Pinoy Weekly » Editor’s Picks http://pinoyweekly.org/new Philippine news, analysis, and investigative stories Thu, 16 May 2013 04:56:26 +0000 en-US hourly 1 http://wordpress.org/?v=3.5.1 Mga kaanak ng migrante, nangungulila sa kanilang di makauwi http://pinoyweekly.org/new/2013/05/mga-kaanak-ng-migrante-nangungulila-para-sa-mga-di-makauwi/ http://pinoyweekly.org/new/2013/05/mga-kaanak-ng-migrante-nangungulila-para-sa-mga-di-makauwi/#comments Sun, 12 May 2013 05:37:36 +0000 Kenneth Roland A. Guda http://pinoyweekly.org/new/?p=24283 Patuloy ang pangungilala ni Mang Rexes Siena, 57, (kanan, katabi ni Garry Martinez ng Migrante Party-list), sa kanyang anak na istranded pa rin sa Saudi Arabia. (KR Guda)

Patuloy ang pangungilala ni Mang Rexes Siena, 57, (kanan, katabi ni Garry Martinez ng Migrante Party-list), sa kanyang anak na istranded pa rin sa Saudi Arabia. (KR Guda)

Sa isang madilim na sulok ng kampuhan nakaupo si Mang Rexes Siena, 57 anyos. May ilaw sa karatig na mga KTV at sa headlights ng mga sasakyang dumaraan, at maliwanag din ang compound ng Department of Foreign Affairs (DFA). Sa harap nito, kung saan nakatirik ang kampo nina Mang Rexes, tanging rechargeable lamps lang ang liwanag.

Sa inuupuan ni Mang Rexes, tanaw ang malayong logo ng departamento. Pana-panahong tumatanaw siya rito, na para bang may hinahanap.

At may hinihintay. Pangalawang beses na silang nagkampo dito, sa DFA. Naghihintay pa rin sila ng katanggap-tanggap na tugon sa naturang ahensiya. Unang beses, noong Abril 28 at 29. Tinangka sila noon na itaboy ng mga guwardiya, pero naggiit si Mang Rexes at mga kasamahan niya. Kahit man lang kaunting inconvenience, maiparanas nila sa mga opisyal ng DFA. Hindi biro ang kinakaharap nila – lalo ang mga kaanak nila.

Nangungulila siya sa kanyang anak na si Jennifer. Mahigit tatlong taon na si Jennifer sa Riyadh, sa pangunahing destinasyon ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) – Saudi Arabia. Nagkarelasyon siya roon, nagkaanak, pero nagkahiwalay sila ng karelasyon. Di na sikreto sa marami ang pagiging istrikto ng gobyerno roon: Kung may anak ka pero walang asawa, ikukulong ka at pahihirapan.

Pero hindi lang ito ang pinoproblema ni Mang Rexes sa anak niya. Cashier sa isang ospital si Jennifer, pero gusto niyang lumipat ng trabaho. Nang nag-aaplay na siya sa bagong trabaho bilang medical secretary, biglang nawala at di mahagilap ang kanyang employer sa ahensiya. Dala nito ang pasaporte niya. Hindi makapag-aplay ng trabaho at dahil sa hirap na mag-aplay sa embahada ng Pilipinas ng pasaporte, lumipas ang working visa ni Jennifer. Naging undocumented worker siya.

Maliban sa kanyang anak at apo, nasa Saudi rin ang kanyang asawa -- bagamat dokumentado at matagal nang nagtatrabaho ito roon. (KR Guda)

Maliban sa kanyang anak at apo, nasa Saudi rin ang kanyang asawa — bagamat dokumentado at matagal nang nagtatrabaho ito roon. (KR Guda)

“Kinakabahan na ako para sa anak ko,” sabi ni Mang Rexes. Noong nakaraang linggo, nakausap ng kapatid niya si Jennifer. Kailangan na raw talaga niyang umuwi. Umiiyak si Jennifer sa telepono. Kinakabahan na rin siya. Nagdeklara ang gobyerno ng Saudi ng crackdown sa undocumented na mga migrante sa kanilang bansa. Sa crackdown na ito, ikinukulong ang lahat ng mga nahuhuli.

May mga kuwentu-kuwento pa umano, bagamat di pa kumpirmado, na polisiya ng gobyerno ng Saudi na kung di dokumentado ang isang bata, naiiwan ito sa kustodiya ng gobyerno. Ibig sabihin, kung totoo nga ito, kahit ipadeport na si Jennifer, dahil walang dokumento ang kanyang anak (at apo ni Mang Rexes), di ito makakauwi ng Pilipinas.

Kaya kaunting sakripisyo lang umano para kay Mang Rexes ang matulog sa kampuhan ng Migrante sa harap ng DFA. Ilang beses man silang tangkaing paalisin, maninindigan sila – kung ibig sabihin naman ito’y makakauwi ang anak at apo niya.

Hindi nag-iisa si Mang Rexes sa kampuhan. Maraming kaanak na nandoon noong gabing iyon. Tulad niya, nanganganib ding ang kanilang mga kaanak na nasa Saudi ngayon. Papalapit na ang Hulyo 9 na dedlayn ng gobyernong Saudi para itodo nito ang crackdown, pero dahil sa maraming salik – pangunahin dito ang anila’y “papetiks-petiks” ng mga opisyal ng mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa Saudi – hindi pa rin makauwi ang mga Pilipino na istranded ngayon sa Saudi.

Krisis humanitarian

Kasama’t nakikiisa sa kampuhan noong gabing iyon si Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante International. Katunayan, at kung tutuusin, hindi inasahan ng mga kaanak na sumama sa kampuhan si Garry. Pangalawang nominado ng Migrante Party-list na tumatakbo sa party-list elections, abala siya sa pangangampanya, laluna’t huling linggo na lang ng eleksiyon.

Pero hindi umano maatim ni Garry na di maging bahagi ng kampuhan. “Humanitarian crisis na ang nagaganap ngayon sa Saudi,” paliwanag niya. Ikinuwento niya ang sitwasyon sa Saudi: ang crackdown na nagsimula noong Marso 28, at ang pagkabalot sa takot ng mga Pilipino dahil sa crackdown na ito.

Solidarity campout ng mga kaanak ng mga istranded na Pilipino sa Saudi, sa harap ng Department of Foreign Affairs sa Manila. (KR Guda)

Solidarity campout ng mga kaanak ng mga istranded na Pilipino sa Saudi, sa harap ng Department of Foreign Affairs sa Manila. (KR Guda)

Martial law-style crackdown ang ginawa nila. Pinapasok ang mga ospital, mga eskuwelahan, mga bahay – kung nasaan ang mga undocumented na Pilipino. Hinihila sila, kinakaladkad. Marahas talaga,” kuwento niya. Nanguna ang Migrante-Middle East sa pag-ayuda sa mga undocumented. May ilang mga kaanak na nagpatuloy sa kanila – bagamat mapanganib din ito, absconding na ito at ilegal ang magpatuloy ng tinutugis ng gobyerno.

Target ng ispekulasyon sa hanay ng mga migrante kung bakit may crackdown. Tingin ni Garry, hindi ito nalalayo sa sitwasyon ng Saudi: tumitindi ang disimpleyo sa hanay ng mga lokal na mga manggagawa at kabataan sa Saudi. Maraming kabataan ang nakakapag-aral sa ibang bansa, pero pag-uwi nila sa Saudi, walang makuhang trabaho. “Nakaramdam na ng presyur ang Royal Family ng Saudi. May papalakas na diskuntento sa mga tao (sa Saudi),” aniya.

Dalawang taon na ang nakararaan mula nang pumutok ito, pero ramdam pa rin umano sa Saudi Arabia ang tinaguriang “Arab Spring” – ang sunud-sunod na protesta at pagpapabagsak sa mapanupil na mga rehimen sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika. Palagay ni Garry, unang tinatarget ng gobyernong Saudi ang mga manggagawa at mga migrante, dahil sila ang pinakaunang madaling maorganisa laban sa gobyernong mapanupil. Tinarget ng gobyerno ang undocumented na mga Pilipino.

Masugid na ikinampanya ng Migrante sa mga pandaigdigang institusyong pangkarapatang pantao ang problema ng mga Pilipino sa Saudi. Natulak ng kampanyang ito na magsalita ang mismong hari ng Saudi – at magbigay ng tatlong buwang palugit para ayusin ng mga undocumented ang kanilang legal na papeles.

Ang problema, ani Garry, “parang easy-easy yung mga opisyal (ng DFA).”

Grabeng problema

Jeddah Tent City ng istranded ng mga Pilipino doon

Jeddah Tent City ng istranded ng mga Pilipino doon

Ang naging kilos ng mga opisyal ng embahada, mga konsulado at ng DFA, ayon kay Garry, ay tila “wait-and-see” na aktitud sa lumalalang problema ng mga istranded na Pilipino sa Saudi. Patunay nito ang paggiit nila na wala pang implementing rules and regulations ang gobyernong Saudi kaugnay ng tatlong buwang palugit.

Pero giit ng Migrante, kung talagang may political will ang gobyernong Pilipino, hindi na nito hihintayin ang isang IRR. Sisiguruhin nitong ang mga Pilipinong nanganganib sa crackdown ay magkaroon ng sapat na dokumento para makauwi ng bansa. Isa sa mga balakid dito ang pagkuha umano ng “no objection certificate” – isang patunay na wala nang habol ang ahensiya o employer sa Pilipino kung kaya maaari na siyang umuwi ng Pilipinas. Para sa mga Pilipino, malaking paglabag ang polisiyang ito – na pinagkasunduan ng gobyernong Saudi at Pilipino – dahil tali sila sa employer at hindi basta-basta makakauwi kahit na inaabuso na sila ng mga ito.

Para kay Garry, kung may political will lang sana ang gobyernong Aquino, agad itong magdedemanda sa gobyernong Saudi na pabayaang umuwi na ang mga istranded na Pilipino. “Puwede niyang (Pangulong Aquino) ipatawag ang ambassador ng Saudi Arabia dito sa Pilipinas at sabihin ang demand natin. Maraming paraan,” ani Garry. Nakapagtatakang di ito ginagawa, kasi ginagawa naman ito ng mga gobyerno ng ibang bansa, halimbawa ng India at Indonesia.

Noong diyalogo ng Migrante sa DFA matapos magtayo ng kampo noong Abril 28, inireklamo na ni Garry ang katahimikan ni Pangulong Aquino sa isyu. Sagot ng mga opisyal ng DFA, maraming inaasikaso ang Pangulo.

Di natiis ni Garry, sinagot niya: “Buti nga ’yung love life niya (Aquino), naibabalita niya sa buong mundo, ang isyung ito, tahimik siya.”

Pagsupil sa kapwa Pinoy

Noong Abril, ispontayong nagkampo ang humigit-kumulang 100 migranteng Pinoy sa isang lote malapit sa konsulado ng Pilipinas sa Jeddah. Tinagurian na ito ngayong tent city, at kumakatawan sa humigit-kumulang 4,500 istranded na mga Pilipino sa Jeddah pa lamang. Pinagbabantaan na itong buwagin ng gobyernong Saudi.  Samantala, aktibo ang Migrante at ang mga Pilipino roon na pagbigay ng ayudang pagkain at iba pang rekurso sa mga nananatili sa tent city.

Samantala, sa Riyadh, ispontanyo ring kumilos ang mga migranteng Pilipino. Dinagsa nila ang compound ng embahada ng Pilipinas, gustong makipagdiyalogo kay Amb. Ezzidin Tago. Pero ayon sa mga Pilipino roon, sa halip na makipagharap ay pinagbantaan pa raw sila na pagtabuyan mula sa compound.

Para sa Migrante, kung may political will lang ang Pangulo, madali niyang masosolusyonan ang krisis ng mga migrante sa Saudi. (KR Guda)

Para sa Migrante, kung may political will lang ang Pangulo, madali niyang masosolusyonan ang krisis ng mga migrante sa Saudi. (KR Guda)

Nanatili sila, at nagkampo sa isang lumang kantina ng embahada. “Hindi kami aalis,” sabi ng mga Pilipino, at mananatili umano sila doon. Aalis lamang sila kung tutuloy na sila sa airport para sa wakas ay makauwi sa Pilipinas. Aabot umano sila sa 150 doon.

Pinatayan sila ng kuryente, sabi ni Garry. Ilang araw lang ang nakararaan, pati ang pagpasok ng mga pagkain at mga rekurso, hinarang na rin. Pati mga Pilipinong nars at doktor, pinipigilan na rin, ayon sa Migrante-Middle East. Marami na kasing nagkakasakit doon, bagamat ayaw pa ring umalis.

Pati ang mga Pilipinong gusto sanang  pumasok sa embahada, mahigpit na kinokontrol na rin umano.  “Hirap na nga makaboto ang mga kababayan natin doon,” sabi ni Garry. Marami pa naman sana ang boboto sa Migrante na pinigilang makaboto, pabirong sabi niya. Pero ang seryoso, pagyurak umano ito sa kanilang right to suffrage (karapatang bumoto).

Kasama sa mga hindi pinapasok sa embahada ang anak ni Mang Rexes. “Gusto sana niyang makiisa, pero di siya pinapasok,” sabi ni Mang Rexes.

Nakapagtataka umano ito, sabi pa ni Garry. “Kung sa pelikula nga di ba, ginagawa ng bida ang lahat para makaapak sa embassy ng bansa niya, kasi sanctuary niya ito. Pero dito (sa Philippine Embassy sa Riyadh), baliktad.” Sa loob ng embassy, doon ka pa raw pagmamalupitan.

“Maling mensahe ang ipinapadala nila sa host countries (mga bansang nagho-host ng mga OFW),” sabi pa ni Garry. Ang mistulang mensahe ng gobyerno ni Aquino, okey lang na lapastanganin ng host country ang karapatan ng mga OFW – para maprotektahan lamang ang polisiya ng gobyerno na pag-eksport ng lakas-paggawa.

Sa ngayon, umaasa si Mang Rexes na ang mga aksiyon nila sa Riyadh, Jeddah at ang solidarity campout ng Migrante sa harap ng DFA sa Manila ay magtutulak sa gobyerno na gawin ang lahat para sa mga nanganganib na naistranded na mga Pilipino sa Saudi.

