Pinoy Weekly » Istorya ng Linggo http://pinoyweekly.org/new Philippine news, analysis, and investigative stories Tue, 11 Nov 2014 12:23:12 +0000 en-US hourly 1 http://wordpress.org/?v=4.0 Kumusta ang mga biktima ng Yolanda? http://pinoyweekly.org/new/2014/11/kumusta-ang-mga-biktima-ng-yolanda/ http://pinoyweekly.org/new/2014/11/kumusta-ang-mga-biktima-ng-yolanda/#comments Mon, 03 Nov 2014 17:52:47 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=32143 Uhaw at gutom ang inabot ng milyun-milyong Pilipino noong unang buwan matapos ang bagyong Yolanda. Nagpapatuloy ang matinding desperasyon ng mga naging biktima, isang taon matapos ang kalamidad. <strong>Tudla Productions</strong>

Uhaw at gutom ang inabot ng milyun-milyong Pilipino noong unang buwan matapos ang bagyong Yolanda. Nagpapatuloy ang matinding desperasyon ng mga naging biktima, isang taon matapos ang kalamidad. Tudla Productions/File Photo

Bago dumating ang huling tag-ulan, nagmadaling kinumpuni ng mag-asawang Maricel at Nelson Alambra ang kanilang munting tahanan sa Sityo Rizal, Barangay Bulao, Basey, Samar. Hindi pa maalis sa kanila ang takot. Bawat paglakas ng hangin, bawat tagaktak ng ulan, tila ibinabalik sila sa alaala ng Nobyembre 8, 2013—nang bisitahin ang Eastern Visayas at buong bansa ng pinakamalupit na bagyo sa kasaysayan.

Ito ang bagyong Yolanda.

Nagpapatuloy ang takot. Parang kahapon lang para sa mga magsasakang sina Maricel at Nelson nang ragasain ng malakas na daloy ng tubig ang kanilang bahay. Tulad ng milyun-milyong mamamayan sa Samar, Leyte, Cebu at iba pang probinsiya, tinangay ng tubig at malakas na hangin ang kanilang mga gamit. Ang mga kapitbahay nila, hindi lang gamit, kundi buhay ang tinangay. Libu-libong buhay.

Yolanda commemoration coverage iconHindi nawawala ang takot, dahil di nila magawang umasa na di na mauulit ang katulad na kalamidad sa hinaharap. Hanggang ngayon, hirap pa ring makabangon ang mga mamamayan ng Eastern Visayas.

“Gutom ang sinasapit namin. Bago ang bagyo, tatlong beses isang araw pa kaming nakakakain ng kanin. Ngayon, isa hanggang dalawang beses na lang,” sabi ni Maricel. Noong unang mga buwan, sira ang root crops na sana’y panghalili nila sa kanin. “Katumbas sana sa dalawang buwang konsumo ang apat na sakong palay na nasira ng bagyo.”

Inamin mismo ni Cecilia Alba ng Housing and Urban Development Coordinating Council na di pa aabot sa isang porsiyento ng mga pamilya sa Eastern Visayas na nasira ang tahanan ang nabigyan ng gobyerno ng permanenteng tirahan.

Sa kabila ito ng pagbuhos ng tulong ng maraming gobyerno at organisasyon mula sa iba’t ibang bansa sa daigdig.

Di maramdaman

Kasama ang ama ni Maricel na si Tatay Elias at 7-anyos na anak na si Mark, kinumpuni ng mag-asawa ang bahay.Wala na silang maasahan sa gobyerno.

Iniulat ni Alba sa isang porum kamakailan na 142 kabahayan lang ang nagawa ng gobyerno para sa 250,000 pamilyang biktima ng Yolanda na nangangailangan ng permanenteng bahay. Karamihan sa 142 na nabiyayaan ng bahay, matatagpuan lang sa Tacloban City at Tanauan, Leyte.

Bukod dito, may 3.4 milyong pamilya (o 16.1 milyong indibidwal) sa siyam na rehiyon ng bansa ang naapektuhan ng Yolanda. Nasa 891,000 pamilya ang lumikas. Di-bababa sa 6,300 ang patay. Umabot sa 1,300 katao pa ang nawawala (at pinagpapalagay na nasawi na) at 28,700 ang nasaktan.

Sa Post-Disaster Needs Assessment ng gobyerno, aabot sa P104.6 Bilyon ang kailangan para maibangon ang apat na rehiyon, 11 probinsiya at Tacloban City.

Samantala, ayon sa Foreign Aid Transparency Hub (FaiTH) ng gobyerno, umabot na sa P34.1 Bilyon ang foreign pledges na pumasok dito. P11-B dito ay cash, at P23-B ay non-cash. Samantala, tinatayang nasa P65-B naman ang nakuha ng administrasyon mula sa 2013 at 2014 pambansang badyet. Maliban dito, sinabi ng Joint Committee on Public Expenditures ng Kongreso na “hanggang P100-B” pa nga ang nailaan nito para sa mga biktima ng Yolanda. Tinatayang may P46-Milyon naman mula sa pribadong sektor ang pumasok sa Office of the Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery (Oparr).

Sa madaling salita, sapat na sana ang pondo ng gobyerno para sa mga biktima. Pero di ito naramdaman ng mga biktima.

Batbat ng eskandalo ang pamamahagi ng relief goods ng Department of Social Welfare and Development: mula sa pagkabulok hanggang sa korupsiyon. Noong Setyembre, inamin ng DSWD na 7,527 Family Food Packs na nagkakahalagang P2.8-M para sa mga biktima ng Yolanda ang nabulok.

Mula sa datos na nakalap ng IBON Foundation

Mula sa datos na nakalap ng IBON Foundation

Nagpapalala

Sa pag-aaral ng Ibon Foundation, itinuturo rin nito ang ilan pang problema na nagpasahol sa kalagayan ng mga biktima. Kabilang dito ang sumusunod:

(1) ‘Nakompromisong relief efforts’. Naging pulitikal ang pagtugon ng gobyerno: Sadyang di-tinulungan ng pambansang gobyerno ang lokal na pamahalaan, halimbawa ng Tacloban City, dahil nasa oposisyon ang mga Romualdez na nasa liderato ng lungsod. Bukod pa rito, matindi ang militarisasyon at pagsagawa ng mga operasyong militar, samantalang nagdeklara naman ng ceasefire ang rebolusyonaryong kilusan;

(2) May pagkiling sa malalaking negosyo ang planong rehabilitasyon ng gobyerno. “Mas umaasa tayo ngayon sa pribadong sektor,” sabi ni Panfilo Lacson, rehabilitation czar, noong Enero. “Itutulak natin ang mga effort sa pinili nilang lugar. Pupunan na lang (ng gobyerno) ang mga puwang at pipigilan ang overlaps sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga isponsor na sektor.”

Ito umano ang nasa likod ng ‘no-build zone’ at ‘no-dwelling zone’ na mga polisiya, o pagbawal sa ilang mga lugar tulad ng karatig-dagat na tayuan muli ng bahay matapos ang bagyo. Kapansin-pansin ang pagtayo ng komersiyal na mga gusali at negosyo sa mga lugar na ito sa Tacloban at iba pang lugar.

(3) Nagpalala rin ang “oportunismo” ng US Armed Forces na nagpamukha sa mundo na tumutulong sila, kahit na napakalimitado lang sa mga naabot nito sa Tacloban City matapos ang bagyo. Sa public relations campaign nito hanggang tatlong linggo matapos ang Yolanda, gumastos ito ng US$52-M sa relief. Pero naging dahilan ito para magpakat ng 1,000 tropang Kano.

Ito ngayon ang madalas na idinadahilan ng administrasyong Aquino at US Armed Forces para sa military exercises at Enhanced Defense Cooperation Agreement.

Kampanyang #DearPope ng People Surge. Hiling ng mga survivor na maipaabot sa Santo Papa ang tunay na kalagayan nila ngayon. Nakatakdang bumisita sa Eastern Visayas si Pope Francis sa Enero 2015. <strong>Max Santiago/Manila Today</strong>

Kampanyang #DearPope ng People Surge. Hiling ng mga survivor na maipaabot sa Santo Papa ang tunay na kalagayan nila ngayon. Nakatakdang bumisita sa Eastern Visayas si Pope Francis sa Enero 2015. Max Santiago/Manila Today

Dapa sa hirap

Bakit hirap ang mga mamamayan ng Eastern Visayas na makabangon mula sa Yolanda?

