Liwanag sa kinabukasan ng kabataang Lumad

November 3, 2017

Sa pamamagitan ng sarili nitong pagsisikap at tulong ng iba’t ibang grupo at institusyon, isa muling paaralang Lumad ang umuusbong sa Maco, Compostela Valley.

Ang komunidad ng CTSMI na binubuo mismo ng mga estudyanteng Lumad,  mga guro, non-teaching personnel at magulang. <b>Iya Espiritu</b>

Ang komunidad ng CTSMI na binubuo mismo ng mga estudyanteng Lumad, mga guro, non-teaching personnel at magulang. Iya Espiritu

Edukasyon ang isa sa batayang mga pangangailangan ng isang tao. Dapat tinitiyak ito ng gobyerno at ipinagkakaloob sa lahat ng mga mamamayan lalo na sa mga maralitang sektor. Bukod ito sa pagkain at lupa, pabahay, tubig, malinis na kapaligiran, kalusugan, trabaho, proteksiyong sosyal, partisipasyon at kapayapaan.

Ayon ito sa kampanyang masang Kilos Sambayanan ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) na pinangungunahan ngayon ng isang beteranong aktibista, si Sec. Liza Maza.

Kaya naman sa mga liblib na lugar na katulad ng sa Brgy. Maco sa Compostela Valley tumungo ang mga kinatawan ng NAPC kamakailan.

Ipinagdiwang noong Oktubre 25 ang ikaapat na taon ng Community Technical College of Southeastern Mindanao, Inc. (CTCSMI). Taong 2013, nang magtulungan ang mga akademiko, grupong pangkarapatang pantao, lider-katutubo, at relihiyosong mga organisasyon at nongovernment organizations (NGOs) para sa naturang eskuwelahang maglilingkod sa mga komunidad ng mga Lumad. Layunin nitong pagsilbihan ang kabataang Lumad at ang kanilang komunidad sa pamamagitan ng pagbubuo ng eskuwelahang magtataguyod sa kanilang kultura, karapatan, kabuhayan at kinabukasan.

Isang komprehensibong pagtutok sa kapakanan at kagalingan ng mga Lumad ang sentrong programang ipinapatupad ng CTCSMI. Pinakaubod nito’y paaralang magpapaunlad sa kamalayan ng kabataan kasama ang kanilang mga magulang at buong komunidad na magtataguyod sa kanilang mga pangarap at kakayahang magsarili, tumindig at ipamana ang kahalagahan ng kanilang sama-samang pagkilos.

Sa kasalukuyan, may 165 iskolar sa kolehiyo ang komunidad ng CTCSMI. Pinag-aaral sila nang libre at naninirahan sa dormitoryo ng CTCSMI. Sila’y nakakalat sa Liceo De Davao sa Tagum, University of Mindanao, St. Mary’s College, North Davao College at Technical Education and Skills Development Authority o Tesda. Kumukuha ito ng mga kursong may kaugnayan sa pagpapalago ng kanilang komunidad gaya ng education, nursing, acupuncture, enhinyerya, produksiyon ng organikong agrikultura, pamamalakaya at accountancy.

Ang mga estudyanteng Lumad na dumalo sa Kilos Sambayanan forum. <b>Iya Espiritu</b>

Ang mga estudyanteng Lumad na dumalo sa Kilos Sambayanan forum. Iya Espiritu

Sa pagdalo ng mga kinatawan ng NAPC, agad na nagtipon ang mga estudyante para magtanghal.

Isa sa nakasalamuha nila ang guro sa CTCSMI na si Adelaida Pregua, 57, na kabilang sa mga nagtuturo hinggil sa agrikultura at nagtuturo rin sa Senior High School. “Hinuhubog namin ang kabataan (para) pagkatapos nila makapag-aral’y mas nanaisin at pursigido silang lalahok sa pagbabago ng kanilang kalagayan at aktibong magpapaunlad sa kanilang komunidad,” ani Adelaida.

“Hindi lang sa antas teorya ang pagkatuto,” kuwento pa niya. “Ngayon pa lang, hinahanda na sila. Halimbawa, may sariling Nature-Based Health Program ang CTCSMI. (Dito,) alternatibo (mula sa mga katutubong sangkap) ang mga tinuturong paggagamot. Gamit ang mga halamang gamot at acupuncture sumasabak na sila sa aplikasyon ng kanilang mga napag-aaralan.”

Tulad din sa Organic Agricultural Production, may sariling taniman na itinataguyod ang CTCSMI. Dito, may aplikasyon agad ang teorya na pinag-aaralan ng mga estudyanteng kumukuha ng kurso kaugnay ng Agriculture. Samantala, kinikilala rin ng komunidad ng CTCSMI na mahalaga ang pagdami ng mga estudyanteng makakapagtapos ng Education. Kaya marami sa unang batch ng mga gurong nagtuturo mismo sa CTCSMI, nakapagtapos sa Liceo De Davao ngayon.

Sa kasalukuyan, may 46 sa preschool (day care) at elementarya, 204 junior high school, 83 senior high school at 163 kolehiyo ang naninirahan sa dormitoryo ng CTCSMI. Layunin ng eskuwelahan na gawing mas kumportable ang lahat, kung kaya tinatrabaho nila ang pagpapasulpot ng mga rekurso sa pag-aaral ng mga bata.

Si Kristine May. <b>Iya Espiritu</b>

Si Kristine May. Iya Espiritu

Kinuwento ni Kristine May, 21, kung papaano siya naging guro sa CTCSMI.

