FEATURED

Freshman sa UP noong 1983


Mga alaala ng isang estudyante ng UP noong dekada ’80 — at ang pagkakatulad ng sitwasyon noong panahon ng diktadurang Marcos at ngayon.

Isa akong tipikal na kabataan noon mula sa isang parochial school sa Maynila. Maaralin, relihiyosa, maraming kaibigan, at mahilig sa “gimik” na noo’y pagtambay sa malapit na kainan. Tipikal ding petiburges ang pinagmulan kong pamilya – middle-class, relihiyoso, magkakasama sa iisang bahay. Bilang bunso at itinuturing na baby ng pamilya, alaga ako.

Ngunit hindi tipikal ang panahon noon. Martial Law. Madalas ang brownout, dahil may dinadala raw na mga patay na sundalo galing sa Mindanao. Kapag tumunog na ang sirena, dapat lahat ng kapatid ko, lalo na ang mga lalaki, ay nasa bahay na dahil baka mabagansiya. Naalala kong hinahanap pa talaga ng tatay ko ang mga kuya kong wala pa paglampas ng alas-nuwebe ng gabi. At sobrang pag-aalala at parusa ang abot nila kapag lumabag sa curfew.

May panahon na pila ang pagbili ng bigas. Naalala kong pumipila kami ng nanay ko sa malapit na Kadiwa Center sa may estasyon ng tren. Kahit sa hayskul namin ay “krisis” din. Kami ang batch na walang Junior-Senior Prom dahil naabutan ng patakaran ng pagtitipid dahil sa kahirapan. Pero bumawi kami bilang batch na unang nagdaos ng graduation sa PICC, salamat sa isang mayamang kaklase na nag-donate.

Naalala ko ring sinusundo namin ang mga kapatid kong nag-aaral at nagtatapos ng thesis sa UP sa panahon ng First Quarter Storm. Sakay kay Beetle, ang tawag namin sa kotseng Volkswagen ng tatay ko noon, magbibyahe kami mula Paco hanggang Diliman, at pagpasok sa Diliman ay may mga estudyanteng nagbo-bonfire, o iyun ang akala ko. Sa daan, ilang checkpoint ang madadaanan namin, sasaludo ang tatay ko, at kunwari ay bumabati pero ang ibinubulong ay “Put…. mo, Sir!” habang nakangiti.

Hindi ko masasabing progresibo ang pamilya ko, pero hindi rin konserbatibo. Laman ng kuwentuhan sa hapunan ang mga usapang pulitika. Lalo na kapag may mga bumibisitang kamag-anak, walang humpay ang kuwentuhan pero iisa lang ang tema. Minumura si Marcos.

Sa EDSA, 1986.
Sa EDSA, 1986.

Kaya nung makapasa ako sa UPCAT (UP College Admission Test), may suspetsa akong halong tuwa at pangamba ang naramdaman ng mga magulang ko. Mas litaw ang reaksiyon ng mga kapatid kong nakatatanda: sa La Salle ako pinapag-aral kasabay ang pangakong susuportahan nila ang pag-aaral ko.

Pumasok ako sa UP noong 1983, makasaysayang taon sa bansa. At makasaysayan din ang mga sumunod na taon hanggang 1986 at pagkatapos. Wala na noong Martial Law dahil inalis na ni Marcos – sa papel lang, sabi ng mga kritiko. Wala pang P100 ang tuition ko. May bus ng MMTC (Metro Manila Transit Corp) na nagbibyahe mula Diliman hanggang Taft kaya madali ang buhay ko. Parang schoolbus ito ng mga taga-UP at Ateneo dahil halos araw-araw kami magkakasabay. Kilala na kami ng mga konduktora: kapag nakakatulog kami at malapit na sa dapat babaan, sila ang gumigising sa amin.