Dahil nasa krisis ang “normal” nilang buhay. Bago pa man dumating ang Yolanda, isa na sa pinakamahirap na rehiyon ng bansa ang Eastern Visayas. Ang rehiyong ito ang may pangalawa sa pinakamatinding kahirapan (poverty incidence) sa bansa. Samantala, ang mga probinsiya ng Cebu, Leyte at Iloilo ay nasa Top 10 probinsiya ng bansa na may pinakamaraming bilang ng mahihirap na kabahayan.

Ang mga probinsiyang Eastern Samar at Northern Samar na apektado rin ng Yolanda, pasok sa Top 10 probinsiya sa bansa na may pinakamalaking proportion ng mahihirap na kabahayan. Itinuturing naman ang Northern Samar, Iloilo, Leyte at Southern Leyte sa mga probinsiyang bulnerable sa iba’t ibang klaseng kalamidad at sakuna.

Dahil sa hirap ng buhay, lalong walang depensa ang mga tulad nina Maricel at Nelson sa mga kalamidad. Kung makaligtas man sila sa mismong bagyo, sira naman ang mga pananim at gamit nila sa produksiyon. Gutom sila sa mahabang panahon. “Kaming nasa interyor na mga baryo, nagtitiis sa gutom. Wala kaming inaasahang pagkukunan ng pagkain ngayong bagsak pa ang mga sagingan,” ani Maricel.

Matindi ang monopolyo sa lupa ng iilang panginoong maylupa sa Eastern Visayas, na siyang pangunahing dahilan ng kahirapan ng mayorya ng mga magsasaka sa rehiyon. Kahit may Comprehensive Agrarian Reform Program mula 1987 hanggang 2008, hindi nabuwag ang pag-aari ng iilang pamilya sa mayorya ng lupaing agrikultural dito. Mula 1972 hanggang 2008, 75 porsiyento ng ipinamahaging lupa’y pampublikong mga lupa at 25 porsiyento lang ang pribadong lupa, ayon sa Anakpawis Party-list.

Samantala, tinataya ng mga grupong pangkalikasan na nasa 30 porsiyento ng mga lupain sa Eastern Visayas ay may mining applications ng malalaki at dayuhang kompanya ng mina.

Pinagmamayabang

Sa lagay na ito, ipinagyabang pa ng gobyerno na “mabilis” umano ang rehabilitasyon sa apektadong mga lugar, kasama ang pagpapatayo ng permanenteng mga tirahan. Sinabi ito kamakailan ni Undersec. Danilo Antonio ng Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery.

Pero pinabubulaanan ito ng milyun-milyong mamamayang tulad nina Maricel. Wala silang matanaw na mabuting kinabukasan ngayon. Pinoproblema nila ang pag-aaral ng mga anak nila. Hayskul na ang panganay ng mag-asawa, pero kung hirap na nga sa pagkain, lalo pa sa pampa-eskuwela.

Samantala, abala si Aquino sa “pagpapamalas” ng rehabilitasyon ng Tacloban dahil bibisita ang Santo Papa ng Simbahang Katoliko, si Pope Francis I, sa Enero 2015. Dito makikita ang tunay na prayoridad ng gobyerno: hindi ang mga biktima. Aabot sa 7,000 pamilya sa Tacloban ang pinapalikas dahil sa road-widening at pagpapalaki ng paliparan.

“Binabatikos na nga ang administrasyong Aquino para sa kriminal na pagpapabaya sa mga biktima ng Yolanda. Ngayon, mahigit 7,000 naman ang mawawalan muli ng tirahan, dahil sa kalamidad na gawa ng tao na tinatawag na gobyernong Aquino. Muli ring mawawalan ng tirahan ang mga mamamayan ng Tacloban at iba pang lugar dahil sa mga polisiyang ‘no-build zone’ at ‘no-dwelling zone’ na pabor sa malalaking negosyo,” sabi ni Marissa Cabaljao, tagapagsalita ng People Surge, alyansa ng mga biktima ng Yolanda.

Sa Nobyembre 8, 2014, nakatakdang magprotesta ang libu-libong mamamayan ng Eastern Visayas kabilang sina Maricel at Nelson. Pabubulaanan nila ang “pakitang-tao” ng administrasyon at ihahayag na isang taon na ang dumaan, pero bulnerable pa rin ang mga mamamayan sa kalamidad.

Wala pa ring nagbabago. Pero ang mga mamamayan, galit na at handang ipaglaban ang karapatan.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/11/kumusta-ang-mga-biktima-ng-yolanda/feed/ 0
Sakuna sa panahon ng kapitalismo http://pinoyweekly.org/new/2014/11/sakuna-sa-panahon-ng-kapitalismo/ http://pinoyweekly.org/new/2014/11/sakuna-sa-panahon-ng-kapitalismo/#comments Sun, 02 Nov 2014 15:44:36 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=32109 Pagkasira ng halos lahat ng istruktura, sa Palo, Leyte matapos ang bagyong Yolanda. <strong>Ciriaco Santiago III/Tudla</strong>

Pagkasira ng halos lahat ng istruktura, sa Palo, Leyte matapos ang bagyong Yolanda. Ciriaco Santiago III/Tudla

Si Yolanda ang bagyong nagdala ng pinakamalakas na hangin sa kasaysayan ng mundo. Ito na rin ang bagyong nagdulot ng pinakamalubhang pinsala sa kasaysayan ng bansa.

Maraming eksperto ang naniniwala na ang mga bagyo at iba pang weather disturbances ay dumadalas at lumalakas dahil sa kakaibang pag-init ng mundo. Umano’y nasa kakaibang antas na ang global warming sa panahong ito.

Yolanda commemoration coverage iconTumaas nang 0.85°C ang temperatura ng mundo sa nakaraang 120 na taon dahil sa pagdami ng tinatawag na greenhouse gases. Natutunaw ang yelo, umiinit ang mga karagatan, tumataas ang tubig at nagbabago ang klima sa buong daigdig.

Napipilitan tuloy ang United Nations (UN) na bigyan ito ng pansin. Nitong Setyembre, naglunsad ng Climate Change Summit ang UN sa New York City, kung saan pinag-usapan ng mga lider ng daigdig ang pagtugon sa problemang ito ng buong planeta.

Pero hindi ang pulong ng mga lider ng daigdig ang naging makasaysayan. Ayon sa mga kritiko, pakitang-tao lamang ito. Patuloy umanong tumatanggi ang mayamamang bansa, partikular ng US, na bawasan ang kanilang greenhouse gas emissions, habang itinutulak ang mga mekanismo na lalo pang magpapatindi ng kontrol at walang-pakundangang pandarambong ng mga kapitalista sa likas na yaman ng daigdig.

Sa halip, ang naging makasaysayan ay ang pagkilos ng mga mamamayan ng mundo na nananawagan ng tunay na solusyon sa global warming. Alinsabay ng UN Summit, naganap ang People’s Climate March, isang martsa-protesta sa New York na nilahukan ng tinatayang 400,000 katao. Nagkaroon din ng 2,646 na kilos-protesta sa 162 na bansa bilang pakikiisa.

Nakimartsa ang mga biktima ng bagyong Yolanda. Ayon kay Dr. Efleda Bautista, tagapangulo ng People Surge (alyansa ng mga biktima ng bagyong Yolanda), “Kailangan panagutin ang gobyerno ni Noynoy Aquino, at ang gobyernong US na numero unong polluter sa daigdig, sa krisis dulot ng klima na nararasan namin araw-araw.”

Pilipinas, bulnerable sa sakuna

Gaya ng iba pang mamamayan ng mundo, naniniwala ang mga biktima ng Yolanda na may pananagutan ang mga gobyerno at ang sistemang kapitalismo sa climate change, pagtindi ng mga sakuna, at epekto nito sa mga mamamayan.

Sinasabi na kapag tumama ang sakuna, apektado ang lahat, mayaman man o mahirap. Ngunit malinaw na ipinakita ng bagyong Yolanda na ang mahihirap na bansa gaya ng Pilipinas—at ang mahihirap na Pilipino–ang pinakaapektado.

Ayon sa 2013 Global Climate Risk Index, ang Pilipinas ang ika-apat na bansa sa daigdig na pinakabulnerable sa mga sakuna. Tinatayang may 18 hanggang 20 na bagyo ang pumapasok sa bansa taun-taon. Sa kabila nito, pakitang-tao lang din ang naging tugon ng gobyerno sa mga sakuna.

Bago tumama si Yolanda, ipinagmalaki ni Aquino ang kahandaan ng gobyerno. Sa halip, kahiya-hiyang kapalpakan at kapabayaan ang nasaksihan ng mundo. Nagmistulang libingan ang evacuation centers malapit sa dagat kung saan “inilikas” ang mga tao. Tatlong araw bago dumating ang anumang tulong mula sa gobyerno–na halos walang nagawa para maampat ang desperasyon ng mga biktima.

