Magsasaka, biktima ng EJK sa Batangas


Isang magsasaka ang binaril at pinatay kaninang alas-otso ng umaga sa Brgy. Caybunga, Balayan, Batangas, ang unang kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa probinsya sa ilalim ng administrasyong Aquino, ayon sa ulat ng Bagong Alyansang Makabayan Southern Tagalog (Bayan-ST). Natagpuang may tatlong tama ng bala sa ulo at dibdib si Rene Rodriguez, miyembro ng Samahan […]

Isang magsasaka ang binaril at pinatay kaninang alas-otso ng umaga sa Brgy. Caybunga, Balayan, Batangas, ang unang kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa probinsya sa ilalim ng administrasyong Aquino, ayon sa ulat ng Bagong Alyansang Makabayan Southern Tagalog (Bayan-ST).

Natagpuang may tatlong tama ng bala sa ulo at dibdib si Rene Rodriguez, miyembro ng Samahan ng Magbubukid ng Batangas. Ayon umano sa mga nakasaksi sa insidente, dalawang nakamaskarang kalalakihang nakasakay sa motorsiklo ang bumaril kay Rodriguez.

Si Rodriguez ay aktibong kumikilos laban sa pangangamkam ng lupa sa bayan ng Coral, Batangas.

Sinabi ni Bayan-ST na si Rodriguez ang ika-pitong biktima ng Oplan Bantay Laya (OBL) sa ilalim ni Aquino, na pinalawig ang programang kontra-insurhensiya hanggang Enero 2011. Ang OBL ang itinuturong sanhi ng mga ekstrahudisyal na pamamaslang at iba pang paglabag sa karapatang pantao sa hanay ng mga aktibista at ordinaryong sibilyan.

“Kinokondena namin ang pagpapatuloy ng brutal na mga pamamaslang sa ilalim ng rehimeng Aquino. Nananawagan kami ng hustisya para kay Rene Rodriguez at iba pang biktima,” ayon sa Bayan-ST.

Idinagdag ng grupo na isa ang probinsya sa may pinakamalaking deployment ng mga tropang militar sa rehiyon ng Timog Katagalugan.