Nasa General Education Block ako kasi ayaw ko pumaloob sa block ng BS Chemistry, una kong kurso, dahil marami agad science subjects. Noong simula pa lang, plano ko nang mag-shift kaya pinag-aralan ko talaga ang mga subjects na kukunin para hindi sayang kapag nakapag-shift na sa noo’y hindi ko pa nadedesisyunang kurso.

Sa unang mga buwan ko pa lang, madami nang organisasyong nang-eengganyo pero wala akong sinalihan. Sa halip, nagsama-sama kaming mga dating magkaka-eskuwela, batch namin at ang naunang batch, at tumambay sa AS Lobby nung una pero nung ipagbawal, sa AS Hill. Naging support system namin ang isa’t isa na parang org. Hiraman ng libro, turuan ng mga lessons, kasabay kumain, hingahan ng sama ng loob, kakuwentuhan ng mga kung anu-ano, kung sinong crush, problema sa karelasyon at iba pa.

Pero ilang buwan pa lang, nagulo ang mundo ko. Naalala kong piyesta sa Paco noon, araw yata ng Linggo. Nagkukwentuhan ang matatanda nang biglang dumating ang tiyuhin kong photojournalist na contributor sa magasing WeForum. Pinatay raw si Ninoy Aquino sa airport.

May nagmura, may galit na galit, may nalungkot, pero lahat ay nakatutok sa radyo at TV para mag-abang ng balita. Isinama ako ng tatay ko na pumila nang pagkahaba-haba sa Sto. Domingo Church para tumingin sa bangkay ni Ninoy na noo’y duguan pa. Hindi ko alam kung bakit, pero umiyak ako – sa hitsura ni Ninoy, sa nangyari sa kanya, at higit sa lahat, sa dami ng taong maghapon at magdamag na nakapila para makita siya — ang iba, tahimik; ang marami, umiiyak din.

Simula noon, kapag may mga nagru-room-to-room discussion ay nakikinig ako. At doon ko nakilala si Leandro “Lean” Alejando, ang chairperson sa mga panahong iyun ng University Student Council, konseho ng mga mag-aaral sa buong UP Diliman. Tama ang paglalarawan ng marami kay Lean: may karisma. Kundi ba naman, bakit mapapasama ang isang freshman na kagaya ko sa rally sa labas ng AS kapag sinabing mag-walkout sa klase?

Naalala kong hangang-hanga ako sa husay niya magsalita, kahit hindi ko masyadong naiintindihan ang mga sinasabi niyang pasismo, imperyalismo at kung anu-ano pang “ismo.” Dumadalo ako sa mga tipon sa AS Lobby para lang mapakinggan at makita siya. Kapag dumadaan siya, talagang hindi ko maalis ang tingin ko, kahit nagtataka ako kung bakit naka-tsinelas lang siya at parang hindi pa yata naliligo ay humaharap na sa mga tao.

Noong panahong iyun, maraming tagahanga at nakakapang-engganyo ang mga student leaders tulad nina Kiko Pangilinan, David Celdran, Kit Belmonte, Miro Quimbo at iba pa. Pero syempre, iba pa rin si Lean.

Nasa third year na ako nang seryosong sumali ako sa organisasyon. Nauna akong sumali sa isang organisasyon ng mga Katoliko pero hindi ako nakatagal dahil parang hindi ako “belong.” Karamihan sa kanila, mga anak ng mga Insulares at Peninsulares na sa kalaunan ay tinawag  na mga “coño.”

Isang organisasyon ang nakatawag sa interes ko, ang Samahan sa Agham Pampulitika o SAPUL. Walk-in ako at nag-apply dahil tumatanggap naman sila ng hindi Pol Sci major. Sa orientation, ipinagmamalaki nila na naging kasapi nila sina Joma Sison at Nur Misuari at iba pang pulitikong hindi ko na matandaan. Sa loob ng org, kaliwa’t kanan ang pag-aaral kina Marx at Lenin kaya kailangan ko ding makisabay. May ilang nag-aaral kay Mao pero sa hindi ko malamang kadahilanan noon, madaling dini-dismiss at pinagtatawanan sila sa mga argumento.

