Pinoy Weekly » Kultura http://pinoyweekly.org/new Philippine news, analysis, and investigative stories Sun, 03 Aug 2014 17:56:33 +0000 en-US hourly 1 http://wordpress.org/?v=3.9.1 Librong ‘Hay, Naku! 2013′ ni Prop. Danilo Arao, ilulunsad sa Agosto 26 http://pinoyweekly.org/new/2014/08/librong-hay-naku-2013-ni-prop-danilo-arao-ilulunsad-sa-agosto-26/ http://pinoyweekly.org/new/2014/08/librong-hay-naku-2013-ni-prop-danilo-arao-ilulunsad-sa-agosto-26/#comments Fri, 01 Aug 2014 16:17:09 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=30775 hay naku horizontal tarp-small

Prop. Danilo A. Arao

Prop. Danilo A. Arao

Sa okasyon ng selebrasyon ng Buwan ng Wika, ilulunsad ng isang guro at peryodista ang kanyang libro ng mga sanaysay na nakasulat sa wikang Filipino sa Agosto 26 (Martes), 2:00 ng hapon sa auditorium ng College of Mass Communication (CMC) Plaridel Hall sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman, Lungsod Quezon.

Ang libro na may titulong Hay, Naku! 2013: Pagsusuma ng Isang Peryodista ay sinulat ni Danilo Araña Arao. Ito ay koleksiyon ng mga sanaysay na sinulat niya para sa publikasyong Pinoy Weekly noong 2013. Ang mga artikulo ay nakapaloob sa 11 kabanata tungkol sa wika, propaganda, midya, kasaysayan, eleksiyon, batas, kultura, politika, edukasyon, trahedya at sama-samang pagkilos.

Ang libro ay inilimbag ng PinoyMedia Center (PMC) na naglilimbag din sa publikasyong Pinoy Weekly.

Ayon kay Prop. Jose Maria Sison, tagapangulo ng International League of Peoples Struggle (ILPS), si Arao ay may makabayan at progresibong pananaw. “Mainam na pinagsasama ni Propesor Arao ang paglalahad ng katotohanan at aktibismong patungo sa pundamental na pagbabago. Naging matibay na kasaysayan ang mga tinipon niyang lingguhang artikulo ng mapanuring pag-uulat.”

Sinabi naman ni Prop. Luis Teodoro, dating dekano ng UP CMC, na “Ang akdang ito ay nagpapatunay na ang guro at akademiko ay kailangang bumaba sa toreng garing at makisalamuha sa larangan ng pakikibakang politikal tungo sa kaunlaran.”

Pinuri naman ni Prop. Rogelio Ordoñez ng Kagawaran ng Filipinolohiya, Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) ang pagiging makabuluhan ng libro. “Sa kabuuan, isang testamento ng makauri, makabayan at progresibong peryodismo ang aklat na ito na marapat lamang na panuntunan ng mga nagmamahal sa katotohanan at sagradong kalayaan.”

Si Arao na kolumnista ng Pinoy Weekly ay katuwang na propesor ng peryodismo (assistant professor of journalism) sa UP CMC kung saan siya ay nagtatrabaho rin bilang kawaksing dekano (associate dean).

Ang Hay, Naku! 2013 ay ang kanyang ika-apat na libro ng sanaysay na nakasulat sa wikang Filipino. Ang tatlo pa niyang libro ay ang Kon(tra)teksto (DLSU Publishing House), Hay, Buhay! (UP Press) and Saysay ng Pagkakaugnay-ugnay (UST Publishing House). Inilimbag ang tatlong ito noong 2012.

Ang libro ay magkakaroon ng launch price na P175. Pagkatapos ng launch, ang libro ay ibebenta sa halagang P250. Para sa advance orders, kontakin ang PMC sa pinoymediacenterinc@gmail.com.

Ang author’s royalties para sa pagbebenta ng libro ay mapupunta sa pagpapagamot ni Lordei Hina, isang estudyante ng UP Diliman na naging biktima ng pananaksak sa loob ng kampus noong Pebrero 2012.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/08/librong-hay-naku-2013-ni-prop-danilo-arao-ilulunsad-sa-agosto-26/feed/ 0
Simula ng Biyahe http://pinoyweekly.org/new/2014/07/simula-ng-biyahe/ http://pinoyweekly.org/new/2014/07/simula-ng-biyahe/#comments Tue, 29 Jul 2014 22:04:42 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=30701 Sinimulan noong Hulyo 24, sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas ang Biyaheng Panulat na dinagsa ng mga estudyante.

Sinimulan noong Hulyo 24, sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas ang Biyaheng Panulat na dinagsa ng mga estudyante.

ni Marx Halili

Umaapaw ang mga tao sa bunganga ng bulawang Claro M. Recto nang dumating ako roon. Nagmistula iyong sinehan dahil sa haba ng pila ng mga estudyante ng Politektinong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) at maging ng marami pang ibang mula sa iba’t ibang paaralan sa Metro Manila. Ang ilan ay nagmula pa sa probinsiya.

Punong-puno ng tao ang loob kaya marami ang hindi nakapasok. Kinailangan ko pang pumunta sa parteng likod ng Claro at sumabay sa isang staff para lamang makapasok.

Sa loob ay nananabik na naghintay kami sa pagsisimula ng programa. Hanggang sa umakyat na sa entablado si Lourd de Veyra, di ko inaasahan na host siya ng naturang event dahil hindi naman siya kasama sa poster ng BiyahengPanulat na ikinalat sa halos lahat ng sulok ng PUP para mag-anyaya.

Hiyawan ang mga iskolar nang makita si Lourd  na paakyat! Siya na ang nagpakilala sa tinaguriang “Avengers ng Panitikan ng Pilinas;” sina Rickly Lee, Eros Atalia, Lualhati Bautista, Jun Cruz Reyes, Manix Abrera at ang aninong si Bob Ong. Di na naman ako umasa pa na magpapakitasi Bob pero naghanda siya ng isang video presentation para sa mga iskolar ng bayan na sinundan ng mensaheng ipinabasa niya sa kanyang kinatawan.

Sa pagkakaalam ko, nagsamasama sila sa isang malaking proyekto kung saan pinupuntahan nila ang iba’t ibang mga unibesidad para magbigay at magbahagi ng kanilang kaalaman sa mga batang manunulat, ito ang Byaheng Panulat. Layon din nito na hanapin ang pagsusulat para sa bayan kasabay ng pagpapatawa at pagmumulat.

Sa mensahe ni Bob Ong, ang mga linyang tumatak sa isip ko ay ang tinawag niyang itch o ‘kati’ sa pagsusulat. Ang walang tigil na na pagsusulat gusto mo. “Kati na masarap kamutin,” aniya pa.

Isang lamesita ang pinagigitnaan ng mga batikang manunulat sa entablado, kung titingnan para silang magkakaibigan na nagkukwentuhan na maraming nag-uusyoso. Parang talk show ang dating dahil sa handling ni De Veyra. Hindi iyon tulad ng ibang forum na napuntahan ko na boring at nakakaantok. Iba iyon, iba sila.

Ang mga beteranong manunulat na sina Ricky Lee, Lualhati Bautista at Jun Cruz Reyes ang  pinakamaraming naibahagi dahil na rin siguro sa kanilang mga napagdaanan. Tinalakay nila ang tungkol sa epekto ng social media sa kani-kanilang panulat, ang kanilang inspirasyon sa pagsulat at ilang pribadong impormasyon tungkol sa kanilang sarili na nagpakiliti sa mga nanonood.

Bakit sa PUP? Ayon kay Reyes, pinili nila ang PUP kaysa sa malalaking unibersidad dahil nasa PUP ang bayan, na umani ng hiyawan at palakpakan sa mga tao sa loob ng CM Recto Hall. Gayunman ay nilinaw ni Reyes na nakatakda nilang ibyahe ang kanilang proyekto sa iba’t ibang unibersidad at kolehiyo sa bansa.

Bago magtapos ang programa ay nagbigay ng mensahe ang Pambansang Alagad ng Sining na si Dr. Bienvenido Lumbera sa harap ng mga estudyante. Aniya ‘buti na lang at may unibersidad tulad ng PUP na nagsasagawa ng mga workshop na naglalayong siyasatin ang bayan’.

Tumula rin sa programa ang makata, kompositor at mang-aawit na si Dong Abay.

Sa programang iyon noong Hulyo 24 pa lamang nagsimula ang Byaheng Panulat. Nakatakda itong lumibot para maabot ng mga manunulat ang mga estudyante at kabataang nagnanais na magsulat. Nilinaw naman ni Reyes na uunahin ng kanilang byahe ang ‘mahihirap na kolehiyo at unibersidad.’ Ang proyekto ay naisakatuparan sa pangunguna ng Sentro para sa Malikhaing Pagsulat ng PUP.

Ang isa pang tumatak sa isipan ko ay ang sinabi ni Ricky Lee, “huwag matakot magbukas at pumasok sa mga pinto, dahil sa loob nito, maaaring may kwentongnaghihintay.”

 

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/07/simula-ng-biyahe/feed/ 0
Usapang Buhay sa Virgin LabFest X (10th VLF) http://pinoyweekly.org/new/2014/07/usapang-buhay-sa-virgin-labfest-x-10th-vlf/ http://pinoyweekly.org/new/2014/07/usapang-buhay-sa-virgin-labfest-x-10th-vlf/#comments Tue, 22 Jul 2014 21:50:58 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=30516 Isang eksena mula sa Rebyu ng Virgin LabFest X. (Larawan mula https://www.facebook.com/IslangMalaya)

Eksena mula sa Isang Daan ni Liza Magtoto at direksyon ni Ed Lacson. (Larawan mula https://www.facebook.com/IslangMalaya)

Produksiyon ng The Writer’s Bloc, Cultural Center of the Philippines, Tanghalang Pilipino sa suporta ng Pambansang Komisyon ng mga Kultura at Sining na ginanap sa Tanghalang Huseng Batute –CCP noong Hunyo 25 – Hulyo 6, 2014.

Tampok sa VLF ngayong taon mula sa 163 lahok ang 12 tekstong tumatalakay sa sekswalidad, kasarian, karahasan sa kababaihan, kahirapan, lohika ng isang sistema at kapayapaang panloob man o pang-global. Mula naman sa Revisited Set na binubuo ng mga piling dula mula sa nakaraang produksyon, hatid nito ang karanasan ng tao sa harap ng proyektong pangkaunlaran, ng migrasyon at ng pagtindig ng ordinaryo bilang bagong bayani.

Hamon ng buhay may-asawa ang kinaharap ng Babae sa panulat ni Allan Lopez na Sa Isang Hindi Natatanging Umaga at ang Ulap ay Dahan-Dahang Pumaibabaw sa Nabubulok na Lungsod. Dito, nakilala ng manunood si Meg (Liesel Batucan) bilang epitomya ng kasal na sakal dahil hawak ng kanyang asawa (Yong Tapang) ang batas sa loob at labas ng bahay. Manipestasyon nito ang panghihigpit sa oras ng pagpasok at pag-uwi ni Meg mula sa trabaho maging ang pagmanipula ng simpleng usapan kung saan ang Babae ay tinuturing na may mas mababang IQ.

Atras-abante ang pagtingin ni Meg dito ngunit hindi nakakagulat kung natulak siya mula sa pagsisinungaling hinggil sa simpleng kwento ng karaniwang araw sa opisina hanggang sa pamumuo ng enigmatikong relasyon sa kanyang kasama na si AJ (Jonathan Tadioan). Bagamat Boss niya ito, hindi ito bossy gaya ng asawa. Bagamat siya ay di palakaibigan at iba ang timbre ng utak, in short, boring para kay Meg, si AJ naman ang pumupuno sa tipo ng kaligayahang maibibigay lamang ng isang partner sa buhay na may katangian ng kaibigan.

Wala ring malay si Meg sa opsyon ng diborsyo at sa halip ay patuloy na nakipag-normalan sa kanyang asawa marahil dahil katunayan, hindi rin naman binibigyan ng ating estado ang Babae ng sapat na kapangyarihan para lubusang makipaghiwalay sa kanilang asawa kung ito man ay tunay na walang galang at mapang-abuso. Kumbaga, sa kasalukuyang batas ng Annulment, dehado naman ang Babae labas sa mahal masyado ang proseso nito at maging sa Magna Carta para sa Kababaihan kung saan ang probisyon hinggil sa pang-aapid ay hindi pantay ang pagturing sa kaso ng isang Babae at ng isang Lalaki. Si AJ na may panatang magpakamatay sa kanyang ika-40 kaarawan ay nagsilbing panakip-butas ng kahinaan sa sekswalidad, isang papel na tinatanghal ng Babae sa maraming dula at texto.