Alam umano nina Jennifer at ng mga nakakampo sa Jeddah at naka-occupy sa Riyadh ang pagkampo rin nina Mang Rexes, at “nai-inspire sila” na ipagpatuloy ang laban.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2013/05/mga-kaanak-ng-migrante-nangungulila-para-sa-mga-di-makauwi/feed/ 0
Kalamidad at takot sa Baganga http://pinoyweekly.org/new/2013/04/kalamidad-at-takot-sa-baganga/ http://pinoyweekly.org/new/2013/04/kalamidad-at-takot-sa-baganga/#comments Tue, 30 Apr 2013 06:08:03 +0000 Macky Macaspac http://pinoyweekly.org/new/?p=23977

 

Mahirap puntahan ang Baganga, Davao Oriental. Hindi lamang dahil mahaba at masalimuot ang biyahe patungo rito mula sa Davao City, kundi dahil naging sentro ito ng kalamidad, ng pagragasa ng bagyong Pablo, noong Disyembre 2012. At hindi pa ito nakakabangon hanggang ngayon.

Bagamat natural na kalamidad ang tumama sa lugar, matagal nang niraragasa ito ng kalamidad na tao ang may gawa: kapabayaan ng gobyerno, kakulangan ng serbisyong panlipunan, matinding presensiya ng militar.

Matapos bisitahin ng bagyong Pablo, tumindi ang kalamidad na tao ang may gawa: May mga alegasyong nakurakot ang dapat sana’y ipinamamahaging relief goods sa mga nasalanta. Pati ang pansamantalang tirahan ng mga biktima, nabalitang overpriced daw ang pagkakagawa. Samantala, halos hindi na raw gumagana ang lokal na pamahalaan, namamayani na raw ang mga militar.

Ito ang gustong alamin ng isang fact-finding and humanitarian mission na nagtungo sa lugar kamakailan.

Lulan ng tatlong bus galing sa Davao City, tinahak ng mga misyonerong aabot sa 76 katao kabilang ang mga madre, doktor, nars, psychologist, forester at iba pang nais tumulong ang mahaba, masalimuot na biyahe patungong Baganga. Kasama rito ang mga alagad ng midya, kabilang ang Pinoy Weekly.

Mga militar na namamalagi sa mga bahay ng sibilyan sa Sityo Timbawon, Binondo, Baganga.  (Macky Macaspac

Mga militar na namamalagi sa mga bahay ng sibilyan sa Sityo Timbawon, Binondo, Baganga. (Macky Macaspac)

Patungong Baganga

Sa una, maayos pero mabilis ang takbo ng bus. Sementado at aspaltado pa kasi ang hayway. Maganda at kaaya-aya din ang mga tanawin.

Pero habang papalayo sa Davao City at papalapit sa mga bayang sinalanta ng bagyo, nag-iiba na ang tanawin. Bagamat malinis na ang daan mula sa kalat na nilikha ng bagyo, bakas pa rin ang pinagdaan ng mga bayang ito. Kumikislap ang magkabilang panig ng haywey.

Mula ang kislap sa mga bubong ng mga bahay na tinangay ng malakas na hangin sa kasagsagan ng bagyo. Bagong palit ang mga yerong bubong. Nakasalansan din ang hollow blocks sa ilang itinatayong bagong bahay. Kahit ang mga pananim tulad ng saging, nagsisimula nang mamunga, ilan sa mga ito ang may balot na ng plastik, berdeng-berde din ang ilang malawak na palayan.

Wala na rin sa tabing haywey ang mga biktimang nakasahod ang kamay sa paghingi ng tulong. Pero kalauna’y napag-alaman namin: Nandoon pa rin sila, sa kani-kanilang mga komunidad, naghihirap.

Papalayo pa, unti-unting napapalitan ang kinang ng yero ang tabing haywey. Napalitan ito ng mga kulay-puting tolda. Tolda ito na ipanamahagi ng mga organisasyon at ginawang bubong ng mga residente. Marami rin ang gumamit ng mga lumang tarpaulin bilang bubong at dingding. Nakahilera pa rin ang mga tent city sa ilang bayang dinaanan ng grupo.

Gayundin, marami pa rin sa mga nabuwal na puno, laluna na ang mga punong niyog. Nakahandusay pa rin ang mga ito sa mga gilid ng burol at mga kabundukan. Pakitid nang pakitid ang daanang tinahak ng tatlong bus. Salitan ang putik at alikabok, hindi na sementado ang daan. Mabagal na rin at pagewang-gewang ang takbo ng mga bus dahil sa malubak na daan. Bahagi na ito ng Compostela Valley na kanugnog ng bayan ng Cateel patungong Baganga.

Dito unang nadaanan ng grupo ang isang detatsment ng militar. Hindi naman pinahinto ang grupo, mukhang nagulat ang mga sundalo sa pagdaan ng tatlong bus. Ang iba kasi, naliligo sa gawing kaliwa ng kalsada at ang iba’y nakaupo at nakatayo lang sa gawing kanan.

“Dito na iyon, ’yung bahay na sinunog,” sabi ng isang kalahok na miyembro ng grupong Karapatan. Tanong naman ng iba: “Hihinto ba tayo?”

“Hindi na, kuha lang tayo ng litrato ng bahay na sinunog.” Nagmenor ang bus. Itinutok ng mga nasa loob ng bus ang kanilang mga kamera, at nagsipitikan.

“Andar na manong, alis na tayo,” sabi ng taga-Karapatan, paspas na ang bus kahit maalikabok ang daan. Walang nagawa ang mga sundalo, nakamasid na lamang sila sa papalayong mga bus. Pero ang isa, kumaripas ng takbo patungo sa kanilang kampo na isang eskuwelahan. Malamang na nagreport na ito sa mga “nakakataas.”

Patuloy na tinahak ng tatlong bus ang paliku-likong kalsada. Tinitiyak ng mga drayber na hindi magkakalayo ang agwat ng mga bus. Bukod kasi sa malubak ang kalsada, gilid din ito ng bangin. Pero mahigit dalawang oras pa lamang ang lumilipas, gumanda ang takbo ng bus, hindi na umaalon-alon at tumatalbog-talbog, patag at sementado na kasi ang daan pero biglang tumigil ang konboy ng mga bus. Tsekpoint ng 67th Infantry Batallion ng Philippine Army. Nasa bayan na ng Cateel ang grupo, sa Sityo Dispatching ng Brgy. Malibago.

“Baba ang mga lalaki,” utos ng isang militar na nakasukbit sa balikat ang armalayt at bandoler ng mga bala. Bumaba ang mga lalaki kasama ang mga madre at mga lider ng Balsa Mindanao. Nagsimula ang negosasyon, habang isa-isang inakyat ng isang sundalo ang bus. Tiningnan ang loob nito, hindi naman malaman kung may hinahanap siya. Lilinga-linga lang sa mga upuan at sa mga natira tao sa loob ng bus. Lahat silang sundalo, nakasuot ng full battle uniform pero walang mga nameplate.

Sinabi ng mga madre at ibang negosyador ang pakay ng grupo, patungong Baganga at magbibigay ng relief goods at medikal na serbisyo, gayundin na isasadokumento ng grupo ang kalagayan ng mga biktima ng bagyo.

Tumagal ang negosasyon. Sabi ng lider ng sundalo, “Pasensiya na, trabaho lang.” Dagdag pa niya, hintayin daw ng grupo ang kanilang commanding officer at doon makiusap na padaanin ang konboy. Mag-iisang oras na nang payagang makadaan ang grupo. Pero bago pa ito, isang nakamotorsiklong sundalo ang humarurot palayo sa detatsment.

At halos 25 metro mula sa tsekpoint, sa palusong na pakurbadang daan, hinarang ng isang sundalong nakamotorsiklo ang isang logging truck. Inutusan ng militar ang drayber ng trak na ibalagbag ang kanyang sasakyan sa kalsada. Pagkatapos, kumaripas ng takbo papunta sa mga militar ang drayber, tangay ang susi ng trak. Maliban pa ang ikinalat na mga troso sa harapan ng trak at sa maliit na puwang sa pagitan ng trak at sa mga nakasalansan na mga troso.

Napilitan ang mga kalahok sa misyon na buhatin ang mga troso at alisin ang salansan ng mga troso para makadaan ang mga bus. Nanguna na ang mga madre sa pagbuhat; tulung-tulong ang lahat.

Lumarga ulit ang konboy. Pero hindi pa tumatagal ang biyahe’y bumulaga naman ang mga tipak ng batong nakahilera pahalang sa kalsada. Imposible namang gumulong mula sa bundok at humilera nang dikit-dikit sa kalsada. Halatang may naglagay.

Hindi malayo ang suspetsa ng marami na inilagay ito ng nakamotor na militar na nauna sa konboy. Hindi pa nasapatan ang militar, makailang-ulit  pa silang naglagay ng hambalang na mga bato, kahoy sa kalsada at, ang pinakahuli, hinukay na lupa, graba at putik na inilagay sa gitna ng kalsada. Malakas ang hinala ng marami sa misyon na ginamitan ito ng backhoe truck: mainit pa kasi ang makina ng isang backhoe na nakaparada malapit sa tambak.

Gamit ang kamay, paa at patpat, sinikap alisin ng mga misyonero ang tambak at mabigyan ng puwang kahit maliit lang na daan ang mga bus.

Hinarang pa rin

Mga bata na nakapila para sa Operation Tuli ng medical mission. (Macky Macaspac)

Mga bata na nakapila para sa Operation Tuli ng medical mission. (Macky Macaspac)

Medyo matiwasay na ang takbo ng konboy. Lumapat na rin ang mga gulong ng mga bus sa sementadong kalsada.

Pero wala pang tatlong oras, tumigil ulit ito. Tsekpoint ulit. Nasa Cateel pa rin ang grupo pero nasa Brgy. Aragon na. May signboard na nakabalagbag na sa kalsada: “Stop Military checkpoint. B coy 57th IB, 10th ID, PA”. Sa bandang unahan ng tsekpoint, may nakaparadang mobile vehicle ng PNP. Biglang inilabas naman ng mga pulis ang kanilang signboard: “Stop Comelec checkpoint, Please bear with us. Thank you for your cooperation”.

Muli, pinababa ang mga lalaki. Inspeksiyon daw. Pagbaba ng mga negosyador papalapit naman ang isang pulis na may pangalang “PO1 Miguel”—batay sa kanyang nameplate at sa pagpapakilala na rin niya. Dumistansiya ang isang sundalo na unang lumapit sa mga bus. Hindi rin umakyat at nag-inspeksiyon sa mga sakay at kargada ng bus.

Mahaba ang paliwanagan ng mga negosyador ng grupo at ni Miguel. Pinipilit ni Miguel na hindi puwedeng makadaan ang konboy at magpatuloy patungong Baganga. May memo raw ang kanilang nakakataas na opisyal na huwag padaanin. Ninais pa ng mga pulis at militar na ilagay sa logbook ang pangalan ng lahat ng mga kalahok sa misyon na tinutulan ng mga negosyador ng grupo.

“Sir bawal na ’yang ginagawa ninyo sa DOJ memo tungkol sa pag-conduct ng mga checkpoint. Dapat visual inspection lang at hindi hino-hold,” sabi ng isang negosyador.

“Utos ng nakakataas. May memo kasi sa amin,” sagot ng pulis. Pero nang hanapin ang kanilang sinasabing memo, walang maipakita ang pulis, gayundin na kahit pumayag na ang isang madre na mag-logbook para sa buong grupo, wala namang logbook. Ang kapansin-pansin, hindi pinapahinto ang ibang motoristang dumadaan sa tsekpoint. Kaway-kaway lang ang ginagawa ng mga pulis at militar sa mga ito.

Isa pang makatawag-pansin ang isang lalaking nakasibilyan at nakatakip ang mukha na siyang tila nagpapasya sa tinatakbo ng negosasyon.

Nang komprontahin siya ng isang madre kung sino siya, arogante niyang sinagot ang madre: “You don’t have the right to question me. Ako ang humihingi ng mga pangalan ninyo at hindi ko ibibigay ang pangalan ko sa inyo.” Maliban pa sa taong ito, isa namang sibilyan na residente raw ng lugar ang panay ang bulong sa mga pulis at militar na huwag padaanin ang grupo, at sinisigawan ang grupo.

Katwiran ng mga pulis at militar, magpoprotesta raw ang grupo, kaya pinipigilan nilang makadaan. “Pupunta kayo rito para maghikayat ng mga tao na magrali sa Davao,” sigaw ng sibilyan na residente na isang rebel returnee, sa tantya ng grupo.

Tumagal ng dalawang oras ang pagbinbin sa grupo, Nang pumayag si Miguel na makadaan na ang grupo, isang pulis naman na may pangalang “De Jesus” ang biglang humarang sa naunang bus. Tatayo lang daw siya sa harap ng bus para hindi makaalis ang grupo. “Utos sa akin na tumayo lang dito,” sabi niya. Pinayagan ding makadaan ang grupo ng magkompromiso ang mga ito na sasabay ang PNP bilang escort patungong Baganga.

Ang nakakatuwa, binaklas ng PNP ang kanilang signboard, isinakay sa kanilang mobile patrol at lahat ng mga pulis kasama kabilang na ang aroganteng nakatakip ang mukha.

Walang iniwan tanging tsekpoint lang ng militar ang naiwan sa Brgy. Aragon.

Bahid ng pagkatakot

Playground: Tila iniisip ng bata kung kailan magagawa ang gym ng Baganga na winasak ni Pablo. (Macky Macaspac)

Playground: Tila iniisip ng bata kung kailan magagawa ang gym ng Baganga na winasak ni Pablo. (Macky Macaspac)

Pagpasok sa bayan ng Baganga, muling pinahinto ang konboy, lumapit na naman ang isang pulis na may markang LTO sa kanyang dibdib. Pero maiksing panahon lamang ang itinigil dito ng grupo. Naulinigan ng isang negosyador ng grupo na pinapadaan ang grupo sa Incident Command Post (ICP)—pero hindi pumunta ang grupo at tumuloy sa sentro ng bayan, bagamat escorted pa rin ng pulis mula sa Cateel.

Ang ICP raw ang itinayong sentruhan ng relief goods na dinadala ng anumang grupo na nagnanais magbigay sa mga biktima. Pinamamahalaan ito ng isang opisyal militar na si Col. Kris Mortela, commanding officer ng 67th IB sa basbas daw ng gobernador ng Davao Oriental na si Cora Malanyaon.

Mababakas ng sinuman na maganda ang bayan ng Baganga bago sinalanta ng bagyong Pablo. Bulunduking bayan ito na nasa tabi ng kalmadong dagat. Pero kung ano ang imahe na ipinakita sa mga telebisyon matapos bayuhin ng bagyo, ganoon pa rin ang imahe, maliban sa nalinis na ang mga kalat. Sira ang halos lahat ng bahay, marami sa mga ito tolda at trapal ang bubong, laluna ang mga maliliit at katamtamang laki na mga bahay. Kahit ang munisipyo, sira pa rin. Ang iba nakatira pa rin sa mga tent at pinagtagpi-tagping kahoy, trapal na nasa tabi ng haywey.