Aktibo ang SAPUL sa campus politics, gayundin ang Buklod Isip (Bukluran sa Ikauunlad ng Sikolohiyang Pilipino) kung saan sumapi rin ako noong nagdesisyon na akong mag-major sa Psychology. Miyembro ang dalawang organisasyon noon ng SAMASA o Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan, partidong panghalalan na pinapamunuan ng mga aktibista. Bilang Externals Officer, kasama ako sa mga nakikipag-usap sa kanila kapag may mga patawag at nung nagdesisyon na bumaklas ang SAPUL, at Buklod din, sa SAMASA.

Panahon iyun na hinati-hati na ang College of Arts and Sciences sa tatlong kolehiyong CSSP, CS at CAL. Dahil malaki ang CSSP, kami ang naiwan sa AS building. Naalala kong nagpo-photo exhibit kami, nagdudula-dulaan sa AS lobby, namimigay ng mga polyeto at nagru-room-to-room. Dito nagbago ang personalidad ko, mula sa mahiyain at tahimik na nag-aaral, natutong magsalita sa mga klase, magpalabas sa harap ng maraming tao, makipagpulong sa mga seniors habang tinitiyak na nag-aaral pa din, hindi lumiliban sa klase at mataas ang grado.

At ito ang dahilan kung bakit nasabak ako sa student council. Napilitang makipagpalit ang dapat na tatakbong Chair ng CSSP Student Council sa akin, na tatakbong Vice lang dapat dahil yata may dropped subject siya o may removals, hindi ko na maalala. Last-minute replacement. Nagbuo ng bagong alyansa ang SAPUL kasama ang Buklod Isip at UP SURGE (nalimutan ko na ang ibig sabihin) at tinawag itong Independent Students’ Bloc. Reaksiyon ito sa pulitika ng SAMASA na diumano’y puro isyung pambansa ang pinagtutuunan ng pansin habang naiiwan ang mga batayang isyu ng mga estudyante gaya ng mga bulok na pasilidad at pagtaas ng tuition fee.

Mahalaga ang papel ng SC noon dahil bukod sa unang SC sa CSSP ay panahong mainit na ang pulitika ng bansa sa nalalapit na Snap Elections ng 1986. Maraming nagaganap na discussion groups, RTR, mga rally, at iba pa. Kasabay nito ay nagiging hamon na rin ang pagbabago ng class character ng kampus dahil dumarami na ang mga coño at walang pakialam at ang tumatampok na problema ng mga estudyante ay ang parking lot. Naganap ito mula nang tumaas ang tuition nang 300 porsiyento (1984 ba o 1985). Sa katunayan, noong eleksiyon, dahil walang ibang kalaban, ang kalaban namin ay “abstain”.

Sa kabutihang palad ay nakamit namin ang higit 30 porsiyento na kailangang boto para mahalal. Ang slate namin ay binubuo ng kombinasyon ng mga patakbo ng ISB at SAMASA kaya hindi na rin naging mahirap makipag-ugnayan sa USC na nadominahan ng SAMASA sa pangunguna ng naging senador na si Kiko Pangilinan.

Ang awtor, sa likod ng lider-estudyante sa UP noon na si Francis "Kiko" Pangilinan. Larawan mula kay Bimbim dela Paz
Ang awtor, sa likod ng lider-estudyante sa UP noon na si Francis “Kiko” Pangilinan. Larawan mula kay Bimbim dela Paz

Exciting ang panahong iyon. Mula sa mga ka-batchmate, unti-unting nagbago ang mga kabarkada ko, naging mga orgmates. Dahil sila ang kasama ko araw-araw, sila na rin ang naging mga malalapit na kaibigan.