Sa set at ilaw ni Katsch Katoy, dama ang sikip ng espasyong ginagalawan ng tatlong karakter sa loob ng perpektong sukat ng frames. Sa direksyon naman ni Denisa Reyes, dama ang pulso ng emosyon at panahon ng drama upang maipabatid ang karakter ng kabit o ang popular ngayon sa tv at pelikula na Other Woman bilang anak ng kaugalian ng indibidwal na inanak naman ng kalakarang tuwad sa kabuuan. Sa isang banda, sinubok din ni Lopez ang pagsira sa stereotype ng Babae at Lalaki: isang konseptong nilubos ni Joy Icayan sa dulang Last Ten Minutes.

Uminog ang piyesa sa dalawang estrangherong nagkasundong magmotel. Nangyaring ang kanilang diyalogo ay naging komprontasyon hinggil sa chatting, booking, sex at pag-ibig: mga bagay na sinalaula ng mga pamantayang moralidad at ng kakitiran ng kulturang macho. Mahusay na ginampanan nina Mayen Estanero at Nor Domingo ang palitang-salita hinggil sa noon at ngayon maging ang laro ng pala-palagay hinggil sa personal na danas sa relasyon. Sabi ng karakter ni Nor na hindi maka-get over sa kanyang ex: Para kang si Ivy…postmodern, hindi babae. Sabi naman ng karakter ni Mayen na di maintindihan ang kanyang ex dahil hindi ito naniniwalang mahal niya kahit may kasama siyang iba: Para kang hindi lalaki… saktan mo ako.

Sa direksyon ni Tami Monsod, naging konkreto ang negosasyon ng Babae at Lalaki hinggil sa gusto at disgusto nila sang-ayon sa nakasanayan. Ang promiscuity ba ay ekspresyon ng protesta laban sa maka-isang panig na pagmamahal? Hanggang kalian malilito ang sex sa seryosong pag-ibig?

Sa porma ng pamimilosopo ay lumilitaw ang pag-aklas ng mga karakter sa pagiging biktima at tagapagtaguyod ng saradong pananaw at mentalidad na bagamat mali ay tinuturing na tama ng karamihan bilang tradisyong lantay.

Kung susumahin, ang mga linya ng Babae sa dula ay mga linyang karaniwang naririnig mula sa machong Lalaki. Bilang bukambibig ng Babae ay naging puntirya ito ng katatawan o kaya ay pagka-irita sa kalooban at kung ang manunood ay sensitibo, mauunawaan niya ang nais tumbukin ng pagyakap ng karakter sa kanilang diyalogo. Sa pala-palagay lumalabas rin ang katapangan ng Babae ngunit nakakalungkot na sa bandang huli, ang Babae ay naging asong sunod-sunuran sa amo at walang puwang kahit sa huling sampung minuto sa kama (set ni Lambert de Jesus).

Sa katulad na eksenang pala-palagay, konseptong karir at domestikasyon ang nais baliin ng Wendy Wants to be a Housewife ni Dingdong Novenario. Sa rurok ng kanyang corporate career ay nagpasya si Wendy (Delphine Buencamino) na mapabilang sa istatistika ng “9 out of 10 women quit their job to be a wife”. Sa Exit Interview, masaksihang hindi maunawaan ni Mark (Topper Fabregas) kung bakit nais ni Wendy ang tumigil magtrabaho upang karirin ang paghanap ng asawa at tuloy ay maging bonggang asawa. Aniya, ito ay pag-unlad na paurong o kaya ay mala-pagsuong sa kweba ng leon.

Opsyon para kay Wendy ang mag-asawa bagamat may malay siyang ang Babae gaya ng Lalaki ay maaaring maging single habambuhay. Isang makatotohanang tunggalian para sa karakter niya ang paghanap ng partner sa isang lipunang hindi handang tanggapin ang pagkaroon ng Babae ng oportunidad halimbawa sa edukasyon, trabaho at higit na mataas na sweldo kaysa Lalaki. Para kay Wendy, hiling ng ganitong sitwasyon ang magpaubaya na naman ang Babae.

Ngunit may kilig-factor ang palabas dahil ang karakter ni Mark ay ang tipo ng Lalaking handang makinig sa lohika anuman ang kasarian nito. Sa kanyang tauhan, may pagbalanse ng kanyang papel bilang Boss at kaibigan. Sa kanilang palitang-kuro, walang bahid ng pang-aabuso ng kapangyarihang industriyal at personal. Sa direksyon ni Joshua So, sa huli ay inimbitahan ang manunood na paglimian ang paglipas ng umaga at gabi at kung ano ang makapagpasaya ng loob higit sa karangyaan mula sa bintana ng tore ng Makati kung saan ang mirasol ay maaaring nagpapanggap lamang na maganda ang araw.

Sa dulang Sa Pagitan ng Dalawang Kahong Liham ni Layeta Bucoy, liham ang elementong nag-uugnay sa magkarelasyong Tart at Cards (Roeder Camañag at Marco Viaña). Ilang beses nang pinatunayan ng liham ang pagkabinbin ng tuluyang pagkawalay ng dalawa at nais sabihin ng dula na sa pamamagitan ng paglabas sa kahon ay naibubunyag din ang ang tunay na damdamin. Maihalintulad ang devise na ito sa paglabas sa kloseta upang maipahayag ang tunay na pagkatao.

Sa direksyon ni Chris Millado, mabigat at bayolente sa halik ang presentasyon ng kanilang pag-iibigan. Bagamat ang ganitong komplikasyon ay reyalidad rin sa relasyong heterosekswal kung saan ang isa ay lulong sa droga, binuyangyang ng dula ang kailangang kamulatan at suportang moral ng kasalukuyang bakla upang hindi mauwi sa self-destruction o suicide.

Kilig ng relasyong Babae sa Babae ang handog ni Raya Laplana sa dulang Sa Lilim. Muling nagkita ang magkaibigang Lai at Hani (Isabelle Martinez and Alison Segarra) mula sa pagkawalay para mag-aral. Sa pagitan ng mga bagong balita ay nanumbalik ang kanilang mga pinagsaluhan bilang magkababata gaya ng role-playing ng magkarelasyon. Bagamat ikakasal na si Hani kay Gibo at si Lai ay mayroon nang girlfriend na si Dorothy, sa dating tagpuan sa nayon ay napukaw ang mga damdaming kipkip lamang ng alaala.

Mayaman sa konteksto ang teksto ng pagkilala ng identidad. Bagamat sang-ayon sa perspektibang musmos ay sinubok laruin ang ilang pagkakataon ng tensyon sa pag-unawa sa kanilang sitwasyon, kapos naman ang pagpapahayag ng mga detalye nito sa pag-arte. Ang ilaw nina Joseph Matheu at Carlo Olvido ay susi sa modang romantiko ng rustikang backdrop ni Tuxqs Rutaquio. Sa direksyon ni Jenny Jamora, nag-umpisa sa tampuhan ngunit nagwakas na sagrado ang tagpo gaya ng unang halik at gaya ng naunang lesbyanang tagpo ng kanilang Tita Bel at Jana sa parehong lilim ng puno. Maaaring balikan ang discovery nina Ester at Ibyang sa isa’t isa (Ang Pamamanhikan ni Bernadette Neri, VLF 2013).

Samantala, maalala ang kaso ni Katrina Halili sa ex nitong si Hayden Koh kaugnay ng pinalaganap na sex video sa Anonymous ni Liza Magtoto. Ang sketch ng emotional blackmailing ay lapat sa ordinaryong Babaeng (Uleb Nieto) itinulak sa komplikadong tunggalian gawa ng Lalaking (Cris Pasturan) nais pagkakitaan ang bulnerableng nakaraan ng tauhan. Ang pagsalita hinggil dito sa kabila ng alinlangang mananatili ang paggalang ng kanyang iniibig (Randy Villarama) ay isang mapangahas na hakbang sa pagpiglas mula sa liberalismong ligaw at pagtanggol tuloy sa sarili upang igiit ang karapatan ng isang Babae.

Mapangahas ang aksyong ito sa isang reyalidad na pinaghaharian halimbawa ng brutal na kapulisang di naniniwalang biktima ang isang Babaeng biktima ng karahasang sekswal man, berbal, mental o elektroniko. Dagdag na komplikasyon kung ang pananaw mismo ng kanyang prospek na asawa ay kabilang sa bulok na konserbatibong panahong walang pakundangan kung manghatol sa Babae bilang “malandi at tanga”.

Walang malay ang karakter sa mga batas GABRIELA gaya ng HB 6815 (E-VAW / Electronic Violence Against Women) o RA 9262 (Anti-Violence Against Women and their Children Act). Ngunit, sa kanyang pasyang ayaw nang itago ang panloloko sa kanya ng estrangherong nakaulayaw noon ay binasag niya sa isang lebel ang pananahimik na konsitidor sa paglaganap ng pang-aabuso at ng traumang kaakibat nito. Sa direksyon ni Audie Gemora, may pasaring ng dalisay na pagtanggap at suporta sa Babae sa matinding sitwasyon nang ibinunyag ng kanyang iniibig ang proposal ring. Sa isang banda, walang kasiguruhang sinasaad nito na sa gabing iyon ay natapos din ang alinlangan ng Babae dahil sa susunod na mga araw, sila ay haharap sa magulang, kamag-anak, kapitbahay, midya at simbahan.

Masaklap na alaala ang nais din maigpawan ni Kiko (Sarah Salazar) katuwang ng kanyang kasintahan (Opaline Santos) sa Bago Ilibing nina UZ Eliserio at Maynard Manansala. Sa gabi ng lamay ng kanyang Tito (Joel Saracho), nais niyang magtestimonya dito bilang rapist at basagin tuloy ang impresyon ng taumbayan sa isang matulunging politiko.

Naharap ang karakter sa etika ng paggalang sa lamay sa ngalan ng kanyang Inang Kagawad (Meila Romero) habang nag-aalboroto siyang maipahayag ang karahasang dinanas bilang mahalagang bahagi sa proseso ng pagtutuldok dito. Gamit ang elementong multo at sinturon, naging saksi ang manunood ng malapitang espasyo sa sinapit ni Kiko. Sa huli, malalaman sa timping iyak ng kanyang Ina na pareho sila ng sinapit sa kanyang kapatid. Ang eksena ay walang malay na pinapanuod ng kanyang Nanay (Lola ni Kiko na ginampanan ni Hermie Conception) mula sa e-burol screen.

Sa timplang surreal at realistiko ni JK Anicoche, tumawa at umiyak ang mga manunood habang pinapaalalahanang ang mga kwentong Insiang ay di pa tapos sa panahong nawawalay ang mga anak sa kanilang magulang para magtrabaho abroad. Samantala, nabuksan ang katanungang: Ang pagiging tomboy ba ay isa lamang reaksyon ng karahasan?

Direktang komprontasyon sa usaping incest ang ipinakita ng emosyonal na piyesang Mapagbirong Haplos ni Kevin Tabora. Natulak sa sitwasyon ang manunulat at propesor na si Jeanette (Meann Espinosa) nang lumaya mula sa preso ang kanyang Ama (Crispin Pineda) at ngayon ay nagpapatulong magsulat ng kanyang aplikasyon para magtrabaho sa Canada. Habang nakipagtawaran sa patawad, mahirap pakinggan ang kinamumuhian. Absurdong maituturing kung ang kriminal ay humingi ng tulong sa kanyang biktima. Ito ang internal na binabaka ni Jeanette.

Malaking hamon ito sa aktor laluna’t magkadugo ang mga karakter. Sa direksyon ni Melvin Lee ay epektibong naipakita ni Pineda ang karakter ng patay-malisya, may mababang literasiya at kalmadong mamang sinsero sa pagbabagong-loob habang si Espinosa ay kailangang angkinin ang tensyonado ngunit kontroladong tauhang galit.

Samantala, mapait na reyalidad ng mga “bilog” o undocumented Filipino migrants sa Japan ng taong 1992 ang ipinahayag ni Herlyn Alegre sa Imbisibol sa direksyon ni Lawrence Fajardo.