Dahil sa abalang inabot ng grupo sa daan, hindi na kayang tumuloy sa pinakamalayong barangay ng bayan ang grupo. “Dito na tayo magpapalipas ng gabi. Delikado ang daan,” sabi ng isang miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan ng Southern Mindanao Region (Bayan-SMR).

Pero bago magpahinga, tinungo ng grupo ang bahay ni Cristina Jose sa lugar kung saan napaslang siya. Si Jose ang isa sa mga lokal na lider ng grupong Barug Katawhan sa Baganga na namuno sa paggiit sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ilabas ang relief goods na itinatago ng naturang ahensiya, dahil nagugutom na ang mga taga-Baganga, wala nang makain. Nagprotesta sila sa harap ng DSWD sa Davao City. Inireklamo rin niya ang presensiya ng mga militar sa Baganga. Noong Pebrero, pinaslang ng armadong kalalakihan—pinaghihinalaang mga militar—si Jose.

Nag-alay ng maikling panalangin at nagtirik ng kandila ang mga misyonero, bilang pagpupugay sa lider ng mga biktima ng kalamidad.

“Papunta si Cristina sa Davao para ibulgar ang nagaganap na anomalya sa distribution ng relief goods,” kuwento ni Hanimay Suazo, na pangkalahatang kalihim ng Karapatan-SMR. Hindi na nakarating si Jose sa Davao. “Hindi na natin malalaman kung anong impormasyon mayroon si Cristina, dahil patay na nga siya,” sabi naman ng isang kalahok sa misyon.

Isa sa mga akusasyon ng Barug Katawhan ang hoarding ng mga bigas na para sa mga biktima. Marahil, totoo ang akusasyon dahil isang biktima na nasa bunkhouse ang nagrereklamo. “Grabe ang panloloko ng gobyerno. Hindi na namin naiintindihan ang nangyayari. Nakakaawa ang mga bata. Minsan, may bigas, minsan wala.Minsan mabaho pa ang bigas (na bigay ng DSWD). Nagkakasakit na ang mga bata. Umaasa na lang kami sa bigay na bigas, hino-hold pa,” reklamo ni Boni Magson, isang residente.

Sa loob ng ilang buwang pananatili sa bunkhouse, madalang na rin ang relief goods sa 40 pamilyang nasa bunkhouse. Bukod sa natatakot na rin ang mga ito na anumang oras paalisin na sila sa pansamantalang tirahan sa tabi ng wasak na gym ng bayan.

“Saan kami pupunta? Sira ang mga bahay namin. Sira ang mga pananim. ’Yung mga niyog namin, natumba lahat. ’Yung mga saging, natapyas,” daing ni Magson. Wala rin daw inaalok na bahay na malilipatan ang mga biktima. Sa kabila ito ng pahayag ng mga opisyal ng probinsiya na magtatayo ito ng housing units sa Baganga.

“Sana mapalitan na ang gobyerno. Mapalitan ang governor (at) vice governor,” ani Magson.

Kinabukasan, lulan ng dalawang saddam (logging) truck, tumulak patungong Sityo Limot ang 69-kataong kalahok sa misyon. Umabot sa 69 na lang kasi nagpaiwan ang iba sa sentrong bayan para sa psycho-social intervention sa mga bata sa bunkhouse. Personal pa nga na binantayan ito ng alkalde ng Baganga habang naghahanda sa pag-alis ang grupo.

“Ingat kayo sa daan,” sabi ng alkalde, sabay kaway sa grupong papaalis.

Tatlong oras na binagtas ng saddam ang mabato, maputik at makitid na daang paakyat sa bulunduking Brgy. Binondo. Pero hanggang Sityo Timbawon lang ang kaya ng saddam. Paakyat sa Sityo Limot, kailangan nang maglakad ng grupo o sumakay sa habal-habal (motorsiklo na ginawang sasakyan para sa maraming tao) ng isang oras.

“Mauna na ang medical team. kailangang maihanda nila ang mga gamit medikal. Sila ang unang sasakay sa habal-habal at kapag nahatid, balikan na lang ang mga naglalakad,” sabi ni Glades Maglunsod ng Bayan.

Mistulang batas militar sa Baganga. (Macky Macaspac)

Mistulang batas militar sa Baganga. (Macky Macaspac)

Pasado ala-una ng hapon nang mabuo ang grupo sa Sityo Limot. Nagsisimula na ang medical mission. Nakapila na ang mga magpapatingin sa mga doktor na kasama ng grupo. Ilan sa mga bata ang nakasilip sa isang bahay na ginawang operating room para sa mga magpapatuli, ang iba nagpabunot ng ngipin.

Lumabas sa pagsisiyasat at konsultasyon ng mga doktor, walang pumapasok na tulong medikal sa lugar. “Karamihang sakit ng mga tao rito ay gastritis—sanhi ng kakulangan ng makakain at pinapalala pa ng stress, ubo’t sipon, sakit sa katawan at balat, at urinary track infection,” paliwanag ni Ian Morales ng Health Alliance for Democarcy o HEAD.

Bagamat may mga tulong na nakapasok na sa lugar, hindi pa rin nakakasapat ang mga ito para sa tribung Mandaya na naninirahan sa lugar. Wasak ang kanilang pananim at hindi rin nila masimulang makapagtanim ulit. Walang silang puhunan. Gayundin, walang anumang tulong para sa kanilang kabuhayan na natatanggap.

Dalawang linggo matapos ang pagsalanta ng bagyong Pablo bago pa napasok ng mga organisasyong nagbibigay ng relief goods ang lugar. “Dalawang linggo bago dumating ang tumulong dito,” ani Thelma Matibag, na taga-Limot. Nagkasya na lang daw ang mga tao sa pagkain ng kamote, mais at natitirang bigas ang mga tao sa Sityo Limot.

Sa kabila nito, halatang takot ang mga tao sa Sityo Limot. Takot sila, laluna kung ang pag-uusapan ang tungkol sa napaslang nilang kagawad na si Cristina Jose. Iisa ang pagkaalaman nila sa pinaslang na kagawad: “Maasahan siya at matulungin, kahit anong oras nalalapitan namin siya,” sabi ni Matibag.

Sa kabila pa nito, halata rin na iniiwasang pag-usapan ng mga residente ang pagpatay kay Jose. Kahit ang mga batang kalahok sa psycho-social therapy, atubili sa mga psychologist. Isang bata nga ang nagtanong sa kapwa bata niya: “Mga militar ba sila?”, bago sumama sa playgroup.

Isang impormasyon ang nakarating sa grupo na ilang araw bago dumating ang misyon, dumating ang mga militar at sinabihan ang mga residente na huwag magsasalita at sabihin na ang tumulong sa kanila ay mga militar lang at ilang malalaking organisasyon. Napansin din ng ilang kalahok ang pagdaan ng militar habang nagpapahinga ang grupo kinagabihan. Tumahol kasi ang mga aso. “Nag-roving sila kagabi,” pagkukumpirma ng isang residente sa presensiya ng militar.

Inamin ni Matibag na malaki ang naitulong ng grupong Mindanao Interfaith Services Foundation Inc. (Misfi) na hindi humingi ng tulong sa militar para makarating sa sityo. “Oo, maraming ibinigay ang Misfi, kumpleto ang relief goods nila,” inamin niya, bagamat di niya mabanggit sa una. Bukod sa pagkain, nagbigay ng gamit pambahay ang Misfi at kasalukuyang may proyektong eskuwelahan para sa mga bata.

Pero ikinuwento ng mga bata na mga miyembro ng New People’s Army o NPA ang unang nagbigay ng tulong sa kanila matapos ang bagyo. Kinumpirma ito ng ilang residente sa Sityo Cabuyao kung saan naistranded ang grupo bago makalabas ng lugar.

Habang sakay ng saddam na dala ng mga nag-rescue sa grupo sa Sityo Cabuyao, kapansin-pansin na tuluy-tuloy ang pagputol ng mga kahoy sa kabundukan. Kahit pa noong papasok pa ang grupo mula sa Cateel, hindi lang isang beses na may nakasalubong na mga logging truck na sakay ang mga troso. Taliwas sa programa ng paamahalaang probinsiya na tree-planting, hindi naman pinapatigil ng mga ahensiya ng gobyerno at ng militar ang pagputol ng kahoy sa kabila na dinaanan na ng malakas na bagyo ang Davao Oriental.

Nakakabahala ang takot ng mga mamamayan ng Baganga sa mga militar. Naranasan din ng misyon ang takot na ito, nang magdala ng panandaliang tulong sa mga biktima ng bagyong Pablo at ng gobyerno.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2013/04/kalamidad-at-takot-sa-baganga/feed/ 0
Sa malamig na pabrika ng bakal http://pinoyweekly.org/new/2013/04/sa-malamig-na-pabrika-ng-bakal/ http://pinoyweekly.org/new/2013/04/sa-malamig-na-pabrika-ng-bakal/#comments Tue, 23 Apr 2013 14:56:17 +0000 Soliman A. Santos at Maricristh T. Magaling http://pinoyweekly.org/new/?p=23878 Mga nakawelgang manggagawa ng Pentagon Steel Corp: Makatarungang hiling. (Maricristh Magaling)

Mga nakawelgang manggagawa ng Pentagon Steel Corp: Makatarungang hiling. (Maricristh Magaling)

Labing apat na taon nang nagtatrabaho sa Pentagon Steel Corporation si Nestle Gabriel, 36. Pero isang araw na papasok na sana siya sa pabrika, hindi na siya pinapasok ng manedsment. Tanggal na raw siya sa trabaho.

Hindi pala siya nag-iisa. Kabilang si Gabriel sa 140 manggagawa ng naturang pabrika ng bakal na sabay-sabay tinanggalan ng hanapbuhay noong Abril 13. Bago ang araw na iyon, nauna nang nagprotesta ang mga manggagawa dahil sa hindi magandang kalagayan sa loob ng pagawaan.

Simpleng kahilingan

Manggagawa sa piketlayn: Pinababayaan ng dilawang unyon. (Maricristh Magaling)

Manggagawa sa piketlayn: Pinababayaan ng dilawang unyon. (Maricristh Magaling)

“Simple lang ang hiling namin at naaayon sa batas,” paliwanag ni Gabriel sa Pinoy Weekly, nang puntahan namin ang kanilang piket sa Brgy. Apolonio Samson, Quezon City. Ang tinutukoy niya’y karaniwang benepisyo na dapat na tinatamasa ng isang manggagawa, 13th month pay, overtime pay, at kaligtasan sa loob ng pabrika.

Reklamo ng mga manggagawa ang mga aksidenteng nagaganap sa loob ng pagawaan dahil sa kakulangan ng mga gamit pangkaligtasan.

“Bakal ang ginagawa namin, pero wala kaming safety shoes, mask at iba pang kasuotan na poprotekta sa amin mula sa singaw at pitik ng bakal habang nasa pagawaan.

Mga yero, barbed wire, pako, cyclone wire at iba pang produktong bakal ang minamanupaktura ng Pentagon. Sa paggawa ng yero, singaw ng kumukulong tingga ang nasisinghot ng mga nagtatrabaho sa galvanizing department. Sa paggawa ng iba’t ibang klase ng alambre, naiipit ng makina, napuputulan ng mga daliri, nalalapnos ang mga palad, at napipitikan ng alambreng tumatagos sa kalamnan ang mga hamak na obrero.

Sariwa pa ang sugat sa binti ni Arthur Pagara, 47, habang sila’y nakapiket sa labas ng pabrika. Kasama siya sa mga nawalan ng trabaho.

Sa wire drawing nakadestino si Arthur nang mangyari ang aksidente. Pumasok at tumagos sa kanyang binti ang alambreng napatid na halos kasingkapal ng kanyang daliri. Nang bigyan siya ng pera ng manedsment, ibabawas daw iyon sa kanyang suweldo.

“Sa loob ng pabrika naganap ang aksidente. Bakit ako pa ang magpapagamot sa sarili ko?” himutok ni Arthur. Isa pa iyon sa kanilang inirereklamo—walang maayos na klinika ang pabrika. Ayon sa mga manggagawa, gamot sa sakit ng ulo lang ang mayro’n sa klinika. Walang first aid kit, walang doktor.  Kung maaksidente sila, bahala silang dalhin ang sarili sa ospital.

Ganito ang nangyari kay Estacio Rodolfo, manggagawang 22 taon nang nagtatrabaho sa Pentagon. Halos maputol na ang kanyang hintuturo nang maipit sa makina nito lamang Marso 2. “Pero walang umaasikaso sa akin. Parang diring-diri ang manedsment sa kamay kong puro dugo. Ni walang kumilos. Ako, kasama ng aking asawa, ang nagpagamot sa ospital,” paliwanag ni Rodolfo.

Binigyan naman siya ng perang pampagamot, na halos umabot ng P5,000, pero itinuturing daw iyong “bale” ng manedsment. Ibig sabihin, ikakaltas din sa kanya ang perang ipinampagamot sa sugat na nangyari sa kanya sa loob ng pabrika.

Sariwa pa ang sugat sa binti ni Arthur Pagara, 47, habang sila’y nakapiket sa labas ng pabrika. Kasama siya sa mga nawalan ng trabaho. (Maricristh Magaling)

Sariwa pa ang sugat sa binti ni Arthur Pagara, 47, habang sila’y nakapiket sa labas ng pabrika. Kasama siya sa mga nawalan ng trabaho. (Maricristh Magaling)

Malalang kalagayan sa pagawaan

Ilan lamang ito sa kanilang kahilingan kaya sila nagprotesta. Pero may masahol pa. Ayon kay Gabriel, may iba’t ibang uri ng panghaharas na ang ginagawa ng manedsment para takutin silang mga manggagawa at sirain ang kanilang pagkakaisa. Halimbawa nito ang diskriminasyon, pagbawas sa oras at araw ng trabaho at ilegal na suspenyon.

May mga kasong basta na lamang ililipat mula sa isang departamento tungo sa iba ang isang manggagawa. “Mahirap iyan, dahil ako halimbawa, sa galvanizing department ako, mahirap para sa akin na basta na lamang ako ilipat sa wire drawing,” paliwanag ni Gabriel. Isang kasanayan iyon na nangangailangan ng panahon para matutuhan.

Mayroon namang apat na manggagawa na sa halip na anim na araw na nagtatrabaho’y ginawang tatlo na lamang. Malaking bawas ito sa kinikita ng mga manggagawa.