Ang masaklap, tinitingnan pa ng gobyerno ang sakuna bilang pagkakataon para makapangurakot. Umabot sa US$89.5 Milyon na donasyon ng iba’t ibang bansa na idinaan sa gobyerno, pero kakarampot ang relief na nakarating sa mga biktima. Nasa P23 Bilyon ang nakasiksik sa pork barrel ni Aquino para sa sakuna, ngunit walang malinaw na pinatunguhan. Samantala, patuloy na walang makain, matirhan, at kabuhayan ang mga biktima ng bagyo, isang taon ang makalipas.

Nakita rin ang ganitong kapabayaan at korupsiyon sa iba pang malalakas na bagyo gaya ng Pablo at Sendong. Ayon sa Kalikasan-People’s Network for the Environment, mauulit at mauulit ang ganito, “hangga’t ang gobyerno ay nagpapatupad ng mga proyektong nakakasira sa kalikasan, nangungurakot, at pinapanatiling mahirap at bulnerable ang mga mamamayan.”

Nakakasira sa kalikasan ang kalakhan sa mga proyektong itinutulak ni Aquino, gaya ng pagmimina, malalaking dam, plantang coal, plantasyong agrikultural, at reklamasyon. Ang mga proyektong ito, na sang-ayon sa patakarang neo-liberal na globalisasyon, ay nagpapatindi ng sakuna.

Halimbawa, dahil sa reklamasyon at coastal development ay lumiit na ang mangrove cover o saklaw ng mga bakawan sa bansa–mula sa orihinal na 500,000 ektarya naging 100,000 ektarya na lamang ito. Natural na depensa ang mga bakawan laban sa storm surge.

Rali ng aabot sa 400,000 katao para sa environmental justice sa New York City noong Setyembre. Mula sa <strong>peoplesclimate.org</strong>

Rali ng aabot sa 400,000 katao para sa environmental justice sa New York City noong Setyembre. Mula sa peoplesclimate.org

Kapitalismo at pagkasira ng planeta

Ang pagkasira ng kalikasan at pagiging bulnerable ng mga mamamayan sa sakuna ay makikita sa pandaigdigang antas. Ayon sa International League of People’s Struggles (ILPS)–isa sa mga organisasyong lumahok sa People’s Climate March–ang ugat ng climate change ay ang pandarambong sa likas-yaman ng mga kapitalista. At ang malawak nang paghihirap at pagsasamantala sa mga mamamayan, pinalalala pa ng mga epekto ng climate change.

Maraming mapanlinlang na iskema ang abanteng mga kapitalistang bansa para takasan ang obligasyon na bawasan ang mga aktibidad na nakakadagdag sa pag-init ng mundo (halimbawa nito ang ‘clean development mechanism’ at ‘carbon trading’).

Gayundin, nagtayo sila ng Green Climate Fund para makapangutang ang mahihirap na bansa at tulungan sila umanong tugunan ang mga epekto ng climate change. Ngunit ayon sa mga kritiko, gagamitin lamang ang nasabing pondo, na pangungunahan ng World Bank, para lalong ibukas ang ekonomiya sa pandarambong ng mga dayuhan.

Walang-ampat din ang kapitalistang produksiyon at pagkokonsumo ng gas at langis, na sinasabing nasa likod ng mga ‘giyera ng agresyon’ ng US, partikular sa Gitnang Silangan.

Ngunit ipinakita ng mga mamamayang kumilos laban sa climate change na sumasang-ayon silang man-made ito: nilikha ng tao, maaaring baguhin din ng tao. Ayon sa ILPS, ang pagresolba sa krisis dulot ng klima ay nakasalalay sa iba’t ibang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at panlipunang pagbabago.

“Hindi maaaring business as usual na lamang ang mundo. Hindi na nakasasapat ang mga solusyon na hindi tinutugunan ang ugat ng krisis sa sobrang produksiyon ng monopolyo kapitalismo. Ang kasakiman sa tubo ay pinapasan na ng sangkatauhan, at sumisira sa ating planeta…Para maampat ang climate change, kailangang wakasan ang paghahari ng monopolyo kapitalismo, at magtayo ng sosyalistang kinabukasan para sa lahat,” sabi pa ng ILPS.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/11/sakuna-sa-panahon-ng-kapitalismo/feed/ 0
‘DOH, di handa sa banta ng Ebola’ http://pinoyweekly.org/new/2014/10/doh-di-handa-sa-banta-ng-ebola/ http://pinoyweekly.org/new/2014/10/doh-di-handa-sa-banta-ng-ebola/#comments Tue, 28 Oct 2014 10:33:26 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=32024 Sinabi ng mga kawaning pangkalusugan na hindi umano handa ang Department of Health kung sakaling dumating ang Ebola virus sa bansa. <strong>Pher Pasion</strong>

Sinabi ng mga kawaning pangkalusugan na hindi umano handa ang Department of Health kung sakaling dumating ang Ebola virus sa bansa. Pher Pasion

Hindi totoong handa ang gobyerno ng Pilipinas sa banta ng Ebola virus kung mapunta ang nakamamatay na sakit dito sa bansa, ayon sa mga kawaning pangkalusugan, na nagprotesta sa harap ng tanggapan ng Department of Health (DOH).

Taliwas ito sa sinasabi ni DOH Sec. Enrique Ona na handa umano ang pamahalaan para sa Ebola. Nakahanda na raw ang mga pasilidad partikular sa Research Institute for Tropical Medicine, San Lazaro Hospital, at Lung Center of the Philippines.

Itinuturing na nakakaalarmang epidemiko ang Ebola virus sa buong mundo na kumitil na sa buhay ng libu-libong mamamayan sa Africa ngayong taon.

Hindi totoong handa

Ayon sa Alliance of Health Workers (AHW), hindi magawang tugunan ng gobyerno ang mga sakit na pumapatay sa Pilipino araw-araw gaya ng tuberculosis (TB) at tigdas (na pawang may mga lunas), kaya walang kasiguraduhan ang gobyerno na matutugunan nito ang sakit na Ebola.

Badyet sa kalusugan, dapat taasan.<strong>Pher Pasion</strong>

Badyet sa kalusugan, dapat taasan.Pher Pasion

Ayon sa datos mismo ng DOH, nasa 63 katao ang namamatay araw-araw dahil sa sakit na TB. Nasa 97 porsiyento naman ng 16,743 naitalang kaso ng tigdas ang namatay mula Enero 1 hanggang Agosto 9, 2014 ng DOH.

“Taun-taon, libu-libong bata ang namamatay sa pagtatae at pulmonya bago umabot sa edad na limang taon sa Pilipinas. Hindi pa rin nasasagot ng gobyerno na pito sa bawat sampung Pilipinong namamatay ang hindi man lang nakakakita ng doktor. Ano ang kahandaan ng gobyerno sa Ebola?” ayon kay Sean Velchez, presidente ng National Orthopedic Health Workers Union-AHW.

Dagdag pa ni Velchez, ang Amerika na isang makapangyarihang bansa at may mas abanteng teknolohiya sa medisina para sa Ebola ay may isang ang kumpirmadong namatay. Kabilang din ang dalawa pang nurse na napaulat na nahawa.

Naaalarma din ang nasabing grupo sa sinabi ng DOH sa Senado at sa mga mamamayan na handa ang mga ospital pero sa aktuwal na walang nakahandang pasilidad para sa mga pasyente ng Ebola maliban sa container vans.

Wala rin umanong trainings na isinasagawa pa ang DOH at walang sapat na protective equipments para sa mga health workers, sabi ni Jossel Ebesate, pangulo ng AHW, sa Pinoy Weekly.

“’Yung BSL (biosafety level) na kailangan para sa Ebola ay nasa level 4. Nasa level 2 pa lang ang Pilipinas sa kasalukuyan. Ganitong pagtingin pa lamang paano ang gagawin sa mga pasyenteng may Ebola,” ayon kay Ebesate.

Overworked, Underpaid

Sa kabila ng banta ng Ebola, nanatili pa rin kalagayan ng mga kawaning pangkalusugan sa mga pampublikong ospital.

Kinalampag ng mga kawaning pangkalusugan ang gate ng Department of Health.<strong>Pher Pasion</strong>

Kinalampag ng mga kawaning pangkalusugan ang gate ng Department of Health.Pher Pasion

“Nanatiling overworked at underpaid ang mga nurse at kawani sa mga pampublikong ospital natin. Mapanganib din (ito) para sa health workers dahil mismong mga gamit sa ospital ay wala para maproteksiyunan sila. May health workers nga na sila ang bumibili ng sarili nilang protective gears sa pang-araw-araw,” ani Robert Mendoza, pangkalahatang kalihim ng AHW.

