Pinoy Weekly » lipunan+kasaysayan+pagkatao http://pinoyweekly.org/new Philippine news, analysis, and investigative stories Mon, 07 Apr 2014 17:50:00 +0000 en-US hourly 1 http://wordpress.org/?v=3.8.1 Bakit hindi pwede ang retro na musical sa pelikulang Filipino? http://pinoyweekly.org/new/2012/11/bakit-hindi-pwede-ang-retro-na-musical-sa-pelikulang-filipino/ http://pinoyweekly.org/new/2012/11/bakit-hindi-pwede-ang-retro-na-musical-sa-pelikulang-filipino/#comments Sun, 04 Nov 2012 08:22:45 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=21717 rebyu ng I Do Bidoo Bidoo: Heto nAPO Sila! (Chris Martinez, 2012)

 

Mahirap ang musical na genre dahil ito ay may self-reflexive na naratibo: ang mga musical scene ay tutungo sa paggawa ng grand musical production number sa pagtatapos ng pelikula.  Ito ang kanyang cause for being, at ganito dadaloy ang kanyang mga kaganapan, tungo sa climactic closure.

Ang problema sa I Do Bidoo Bidoo: Heto nAPO Sila! ay mas halaw sa television show na Glee na nagpalaganap ng musical format na bigla na lamang magsi-sing-and-dance routine nang walang probokasyon dahil assumed na mangyayari ito sa akulturasyon ng manonood sa mismong palabas.  Novelty ang Glee at fade-out na ito dahil nga naumay na ang manonood, kahit pa tinangkang magkaroon ng akesoryang reality TV na magtutuklas ng bagong losers para sa palabas.

Kaya ang I Do Bidoo Bidoo: Heto nAPO Sila! ay may look-and-feel na small screen. Walang grand panorama na inaasahan sa musical, maging sa Chicago (Rob Marshall, 2002), Evita (Alan Parker, 1996), o ang napipintong pagbabalik ng Les Miserables (Tom Hooper) ngayong taon. Ang scope ng mga Hollywood musical ay malawak at breathtaking.  At hindi rin masama na nagkaroon na ng matagumpay at kritikal na Broadway run ang mga natransformang dula sa pelikula.

Ayon sa release, ang peg ng producer, si Tony Gloria, ay Mamma Mia! (Phyllida Llyod, 2008) na humalaw sa musika ng ABBA.  Ang I Do Bidoo Bidoo: Heto nAPO Sila! ay tila mayroon ganoon ding potensyal, pero walang campy-ness na sambit sa Mamma Mia! at ABBA—na ang magsintang irog na pinaghihiwalay ng kanilang mga magulang ay papaloob sa alam-mo-namang-fake na musical interludes para isiwalat ang akwardness at fit ng kanilang pinagdadaanan.

Ang nangyari sa I Do Bidoo Bidoo: Heto nAPO Sila! ay serye ng kontextual na retro pero walang retro (camp) na pakiwari. Una, ang musika ng Apo Hiking Society ay isang pangunahing daluyan ng wholesome variety na OPM (Original Pilipino Music). Ang musika nito ay hummable young love, sweet love exploits at growing up, kontrapuntal sa rock scene na trippy, degeneratibo at wazak lang.  Paano gagawing campy ang ballads, na kumbaga sa karaoke, wala kang maiisip na variation sa pagpasok ng kulay sa lyrics at sapilitang pagsabay sa kumpas at tono ng inaawit?

Ikalawa, ang popularidad ng Hollywood musical film at theater ay pumasok sa bansa para sa regular na manonood nito, ang Class AB na may abominasyon sa pelikulang Filipino, lalo na ang komersyal na pelikula. Ang pagpasok pa ng musical theater ay sa panahong pasarado na ang mga ito sa Broadway at West End. Ibig sabihin, ang maykayang niche audience sa bansa ang inaasahan ng global na kultural na produkto na bigyan ng after-life ang mga bangkay na kultural na relik ng Kanluran.

Eugene Domingo sa musical na pelikulang "I Do Bidoo Bidoo"

Eugene Domingo sa musical na pelikulang “I Do Bidoo Bidoo”

Ikatlo, ang cast (ang magkatunggaling magulang na ginampanan ng marahil, pangalawang henerasyon ng OPM artists, Zsazsa Padilla, Gary Valenciano at Ogie Alcasid) na tila nagpapahiwatig ng self-reflexive na patungkol sa OPM history ay hindi naman nabigyan ng komplexidad maliban sa pagiging pangunahing hadlang sa juvenilia love.  Sa katunayan, maging ang cameo ng tatlong kasapi ng Apo sa katapusan ng pelikula ay wala rin namang rehistro dahil kulang ang rekognisyon ng mga ito sa kabataang manonood.

Ang potensyal ng komersyal na pelikulang Filipino ay nakapagdaragdag ito ng lokal na idioma sa global na medium ng pelikula.  Nagawa ito sa paglipana ng OCW (overseas contract worker) film noong 2000s, o ng romantikong komedi sa kasalukuyan, maging ng mga orihinaryong lokal na horror film (hindi ang sapilitang pa-Asian horror mode).  Kung tutuusin, ang anumang pagtatangka na mag-peg sa matagumpay na Hollywood o Asian cinema na genre o pelikula ay “always already” retro—dated na ito, walang katiyakan na maililipat ang komersyal na reprodyusebilidad  sa lokal na bersyon.  Relatibong mas matagumpay ito sa free television na hindi kailangang magbayad ng mayoryang manonood nito, ang Class CDE na walang lubos na kakayahang manood ng sine.

Kapag isiniksik pa ang lahat ng pwedeng magbigay ng referensiya sa tinutumbok ng pelikula, naiibsan hanggang sa malusaw ang self-referentiality nito, na integral lalo na sa musical genre.  Tulad ng pagkasiksik ng lahat ng pwedeng maisiksik na hits ng Apo, hindi nostalgia ang dating kundi pagkamanhid sa panahon, espasyo at pagkataong nais masambit ng pelikula.

“Charming” ang karaniwang polite na remark kapag tinanong kung ano ang palagay sa pelikula, na marami naman ang pakahulugan: small, tight, pero hindi umangat.  Ang integral sa charm ay ang kakayahang makapagpaunlad ng imahinaryong pagsasamahang hindi pa nasilayan sa maraming pelikulang natunghayan.  Hindi nga ba’t sinabi na rin ng lyrics ng Apo (“Awit ng Barkada”) na siya pa ring tagline ng pinakapopular na Pinoy na global na produkto, ang San Miguel Beer:

Kung hahanapin ay kaligayahan
Maging malalim o may kababawan,
Sa iyo ay may nakalaan
Kami’y asahan at huwag kalimutan
Maging ito ay madalas o minsan
Pagkat iba na nga ang may pinagsamahan

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2012/11/bakit-hindi-pwede-ang-retro-na-musical-sa-pelikulang-filipino/feed/ 2
Ang Filipinas ayon sa Bourne Legacy http://pinoyweekly.org/new/2012/10/ang-filipinas-ayon-sa-bourne-legacy/ http://pinoyweekly.org/new/2012/10/ang-filipinas-ayon-sa-bourne-legacy/#comments Sat, 27 Oct 2012 17:17:30 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=21661 rebyu ng Bourne Legacy (Tony Gilroy, direktor, 2012)

 

Nakataas ang kilay at tila quizzical ang tiyan kapag sinabing may malaking dayuhang produksyon na kinunan sa Filipinas.  Hindi naging mabuti ang Hollywood sa bansa.  Sa An Officer and a Gentleman (Taylor Hackford, 1982), ang teenager na karakter ni Richard Gere ay binugbog ng mga siga sa gilid ng isang U.S. base sa bansa.  Sa Apocalypse Now (Francis Ford Coppola, 1979), ang Pagsangjan ay naging surrogate para sa Vietnam, at sa The Year of Living Dangerously (Peter Weir, 1982), surrogate naman para sa Indonesia.

Sa panayam kay Claire Danes para sa Brokedown Palace (Jonathan Kaplan, 1999), sabi nito na ang Manila ay “ghastly and weird city.”  Siempre ay pusong mamon ang mga Pinoy pag dating sa ganitong representasyon ng kanilang syudad at bansa, na parang pinipilas at niyuyurakan ang kanilang pambansang pride.  Kaya matapos ng matagaltagal na panahon, dumating ang Bourne Legacy.