Naaalala ko na kapag nananawagan ng boykot sa mga klase, pumapasok pa rin ako hindi para pasukan ang mga klase kundi para umupo sa pag-aaral na isinasagawa sa loob ng organisasyon: Dialectical at Historical Materialism, pagkilala sino sina Marx at Lenin, mga paksa sa Sikolohiyang Pilipino, mga pagbabahagi ng karanasan ng mga ka-org na nag-field sa Sikolohiyang Pilipino, at iba pa. Noon, hindi usapin sa akin na walang allowance na ibinibigay o hindi pinapayagan ng magulang na umalis pag walang pasok. Pinapayagan ako at ginagamit kong pamasahe ang naipon ko, mula sa paglalakad sa halip na sumakay ng Ikot, halimbawa.

Ang mga talakayan noon: walang kamatayang political spectrum. Sino ang mga nasa Kaliwa at sino ang mga nasa Kanan at ano ang mga pagtingin at tindig nila sa mga nangyayari, lalo na sa diktadurang Marcos? “Extreme Left” ang tawag sa Communist Party of the Philippines,extreme right” naman ang diktadurang Marcos at Armed Forces of the Philippines. Ang lahat ng ibang pampulitikang puwersa, nasa gitna na.

Panahon noon ng musikang New Wave, pamamayagpag ng mga British at European na banda at artista. Sabi nila, reaksiyon ang New Wave sa dominasyon ng US sa musika. Paborito ko noon ang Tears for Fears, U2 at Depeche Mode dahil may mga sumisingit na pampulitikang kabuluhan sa mga awit nila. Pero gusto ko rin kahit iyung mga wala lang gaya ng Duran Duran at Spandau Ballet.

Naalala ko iyung mga debate ng “participate vs boycott” sa eleksyong 1986. Dahil first-time voters din kami, excited kaming makinig sa ganitong mga talakayan. Participate ba dahil maaaring maging mitsa ang eleksiyon ng pagbabago ng liderato at gobyerno? O boykot ba dahil hindi dapat nag-iilusyon na may mangyayari sa eleksiyon dahil siguradong dadayain naman?

Sa dulo, bumoto rin ako dahil pa excited bumoto, dahil nga first-time voter.  Syempre, ibinoto ko si Cory Aquino — alangan namang si Marcos! Ang pag-asa ko noon, kahit paano may magaganap na pagbabago. Mapapatunayan mang mali ako, dahil maraming patakaran ni Marcos ang nagpatuloy, may kaunting luwag dahil sa nabalik na kaunting “democratic space.

Sa kampus, maraming rally ang idinaos. Ang pinakanaaalala ko ay iyung hinarang sa daan patungong Quezon Hall ang dalawang bus ng MMTC habang nakakapit-bisig ang mga estudyante. Ito na yata iyung panahon na nagkadayaan sa snap election at nanawagan ng malawakang protesta. May mga bumbero at mga pulis. Madaming estudyante ang namulat dahil dito. Kasama na ako.

Panahon ng People Power, walang pasok. Puro meeting. Pakikipag-usap sa admin para ipa-repair ang mga pasilidad, lalo na ang mga CR habang walang pasok. Nagkaklase ang ibang prof sa mga bahay at kung saan-saang lugar. May klase kami sa Pol Sci na sa Forbes Park ginawa, sa bahay ng isang kaklase. Pass or fail lang, hindi 1.0 o 5.0. Rally, gawa ng placards, pamamahagi ng mga polyeto. Ito ang ginagawa namin sa ilang panahon.

Pinakamatingkad sa akin nung mga huling araw ng People Power nang magtungo ang UP contingent sa EDSA sa pamumuno ng USC kasama ang iba pang College SCs. Ito ang unang pagkakataon na lumabas ako sa UP-bahay na routine ko sa araw-araw. Hindi kasi ako naglalakwatsa; student leader daw kasi kaya dapat mabuting ehemplo sa peers. Matingkad din sa akin dahil sa kahalagahan ng paglahok ng mga estudyante sa pulitika ng bansa. Hindi nga dapat maihiwalay ang kapakanan ng estudyante sa kapakanan ng bayan. Mas iyan ang mahalagang tandaan ng mga student leaders.

