Maralitang Lungsod

Silang walang tahanan

November 25, 2017

Binigyang pansin ng #OccupyPabahay ng Kadamay noong Marso ang malawakang kawalanng- tahanan ng milyun-milyong maralita. Ngayon, tila di maiiwasan ang pagpapatuloy ng mga okupasyon.

Walong buwan na matapos ang unang malakihang okupasyon ng mga maralitang lungsod na miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa mga pampublikong pabahay sa Pandi, Bulacan.

Sa kabila nito, tila hindi pa rin tinutupad ng gobyerno ang mga pangako nito sa mga maralita. Hindi pa rin nabibigyang katuparan ang pangako ni Pangulong Duterte na ipapamahagi na sa kanila—at sa maraming iba pa—ang libu-libong pampublikong pabahay na pinagawa ng gobyerno pero nanatiling nakatiwangwang at nabubulok.

Sa lakas ng kampanya ng Kadamay, natulak na maglabas ang Kamara ng House Resolution 15 at ang Senado ng Senate Resolution 7 na nagrerekomendang ipamahagi na sa mga maralitang walang bahay ang lahat ng nakatiwangwang na mga pampublikong pabahay.

Pero “resolusyon” pa lang ito, samantalang patuloy pa ring tumitindi ang krisis sa kalawang-pabahay ng milyunmilyong Pilipino.

Unang okupasyon

Madaling-araw ng Marso 8. Humigit-kumulang 6,000 yunit ng pampublikong pabahay sa Pandi ang inokupa ng mga miyembro ng Kadamay. Ang mga nag-okupa, pawang mga maralitang walang-bahay at mga relocatee na pinalayas mula sa kanilang mga bahay sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.

Matapos ang okupasyon, nakatanggap ang mga maralita ng mga banta ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno. Nagbanta ang lokal na gobyerno, gayundin ang pulisya at National Housing Authority (NHA). Samantala, halos naging regular ang panlalait ng ilang personalidad ng midya at trolls sa social media.

Pero kahit pa. Epektibong nabuksan ng okupasyon ng Kadamay ang isip ng madla: Sa isang banda, nariyan ang malawakang kawalan ng pabahay sa mga maralita at kakulangan ng empleyo o kabuhayan sa kanila. Sa kabilang banda, nariyan ang 49,411 yunit ng pampublikong pabahay sa mga pulis at militar na nakatiwangwang at nabubulok, hindi natitirhan.

Gaano ba kalala ang homelessness o kawalan ng tahanan sa mga maralita? Tantiya mismo ng gobyerno, sa Metro Manila pa lang, umabot sa 3.1 milyong katao ang walang sariling tahanan— mga pansamantalang naninirahan sa pampubliko mga lupain (tulad ng bakanteng lote, parke, kalsada) o kahit sa iilang pribadong lote, gayundin ang mga renter at/o sharer na rumerenta rin ng espasyo (kuwarto, maliit na lugar) o nakikitira sa mga tahanan ng kapwa nilang maralita.

Grabe ang lala ng kawalan ng tahanan sa bansa. Sabi pa mismo ng United Nations Commission on Human Rights o UNCHR, ang Metro Manila ang nangunguna sa buong mundo sa bilang ng mga maralitang walang tahanan.

Kaya makatwiran

Sa ganitong konteksto kaya kauna-unawa ang pagookupa ng mga maralita sa mga pabahay sa Pandi.

“Kalunus-lunos na hindi nagamit ang mga bahay na ito (mga pampublikong pabahay) para sa mga walang-tahanan. Pinatatagal ng mga delay ang paghihirap ng marami sa pinakamahihirap at walang-pribilehiyo ng bansa,” pahayag ng Kadamay.

Matapos ihayag ni Duterte ang pagpahayag na ipamahagi na raw sa mga nag-okupa nito ang mga pabahay sa Pandi, naglunsad ng serye ng “validation” (o pagtitiyak na kuwalipikado ang mga maralita) sa kanila ang NHA. Pero sa tagal ng inabot na panahon, duda na rin ang Kadamay sa kaseryosohan ng NHA at administrasyong Duterte na talagang kilalanin ang karapatan nilang manirahan doon.