Sa kasalukuyan, tumatanggap ang isang health worker ng salary grade 1 o P9,000 kada buwan. Tumatanggap naman ang nurse 1 ng salary grade 11 na P18,600 kada buwan.

“Ang mga sahod namin ay maaaring mas mataas kumpara sa ibang pribadong ospital tulad ng sinasabi ni Usec. Ted Herbosa. Pero hindi pa rin ito sapat para sa gastusin ng aming pamilya kada buwan. Kinakailangan pa naming mag-loan kung saan-saan. Sadyang mababa ang natatanggap namin sa cost of living na P32,000 kada buwan (base sa datos ng Ibon Foundation) para sa isang pamilya na may anim na miyembro. Kailangan naming P25,000 kada buwan para sa nurse 1 pagpasok nito,” ayon kay Ebesate.

Mas mababa naman ang natatanggap ng community nurses na nasa P5,000 kada buwan at pawang mga kontraktuwal, ayon kay Emy Ilag, mula sa Nars ng Bayan.

Maglaan ng sapat na pondo

Para sa mga kawaning pangkalusugan, dapat maglaan ang gobyerno ng sapat na pondo para sa sektor ng kalusugan.

Pero imbes na seryosong pondohan ang pampublikong mga ospital, isinasailalim ito sa pagsasapribado sa ilalim ng programang Public-Private Partnerships (PPP) ng adminstrasyong Aquino, ayon sa AHW.

“Imbes na dagdagan ang badyet para sa mga ospital, tulad ng Philippine Orthopedic Center (POC) na nangangailangan ng P5.6 Bilyon para sa modernisasyon ng ospital, isinailalim ito ng DOH sa PPP kasama ang Megawide World Citi Consortium,” ayon kay Velchez.

Tumatanggap ang POC ng 6,000 hanggang 7,000 pasyente kada taon. Nasa 80 hanggang 90 porsiyento nito ang mula sa pinakamahihirap na pamilya.

Department of Health Sec. Enrique Ona, pinagbibitiw sa puwesto ng mg kawaning pangkalusugan.<strong>Pher Pasion</strong>

Department of Health Sec. Enrique Ona, pinagbibitiw sa puwesto ng mg kawaning pangkalusugan. Pher Pasion

Paliwanag ni Velchez, kahit sa pampublikong mga ospital ay halos di na rin abot-kamay sa mahihirap. Marami sa mahihirap na may-sakit, hindi na nagpapagamot at nabibilang sa mga namamatay na di man lang nakakapagpatingin sa doktor.

Nasa 72 pampublikong ospital pa sa bansa ang nakatakdang isailalim sa PPP ng administrasyong Aquino.

Kabilang sa iba pang sasailalim sa pribatisasyon o “korporatisasyon” ang Jose R. Reyes Memorial Medical Center, Cagayan Valley Medical Center, Baguio General Hospital and Medical Center, Bicol Medical Center, Quirino Memorial Medical Center, Amang Rodriguez Medical Center, at San Lazaro Hospital.

Kasama pa rito ang Eastern Visayas Regional Medical Center, Western Visayas Medical Center, Northern Mindanao Medical Center, Southern Philippines Medical Center, Zamboanga City Medical Center, Cotobato Regional and Medical Center, Caraga Regional Hospital, Davao Regional Hospital, at iba pa.

PPP ang programa ng administrasyong Aquino para hikayatin ang mga negosyante at malalaking korporasyon na pasukin ang dating pampublikong mga ospital at pasilidad para diumano sa pagmomodernisa sa mag kagamitan nito.

Pero binabatikos ito ng maraming kritiko at grupo, na nagsasabing pagnenegosyo at hindi serbisyo publiko ang pakay ng pribadong sektor kaya lalong nahihirapan ang mahihirap na magpagamit sa nasabing mga ospital.

“Kailangang baguhin ang sistemang nagpapabaya sa ating departamento. Pabaya at sinungaling ang DOH. Kailangang may managot sa sistematikong pagpapabaya sa mga mamamayan. Dapat patalsikin na sa puwesto si Sec. Ona,” ayon kay Velchez.

 

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/10/doh-di-handa-sa-banta-ng-ebola/feed/ 0
Mahahalagang aral sa biyaheng Tsina http://pinoyweekly.org/new/2014/10/mahahalagang-aral-sa-biyaheng-tsina/ http://pinoyweekly.org/new/2014/10/mahahalagang-aral-sa-biyaheng-tsina/#comments Mon, 06 Oct 2014 22:00:07 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=31761 Trapik sa Chengdu City. Sa gitna, tanaw mula sa malayo, ang rebulto ni Mao Zedong, na napapalibutan ng gahiganteng mga gusali sa industriyalisadong lungsod na ito ng Southwest China. <strong>KR Guda</strong>

Trapik sa Chengdu City. Sa gitna, tanaw mula sa malayo, ang rebulto ni Mao Zedong, na napapalibutan ng gahiganteng mga gusali sa industriyalisadong lungsod na ito ng Southwest China. KR Guda

Maula’t mainit ang panahon sa lungsod ng Chengdu, probinsiya ng Sichuan sa bansang Tsina, nang lumapag ang eroplanong dala ang delegasyon ng Pilipinong mga mamamahayag.

Pareho ang time zone, halos pareho naman (kundi man mas malamig lang nang kaunti) ang panahon sa iniwanang Maynila. Magkapit-bahay nga lang daw kasi ang bahaging norte ng Luzon at Timog-KanlurangTsina, kung saan matatagpuan ang Chengdu. Pero sa pagitan nila, isang katawan ng dagat na pinagmumulan ngayon ng matinding bangayan, at ginagawang katwiran para muling patindihin ang pananakop ng kasundaluhan ng malayong dayuhang bansa na Estados Unidos.

Isa ito sa mga layunin ng cultural and economic familiarization tour ng mga mamamahayag na inisponsor ng embahada ng Tsina sa Maynila: ang ipaliwanag ang kabilang banda ng sigalot sa South China Sea; ang ipakilala ang bansa, ang kultura at kasaysayan nito, na nag-aangkin ng karagatang ang malaking bahagi—ayon sa pandaigdigang mga batas sa dagat—ay pag-aari ng ating bansa.

Pero higit pa sa bangayan, sa maikling panahon ng pagbisita sa Tsina maaaring matagpuan ang pagkakasundo ng dalawang magkapit-bahay na bansa. Sumama ang Pinoy Weekly sa tour sa paniniwalang may mga leksiyong mapupulot mula sa isang bansang itinuturing na pangalawang pinakamayamang bansa (pangalawa lang sa US).

Ito ng bansang nagpaunlad sa pamamagitan ng isang kaayusan sa lipunan na pinamunuan ng mulat na mga manggagawang Tsino (ito ang sosyalistang kaayusan) pero pumihit patungong kapitalismo halos 40 taon na ang nakararaan.

Chengdu: megacity para sa dayuhang mamumuhunan

Ang 15-miyembro na media delegation mula sa Pilipinas, kasama ang manunulat na ito, na bumiyahe sa Southwest China. <strong>KR Guda</strong>

Ang 15-miyembro na media delegation mula sa Pilipinas, kasama ang manunulat na ito, na bumiyahe sa Southwest China. Kasama sa unang hanay, nakasuot-orange, si Sun Ling Xian, direktor ng Reconstuction Management Office ng Dujiangyan City. KR Guda

Mula sa Chengdu Shuangliu International Airport, sakay ng bus ay ibinyahe ang mga mamamahayag sa gitna ng lungsod.

Sa tabi ng maluwag na kalsada nakahilera ang matatayog na mga gusali. Kapansin-pansin ang kaliwa’t kanang hilera ng luxury cars, ang walang katapusang hanay ng mga condominium. Hindi na sikreto sa mundo ang kaunlarang inabot ng Tsina ngayon, pero para sa Pilipinong bisita, nakagulat pa rin ang laki ng bawat kalsada, ng mga gusali (“Walang gusali na magkapareho ang disenyo,” sabi ng aming guide), ng bawat imprastraktura.

“Chengdu ang ikaapat na pinakamalaking lungsod sa Tsina,” sinabi kinabukasan ni Tang Jiqiang, direktor ng Chinese Finance Research Institute at tagapagsalita ng Chengdu Hi-tech Zone (CDHT), na isa sa pinakaunang industrial zones ng lungsod na binisita ng mga mamamahayag. “Sinaunang lungsod ang Chengdu. Mahigit 2,300 taon na ito. Pero tatlumpung taon pa lamang (ang kasalukuyang industriyalisadong bahagi nito).”