May walong manggagawa naman sa delivery truck ang basta na lamang tinanggalan ng trabaho. Ang dahilan ng manedsment, nasira raw ng walo ang tatlong trak ng kompanya. Ipatatawag na lamang daw sila kapag nagawa ang mga trak. Pero pansin ng mga manggagawa, tumatanggap na ng bagong drayber ang manedsment.

Nabawasang manggagawa, pekeng unyon

Apat na raan dati ang manggagawa sa Pentagon, pero kuwento ni Gabriel, nabawasan sila nang nabawasan dahil tila wala nang makatagal sa loob ng pagawaan. “Ang iba’y kusa nang umaalis, ang masama nito walang separation pay na ibinibigay ang manedsment,” aniya. Binibigyan lamang ng P5,000 hanggang P10,000 ang mga manggagawa gaano man ang itinagal nila sa serbisyo.

“Parang pamasahe lang, naiiba ang ibibigay sa iyo depende sa lugar na uuwian mo. Halimbawa’y kung taga-Mindanao ka, mas malaki ang ibibigay sa iyo kumpara kung sa Bulacan ka lang nakatira,” paliwanag ni Gabriel.

May unyon sa Pentagon, ang Pentagon Workers Union na nasa ilalim ng Trade Union Congress of the Philippines, pero hindi umano ito kumakatawan sa interes ng mga manggagawa sa loob ng pabrika.

Halimbawa’y nang magreklamo sila tungkol sa kanilang mga hinaing sa manedsment, ang itinutugon ng presidente ng unyon: “Kayo na ang bahala diyan. Kaya na ninyo ’yan.”

Kaya hindi na sila nagtatakang hindi nila kasama sa piketlayn ang mga opisyal ng unyon. Hindi sila nagtaka na matapos silang pagsusuntukin at pagpapaluin ng posas ng pinaghalong goons ng manedsment at pulis noong Abril 15 habang nasa piketlayn, hindi man lamang nila nakita ang anino ng mga opsiyal ng unyon na dapat sana’y kakampi nila.

Nagkakaisa

Ngayo’y wala na silang sasandigan kundi ang sariling lakas, ang kanilang pagkakaisa.

Si Gabriel na may asawa’t limang anak ay handang magsakripisyo. Kuwento niya, napaliwanagan na niya ang kanyang asawa tungkol sa kanilang ipinaglalaban. Desidido siya, kasama ng mga katulad niyang mga manggagawa, na ilaban hanggang sa ibigay ng mandesment ang kanilang mga kahilingan.

“Kung hindi, magpapatuloy sa loob ng pabrika, at baka sa susunod pang henerasyon, ang malalang kalagayan ng mga manggagawa, hindi lamang sa Pentagon kundi maging sa iba pang mga pagawaan,” pagwawakas ni Gabriel.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2013/04/sa-malamig-na-pabrika-ng-bakal/feed/ 0
‘Indisputable evidence’: Burgos family releases picture of Jonas in military captivity http://pinoyweekly.org/new/2013/04/indisputable-evidence-burgos-family-releases-jonas-photo-in-captivity-leaked-by-reliable-source/ http://pinoyweekly.org/new/2013/04/indisputable-evidence-burgos-family-releases-jonas-photo-in-captivity-leaked-by-reliable-source/#comments Mon, 01 Apr 2013 05:27:39 +0000 Kenneth Roland A. Guda http://pinoyweekly.org/new/?p=23724 'The picture'. A photo identified by the Burgos family as that of Jonas Burgos, the missing activist abducted by military agents in April 28, 2007. Edita Burgos, Jonas' mother, positively identified Jonas and the white shirt he was supposedly wearing when he was kidnapped in a mall in Quezon City. (photo from the Free Jonas Burgos Movement)

‘The picture’. A photo identified by the Burgos family as that of Jonas Burgos, the missing activist abducted by military agents in April 28, 2007. Edita Burgos, Jonas’ mother, positively identified Jonas and the white shirt he was supposedly wearing when he was kidnapped in a mall in Quezon City. (photo from the Free Jonas Burgos Movement)

The family of missing activist Jonas Burgos released a picture of Jonas taken by his military captors, again proving that state security agents were behind the abduction in April 28, 2007.

The picture (above) shows a man, with deep circles around his eyes, in white shirt and a scarf around his neck, photographed against a cement wall. The Burgos family positively identified the man in the picture as Jonas.

Edita Burgos, mother of Jonas, faces media men, after filing a special urgent motion before the Supreme Court. (KR Guda)

Edita Burgos, mother of Jonas, speaks to the media after filing a special urgent motion before the Supreme Court. (KR Guda)

“While the family and friends of Jonas unwaveringly pursued the truth (about the disappearance of Jonas), confident in God’s mercy, never before throughout the search has been this kind of evidence been uncovered,” stated Edita Burgos, mother of Jonas.

The Burgos family released the picture as part of a special urgent motion filed before the Supreme Court to compel the Armed Forces of the Philippines, as well as the Aquino government, to reveal the whereabouts of Jonas and bring to justice the military perpetrators.

When asked about the source of the picture, Edita Burgos said it was given by a “friend of a friend, who is very reliable.” She also revealed that they are in possession of other documents that would further implicate military officials directly responsible for Jonas’ abduction.

Included in the documents — all of which are said to be classified Army documents — are an “After Apprehension Report”, as well as a “Psycho Social Processing Report” and a supposed “autobiography” of Jonas.

She said the picture and the other documents were passed on to them “a few weeks ago.” Edita Burgos refused to elaborate on the nature of the source of the documents, saying that doing so would endanger the life  of the source.

The release of the picture comes on the heels of a Court of Appeals decision publicized on March 27 that said the abduction of Jonas Burgos was a case of enforced disappearance, with the Philippine Army as culprit.

Photos of Jonas Burgos' "mug shot" are placed in front of the Supreme Court seal in Padre Faura, Manila to call for his surfacing, as well as that of other missing activists and people. (KR Guda)

Placards with Jonas Burgos’ “mug shot” are placed in front of the Supreme Court seal in Padre Faura, Manila to call for his surfacing, as well as that of other missing activists and people. (KR Guda)

The release of the photo is also only the latest in a series of revelations of evidences pinpointing the Philippine Army. Most of these evidences, submitted before the Court of Appeals, came from the Burgos family. The family has long lamented the lack of support from government agencies in investigating leads of the case.

Edita Burgos, meanwhile, said that the new evidence is a “special gift” to Jonas, who had his 43rd birthday last March 29.

“We offer prayers for those involved that they may be enlightened and they would have the courage to say the truth,” said Edita, who is also chair of Desaparecidos, organization of relatives of victims of enforced disappearances, and widow of Philippine press freedom icon Jose Burgos Jr.

On April 28, 2007, witnesses saw Jonas abducted by armed men in a mall in Quezon City. They heard Jonas shout “Aktibista lang ako!” (I’m just an activist!), while being dragged away. Police and independent investigation, which traced the car plates of the vehicle used in the abduction, also revealed that the vehicle was a military-issued one.

A member of Desaparacidos holds up a placard with the picture of Jonas in military captivity. (KR Guda)

A member of Desaparecidos holds up a placard with the picture of Jonas in military captivity. (KR Guda)

It was revealed that the vehicle was seen in a military camp in Central Luzon.

The human rights organization, Karapatan, asked the Aquino government to punish the military officers and soldiers identified to be involved in the disappearance of Jonas.

Among them is Major Harry Baliaga, who was under the 56th Infantry Battalion of the Philippine Army. 56th IB was once under the command of the notorious Maj. Gen. Jovito Palparan Jr.

Palparan is also accused of various human rights violations, and is currently in hiding after a court ordered his arrest for involvement in the disappearance of student activists Sherlyn Cadapan and Karen Empeno in Central Luzon.

Karapatan also called for a full disclosure of other cases of enforced disappearances that involved military officers, including the current chief of the Intelligence Service of AFP, Gen. Eduardo Año.

“We stand by the Burgos family in this battle. Their strength and courage is an inspiration to us and families of victims of human rights violations,” said Aya Santos of Desaparecidos.

Public service video by the Free Jonas Burgos Movement on the picture of Jonas Burgos:

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2013/04/indisputable-evidence-burgos-family-releases-jonas-photo-in-captivity-leaked-by-reliable-source/feed/ 2
Mapait na kuwento ng pagkakait sa isang iskolar ng bayan http://pinoyweekly.org/new/2013/03/mapait-na-kuwento-ng-pagkakait-sa-isang-iskolar-ng-bayan/ http://pinoyweekly.org/new/2013/03/mapait-na-kuwento-ng-pagkakait-sa-isang-iskolar-ng-bayan/#comments Fri, 22 Mar 2013 09:49:51 +0000 Pher Pasion http://pinoyweekly.org/new/?p=23665 T-shirt na ginawa para kay Kristel Tejada ng nagluluksang mga estudyante ng UP Manila (Macky Macaspac)

T-shirt na ginawa para kay Kristel Tejada ng mga estudyante ng UP Manila (Macky Macaspac)

Tinanganan niya ang pangakong magandang buhay na hatid ng edukasyon. Pursigido mula pagkabata, nag-uwi siya ng mga medalya ng karangalan sa pamilya na pangarap niyang maiangat mula sa kahirapan.

Pero hindi na ito matutupad matapos niyang kitlin ang sariling buhay, nang ipagkait sa kanya ang tanging pinanghahawakan sa buhay: ang karapatang makapag-aral.

Niyanig ng pagkamatay ni Kristel Tejada, 16, unang taon na mag-aaral ng Behavioral Science sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Manila, hindi lamang ang komunidad ng UP kundi maging ang sistema ng edukasyon na umano’y kumikitil sa pangarap ng milyun-milyong kabataan sa bansa.

Pag-aaral ang buhay

Mula pagkabata, hanggang grade school at high school, achiever si Kristel.

“Lahat ng contest sinasalihan niya. Napo-flourish siya at nakakaya niyang gawin iyon kahit na hirap kami sa buhay. Hirap man kami, gumagaan ang pakiramdam namin kapag nag-e-excel siya sa klase,” ayon kay Christopher Tejada, ama ni Kristel, sa panayam ng Pinoy Weekly.

Isang part-time na taxi driver ang ama ni Kristel. Hindi regular ang kanyang trabaho sa kalsada. Wala namang hanapbuhay ang kanyang ina na nag-aalaga sa kanyang mga anak. Panganay si Kristel sa apat na magkakapatid.

Dahil sa mahigpit na badyet ng pamilya, pumapasok si Kristel sa UP Manila na kendi lang ang baon para sa tanghalian. Pero papasok siya, basta’t may pamasahe lamang.

Maging ang kanyang mga propesor, hanga sa kanyang talino at determinasyong matututo.

Kuha ni Macky Macaspac

Burol ni Kristel sa Little Theater ng UP Manila (Macky Macaspac)

“Paborito ni Kristel ang psychology. Hindi ‘yan nag-a-absent. Nag-absent lang ‘yan first two meetings, noong nahihiya pa siyang pumasok at noong hindi na siya pinayagang makapasok. Tahimik ‘yan sa klase, bihirang-bihira sasagot pero nakakatuwa na kapag sumagot siya, may laman at tama,” ayon kay Andrea Martinez, propesor ni Kristel.

Dagdag pa ng propesor, “Mahusay siyang writer. Kaya mataas ang grade na nakuha niya sa first exam niya. ‘Yung eagerness to learn at determination to study, nasa kanya.”

Apat na beses nagmakaawa

Hindi miminsan na lumapit ang mga magulang ni Kristel sa administrayon ng UP Manila upang maisalba ang pag-aaral ng kanilang anak, sa gitna ng kawalan nila ng kakayahang magbayad ng matrikula.

Ayon sa ama ni Kristel, sa unang beses, pumunta siya kay Vice-Chancellor for Academic Affairs Josephine de Luna para makiusap kung maaaring mag-apply ng loan. Pero sinagot siya umano na wala nang ibang pagpipilian si Kristel kundi ang maghain ng Leave of Absence (LOA).

“Sabi ko, ‘Ma’am, ano po ang Leave of Absence?’ Ang sabi niya, ‘Leave of Absence’ ibig sabihin hindi na siya papasok. Hindi na maki-credit.’ Nagulat ako, ‘Ma’am!?! Hindi na po siya papasok!?! Ibig sabihin, nasayang ‘yung mga pinasok na niya?’ Sabi ko, ‘Diyos ko, ginapang ko ang pamasahe ng anak ko. Pinangutang ko ang ganito at ganyan, tapos sasabihin niyo sa akin hindi na siya papasok?’” ayon sa ama ni Kristel.

Nakakita ng pag-asa ang ama ni Kristel nang papuntahin ang anak niya para kausapin ni de Luna. Umasa siyang baka sakaling magbago ang sitwasyon. Pagpunta sa opisina ng vice-chancellor, agad ibinigay ni Christopher ang isang sulat na nagpapakumbaba at nagsasabing kasalanan ng magulang kung bakit hindi nakabayad ng matrikula ang anak. Muli siyang umapela kung maaaring makapag-loan.

“Pero sabi niya (de Luna), ‘No. There’s no option.’ Tapos sabi niya sa anak ko, ‘And you have to file your leave of absence as soon as possibleDo you have anything to say for yourself?’ Diretsahan. Kinalabit ko ang anak ko, sabi ko, ‘Anak, magsalita ka…magmakaawa ka.’ Sa kabiglaan ng anak ko sabi na lang niya, ‘Ma’am, wala na po…’ Napahiya na siya eh.”

Kuha ni Macky Macaspac

Naging simbolo si Kristel ng panawagang edukasyon para sa lahat (Macky Macaspac)

Pagkatapos noon, paulit-ulit na tinanong ni Kristel sa kanyang ama kung bakit ganoon ang nangyari, samantalang nag-aaral naman siya nang mabuti. “Sabi ko, ‘Anak, huwag ka mag-give up. Papasok ka. Huwag ka magpaapekto sa sinasabi nilang LOA. Gagawa pa tayo ng paraan,’” kuwento ng kanyang ama.

Sa ikatlong punta ni Christopher sa opisina ng vice chancellor, nagtanong siya, kung sakaling makapagpasulpot siya ng P7,000 kinabukasan, papayagan bang mag-enroll si Kristel? Nag-alok na kasi noon ang mga propesor ni Kristel, sa pangunguna ni Martinez, na pautangin muna ang pamilya.

“Sabi niya (de Luna), ‘Hindi rin. Deadline na eh,’” ayon sa ama ni Kristel.

Dumaan ang mga araw. Patuloy ang pagdurusa ni Kristel. Minsan, papasok siya, minsan hindi. Nag-umpisa na rin siyang makaranas ng diskriminasyon dahil nakiki-sit-in siya sa mga klase, pero hindi naman siya officially enrolled.