Ang espionage na pelikula ay ukol sa mga genetically enhanced na mersenaryo na naturukan ng virus, at ang gamot ay dine-develop sa Filipinas.  Pupunta rito ang espiya, pati ang babaeng syentista, at iinog ang kanilang adbentura sa tatlong klimaktikong susing eksena sa Manila:  ang high-tech na pabrika, ang bubong ng mababang gitnang uring komunidad, at ang matrafikong kalsada pagkakarerahan ng nagtutunggaling motor.

Ang unang eksena ay ang pagtukoy ng nagtatagong couple sa pabrika ng gamot, na kahit high-tech ito ay liga ang kinakailangang nakaunipormado’t nakatakip ang mga mukha na manggagawa.  Dito ay mahahanap nila ang gamot, pati ang stem na pinagmulan ng virus, at mabubuo ang planong sirain ang strain na ito.  Ang eksena ay nagsimula sa gabi, na patungkol sa 24/7 operasyon ng mga kompanyang multinasyonal, at ang pangangailangan ng supply ng mga magkakahalintulad na katawan at pangangatawan ng paggawa para sa hindi natutulog na operasyonalisasyon ng pharmaceutical na kompanya.

Ang ikalawang eksena ay ang epekto ng naudlot na pagpigil sa stem strain, na matagpuan ang espiya na patuloy na nagkakasakit sa isang masikip na mababang gitnang uring komunidad.  Na ang tanging rekurso para makatakas sa mga pulis sa ibaba ay sa pamamagitan ng transformasyon ng bubong bilang masibong eskinita’t pasilyo, ang lunsaran tungo sa kaligtasan.  Nakita na natin ito sa Kubrador (Jeffrey Jeturian, 2006) at para sa parehong dahilan pa rin, para maiwasan ang entrapment ng pulis.  Sa Bourne Legacy, nag-level up, pati na rin ang anti-hero ng bida ay nakadagdag ng impetus at balakid sa pagtakas.

Ang pangatlong eksena ay ang karerahan ng mga nakaw na motor (at marunong mamili ng high powered na modelo ang bida at ang kontrabida) sa siksikang kalsada ng Manila.  Sinasaad nito ang matagal na nating alam, at tinuturing na panganib at peligro sa gitnang uring may kotse at abang uri na namamasahero, na tanging motor ang makakadaloy sa trafiko ng syudad.  Na tinatangkang udlutin ng Metro Manila Development Authority sa pagtalaga ng motorcycle lane na efektibong naglimita sa kanilang kapangyarihang manahi ng kalsada.

Ang bida ng Bourne Legacy na sina Jeremy Renner at Rachel Weisz, sa isang eksena sa Pilipinas. `

Ang bida ng Bourne Legacy na sina Jeremy Renner at Rachel Weisz, sa isang eksena sa Pilipinas.

Walang skwater at indie-cinema na kahirapan na natunghayan sa Bourne Legacy.  Sa katunayan, walang in-your-face na orientalismo, gaya ng naunang pagkatalaga sa Filipinas bilang exotiko pero pejoratibong espasyo ng quintessential maldevelopment, bilang substitute para sa mas masahol na Third World national chaos, o bilang bukal ng inosensyang nawala na sa pagkaunlad ng First World.  Ang bagong isinasaad na representasyon ng Bourne Legacy ay ang sirkulasyon ng bansa sa integral pero laylayan ng global na kapitalismo.

Heto ang subnaratibo ng Filipinas ayon sa pelikula:  dahil may penetrasyon ng kapital sa multinasyonal na kompanya, umangat mula sa komunidad ng squatter tungo sa mababang gitnang uring pamamayanan ang mga sityo ng syudad, at ang kagyat na epekto nito, ang siksikan ng pedestrian overpasses, kalsada at populasyon ng syudad.  Kung nasinsin ng global na kapital ang mga tirahan at pamayanan, ang susunod na mapapaunlad nito—in due time—ay ang literal na infrastruktura (kalsada, pedestrian walk, highway system), higit na conducive sa kapitalismo.

Kumbaga, kinagat na ng bansa ang bala ng kapitalismo at heto ang kanyang kasalukuyan, ang estado na nakamit at maari pang makamit sa patuloy pa ng higit na penetrasyon ng kapital.  Ang isinasaad ng pelikula ay paborable ang bumubulwak na population growth sa bansa:  ito ang magtitiyak ng regular at murang supply ng manggagawa sa pabrika ng multinasyonal na kompanya.

Paborable rin ito sa tumatakas na couple.  Kundi dahil sa dami ng tao at manggagawa—at ang inverse nito, kundi dahil sa unti ng kalsada at infrastruktura—ay hindi sana sila makakatakas.  Ang habulan sa bubungan ay nagsasaad din ng hindi pa natutunghayan na posibilidad:  na ang tanging espasyo ng karagdagang pag-unlad ay vertikal na lamang, lalo na sa limitadong pisikal na espasyo ng syudad.

At siempre, ang subnaratibo ay nakaangkla sa kontrast sa dalawang pambansang espasyo:  ang Kanluran na bundok at gubat sa winter pero nananatiling high tech; at ang Seoul na ultra-modernong iba (hindi Kanluran pero hindi na rin Asyano).  Sa pagtatapos ng pelikula, tutungo ang bangka na pinagtakasan ng couple mula Palawan sa Vietnam, isa pang sityo ng global na kapital.

Ang espionage film ay compass ng transnasyonal na operasyon, hindi lamang para sa paghahanap sa katotohanan at ng katarungan, kundi sa global na negosyo.  At ito ang idinadambana na bagong representasyon ng bansa:  ang maging importante—kahit pa substitutable—na node ng kapital, na may kakatwang pagka-penetrasyon at kung gayon, ang kakatwang pagkaremapa ng syudad, bansa, tao, paggawa at populasyon para sa akomodasyon ng global na kapital sa lokal na kondisyon.  Ito ang Filipinas—ang tinukoy sa checklist ng bagong reconditioning sa rehimen ng global na kapitalismo—ayon sa Bourne Legacy.

Ito ang bagong exotisismo, ang bagong erotisismo.  At tayong nakapanood ng pelikula ay natunghayan ang ating masikip na syudad at bansa sa kinetikong antas, tulad ng pagkalulan at pagkalunan ng mga bida sa pelikula.  Tayong gitnang uring manonood-mamamayan ay nais ding takasan ang abang uring kondisyon at makapag-move on na sa susunod na yugto ng kapitalismo:  kailangan nang mag-level up, tulad sa Seoul sa pelikula.

Inilulugar ng pelikula ang ating pinagmulan, kasalukuyan at maaring patunguhan alinsabay sa pagtahak sa global na kapitalismo.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2012/10/ang-filipinas-ayon-sa-bourne-legacy/feed/ 2
Kaisipang folk at ang naunsyaming simulain ng pelikulang Filipino http://pinoyweekly.org/new/2012/10/kaisipang-folk-at-ang-naunsyaming-simulain-ng-pelikulang-filipino/ http://pinoyweekly.org/new/2012/10/kaisipang-folk-at-ang-naunsyaming-simulain-ng-pelikulang-filipino/#comments Tue, 09 Oct 2012 18:22:11 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=21518 rebyu ng Genghis Khan (Manuel Conde, 1950; repremiered, Oktubre 2012)

 

Ayon sa dalawang kasama kong kaibigan, kapwa sa kanilang 20s, parang telenobela ang Genghis Khan—walang katapusang saga ng mabuti at masama, suyuan, pagkamatay ng magulang, pakikidigma, pagtatagumpay at ang rurok nito, ang kasalan.  Matapos mawala ang lahat ng kopya sa bansa, mabuti na lamang at lumahok ang pelikula sa Venice Film Festival noong 1952 (isang taon matapos manalo ang obra ni Akira Kurosawa, Rashomon, na itinuturing na nagpakilala sa pelikulang Asyano sa kanluran), at nanatili ang kopya roon.

May tatlo pang kopya na pawang nasa iba’t ibang antas ng pagkasira.  At ang mahika ng restorasyon ng L’Immagine Ritrovata ng Bologna, ang restorer-of-choice ni Martin Scorsese, isa sa pangunahing restoration advocate ng pelikula—dinigitize ang lahat at kinuha ang pinakamalinis na bahagi na naging batayan ng malawakang pagsasaayos at pagbabalik sa naunang ningning ng pelikula.  Sa katunayan, ipinakita sa simula ng programa ang “before” and “after” shots:  nawala ang putla at pusyaw, wala ang kalmot at mistulang puting alupihan sa positibo, at naging maningning na black-and-white ang Genghis Khan.