Si Mommy Linda (Ces Quesada) na nakapag-asawa ng Hapon ay nagsilbing tagatanggap ng mga sulat mula Pinas sapagkat tanging siya ang may ligal na address sa komunidad ng Pinoy sa Tokyo. Bonding ng mga Pinoy ang pagbasa ng sulat. Sa araw ng pagdalaw ng kanyang mga kaibigan/alaga na all around worker na si Benjie (Bernardo Bernardo) at hostong si Manuel (Junjun Quintana) ay dumating ang duguan na si Rodel, manggagawa ng pabrika (Only Torres). Si Rodel ay laman ng balita sa tv bilang nakapatay ng tao gawa ng panliliit nito sa Pilipino.

Sinubok ng sitwasyon ang pagpili ng mga tauhan sa pagitan ng pag-iral ng kultura ng tulungan o pag-iwan sa kababayan sapagkat sila’y kapwa walang kapangyarihang protektahan ang sarili sa ibayong dagat. Bagamat walang pagtatagpo ng organisasyong mapagkalinga at ng mga indibidwal sa dula, ang pagsilang ng Migrante International upang organisahin ang mga migranteng manggagawang Pilipino ay isang mulat na paraan upang punan ang kakayanan ng mga OCW/OFW at upang lubos na matugunan ang mga isyung kanilang kinakaharap.

Ang Isang Daan sa panulat ni Liza Magtoto at direksyon ni Ed Lacson ay bangayan sa pagitan ng dalawang pwersa: ang hanay ni Ting (Jelson Bay) na lumalaban para mapanatili ang pamanang hi-way ng kanyang Katipunerong ninuno; at ang hanay ng Mayorang (Mila Romero) nais ipa-convert ang hi-way sang-ayon sa batas na ipinagtibay ng kanyang Gobernador na magulang. Habang nakaka-aliw ang tanggo sa paninindigan ng parehong hanay, nalilihis ang manunood mula sa tunay na isyu ng demolisyon sa ngalan ng proyektong pangkaunlaran.

Di gaya ng kulob na emosyon sa Mapagbirong Haplos at mabuway na diskurso ng mga tauhan sa Isang Daan, sa dulang Ang Naghihingalo ay tumitilapon ang mga balidong reaksyon ng mga karakter. Sa talinghaga ni Raymund Reyes, ang dula ay nakakatuwang kritiko sa halaga ng buhay at sa mga buhay pa’y patay na.

Nagkita sa ospital ang magkapatid na Guido (drayber), Doreen (titser) at Linda (5-6) nang isinugod si Intoy (dating manggagawa ng pabrika at ngayon ay manininda ng ice cream). Uminog ang pamomoblema ng magkapatid sa pag-asam na maisalba ang buhay nito habang sa proseso ay sumambulat ang problemang patong-patong na pasan ng dukhang Pilipino: mula sa pambayad sa doktor, pagpapaaral, paghahanap ng trabaho, pagkalulong sa bisyo, kawalan ng matinong bahay, pag-aanak,  pangungutang, pag-aasawa ng gurang na Kano at marami pang iba.

Sa ayaw-paawat na paggampan nina Bong Cabrera, Wenah Nagales at Dolly de Leon, handog ng palabas ang patawang likas sa karaniwang karakter ng lansangan. Sa direksyon ni Dennis Marasigan, hiniling ng tunggalian ng palabas ang katwiran sa pagitan ng lapot ng dugo at kompetisyon, sa pagitan ng dignidad at yaman, sa pagitan ng pagkasubsob sa trabaho at pag-alaga ng kalusugan at sa pagitan ng tunay na pag-ibig at gamitan. Gaya ng mga ordinaryong karakter nina Brecht at Gorky, tumingkad sa dula ang talinong taglay ng mga karakter batay sa kanilang araw-araw na pakikipagbuno sa buhay.

Kabalintunaan ng Naghihingalo ang bida ni J-mee Katanyag. Layunin ni Lola Betang (Sherry Lara) ang pumanaw na. Gamit ang konseptong sundo ng kabilang buhay na sa tekstura ni Katanyag ay isang irog ng kabataan (Chino Veguillas), pambihira ang ganitong aksyon kung saan hindi pinapahintulot ng magulong politika at ekonomiya ng bansa na tumanda ang mamamayang Pilipino bilang masaya at kontento at sa gayon ay mamatay nang tahimik.

Sa direksyon ni Ed Lacson, ang nakapalibot na set ng radyo ay lampas sa impresyon ng sementeryo, bagkus ito ay hardin ng langit na maituturing kung saan namumutawi ang maayang musika ng panahon ni Lola. Sa dulang Betang, naipakita ang isang mukha ng kahandaan at pagyakap sa mortalidad ng indibidwal.

Pagtaya sa isang indibidwal para sa kapayapaan ang moda naman ng The Missing Peace sa panulat ni Carlo Vergara at sa paraang multimedia ni Marlon Rivera. Walang malay si Candy/Candida (Hannah dela Guerra) na sa ngalan ng world peace, kailangang may mamatay at ang papel na ito ang siyang kapalaran sa pagsali sa Miss Universal Empress 2045. Ipinagkanulo siya ng kanyang stylist at manager (Rem Zamora at Noemi Manikan Gomez) sa propesiya ng 1745 kung saan ang kapayapaan ng mundo ay matatamo lamang sa kondisyong grandslam sa limang beauty pageant. Sapagkat naangkin na ng Pilipinas ang Ms. Multinational, Ms. Globalflower, Ms. Cyberspacial Queen at Ms. Ultranational, malaking pressure kay Candy/Candida ang pag-alay sa Pilipinas ng titulong empresa.

Malinaw na ang hangaring kapayapaan ay may kolateral sa tauhan ni Candy/Candida at ng kanyang tinatagong anak. Gayunpaman, liban sa kulang sa disenyong futuristic ang pagtatanghal, hindi nabigyang-pansin ang nais tumbuking parikala ng patimpalak sa konsepto ng kagandahan habang may mga bansang nanggegera ng ibang bansa sa pangalaga ng pansariling ekonomiya at ganansya.

Ang pamilyang Superhero na tagapagligtas ng mundo ay matutunghayan sa Kung Paano ako naging Leading Lady bilang amo ng isang masipag at mapagkakatiwalaang Katulong (Kiki Baento) na sekretong may mutwal na pagtingin kay Leading Man. Ang mas batang Kapatid niyang kapwa namamasukan (Skyzx Labastilla) ay may reputasyon ng makating kamay at muli nitong pinatunayan nang nakawin nito ang teknolohiyang intel ng Superheroes. Namatay si Leading Man sa laban upang bawiin ang ang dokumento ng Superheroes mula sa bidang kontrabida na Kapatid.

Sa pantasya ni Carlo Vergara at direksyon ni Chris Martinez, ang bidang Katulong ay nagpasyang isuot ang papel ng bayani upang maging Leading Lady sa pagpanaw ni Leading Man. Tinataguyod ng dula ang pagtindig ng karaniwnag tao upang harapin ang mga pagsubok mula sulok ng bahay hangang sa buong daigdig.

Lapat sa katotohanan ang komedya ng makutingting na pagresolba ng problema sa Ang Goldfish ni Prof. Dimaandal kung saan nais ipalitis ni Prof. Dimaantal ang dalawang batang estudyante sa pagkamatay ng kanyang isda. Hinamon ng mga magulang ng mga suspek ang prinsipal at ang nagdedemandang guro sa isang siyentipikong imbestigasyon.

Sa panulat ni Eljay Deldoc at direksyon ni Roobak Valle, nagmistulang kenkoy na public hearing ng senado o kongreso and imbestigasyon habang naiisasantabi ang sentido-komon na pananaw ng isang gurong sa bandang huli ay mapatunayang siyang pinakalohikal sa punto de bista ng simpleng maka-makatao: pagpanig sa kapakanan ng mga batang kinabukasan ng bansa.

Sa ika-sampung taon ng VLF bilang festival ng mga dulang may isang Akto, kinikilala ang pagrehistro nito bilang espasyo kung saan unang matunghayan ng manunood ng Kamaynilaan ang mga piling piyesa. Ang entablado rin nito ay tagpuan ng mga baguhan, freelance o kaya ay mainstream na mga manunulat, direktor at actor.

Higit dito, sa katangiang eksperimental na relatibong may kalayaan sa estetika ay naihahapag sa manunood ang mga kontemporaryong usapin kung saan sa loob ng 15 hanggang 30 minuto ay napapahapyawan nito ang masalimuot na buhay ng mga Pilipino laluna sa lungsod na may kaugnayan sa mga kababayan sa probinsya sa kontekstong iisa ang ating bituka at pandama. Labas sa hatid nitong libangan, namamaksima din sa isang paraan ang dulaan bilang espasyong tuntungan ng tanong at palaisipan. Mainam kung gayon ang magkaroon ng kahalintulad na platapormang pangkultura sa iba’t ibang rehiyon at sektor.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/07/usapang-buhay-sa-virgin-labfest-x-10th-vlf/feed/ 1
VIDEO| Nora Aunor, pinarangalan sa pagiging boses ng kilusang kontra-US Bases http://pinoyweekly.org/new/2014/07/nora-aunor-pinarangalan-sa-pagiging-boses-ng-kilusang-kontra-us-bases/ http://pinoyweekly.org/new/2014/07/nora-aunor-pinarangalan-sa-pagiging-boses-ng-kilusang-kontra-us-bases/#comments Sat, 05 Jul 2014 07:08:39 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=30302 Ang tinaguriang "Superstar" na si Nora Aunor, kasama ang tanyag at premyadong scriptwriter na si Ricky Lee, matapos ang paggawad ng Gabriela kay Aunor bilang "artista ng bayan" sa kontra-US Bases na pelikulang "Minsa'y Isang Gamugamo". <strong>KR Guda</strong>

Ang tinaguriang “Superstar” na si Nora Aunor, kasama ang tanyag at premyadong scriptwriter na si Ricky Lee, matapos ang paggawad ng Gabriela kay Aunor bilang “artista ng bayan” sa kontra-US Bases na pelikulang “Minsa’y Isang Gamugamo”. KR Guda

Isang maliit na pagtitipon ang isinagawa ng grupong pangkababaihan na Gabriela sa bilding ng National Council of Churches in the Philippines (NCCP) noong Hulyo 4. Isang porum ang isinagawa, tumatalakay sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Kasama ang Gabriela Women’s Party at Peace for Life, ipinaliwanag nina Atty. Evalyn Ursua, Liza Maza at Prop. Judy Taguiwalo ang mga implikasyon at inaasahang social costs ng EDCA sa bansa–partikular na ang mga paglabag sa karapatang pantaokarahasan sa kababaihan, at iba pang abuso na kadalasang kadikit ng presensiyang militar ng Amerikano.

Nora Aunor sa "Gamugamo": Makapangyarihang imahe ng paglaban kontra sa US Bases. <strong>KR Guda</strong>

Nora Aunor sa “Gamugamo”: Makapangyarihang imahe ng paglaban kontra sa US Bases. KR Guda

Pero ang highlight ng pagtitipon: Ang pagdating ni Nora Aunor, na sinasabi ng marami na pinakamhusay na aktres ng bansa.

Ginawaran ng Gabriela si Aunor ng pagkilala bilang “artista ng bayan” dahil sa pagganap niya bilang pangunahing karakter sa pelikulang “Minsa’y Isang Gamugamo” (1976). “Gamugamo” ang isa sa iilan lamang na pelikulang Pilipino na lantarang bumabatikos sa base militar ng Amerika sa Pilipinas, mula 1947 hanggang 1991. Dinirehe ng tiyahin ni Pangulong Aquino na Lupita Aquino-Kashiwahara, ang pelikula ay hinggil sa isang karakter (Nora) na naghahangad makarating ng Amerika na sinapitan ng trahedya nang “mapagkamalang baboy” ang kanyang kapatid ng mga sundalong Kano sa nalalapit na base-militar ng Kano sa kanilang lugar.

Makabagbag-damdamin ang pagtanggap ni Aunor ng pagkilala. Maaalalang muling naging kontrobersiyal siya kamakailan dahil sa pagtanggi ni Pangulong Aquino na kilalanin ang tinaguriang “Superstar” ng National Artist Award–ang pinakamataas na pagkilala ng Estado sa mga alagad ng sining sa bansa. Marami ang nagsasabing isang inhustisya ang di-paggawad nito kay Aunor; malinaw na nararapat ang karangalang ito sa kanya bilang isa sa pinakamahusay na aktor sa pelikula, gayundin bilang mang-aawit at artista na rin sa teatro.

Halos maluha si Aunor sa pagkilala ng Gabriela. Aniya, natutuwa siyang halos 40 taon matapos unang lumabas ang pelikula, makabuluhan pa rin ang “Gamugamo”. Sa inaasahang panunumbalik ng base-militar ng Kano sa Pilipinas, nariyan pa rin ang panganib sa mga Pilipino na “mapagkamalang baboy”. Nariyan pa rin ang boses at imahe ni Aunor na naggigiit, galit na nagsasabing:

“My brother is not a pig.”