Halos kasabay ng debelopment ng lungsod ang “pagbukas” (“opening up”) ng Tsina sa dayuhang pagnenegosyo bunsod ng mga “reporma” ni Deng Xiaoping matapos pumanaw ang ama ng sosyalistang rebolusyon sa Tsina na si Mao Zedong noong 1976.

“Una naming tinayo ang lugar na ito (CDHT) noong 1988,” sabi ni Tang. Tulad ng special economic zones sa Pilipinas ang CDHT—pero di-hamak na mas malaki. Ayon kay Tang, kalahati ng iPads sa buong mundo, ginawa sa Chengdu. Dito rin itinayo ang pinakamalaking pabrika ng IT (information techonolgy) company na Intel. Halos lahat ng lokal at dayuhang kompanyang IT ay may pabrika rito. “Ito ang third largest software producing city,” sabi pa ni Tang. “May humigit-kumulang 100,000 enhinyerong nagtatrabaho rito.”

Larawan ng kaunlaran ang Chengdu. Pero nang tanungin ng isang Pilipinong mamamahayag kung kinikilala ng mga kompanyang namumuhunan sa lungsod ang karapatan ng mga manggagawang nagtatrabaho rito—karapatang tulad ng nakabubuhay na sahod, kaseguruhan sa trabaho at karapatang mag-unyon—hindi direktong makasagot si Tang. Basta, “masaya ang mga manggagawa rito.”

Hindi rin niya naibabanggit na isa sa pangunahing pang-akit ng Chengdu at iba pang ecozones sa Tsina ang mababang sahod ng mga manggagawa.

Bungad ng Dujiangyan Irrigation System. <strong>KR Guda</strong>

Bungad ng Dujiangyan Irrigation System. KR Guda

Kung papaano tinatalo ang kalamidad

Ilang oras na biyahe mula sa Chengdu ang lungsod ng Dujiangyan. Dito matatagpuan ang sinaunang sistema ng irigasyon sa Sichuan na Dujiangyan Irrigation System. Tinaguriang isa ito sa pinakamahusay at enggrandeng sinaunang irrigation system.

Noong 256 BC ginawa ang sistema ng irigasyon sa Dujiangyan. Ito ang solusyon ng monarikya ng Qin Dynasty ng Tsina sa malalang pagbaha sa Sichuan. Mula noong sinaunang panahon hanggang bago matatag ang People’s Republic of China noong 1949, matindi ang mga pagbaha sa naturang bansa dulot ng pag-overflow ng malalaking ilog dito—umaabot sa milyon ang nasasawi. Sa Dujiangyan, mistulang hinati ang Min River para mapigilan ang pagdagsa ng tubig sa mga lungsod at bayan, habang nabibigyan ng irigasyon ang argikultural na mga lupa ng Sichuan.

Kamangha-mangha ang laki ng proyektong irigasyon na ito, at patunay na sa mapagpasyang pamumuno (at kahit na wala pang modernong teknolohiya noon), nagagawan ng paraan na maiwasan ang malupit na kalamidad na taun-taon namang nagaganap.

Nakita rin ang mapagpasyang pamumuno na ito sa pagtugon ng sentral at lokal na pamahalaan ng Sichuan sa isang kalamidad na di-taun-taon nagaganap at di inaasahan: ang dakilang lindol noong taong 2008.

Karimarimarim ang resulta ng lindol: Umabot sa 69,195 katao ang namatay at 18,392 ang nawala (di alam kung buhay o patay) sa probinsiya ng Sichuan. Sa Dujiangyan City lang, umabot sa 3,091 ang nasawi. Kung pagbabatayan ang casualties, ito ang pinakamalupit na lindol sa modernong kasaysayan ng mundo. Naramdaman pa ang lindol hanggang bansang Pakistan.

Pero ayon kay Sun Ling Xian, direktor ng Reconstuction Management Office ng Dujiangyan City, matapos ang lindol, sinikap ng lokal at sentral na pamahalaan na agad na makatugon sa mga naapektuhan. Tatlong araw—lang!—na nawalan ng batayang mga serbisyo tulad ng malinis na tubig at serbisyo panseguridad ang lungsod.

Lauriat na kainan sa Tsina: sagana sa pagkain ang delegasyon, tila makonsumo. <strong>KR Guda</strong>

Lauriat na kainan sa Tsina: sagana sa pagkain ang delegasyon, tila makonsumo. KR Guda

“Sentral at lokal na pamahalaan ang pangunahing nagbuhos ng pondo para sa rekonstruksiyon,” sabi ni Sun. Umabot sa 840-Bilyon RMB (Renminbi, People’s Money o Chinese yuan) sa Sichuan at 53-B RMB sa Dujiangyan ang ginastos para muling makabangon ang mga sinalantang lugar. Tatlong taon lang ang lumipas bago natayo ang lahat ng resettlement houses para sa lahat ng biktima ng lindol. Samantala, tumira ang mga biktima sa isang temporary shelter na malayung-malayo ang hitsura sa bunkhouses ng Tacloban City sa Eastern Samar matapos salantahin ng bagyong Yolanda. Sinubsidyuhan ng lokal at sentral na gobyerno ng Tsina at Sichuan ang pagpapatayo ng mga bahay.

Matapos ang lindol, lumakas ang diwa ng nasyunalismo sa Tsina, lalo na sa Sichuan. Sa mga lugar na sinalanta ng bagyo, nakatirik ang bandila ng Partido Komunista ng Tsina para mapagkaisa umano ang mga biktima, at mapalakas ang loob para agad na makabangon.

Binisita ng delegasyon ang isa sa komunidad ng resetttlement na tinaguriang Moon Lake sa Dujiangyan. Winasak ng lindol ang Moon Lake noong 2008, pero taong 2011 nang muli itong matayo bilang isang resettlement area. Mukhang matitibay ang mga pundasyon. Malalaki, kahit kung ikukumpara sa mga bahay ng middle class sa Maynila. Ayon sa isang lider-komunidad, pinaglalaanan ng gobyerno ng 30 metro kada tao ang mga resettler. Kung kaya iba-iba ang laki ng mga bahay, batay sa laki rin ng pamilya. Tulung-tulong umano ang mga miyembro ng pamilya sa pagtatayo ng bahay.

Ayon sa taga-Moon Lake, sinusubsidyuhan din ng lokal na gobyerno ang kuryente, tubig, gas, at pati Internet sa kanilang komunidad.

Siyempre, kailangang isaalang-alang na ipinapakita ng gobyernong Tsino ang pinakamaganda o pinaka-abante nitong mga komunidad, hindi ang pinakamasahol.Gayunman, lumalabas na malayo ang rehabilitasyon ng Sichuan at Dujiangyan kung ikukumpara sa programang rehabilitasyon ng administrasyong Aquino sa Eastern Samar matapos ang Yolanda.

Isang manggagawa na naghahakot ng tabla matapos ang China-Asean Trade Expo sa Nanning City, Guangxi province. <strong>KR Guda</strong>

Isang manggagawa na naghahakot ng tabla matapos ang China-Asean Trade Expo sa Nanning City, Guangxi province. KR Guda

Kontra-kahirapan

Mula sa Chengdu City, muling bumiyahe ng eroplano ang delegasyon patungong Nanning City, sa probinsiya ng Guangxi.

Tinagurang “green city”, sinasabing 40 porsiyento ng lupain ng Nanning ay natatamnan ng mga puno at pananim. Pansin ito sa pagbagtas ng delegasyon sa malalaking kalsada ng lungsod. Ang kataga ng mga promotor ng Nanning: “Kapag nakarating ka sa Nanning, hindi mo na gugustuhing umalis.” Industrial zone din ang lungsod, pero malaking bahagi ng kita nito ay mula sa turismo.

Sa probinsiya ng Guangxi, pakay ng host na gobyernong Tsino na ipakita ang kanayunan naman ng Tsina. Pinalilibutan ang Nanning ng malalaking bundok na karst (maihahalintulad sa karst topography ng Coron sa Palawan), at dahil sa marami sa mga taganayon ang nakatira sa matatarik na mga bundok na ito, marami rin umano ang mahihirap sa Guangxi.