Nagdesisyon si Christopher na makiusap sa ika-apat na pagkakataon, at dumiretso na sa opisina ni Chancellor Manuel Agulto. Pero wala roon ang chancellor.

“Pagpunta ako roon, ibinigay sa akin ang isang scratch paper, at nakalagay doon: From the Office of the Vice-Chancellor, final decision: file LOA. So ibig sabihin, wala na. Ano pa magagawa namin? Final decision na eh,” ayon kay Christopher.

Para subukang kumita, nagtrabaho pa umano si Kristel bilang student assistant sa Office of Student Affairs. Pero hindi siya pinasahod dahil hindi raw siya officially enrolled. “Nagbigay siya ng serbisyo, tapos parang sasabihin sa kanya, hindi ka naman taga-rito eh. Lalo naging masakit iyon para sa kanya,” sabi ng ama ni Kristel.

Daan-daang estudyante ang nagpunta para mamaalam kay Kristel (Macky Macaspac)

Daan-daang estudyante ang nagpunta para mamaalam kay Kristel (Macky Macaspac)

Pagbasura sa STFAP

Magdadalawang dekada na ang STFAP (Socialized Tuition and Financial Assistance Program), na sinasabing isang mapanlinlang na mekanismo upang pagtakpan ang pagtaas ng matrikula sa unibersidad.

Sa pagkamatay ni Kristel, muling nag-init ang matagal nang panawagan ng mga estudyante na ibasura ang STFAP.

Dismayado ang mga magulang ni Kristel nang mailagay siya sa Bracket D, na may tuition fee ng P300 kada yunit. Sa bracket na iyon, dapat kumikita ang mga magulang ng estudyante ng P135,000 – P250,000 kada taon. Hindi sila sakop noon, giit ng ama ni Kristel.

Dagdag pa ni Christopher, wala siyang trabaho noong nag-a-apply siya sa STFAP, kaya’t ninanais nilang mapasok sa Bracket E2.“Pero ang nangyari, two weeks before namin maipasa ang application namin sa STFAP, nagkaroon ako ng trabaho. Pwede ko naman i-declare na wala akong trabaho. Kaso pinrotektahan ko si Kristel. Gusto ko maging honest. Kasi i-declare ko man o hindi, dapat nasa Bracket E2 pa rin kami. I-compute ko man, P426 kada araw na sahod, times 26 days per month, times 12 months, hindi pa rin aabot ng P135,000,” sabi ni Christopher.

Dagdag pa niya, “May tatlo pa akong anak na pinag-aaral bukod kay Kristel. Magrerenta pa kami. Hindi na kami kakain? Kaya hinamon ko sila (administrasyon ng UP), kaya niyo bang patunayan na nasa Bracket D ako? Wala namang nangyari. Nasaan ang hustisya doon?”

Paliwanag ni Mariz Zubiri, tagapangulo ng University Student Council, nakadepende ang STFAP sa pagsusubsidyo ng isang estudyanteng nasa mataas na bracket sa isang estudyanteng nasa mababang bracket. Lagi rin umanong nasa estudyante ang burden na patunayan na siya ay mahirap.

“Sabi nila ire-revise nila ang STFAP. Pero nakita natin na sa bawat pag-revise ng STFAP mas dumadami lang ang kinikita ng administrasyon ng UP, tapos mas tumataas ang tuition fee. Dapat ibasura na ito ng administrasyon,” ayon kay Zubiri.

Marso 22, funeral march ni Kristel na naging kilos-protesta (Amihan Euza)

Marso 22, funeral march ni Kristel na naging kilos-protesta (Amihan Euza)

Sinabi pa ni Zubiri na matagal nang nilalabanan ng mga estudyante ang ‘no late payment’ policy sa UP Manila, pero itinatanggi umano ng administrasyon na umiiral ito. “Masakit na hindi tayo pinakinggan ng administrasyon. Kinailangan pang may magbuwis ng buhay para maniwala ang lahat na totoo ang polisiya na ito.”

Sistemang ‘nakamamatay’

Samantala, ang pagkaltas sa badyet sa edukasyon ang itinuturong pangunahing dahilan kung bakit patuloy ang pagtaas ng matrikula at pagpapatupad ng represibong mga polisiya gaya ng STFAP at ‘no late payment’ policy, hindi lamang sa UP kundi maging sa iba’t ibang state universities and colleges (SUCs).

Kaya para sa marami, hindi sapat ang pahayag ni Agulto na ititigil pansamantala ang ‘no late payment’ policy. Higit pa umano rito ang usapin.

“Kailangang ibalik ang tunay na karakter ng UP, ‘yung mga estudyante niya bilang iskolar ng bayan. Maibabalik lamang ‘yun kung talagang buwis ng mamamayan ang nagpapaaral sa kanila, hindi ‘yung pera ng mga magulang nila. The fact na unti-unting tinatanggalan ng government subsidy ang UP at iba pang SUCs, unti-unti ring tinatalikuran ng gobyerno ‘yung responsibilidad niya sa edukasyon,” ayon kay Martinez.

Nangangamba ang iba’t ibang grupo na sa tulak ng gobyernong Aquino na maging self-sufficient ang SUCs sa balangkas ng Public-Private Partnerships, tiyak na magiging mas komersiyal pa ang katangian ng edukasyon. Patuloy na mababawasan ang badyet ng SUCs, at matutulak ang administrasyon ng mga pamantasan sa interes na kumita.

Nang sa wakas ay binawi ng UP Manila ang ID ni Kristel, pina-scan pa ito ng nanlulumong estudyante bago ibinigay.

(Mula kaliwa) Prop. Ed Villegas at Carl Marc Ramota ng UP Manila, mga magulang ni Kristel na sina Blesilda at Christopher (Amihan Euza)

(Mula kaliwa) Prop. Ed Villegas at Carl Marc Ramota ng UP Manila, mga magulang ni Kristel na sina Blesilda at Christopher (Amihan Euza)

“’Yun na kasi ang buhay niya eh,” pagmumuni-muni ng ama ni Kristel. “Kung ang isang bagay binigyan mo ng halaga, kapag tinanggal ‘yun, napakasakit. Sanay na sanay siyang mag-aral nang mabuti, tapos sasabihin sa kanya, huwag ka nang mag-aral kasi wala kang pera. Kaya noong isinabmit niya ‘yung ID niya, parang nawalan na rin siya ng buhay.”

Isang testamento ang pagkamatay ni Kristel sa lumalalang krisis sa edukasyon, ayon sa mga estudyante na naging inspirasyon ang paalalang hindi na dapat maulit pa ang nangyari kay Kristel.

Maging ang pamilya Tejada, namulat sa pangyayari. “Sana mas maging aware ‘yung kinauukulan na meron talagang mali, na may mga dapat itama sa mga polisiya sa edukasyon,” ayon kay Blesilda, ina ni Kristel.

Para naman kay Martinez, sana hindi masayang ang pagbubuwis ng buhay ni Kristel. “Sana magbunga ito ng mas makabuluhan pang mga pagbabago. Sa immediate, ‘yung pagrepaso sa mga polisiya na hindi makatarungan at hindi maka-estudyante. Dapat dagdagan din ang subsidyo ng gobyerno para sa SUCs.”

Giit pa ni Christopher, “Ang pagtutuunan natin, sistema. Kailangan mabago ang sistema para hindi na mahirapan ang iba pa. Sana maging eye opener itong nangyaring ito sa anak ko. Ayokong maranasan ng ibang ama na mangyari ito sa kanilang anak. Ako, gagawin ko rin ang lahat para sa adbokasiyang ito. Sana maayos natin ang sistema para wala nang sumunod kay Kristel.”

Sa pagkamatay ni Kristel, muling napaalala sa publiko na “nakamamatay,” ayon nga sa mga grupong kabataan, ang krisis ng edukasyon sa Pilipinas. Wala mang may nais na maulit ang sinapit ni Kristel, tiyak na marami pang iskolar ng bayan ang pagkakaitan ng karapatang mag-aral at mabuhay, hangga’t patuloy na lilimutin ng gobyerno na ang edukasyon ay isang karapatan.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2013/03/mapait-na-kuwento-ng-pagkakait-sa-isang-iskolar-ng-bayan/feed/ 1
Trahedya ng nakararami http://pinoyweekly.org/new/2013/03/trahedya-ng-nakararami/ http://pinoyweekly.org/new/2013/03/trahedya-ng-nakararami/#comments Fri, 15 Mar 2013 19:57:29 +0000 Priscilla Pamintuan http://pinoyweekly.org/new/?p=23544 Candlelight vigil para sa estudyante ng UP Manila na kinitil ang sariling buhay matapos di-makapagbayad ng matrikula. (Instagram photo ni Carl Marc Ramota)

Candlelight vigil para sa estudyante ng UP Manila na kinitil ang sariling buhay matapos di-makapagbayad ng matrikula. (Instagram photo ni Carl Marc Ramota)

komentaryoNakakadurog ng puso ang istorya ni Kristel Tejada: 16-anyos, estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas sa Manila (UP Manila), anak ng isang taxi driver na ama at homemaker na ina. Matalino, puno ng pag-asa.

Unang taon sa kolehiyo, ikalawang semestre, nahirapang magbayad ng matrikula. Di pinayagan ng UP Manila na mag-loan. Balewala ang mahigit tatlong buwan ng pag-aaral, ang lahat ng ginastos sa baon, pamasahe, xerox ng readings, pagkain. Napilitang magsangla pa ng pag-aari ang ina, pero di na umabot sa bayaran, di na puwedeng pumasok si Kristel at napuwersa na siyang mag-leave of absence.

Ayon sa ilang ulat, nanikluhod pa raw ang ina sa harap ng UP Manila Chancellor. Hindi talaga puwede, ayon sa UP Manila, dahil polisiya ito ng pamantasan. Kailangang magbayad para makapag-aral.

Kumalat sa social media, at kalauna’y sa mainstream media, ang pagkitil ni Kristel sa sariling buhay. Sa lungkot, marahil; sa desperasyon, siguro. Gaano man kakumplikado ang sitwasyon, malinaw ang pahayag ng kanyang guro at mga magulang: Bagsak ang diwa ni Kristel, depressed siya, dahil hindi na niya matatapos ang semestre. Nakiusap pa nga sa guro niya, baka naman puwedeng mag-sit-in na lang siya sa mga klase.

Gusto niyang matuto. Gusto niyang pumasok. Ano man ang motibasyon ng pagkitil ni Kristel sa sarili niyang buhay, alam nating malaki ang pagpapahalaga niya sa pag-aaral. Matalino siya, sabi ng propesor. Tahimik lang, pero isa sa pinaka-bright niyang estudyante. Nitong huling mga linggo, humihingi sa kanya ng payo si Kristel. Ano ang gagawin niya? Wala talaga sila. Walang maipambayad. Papaano sasalubungin ng pamantasan ang kagustuhan niyang mag-aral at makapagtapos? Sinalubong siya ng memo:No Late Payment”.

Hindi nakapagtataka ang taas ng pagpapahalaga ng mga tulad ni Kristel at pamilya niya sa edukasyon. Gobyerno mismo, sa pamamagitan ng mismong sistema ng edukasyon, ang nagdikdik sa atin ng ideya na tanging sa pagtatapos ng pag-aaral aasenso ang buhay at maiaahon ang pamilya sa hirap. Edukasyon ang pag-asa. Edukasyon ang solusyon sa kahirapan.

Kaya di nakapagtatakang itinataya ng maraming maralitang pamilya ang lahat ng pera at rekursong kaya nilang itaya para sa edukasyon, para sa kolehiyo. Panganay pa naman siya. Sa ating kultura, sa panganay (o sa pinakamatalino) madalas itaya ang rekurso ng pamilya dahil siya ang may pinakamalaking tsansang makatulong sa pag-ahon ng pamilya matapos ang kolehiyo at makakuha ng magandang trabaho.

Malamang, ipagmamalaki ng pamilya na nakapasok si Kristel ng UP. Ipinagmalaki ito sa lahat ng kaanak at kapitbahay. Sa wakas, may pag-asa na sila.

Pero nag-iiba na ang UP. Sa pagtutulak ng magkakasunod na mga administrasyon ng gobyerno na gawing mas “independiyente ang pinansiya” ng UP, unti-unting tumaas ang matrikula rito. Mula P40 kada yunit bago 1989 hanggang P1,500 ngayon. Kasabay din nito, ang presyur ng kulturang kolehiyo: ang pakikipagsabayan sa pananamit, kagamitan (gaheto pa nga), kagawian.

Sabi ng proposer niya, “sobrang nahiya na siya” sa mga kaklase noong huling mga linggo ng pagpasok niya. Nahihiya siyang pumapasok siya pero hindi niya kayang magbayad ng matrikula.

* * *

Nakakadurog ng puso, dahil walang kasinglinaw ang halimbawa niya, na isang di-makatarungang sistema ng edukasyon ang ipinapatupad ngayon sa bansa.

Ano mang paghuhugas-kamay ang gawin sa publiko ng Commission on Higher Education – na kesyo may sariling kapasyahan ang bawat state university na magtakda ng mga polisiya kaugnay ng matrikula – hindi maitatanggi na may pananagutan sila sa sinapit ng estudyanteng ito. Hindi ba’t matagal nang itinutulak ng CHED at ng administrasyon ni Benigno Aquino III ang taun-taong pagkaltas sa badyet ng state colleges and universities, para maging “self-sufficient”? Hindi ba’t matagal nang adbokasiya ni Aquino ang neoliberal na oryentasyon sa sistema ng edukasyon – ang pagpasok ng market forces sa sistemang ito para maging mas episyente raw?

Hindi ba’t pinangangasiwaan niya ngayon ang pagpapatupad ng plano ng pagsasapribado ng iba’t ibang pampublikong serbisyo, mula sa ilang ahensiya ng gobyerno tulad ng National Food Authority, hanggang sa pampublikong mga ospital tulad ng Philippine Orthopedic Center?

Hindi mahirap sabihing may pananagutan ang pambansang administrasyon ni  Aquino sa nangyari kay Kristel. Ina na mismo niya ang nagsabi. Higit pa rito, direktang resulta ng mga polisiya niya – hindi lang ng polisiya ng UP Manila, bagamat may malaki silang pananagutan – ang pagkait ng pagkakataon sa mga tulad ni Kristel na makapag-aral sa UP at iba pang state university.

Mistulang itinutulak ng gobyerno ang bawat maralitang kabataan sa sitwasyon ni Kristel: Buong buhay paniniwalain na tanging sa edukasyon lang sila aahon sa hirap, pero brutal na ipagkakait ang edukasyon sa kanila kapag malapit na nila itong maabot. Maraming marami sila na mga katulad ni Kristel.