 

Panoorin ang bidyo ng pagtanggap ni Nora Aunor ng karangalan mula sa Gabriela:

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/07/nora-aunor-pinarangalan-sa-pagiging-boses-ng-kilusang-kontra-us-bases/feed/ 0
Sining para sa Supremo http://pinoyweekly.org/new/2014/06/sining-para-sa-supremo/ http://pinoyweekly.org/new/2014/06/sining-para-sa-supremo/#comments Sun, 29 Jun 2014 08:22:39 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=30200 Ika-apat na Eksibisyong Bonifacio handog ng Bonifacio 150 Committee at Linangan ng Kulturang Pilipino

Bilang pagpapatuloy sa pagbibigay-kaalaman hinggil kay Gat. Andres Bonifacio at sa paggunita ng ika-150 kaarawan ng pambansang bayani, itinanghal ang ika-apat na Eksibisyong Bonifacio na nilahukan ng 21 pintor kasama sina Arlene de Castro-Anoñuevo at Yolanda De Castro-Cabuco mula sa angkang Bonifacio.

Sa Senate Tour sa pakikipagtulungan sa Sandigan ng mga Empleyadong Nagkakaisa sa Adhikain ng Demokratikong Organisasyon (S.E.N.A.D.O.) at ng Office of External Affairs noong Mayo 26-29, 2014, natunghayan ang mga larawan ni Bonifacio bilang pinunong may dalisay na layon hindi lamang para sa sarili kundi para sa buong bayan. Sa inangkin niyang pangalang Maypag-asa noong rebolusyong 1896 laban sa dayuhang pananakop, pinatunayan niya sa kasaysayan ng bansa na ang mithiin ng mamamayang mahigit tatlong-daang taong inapi ay makakamit sa pamamagitan ng pagkakaisa at paninindigan sa pakikibaka.

Mga Larawan mula sa Bonifacio 150 Committee 

Walang Busabos sa Sariling Bayan. Arlene de Castro. 46x61cm Oil

Walang Busabos sa Sariling Bayan. Arlene de Castro. 46x61cm Oil

Ang Bayan kong Pilipinas. Yolly de Castro Tabuco. 100x76cm Acrylic.

Ang Bayan kong Pilipinas. Yolly de Castro Tabuco. 100x76cm Acrylic.

 Battle of Pugadlawin. Fercilette Sauro. 61x81cm Acrylic.

Battle of Pugadlawin. Fercilette Sauro. 61x81cm Acrylic.

Bonifacio: Ang Mandirigma. Ma. Lourdes Inosanto. 53x59cm Oil.

Bonifacio: Ang Mandirigma. Ma. Lourdes Inosanto. 53x59cm Oil.

 Anak ng Bayan. Ted Camahalan. 50x76cm Acrylic

Anak ng Bayan. Ted Camahalan. 50x76cm Acrylic

 Bonifacio, Noon at Ngayon. Julie Po. 61x76cm. Acrylic.

Bonifacio, Noon at Ngayon. Julie Po. 61x76cm. Acrylic.

 Anak ng Bayan. Rena Jamora, Jose Irwin Mallare at Ernie Navarro. Indoor Installation.

Anak ng Bayan. Rena Jamora, Jose Irwin Mallare at Ernie Navarro. Indoor Installation.

Mural by Bonifacio 150 Committee Visual Arts Collective

Mural by Bonifacio 150 Committee Visual Arts Collective

Kasama sa iba pang likha ang Halik ni Hudas (Ding Royales), Ang Supremo (Naghahanap ng Katarungan) (Bodgie Mopia Puod), Ang Supremo: Senor AB(Dante Palmes), The Supremo (Ed Bascara), Maskara (Paul Alfonso), Alab ng Puso, Dugong Buhay (Alan Malunes), Ang Supremo II (Ed Bascara), Ang Supremo (Ma. Morena Ramos), Supremong Lego (Emmanuel Sia), Ang Supremo: Si B. Bonifacio (Cheril Lopez Gagala) at Supremo (Michael Art de Leon).

Ang mga naunang tour ng eksibisyon ay ginanap sa Bahay Nakpil-Bautista (Tahanan ng mga Katipunero http://bahaynakpil.org), Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) at Philippine Normal University Edilberto Dagot Hall sa pakikipagtulungan sa Kapisanang Diwa at Panitik (KADIPAN) at Kabagang Art Group.

Upang magkaroon ng Eksibisyong Bonifacio sa inyong komunidad at paaralan, makipag-ugnayan kay Lorena Pacampra <luntiangpaligid@gmail.com>.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/06/sining-para-sa-supremo/feed/ 0
Mantrang Inanod sa Maitim na Butas ng Cyberspace http://pinoyweekly.org/new/2014/06/mantrang-inanod-sa-maitim-na-butas-ng-cyberspace/ http://pinoyweekly.org/new/2014/06/mantrang-inanod-sa-maitim-na-butas-ng-cyberspace/#comments Sun, 29 Jun 2014 07:54:17 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=30198 Datapwat lalong lumala ang sakit at gutom kahit 7.2% lumago ang GNP
Diyata
Datapwat wala pang $2 kada araw ang pantawid-buhay ng nakararaming pamilya
Diyata
Datapwat sa harap ng nagkatusak na mall 39 milyong tao ang walang trabaho
Diyata
Datapwat wala pa ring hustisya ang mga biktima ng Mendiola’t Ampatuan masaker
Diyata
Datapwat pinatay pa si Ricardo Ramos & mga kasapi ng unyon sa Hacienda Luisita
Siyanga?
Datapwat nagdarahop ang mga pesante sa mga hacienda sa Pampanga’t Negros
Ay ewan
Datapwat hanggang ngayon walang mabisang tulong para sa libu-libong pamilyang nasalanta ng Haiyan/Yolanda
Ay ewan
Datapwat sa simula pa lamang ng 2014 nagkaroon na ng 21 biktima ng EJK (Extra- Judicial Killing), 21 dinukot, 94 binugbog, 631 detensiyong labag sa batas
Ay ewan
Datapwat matapang si Loida Magpatoc sa pagtutol sa barbaridad sa Camp Bagong Diwa at kurakot ng uring oligarko’t komprador
Ay ewan
Datapwat patuloy ang dahas pandurukot tortyur pandarambong ng mga pulis-militar
Siyanga?
Datapwat pinaslang nila si William Bugati ng tribung Kuwali sa Kiangan, Ifugao
Diyata
Datapwat sapilitang itinaboy ng mga sundalo ang buong tribung Manobo mula sa kanilang lupang tinubuan
Ay ewan
Datapwat nawala na ang soberanya ng bansa (kung meron man) dahil sa VFA / EDCA at sakop na tayo ng US Special Forces & korporasyong dayuhan, salamat sa rehimeng taksil at aliping ahente ng imperyalismong mandurugas
Siyanga?
Datapwat 12 milyong Pinay/Pinoy na ang nag-abrod at 6,000 mamamayan ang tumatakas araw-araw upang mging alila ng mundo
Siyanga?
Datapwat wala pa ring naisakdal na upisyal sa mga krimeng nabanggit & nangyayari
Siyanga?
Datapwat inutil ang Oplan Bayanihan at Balikatan sa paglutas ng gutom krimen
Ay walanghiya!
Datapwat tigil na dakdakero idatdat ang punglo’t dinamitang magpapasabog sa buong sistemang bulok na ubod ng kawalang-hiyaan!

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/06/mantrang-inanod-sa-maitim-na-butas-ng-cyberspace/feed/ 0
10 dahilan kung bakit di ginawaran ni Noynoy ng National Artist Award si Nora Aunor http://pinoyweekly.org/new/2014/06/opinyon-10-dahilan-kung-bakit-di-ginawaran-ni-noynoy-ng-national-artist-award-si-nora-aunor/ http://pinoyweekly.org/new/2014/06/opinyon-10-dahilan-kung-bakit-di-ginawaran-ni-noynoy-ng-national-artist-award-si-nora-aunor/#comments Tue, 24 Jun 2014 11:10:25 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=30068 Nora Aunor, noong nagbalik-telebisyon siya, taong 2011. <strong>WIkimedia Commons</strong>

Nora Aunor, noong nagbalik-telebisyon siya, taong 2011. Wikimedia Commons

opinyon-iconHanggang sa pagkakasulat nito, tila malabo pa rin sa mga tagapagsalita ng Malakanyang kung bakit tinanggal ang pangalan ni Nora Aunor sa mga gagawaran ng National Artist. Basta ang sabi ni Sonny Coloma, nasa discretion ng Pangulo ito, di niya kailangang magpaliwanag. Siya ang tanging may prebilehiyo na mamili kung sino ang karapat-dapat — hindi iyung mga kapwa artista, hindi mga alagad ng sining, hindi mga kritiko at patrons ng sining, hindi ang mga mamamahayag, at hinding hindi ang mga mamamayang Pilipino na tumatangkilik sa sining at popular na kultura. Siya lang. You already.

May narinig din tayong tsismis na moralidad daw ang batayan kung bakit binura ang pangalan ni Superstar sa listahan ng gagawaran ng titulong Pambansang Alagad ng Sining. Pero kung uuriratin ang buhay ng bawat National Artist, siguradong may madidiskubreng “imoralidad” sa ilan sa kanila. Personal na kahinaan man iyan (“May pangalawa siyang pamilya!”) o pampulitika (“Sinuportahan niya si Marcos!”) hindi maiiwasan na magkaroon ng bahid ng kahinaan kahit ang kapita-pitaganang mga artista ng bayan. Pero sabi nga, hindi ito ang dapat na batayan ng pagiging National Artist. Artist nga eh, hindi santo, ang hinahanap natin.

Sa kabila ng kabalintunaan ng mga tagapagsalita ng Pangulo, tahimik mismo si Noynoy Aquino. Kung kaya, hayaan ninyo kaming pabirong mag-speculate: Ano kaya ang 10 dahilan kung bakit ayaw ng Pangulo na gawing Pambansang Alagad ng Sining ang isang Nora Aunor?

1. Dahil may kahawig siyang dating Pangulo na kinamumuhian ng kasalukuyang Pangulo.

La Gloria ala La Aunor: DI kasalanan ni Ate Guy na mistulang kinopya ng dating pangulo ang kanyang hitsura.

La Gloria ala La Aunor: DI kasalanan ni Ate Guy na mistulang kinopya ng dating pangulo ang kanyang hitsura.

Unahin na natin ito. Obvious, di ba. Ayon sa urban legend, pinadron ni Gloria Macapagal-Arroyo ang hitsura niya sa Superstar noong nangangampanya siya. May posing pa siya sa mga poster na Norang Nora. Pati nunal. Maaalala rin nating nagrali si Nora Aunor laban kay Erap noong EDSA Dos — ang popular na pag-aalsa na nagluklok sa poder kay Gloria. At dahil sa galit ni Noynoy sa dating Pangulo, pati iyung artistang ginaya ng huli, pinagdiskitahan niya.

2. Dahil baka marekluta ng Oposisyon si La Aunor para tumakbo sa 2016.

Ewan natin kung ano ang latest sa relasyong Erap at Nora–kung nagbati na sila magmula noong EDSA Dos. Anu’t anuman, minsan na nating nakita ang Superstar na tumakbo sa isang pampulitikang posisyon–bilang gobernador ng Camarines Sur, noong 2001. Tumakbo siya sa ilalim ng Aksyon Demokratiko ni Raul Roco, na nasa ilalim naman ng People Power Coalition ng administrasyong Arroyo. Pero, sa mismong kampanya, ang kuwento’y naging makinarya niya ang mga Maka-Kaliwa, lalo na ang mga miyembro ng Bayan Muna. Ang balita rin natin, hindi ganun kaaktibo si La Aunor sa pangangampanya kaya natalo siya. Pero sa malayong senaryo na mapapatakbo siya para maging bise-presidente (o senador) sa 2016, at dahil sa tila’y muling-pagkabuhay ng career niya, malaki ang tsansa niya. Pero…gusto ba nating maging pulitiko ang nag-iisang Superstar?

3. Dahil matapos ang backlash sa reputasyon ni Noynoy nang aminin niyang naninigarilyo siya, ayaw na ng Pangulo na maggawad ng Award sa isa pang sinasabing nagpo-promote ng paninigarilyo.