Integral ang pagkalinis at panunumbalik sa orihinal na estado para lubos na maunawaan ang estilo ni Manuel Conde sa kanyang pelikula.  Mahilig ito sa deep focus shots na malinaw ang mga imahen sa foreground, middle ground at background ng shot.  At marami sa kanyang kuha ay may disenyo ng staging:  sanga bago matanaw ang lupon ng dumakip na kaaway sa bida, halimbawa, paggamit ng soft focus para makita ng mas tampok na bahagi ng shot, high angle shot para sa lahat ng ordinaryong tauhan, at high angle shot sa mga talunan na tauhan.

Maalaala ang Citizen Kane (Orson Welles, 1941) sa mga kuha pero hindi lubos na seryoso dahil ang tatak ni Conde sa Genghis Khan, pati sa kanyang Juan Tamad series, ay gawin itong komedya.  Sa katunayan, walang hibla ng kasaysayan sa bersyon ni Conde sa buhay ng higanteng figura ng Mongolia at kasaysayang Asyano.  “Barok” at pusong, mga stock na tauhan mula sa mababang uri na makapanlalamang sa mataas na uri dahil sa likas nitong talinong hindi aral, ang peg ni Conde kay Khan.

Napapatumba ni Khan ang kanyang mas malalakas na kaaway.  Siya na mas aba ang pinagmulan ay aangat at magiging karapatdapat sa kanyang paghahari.  Dagdag pa rito, si Khan ay barumbado sa babae, matigas ang puso, walang pinapakinggan at pinaninindigan kundi ang sarili, pero tulad ng lahat ng bayani sa folk na kwento, artifisyal lamang ang ganitong estado dahil nanlalambot at nagbabagong-panig din.

Mahalaga ang folk na kaisipan sa popular na medium ng pelikula dahil ito ang nakakapanghatak sa manonood para tumangkilik.  Ang nangyari, marahil o malamang, dahil sa kinalabasang dominasyon ng realismo bilang estetika sa pelikula, ay nawala ang folk at komedya nitong tampok.  Bumigat ang paksa at pagtalakay ng kwento sa pelikula.  Nawala ang pag-asa at tuwa sa buhay.  Naging mas dramatiko, at unti-unting nawala ang manonood sa sinehan.

Hindi naman nawala ang panonood ng sine bilang isa sa pinakapopular na libangan ng Filipino.  Buhay ang kultura ng sine dahil nakakabili ito ng bala ng VCD (kung meron pa nito) at DVD na may anim o dosenang titulo, at pline-play sa pirata ring brand ng DVD player.  Pinagpapasahan sa kapitbahay at kaibigan ang bala, at may sirkulasyon ng mga sine’t palabas.  Hindi lang dahil naging gitnang uri ang presyo ng tiket ng sine (ikatlong bahagi ng minimum na sahod ng arawang manggagawa), kundi dahil sa praktikal na inobasyon na rin ng sinehan at prodyuser na total:  wala na ang bakya crowd (ayon nga kay Pete Lacaba) at tuluyan na ngang gawin ang panonood ng sine para sa gitna at maykayang uri sa pangunahin.

Kung nais bumalik ang masa sa sinehan, kailangang maging atraktibo ito sa kanila, tulad ng natutunghayan pa rin nila sa mga telenobela, game show, reality show at showbiz show sa telebisyon kahit pa sa perversyon nitong anyo, maging ang matagumpay na franchise sa Metro Manila Film Festival tuwing  kapaskuhan na handang magluwal ng naipon ang ordinaryong manonood para magbayad para sa taunang installment ng Enteng Kabisote at Tanging Ina Mo—ang folk at ang pananalamin ng pagkataong Filipino sa dalumat na ito.  Ito ang nawala, at maaring magpabalik sa masang manonood sa sinehan.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2012/10/kaisipang-folk-at-ang-naunsyaming-simulain-ng-pelikulang-filipino/feed/ 0
Cheerdance competition: sports exemplar ng U.S. empire at neoliberalismo sa edukasyon http://pinoyweekly.org/new/2012/09/cheerdance-competition-sports-exemplar-ng-u-s-empire-at-neoliberalismo-sa-edukasyon/ http://pinoyweekly.org/new/2012/09/cheerdance-competition-sports-exemplar-ng-u-s-empire-at-neoliberalismo-sa-edukasyon/#comments Sun, 23 Sep 2012 08:58:15 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=21333 rebyu ng UAAP Cheerdancing Competition 2012 (Mall of Asia Arena, 22 Setyembre 2012)

 

Bagong uso ang cheerdancing competition. Kasama ng championship tickets sa basketball, ito ang hot ticket sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP). Sa katunayan, nang bigyan ako ng isang pares ng ticket, ang banggit sa akin ng nagbigay ay “Ingatan mo iyan.  Ginto iyan.”

Sa kauna-unahang pagkakataon nang masimulan ang cheerdancing competition noong 1994 ay sa Mall of Asia (MOA) Arena ito ginawa ng 2012.  Hindi nakakapagtaka dahil ang host university ay National University na major stockholder si Henry Sy (60 porsyento ng stocks) na siya ring nagmamay-ari ng MOA Arena.

U.S. ang nagdala ng sports sa bansa, ng integrasyon sa sistemang edukasyon at kapitalismo.  Naalaala ko ang taunang field demonstration namin sa elementary.  Daandaan kami na naka-sports attire at kung ano-anong formation ang ginawa, na may baton o rings pa.  Noong high school naman, pinagso-solicit ang lahat ng magkakaklase para sa uniporme ng basketball team.

Ang kakatwa sa cheerdancing competition ay ang matayog nitong prestihiyo sa kabataang nasa tertiary education.  Kahit pa ang cheerdancing ay iniisip na dating aksesorya lang naman sa aktwal na tampok na sports sa UAAP (“paano magiging sports ang taga-cheer lang naman sa basketball games?”), at dahil kailangan ng kalalakihan para magbuhat (at marami sa kalahok ay mga bading) ng mga cheerdancer, ito ay malinaw na isang lehitimong spectator sport na.

Willing pumila ng madaling araw ang maraming kabataan para sa tiket, magsiksikan sa pinakamalayong seksyon ng arena, mamaos ang boses para sa pep squad ng kanilang pamantasan.  Ewan ko kung tumatanda na ako pero nabagot ako sa hapon at gabing dineboto ko para sa cheerdancing competition.  Inabot ng apat na oras ang biyahe patungo’t pabalik ng MOA, inabot ng apat na oras para tunghayan at alamin ang resulta ng anim na minutong presentasyon ng U.P. Pep Squad.

At tunay namang pagsasagad para pahabain sa broadcast sponsors, ang recap sa aking tantya ay tigtatatlong minuto bawat teams.  Kalahati ng aktwal na presentasyon!  Branded ang cheerdancing competition ng UAAP dahil sa corporate sponsors at tag lines:  Jollibee Chi-cheer Kayo Challenge” (1994-96), Nestle Crunch Ice Cream Cheer Competition (1998-99), Nestle Non-stop Cheerdance Competition (2000-05), at ang Samsung Cheerdance Competition (2007-hanggang sa kasalukuyan).

Namudmod ng Galaxy phones ang Samsung sa mga nanalo kaya naman puro banggit sa kanila sa telecast, pati na rin ang near-celebrity status ng mga personalidad nito.  Madaling maunawaan ang corporate interest sa cheerdancing competition at ang pagpulot sa isang inaakalang chuwariwap na group activity bilang isa sa golden eggs sa UAAP, maging sa kanya-kanyang kampus ng mga cheerdancer.

Ang invisible hand ng korporasyon sa UAAP ay hindi naman hiwalay sa unang national telecast sa cheerdancing competition noong 1997 ng sports cable channel na ESPN sa U.S.  Hindi malayo ang penomenal na pag-unlad dito, at sa bansang nag-imbento nitong sports, na mayroon na raw 1.5 milyong kalahok na siya pa ring benchmark sa tinatayang 100,000 na kalahok sa labas ng U.S.

