Mabuhay ang Rebolusyong 1917!

November 3, 2017

Isang siglo matapos ang mga panlipunang pagbabago sa Rusya na yumanig sa mundo, rebolusyon pa rin ang tunguhin ng mga manggagawa at mamamayan.

Rebolusyon. Iyan ang tawag sa proseso at pangyayari kung saan ibinabagsak ng isang uring panlipunan ang isa pa. Ganyan ang nangyari sa bansang Rusya noong 1917. Dalawang beses pa nga, noong Pebrero at Oktubre sa kalendaryo nila; Marso at Nobyembre naman sa atin.

“Rebolusyong Oktubre, Rebolusyong Pilipino.” Espesyal na print issue ng Pinoy Weekly, 29 Oktubre 2017 (Tomo 15, Isyu 42)

“Rebolusyong Oktubre, Rebolusyong Pilipino.” Espesyal na print issue ng Pinoy Weekly, 29 Oktubre 2017 (Tomo 15, Isyu 42)

Sumisibol noon sa Rusya ang kapitalismo, kaya may burgesya at manggagawa. Pero mas malawak ang piyudalismo sa kanayunan, kaya mayroong panginoong maylupa at magsasaka. Imperyalista rin ang Rusya, nagsasamantala sa Turkey, Persia, at China. Kasabwat ito ng iba pang imperyalista. Ang pinuno ay tinatawag na “czar” o “tsar,” katumbas ng hari sa mga lipunang piyudal, may kapangyarihang absoluto.

Noong Pebrero, dahil sa pagsugod at paglaban ng mga manggagawa at magsasaka, napuwersa si Tsar Nicholas II na bitawan ang trono. Dito nagtapos ang tatlong siglo ng paghahari ng dinastiyang Romanov.

Pinalitan siya ng Provisional Government na pinamunuan noong una ni Georgy Lvov at pagkatapos ni Alexander Kerensky. Mga burges silang “monarkista-liberal,” handang makipagkompromiso sa monarkiya at nangako ng burges na demokrasya – habang sa esensiya’y pinanatili ang kaayusang panlipunan.

Noong Oktubre, ibinagsak sila ng malawak at malakas na armadong paglaban ng mga manggagawa at magsasaka sa pamumuno ni Vladimir Lenin, Komunistang rebolusyonaryo.

Matinding kahirapan at gutom, dusa at kamatayan ang dinadanas noon ng masa sa Rusya.

Kalahok ang bansa sa World War I na pumutok noong 1914. Kakampi nito ang England, France, at Japan at kagera ang Germany. Pagtuntong ng 1917, marami nang sundalo – mula sa masang anakpawis, siyempre pa – ang napatay. Pagod na ang mga sundalo na walang maayos na kagamitan, pagsasanay at pamunuan. Tila walang katapusan at walang patutunguhan ang gera.

Bago nito, noong 1905, nagkaroon na ng rebolusyon laban sa tsar, matapos matalo ang Rusya sa gera sa Japan. Nadurog ito pero nagpakitang-tao ang tsar: binuksan ang State Duma, katulad ng parlamento ng maraming bansa. Pero wala talaga itong kapangyarihan, at patuloy na naghari ang Tsar nang tiwali at brutal.

Ang totoo, pinatindi lang ng gera ang masahol na kalagayan ng masa. Nagtataasan ang presyo ng mga bilihin. Ang mga manggagawa, nakatira sa maruruming dormitoryo at marami ang namamatay sa pabrika. Ang mga magsasaka, malaki ang upa sa lupa, baon sa utang, at aliping nakatali sa mga panginoong maylupa. Sobrang mapanupil, kaunting kibot at makakabangga ang awtoridad.

Matindi ang galit at kusang lumalaban ang masa, kahit noong una’y hindi malinaw kung saan papunta ang laban. May mga kilusan na ang layunin ay patayin ang Tsar – at binitay ang kapatid ni Lenin na lumahok dito. Nag-uunyon ang mga manggagawa at nagtatayo ng mga organisasyon ang mga magsasaka.

Natayo ang mga “sobyet” – konseho ng mga kinatawan ng mga manggagawa, magsasaka at sundalo. Namuno ito sa mga welga at protesta, naging makapangyarihan, nagsilbing rebolusyonaryong gobyerno. Napamunuan ang mga ito ng mga Komunista sa pangunguna ni Lenin. Ang sigaw nila: kapayapaan, lupa at tinapay!