“Taliwas sa mga pahayag ni Duterte, nagsasagawa ng validation ang mga opisyal (ng NHA) sa mga okupadong lugar hindi para magbigay ng tahanan, kundi para magdiskuwalipika, digawing- lehitimo, at kalauna’y palayasin ang mga nag-okupa,” sabi pa ng Kadamay.

Korupsiyon

Bakit pinababayaan ng NHA at pribadong mga kontraktor nito na matiwangwang at mabulok ang mga pabahay?

Para sa Kadamay, may kinalaman ito sa malaking pondo na inilaan noong nakaraan (at inilalaan pa rin ngayon) ng gobyerno sa (dapat sana’y) serbisyong pabahay nito. “May malakas na ebidensiya na na ang mga proyektong pabahay ay ‘elepanteng puti’ (white elephant) na ginagamit para kumita ang mga opisyal ng pabahay at mga kapartner nilang mga debeloper at kontraktor,” ayon sa grupo.

May kabuuang P112-Bilyong pondo ang gobyerno (noong nakaraang administrasyon) na inilaan para sa pampublikong mga pabahay na ito. Ang naitayo lang ng pondong ito: 190,000 pabahay. Kabilang sa kondisyon diumano ng kontrata ng mga debeloper ang garantiya ng NHA na mababayaran nang buo ito—matirhan man o hindi ang mga pabahay. Noong nakaraang taon, umabot sa P15.2-B ang ibinayad ng NHA sa mga debeloper.

Sa Pandi, Bulacan, ayon kay Ron Villegas, researcher ng Crispin B. Beltran Resource Center (CBBRC), umaabot sa P250,000 ang halagang pinababayaran ng NHA sa mga titira sa bawat bahay. Kung titingnan ang mga yunit ng mga pabahay (kabilang ang nasa Pandi, Bulacan), makikita na mababa-sa-istandard (substandard) ang naturang mga yunit. Kaya nga hindi kataka-taka na tumanggi ang mga pulis at militar na tumira sa mga yunit sa Pandi, gayundin sa iba pang mga pabahay, tulad ng sa Bustos at sa Bocaue, Bulacan.

Ani Villegas, dahil sa kawalan ng tugon ng gobyerno sa krisis sa pabahay ng mga maralita, hindi maiiwasan ang isa muling bigwas ng okupasyon ng mga maralita ang magaganap sa malapit na hinaharap.


Pagkilala ng Kongreso sa krisis sa pabahay

Dahil sa okupasyon ng Kadamay sa 6,000 pampublikong pabahay sa Pandi noong Marso, natulak ang mga mambabatas na tuunan ng pansin ang penomenon ng nakatiwangwang na mga pabahay, gayundin ang matinding kawalan ng tahanan ng mga maralita.

Sa Kamara, inaprubahan ang panukala ni Negros Occidental Rep. Alfred Benitez (na siya ring tagapangulo ng House Committee on Housing and Urbang Planning) na House Resolution No. 15. Sa Senado naman, inaprubahan na rin ang Senate Resolution No. 7 ni Sen. JV Ejercito.

Sa pinagkaisa o joint resolution na ito, inirerekomendang igawad na sa mga maralitang walang bahay ang mga pabahay na naunang iginawad na (at iyung hindi pa iginawad) pero nakatiwangwang na mga pabahay para sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, at Bureau of Corrections.

Kinikilala ng naturang resolusyon na “nabigo” ang programa ng gobyerno sa pabahay. Ayon kay Benitez, umaabot lang sa 8.09 porsiyento (o halos isa lang sa bawat sampung pampublikong pabahay) ang naookupahan ngayon ng mga benepisyaryo nito.

Dahil sa dami ng tiwangwang na mga pabahay, maaari na umanong magtukoy ang NHA ng alternatibong mga benepisyaryo tulad ng mga guro sa pampublikong mg apaaralan, mga empleyado sa lokal na gobyerno, mga empleyado ng barangay at mga maralita o informal settlers tulad ng mga miyembro ng Kadamay.


 

Priscilla Pamintuan

Priscilla Pamintuan

Priscilla Pamintuan is a part-time cultural and political writer and fulltime film buff.