FEATURED

Kultura | Isang Pinggang Bala at mga Digital Protest Art


Gamit ang pilosopiya ng balintuna, epektibong political satire ang digital art at memes hinggil sa masaker sa Kidapawan. Nagsisilbing protesta ang mga bagong sining na ito laban sa “state violence” at “state terrorism” na naranasan ng mga magsasaka sa North Cotabato.

Hindi maihihiwalay ang sining sa politika.

Iyan ang pinatunayan ng mga artista, indibidwal at organisasyon na aktibong nakiisa sa laban ng mga magsasakang minasaker at dinahas sa Kidapawan, North Cotabato noong Abril 1, 2016. Nagluwal ang mga alagad ng sining ng mga obrang kumakastigo sa pandarahas ng gobyerno ni Gov. Lala Talino-Mendoza at ni Noynoy Aquino.

 

Protestang Digital

Gamit na lunsaran ang social media, lumikha ang mga alagad ng sining ng mga digital art at meme na kumakastigo sa tinatawag na “state violence” at “state terrorism” – ang pagpaslang, pandarahas, panggigipit at pagsasampa ng gawa-gawang kaso laban sa mga nanlaban.

Malinaw ang turol ng mga imahen ng mga digital art at meme. Gamit ang pilosopiya ng balintuna o irony, nagiging epektibong political satire at digital na protesta ang sining.

 

#BigasHindiBala

#BigasHindiBala
Meme na likha ni Tonyo Cruz

#BigasHindiBala ang isang hashtag na pumaimbulog sa internet at social media. Kapatid ito ng “Libro Hindi Bala” ng mga estudyante at ng “Bahay Hindi Karahasan” ng maralita. Lahat ng ito’y tumutuligsa sa pasismo o ang paggamit ng karahasan laban sa mga lehitimong adhikain tulad ng protesta. Isang politikal na naratibo ang #BigasHindiBala na epektibong nagbubuod ng naganap sa Kidapawan: bigas ang hinihiling ng mga magsasaka ngunit sila ay dinahas ng mga pulis at militar sa utos ni Gov. Mendoza.

 

Pinggan ng mga Bala

Kultura Art Pants Beast Jesus
Digital Poster ni “Pants” | Nasa Beat Jesus Facebook Page.

Tulad halimbawa ng digital art na “Kaon Ta” o “Kain Tayo” na may sentral na imahen ng isang duguang pinggan na puno ng bala. Tila nasa ibabaw ito ng duguang mesa (background). Sinasabi nito ang simpleng pahayag na bala ang ipinapakain ng gobyerno sa mga magsasakang nagprotesta.

 

Mga Butil ng Bala

Kultura Art ni ANDREI VENAL
Digital Poster ni Andrei Venal

Sa halip na mga palay ang hinog na nakakapit sa tangkay ay mga bala ang hinog at mayabang na nakatayo. Binabaligtad ng digital art na ito ang mundo ng agrikultura: palay ang inaasahang aanihin ng mga magsasakang ginutom ng El Nino at ng mismong gobyerno ngunit mga bala ang ibinunga ng kanilang paghingi ng tulong sa pamahalaan.

 

Dugo sa Dilaw

Kultura Art MULA SA FACEBOOK
Popular na Profile Picture ng mga Aktibista sa Facebook

Isa sa popular na ginagamit ngayong profile picture ay ang parisukat na kulay dilaw na may bahid ng dugo. Sa ilalim ay nakasulat ang “Hustisya para sa mga biktima ng KIDAPAWAN MASSACRE”. Ang dilaw ay sumisimbolo sa kulay ng Pangulong Aquino at ng Liberal Party na kinabibilangan nina Aquino, Mendoza at Mar Roxas. Nangangahulugan ito na ang masaker ay bunga ng pasismo ng dilaw na administrasyong Aquino. Paggigiit rin ang mga salitang KIDAPAWAN MASSACRE. Na hindi proteksyon ng estado ang naganap kundi malay na pagpaslang.

 

El Nino Aquino

Malinaw at kritikal ang pahayag ng mga imahen. Matapang itong pagtuligsa ng mga alagad ng sining at ng mamamayan sa pasismo ng estado. Pagsisiwalat ito, higit sa lahat, na may higit pang trahedya kaysa El Nino – at ito ay ang pamahalaan ni Aquino.