Talumpati ni Lenin. Hindi kilala ang pintor nito.

Talumpati ni Lenin. Hindi kilala ang pintor nito.

Masusing pinag-aralan ni Lenin ang mga sulatin ng mga Komunistang rebolusyonaryo na sina Karl Marx at Friedrich Engels. Hindi sila nagkaroon ng direktang ugnayan: 13 anyos si Lenin nang mamatay si Marx, at 25 naman nang mamatay si Engels.

Tinuklas nina Marx at Engels kung paano gumagalaw ang sistemang kapitalista. Lalo na kung paano nito pinagsasamantalahan ang mga manggagawa. Nakisangkot sila sa tinawag na “Paris Commune” noong 1871, ang pamamahala ng mga manggagawa ng Paris, France noong napalayas nila ang burgesya. Ito ang unang karanasan ng mundo sa “diktadura ng proletaryado,” na tumagal lang ng 70 araw.

Pero ang nagpakilalang tagapagmana nila ay ang Second International, pandaigdigang samahan ng mga Komunista at Marxistang partido at organisasyon. Ito ang pasimuno ng klasikong rebisyunismo – nirebisa ang mga batayang prinsipyo ng Marxismo at pinalabas na iyun ang Marxismo.

Pinalabnaw nito ang rebolusyonaryong nilalaman ng Marxismo. Kesyo hindi pa raw puwedeng magrebolusyon hangga’t hindi mayorya sa isang bansa ang mga manggagawa. Itinali nito ang pakikibaka sa paglahok sa eleksyon at pagpasok sa parlamento. Sukdulan: noong World War I, sumuporta ang pinakamalalaking partido nito sa mga burgesya ng kanilang bansa. Sinuportahan ang pagpapatayan ng mga manggagawa para sa kanilang mga burgesya!

Puspusang tinunggali ni Lenin ang rebisyunismo ng Second International. Binuhay niya ang Marxismo na agaw-buhay noon dahil pinapatay ng grupo.

Ibayong pinaunlad ni Lenin ang Marxismo sa paggamit dito sa pagrerebolusyon. “Ang Marxismo,” kadiin-diinan niya, “ay hindi dogma” o hindi-nagbabagong prinsipyong matatag lang na pinanghahawakan, “kundi gabay sa pagkilos.”

Kung kapitalismo ang sinuri nina Marx at Engels, ang pagkabulok nito sa pagiging monopolyo – sa imperyalismo – ang sinuri ni Lenin. Kung saglit na diktadura ng proletaryado sa Paris ang nasaksihan nina Marx at Engels, ilang dekadang ganoon ang itinatag at pinamunuan ni Lenin sa isang malaking bansa. May kuwentu-kuwentong nagsasayaw siya sa niyebe nang lumampas ang sosyalismo sa Rusya sa itinagal ng Paris Commune.

Maraming iniambag si Lenin sa kabang-yaman ng Marxismo tungkol sa pagrerebolusyon: diktadura ng proletaryado na instrumento ng rebolusyon at paghahari laban sa burgesya. Rebolusyonaryong potensiyal ng uring magsasaka sa pamumuno ng uring manggagawa. Pagkilala sa karapatang magpasya-sa-sarili ng mga inaaping sambayanan. Mga aral sa estratehiya at taktika. Partido bilang abanteng destakamento ng uring manggagawa.

Mahalaga ang paglaban ni Lenin sa ekonomismo sa kilusan ng mga manggagawa – ang pagtatali ng kamulatan ng manggagawa sa pang-ekonomiyang pakikibaka, kahit pa nakaturol sa Estado. Para kay Lenin, kailangang gagap ng manggagawa ang kabulukan ng buong sistemang panlipunan, pakikibaka ng lahat ng inaaping uri at sektor, pangangailangan ng rebolusyon, Marxismo, at pagkakaroon ng Partido.

Matapos matanggal sa kapangyarihan, naging mas mabangis ang mga dating naghaharing uring malalaking kapitalista at panginoong maylupa. Ginera-sibil nila ang bagong gobyernong sosyalista, kasabwat ang 14 na imperyalistang bansa. Tinatayang pitong milyon ang namatay sa gera-sibil noong 1918-1920. Pero sa huli, nagtagumpay ang mga manggagawa, magsasaka at mamamayan.