Nora sa cover ng "Yes Magazine" (Oktubre 2011)

Yosi Girl: Nora sa cover ng “Yes Magazine” (Oktubre 2011)

Yosi Kadiri si Noynoy, at matindi na ang natanggap niyang mga puna sa pagdedepensa sa kanyang bisyo. Kaya, sabi sa haka-hakang ito, ayaw na niyang palalain ang masamang reputasyon. Si Nora, na na-feature sa isang magasin na naninigarilyo, ay masamang ehemplo sa kabataan. Dati pang napuna ang magazine cover na ito.

4. Dahil naniniwala si P-Noy na masamang ehemplo si La Aunor sa dating paggamit ng huli ng bawal na gamot.

Ate Guy sa pelikulang "'Merika" (1984)

Ate Guy sa pelikulang “‘Merika” (1984)

Siyam na taon na ang nakakaraan nang mahuli si Nora na may dalang shabu sa Los Angeles International Airport. Mula noon, naungkat na sa publiko ang paggamit niya ng bawal na gamot — isang bagay na hindi naman kataka-taka at hindi naman unique sa showbiz. Alam naman nating laganap ang paggamit ng recreational drugs sa mga artista. Dahil ito, siyempre, sa napakadaling akses nila sa mga droga. Pero dahil din sa presyur ng trabaho. Siyempre, hindi dapat kinukunsinti ang paggamit nito. Pero sabi nga, biktima sila. At naalpasan na ito ni La Aunor sa kanyang buhay.

5. Dahil maraming beses nang sinabi ni Noynoy na di pa niya tiyak ang tindig niya sa same-sex marriage; nabalitang nagpakasal si Ate Guy sa isang kapwa-babaing partner noong 2000.

Kapag sinabing “moralidad” ang batayan ng Palasyo, posibleng di lang tinutukoy nito ang dating problema ni Nora sa bawal na gamot. Samantala, bagamat di pa tiyak ni Noynoy ang tindig niya sa same-sex marriage, maraming beses na niyang inihayag na di siya sang-ayon sa child adoption ng gay couples–isang posisyon na ayon sa mga kritiko’y mistulang di-pagsang-ayon sa same-sex marriage. Samantala, sinabi ni Ate Guy sa isang panayam na maaaring “bisexual” siya. Walang kinalaman dapat ang seksuwal na oryentasyon sa pagpili kung karapatdapat o hindi na maging National Artist si Nora. Pero halimbawa’y totoo ito, magtataka pa ba tayo kay Noynoy?

6. Dahil sa programang counter-insurgency na Oplan Bayanihan. Isa sa pinaka-memorableng roles ni Ate Guy ang armadong rebelde sa Andrea, Paano Ba Ang Maging Isang Ina?

Andrea, Paano Ba Ang Maging Isang Ina? (1990)

Andrea, Paano Ba Ang Maging Isang Ina? (1990)

Isa sa pinakamahusay na ginanap na roles ni La Aunor ang pagiging Andrea sa naturang pelikula. Si Andrea ay isang gerilya, miyembro ng New People’s Army o NPA na napuwersang mag-iwan ng kanyang anak sa isang kaibigan matapos mamatay ang kanyang asawang gerilya rin. Isa ito sa iilang pelikulang Pilipino na simpatetiko at makataong pagsasalarawan ng mga rebelde. Ina si Andrea na may ipinaglalaban, pero ina pa rin siya. Noong Marso, nahuli ng militar ang anak ng dating tagapagsalita ng mga rebelde sa totoong buhay na si Gregorio “Ka Roger” Rosal. Si Andrea Rosal, na namatayan ng kapapanganak-pa-lamang na sanggol dahil sa marahas na kondisyon ng kulungan ng gobyerno ni Aquino, ang isa sa pinakatanyag na political prisoners ni Aquino ngayon.

Siya nga pala, ipinakita rin ng pelikulang Andrea ang mga paglabag sa karapatang pantao noong panahon ni Cory Aquino.

7. Dahil sa The Flor Contemplacion Story — pelikulang tumutuligsa sa unwritten na polisiya ng gobyerno na Labor Export Policy, o ang pagtutulak ng gobyerno na mangibang bayan ang mga Pilipinong manggagawa dahil di sila mabigyan ng gobyerno ng trabaho sa sariling bansa.

Sa lahat ng pelikulang Pilipino, iilan lang ang direktang pumaksa sa problema ng puwersahang migrasyon sa mga Pilipino. Sa The Flor Contemplacion Story, direktang pinaksa ito, at direkta ring inilantad ang pananagutan ng gobyerno. Bagamat panahon pa ni Fidel Ramos ang kaso ni Contemplacion, nagpapatuloy ang polisiya ng labor export policy sa ilalim ni Noynoy Aquino. Katunayan, tulad ng nakaraang mga rehimen, remitans pa rin ng Overseas Filipino Workers (OFW) ang bumubuhay sa ekonomiya ng bansa. Kapag nahirang si Nora bilang National Artist, tiyak na babalikan ng publiko ang pelikulang ito–at mapapaalala sa kainutilan ng gobyerno, noon at ngayon, na pangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga Pilipino sa ibayong dagat.

Eksena mula sa The Flor Contemplacion Story

Eksena mula sa “The Flor Contemplacion Story” Fukuoka Film Archive

8. Dahil sa Sa Ngalan ng Ina. Ala-Cory Aquino ang karakter ni Nora na lumaban sa despotikong gobernador na karakter ni Christopher de Leon sa eleksiyon.

Sa comeback ni Ate Guy sa telebisyon noong 2011, gumanap siya ng karakter na kapwa pamilyar sa kanyang sariling karanasan (bilang dating gubernatorial candidate sa Camarines Sur noong 2001) at sa kasaysayan ng bansa. Ikinatuwa ng marami ang muling pagpapakita ng husay ni Nora sa pagganap ng isang nagluluksang asawa na natulak sa pulitika. Pero posible ring ikaasar ng pamilya Aquino ito–malinaw ang reference kay Cory, pero nagpaalam ba ang TV-5 sa kanilang pamilya? Isa pa, may plot twists na ikakataas ng kilay ni Noynoy at Kris Aquino: ang love interest ng anak ng karakter ni Nora at anak ng karakter ni Christopher, ala-Kris at Bongbong.

9. Dahil buung-buong ibinukas na ni Noynoy sa tropang Kano ang Pilipinas sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA); samantala, ang pelikula ni Nora na “Minsa’y Isang Gamugamo” pa rin ang isa sa iilang pelikulang direktang nagsisiwalat sa mga abuso ng tropang Kano sa Pilipinas.

Hanggang ngayon, mabibilang pa lamang sa daliri ng isang kamay ang mga mainstream na pelikulang tumatalakay sa imperyalismong US, lalo na ang presensiya (at mga abuso) ng tropang Kano sa Pilipinas. Pinakatanyag at pinakamahusay sa mga pelikulang ito ang pelikula ni Ate Guy na may katagang “My brother is not a pig!” Halaw sa tunay na karanasan ng mga Pilipinong nakatira malapit sa base-militar ng Kano ang pelikulang ito; tiyak na di gugustuhin ng administrasyong Aquino na muling mapalaganap ang pelikulang bumabatikos sa EDCA na nilagdaan ni Aquino.

10. Dahil sa kanyang mga pelikula, kinakatawan ni Nora Aunor ang ordinaryong mamamayan na inaapi, dinudusta, pinagsasamantalahan. Pero, tulad ni Bona, maghihimagsik siya at patutumbahin ang mga mapang-api.

Walang himala: Si Nora sa pelikulang "Himala" (1982)

“Walang himala!”: Si Nora sa pelikulang “Himala” (1982)

Dahil marahil sa kanyang pisikal na hitsura, sa restrained na pag-arte, at sa kanyang screen presence, mas madaling naka-relate ang masa kay Nora. Sa kanyang mga karakter sa pelikula, katulad din nilang nagdurusa si Ate Guy; katulad din nilang wagas kung umibig, pero inaabuso, niyuyurakan ang karapatan. Mula sa “seryosong” mga pelikula niya noong huling bahagi ng dekada ’70 (Minsa’y Isang Gamugamo, Tatlong Taong Walang Diyos) hanggang dekada ’80, (Bona, Himala, Condemned, ‘Merika, Bulaklak ng City Jail, Bilanging ang Bituin sa Langit) hanggang dekada ’90 (Andrea Paano Ba Maging Isang Ina?, Ang Totoong Buhay ni Pacita M., The Flor Contemplacion Story, Bakit May Kahapon Pa?, Sidhi) hanggang sa huling dalawang dekada (Sa Ngalan ng Ina sa telebisyon, Thy Womb, Ang Kwento ni Mabuti).

Nora bilang Bona at Philip Salvador bilang Gardo.

Nora bilang Bona at Philip Salvador bilang Gardo.

Pero kung may karakter si Ate Guy na kakatawan sa lahat ng karakter sa mga pelikulang ito, marahil ito na si  Bona. Dalisay ang pagmamahal ni Bona sa lalaking walang pagmamahal sa kanya. Pinag-iigib, pinaglilinis, pinagluluto niya si Gardo. Sukdulang itakwil pa siya ng kanyang pamilya at mamatay ang ama sa sama ng loob, bumalik pa rin si Bona kay Gardo. Pero nang mamulat sa mapagsamantalang relasyon, nang sabihin ni Gardo na lalayasan na niya si Bona  para pumuntang Amerika (kasama ang isa pang babae), nagpasya siyang tapusin ang lahat–at makamit ang hustisya.

Sabi nga ng iba, kinakatawan ni Nora ang kabaliktaran ni Noynoy. Si Nora na nagmula sa hirap, at si Noynoy na lumaki sa yaman. Si La Aunor na kinatawan ang masa, si El Aquino na kinakatawan ang mayayaman, lalo na ang mga asendero.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/06/opinyon-10-dahilan-kung-bakit-di-ginawaran-ni-noynoy-ng-national-artist-award-si-nora-aunor/feed/ 7
Balligi ti Umili: Pagtatanghal sa Politika ng Karahasan, Kapayapaan at Katarungan http://pinoyweekly.org/new/2014/06/balligi-ti-umili-pagtatanghal-sa-politika-ng-karahasan-kapayapaan-at-katarungan/ http://pinoyweekly.org/new/2014/06/balligi-ti-umili-pagtatanghal-sa-politika-ng-karahasan-kapayapaan-at-katarungan/#comments Sun, 15 Jun 2014 04:29:28 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=29946 Pagkamit ng makasaysayang yugto ng kilusang mapagpalaya sampung taon mula ngayon ang mapangahas na mensahe ng dulang Balligi ti Umili (Tagumpay ng Mamamayan) na itinanghal ng Dap-ayan ti Kultura iti Kordilyera (DKK) katuwang ang Cordillera People's Alliance (CPA). (Contributed photo)

Hindi simpleng pagbalik-tanaw sa mahigit 30 taong karanasan ng Kilusan para sa Sariling Pagpapasya ng mga katutubong mamamayan sa Kordilyera ang dulang Balligi ti Umili, kundi pagsilip sa isang maningning na bukas. (Contributed photo)

Pagkamit ng makasaysayang yugto ng kilusang mapagpalaya sampung taon mula ngayon ang mapangahas na mensahe ng dulang Balligi ti Umili (Tagumpay ng Mamamayan) na itinanghal ng Dap-ayan ti Kultura iti Kordilyera (DKK) katuwang ang Cordillera People’s Alliance (CPA) sa ika-30 Aldaw Kordilyera (Cordillera Day) na ginanap sa Pasil, Kalinga noong Abril 24-26, 2014.

Hindi simpleng pagbalik-tanaw sa mahigit 30 taong karanasan ng Kilusan para sa Sariling Pagpapasya (Self-Determination) ng mga katutubong mamamayan sa Kordilyera at Ilokandia. Bagkus, ang dula ay pagsilip sa isang maningning na bukas para sa ahitasyon ng mamamayang nakikibaka.

Sa pamamagitan ng dula sa loob ng dula, naging bahagi sa pagdiriwang ang mahigit 3,000 Kaigorotan kasama ng iba pang katutubo mula sa Ilokandia, Mindanao, Gitnang Luson, Visayas at NCR maging ng mga nakikiisang katribu mula sa ibang bansa gaya ng Taiwan, Panama, Bangladesh, India, Nepal, Indonesia, Fiji, Estados Unidos, Canada, India, Malaysia, Ecuador, Kenya, Japan, Switzerland at Belgium.