Ang kakatwa, ang first-tier na pamantasan sa Metro Manila at bansa (ang mga kasapi ng UAAP) ang nagpapasimuno ng penomenal na pagkatanyag ng cheerdancing competition.  Na tila co-terminus sa edad na sistematikong budget cuts sa SUCs (state colleges at universities, kahit pa U.P. lang ang SUC sa amalgamasyon ng tertiary educational institutions sa UAAP), at ang edad ng pinakamataas na matrikula sa pribadong pamantasan.

Sa presentasyon ng mga team sa cheerdancing, nahihirapan pa rin sa adaptasyon ng sports sa anumang lokal o pambansang kontexto, kahit pa ng 2012 ay may pinakamalawak na pagtatangka:  “freedom and equality” ng U.P., mala-Maori warrior ng De La Salle University, environmental ng Far Eastern University, flower festival ng University of Santo Tomas, at komedya o brass band na costume ng University of the East.

Kung iisipin ito ang mimicry (panggagaya) na may tinatangkang lokal na idioma pero nakaangkla pa rin sa unibersalismong mga tema.  At sa pinaka-ethereal sa lahat ng pormang sining, ang sayaw at sa tambal nito sa sports, pati na rin syensya, ay umuuwi ang presentasyon sa lalong abstraksyon ng panggagaya sa egalitarianistang lenggwahe.  Samakatuwid, ang itinatanghal ay ang variasyon—sa buzz themes ng kapitalismo, tulad ng good governance, heritage building, corporate social responsibility, social advocacy at iba pa—pati ang manaka-nakang subersyon sa mga ito.

Sa isyu ng tertiaryong edukasyon, ito rin ang ethos ng individual at sektoral na panggagaya sa globalisasyon ng pribatisadong publikong serbisyo, at ang kahandaan nitong henerasyon ng kabataan—pati na ang kanilang mga magulang—na kanya-kanyang pondohan at tustusan ang pag-aaral, pati na itong manaka-nakang adbentura sa economically viable sports program, at iba pang inaakalang socially empowering na karanasan.

Nagtagumpay, kahit pa sa aking palagay ay limitado pa rin kahit angat sa kahanay nito, ang U.P. Pep Squad dahil sa tangka na idiin ang icon ng Oblation, pero hindi ang pagiging skolar ng bayan, at ng gender equality, pero hindi ang class equality at akses sa mismong edukasyon sa kanyang pagtatanghal.  At iniisip ko, “Ito na ba?  Na ang tiket na papel ay may inaakalang halaga at pagpapahalaga na katumbas ng ginto?”

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2012/09/cheerdance-competition-sports-exemplar-ng-u-s-empire-at-neoliberalismo-sa-edukasyon/feed/ 8
Sovenir ng trauma at pagtutol http://pinoyweekly.org/new/2012/09/sovenir-ng-trauma-at-pagtutol/ http://pinoyweekly.org/new/2012/09/sovenir-ng-trauma-at-pagtutol/#comments Sun, 16 Sep 2012 06:17:11 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=21264 rebyu ng “Himagsik at Protesta: Ika-40 taon ng imposisyon ng martial law,” UP Main Library Basement (12 Set. 2012)

 

Ang sovenir ay isang memento ng sarili: kinukuha nang walang pahintulot, binibili kung minsan; walang ibang kahulugan sa iba pero makabuluhan para sa sarili—buhangin sa Boracay na inilagay sa bote, napkin at menu ng isang restaurant na pinag-date-tan, tiket ng concert, self-portrait sa isang okasyon at lugar para i-upload sa Facebook at Instagram.

Paano kukuha ng magandang alaala mula sa isang trauma, lalo pa kung ang alaala ay isang temporal na kolektibong pagdanas, halimbawa, ang deklarasyon ng martial law? Ang cast nga ng nabaling paa o braso—kahit pa sandamakmak ang pumirma—ay masaya lang itapon kapag tinanggal na ito. Ang pilat ng aksidente o operasyon ay may emosyonal na bigat pa rin tuwing nakikita sa katawan.

Ito ang challenge sa exhibisyon, lalo pa’t sa ika-40 taon ng martial law: Anong mga bagay ang available at matitipon? Paano gugunitain ng mga sovenir ang alaala ng pambansang trauma? Banggit nga ni Judy Taguiwalo, ang kanyang mga gamit sa panahong ito ay ni-raid na ng militar. Ang iba naman ay nawala sa paratihang paglipat sa mga kinikilusang pook at pagkalagak ng mga ito sa pag-igting ng intelligence ng militar.

Pero impresibo pa rin ang nalikom: typewriter at radyo ni Jose Ma. Sison, vest ni Edgar Jopson, mga reproduksyon ng larawang unang beses ko lang nakita (tulad ng recording ng Ibong Malaya o imahen ni Emmanuel Lacaba), kulambo ni Armando Teng, at iba pang gamit ng ikonikong mga figura ng kilusang pambansang demokratiko. (http://www.arkibongbayan.org/2012/2012-09Sept14-MLxhbit/ml40exhibit.htm)

Sa katunayan, maging ang mga beterano ng martial law ay curious at excited tignan ang mga sovenir na ito: sa isang banda, ito ay artifact ng isang karumaldumal na panahon kaya ang anumang natirang bagay ay patunay sa anti-diktarduryang pagpupursigi, kaya politikal o kontraryong politika ang sinasambit ng mga sovenir; at sa kabilang banda, ito ay memento ng mga historikal na taong nabuhay, kumilos, tinortyur, napaslang, dinukot o sapilitang lumikas, ang natitirang bagay na pinagkakaingatan ng kanilang pamilya, kaibigan at mahal sa buhay, kaya personal o laban sa paglimot ang mga sovenir.

Na kapag pinagsama-sama—analogous sa reunion ng mga aktibista–ay may igting na sabayang kirot at tuwa dahil magkakarugtong ang bawat bagay na nalikom sa kolektibong buhay at adhikain: na ito lamang ang nauna, at ito ang isang landmark sa pagkakapatuloy (continuum) ng pambansang demokratikong pakikibaka. Na ang tagpo (event) ng exhibisyon, pagbubukas, pagtitipon, paggunita’t panata ay lunan ng simboliko at aktwal na pagsasabuhay ng diwa ng rebolusyonaryong pagbabago, at hindi ito matitinag dahil may pagpupuwang pa rin—lalo na–sa kasalukuyan.

Ang nagawa ng exhibisyon ay dobleng negasyon. Una, laban sa positibismo ng estado na pagdududa sa statistika ng tortyur, winala, inabuso ng diktaduryang Marcos—kasama ang kung nangyari nga ba talaga ang martial law, lalo na sa malawakang pag-comeback ng mga kagyat na pamilya ng diktadura—na paano sasabihin ganito kalaki ang bigwas, sa kaso ng mga desaparasido, kung wala namang katawang natatagpuan? Kung ang katawan na tinortyur ay nabuhay, naghilom na? Kung ang hidden wealth ay nanatiling hidden at ibinabalik pa nga sa Marcoses?

Ikalawa, laban sa negasyon ng rejeksyonista, na tulad ng lohika ng diktadurya at pati ng estado, na ang “rebolusyonaryong kilusan ay kumakain ng sarili niyang mga anak,” at kung gayon, isang failed project, at sa nangyayari, ang prominenteng pagpasok sa administratibong posisyon kay Noynoy Aquino ng mga personalidad nito dahil sa kanila, ang trauma ay pasaporte para sa social political mobility.

Kaya integral na bahagi ng exhibisyon ng sovenir ang alaala at pag-alaala hinggil sa mga bagay, tao at pangyayari ng martial law at thereafter nito, at ng higit na pagpursigi sa legal at undergrawnd na pagkilos. Tuloy ang laban dahil hindi naman natapos ang fasismo sa pagpapatalsik kay Marcos. Nagpapatuloy ang karahasan ng estado sa Oplan Bayanihan at patuloy na sistemikong pagkaetsapwera kay Aquino.