Sa kabila nito, malalaking tagumpay ang nagawa ng sambayanang Ruso sa pamumuno ni Lenin at, pagkatapos ng 1926 hanggang 1956, ni Joseph Stalin.

Binuhay ang ekonomiya sa pamamagitan ng mga hakbanging pangtransisyon o pansamantala pagkatapos ng digmaang sibil. Nagpanday ng sosyalistang industriya. Ginawang kolektibo ang pagsasaka at nagpasok ng mga makina sa agrikultura. Nagsulong ng abanteng sistemang pangkultura at pang-edukasyon. Nagpatupad ng walang katulad na sistema ng mga serbisyong panlipunan para sa mga mamamayan. Sinuportahan ang pandaigdigang kilusang Komunista.

Noong Great Depression ng 1930, hirap at gutom ang mga mamamayang Amerikano dahil sa imperyalistang krisis. Pero ang mga mamamayan ng Unyong Sobyet, kumakain lahat at tumataas ang kalidad ng buhay.

Malupit na dinigma ang Rusya ng Germany sa pamumuno ng gobyernong Nazi ni Adolf Hitler noong World War II. Malawak ang pagkawasak at milyun-milyon ang napatay. Pero pinaatras ng armadong sambayanan ng Rusya, sa pangunguna ng Soviet Red Army at mga kabataang Komunista, ang hukbo ni Hitler mula sa Rusya at tinugis hanggang magapi sa Germany.

Matapos ang World War II, sa kabila ng banta ng imperyalismong US, patuloy na nagpunyagi ang Unyong Sobyet sa pagsusulong ng sosyalismo. Mula sa pagiging napaka-atrasado, naging isa ito sa pinakamauunlad na bansa sa daigdig.

Ayon sa isang Marxistang historyador, ang Rebolusyong 1917 ang susing pangyayari na humubog sa ika-20 siglo. Bukod sa pinalaya nito ang isang malaking bansa sa imperyalismo, nagbigay ito ng inspirasyon at aral – bukod pa sa suporta – sa lahat ng manggagawa, magsasaka at sambayanan sa lahat ng bansa na inaapi at pinagsasamantalahan ng imperyalismo.

Makikita ito sa pagtatagumpay ng rebolusyon sa China noong 1949. Sa pakikibaka ng maraming bansa sa Aprika, Asya at Latina Amerika para sa pambansang kalayaan matapos ang World War II. Sa pagkakatayo ng sosyalismo sa Silangang Europa at Germany. Sa pagkakatatag ng mga Partido Komunista at kilusang mapagpalaya sa iba’t ibang bahagi ng mundo, katulad sa Pilipinas noong 1930.

Noong unang bahagi ng dekada 1950, sangkatlo ng sangkatauhan ang nasa ilalim ng mga gobyernong nagsusulong ng sosyalismo.

Noong 1956, matapos mamatay ni Stalin, nangibabaw ang modernong rebisyunismo, o rebisyunismo na nasa estado poder, sa Rusya. Nagsasalita ito ng sosyalismo pero nagsasapraktika ng imperyalismo. Pero bilang kontra-puwersa sa imperyalismong US, tumulong ito sa pagtatagumpay ng rebolusyon sa Cuba noong 1959, sa pakikibaka ng mga sambayanang Arabo, Palestino, North Korean, at Vietnamese.

Mula 1917 hanggang 1956, at sa isang antas kahit pagkatapos, naging malakas na kalaban at karibal ng imperyalismo ang mga kilusan para sa pambansang pagpapalaya at para sa sosyalismo sa pangunguna ng manggagawa at sambayanang Ruso.

Ipinakita ng Rebolusyong 1917 na puwedeng magtagumpay ang uring manggagawa at magsasaka at mga inaaping sambayanan laban sa imperyalismo at mga reaksyunaryong naghaharing uri. Ipinakita nito ang mga tagumpay na maaaring makamit sa pakikibaka para sa kalayaan, demokrasya at sosyalismo.

Hamon at inspirasyon ito sa kasalukuyan – sa gitna ng nagtatagal na pang-ekonomiyang krisis, lumalakas na tunguhin ng gera at agresyon, at lalong pagkabulok ng neoliberal na kairalan ng imperyalismo.

Rebolusyon!

23 Oktubre 2017