* * *

Tsuper daw ng taksi ang tatay ni Kristel. Magkano na ba ang kinikita ng tsuper ng taksi ngayon sa pang-araw-araw na trabaho? Iba-iba, marahil, pero siguradong hindi nito kakayanin ang matrikulang P1,500 kada yunit sa bawat semestre. Kahit mag-isa pa siyang pinag-aaral, at hindi lima (lima silang magkakapatid nina Kristel).

Gobyerno rin ang kalaban ng tatay ni Kristel – sa usapin lalo ng pagtaas ng presyo ng langis. Tulad ng paghugas-kamay ng CHED, hugas-kamay din ang lahat ng ahensiya ng gobyerno tuwing may magtatanong sa publiko kung sino ang dapat managot sa walang habas na taas-presyo ng langis at oil overpricing. Wala raw magagawa, dahil may Oil Deregulation Law, dahil wala nang kapangyarihan ang gobyerno na kontrolin ang presyo o kahit silipin man lang sa mga kompanya ng langis kung may batayan talaga ang taas-presyo.

Samantala, nag-anunsiyo na ang Meralco na magtataas ito ng singil sa kuryente. Gusto na ring magtaas ng singil ng Maynilad at Manila Water. Pati pamasahe sa LRT at MRT (Taga-Tayuman daw sina Kristel, kaya malamang na sumasakay din siya ng LRT papuntang UP Manila.).

Pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin, pagsasapribado ng mga serbisyo tulad ng edukasyon at kalusugan – malinaw na magkakaugnay ang mga isyung ito. Malinaw na may ugnay sa trahedya ng isang kabataang estudyanteng tulad ni Kristel.

Sa pagtatapos, isa pang totoong kuwento, na patunay sa puntong ito:

Isang kaibigan ang nakasakay sa isang taksi isang umaga noong nakaraang buwan. Pansin niya, namumugto ang mata ng drayber.

Tinanong niya kung ano ang problema ng drayber. Galing lang daw kasi siya sa ospital. Tinawagan siya ng kanyang kapitbahay sa cellphone. Tumakbo raw siya sa ganitong pampublikong ospital kasi na­-hit-and-run ang asawa niya at dalawang anak. Nasa traysikel ang mag-iina, papuntang eskuwela.

Dead on arrival ang bunso niyang anak. Agaw-buhay ang kanyang asawa at isa pang anak. Sabi sa kanya ng nars, may kailangang bayaran. May mga gamot na kailangang bilhin. Hindi libre rito ang pagpapagamot. Nagsisimula pa lang siya sa pasada, kaya wala pa masyadong kita.  Kailangan niyang ituloy ang pasada. Walang panahong magluksa sa namatay na anak. Kailangang magpasada para kumita. Lumiliit ang kita kaya kailangang magpursigi pa.

Pinipilit niyang pigilan ang pagluha habang kinukuwento ito. Mahirap daw kasi magmaneho kung puno ng luha ang mata mo.

Trahedya ito ng nakararami sa atin. May kailangang tayong gawin.

May ulat ni Pher Pasion

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2013/03/trahedya-ng-nakararami/feed/ 3
Sabah crisis: Is Aquino siding with Malaysia to protect relatives’ business interests? http://pinoyweekly.org/new/2013/03/abah-crisis-is-aquino-siding-with-malaysia-to-protect-relatives-business-interests/ http://pinoyweekly.org/new/2013/03/abah-crisis-is-aquino-siding-with-malaysia-to-protect-relatives-business-interests/#comments Wed, 13 Mar 2013 02:03:37 +0000 Arnold J. Padilla http://pinoyweekly.org/new/?p=23500 Picket of members of progressive organizations, including Moros, in front of the Malaysian Embassy in Metro Manila. (Raymund Villanueva/Arkibong Bayan)

Picket of members of progressive organizations, including Moros, in front of the Malaysian Embassy in Metro Manila. (Raymund Villanueva/Arkibong Bayan)

The “journey home” to Sabah of some 200 followers of the Sultanate of Sulu more than a month ago has escalated into a full blown humanitarian crisis. More than a thousand Filipinos have fled Sabah that for decades they called home. Men, women and children took any boat available in a frantic and perilous voyage away from the brutality of Malaysian forces. The number of refugees in Tawi-Tawi from Lahad Datu and other affected towns in Sabah is expected to grow in the coming days.

Those who fled recounted the atrocities that Filipinos suffered in the disputed territory. “Malaysian policemen ordered Filipino men to run as fast as they could and shot them,” said a report by the Philippine Daily Inquirer. “Even pregnant women and children have been hunted down and killed as the Malaysians fire mortars and embark on a house-to-house search,” according to the Philippine Star. These people are not part of the armed followers of Sultan Jamalul Kiram III. They just happen to be Filipinos.

Some are baffled while most are enraged by the attitude of the Aquino administration towards the Sabah crisis. From the onset, President Benigno Aquino III took a hardline stance against the Sulu royal forces. Jamalul’s brother Rajah Mudah Agbimuddin Kiram and his men must surrender before any talks can happen, Aquino insisted. Charges are being prepared versus the Kirams, claimed the Justice department. They may also be turned over to Malaysian authorities to face prosecution. Malacañang sowed intrigues to cast doubt on the motive and legitimacy of the Sultanate. The National Bureau of Investigation (NBI) is probing the alleged conspiracy between the Kirams and certain politicians. All these even as Aquino ignored appeals by the Sultanate and the United Nations (UN) to stop the Malaysian military assault and for parties to talk.

“Noynoy, traitor to the country,” reads a placard in front of the Malaysian Embassy. (Raymund Villanueva/Arkibong Bayan)

Palace and Foreign Affairs spokespersons, of course, expressed concern over the reported human rights abuses in Sabah. But their statements are meaningless amid the brutal military offensive launched by Prime Minister Najib Abdul Razak that Aquino practically sanctioned with his reckless position. The public perception is that Aquino abandoned his own people, surrendered the country’s rightful claim to Sabah and sided with Malaysia. Thus Aquino, like Prime Minister Najib Abdul Razak and his forces, is responsible for the carnage of Filipino men, women and children in Sabah.

But why is Aquino siding with Malaysia? One plausible explanation noted by analysts is the ongoing peace talks with the Moro Islamic Liberation Front (MILF) where Malaysia plays a key role as facilitator. Aquino does not want to displease Malaysia and risk undermining the negotiations.

However, it is also notable that since taking over in 2010, Aquino’s relatives who bankrolled his presidential bid have inked business deals with Malaysia. Could these business interests be another possible explanation for the administration’s handling of the Sabah crisis?

What are these business deals? One involves San Miguel Corporation (SMC) of Aquino’s uncle Eduardo “Danding” Cojuangco Jr. In August 2011, SMC acquired three subsidiaries of US oil giant Exxon Mobil’s downstream oil business in Malaysia. Worth $610 million, the transaction included the purchase by SMC of Esso Malaysia Bhd, Exxon Mobil Malaysia Sdn Bhd and Exxon Mobil Borneo Sdn Bhd. In its website, SMC said that the three companies form an integrated business engaged in refining, distribution and marketing of petroleum products. The physical assets include the 88,000 barrels per day Port Dickson refinery; seven fuel distribution terminals; and about 560 refilling stations.

SMC’s entry into the Malaysian downstream oil industry could be just the initial steps. Ramon S. Ang, president of the giant conglomerate, recently disclosed that SMC is eyeing big oil and natural gas field overseas. “If we were able to buy one of those, it would be like printing money forever,” Ang was quoted as saying. SMC is so serious about the plan that Ang said they are willing to let go of longtime core business San Miguel Brewery Inc. and new assets in power generation to raise funds. With its acquisition of Exxon Mobil’s downstream assets, SMC is in a strategic position to also corner upstream deals in oil-rich Malaysia.

The disputed state of Sabah itself is abundant in oil and gas resources. An article by the Philippine Star, quoting a 2012 study by Singapore-based FACTS Global Energy, reported that Sabah has reserves of about 11-12 trillion cubic feet of gas and at least 1.5 billion barrels of oil. The figures represent 12% and 15% of Malaysia’s natural gas and oil reserves, respectively, according to the report. Another article, by the Centre for Research on Globalization, noted that Sabah has 15 oil wells that can produce as many as 192,000 barrels a day. Also, four new oil fields have been discovered in its territorial waters in the past two years further increasing Sabah’s potential as oil producer.

Is Aquino avoiding displeasing Malaysia over the Sabah dispute so as not to undermine the grand multibillion dollar oil and gas ambitions of SMC and uncle Danding?

Another business deal involves AirAsia Philippines, the local affiliate of Malaysia-based AirAsia Bhd, the largest budget carrier in Southeast Asia. In November 2010, the Board of Investments (BOI) approved the formation of AirAsia Philippines as a joint venture between Malaysian investors and Filipino businessmen led by the President’s cousin Antonio “Tonyboy” Cojuangco Jr. Tonyboy and his Malaysian partners are aggressively expanding their operation in the Philippines with their recent acquisition of at least a 40% stake in local rival Zest Airways Inc.

Does Aquino fear that the contentious Sabah issue could somehow complicate the blooming Malaysian business partnership of his cousin Tonyboy?

Aquino could not just ignore the interests of his rich relatives. He won’t be President without their vital support.

Tonyboy was the biggest campaign donor of Aquino in 2010, based on the President’s official declaration to the Commission on Elections (Comelec). Out of the P440 million in campaign funds declared by Aquino, Tonyboy’s contribution accounted for almost a quarter with P100 million. While Danding was not officially listed as a campaign donor, it is widely believed that the tycoon and Marcos crony also supported the candidacy of his nephew.

If these business interests of his relatives played a key role in Aquino’s handling of the crisis, then the slaughter of our men, women and children in Sabah becomes much more revolting and enraging than it already is.

The author is a Filipino activist, writer, and researcher. The article first came out in his blog.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2013/03/abah-crisis-is-aquino-siding-with-malaysia-to-protect-relatives-business-interests/feed/ 2
Panunupil at paglaban sa Bikol http://pinoyweekly.org/new/2013/03/panunupil-at-paglaban-sa-bikol/ http://pinoyweekly.org/new/2013/03/panunupil-at-paglaban-sa-bikol/#comments Tue, 12 Mar 2013 18:39:51 +0000 Kenneth Roland A. Guda http://pinoyweekly.org/new/?p=23496

Nagpakilala sila, mga sundalo, bilang mga alagad ng gobyerno: mga katuwang umano ng Department of Agriculture sa pagkuha ng sensus sa Brgy. Sinungtan, Guinobatan, Albay. Gusto raw nilang malaman kung sino ang pinakamahihirap na pamilya sa lugar.

Pero ang sine-sensus pala nila, ayon sa sinumpaang salaysay ng mga sibilyang residente sa lugar, ay kung sino ang mga sumusuporta raw sa mga rebelde. Tilang sinasabi nila na kung sino ang pinaka-mahihirap sa lugar, sila rin ang sumusuporta sa mga rebelde, kundi man mga rebeldeng New People’s Army (NPA) mismo.

Hangad ay hustisya. Protesta ng mahigit 1,000 mamamayan ng Guinobatan, Albay kontra sa militarisasyon, noong Peb. 25. (KR Guda)

Hangad ay hustisya. Protesta ng mahigit 1,000 mamamayan ng Guinobatan, Albay kontra sa militarisasyon, noong Peb. 25. (KR Guda)

“Ginamit nilang base ang barangay hall,” sabi ni Fernando Paloyo, magsasaka mula Brgy. Sinungtan. Hulyo 22, 2011 ito naganap. Sumunod na araw, sinimulan na ng mga militar na patawagin ang “mahihirap na mga residente.”

Nang panahon na ni Fernando, para magreport sa mga militar, hindi na siya nagmatigas at pumunta agad sa barangay hall. Pero rito, mistulang isinailalim siya sa interogasyon. Pagpasok ni Fernando, binagsak ng isang sundalo ang pinto at pinaupo siya. Ang bungad sa kanya, aminin daw niyang NPA siya, at siya araw ang “Ka Pando.”

Mariing itinanggi ito, siyempre, ni Fernando. Sa kabila nito, pinilit siya ng mga militar na hawakan ang isang plakard na may nakasulat na “Ka Pando” at “MGB”. Parang preso, parang kriminal, kinuhanan siya ng litrato. Pagkatapos, pinapirma siya at pinamarka ng thumbprint sa isang blangkong papel — para “malinis daw ang kanyang pangalan.”

Hanggang sa pagkakasulat ng artikulong ito, nananatili pa rin ang mga militar sa lugar nina Fernando.

Ayon sa mga magsasaka sa iba’t ibang lugar sa Kabikulan, laganap at tumitindi pa ang militarisasyon sa kanilang mga lugar. Walang ibang paraan ang mga magsasaka para ihayag ang kanilang pagtutol sa presensiya ng militar sa mga komunidad kundi ang magprotesta.

Nagkaisang boses

Noong Pebrero 25, sa ika-27 anibersaryo ng pag-aalsa sa EDSA, nagrali ang libu-libong magsasaka at miyembro ng militanteng mga grupo sa Bikol. Sabay-sabay, sa apat na probinsiya, bumulwak sila patungo sa mga sentrong bayan para magpahayag: Hindi umano sila patatahimikin ng nakaumang na mga baril. Batid nila ang karapatan nila, at igigiit nila ito sa kabila ng paninikil, sa harap ng pananakot.

Sa Guinobatan, Albay, umabot sa 1,500 magsasaka at militante ang nagprotesta. Sa Sorsogon, umabot pa ito ng 3,000. Sa Bula, Camarines Sur, 350. At sa Daet, Camarines Norte, 300. Kinakatawan nila ang mga sibilyan ng 20 munisipalidad ng rehiyon na napapasailalim sa lagim ng Community Peace and Development Teams ng militar. Kasama sa mga nagprotesta ang mga miyembro at lider ng Karapatan-Bikol, Bagong Alyansang Makabayan, Kilusan ng Mamamayan Laban sa Militarisasyon sa Kabikulan, at iba pa.

Sabi ni Vince Casilihan ng Karapatan-Bikol, nakapagtala sila ng 37 sibilyan – marami sa kanila’y mga aktibista – na pinaslang magmula nang umupo sa puwesto si Pangulong Aquino. Sa mga kasong ito, pawang iba’t ibang elemento ng militar ang suspek. Bukod pa ito sa malawak na paglatag ng iba’t ibang yunit ng Philippine Army sa sibilyan na mga komunidad. Takot ang bumabalot sa maraming mga komunidad sa mga probinsiya ng Albay, Sorsogon, Camarines Sur at Camarines Norte.