Ang isa naman naging sovenirng mga dumalo sa pagbubukas ng exhibisyon ay ang testimonya ng mga kinulong at tinortyur sa martial law, at nagpapatuloy ng kanilang pagkilos hanggang sa kasalukuyan. Pinakatampok sa akin ang testimonya ni Neri Colmenares, at ang mga detalye bumubuo ng kanyang trauma at panata: na ang unang antas ng pagpapahiya ay ang pagpalo ng ruler sa kanyang ipinabukas na mga palad; ang pisikal na tortyur na pambubugbog at ang pinaka-hindi niya makakalimutan, ang paglagay ng mga bala sa pagitan ng mga daliri ng magkabilang kamay, matapos ay iipitin; at ang mental tortyur na subuan ka ng baril na parang Russian roulette at ang nakakabinging tunog ng pagpindot sa gatilyo, at ang iniisip na tunog ng sumasabog na ang bungo sa dingding.

Ang testimonya ay pagsaksi sa nauna para sa kasalukuyan, ito ay patuloy na panindigan sa hinaharap. Ang tangi ko lang maimumungkahi ay sana ay mayroon ding sovenir mula sa ordinaryong kasapi at kadre na kumilos, lampas sa sovenir ng mga personalidad na bumubo ng exhibisyon. Sa huli, ang magandang tunguhin ng exhibisyon ay isang permanenteng arkibo ng kilusang pambansang demokratiko bilang patuloy na pagsaksi at pagpupursigi na mawaksi ang mga katiwalian ng estado, kundi man ng mismong estado.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2012/09/sovenir-ng-trauma-at-pagtutol/feed/ 0
Pelikula ng espasyo http://pinoyweekly.org/new/2012/09/pelikula-ng-espasyo/ http://pinoyweekly.org/new/2012/09/pelikula-ng-espasyo/#comments Sun, 02 Sep 2012 04:31:40 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=21173 rebyu ng Kalayaan (Adolfo Alix Jr., 2012)

 

Si Adolfo Alix, Jr. ang pinakaprolifikong direktor sa kanyang henerasyon sa indie cinema.  Bawat pelikula ni Alix ay may natatanging visual na treatment at dating.  Kaya hindi tulad ng iba pang direktor—tulad nila Lav Diaz, Brillante Mendoza, Khavn Dela Cruz, Raya Martin o Sherad Anthony Sanchez—mahirap tukuyin ang pagiging auteur ni Alix dahil napakarami ng filmic repertoire nito.

At heto na naman, sa kanyang pelikulang Kalayaan, ang panaromic shots ng baseng isla, ang tagpuan sa naratibo ng isang pangunahing sundalong nakadestino sa peligroso pero wagas na natural na paligid ng kontrobersyal na mga isla sa dulo ng Palawan.  Sa gabi, nandito rin ang eksena ng kadiliman ng paligid at paglalayag ng sundalo sa bakawan at isla.

Buryong ang sundalo: nakakatanaw at nakikipag-sex sa sirena sa gabi, nanonood ng porn, nag-eehersisyo, nakikipagtitigan sa alagang pagong, o nakikinig ng radyo kundi man ay ang mga eksena’y nakatutok lang sa pang-araw-araw na gawain.  Kahit na malapit ng matapos ang tour-of-duty ng sundalo, kimkim ang kaburyungan at kalungkutan dahil may itinatago itong traumatikong alaala.

Sa Kalayaan, tinangka ni Alix na ihayag ang kontradiktoryong espasyo:  ang mental na estado ng maaligagang sundalo at ang tahimik na kagandahan at kawalan-pagbabago ng natural na paligid; ang pagkakalayo ng isla at ang nagaganap na kudeta sa Manila; ang kapwa sundalong nakadestino sa iba pang bahagi ng mga isla at siya na nananatiling nag-iisa sa kalungkutan; ang realismo ng hindi natitinag na paligid sa laylayan ng bansa at ang realismo ng politikal na kaguluhan sa sentro; ang fantasya at realidad sa utak ng sundalo; ang traumatikong alaala sa nakaraan at ang kawalan-buhay ng katiyakan sa kasalukuyan, bilang mga halimbawa.

Kaya kahit maliit at makitid ang mundo at pagmapa rito ng sundalo, malawak ang tinatangkang sakupin ng naratibo at stilo ng pelikula.   At ang salik ng pag-iilaw sa kadiliman ay higit na nagpatingkad (o nagtago) sa saklaw at limitasyon ng mga espasyo.  Dito rin nanggagaling ang modernistang pagtahak sa pelikula—malawak ang espasyo pero makitid ang panahon ng mundo ng pelikula.

Ito ang nalalabing araw ng paglagi ng sundalo sa isla, na ang kanyang maliit na mundo na kanya pa rin ay tila mas naiibigan niya kaysa sa kawalan-katiyakan ng espasyo sa hinaharap.  Meditasyon ang pelikula sa klasikal na figura—ang “solitaryo” (kahit pa may kasamang iba pang sundalo sa ikalawang bahagi ng pelikula) at ang katunggali nitong paligid at sarili.

Sa meditasyong ito, pinalalawak ang sakop ng mga lunan habang pinapakitid ang panahon.  Marami ang long take shots sa pelikula bilang pagmapa ng espasyo ng sundalo kahit pa walang lubos na nangyayari sa kanyang panahon—ang natitirang paglagi—sa isla.  Sa katunayan, ang natitira na inaasahang ang kabuuang paglagi ng sundalo ay namamarkahan ng reiterasyon, repetisyon, duplikasyon, reproduksyon ng naunang gawain.

Na kahit ulit-ulitin at maulit-ulit ang pagkakataon at pagtatapo ay lubos na ang pagkabilanggo ng sundalo.  Sa huli, ang kanyang utak—ang sityo ng traumatikong alaala at impetus sa kasalukuyang kaburyuhan at katamlayan sa hinaharap–ang pinakamaliit na isla, ang pinakamalaking bilangguan.

At ito ang nagpapaiba kay Alix bilang direktor, na ang kanyang pelikula ay nakaugat sa naratibo at sumasanga sa visual take, pati na rin ng iba pang elemento—editing, halimbawa sa Tambolista (2007).   Dito nanggagaling ang artistikong bisyon at integridad ng direktor, na iba-iba ang naratibo ng kanyang mga pelikula, at iba-iba rin ang pinipiling visual take sa mga ito.

Kaya paratihang kapanapanabik ang pag-aantay sa susunod na pelikula ni Alix, dahil paratihan itong may kakaibang paraan ng pagkukwento at paraan ng mobilisasyon ng mga elemento para makabuo ng buo at angat na konseptwalisasyon sa kanyang mga pelikula.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2012/09/pelikula-ng-espasyo/feed/ 1
Dula at pelikula http://pinoyweekly.org/new/2012/08/dula-at-pelikula/ http://pinoyweekly.org/new/2012/08/dula-at-pelikula/#comments Mon, 27 Aug 2012 09:50:27 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=21132 rebyu ng Walang Sugat, (Carlos Siguion-Reyna, direktor; Tanghalang Pilipino; 10 n.u., 26 Agosto 2012 na pagtatanghal)

 

Madalang akong manood ng dula, pero by choice ito.  Malaking risk ang panonood ng dula para sa akin.  Walang excitement sa maraming pagkakataon—namimilipit ako sa upuan, iniisip, “Ano ba ang ginagawa ko rito?”  Tila hindi nakahabol ang dulaan sa iba pang pagkaunlad ng mga sining, lalo na ng sining biswal, pelikula, at multi-media na panitikan.

Kaya medyo mabigat ang paa ko nang manood ng Walang Sugat.  Pero nagkamali ako.  May inobasyong ginawa ang production team sa pangunguna ni Carlos Siguion-Reyna:  nakapagpasok ito ng impluwensya mula sa pelikula kahit walang gamit ng mismong medium sa pagsasadula.

Sa tatlong tier na expresionistang entablado ni Tuxqs Rutaquio, nagkaroon ng tatlong one-dimensyonal na sub-entablado si Siguion-Reyna, na nakakapagtampok ng pangunahing eksena na humahalaw sa karagdagang pwersa mula sa dalawa pa.  At may cinematic flow mula sa sing-song ng pangunahin at pagpapayaman ng dalawa pang sub-entablado.

Sa texturang talon sa background, ang primaryong kulay ng pag-iilaw ni Katsch SJ Katoy ay nagbigay ng batayang meditasyon sa itinatampok na kaganapan.  Sa unang awit pa lamang, ang pagbuburda ay ipinakita bilang subersibong aktibidad dahil sa ilalim ng mga tela ay ang mga primaryong kulay ng bandila—na ang displey ay bawal sa panahon ng Amerikanong kolonialismo—na naglalaman ng mensahe para sa rebolusyonaryo.

