Uncategorized

10 hanggang 15 taon, ibinibigay ni Kris Aquino sa sarili pagpasok sa pulitika


Hindi ngayong mga panahong ito papasok si Kris Aquino sa pulitika kahit na malakas na malakas ang panaghoy at senyal ng balana na “sige na, Kris, join ka na sa politics.” No way para kay Kris. “Not in ten or fifteen years,” pahayag niya sa okasyon ng “Isang Pasasalamat,” isang misa at pagtatanghal na ginanap […]

Hindi ngayong mga panahong ito papasok si Kris Aquino sa pulitika kahit na malakas na malakas ang panaghoy at senyal ng balana na “sige na, Kris, join ka na sa politics.”

No way para kay Kris. “Not in ten or fifteen years,” pahayag niya sa okasyon ng “Isang Pasasalamat,” isang misa at pagtatanghal na ginanap kamakailan sa PDA Concert Hall na katapat lang ng gusali ng ABS-CBN.

Ang “Isang Pasasalamat” ay buntis sa kahulugan.

Ito ay pagbibigay-pugay ng ABS-CBN sa mga empleyado at empleyada nito na sumama sa pag-uulat sa kamatayan, paglalamay at paglilibing kay Cory Aquino kamakailan.

Isang marangal at maringal na pagbabalita ng okasyon ang ipinahayag ng ABS-CBN at ng iba pa nitong kanugnog na lagusan ng impormasyon bilang media conglomerate tulad ng Channel 2, ANC, DZMM, ABS-CBN news on line, abs-cbn.com, Cinema One, Interactive, TFC, Lifestyle, Velvet, publikasyon at iba pa.

Sa katunayan, ayon na rink ay Kris, ang coverage ng ABS-CBN ang pinakamataas ang ratings sa pagbabalita ng kamatayan ni Tita Cory.

***

I would like to thank ABS-CBN for not being selfish. It could have been very easy for them to announce the death of my mom but they refuse to do it, maraming salamat,” pahayag ng batang Aquino sa okasyon.

Ayon kay Kris, puwede namang gawin ‘yon ng istasyon lalo na at kumpirmado naman nito pero hinintay nito ang tamang panahon kaugnay sa opisyal na pagpapahayag ni Noynoy Aquino, ang isa sa mga senador ng bansa, na pumanaw na nga nang alas tres y disiotso ng umaga ng Agosto 1, 2009 ang kanilang ina.

Kaya talagang hanging-hanga si Aquino sa determinasyon at kaibhan ng kanyang himpilan.

Sinabi rin niya na imbes na siya ay ang talagang magpapatuloy ng kanilang papel sa pulitika ng bayan ay si Noynoy.

Nagpasalamat siya kay Gabby Lopez, ang Chairman at CEO ng ABS-CBN sa pagtulong nit okay Noynoy sa pulitika.

***

Sa bandang ito ay tapikan sa balikat ang ugaling Filipino na lumutang sa kapligiran.

Utang na loob ng mga Lopez, ang may-ari ng ABS-CBN Broasdcasting Corporation sa mga Aquino ang pagbabalik ng kanilang imperyo.

Ang sabi nga ni Korina Sanchez sa kanyang live coverage ng funeral cortege ni Tita Cory na “kung wala si Cory Aquino, walang ABS-CBN.”

Dahil kung atin pang natatandaan, ang mga Marcos ang kumamkam ng ABS-CBN, ang isa sa pinakamalalaki o pinakamalaki mismo, nang ideklara ang Martial Law noong 1972.

Ang mga oligark ay sinamsaman ng mga negosyo kaya napilay at nawalan ng malaking kabuhayan ang mga Lopez.

Nang paslangin si Ninoy Aquino noong 1983 ay nagsimula na ang pagbalikwas ng taumbayan sa dikatdurya ni Marcos at lalo pang nalusaw ang kapangyarihan nito nang labanan siya ni Cory Aquino sa isang halalan na lalong nagpasilakbo sa damdamin ng sambayanan dahil nakuha pang mandaya ni Marcos samantalang kitang-kitang si Aquino na ang nanalo.

Ito ang nagmitsa ng rebolusyon at nagpulasan ang mga Filipino, nagtipun-tipon sila sa EDSA upang patalsikin ang diktador.