Mga residenteng nagma-mahjong, habang tahimik na nakatanaw ang imahen ni Chairman Mao. Sa isang resettlement housing sa Du'an county, Guangxi. <strong>KR Guda</strong>

Mga residenteng nagma-mahjong, habang tahimik na nakatanaw ang imahen ni Chairman Mao. Sa isang resettlement housing sa Du’an county, Guangxi. KR Guda

Tumungo ang mga mamamahayag sa Du’an County, isang bayan sa pagitan ng Nanning at Hechi City. Dito, may 180 mahihirap na mga komunidad, dahil 89 porsiyento ng lupain ng Du’an ay sa mga bulubunduking lugar.

Noong panahon ng sosyalistang konstruksiyon ni Mao Zedong, naging pokus ng pang-ekonomiyang kaunlaran ng Tsina ang kanayunan nito. Sa sunud-sunod na mga Five-Year Plan, hakbang-hakbang na naglunsad ng repormang agraryo (ipinamahagi nang libre sa mga magsasaka ang mga lupaing agrikultural), kolektibisasyon ng agrikultura sa porma ng mutual-aid teams at kalauna’y mga kooperatiba, bago naging mga komuna (communes) na sinlaki ng mga bayan. Pero matapos pumanaw si Mao, binago ni Deng Xiaoping ang polisiya sa agrikultura—binuwag ang mga komuna, ibinigay sa pribadong mga pag-aari ang mga lupaing agrikultural, at nagpokus sa unti-unting pagbukas ng ekonomiya sa dayuhang pamumuhunan.

Kaalinsunod pa rin sa mga “reporma” ni Deng ang ika-12 umanong Five-Year Plan ng gobyernong Tsino. Isang pokus ng naturang plano ang pag-aangat mula sa kahirapan ng mayorya pa ring mga mamamayan sa kanayunan ng Tsina. Pero hindi kolektibisasyon sa agrikultura ang solusyon ng gobyerno. Sentralisado pa rin ang pamumuno ng Partido Komunista (kahit sa esensiya’y di na ito komunista), kung kaya naitutulak nito ang ibang mayayamang bayan at lungsod ng isang probinsiya na tulungan ang mas mahihirap na bayan tulad ng Du’an. Naglalaan ng malaking pondo ang sentral na pamunuan ng Tsina, pero malaki rin ang inoobliga sa mayayamang lungsod tulad ng Nanning para maiangat ang kabuhayan ng mahihirap na bayan tulad ng Du’an.

Sa Chinua Village sa Du’an bumisita ang mga mamamahayag. Ang komunidad na ito ay isang resettlement community ng mga katutubong Yao sa 24 sakahan. Dati umano silang nakatira sa matatarik na bundok, pero nahikayat na tumira sa Chinua. Sa naturang komunidad, may subsidyo ang sentral at lokal na pamahalaan. Libre na pinagawa ng gobyerno ang mga bahay. Tulad sa Moon Lake, malalaki at gawa sa bato ang mga bahay.

Pagsayaw ng mga katutubong Yao sa pagdating ng mga bisitang mamamahayag, sa Chinua Village, Du'an County, Guangxi province. <strong>KR Guda</strong>

Pagsayaw ng mga katutubong Yao sa pagdating ng mga bisitang mamamahayag, sa Chinua Village, Du’an County, Guangxi province. KR Guda

“Wala na kaming hinihiling pa, kuntento kami rito,” sabi ng isang nakakatandang lider sa Chinua. Ramdam ng mga mamamahayag na ipinapakita muli sa lugar ang pinakaabante at maunlad na bahagi ng programang poverty alleviation. Inamin din naman ng mga lider dito na marami pa rin sa mga bundok na ayaw tumira sa Chinua at katulad na mga komunidad. Malaking usapin sa mga katutubo ang ancestral domain o lupaing ninuno, na minana pa nila. Sa mga lupaing ito rin matatagpuan ang burial grounds ng kanilang mga ninuno. Malamang na katulad ng Yao ang mga katutubo sa Pilipinas na may malaking pagpapahalaga sa lupaing ninuno.

Samantala, masasabing tinuturuan ng gobyerno ang mga Yao na maging pribadong mga indibidwal, o burges, sa pagbigay sa kanila ng sariling tahanan, lupaing maaaring sakahin, at oportunidad na makapagtrabaho sa karatig na mga lungsod bilang manggagawa sa industrial zones.

Ang endangered species na panda, sa Panda Research Vacility. <strong>KR Guda</strong>

Ang endangered species na panda, sa Panda Research Facility sa Chengdu. KR Guda

West Philippine Sea o South China Sea?

Huling destinasyon ng delegasyon ng mga mamamahayag ang malaking isla ng Hainan, na isa ring probinsiya at pinakatimog na bahagi ng Tsina. Matatagpuan din ito sa bungad ng mismong South China Sea—o West Philippine Sea sa gobyerno ng Pilipinas.

Sa maikling pakikipanayam sa mga opisyal pandayuhan (Foreign Affairs Office) ng Hainan, napag-alamang bahagi ng 12th Five-Year Plan ng Tsina ang pagtukoy sa ilang probinsiya at lugar bilang lugar ng turismo. Isa ang Hainan sa mga tinakda na probinsiyang may pinakamalaking potensiyal na yumabong mula sa turismo. Dahil isla, maraming beaches ang probinsiya.

Sa Haikou City, na kabisera ng Hainan, unang lumapag ang mga mamamahayag. Dito matatagpuan ang tanggapan ng isang think-tank na nagsasagawa ng pagsisiyasat hinggil sa isyung pinagmumulan ng pinakamatinding sigalot sa pagitan ng Pilipinas at Tsina—ang South China Sea o West Philippine Sea.

National Institute for South China Sea Studies (NISCSS) ang naturang think-tank, na may direktang suporta ng gobyernong Tsino. Sa kanilang bagong gawa na gusali, pinakita sa mga mamamahayag ang nakaeksibit na istorikal na pruweba kung bakit iginigiit ng Tsina ang pagmamay-ari sa 90 porsiyento ng Spratly Islands, gayundin ang iba pang teritoryo sa South China Sea. Mga sinaunang mapa, larawan ng mga naunang Tsino sa mga teritoryong ito, at mga libro at pag-aaral ang ipinakita. (Sa bahagi ng Pilipinas, inaangkin ng bansa ang ilang teritoryo sa karapatang ito dahil sa geographical proximity ng mga ito sa bansa, sang-ayon sa International Tribunal for the Law of the Sea.)

Sinabi ni Prop. Wu Shicun, direktor ng NISCSS at pangunahing ekspertong Tsino sa South China Sea Studies, na labis umanong ikinasama ng gobyernong Tsino ang pagsampa ng arbitration claim sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (Unclos). Sang-ayon sa kulturang Tsino umano ang direktang pag-uusap o negosasyon sa “dalawang magkaibigan” kung may di-pagkakasundo ang dalawa. Nababahala umano ang Tsina sa paglahok ng gobyernong US sa usapin—lalo pa’t pumirma ang gobyerno ng Pilipinas at US ng kasunduang militar na Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA.

Prop. Wu Schicun. <strong>KR Guda</strong>

Prop. Wu Shicun. KR Guda

“Target ng EDCA ang Tsina,” sabi ni Wu. Naniniwala umano sila na ginagamit lamang ng US ang sigalot sa pagitan ng Tsina at Pilipinas sa South China Sea para makapanghimasok lalo sa rehiyon, habang binabantayan o pinagbabantaan ang Tsina.

Sinabi ni Wu na maaari umanong paigtingin pa rin ang pakikipagkalakaran ng Pilipinas at Tsina kahit na may sigalot sa South China Sea. Binigay niyang halimbawa ang Malaysia, na may mas maunlad umanong pakikipagkalakaran sa Tsina kumpara sa Pilipinas. Sa kabila ito ng territorial dispute din sa pagitan ng Tsina at Malaysia sa James Shoal (tinatawag ng Tsina na Zengmu Reef). Sa kasalukuyan, may US$100 Bilyong halaga ng kalakalan sa pagitan ng Tsina at Malaysia, habang US$20-B lamang ang sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.

Gayunman, hindi rin naman naitanggi ni Wu na nagkakaroon ng incursions at agresibong pagtayo ng mga imprastraktura ang mga Tsino sa pinag-aagawang mga isla at teritoryo sa South China Sea. Hindi maitatanggi na may agresyon ang gobyernong Tsino na ginagawa sa Spratlys.

(Basahin ang istorya: ‘Relasyong Tsina, PH luluwag pagkatapos ng termino ni Aquino’)

Sichuan Opera sa Chengdu City: Malayo na sa panahon ng pangkulturang rebolusyon sa Tsina. <strong>KR Guda</strong>

Sichuan Opera sa Chengdu City: Malayo na sa panahon ng pangkulturang rebolusyon sa Tsina. KR Guda

May matututunan sa kapitbahay

Higit sa magkatulad na maula’t maiinit na panahon, at higit sa kultura (marami sa mga tradisyong Pilipino ay nakuha sa mga Tsino), masasabing marami ang pagkakatulad ang dalawang bansa.