Itinuloy ang diin sa mga kulay sa kabuuan ng dula.  Sa aking pagkaalaala, minsanan lang lumabas ang pula sa sandali ng pakikipagdigma.  At matapos, ang kaisa-isang imahen sa background—ang tangke mula sa war ship ng Amerika sa Manila Bay—ay nanakop din sa mga kulay at naging meditasyon at kaganapang nauna rito.

Ang koreograpiya ni Nonoy Froilan ay may postmodernong sipa.  Ang tigas at tibay sa kilos at galaw sa politikal na dula ay nagkaroon ng feminine na rendisyon, tulad sa eksena ng “Bayan Ko,” na ang epekto ay ang sabayang alienasyon at humanisasyon ng kondisyon ng mamamayan at ng mismong politikal na eksena.

Itong bersyon ng Walang Sugat, isa sa tinaguriang “seditious Tagalog sarsuelas,” ay ang pinakamasinop sa paglalahad ng naratibo, inobatibo sa ilan nang pagsasadula nito sa ilang dekada, at marahil, pinakapulido sa rendisyon ng musika’t awit.  Pinakatampok ang staging ng eksena na siempre, sa unang pag-awit ng “Bayan Ko,” ang signature song ng dula.

Sa eksena, ang tatlong bahagdan ng entablado ay namaximisa para sa nakakapunit-puso’t nakakaantig-damdamin na epekto sa manonood.  Isang paslit ang unang nagboluntaryo, at dumaloy ang sumunod na aksyon na malinaw ang pagtatampok at pagpapayaman mula sa ibang bahagdan.  Sa una’t huling pagkakataon, ang kolektibong desisyon ng pag-aalsa ay makatarungan at napapanahon.  Na sa susunod pang paggamit ng kanta ay nagmumukha nang elehiya sa pagyao sa unang dakilang pagkakataon para sa independensya.

Masinop ang paglalahad ng naratibo.  At ang inaasahan sa tradisyonal na porma ng dula—ang pagturing na ito ay natatanging porma—ay nanatili kahit pa sa mga inobasyon mula sa pelikula.   Pangunahin sa sarswela ang dulaang simboliko dahil dito lumalabas ang politikal na mensahe na hindi lubos na kayang i-stage, lalo pa sa panahon na ipinagbabawal ito.

Nandito na nga ang pagsilip sa kulay ng bandila, ang pagkakahiwalay ng iba’t ibang sangay ng kapangyarihan sa lipunan sa tulong ng stage design—lalo na ng konsolidasyon ng maykaya laban sa mamamayan sa pagpasok ng Amerikanong manananakop, at ang pagwawakas na call-to-arms dahil nga sa hindi inaasahang maniobra ng bagong mananakop.

Nandito rin sa dula ang “suyuan sa ilalim ng hagdanan” ng mga katiwala na nagpapakita ng hayag na malayang sexualidad at hindi aral na talino kumpara sa impit na pribilehiyadong orientasyon ng kanilang magsing-irog na amo.  At sa panahon ng telenobela at komersyal na pelikula, patok lang ang serialidad ng exposisyon at rebelasyon sa pagtatapos.

Kapuri-puri ang akting at tinig ni Cris Villonco, na nabigyan-buhay ang babae sa panahon ng masidhing pakikipagtunggali para sa kanyang irog at ligaya.  Ang komedikong akting naman ni Jonathan Tadioan bilang katiwala ay isa pang natatanging pagganap, na kay daling naiangat ang galing sa akting kumpara sa gumanap sa kanyang among lalake.

Ang mainstream na dulaan ay kailangang manguna sa paghahalaw ng impluwensya mula sa pinagkaunlad sa iba pang mga sining.  Hindi ibig sabihin nito ay higit pang (Third World) Broadway-ish na nagiging direksyon nito, na ang mga tradisyonal na porma at akda ay biglang nagiging parang pinagnakawan lamang ng idea, at ang bagong lenggwahe ng dulaan ay ang pomp-and-pageantry ng komersyal na dulaan ng Kanluran.

Kasabayan kong nanood ang mga mag-aaral mula sa pribadong high school.  Maingay ang mga ito, at nag-running commentary pa sa mga tagpo’t eksena na nakakuha ng kanilang interes.  Pero inisip ko na lang, kung sa panahon ng pagkadula nito, ganito rin naman kaaktibo ang ordinaryong manonood—na ipinagbawal na sa sine’t sa mismong mainstream na dulaan.  Kaya natanggap ko na lang na bahagi ito ng viewing package—na sa loob ng tatlong oras, makabuluhan at malikhain nahuli ng dula ang interes naming manonood.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2012/08/dula-at-pelikula/feed/ 0
Viral epal politics: good vs. evil http://pinoyweekly.org/new/2012/08/viral-epal-politics-good-vs-evil/ http://pinoyweekly.org/new/2012/08/viral-epal-politics-good-vs-evil/#comments Mon, 20 Aug 2012 07:14:20 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=21100 rebyu ng “T3: Motorist mauls MMDA officer” (ABC5, 2012)

Hindi na bago itong bugbugan gone viral.  Una na itong natunghayan nang pinagagalitan ni Mayor Sara Dutuerte ang sheriff sa isang publikong talakayan sa Davao City.  Sumunod ang sariling karanasan ni Ramon Tulfo sa kamay nina Claudine, Raymart and friends sa NAIA3.  Hindi rin bago na ang mga mag-aaral at alumni ng pribilehiyadong eskwelahan ang sentral na karakter sa viral videos, tulad ng ranting ni Christopher Lao matapos isugod at masira ang kanyang kotse sa bahang lampas-baywang.

May orkestrasyon ng balita hinggil sa ranting na madalas ay nauuwi sa bugbugan, at ang epekto nitong mag-rant din ang nakakasaksi sa balita, at figuratibong bugbugin naman ang inaakalang abusado.  Sa kaso ng “T3” episode, ito ang pagkatsamba ng isang news team na makasaksi ng eksena sa trafiko at ang labis na reaksyon ni Robert Blair Carabuena sa MMDA traffic enforcer na si Saturnino Fabros.

Maririnig sa video mula sa loob ng sasakyan ng TV5 ang utos na kunan ng footage, at ang medium size focus ng insidente.  Sa T3 studio naman, maririg ang kolokyal at popular na wika (action star, malaking sampal sa MMDA, stop-look-and-listen) sa pagbabalita, ang multi-cuts at special effects para mag-zoom in sa detalye ng pang-aabuso, insersyon ng musical score, sinkronisasyon ng detalye sa imahen, panayam sa inaping enforcer, sa taxi driver, at tagapasalita ng MMDA na may opinyon na matapos mapanood ang video sa computer, at talakayan matapos:

Lumabas din ang balita sa Interaksyon 5, naka-link ang footage. Paano magkakaroon ng kontraryong opinyon kung ang staging ng pag-uulat ay masyado nang nakaangkla tungo sa kondemnasyon? Sa isang banda na epal ang laman ng video, sa kabilang banda naman ay may epal politics ding nagaganap sa pagpapalaganap ng at reaksyon sa video sa viral media.

Walang lalabas na mataas na pagsusuri, kahit pa may outlet para rito. Sa talakayan sa “T3,” komon ang indictment, ipako sa krus, armasan ang enforcers, at iba pa, at siempre sa pinagdaanan ng hosts sa NAIA3 incident ng kanilang katuwang, ang nabanggit din ay isang awtoridad in the performance of their duties lang naman.

Matingkad at kompak ang morality tale na hinahabi at binubuo ng T3, at sa least-common-denominator na alam nila kung sino ang nanonood sa kanila, nakahapit ang kapamaraanan ng pagbabalita para “ibaba” ang antas ng tunggalian, simpatya at opinyon, pawang walang nasasapol ng anupamang pagsusuri.

Viral “epal politics” ito dahil ang interbensyon ay mula sa plataporma ng viral media, tungo sa pagpapako sa krus ng taong epal sa pamamagitan ng reaksyong viral rants. Ayon sa Urban Dictionary, ang “epal” ay hango sa salitang “papel,” na ang pakahulugan ay taong pumapapel, nang-aagaw ng atensyon, nang-iinsulto, o tumutungo sa lugar na hindi naman kailangan ang kanyang presensya.