Sa unang eksena, buong kagalakang idineklara ni Bugan (Elder Woman na ginampanan ni Aisa Mariano) ang isang pattong bilang pagpunyagi sa Cordillera Day 2024: Araw ng Pagkamit ng Sariling Pagpapasya. Habang ang community dance na pattong ay mistulang isang tradisyunal na paraan ng pagbukas sa isang espesyal na araw sa kabundukan ng Kordilyera sa pormang tradisyunal na sayaw at sa saliw ng katutubong gangsa ng tanso at ginto, hatid nito ay indayog ng pag-asa.

Sa mata ng pamahalaang binulag ng yamang nakaw, maaaring ang inangking tagumpay na ito bilang ani ng mga katutubo gawa ng masikhay na pakikipaglaban para sa kanilang karapatan ay isa lamang konseptong katatawanan at hibang. Sa tainga naman ng mga sundalong biningi ng mensenaryong pampasabog, isa itong tipo ng balitang maaaring ikayayanig halimbawa ng 41-Infantry Battalion na tinuturo ng mga katutubo bilang may kinalaman sa masaker ng pamilyang Ligiw sa Abra gayun din ng mga berdugong pumatay sa lider ng ili (pamayanan) at tagapagtanggol ng karapatang pantao na si William Bugatti ng Ifugao noong Marso.

Festibal na maituturing ang bawat paggunita ng Aldaw Kordilyera dahil sa katangian ng pagtitipon at gayak na nalilikha nito ngunit kaiba sa makulay o artipisyal na festibal ng Department of Tourism, seryosong usapin ang tampok sa Cordi Day.

Una, ginugunita ang kabayanihan ni Apo Macli-ing Dulag (1930-80) at ng iba pang banwar, mga martir ng bayan na nag-alay ng buhay upang depensahan at ipaglaban ang lupaing ninuno. Maalalang si Apo Macli-ing ay pinaslang ng mga sundalo ng diktaduryang Marcos dahil sa kanyang paggigiit sa kalinangan ng lahat ng tribo laban sa dambuhalang Chico Dam ng World Bank.

Pangalawa, okasyon ito para pag-usapan ang problema ng mga katutubo sa ilalim ng isang pamahalaang nangunguna sa paglabag sa Free, Prior and Informed Consent (FIPC) at may ganang mangamkam ng lupaing ninuno gamit ang Mining Act of 1995. Matapos ang halos dalawampung taong pagbibigay-laya sa mga dayuhang namumuhunan at korporasyong multinasyunal, nararanasan ngayon ang mapanirang epekto ng large-scale mining gaya ng landslide at pagbaha, pagkatuyo ng mga ilog sa rehiyon at kabawasan sa matabang lupa dahil sa lason ng mine tailing.

Ikatlo, ang Aldaw Kordilyera ay isang ritwal ng sanduguan (solidarity / pagkakaisa) ng iba’t ibang tribong may iisang luha at kaaway. Dito, pinag-aaralan at pinagkakasunduan ang gagawing aksyon para sa mga luma at bagong hamon.

Ikaapat, ito ay ay palitang-sining sa pagitan ng mga tribo gaya ng chant/awit, sayaw, kwento, tula at dula bilang pagpunyagi sa mga tagumpay ng kilusan sa rehiyon sa mga isyung politikal, pang-ekonomiya at kultural.

Tagumpay ang pambungad at pangwakas ng palabas ngunit walang pagpapanggap na ito ay makakamit nang madalian at di marahas.

Sa pamamagitan ng flashback, inilahad sa mga sumunod na eksena ang masalimuot at madugong mga realidad sa pagsuway sa kapritso ng mga naghahariharian. Sa kontemporaryong sayaw, maunawaan ang monologo ni Procopio (Oyen Pangket) bilang respetadong pangat (pinuno) ng ili na isang araw ay nawala at nakita na lamang na bangkay. Malinaw na ang distorsyon ng kanyang katawan ay sanhi ng bugbog at sangkatutak na klase ng tortyur.

Ang kasunod na awit ni Wanay (Cherel Killip) ay hinagpis ng isang ina para sa dinuduyang sanggol na nawalan ng ama. Ang awit naman ng Taumbayan ay pagkilala sa isang amang “matapang, malakas ang loob / at masigasig sa pag-oorganisa / para sa pagkakaisa at kalayaan / para sa bayan at kinabukasan”.

Pinukaw ng mga awit sa tono ng kullilipan (solong pambabae) at salidummay (pangkorus / community singing) ang alboroto sa dibdib ng mga manunood sa pagpanaw ng mga mahal sa buhay gaya nina Makoy, Alice, Pepe, Chadyaas, Kamareg, Doton at Romy na pawang nagmana sa paninindigan ng dakilang pangat na si Apo Macli-ing. Kabilang sina Markus Bangit, Alice Claver, Pepe Manegdeg, Etfew Chadyaas, Johny Kamareg, Jose Doton at Romy Sanchez sa mga biktima ng extra-judicial killing kung saan ang karamihan sa mga sangkot na militar, pulis at para-militar na tropang Ambo Balweg o ang traydor na Cordillera People’s Liberation Army ay nanatiling malaya para maghasik ng lagim.

Nagluluksa ang mga bata’t matatanda, gayundin ang lupa, palay, ibon at mga sanga ngunit sa isang ellalay (chant) na “kailangang ipagpatuloy ang laban”, nangingibabaw ang likas na pagnanais ng mamamayan na tumindig para sa katarungan.

Sa kabilang banda, makatotohanan namang pinakita ang naramdamang takot ni Wanay sa puntong nais niyang ilayo sa kanilang bayan ang kanyang anak na si Kawil (Edong Dacoscos) at tuluyang mamuhay nang “tahimik” sa Baguio. Ang ganitong pagbabakwet ng mag-ina ay maisasalamin sa penomena ng malawakang paglikas gawa ng paghaharing-militar sa iba’t ibang nayon laluna kung saan may korporasyong balak ng pagmimina, pagtrotroso, pagpapa-dam o kaya pagpa-planta.

Ang talunang aparato ng sistematikong pananakot ay nagdudulot ng dislokasyon maging ng kalooban ng indibidwal man o ng buong komunidad ngunit batay na rin sa kasaysayan, sa isang panig ay lalo lamang nitong pinapatibay ang kawastuhan ng pananaw ng mga katutubo hinggil sa kabuloktutan ng sinasabing mga proyektong pangkaunlaran gaya ng mga plantang hydro at geotermal ng Chevron maging ng minahang Makilala-Free Port McMoRan ng Phoenix, Arizona.

Mismong sa Pasil na lunan ng pagtatanghal, iginiit ng tribong Guinaang sa pamumuno ng Indigenous Farmers Association of Guinaang, Pasil, Inc. (IFAGPI) ang paglunsad ng pagtitipon sa kabila ng mga bantang pagkitil ng buhay mula sa militar at mga ahente ng Makilala Mining Company na balak sirain ang mahigit 3,000 ektarya ng lupaing ninuno.

Sa harap ng ganitong hamon, kailangan ng isang pinunong may bakal na determinasyon: di natutunaw ng alok na salapi, ginto o CADT (Certificate of Ancestral Domain Title) ng NCIP (National Commission on Indigenous Peoples). Higit na kinakailangang pagtibayin ang sintido-komong Katutubong Batas (Customary Law) hinggil sa lupa kung saan “ang tao ay kinikilalang tagapaglinang at kung sinuman ang may ganang manira ay kailangang parusahan”. At sapagkat mapanghati ang pamamaraang pag-unlad ng kasalukuyang pamahalaan kasakapat ang mga dayuhang korporasyon, higit na kinakailangang buhayin ang isang unity/peace pact gaya ng Tomangan.

Sa gabay ni Apo Konao (Bernard Banao), ganito pinanghawakan ng mga katribung naiwan sa baryo ang kanilang lupang pamana. At sa bawat paglaban ay ang panawagan sa mga kabataan upang kumilos, isang alingawngaw ng bundok na pumagting hanggang sa pansamantalang pamamahay sa lungsod ng mag-inang Wanay at Kawil.

Sa kanilang naranasang diskriminasyon, demolisyon at pagkasira ng katutubong kultura, binasag ng dula ang konseptong iskapismo habang pinatunayan din ang lapot ng dugong Igorot. Si Kawil ay lumaking puno ng tanong at sa kanyang kagustuhang mahanap ang sagot ay muling inaral ang mga awit at sayaw ng kanyang lupang sinilangan. Sa isang digdigwi ay naitanghal ang kanyang simpatiya sa nararanasang paghihirap ng kanayon mula sa simpleng pandaraya sa presyo ng gulay at bulaklak hanggang kawalan ng serbisyong pangkalusugan at edukasyon maging sa pagdukot at pagpaslang ng kanilang kamag-anak.

Sa awit na Fétad! Entay Epanawagan (Fétad! Ating Ipanawagan), mauunawaan sa kasabay na masigabong palakpakan na si Kawil ay sumapi sa Bagong Hukbong Bayan (NPA). Ito ang huling mensahe sa flashback.

Maaaring may impresyong iglap ang solusyong pamumundok ni Kawil laluna kung di mo kabisado ang ritmo ng hininga at galaw ng mga kamay at paa ng mga katutubong malaon nang isinasantabi. Ang transisyon ay naganap mismo sa tauhan nang magkaroon ito ng bagong pananaw.

Hindi sapat ang dalawang oras upang mailahad ang epiko ng pakikibaka ng katutubong mamamayan sa Kordilyera at Ilokandia maging ang pagkamit ng tagumpay nito mula panahon ng kolonyal na pananakop. Gayunpaman, malinaw ang ipinakitang tunggalian sa dula at ang lohika ng pasyang pag-aarmas ng kabataang tauhan.

Sa huling chant ng isang Babaeng Pinuno (Ani Bungaoen), binanggit niya ang halaga ng kasaysayan at pag-alaala sa mga aral “hindi lamang ng rehiyon kundi maging ng buong bansa sa kung paano nakamit ang isang lipunang malaya”. Ang pagsulong kung gayon para sa Sariling Pagpapasya ay sang-ayon sa perspektiba ng isang pambansa-demokratikong rebolusyon.

Balik-Tanaw sa Dulang Macli-ing

Noong 1988, itinanghal ng Philippine Educational Theater Association (PETA) ang dulang Macli-ing sa panulat ni Malou Jacob. Binuksan ng dula ang diskurso hinggil sa katahimikang nakabatay sa hustisya laban sa tipo ng katahimikang bunsod ng eskimang pangangayupapa ng isang estado gaya ng nangyaring kutsabahan ng Tropang Balweg at Pamahalaang Corazon Aquino.

Ang kabalintunaang “Ang tunay na mandirigma ay alagad ng kapayapaan”  ay isinambit ng Taumbayan sa talastasan ng gagawing tugon hinggil sa mensahe ni Apo Macli-ing para sa katuparan ng katarungan para sa kanya at sa kanilang ili sa pamamagitan ng pagkakaisa ng mga katutubo at maging sa suporta ng iba’t ibang sektor sa bansa.

Si Apo Macli-ing ay kinilalang tagapagtakwil ng tribal war bilang labi ng kolonyal na taktika ng divide and rule na naranasan ng kanilang mga ninuno laluna sa ilalim ng kolonyal na panghimasok ng Amerikano (1898-1946). Sa halip ay itinaguyod niya ang tradisyong mapagkaisa: ang bodong sa pagitan ng dalawang tribo at sa malaon ay sa pagitan ng maraming tribo (inter-tribal). Ang bodong kung gayon ay naging daan upang mapalalim ang pag-unawa ng mga katutubo maging ng mga naninirahang Ilokano sa patag hinggil sa kung sino ang tunay na kalaban ng mamamayan: silang nagtaguyod ng mapanira at mapaghating proyekto gaya ng Chico River Dam na pinangambahang magpapalubog sa kanilang ili.

Naging popular din ang mga pahayag ni Apo Macli-ing sa harap ni Pangulong Marcos at ang kroni nitong si Manuel Elizalde bilang repleksyon ng prinsipyo ng mga katutubo hinggil sa kanilang lupaing hindi pagmamay-ari ninuman sapagkat ito ay pahiram lamang ni Kabunian (Bathala / Tagapaglikha) sa tao upang kalingain at pagyamanin. Sa katutubong paniniwala kung gayon, “ang lupa ay hindi simpleng pagmamay-ari kundi bahagi ng pamanang lahi na nararapat lamang alagaan”. Taliwas ito sa kapitalistang konsepto ng pribadong pagmamay-ari at pagsasamantala sa ngalan ng malaking tubo na siyang pinamalas ng pamahalaang Marcos alinsunod sa patakaran ng World Bank. Samantala, ipinagmamalaki ng mga katutubo na sa kanilang pamanang lupain, “dito sila isinilang, dito sila nabuhay at namulat at dito rin mamamatay” gaya ng sinasambit sa Ti Daga Nagtaudan na awit ng DKK.