“Marami sa amin, hindi na makapagsaka, umalis na sa kanilang mga sakahan at bahay dahil sa takot,” kuwento ni Felix Paz, pinuno ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa Bikol.

Malagim na alaala

Maliban sa anibersaryo ng pag-aalsang EDSA – na nagpatalsik pa sa diktadurang Marcos, bagamat nanatili ang mapanupil na mga pamamaraan nito – ginunita rin ng mga militante ang unang taong anibersaryo ng masaker ng pamilyang Mancera sa Sitio Mapatong, Purok 6, Brgy. Malaya, Labo, Camarines Norte.

Pebrero 24 nang paputukan ang bahay ng pamilyang Mancera ng pinaghihinalaang mga miyembro ng 49th Infantry Battalion ng Philippine Army na may hinahabol umanong mga gerilya ng New People’s Army. Napaslang sa pamumutok si Benjamin Mancera, gayundin ang magkapatid na anak niyang sina Richard at Michael.

“Kasuklam-suklam ang di pa rin pagkamit ng hustisya (para sa pamilyang Mancera) dahil sa culture of impunity na bumabalot sa bansa, laluna kaugnay ng mga kaso ng mga paglabag sa karapatang pantao,” sabi ni Maricel Delen, coordinator ng Karapatan-Camarines Norte.

Hanggang sa kasalukuyan, sabi ni Delen, nababalot pa rin sa teror ang mga mamamayan ng Brgy. Malaya. Mistulang ginawang kampo na ng mga sundalong miyembro ng “Peace and Development Teams” ng 49th IB ang barangay hall ng naturang barangay. Bahagi ang mga tropang ito ng Charlie Company na namamalagi sa Malaya at karatig na barangay na Pag-asa.

“Iyung kumander nito, si 2nd Lt. Dominic Olayvar, ay responsable sa ilegal na reyd sa mga tanggapan ng Karapatan-Camarines Norte at Kilusang Magbubukiod ng Pilipinas noong Nobyembre 22, 2010,” sabi pa ni Delen.

Sa kabila nito, at sa tulong ng mga organisasyon at mamamayang nagkakaisa para sa paghangad ng hustisya at paglaban sa militarisasyon, desidido ang asawa ni Benjamin na si Leonisa Mancera na papanagutin ang mga maysala.

Ipinakita ni Leonisa, at ng mga magsasakang nagprotesta kabilang si Fernando, na sa halip na matakot, lalong tumatapang silang pinagkakaitan ng karapatan at hustisya. Natututo silang pag-isahin ang boses, para lumaban.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2013/03/panunupil-at-paglaban-sa-bikol/feed/ 0
Balik-Tanaw sa Sabah http://pinoyweekly.org/new/2013/03/balik-tanaw-sa-sabah/ http://pinoyweekly.org/new/2013/03/balik-tanaw-sa-sabah/#comments Fri, 01 Mar 2013 15:09:42 +0000 Rogelio L. Ordoñez http://pinoyweekly.org/new/?p=23323 Mapa ng Sabah

Mapa ng Sabah

[Kaugnay ng umiinit ngayong usapin tungkol sa Sabah na kinaligtaan na yatang habulin ng gobyerno, matapos ang magkasunod na rehimen nina yumaong Pres. Diosdado Macapagal at Ferdinand Marcos, minabuti naming muling ilathala rito ang artikulo naming ito (unang lumabas sa PINOY WEEKLY, may petsang Setyembre 25-Oktubre 1, 2002). Pagkaraan ng naturang dalawang rehimen, lumilitaw na natulog na sa kangkungan ang sumunod na mga administrasyon mula kay Pres. Cory Aquino hanggang ngayon kay P-Noy, at ibinasura na ang paghahabol ng Pilipinas sa teritoryo ng Sabah.]

ISANG BOMBANG maaaring biglang sumabog anumang oras ang isyu ng paghahabol ng Pilipinas sa Sabah. Dekada ’60 pa nang simulan ito at, batay sa datos, lumilitaw na hindi Malaysia ang dapat magmay-ari ng naturang teritoryo.

Ang Hilagang Borneo, kilalang Sabah noon pa, ay may kabuuang sukat na 29,000 milya kuwadrado, maliit lamang ng 8,000 milya kuwadrado kaysa Mindanaw. Mula sa Pilipinas, 18 milya lamang ang layo nito, ngunit 1,000 milya mula sa Kuala Lumpur, kabisera ng Malaysia.

Kung titingnan ang mapa, ang hilagang dulo ng Isla ng Borneo ang bumubuo sa sangkapat (1/4) na bahagi ng Sulu Sea at nag-uugnay sa mga isla pakanan mulang Palawan hanggang Kanlurang Bisaya, Mindanaw, at Arkipelago ng Sulu.

Ilang libong taon na ang nakaraan, isang kultural, historikal, at pang-ekonomiyang yunit lamang ang Pilipinas at ang Borneo. Ayon sa mga siyentipiko, magkarugtong ang dalawang teritoryo, mula sa iisang lahi ang mga tao, magkakulay, magkaugali at may parehong mga tradisyon.
——
ANG SOBERANYA NG SULTAN NG SULU

Dating pinamamahalaan ng Sultan ng Brunei ang Sabah. Noong 1704, bilang pagtanaw ng utang na loob nang matulungan ng Sultan ng Sulu na masugpo ang isang rebelyon sa Brunei, ipinagkaloob ng Sultan ng Brunei sa Sultan ng Sulu ang Hilagang Borneo o Sabah.

Si Alfred Dent, na nagbigay kay Baron de Overdeck ng  £10,000 para "bilhin" ang Hilagang Borneo.

Alfred Dent

Noong 1878, pinarentahan ng Sultan ng Sulu ang Sabah kina Baron de Overbeck at Alfred Dent sa halagang 5,000 dolyar (Malaysian) na itinaas nang malaon sa 5,300.

Ipinagbili nang malaon ni Overbeck kay Dent ang lahat niyang karapatan sa ilalim ng kontrata. Isang pansamantalang asosasyon ang itinayo ng Ingles na mangangalakal na si Dent at, nang malaon, naitatag ang British North Borneo Company.

1881 — nang pagkalooban ng Karta Royal ang naturang kompanya. Nagprotesta ang pamahalaan ng Espanya at ng Olandes sa gobyerno ng Bretanya laban sa pagbibigay nito ng Karta Royal sa British North Borneo Co. Binigyang-diin ng Bretanya na “NANANATILI SA SULTAN NG SULU ANG PAGMAMAY-ARI SA SABAH” at tungkuling administratibo lamang ang gagampanan ng nasabing kompanya.

1903 — hiniling ng British North Borneo Co. sa Sultan ng Sulu na magpalabas ng isang kasulatang muling magpapatibay sa dating kontratang ginawa noong 1878 (lease agreement) at tataasan ang renta.

1946 — inilipat ng British North Borneo Co. sa British Crown ang lahat nitong karapatan at obligasyon sa Sabah at noong Hulyo 10, 1946 — anim na araw matapos ibalik ng Amerika ang inagaw na kasarinlan ng Pilipinas — iginiit ng British Crown ang ganap nitong mga karapatan sa soberanya ng Hilagang Borneo o Sabah.
——-
IBA PANG MGA PATOTOO SA SOBERANYA

1737 — isang tratado (Treaty of Alliance) ang pinirmahan ng Espanya at ng Sultan ng Sulu.

1805 — isang tratado ng pakikipagkaibigan sa Espanya ang nilagdaan ng Sultan ng Sulu.

1836 — kinilala ang soberanya ng Sultan ng Sulu nang makipagtratado sa kanya ang Espanya tungkol sa kapayapaan, pakikipagkaibigan at proteksiyon.

1851 — muling nakipagtratado ang Espanya sa Sultan ng Sulu. Nakilala ang tratadong ito bilang “Treaty of Annexation” at ipinailalim sa soberanya ng Espanya ang buong kapuluan ng Sulu.

1878 — isa pang tratado ang pinirmahan ng Sultan ng Sulu na, sa ikalawang pagkakataon, nagbibigay-diin sa soberanya ng Espanya sa teritoryo ng Sulu.
——–
PAPEL NG ESTADOS UNIDOS NG AMERIKA

1848 — sa pamamagitan ni Komodor Charles Silker, isang tratado ang isinulong ng Estados Unidos sa Sultan ng Sulu para sa kalakalan.

Agosto 20, 1899 — sa pamamagitan ni Hen. John C. Bates, isang tratado ang pinirmahan ng gobyerno ng E.U. at ng Sultan ng Sulu. Nakilala ito bilang Bates Treaty. Sa ilalim nito, idineklara at kinilala ng Sultan ng Sulu ang soberanya ng Amerika sa Arkipelagong Jolo at sa nasasakupan nito. May mga probisyon sa tratado na kumikilala sa “gobyerno ng Sultan” na gumagarantiya sa paggalang sa Sultan at sa mga Datu nito, gayundin ang ganap na pagkilala sa kanilang mga karapatan. Pinawalang-saysay ng Amerika ang tratado noong 1904 dahil sa paglabag diumano ng mga Muslim sa mga probisyon.

Marso 22, 1915 — napilitang makipagkasundo sa Estados Unidos ang Sultan ng Sulu dahil sa pangakong patuloy silang babayaran at bibigyan ng lupa. Pinagtibay niya ang kanyang “pagkilala sa soberanya ng E.U. sa Mindanaw at Sulu.
————
MGA HAKBANG NG ESTADOS UNIDOS NA PALAWAKIN ANG SULTANATO

Pagpirma ni John Hay, US Secretary of State, sa memorandum of ratification ng Estados Unidos at Espanya, mula sa Harper's Pictorial History of the War with Spain, Vol. II, inilathala ng Harper and Brothers noong 1899. (Wikimedia Commons)

Pagpirma ni John Hay, US Secretary of State, sa memorandum of ratification ng Estados Unidos at Espanya na tinaguriang Treaty of Paris, mula sa Harper’s Pictorial History of the War with Spain, Vol. II, inilathala ng Harper and Brothers noong 1899. (Wikimedia Commons)

1. Walang kaukulang legal na mga batayan, sa pamamagitan ng Tratado ng Paris, isinalin ng Espanya sa Estados Unidos ang pagmamay-ari sa Pilipinas.

2. Hunyo 1, 1903, sa bisa ng Bates Treaty, nilikha ang probinsiyang Moro na nagbawas sa kapangyarihang pampulitika ng Sultanato.

3. Nang pagtibayin ang Batas Jones noong 1916, nabuksan sa Kongreso ng E.U. ang talakayan hinggil sa kasarinlan ng Pilipinas. Natakot na kapag nagsasarili na ang Pilipinas, baka bawiin nito ang Sabah, kaya hinimok ng British Crown si Pres. Woodrow Wilson ng Amerika na atasan si Al-Sultan Jamalul Kiram II na isuko sa gobyerno ng E.U. ang soberanya nito sa Arkipelago ng Sulu at Mindanaw.

4. Itinadhana ng 1919 Kasunduang Carpenter na kilalanin ng Sultan ng Sulu ang soberanya ng E.U. sa Mindanaw at Sulu kaakibat ang lahat ng karapatan at regulasyong ipinatutupad ng gobyerno ng Amerika sa lahat ng nasasakupan nito.

5. Sa tratadong pinirmahan ng E.U. at ng Gran Bretanya noong Enero 2, 1930, nilimitahan ang teritoryal na hurisdiksiyon ng Pilipinas.

6. Sa ilalim ng 1935 Konstitusyon ng bansa, isinama sa balangkas ng Republika ng Pilipinas ang Sultanato ng Sulu nang walang kaukulang patalastas sa gobyerno ng Sultan at labag sa kagustuhan ng mga mamamayan ng Sultanato. Ang Gobyernong Komonwelt ang nagmana mula sa E.U. ng soberanya ng Sultanato ng Sulu.
——–
MGA HAKBANG NG GOBYERNO NG PILIPINAS SA PAGHAHABOL SA SABAH

Hunyo 22, 1962 — Ipinatalastas ng Pilipinas, sa pamamagitan ng Kagawarang Panlabas (DFA), sa UK (United Kingdom) ang paghahabol nito sa Sabah.

Setyembre 12, 1962 — Ipinaliwanag ng Pilipinas sa gobyerno ng UK ang mga batayan nito sa paghahabol sa Sabah.

Disyembre 29, 1962 — Nagkasundo ang UK at ang Pilipinas na talakayin ang isyung ito.

Enero 28 – Pebrero 1, 1963 — Idinaos sa London ang unang kumperensiyang ministeryal tungkol dito. Pinamunuan ni dating Bise-Presidente Emmanuel Pelaez ang lupon ng Pilipinas, at ni Ministrong Panlabas Earl Home ang lupon ng UK.

Hunyo 7-11, 1963 — Nagpulong sa Maynila ang mga Ministrong Panlabas ng Indonesia, Malaysia at Pilipinas. Sa isang dokumentong ipinalabas nila, napagkasunduang “hindi mababale-wala ang paghahabol ng Pilipinas sa Sabah o ang anumang mga karapatang kaugnay nito” sakaling mabuo man ang Pederasyon ng Malaysia.

Pang. Diosdado Macapagal

Pang. Diosdado Macapagal

Hulyo 30-Agosto 5, 1963 — Nagpulong sa Maynila sina Pres. Diosdado Macapagal, Pres. Sukarno ng Indonesia, at Ministrong Panlabas Tunku Abdul Rahman ng Malaysia. Sa dokumentong ipinalabas nila, pinagtibay nila ang napagkasunduan noong Hunyo 7-11, 1963 ng kani-kanilang mga ministrong panlabas tungkol sa paghahabol ng Pilipinas sa Sabah.

Setyembre 14, 1963 — Ipinahayag ng Pilipinas ang pag-aalinlangan nito sa resulta ng misyon ng U.N. na gusto diumano ng mga mamamayan ng Sabah na manatili ang naturang teritoryo sa Malaysia.

Pebrero 5-10, 1964 — Sinimulang talakayin ng mga ministrong panlabas ng MAPHILINDO (Malaysia, Pilipinas, Indonesia) ang paghahabol ng Pilipinas sa Sabah, gayundin ang iringan ng Malaysia at Indonesia.

Pebrero 5-12, 1964 — Nag-usap din sa Phnom Penh, Cambodia, sina Macapagal at Rahman at nagkasundong dalhin sa World Court ang isyu ng Sabah.

Marso 5-6, 1964 — Idinaos sa Bangkok, Thailand, ang ikalawang masusing talakayan ng mga ministrong panlabas ng MAPHILINDO tungkol sa naturang isyu, gayundin ang banggaan ng Malaysia at Indonesia, ngunit walang napagkasunduang anuman.