Ang “T3” episode ay nanganak ng maraming bersyon, at siempre, ang mas maikli ay nawalan na ng staging dahil mismong ito ay isa nang orkestrasyon tungo sa indictment.  Ang resulta nito ay hate response, halimbawa, mula sa 4,829 na komento sa Youtube (hanggang 20 Agosto 2012) na kalakhan ay kalabisan ang galit kay Carabuena:  “baboy na baliw,” “litsunin nang patiwarik,” “kahayupan,” “mamatay ka,” “piggy bank ka,” halimbawa.

Simple lang ang idea kung bakit may media—una, maghatid ng balita at informasyon, at ikalawa, magmungkahi ng pinakamataas (depende kung ito ay mainstream, alternatibo o oposisyonal na media) na pagsusuri, at himukin ang manonood at tagapakinig dito.  Ang problema sa “T3,” na masasabing problema sa malaking bahagi ng komersyal na media, ay orkestrado ang paglalahad ng balita tungo sa kontrobersya, na ang epekto ay hanggang sa lebel ng pagpukaw ng damdamin at emosyon, hindi ng utak at intelektwal na diskusyon.

Pero hindi simpleng gawain at gawin ito.  Sa talk news format ng “T3,” lalong sinususugan ang nabuo nang opinyon mula sa naunang pagkalahad ng balita.  Kaya epal politics ito dahil epal na naganap sa video at staged ng media ay may kapasidad makapanghimok ng epal na reaksyon—galit, pagkamuhi, pandudusta, negatron.  Ano ang nakamit nito kundi gawing reaktibo ang manonood?

May isa pang viral media na natunghayan ko sa Facebook.  Ito ay pagtungo ng mga tao sa tarps ng politiko na nagbabandera ng kanilang pag-aakda sa mga proyekto ng mamamayan, pagkuha ng imahen, pag-post at pag-repost sa Facebook.  Shame campaign ito, at may lahok din ng epal politics.  Sa katunayan, epal nga ang terminong gamit sa kampanyang ito.

Dito ay may minumungkahing pagbabago ang ordinaryong mamamayan:  mahiya naman ang politiko, tanggalin ang kanilang mukha bilang patron ng proyekto.  Ang maraming viral videos ay walang proaktibong kabig.

Nang magtatalak si Lao dahil sa kawalan ng informasyon sa baha, na siyang naging dahilan ng kanyang maling judgment call, ay nagresulta sa monitoring ng mga kalsada hinggil sa epekto ng ulan.  Hindi ito dahil ito ang layon ng naghatid ng balita kundi epekto ng lohikal na suhestyon ni Lao mismo, “makes sense” baga.  Ang informasyon ay nakikita ko sa social media.  Ang insidente ni Carabuena ay maaring magresulta sa ibang pagbabago:  pagsasanay para sa traffic enforcers kung paano i-handle ang abusadong violators.

Ang ginawa ng “T3” ay lumikha ng good cop at bad cop na dichotomy.  Iniisip kong marami na itong features hinggil sa korap at abusadong pulis.  Pero sa pagkakataong ito, ito naman ang modelo ng pagiging good cop.  Ang problema rito, tinanggap niya ang pang-aabuso kaya siya naging good cop.

Sa maraming manonood na tinatanggap ang epistemikong pang-aabuso ng sistema, paano naman?  Ang mungkahi lang sa kanila ng komersyal na media, kapag natsambahang may news team at ang iyong insidente ay kasing abusado nang kay Fabros, kayo rin ay magiging modelo ng pagtitimpi’t kabaitan.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2012/08/viral-epal-politics-good-vs-evil/feed/ 1
Pagtahak sa naunang landas http://pinoyweekly.org/new/2012/08/pagtahak-sa-naunang-landas/ http://pinoyweekly.org/new/2012/08/pagtahak-sa-naunang-landas/#comments Mon, 13 Aug 2012 10:45:25 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=21041 Dalawa ang pelikulang nakakuha ng aking atensyon sa Cinemalaya 2012, The Animals (Gino Santos), at Oros (Paul Santa Ana).  Ang una ay dahil may tinatahak itong bagong direksyon para sa indie cinema, ang mundo ng maykaya na may self-reflexivity sa kalabisan nito, pati ng media at social media sa pagtataguyod nito.  Sa exposisyon ng kalabisan, pati ang abang uri—driver ng taxi—ay nadawit sa paglalahad ng amoral na uniberso nitong uri.

Ang huli ay dahil may tinatahak itong lumang landas, ang subalternong kahirapan, at ang pagkakulong ng mga nandito sa malawakang mundong ito sa bansa.  Ang Oros ay tumatalakay ng buhay sa saklaan sa isang komunidad ng maralitang lunsod, at ang kwento ng moralidad na nangyayari sa subalternong mundo na ang patay ay maari pa ring pagkakitaan.

Hindi lahat ng pelikula ukol sa kahirapan ay pasok sa kategorya ng “poverty porn,” at hindi rin naman ang ganito lang ang prinipribilehiyado sa namamayagpag na indie cinema.  Sa katunayan, angat din ang pelikulang konseptwal nina Khavn De La Cruz, Sherad Anthony Sanchez, John Torres at Raya Martin.  At ang katapat ng standard na feature film ni Brillante Mendoza, na humahalaw din sa subalternong kahirapan, ay ang filmikong inobasyon ni Lav Diaz, na kontemplatibong paghihinuhua sa kahirapan, fasismo, at pagkabansa.

Ang dokumentaryo ay nagiging full-length, at mabilis na inaakyat ang posibilidad ng higit na pamamayagpag nito.  Lumalalakas din ang multimedia arts exhibitions, na naglalayong gawin na usual na plataporma ang cinema sa pagsasangkap, kasama ang performance at visual arts.

Mula sa naunang pagkatalakay sa subalternong mundo ng maliitan pero malawakang sugal sa hanay ng mahihirap, ang Kubrador (Jeffrey Jeturian, 2006) na tumalakay sa ina na nakahon sa hanapbuhay na pangungubra ng taya, pati sa pagkamatay ng nag-iisang anak na lalake, ang Oros naman ay ukol sa magkapatid na lalake sa saklaan: isang nakakatanda na umaasa ang marami sa komunidad na mag-aayos ng pagsasakla sa panahon ng matinding pangangailangan ng mga ito, at isang nakakabata na iginagayak na rin sa buhay na ito.

Ang pasaporte para makapagsakla, kailangan ng bangkay.  At sa subalternong mundo ng mahihirap, maraming bangkay ang maaring magamit, sa kuntsabahan ng morge at funerarya, ng mga ofisyal ng baranggay, pulis at kapitbahayan.  Sa subalternong mundo ng kahirapan, madali ang buhay, at pati ang patay ay pinagkakakitaan.

Dito nakabatay ang morality tale ng Oros:  na ang nabubuhay sa mundong ito ay namamatay…  Hindi mahirap na mahulaan ang kahihinatnan, at kasama ito—ang staging ng final na aksyon—ang maari sanang napag-isipan pa.  Ang sinematograpiya at coloring ng pelikula ay nagdobleng empasis sa subalternong mundo bilang marumi at makinang, ang atraksyon ng burak, ang putikang atraksyon.

Maari sana itong natugunan nang higit na pananaliksik sa mundo ng saklaan.  Ang Kubrador ay matagumpay dahil napakaraming detalye na nakakamangha lang sa manonood kahit pa tila ordinaryo sa subalternong arena ng buhay ito:  ang pagbobola ng hweteng sa gitna ng sagingan para hindi matukoy ng awtoridad, ang pagpapala sa sako ng barya-baryang taya ng mahihirap sa bahay ng sentruhan ng taya, at ang habulan ng awtoridad at pinaghihinalaan sa dikitdikit na bubungan barongbarong, bilang halimbawa.

Sa Oros, umasa ang naratibo sa paghugot sa panitikan at pilosopikal na pagmumundo sa kahirapan at mahihirap.  Bukod sa usual na eskinita’t tarangkahan ng saklaan, gilid ng tubigang pagtataguan, at ang randomness ng buhay at bangkay sa saklaan—na pinatingkad nga ng sinematograpiya—may kasalatan ang materialidad ng pagmumundo sa subalternong karanasan.