“Katatapos ko lang ng Bachelor of Elementary Education sa University of Southeastern Philippines. (Pero) napili kong magturo rito dahil isa itong alternatibong estilo ng pagtuturo. Ang aming kurikulum ay naglalaman ng makabayan, makamasa at siyentipikong pamamaraan ng pagtuturo,” ani Kristine.

Ikinatuwa umano niya na nasasaksihan niya ang pag-unlad ng mga batang Lumad. “Gusto kong lumaki sila na hindi naiiwan sa pag-unlad na hangad para sa komunidad at kalauna’y bahagi sila mismo sa pagpapanday ng kanilang sinasakupan.”

Pangako niya sa sarili na hindi niya iiwan ang mga bata nang salat sa kaalaman at hindi handa sa mundong puno ng kontradiksiyon at problema. “Mahalaga ang mga ganitong paaralan at dapat lang suportahan ng gobyerno ang pagsisikap mismo ng mga mamamayan,” aniya.

Kung pagbabatayan ang nasaksihan ng mga bisita sa mga bata, masasabing matagumpay nga ang pag-aangat ng kamulatan ng mga batang Lumad sa eskuwelahang ito.

Regine Binag. <b>Iya Espiritu</b>

Regine Binag. Iya Espiritu

Masaya, masigla at aktibong nakinig ang mga estudyante ng CTCSMI sa naganap na pagtitipon. Isa sa mga estudyante rito si Regine Binag, 12, panganay sa limang magkakapatid at nasa Grade 7. “Napunta ako dito dahil hindi kaya ng aking mga magulang na pag-aralin ako sa (eskuwelahan ng) DepEd (Department of Education). Dito ako (sa loob ng paaralan) naninirahan dahil malayo ang aming lugar,” sabi pa ni Regine.

Kuwento pa niya, gusto niya ang CTCSMI dahil magkakasundo ang lahat, tahimik at natututo sila ng mga bagay na “hindi burgis”—mas itinuturo umano sa kanila ang pagpapahalaga ng sariling kultura.

“Pangarap ko na makapagtapos ng pag-aaral para makaahon kami sa kahirapan at makatulong din sa ibang mga batang Lumad,” ani Regine. Marahil dahil sa mabuting ehemplo ng mga guro ng CTCSMI, pati si Regine, gustong maging titser na rin. “Gusto ko maging guro balang araw para maturuan kong bumasa, magsulat at turuan ng magandang kalooban o ugali ang mga (kapwa ko) bata,” dagdag niya.

Ang karatulang sasalubong sa inyong pagdating ng CTCSMI.  <b>Iya Espiritu</b>

Ang karatulang sasalubong sa inyong pagdating ng CTCSMI. Iya Espiritu

Sa CTCSMI, hinihikayat ang paglahok ng buong pamilya sa mga programa. Naniniwala ang buong administrasyon, mga guro at lahat ng non-teaching personnel nito na mahalagang yakapin ng buong komunidad ng Lumad mula sa iba’t ibang lugar at lahi ang programa upang maging matatag at higit pang umunlad ang kanilang pagpapaabot ng serbisyo.

Saksi rito si Emaly Presno, 39. Nagpapaaral ng dalawang anak sa CTCSMI at aktibo sa programang pangkalusugan nito.

“Napakaalwan na makapasok sa programa ng CTCSMI dahil libre ang edukasyon ng mga bata. Mula uniporme, school supplies, kalidad ng edukasyon kasama na ang kalusugan, masustansiyang pagkain at tirahan para sa mga iskolar ng CTCSMI—libre,” ani Emaly.

Sabi ni Emaly sa mga kinatawan ng NAPC na bumisita na “buhay na buhay” sa eskuwelahang ito ang diwa ng pagtataguyod sa “sampung batayang pangangailangan ng mga mamamayan”. Malaking bagay ito sa kanila na mga magulang at ang kapalit lang ng pag-aaral ng kanilang mga anak ay ang aktibo nilang paglahok at pagpapahalaga sa isang komprehensibong programa na titindig para sa kakayahang magsarili ng mga Lumad.

Ayon kay Pia Perez, executive director at administrador ng CTCSMI, marami pa umano ang kailangan at dapat gawin para ganap na matulungan ang ating mga kababayang Lumad. Pero napakalaking hakbang na ang ginagawa ng naturang eskuwela.

Mga guro ng CTCSMI. <b>Iya Espiritu</b>

Mga guro ng CTCSMI. Iya Espiritu

“Hinihikayat namin na magtuluy-tuloy na tangkilikin ito, dumami pa ang aming mga sinserbisyuhan at lumawak pa ang suporta mula sa pribado at maging sa mga opisyales ng gobyerno na tunay na lingkod bayan,” sabi pa ni Pia.

Ayon sa NAPC, isang inspirasyon sa iba pa ang pagsisikap na ito ng CTCSMI sa pagtataguyod ng isang edukasyong nakalapat at tumutugon sa komprehensibong pangangailangan ng mga kababayang Lumad.

“Dahil sa di-matatawarang pagkakaisa at paglahok ng buong komunidad ng CTCSMI, patunay ito na walang imposible kapag nanaisin at nagkakaisa. Hindi imposible na makahabol ang gobyerno sa ganitong mga pagsisikap ng mga mamamayan basta gugustuhin at seryosong tutugon sa mga pangangailangan ng mahihirap. Nararapat lang na pagtuunan ito ng sapat na suporta, tulong at serbisyo ng gobyerno,” pagtatapos ni Maza.