Parehong dumaranas ito ng matitinding kalamidad, at parehong may matinding kahirapan (kahit na malayung malayo ang antas ng kahirapan sa Tsino, may matinding inequality pa rin dito) ang dalawang bansa.

Ang Tsina, dumaan sa matinding panlipunang transpormasyon mula 1949; kahit na pumihit na patungong kapitalismo ang gobyerno nito, hindi ganap na nabura sa paggogobyerno ng mga Tsino—lalo na sa lokal na antas—ang pagpapahalaga sa serbisyong panlipunan, ang malakas na sentral na pamumuno para mapagpasyang solusyonan ang mga suliranin kahit sa mga probinsiya’t bayan. Ito ang maaaring matutunan ng kasalukuyang gobyerno ng Pilipinas sa Tsina ngayon.

Siyempre, mas marami pa ang maaaring matutunan ng mga Pilipino kung aaralin ang mahabang kasaysayan at pakikibaka ng mga Tsino.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/10/mahahalagang-aral-sa-biyaheng-tsina/feed/ 0
PH migrants express support for HK protests http://pinoyweekly.org/new/2014/09/ph-migrants-express-support-for-hk-protests/ http://pinoyweekly.org/new/2014/09/ph-migrants-express-support-for-hk-protests/#comments Mon, 29 Sep 2014 16:53:25 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=31673 Protesta ng iba't ibang sektor ng mga mamamayan sa Hong Kong. Photo courtesy: <strong>Eman Villanueva</strong>

Hong Kong protests for universal suffrage and democratization swelled to “tens of thousands” even after brutal efforts to purge it. Photo courtesy: Eman Villanueva

Filipino migrants and progressive Filipino organizations in China’s Special Administrative Regions of Hong Kong and Macau expressed their solidarity with massive people’s protests in Hong Kong that call for reforms and democratization amid “worsening economic conditions”.

The group Bagong Alyansang Makabayan Hong Kong & Macau (Bayan-HKM – New Patriotic Alliance) also condemned the governments of HK and mainland China in Beijing for “unleashing brutality and excessive use of force by Hong Kong police” on Sunday, Sept. 28.

“As a people, Filipinos feel for those in Hong Kong who were at the receiving end of the brutality of the government and the police. We also suffered and we continue to suffer from repression when we call for change and for the people’s democratic rights,” said Eman Villanueva, chairperson of Bayan-HKM.

Several other migrant groups expressed support for, and joined, the protests.

“The movement for universal suffrage has been gaining steam for the past years and is further being propelled by the government’s lack of effective response to the problems besetting many of the Hong Kong people. Cuts in social service, disregard of the condition of workers, and the prioritization of the government of the interests of businesses especially in times of crisis have contributed greatly to the desire of the HK people to have a more direct say in the election of the Chief Executive,” stated the Asian Migrants Coordinating Body, an organization of Asian migrants, including Filipinos, in HK.

Villanueva said that the strike started by students who called for full universal suffrage. Then the protests, he said, “swelled (to) tens of thousands of youth and (people from) other sectors.”

As of this writing, the protests reportedly spread out in shopping areas of Causeway Bay and Mong Kok in Hong Kong.

“Protesters on various thoroughfares were repeatedly pepper sprayed and canisters of tear gas were thrown at them. However, undaunted, the public who witnessed the brutality of the police’s actions against the protesters even came out to join the action,” Villanueva added.

The protesters dubbed their actions “Occupy Central with Love and Peace”, after the Occupy protest movement in the US that called on, among others, taking the financial elite to account for its central role in triggering the global financial crisis.

‘Excessive force’

Aside from calls for democratization and universal suffrage triggered by a worsening economic crisis felt even among middle and lower class youths in Hong Kong, some protesters have called on Hong Kong Chief Executive Leung Chun-ying to resign.

The protesters have taken the Beijing government to task for failing to live up to promises of greater democratization and universal suffrage after the former British colony was handed over to China in 1997.

Bayan-HKM also said that the Hong Kong people have right to protest for social change, as inflation continues to rise in this supposedly prosperous capitalist hub.

“The display of discontent by the Hong Kong people and demand for political changes are rooted in the worsening economic condition that includes rising inflation, constricting social services, austerity, privatization and prioritization by the government of big business interests over that of the working people,” Villanueva added.

He said that the HK youth and people have shown “militancy, perseverance and courage” in the protests in the face of state reprisals.

“We call for the HK government to immediately cease from its repressive actions against the legitimate expression of the protester’s demands. Those who were unjustly arrested must be immediately released. The freedom of assembly and speech must be respected,” Villanueva concluded.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/09/ph-migrants-express-support-for-hk-protests/feed/ 0
Pinalayas sa dating tirahan, pinapalayas ulit sa nilipatang pabahay http://pinoyweekly.org/new/2014/09/pinalayas-sa-dating-tirahan-pinapalayas-ulit-sa-nilipatang-pabahay/ http://pinoyweekly.org/new/2014/09/pinalayas-sa-dating-tirahan-pinapalayas-ulit-sa-nilipatang-pabahay/#comments Tue, 09 Sep 2014 18:30:58 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=31328 Tinangkang akyatin ng kababaihan ang bakod ng NHA sa isang protesta ng relocatees na pinapalayas ng NHA sa kanilang tahanan. <strong>Macky Macaspac<strong>

Tinangkang akyatin ng kababaihan ang bakod ng NHA sa isang protesta ng relocatees na pinapalayas ng NHA sa kanilang tahanan. Macky Macaspac

Matindi ang hinaing sa administrasyong Aquino ng mga residenteng inilipat sa Northville.

Isa na rito si Julieta Abergas, residente ng Northville 1 sa Bignay, Valenzuela. Dating nagtitinda siya ng diyaryo at nakatira sa tabing-riles sa tulay ng Malinta. Pero kasama siya sa libu-libong tao na napalayas sa kahabaan ng riles ng Philippine National Railways noong 2004 para bigyan-daan ang isang North South Rail System. Nailipat sila, nagsiksikan, sa tatlong relokasyon ng Northville.

Sa Northville 1, maglalako ng karyoka si Aling Julieta. Ang P100 ang kinikita niya sa isang araw, pinagkakasya na niya sa pagkain ng anak at apo. “Wala kaming kuryente. Gasera ang gamit namin. Ang tubig binibili namin, P2.50 kada container,” sabi niya.

Dahil sa hirap ng buhay at kawalan ng nakabubuhay na trabaho, hindi sila regular na nakakabayad sa hulugang P200 hanggang P350 kada buwan sa pabahay. Ngayon, dumating na ang mga demand letter ng National Housing Authority (NHA), at nanganganib silang muling mapalayas sa tahanan.

Naalala pa ni Aling Julieta ang pangako ng NHA na pabahay noong pinalayas sila sa Malinta. “Kung hindi maibibigay sa amin ang bahay na ipinangako nila, ibalik na lang nila kami sa tabing-riles, sa ilalim ng tulay,” aniya.

Noong Setyembre 4, kasama siya sa laksa-laksang mga residente mula sa iba’t ibang Northville relocation sites ng NHA—sa Caloocan, Valenzuela, Meycauyan at Marilao, Bulacan—gayundin ang mga residente ng Katuparan Housing sa Vitas, Tondo, na sumugod sa tanggapan ng NHA sa Quezon City. Galit sila, at humiling ng diyalogo sa pamunuan ng NHA.

Pero pinagsarhan muli sila ng pinto at tinapatan ng pangharang na may barbed wire. Nang nag-ingay na lang ang mga residente at nagtangkang akyatin ang gate saka pinapasok ang kanilang mga lider para makipagdiyalogo.

Silang pinabayaan ng gobyerno

Isa rin si Aling Vangie Morante sa mga sumugod sa NHA. Pinaalis siya sa kanyang barung-barong na tirahan sa Caloocan, boundary ng Maypajo at Sangandaan. Nakatira ngayon sa Northville 2B sa Bagumbong, Caloocan, hirap na hirap silang makapaghanap-buhay.

Vendor kami sa Baclaran. Maliit lang ang kita namin. Dati, ang pamasahe namin P30 lang. Pero ngayong nasa Northville kami, P100 na. Paano naman kami mabubuhay?” aniya. “Gutom kami sa relokasyon.”