Samantala, nag-champion din ang UP Maroons Men’s Basketball Team sa unang pagkakataon, sa pangunguna nina Benjie Paras, Eric Altamirano at Ronnie Magsanoc. Kaya full mob din ang UP sa pangunguna ng student councils sa championship game. Hindi lang pang-eskuwela at pampulitika, pag-isports pa!

Gaya ng mababasa sa itaas, hindi ako naorganisa sa pambansa-demokratikong kilusan sa panahon ko sa UP. Dumating ang pagkakaorganisa sa labas na ng paaralan. Pero mahalaga ang mga natutunan at karanasan ko sa UP sa pagkamulat. Napasama lang talaga ako sa grupong hindi aktibista.

Naorganisa ako dahil pa sa pag-volunteer sa Children’s Rehabilitation Center o CRC kung saan ako nag-practicum. Bumibisita kami sa mga bilanggong pulitikal sa ilalim ng gobyerno ni Cory Aquino at naglulunsad ng children’s activities para sa mga anak nila tuwing Sabado.

Sa home visits at jail visits, nakakausap namin ang mga magulang para tanungin tungkol sa mga problemang nakikita nila sa mga anak nila bunga ng karahasang nasaksihan ng mga bata nang arestuhin sila at iba pa. Naaalala ko sa mga binisita kong detenidong pulitikal sina Rafael Baylosis (na nakakulong ulit ngayon sa ilalim ng gobyernong Duterte), Romulo Kintanar at Gloria Jopson, George Madlos at iba pa.

Iniiyakan ko noon ang bawat kuwento ng pamilya, kung paano sila pinaghiwa-hiwalay ng Estado at nakaranas ng karahasan nito. Ikinasiya ko na ang mga pinag-aralan ko sa Psychology ay nagagamit ko sa tunay na buhay, sa pagtulong sa kapwa, at hindi ko alam noon, sa pagtulong sa mga ipinaglalaban nilang mga nakapiit.

Humanitarian ang mga dahilang nagtulak sa aking lalong pagkamulat at pagkakaorganisa, pero nang nasimulan ito, nagtuluy-tuloy na hanggang ngayon, mahigit 30 taon pagkatapos.

Dito ko nasasabing maraming paraan para mamulat. May namumulat sa paraang militante. Mayroon din naman sa isyung mababaw at saka na lang pinalalim. Mayroong namumulat sa pambansang kalagayan. Mayroon namang kahit simpleng isyu ng CR, ng madilim na kampus na kailangang ilawan, mga upuang sira-sira, at iba pa.

Hindi ko din alam kung sasang-ayon ang iba pero sa karanasan ko, pero kaya at puwedeng pagsabayin ang pag-aaral at pagiging aktibista. Ang pagmamahal sa bayan at aktibong pagkilos para ipakita ang pagmamahal na ito ay puwedeng gawin habang nag-aaral, nagtatrabaho, at iba pa. Siyempre, sa tamang pag-engganyo, may mga humahakbang nang higit, tumatalikod na sa pag-aaral para makapaglingkod sa bayan nang buong panahon.

Nasa yugto tayo ng kasaysayan na nauulit ang pasismo at nagbabanta ang diktadura. At dikit sa nasa poder ang mga Marcos! Maraming kabataan ang posibleng tahimik gaya ko noon, subalit nag-iisip at nakikiramdam. Gustong maging mabuting estudyante pero hindi bulag sa pulitika. Maaari ring napapasama sa mga grupong ilag sa mga aktibista. Pero napakainam ng kalagayan para magising at mapakilos sila. Sila ang mga gaya ko sa bagong panahon.