Hunyo 20-22,1964 — Nagpulong sina Macapagal, Sukarno at Rahman. Batay sa napag-usapan sa Phnom Penh, ibinigay ng Malaysia ang dokumentong “Philippine Claim to North Borneo, Volume 1.” Ipinanukala rin ng Pilipinas na bumuo ng komisyong Apro-Asyano para mamagitan sa bagay na ito.

Pebrero 7, 1966 — Opisyal na ipinahayag ng gobyerno ng Malaysia na hindi nito nilabag ang Hulyo 31, 1963 Kasunduan sa Maynila at binigyang-diing patuloy na igagalang iyon.

Hunyo 3, 1968 — Naging normal ang relasyon ng Malaysia at Pilipinas.

Enero 12, 1968 — Nagpalabas ng dokumento sina Pres. Marcos at Ministro Rahman na sa lalong madaling panahon, ipagpapatuloy ang talakayan ng kanilang mga bansa tungkol sa Sabah.
———
Bago idineklara ni Marcos ang Batas-Militar, ibinunyag ni Sen. Benigno Aquino, Jr. noon ang planong paglusob ng puwersa ng gobyerno sa Sabah sa pamamagitan ng tropang Jabidah na sinasanay ng militar. Humantong iyon sa pagmasaker sa mga miyembro ng Jabidah ng diumano’y mga militar dahil nagsitutol ang mga iyon sa plano ni Marcos.

Mula sa rehimen ni Cory Aquino, Fidel Ramos, Erap Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo, at masasabing hanggang ngayon sa rehimen ni P-Noy, parang binuhusan ng tubig at lumamig ang usaping ito sa Sabah. Muli lamang itong uminit dahil sa malupit na maramihang deportasyon noon ng mga Pilipinong nandayuhan sa Malaysia, at umiinit nang umiinit nga ngayon bunga naman ng mga 400 Pilipinong nagpunta sa Sabah kamakailan at naninindigang teritoryo iyon ng Pilipinas na, malamang, baka puwersahang pabalikin sa Pilipinas ng mga awtoridad ng Malaysia.

Tuluyan ba itong magsisiklab at parang bombang sasabog sa ilalim ngayon ng rehimen ni P-Noy? O talagang bahag ang buntot sa Sabah ng ating kinauukulang walang gulugod na pambansang liderato?

Pebrero 21, 2013

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2013/03/balik-tanaw-sa-sabah/feed/ 4
Skeptisismo pa rin sa Hacienda Luisita http://pinoyweekly.org/new/2013/03/skeptisismo-pa-rin-sa-hacienda-luisita/ http://pinoyweekly.org/new/2013/03/skeptisismo-pa-rin-sa-hacienda-luisita/#comments Thu, 28 Feb 2013 16:22:03 +0000 Ilang-Ilang D. Quijano http://pinoyweekly.org/new/?p=23273 Mga magsasaka ng Hacienda Luisita, tinitingnan ang kanilang pangalan sa pinal na listahan ng benepisyaryong inilabas ng Department of Agrarian Reform noong Pebrero 27. (Ilang-Ilang Quijano)

Mga magsasaka ng Hacienda Luisita, tinitingnan ang kanilang pangalan sa pinal na listahan ng benepisyaryong inilabas ng Department of Agrarian Reform noong Pebrero 27. (Ilang-Ilang Quijano)

Nang i-turnover ni Department of Agrarian Reform (DAR) Sek. Virgilio de los Reyes ang listahan ng mga benepisyaryo ng lupa sa Hacienda Luisita sa covered court ng Brgy. Mapalacsiao, mga hiyaw ng galit, sa halip na tuwa, ang sumalubong sa kanya.

Dahil dito, hindi natuloy ang inaasahan ng mga magsasaka na “publicity gimmick” ng DAR. Nang magsimulang maghiyawan ang mga magsasaka, bumalik na lamang sa mga sasakyan si de los Reyes at mga tauhan ng DAR. Bago nito, nag-press conference na ang DAR sa isang malapit na hotel para ianunsiyo sa midya ang paglabas ng listahan.

Paliwanag ni Lito Bais, tagapangulo ng United Luisita Workers Union (ULWU), gusto sana nilang makapagsalita muna ang DAR, bago igiit ang kanilang hiling na libreng pamamahagi ng lupa. “Kaso agitated na ‘yung mga tao. At ayaw na rin niyang (de los Reyes) makinig sa amin,” aniya.

May dahilang magalit si Rafael Marquez, 59, residente ng Brgy. Bantog. Ipinanganak siya sa asyenda at nagsimulang magtrabaho rito noong 1970. Mga tenanteng magsasaka rin ang kanyang mga ninuno.

Kahit tatlong beses siyang ininterbyu ng mga tauhan ng DAR, “hindi pa rin nila ako isinama listahan,” malungkot niyang sinabi.

Napaluha rin si Rebecca Santos, 46, nang makitang wala sa listahan ang kanyang pangalan. Kasama siya sa 1989 Stock Distribution Option (SDO) referendum na tinataguriang master list ng mga benepisyaryo, at may homelot pa para patunayan ito. Tubong asyenda rin ang kanyang mga ninuno.

“Hindi sana ganoon kasakit sa loob ko kung ‘yung mga hindi dapat nasa listahan ay wala. Kaso ang daming nandoon na hindi naman dapat. Samantala kaming nakipaglaban, wala,” himutok niya.

Naganap ang turnover ng listahan sa covered court ng Brgy. Mapalacsiao (Ilang-Ilang Quijano)

Naganap ang turnover ng listahan sa covered court ng Brgy. Mapalacsiao (Ilang-Ilang Quijano)

Kuwestiyunableng listahan

Kinukuwestiyon ng mga grupong magsasaka ang listahan ng DAR na nakabatay sa listahan na umano’y pinalobo ng manedsment ng Hacienda Luisita, Inc. (HLI). Ang 5,176 na benepisyaryong kasama sa 1989 SDO referendum ang nais lamang na kilalanin ng ULWU at Ambala (Alyansa ng Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita). Ngunit kinilala ng Korte Suprema sa desisyon noong 2011 ang 6,296 na benepisyaryo na iginigiit ng HLI. Nasa 6,212 dito ang bumuo sa pinal na listahan ng DAR.

Ayon sa DAR, nakabatay ang kanilang listahan sa master list, mga interbyu, dokumentong isinumite ng mga magsasaka, at rekord ng HLI sa Social Security System (SSS).

Ngunit ayon sa ULWU at Ambala, itinigil ng HLI ang pagbabayad sa SSS mula 1985 hanggang 1990. “Saan nagmula ang dagdag na 1,000 pangalan?” anila.

Gayunpaman, opisyal na naghain lamang ng exclusion ang mga grupo sa walong tao na kilalang mga bisor at “loyalista” ng HLI: sina Windsor Andaya, Noel Mallari, Julio Suniga, Eldie Pingol, Engr. Rizalino Sotto at Brgy. Capt. Edgardo Aguas.

Paliwanag ni Bais, para hindi “mag-away-away” ang kanilang hanay (gaya ng hinahangad ng manedsment), pinalampas na nila ang iba pang isinama sa listahan ng DAR na tauhan ng HLI, gaya ng mga kasambahay ng pamilya Cojuangco.

Ngunit hindi pa rin napigilan ng mga magsasakang nagbabasa ng listahan na tukuyin kung sinu-sino ang sa tingin nila’y hindi tunay na benepisyaryo: “Labandera ito ng mga Cojuangco,” sabi ng isa, sabay turo sa isang pangalan.

Sinikap din ng ULWU at Ambala maisama sa listahan ang mga miyembrong hindi nakasama sa inisyal na listahang inilabas ng DAR noong Oktubre 2012. Ngunit kahit isa sa 16 na ipinetisyon nila para sa inclusion, hindi ipinasok ng DAR.

Matagal pang laban

Sinasabi ng pamilyang Cojuangco na “nirerespeto” nila ang desisyon ng Korte Suprema, habang sinasabi naman ng DAR na ginagawa nito ang lahat para maipatupad na ang desisyon.

Rafael Marquez, 1970 pa nagtatrabaho sa asyenda, pero di kasama sa listahan (Ilang-Ilang Quijano)

Rafael Marquez, 1970 pa nagtatrabaho sa asyenda, pero di kasama sa listahan (Ilang-Ilang Quijano)

Ngunit taliwas dito ang kanilang ginagawa, ayon sa mga magsasaka.

Sa isang pulong ng DAR, manedsment ng HLI, kompanyang magsa-sarbey ng lupa, at mga lider ng ULWU at Ambala noong Pebrero 21 sa Max’s Restaurant, Luisita Park, sinabi ni Peping Cojuangco na hindi siya makapapayag na isarbey ang lupa hangga’t hindi sila nababayaran ng gobyerno ng kompensasyon.

Isa sa maraming natitirang usapin sa pamamahagi ng lupa sa Hacienda Luisita ang kompensyasyon–iniwan ito ng Korte Suprema sa pagpapasya ng DAR. Ayon sa mga magsasaka, dapat ibatay ito sa halaga ng lupa noong 1989, habang iginigiit naman ng HLI na ibatay ito sa mas mataas na halaga ng lupa noong 2004.

Isa lamang ang kahulugan ng pahayag ni Cojuangco, tiyuhin ni Pangulong Aquino: “Matatagalan pa ito. Siyempre, hangga’t hindi nakakapagsarbey ng lupa, hindi mailalabas ang mga CLOA (Certificate of Land Ownership Award),” ayon kay Bais.

Ngunit karamihan sa mga magsasakang nakapanayam ng Pinoy Weekly ang hindi kampanteng makita lamang ang kanilang pangalan sa listahan, o kahit mabigyan pa ng CLOA.

“Siguro hindi ako matutuwa hangga’t hindi pa talaga mabibigay ang lupa,” ayon kay Remedios Viedan, 59.

Isa si Viedan sa maraming magsasaka na napilitang iparenta ang lupa sa mga nagtatanim ng tubo, dahil sa kagipitan at tagal ng pamamahagi nito ng gobyerno. Karamihan sa mga rumerenta o pinagsanglaan ng lupa ay mga tauhan ng HLI–ito ang naging paraan ng kompanya para panatilihin ang kontrol sa asyenda.

“Pero hindi ko na ire-renew ang kontrata (sa renta),” aniya, tila nabubuhayan ang loob sa paglabas ng listahan ng DAR.

Iba pang maniobra

Napipilitang parentahan o isangla ng mga magsasaka ang kanilang lupa para sa mga tubuhang pag-aari ng mga tauhan ng HLI. (Ilang-Ilang Quijano)

Napipilitang parentahan o isangla ng mga magsasaka ang kanilang lupa para sa mga tubuhang pag-aari ng mga tauhan ng HLI. (Ilang-Ilang Quijano)

Ngunit hindi nauubusan ng maniobra ang pamilya Cojuangco. Inihayag ni de los Reyes kamakailan na ibabawas pa sa 4,335-ektaryang lupa na ipinagkaloob sa mga magsasaka ang mga pampublikong lupa gaya ng kalsada at kanal ng irigasyon.

“Sinabi niya (de los Reyes) na napagkasunduan ito sa isang inspeksiyon noong Pebrero 14. Hindi iyon totoo. Naroroon si Peping (Cojuangco) kaya hindi kami sumama (sa inspeksiyon),” paglalahad ni Bais.

Ipinagkaloob din ng DAR sa manedsment ng HLI ang pagtatakda ng criteria o pamantayan sa pagpili ng auditing firm para sa P1.33 Bilyon mula sa pagbenta ng mahigit 500 ektarya ng lupa sa asyenda, na inutos ng korte na ibalik sa mga magsasaka.

Kinuwestiyon ito ni Bais: “Bakit sila ang magtatakda, eh para sa amin ang pera?”

Naghain na ang ULWU at Ambala ng diskwalipikasyon sa auditing firm na Reyes Tacandong & Co., na karamihan sa mga opisyal ay dati umanong nagtatrabaho sa SGV & Co. Philippines, ang auditing firm ng HLI.

Libreng pamamahagi

Iginigiit pa rin ng mga magsasaka ang libreng pamamahagi ng lupa. Umano’y ito ang tanging paraan para masigurong hindi maibabalik lamang ang lupa sa kamay ng pamilya Cojuangco.

Sa kanilang kwenta, kung matutupad ang P1 Milyon kada ektarya na kompensasyon sa lupa, sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (Carper) ay mangangahulugan na babayaran ito ng magsasaka ng P700,000.

“Sa ilalim ng Carper, 30 percent lang ang subsidy ng gobyerno. Eh kahit nga sabihin pa nating 50 percent ang subsidy, saan kukunin ng mga magsasaka ang kalahating milyon? Eh ‘di babalik lang ulit sa kanila (mga Cojuangco) ang lupa,” sabi ni Bais.

Marami ang naghihimutok sa pagsama sa listahan ng mga tauhan ng HLI (Ilang-Ilang Quijano)

Marami ang naghihimutok sa pagsama sa listahan ng mga tauhan ng HLI (Ilang-Ilang Quijano)

Dagdag pa niya, “Ang swerte naman ng mga Cojuangco. Napasakanila ang lupang ito noong 1957, ang ipinambayad, pera ng gobyerno. Ngayon, ibabalik sa atin ang lupa, babayaran na naman sila ng gobyerno. Ang swerte nila!”

Nakasaad pa sa Carper na maaaring bawiin ang CLOA kapag tatlong taon nang hindi nakakabayad ng amortisasyon ang mga magsasaka. Ngayon pa lang, marami nang magsasaka na ang nagpaparenta o nagsasangla ng lupa sa halagang P3,000 hanggang P10,000 lamang, nang dahil sa hirap.

“Habang nandiyan ang Carper na ‘yan, hindi matutupad ang tunay na reporma sa lupa,” sabi ni Bais.

Kaya naman patuloy na pinanghahawakan ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita ang “bungkalan” o kolektibong pagbubungkal ng lupa, isang porma ng paggiit ng kanilang pag-aari rito.

Sumali sa bungkalan simula noong 2005 si Marquez. Hirap man dahil walang suporta ng gobyerno, masaya siya sa pagtatanim sa lupa na itinatrato niyang kanya. “Mas gusto ko ang palay kaysa tubuhan. Noon, ang kita ko ay P100 lang sa isang linggo dahil dalawang beses lang ako pinagtatrabaho,” aniya.

Wala man siya sa listahan ng DAR, naniniwala siyang hindi siya pababayaan ng kanyang mga kasamahan sa tila matagal-tagal pang laban para maibalik sa kanila ang lupa.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2013/03/skeptisismo-pa-rin-sa-hacienda-luisita/feed/ 0