting ang unang makikita at hindi naman ang pangalan ng lumikha. Kaya ’yun ang dapat mas paghusayin: ang mensahe ng inyong obra. Kaya ’yan ang hamon sa kabataang mga artista: magpakadalubhasa sa dapat matutunan sa buhay. Alamin ang katotohanan para mas mahusay na maisalin ito sa sining,” pagtatapos ni boyD.