At ito ang obserbasyon ng isang hurado sa Cinemalaya, nagustuhan niya rin ang pelikula, pero “nakita na ito sa iba pang mga pelikula.”  Ako naman ay nagustuhan ko sa apila sa aking rasyonalidad, na kung ikukumpara nga sa kasabayan nito, kasama ang pinakamahusay na pag-arte (Kristoffer King) sa Cinemalaya batch na ito, at kahit pa may ilan itong tampok na kahinaan, ay mas buo sa akin ang pelikula.

Napaisip akong mayroon nang kailangan iba pang gawin ang indie cinema na nagbabangko sa metanaratibo at mga subalternong naratibo ng kahirapan.  Dahil nga ito ang naging pangunahing daluyan sa indie cinema—kasama na rin ang pelikula hinggil sa artist, musikero, manunulat at intelektwal sa isang banda; at sa kabilang banda, ang mini-komersyal na pelikula na sa liit ng budget sa indie filmmaking ay nag-a-aspire ng malaking look-and-feel—ang kahirapan na sa una’y may tagumpay na nakamit (mula sa matulaing buhay ng mga maralitang tagalunsod at katutubo ni Lamberto Avellana, at ang dramatikong paghihiganti ng abang uri kay Lino Brocka tungo sa neorealistang tumampok sa indie cinema), ay kailangang nang muling ireimbento.

At ito naman ang pagkakaintayan natin bilang manonood at ang kinakailangan nang tahakin nilang filmmaker na nagnanais ipagpatuloy ang pagpapaksa’t pagmumundo sa kahirapan.  Ang kahirapan, tulad ng karangyaan, ay hindi lamang paksa kundi paraan ng pagmumundo, pagbibigay-ngalan, pagbibigay-representasyon.  Ang susi sa pelikula hinggil sa kahirapan o maykaya ay hindi ang kasinupan sa paggamit sa mga elemento at stilo kundi ang kasinupan sa paglalahad ng kwento.

Ang kwento ay mayroong material na batayan, may kakilala o nabasa tayo hinggil sa mga ganitong tauhan at karanasan.  Pero ang layon ng pelikula ay hindi lamang ilahad ito, pero bigyan ng sariling mundo na may kaugnayan sa pisikal, heograpikal at mental na mundo ng manonood, na mayroon ding pag-aangat sa natatanging malikhain at kritikal na direksyon ng kanyang filmmaker.

Ang filmmaker sa kasalukuyan ay hindi lamang kailangang mag-aspire maging rock star kundi malikhaing intelektwal na nakakapaghabi’t nakakapagkomentaryo sa kanyang pelikula.  Ito ang tradisyon ng mga direktor na angat sa kasaysayan ng pelikula sa bansa.  Ito ang atas na pinili nilang tupdin.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2012/08/pagtahak-sa-naunang-landas/feed/ 1
Burgis na juvenilia http://pinoyweekly.org/new/2012/08/burgis-na-juvenilia/ http://pinoyweekly.org/new/2012/08/burgis-na-juvenilia/#comments Tue, 07 Aug 2012 09:57:21 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=20927 rebyu ng Ang Nawawala (Marie Jamora, 2012)

 

Ayon kay Bienvenido Lumbera, hurado ng Cinemalaya 2012, ang isang tampok sa mga lahok ay ang pagtalakay ng isa na namang aspekto ng buhay sa lipunang Filipino: ang nakakataas na uri’t maykaya.  Hindi ko alam kung good news bad news ito.  Pero ang tiyak, unapologetic na agad ang ganitong pelikula.

Walang self-reflexive gesture o take sa pagiging mayaman at pribilehiyado ang Ang Nawawala, paukol sa isang kabataang lalake na nagkakandakumahog sa pagbaybay sa trauma ng kamusmusang pagsaksi sa pagkamatay ng kakambal, at ng kontak sa unang true love.  Dahil sa trauma, nagdesisyon itong hindi magsalita, at sa kanyang isip, kinakausap pa rin niya ang kakambal.

Nagbiyahe ito sa ibang bansa.  Kumukonsulta sa doktor, kumukuha ng videos ng kanyang paglalakbay.  Isang pasko sa kanyang pagbabalik, natagpuan niyang higit na nagkakahiwalay ang kanyang mga magulang, higit na naninigaw sa katiwala ang kanyang ate, mas malibog ang kanyang best friend, at maganda ang umibig.  Sa katunayan, kilig ang audience, karamihan ay kabataang natutumbok ng pelikula.

Samantalang kami ng kasama kong kaguro ay bagot na bagot sa MTV moments, na sa sobrang dami ng kantang gustong mailagay sa CD version ay maraming eksena na nakikinig sa concert ang may hindi isa o dalawang kanta, kundi tatlo.  At ang tanging aksyon dito ay mula sa pakikinig tungo sa head nodding at pagsayaw nang nahihiya hanggang sa wala nang hiya.

Nandito ang romantikong fantasya ng kabataan:  may hitsura, maykaya, may dress up, may alter ego, may pag-ibig, may nawalang pag-ibig, may alaala ng tunay na pag-ibig, may nawawala pero parating may natitira para ipaalaala ang kawalan.  Kalakhan ng angst sa pelikula ay paukol sa fantasya ng pagiging maykaya sa bansa:  ganito (lang) ang kanilang problema, at ganito (lang) ang kanilang coping at making do mechanism.

Hindi sa minamaliit ang ganitong uri.  Pero ang napagtagumpayan ng Ang Nawawala ay gawing labis na sinematiko—larger than life, film worthy, film grant worthy—ang buhay ng pribilehiyadong maykaya sa bansa.  Purong pabalat at artifice—purong imahen—ang pelikula:  dinadaan sa close-up, nguyngoy shot, slow motion, repetisyon, high fives, at reiteratibo ang justifikasyon para sa uring tinatalakay.  Pero hanggang imahen lang, walang substansya maliban sa transformasyon ng elitistang buhay bilang kanasa-nasa sa mas higit na mayoryang umaasam lang ng ganitong buhay.

May ipinapanganak na problematiko ang ganitong pagtahak ng buhay ng maykaya, lalo pa bilang binary oposisyon sa pangkahalatang tema ng indie cinema, ang abang uri.  Kung sa huli ay napakabigat ng pagdanas sa subalternong kahirapan at paghihirap, sa una ay relatibong magaan at iilang individual ang dumaranas nito.  Kaya higit na nakakapanghalina ang buhay ng maykaya kaysa sa mahihirap kung tutuusin.

Kahit pa sa pagtatapos ng pelikula, neorealistiko ang tinahak din na landas ng Ang Nawawala:  na uusad lang ang buhay, magpapatuloy ang paglalakbay ng lalake para hanapin muli ang kanyang sarili.  Dahil kahit na nakumpronta na niya ang kanyang multo, pati ang labi ng naunsyaming tunay na pag-ibig, hindi pa rin matutumbasan ang batayang kawalan.

Ang resulta nito sa manonood, pangunahing intelektwal at aspirasyonal na gitnang uri sa hanay ng indie cinema, ay itransforma ang makauring isyu sa antas ng metapisika:  na individual na pagkatao at kolektibong humanidad—partikular sa pagdanas ng kalungkutan, pangungulila, pag-iisa—ang nagbibigkis sa ating lahat.  Anong ganda ng buhay?!

Walang guilt sa mundo ng labis ng pribilehiyadong uri, na hindi masasabi sa poverty films ng indie cinema.  Dawit (implicated) tayong manonood sa poverty films:  sa distansyasyon ng wanna-be na gitnang uring manonood sa realidad ng pelikula, walang identifikasyon ang nabububo na lumilikha ng kritikal na obhetibidad para pag-isipan ang relasyon ng sarili sa tinatalakay na mundo.

Sa pelikula hinggil sa maykaya, ang kritikal na distansya ay nawawala, na tulad sa Hollywood films, nilalamon para ang sarili ay magkaroon ng (mis)rekognisyon na ito rin ang kanyang mundo, ito ang gusto niyang maging mundo, at ipagkanulo ang sariling mundo.  Ito ang reafirmasyon ng komersyal na media at kulturang popular ng kapitalismo.

Sa aking palagay, walang tunay na independent na pananaw ito sa isang iniluwal ng “indie cinema.”  Napapanahon na rin sigurong ibuyanyang kung tunay nga bang independent ang namamayagpag na indie cinema sa kasalukuyan.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2012/08/burgis-na-juvenilia/feed/ 10