Subalit bago ito ay mas malakas at mapangahas ang mga aktibista at progresibo sa pagtutol sa pang-aapi at pagsasamantala ng rehimen ni Marcos kaya mahalaga rin ang partisipasyon nila sa pagpapabagsak sa diktador.

***

Simbolo lamang si Cory ng protesta at paglaban ng taumbayan kontra diktadurya.

Gayunman, kailangan ng sambayanan ng kongkretong lider na susundan kaya sina Jaime Cardinal Sin, Juan Ponce-Enrile, Fidel V. Ramos at iba pang rebeldeng mamamayan at sundalo, may pangalan man o wala, ay mga kabit lang ni Cory.

Nagwagi ang tinig ng mamamayan at naibalik ang demokrasya kaya naibalik din ang oligarki at ang mga negosyo ng mga ito kabilang ang ABS-CBN.

Nagbalik ang maliligayang araw ng kompetisyon ng malayang kalakal at pamamahayag kahit na may nakaambang ding batas sa sinumang lalagpas at aabuso sa mga probisyon.

***

At ang mga empleyado at empleyada ng ABS-CBN, mula sa News and Current Affairs at Entertainment Production at sa iba pang sangay ng malaking kumpanya na nagkober ay bahagi rin ng sistema na iginupo ng People Power.

Hindi nga ba’t ang mga namumuno ng ABS-CBN ngayon ay nanggaling din sa Broadcast City, sa Banahaw Broadcasting Company, ang pinakaulong korporasyon ng Channel 2 noon, sa Radio Philippines Network, ang pampayong na organisasyon ng Channel 9, sa Intercontinental Broadcasting Corporation, ang ugat ng Channel 13 at sa People’s Television, ang inang istasyon ng panggobyernong himpilan, ang Channel 4?

Ito ang ipinagpapasalamat ng ABS-CBN sa kabayanihan ni Cory Aquino.

At nagpapasalamat din ang mga Aquino sa panahon at importansiya na ibinibigay sa kanila ng istasyon.

***

Ang isang kahon ng mga DVD ng memorial coverage ng ABS-CBN ang regalo ng kumpanya sa mga Aquino na kinatawan ni Kris ng hapong ‘yon.

“Hindi ko pa kayang manood ng mga video tungkol sa kamatayan ng Mommy ko. Hindi pa pero bakit sa August 21, makakaya ko na,” sabi ni Kris.

Ang ika-21 ng Agosto, ang petsa, 1983, nang patayin ang ama ni Kris na si Ninoy Aquino.

Pero hanggang sa mga sandaling ito, masakit pa para kay Kris ang pagmalas sa mga imahe ng kanyang ina kahit na may selebrasyon ang kamatayan nito.

Ang personal na katawan ni Kris ay hindi pa handa sa isa pang pagluha kahit na ang pampubliko niyang katauhan ay maaari nang ngumiti at makipagtawanan.

***

Sinabi rin ni Kris na nagkalapit ang ABS-CBN at GMA Network sa memorial coverage na ito.

Jessica Soho called me up to thank for everything our family did to them,” sabi ni Kris.

I really am thankful to Vicky Morales. Siya ang nag-asikaso ng security sa Manila Memorial Park. Talagang ipinakita nila na walang kaso kung tagasaan man ang isa’t isa,” or something to that effect na sabi pa ni Kris.

Magarbo ang pasasalamat ng ABS-CBN sa pagtanaw ng utang na loob sa mga manggagawa ng estasyon.

At ang mga trabahador ay nabigyan ng kunsuwelo sa kanilang trabaho kaya lang ay sa misa at sa pagtatanghal ay wala ang iba pang persona dahil marahil ay nagtatrabaho pa.

Nandoon ang lahat ng matataas na opisyal ng istasyon kabilang sina Charo Santos-Concio, ang Presidente, Gabby Lopez, ang Chairman at CEO, Cory Valenzuela-Vidanes, ang Vice President for Production and Entertainment at iba pang ehekutibo.

Inimbitahan ng istasyon si Rapa Lopa, ang pinsang-buo ni Kris na siyang nangasiwa sa daloy ng media coverage ng kamatayan, burol at libing ni Cory.

Si Boy Abunda ang nag-emcee at halos lahat sila ay nakakulay dilaw na damit.