Sa karumaldumal na panahong batas militar, naranasan ng mga katutubo ang pagbomba sa komunidad, panununog ng kabahayan, pag-salvage at panggahasa sa mga kababaihan. Ngunit hindi nasiraan ng loob si Apo Macli-ing gaya ng nais mangyari ng kanilang kalaban. Sa halip, pinatawag niya ang buong ili: bata, matanda, kabataan, kababaihan at kalalakihan at nanawagan sa pamamagitan ng chant at sayaw ng isang Fétad! (paglaban).

Subalit umigting rin ang pasistang pamamalakad ng pamahalaan. Umabot sa puntong ang karamihan sa mga kalalakihan ay dinala sa piitan ng mga militar. Sa kabilang banda, ang iba ay aktibong nakidigma sa hanay ng NPA. Samantala, ang mga naiwang kababaihan naman sa baryo ay aktibong lumahok sa mga aksyong protesta o civil disobedience gaya ng pagdistrungka sa mga sasakyan ng mga kagamitan para sa pagtayo ng dam maging sa pagsira ng mga tent ng mga sundalong nagkakampo sa kanilang ili.

Ang mga kababaihan ay hindi nagpatinag sa mahahabang baril ng mga militar at sa halip ay matapang nilang hinarap ang mga ito bilang pagdepensa sa kanilang lupain. Nangyaring nagsimulang magtanggal ng saplot ang isang Bakét (Elder Woman) upang tigilan ang mga militar. Sa tradisyon ng senyales ng Fétad!, sumunod na naghubad ang iba pang kababaihan habang ang isang Nanay ay nagpasirit ng gatas upang mapahiya ang mga militar na pawang kalalakihan. Matandaang sa Ikatlong Akto, ang mga kababaihan sa ili ay nakaranas ng panggahasa bilang sukdulang pagyurak sa kanilang karapatan bilang babaeng ina, anak, kapatid, kamag-anak o kababayan. Kung kaya, sa kasaysayan ng Kaigorotan, ang aksyong ito ay itinuring na matagumpay sapagkat sa huli ay napahiya, umatras at tuluyang umalis ang mga nagkampong militar. Sa pagtapos ng dula, inimbitahan ang mga manunood sa isang pattong na maaya namang nilahukan ng mga manunood.

Malaking elemento ng dula ang karahasan bilang halaw ito sa buhay ni Apo Macli-ing sa panahon ng batas militar ni Marcos. Bukod dito, ang pinangyarihan ng dula sa kabundukan ng Kalinga ay isang lokasyon kung saan ang paglulunsad ng mga katutubo ng armadong labanan ay hinihiling ng kondisyong nasa panganib ang kanilang lupaing ninuno, kabuhayan, kultura at ang susunod na salinlahi. Ang animasyon ng kanilang pagiging mingor (warrior) sa kontemporaryong panahon ay pagpapahayag rin ng kanilang panawagan para sa sariling pagpapasya kung saan umiiral ang sustenableng pamumuhay at sanduguan.

Binibigyang-pansin ang linyang “Ang tunay na mandirigma ay alagad ng kapayapaan” dahil mayroon itong dalawang mukha ayon sa kung sino ang nagsambit nito: (1) batay sa tauhang nakakilala kay Apo Macli-ing na nagpasimuno sa pagtigil ng tribal war o ang walang kapararakang ubusang-lahi ng tribong Igorot laban sa isa pang tribong Igorot dahil sa mga tunggaliang ayon kay Ama Macli-ing ay maaaring mapag-usapan; at (2) batay sa tauhang kumakatawan kay Marcos, ang kroni nitong si Manuel Elizalde, ang sunud-sunurang Kapitan at ang mga militar.

Sa unang pananaw, binibigyang-linaw na ang mandirigmang gaya ni Apo Macli-ing ay naniniwala sa pagpanaw ng tipo ng tunggaliang labi ng kolonyal na pamamaraan ng pagwasak sa pagkakaisa ng kanilang ili. Magaganap ang pagpanaw na ito sa pamamagitan ng pagsusuri sa problemang kinakaharap ng pamayanan at sa pagkilala kung sino ang tunay na magkakampi at magkalaban sa napakamahalagang usapin ng lupa.

Sa ikalawang pakahulugan, ang linya ay naka-angkla sa layunin ng pangangayupapa ng mga katutubo nang sa gayon ay kusa nilang pabayaan ang pagpapatayo ng dam sa lupaing saklaw ng kanilang lupaing ninuno. Ang paghahalo ng balat sa tinalupan ay nagiging aparato ng estado sa ibayong panloloko sa mamamayan. Samantala, ang gera at ang pakikisangkot dito ng mga mamamayang hangad ay kapayapaan sa kanilang ili ay isang katotohanang kinagisnan na ng mga ina at anak ng iba’t ibang tribo at angkan sa Kordilyera. Sa isang banda, sa pag-iral ng kasaysayan ng mapagpasyang paglaban, ang gerang ito ay inilulunsad lamang dahil kailangan.  Para sa mga katutubo, ang kabundukan ay tangi nilang tahanan. Kinakalinga nito ang lahat ng kanilang pangangailangan gaya ng pagkain, gamot, hangin at edukasyong pangsiyensa at pangkultura.

Kaya naman hangga’t may sintomas ng pagsalaula ng kanilang tahanan, ang kanilang pamayanan ay nakahandang sumugod at makipaglaban sa isang panawagan lamang ng Fétad! mula sa kanilang pangat. Sa literal, ito ay tumutukoy sa terminong laban o sugod. Sa tradisyon ng Kaigorotan, ito ay senyas ng Tribal War ngunit sa pag-unlad ng pampolitikang kamulatan ng mga katutubo mula sa inisyatibang bodong ni Apo Macli-ing, nagkaroon ng panibagong pakahulugan ang Fétad! tungo sa progresibong panawagan ng isang People’s War na nakabatay sa usapin ng lupaing ninuno at demokrasya. Sa esensya, para sa mamamayan ng Kordilyera, ito ay deklarasyon ng digmang bayan.

Maitatalang ang finale na awit na Ili Mid ay popular din sa mga komunidad na inoorganisa ng NPA at ng Cordillera People’s Democratic Front (CPDF) sapagkat ang buhay ni Apo Macli-ing at ang laban sa Chico River Dam ay bahagi ng kontemporaryong epiko ng Kordilyera. Nalikha din sa rebolusyunaryong hanay ang mga salidummay na nagsasalaysay sa bahaging ito ng kasaysayan sa rehiyon.

Walang patutunguhan ang Usapang Pangkapayapaan kung hindi sinsero ang gobyerno na isakatuparan ang mga demokratikong hinaing ng mga katutubo. Ito ang deklarasyon ng mga Apo at Bakét noong Aldaw Kordilyera 2011 kung saan naganap din ang Joint Peace Consultation of Cordillera Indigenous People, Government of the Philippines (GPH) at ng NDF. Samantala, may pag-aalinlangan ang mga katutubo sa kagaganap lamang na Peace Agreement sa pagitan ng GPH at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Ibang usapin ang pagkaroon ng pag-uusap. Ibang usapin pa rin ang pagpatupad sa mga napag-usapan laluna hinggil sa hinaing ng mga katutubo.

Kung gayon, nananatiling mahalaga ang pagpapakita sa dalawang dula ng armadong pakikipaglaban bilang isang realidad sa rehiyon. Batay sa tradisyon, ang bawat isinilang na katutubo ng Kordilyera ay tinuturing na isang mingor at inaasahang siya ay magiging palaban. Sa kanilang paglaki, nakasanayan nila ang mga kagamitan sa pagbubungkal ng lupa o kaya sa pagmimina bilang mga armas na dapat nilang tanganan.

Kung kaya, sa kanilang malay ang pag-aarmas para bantayan ang kanilang lupaing ninuno ay isang mahalagang bahagi ng kultura. Sa ganitong perspektiba mahusay na maihatid sa tanghalan ang representasyon ng marahas na pakikipaglaban ng mga katutubo alang-alang sa inaasam na kapayapaan at tunay na awtonomiyang (Genuine Regional Autonomy) kundi man matamasa sa kasalukuyan ay matatamasa ng susunod na salinlahi.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/06/balligi-ti-umili-pagtatanghal-sa-politika-ng-karahasan-kapayapaan-at-katarungan/feed/ 0
Pagmumuni-muni Hinggil sa Pagdurusang Ipinataw kina Andrea Rosal at mga Kasama sa Camp Bagong Diwa http://pinoyweekly.org/new/2014/06/pagmumuni-muni-hinggil-sa-pagdurusang-ipinataw-kina-andrea-rosal-at-mga-kasama-sa-camp-bagong-diwa/ http://pinoyweekly.org/new/2014/06/pagmumuni-muni-hinggil-sa-pagdurusang-ipinataw-kina-andrea-rosal-at-mga-kasama-sa-camp-bagong-diwa/#comments Sun, 01 Jun 2014 12:17:45 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=29741 Sapagkat walang tigil ang pagpaparusa’t pahinto-hinto ang pagpapahintulot
Sapagkat malambot ang laman ng sanggol kaya tumigas ang inyong loob
Sapagkat walang maasahan sa rehimeng Aquino kaya umasa sa madlang nakikibaka
Sapagkat malupit ang militar-pulis subalit maamo’t mahinhin ang mga kapanlig
Sapagkat  marahas ang hukom at burokrasya kaya mahinhin ang nakikiramay
Sapagkat mapait ang hatol ng upisyal kaya matamis ang tutol ng pulang mandirigma
Sapagkat malabo ang kahihinatnan ng kaso’t malinaw ang katarungang dapat manaig
Sapatkat mamad ang sentido ng gobyerno’t sensitibo ang mga inang naghinanakit
Sapagkat mababaw ang balita sa midya at malalim ang pagtarok ng mamamayan
Sapagkat makitid ang paningin ng simbahan at malawak ang dunong ng pesante
Sapagkat walang awa ang imperyalista’t mapagmalasakit ang Bagong Hukbong Bayan
Sapagkat bulag at bingi ang awtoridad sa harap ng mulat at mabalasik na trabahador
Sapagkat may wakas din ang pagtitiis at laging nag-uumpisa ang himagsik
Sapagkat marupok ang poder ng politiko’t matibay ang lakas ng sambayanan
Sapagkat may takda ang salita at walang hanggahan ang kilos at gawa ng masa
Sapagkat tuyo na ang luha ninyo kaya’t panahon nang paagusin ang galit at poot
Sapagkat–tigil na’t kung sakaling may babasa nito, aksaya lang–kumilos at lumaban!

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/06/pagmumuni-muni-hinggil-sa-pagdurusang-ipinataw-kina-andrea-rosal-at-mga-kasama-sa-camp-bagong-diwa/feed/ 0
Lugar 2: Counter-Mapping San Roque and Mega-Manila (Testimonya ng Pag-aaring Tirahan) http://pinoyweekly.org/new/2014/05/lugar-2-counter-mapping-san-roque-and-mega-manila-testimonya-ng-pag-aaring-tirahan/ http://pinoyweekly.org/new/2014/05/lugar-2-counter-mapping-san-roque-and-mega-manila-testimonya-ng-pag-aaring-tirahan/#comments Wed, 28 May 2014 05:18:40 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=29616 Nagsilbing backdrop ang mural na likha ng Ugatlahi Artists' Collective. <strong>Jojo Cayabyab/Joanna Lerio</strong>

Nagsilbing backdrop ang mural na likha ng Ugatlahi Artists’ Collective. Jojo Cayabyab/Joanna Lerio

Ang sumusunod ay halaw sa palihan at pagtatanghal ng mga kabataan mula sa mga organisasyong Anakbayan-San Roque at Kapisanan ng mga Mandudula sa Marikina (KMM) na ginanap sa Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pag-asa, Quezon City noong Pebrero 10, 2014. Ang Lugar 1 ay itinanghal sa Teatro Hermogenes Ylagan – Unibersidad ng Pilipinas sa tambalan ng klase sa Sining ng Dulaan at Siyensa ng Heograpiya nina Prof. Vanessa Banta at Prof. Andre Ortega, kapwa pangunahing nagmungkahi ng proyekto.

Ang kasalukuyang piyesa ay batay sa panayam sa isang Nanay bago naganap ang palitang-putok ng tear gas, pillbox at tae sa pagitan ng pulis at ng tinuturing nilang iskwater sa ikatlong linggo ng bagong taon ni Bistek noong Enero 27, 2014.

“Nung unang-unang dating ko dito, 1985. Alam n’yo po ba, yung yero na binili ko nung una, tatlong piraso lang. Kasi po, yung asawa ko walang trabaho. Ah…, tatlong piraso lang… tapos ang dingding namin, dalawang daang sako na kusot… kasi, yun ang ginagamit naming panggatong. Iniikot lang namin yun. Ganito lang din sya kalaki. Kasya lang kaming apat na mag-anak”.

Sa mata ng mga napadaan mula sa bintana ng dyip sa Agham o kaya ay sa MRT, sila’y kapansinpansin lamang bilang iskwakwang kumpol ng maralitang sadyang panira sa tanawin ng magagarang mall, condo at opisina ng gobyerno. Ang sabi, walang sining sa tagpi-tagping kulay ng kanilang bahay. At sinasabi rin, walang kuwentang buhay ang kanilang reputasyon ng pamumulot ng basura habang nakamasid lamang ang Ombudsman kasama ng mga piling pinapalamon nito sa loob at labas ng kanilang nag-aangas na gusali.

“Ngayon, sa araw-araw na pagtitinda ng suman, nakakabili ako ng… yung mga scrap na plywood, yung mga pinagtabastabasan ng building. Kasi, tinatayo po noon yung building ng Pisay kaya maraming plywood na retaso, ganun kalapad. Binibili ko yun. Isang tagpi-tagpi na dingding. Hanggang sa namatay po yung asawa ko, 1988”.

Ang kuwento ni Nanay ay kuwento ng marami pang iba sa Seedling, sa Dubai, sa Science, sa Veterans, sa EDSA, sa Triang-gel o sa Anakpawis: mga teritoryong nakabihasnan na ng kanilang anak at apo at apo sa tuhod. Dito, ang tele-nobela ay nagiging totoo. Ang trahedyang Griyego ay mas malala pa. Bagamat, hindi nila sasabihin sa’yo kung ano ang pakiramdam nang walang makaing matino sa ilang pagsikat ng araw at paglubog. Masaya sila na nakakapagsuot ng malinis na uniform ang mga bata kahit limampiso o bente lang ang baon o sa maraming pagkakataon ay wala. Kaya, tinatawan

lamang ang anumang salita o imahen ng gutom, sira, sakit, bulok, tubig, kuryente, iligal, recruiter, utang, trabaho, abroad, nganga, pulis, kulata, preso, sunog… patay.

“Nagtanim kami ng kangkong sa erya na yun dun. Nahaharvesan namin ng one hundred kada araw. Yun po ang pinagkukunan namin ng pangkain mag-ina. Ngayon, may tinutulungan pa akong batang may leukemia. Nakatira na siya sa amin. Pinasok ko sa East Avenue. Ibinalik din siya sa akin. Di siya nagtagal kasi leukemia nga”.

Sa pakikipagsapalaran sa tinatawag na lungsod, nagtagpo ang kangkong at tao. Kapwa silang nabuhay batay sa dalisay na pagbibigayan at pagkalinga sa bawat isa. Masasabing ibayong yumaman din ang talbos dito sa pagyabong ng komunidad. Bagamat hindi kasabay nito ang pag-angat ng pamumuhay ng mga taong dito na nakahanap ng tahanan mula sa salimuot ng pagkawalay sa lupa ng nayon, sa loob ng mahigit tatlong dekada ay nakahanap sila ng lugar upang pagtamnan ng pangarap.

“Nagtrabaho ako… yung sa sako… hanggang sa nakapagpundar din ng tindahan at umunlad siya mula 1998 hanggang 2005. Pero pinatay yung anak ko. Pinatay sya ng adik. Ngayon, wala akong pambayad sa abogado. Sinanla ko ang bahay ko ng P30,000. Hanggang ngayon nakasanla ito dahil yung sinanglaan ko, nag-lending lang din at di na nagpakita. Kaya ganito sya. Walang tao eh. Nasira sya. Yung bahay ko, sira-sira. Dun ako sa kabila nakatira ngayon”.

“Uwi na lang ako ng Mindanao? Ano bang uuwian mo doon? Wala na nga akong uwian dun kasi yung lupa namin, ilog na siya ngayon at wala na rin kaming bahay. Kaya ako, nanatili na dito sa North Triangle. Sumapi ako sa KADAMAY noong December. Hanggang ngayon, ang organisasyon na ang buhay ko. Paikot-ikot. Di ko alam kung magtatagumpay kami dito sa paninirahan namin. Ay, ano ba ang buhay!”

Kinukutya ang kanilang pagsilang at paglaki. Parang kabute. Mga mahigit 200 o libo. Walang eksaktong bilang ang Quezon City Urban Development Office, maging ang National Housing Authority (NHA) at ang Presidential Commission for the Urban Poor. Pinapatunayan nitong hindi nga kabilang ang mamamayan ng San Roque sa pinagsisilbihan ng mga ahensiya batay sa mandato ng pangalan nila. Ilang beses nang nagsarbey at nagsukat ang mga kawani ng City Hall dito since 19-kopongkopong. Noong una, inakala ng mga Nanay na sa wakas, ay kabilang na sila sa lungsod gawa ng sarbey at pagsusukat. Bagamat, sa sarili nilang kasaysayan, alam nila na sa pagsilang ng SM at Trinoma, kayraming pinatapon sa kung saan o kaya’y pumanaw nang ganun-ganun na lamang.

“Para ba kaming mga kriminal. Pulis lagi ang inaano sa amin. Yung nadeploy na pulis, mahigit walong daan yun, eh. Trenta ang SWAT. Yung demolition team, eh tatlong daan. Kaya nga sila nakapaggiba dun, eh. Yun lang naman ang nagiba nila, yung sa EDSA. Mahigit 150 na bahay ang nagiba. Yun po yun: Dec 19, 2010. Noon po ako natutong lumapit sa KADAMAY. Yung KADAMAY po ang nagbigay sa akin ng kung paano ako manindigan”.

Bakit palaging pinagdidiinan na kapag taga-iskuwater ay magnanakaw, sugarol at adik-adik agad? Una, hindi nga sila iskuwater kundi simpleng sektor na nagpaunlad ng isang lugar sa puntong kaya na itong tirhan ng tao. Pangalawa, naghahanapbuhay po sila at araw-araw ay kumakayod para maging desente kahit papano sa pagtingin ng iba: urban gardening, paglalako ng kakanin, pagtatahi ng basahan at ng jasmin o sampaguita, pamamasada ng kuliglig o dyip, pag-co-construction, pag-pa-factory at maging ang pag-eextra kay Willie at sa ilang pelikulang di naman nila napanuod sa takilya.

“Mahigit trentang pulis ang pumasok dito sa looban. Tapos doon sa EDSA, nag-program yung mga kabataan at kananayan. May barikada kami nun na mahaba. Tapos di pa nasiyahan yung mga kabataan. Nung aktwal na girian at panggigiba ng demolition team, ang ginawa po ng mga kabataan ay iginitna nila yung mga kahoy mula sa panggigiba. Tapos nagsunog pa sila ng gulong… hanggang sa pinapalo na sila ng mga pulis. Hindi talaga umurong yung mga kabataan namin. Tapos, nag-human barricade ang mga ka-Nanayan sa tabi ng daan. Tapos hanggang sa hinarang na po yung kalsada. Umpisa alas-diyes ng umaga hanggang alas-tres, hindi namin talaga pinakawalan yung daan”.

Kung bakit kailangang mawalis ang maralita ng San Roque at ng buong North Triangle, iba-iba ang sinabi ni Noli de Castro noon at ni Bistek ngayon ngunit nagkakapareho sila ng pamamaraan at pag-unawa kung paano kumita. Sa urban planning ng gobyerno at ng Ayala Corporation sa pakete ng pagtatayo ng Quezon City Central Business District, hindi kasamang paunlarin ang maralitang lungsod dahil pangit sila: masakit talaga sa mata at ilong. Maaaring mula sa kanila ay mayroon kang mabibilang na papasa bilang magandang serbidora o saleslady o di baliko ang English para sa call center ngunit sa kasalukuyan, ang higit na mahalaga ay mapalayas sila. Walang pag-iimbot na batutain ang mga bahay kasama ng mga tulog na sanggol.

“Kung ano ang plano ng gobyerno, sige papakinggan namin. Pero sa aktwal na, hindi naman talaga katanggap-tanggap. Ang alok nila, pera-pera. Hindi po batayan ang pera para makaahon kami sa kahirapan. Sabi nila: Mahirap ka. Bakit ayaw mo pa tanggapin ang pera? Sabi ko, hindi porke mahirap ako, pera ang tinitingnan ko. Ang tinitingnan ko ay pangkaramihan. May pera ka nga, wala ka namang bahay. Kailangan lang ang paninindigan.”

Ilang beses nang tinangka ng mga pulis sa magkahiwalay na pagkakataon ang pagdemolis ng San Roque. May ilan nang napilitang tanggapin mula sa NHA ang P5,000 o kaya ay P30,000 kung ikaw mismo ang gigiba ng sariling bahay. May mga nailikas na sa Montalban at napagtanto ang kawalan ng dangal sa pagturing sa kanila. Sa aktuwal, ang P5,000 ay mababawasan pa ng fixer na naghatid sa kanila sa tinuturing na relocation site. Mababawasan pa uli ng paglalagay ng pinto sa tila kabaong na bahay. Mababawasan pa uli sa pagpapakonek ng kuryente at tubig kahit sa totoo lang, wala naman talaga. Sa gitna ng mapanlinlang at marahas na mga proseso at ipinagmamalaking negosasyon, nakamasid din lamang ang istap ng Commission on Human Rights (CHR).

“Yung barikada na yun ay talagang nakaantig sa buong Pilipinas at nakita ng ibang mahihirap kung ano ang ginawa naming pakikipaglaban. Noon, nag-aalangan pa ako pero ngayon, naninindigan na ako sa laban na manatili. Pano, sali na rin kayo sa KADAMAY?”

Ang proyektong Lugar: Counter-Mapping San Roque and Mega-Manila ay may layong maunawaan ang problemang politikal sa espasyo, naratibo at representasyon ng Mega Manila. Kaakibat nito ang realidad ng konbersyon ng lupa sa siyudad bilang mga espasyong mapagkakakitaan ng mga politiko at negosyante. Sa ganitong polisiya ng estado, ang ordinaryong mamamayan ay naisasantabi at sapilitang pinapalayas upang pagbigyang-daan ang mga mall, condominium, subdibisyon at mga matataas na gusali.

Gamit ang dulaan, mural at mixed media, layon din ng proyekto ang mapabatid ang mga espasyong binuhay ng ordinaryong mamamayan sa loob ng maraming taon. Ito ang mapa ng maralita sa usapin ng pagpapaunlad at kaunlarang taliwas sa mapa ng gaya ng kasalukuyang pamahalaan ni Pres. Benigno Aquino katuwang sina QC Mayor Herbert Bautista, NHA Chair Jejomar Binay, Presidential Commission for the Urban Poor Chair Hernani Panganiban, Commission on Human Rights Chair Loretta Rosales, Philippine National Police Chief Alan La Madrid Purisima at Ayala Group Chair Jaime Augusto Zobel de Ayala.

“Kaya, mamamayan ng San Roque, magkaisa! Ipaglaban ang ating karapatan”.

Suntok ito sa buwan at ilang beses na pagbaon ng kahoy at baril sa dibdib. Bagamat kayang gibain ng mga nasa poder ang tagpi-tagping dingding kahit ilang bagyo na ang napagdaanan nito, hindi naman nila kayang tupuking lubos ang kalooban ng mga naghihikahos. Bagkus, lalu pa silang nagdadamayan habang ang mga anak ng bayan ay lalong tumatapang.#

Ang Lugar 2 bilang kultural na handog ng suporta at pakikiisa sa mamamayan ng San Roque kaakibat ng pagsalo-salo sa pansit at lugaw ay inisyatiba ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND UP Diliman), Ugatlahi Artists Collective, Sining Bugkos, Kalipunan ng Mamamayang Maralita (KADAMAY) at Anakpawis Partylist. Kasama sa artistikong tagapagsanay at gabay sina Jojo Cayabyab, Jomel Reyes, Boyet de Mesa at ang inyong lingkod.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/05/lugar-2-counter-mapping-san-roque-and-mega-manila-testimonya-ng-pag-aaring-tirahan/feed/ 0