Dagdag pa ni Aling Vangie, napakalayo ng pampublikong ospital sa relokasyon. Pinakamalapit na ang ospital ng Tala. “Meron namang ospital, kaso pribado. Ang klinika sa barangay, hindi naman mapakinabangan dahil madalas (na) walang gamot,” sabi niya. Kaya hindi raw masisisi ng gobyerno kung ibenta ng mga residente ang kanilang bahay lalo na tuwing may nagkakasakit na kaanak.

Parehong kuwento ang inihayag ng mga residente ng Northville 3 sa Meycauyan, Bulacan. Dating palaisdaan ang lupang binili ng NHA na tinabunan ng lupa at tinayuan ng mg bahay sa Northville 3. Kaya naman, sa kaunting ulan, binabaha na ang lugar. “Lumulubog paunti-unti ang mga kabahayan sa lugar, baha lagi at malapit din sa dagat,” ani Aling Thelma Milo.

Ipinakita rin niya ang eviction notice na galing sa NHA. Ang mga residente sa Northville 1, 2 at 3, karamihang pinalayas sa sinasabi ng gobyerno na “danger zones”, o mga lugar na mapanganib tirhan, tulad ng mga tabing-ilog at tabi ng riles. Pero sa mga relokasyong inilaan ng NHA, may panganib pa rin. “Mabuti na lang ang bahay ko at natapat sa dating pilapil. Pero ang mga kapitbahay ko, lalo na ‘yung mga nasa gitna, lumulubog ang lupa. Bitak-bitak na nga ang mga flooring ng mga bahay,” sabi ni Aling Thelma.

Pangamba ng relocatees mula sa Northville 1, 2 at 3 na muli silang magiging informal settlers dahil sa bantang ebiksiyon  ng NHA. <strong>Macky Macaspac </strong>

Pangamba ng relocatees mula sa Northville 1, 2 at 3 na muli silang magiging informal settlers dahil sa bantang ebiksiyon ng NHA. Macky Macaspac

Pinagkukuwartahan pa

Sa Northville 1 nakatira ang mga maralita na itinaboy noong 2004 mula sa riles sa Malinta.

Nabigyan naman daw sila ng P11,000 bilang tulong pinansiyal nang sila’y ilipat. Ang problema, walang bahay; lote lang ang relocation site na ito noon. At para makapagpatayo ng bahay, nagpautang ang NHA ng P50,000 para sa materyales.

Matapos ang dalawang taon, nagsimulang maningil ang NHA ng P200 kada buwan sa loob ng limang taon. Sa ikaanim na taon, pinatungan na ito ng 6 porsiyentong interes na bayarin. Kung susumahin, aabot sa P100,000 ang babayaran ng mga taga-Northville 1 sa loob ng 30 taon, ayon sa Gabriela, organisasyon ng kababaihan na may kasapian sa naturang relocation sites.

Ayon pa sa grupo, malaking problema ng mga residente ang kawalan ng hanapbuhay sa mga relokasyong ito. Sa kabila nito, namimilit daw ang NHA sa mga residente na magbayad, at pinagbabantaan sina Aling Julieta na paaalisin sa pamamagitan ng puwersahang ebiksiyon o pagkandado sa mga bahay.

Ganito rin ang sistema sa Northville 2B at Northville 3: Tataas din sa P350 sa ikaanim na taon, at P450 makalipas ang 10 taon, ang bayarin nila. Nagkakahalaga ang bawat yunit ng P175,000 na babayaran nila sa loob din ng 30 taon.

Bukod dito, pinangakuan ang mga taga-Northville 2 at 3 na bibigyan sila ng NHA ng halagang P25,000 para sa tulong pangkabuhayan. Pero ayon sa mga residente, hindi naibigay ang P25,000 tulong pangkabuhayan hanggang sa kasalukuyan.

Pinalala pa ang kanilang sitwasyon ng kuntsabahan daw ng Manila Electro Co. (Meralco) at NHA sa pagpapakabit ng kuryente. Kailangan daw na bayaran muna ang bahay bago kabitan ng kuryente. “Kailangang kumuha ng sertipikasyon sa NHA bago kami kabitan ng kuryente ng Meralco, ” ani Aling Thelma. Kaya ang marami sa kanila, tulad ni Aling Julieta, walang kuryente.

Pagpapalayas sa Tondo

Samantala, tulad ng mga taga-Northville, nahaharap din sa eviction ang libu-libong residente ng Katuparan Housing sa Vitas, Tondo. Maralita rin sila mula sa iba’t ibang lugar noong dekada ’90 na tinipon sa isang tenement housing sa paanan ng dating tambakan ng basura na tinawag na Smoky Mountain.

Walang renobasyon o pagmamantine sa mga bilding–at wala rin namang pera na pagpapaayos nito ang mga residente. Dekada ’90 pa nang ideklara ng lokal na pamahalaan ng Manila na “condemned” o dapat sirain ang 12 sa 27 na gusali rito.

Nagsagawa ang Department of Public Works and Highways ng isang rebound hammer test kamakailan at nakitang matibay pa ang pundasyon at mga biga ng mga gusali. Pero kailangan pa raw ng hiwalay na structural evaluation test para malaman kung maaari pa nga itong tirhan.

Pangamba ng mga residente, muli silang magiging informal settler kapag itinuloy ang paggiba sa Katuparan. “Dati na naming nilabanan ang demolisyon sa piyer noong 1991. Pumayag kami na mailipat (dito sa Katuparan) at in-award sa amin ang mga yunit. Ngayon, paaalisin kami?” ani Agnes Mondejar, na halos 25 taon nang nakatira sa Building 13.

Dagdag pa ni Aling Agnes, sapat na ang ilang taong pagbabayad nila para maging kanila ang mga yunit na tinitirhan ngayon. “Iba-iba nga ang halagang sinisingil sa amin,” aniya. Kuwento niya, P200 hanggang P1,000 ang sinisingil ng NHA kada palapag–pinakamahal ang nasa ibaba.

Kaya’t ipinagtataka ng mga residente kung bakit hindi namantina ang gusali sa loob ng mahigit dalawang dekada. “Dapat i-rehabilitate ang Katuparan at hindi dapat wasakin. Napakaraming pera ang napunta sa DAP (Disbursement Acceleration Program) na para raw sa mga maralita, bakit hindi ayusin (ng gobyerno) ang in-city relocation?” sabi pa niya.

At kung ipipilit daw ng NHA at lokal na pamahalaan ng Manila na gibain ang Katuparan, handa sila na muling lumaban. “Muli kaming magbabarikada, kung kailangan,” paninindigan ni Aling Agnes.

Hawak ng isang residente ang isang kopya ng demand letter mula sa NHA. <strong>Macky Macaspac</strong>

Hawak ng isang residente ang isang kopya ng demand letter mula sa NHA. Macky Macaspac

DAPat para sa maralita

Nababalitaan nina Aling Agnes sa midya ang hinggil sa DAP, na mistulang pork barrel ni Aquino. Nagtataka sila na di man lang mapondohan silang mga maralitang pinangakuan ng pabahay at kabuhayan, habang bilyun-bilyon ang inilalaan sa naturang lump sum funds ng Malakanyang.

Sa panukalang badyet ng administrasyong Aquino para sa taong 2015, mahigit P1 Bilyon ang nakalaan para sa Human Development and Poverty Reduction Cluster sa ilalim ng Department of Interior and Local Government (DILG). Para raw ito sa pabahay ng mga maralita sa mga tabing-ilog na tinaguriang “danger zones.”

Dagdag pa ito sa P10-Bilyon na sinasabi ng administrasyong Aquino na inilabas daw para sa in-city relocation sa ilalim ng DAP ng Pangulo.

Pero tanong ng mga maralitang tagalungsod: Bakit hindi nila nakikita ang kinahihinatnan ng malaking pondo? At bakit sila pang mga relocatee ngayon ang nanganganib na mawalan muli ng tahanan?

Hanggang sa kasalukuyan, itinatayo ang mga relokasyon sa labas ng Kamaynilaan tulad sa Rizal, Laguna at iba pang lugar, o kung tawagi’y off-city relocation. Noon ding 2001, inilabas ng DILG ang pag-aaral na nagsasabing hindi magandang ilipat ang mga informal settler sa off-city relocation sites dahil hindi pabor sa mga mahihirap ang programang ito.

Hinikayat ng ulat ang in-city relocation sites.

Diyalogo

Dahil sa pagsiwalat ng mga balita hinggil sa DAP at sa mga banta ng eviction sa kanila, galit ngang sumugod sa NHA Main Office sina Aling Julieta, Vangie, Thelma at Agnes, at iba pang maralitang relocatees.

Sa diyalogong kaharap ang ilang opisyal ng ahensiya sa National Capital Region, inihapag nila ang mga problemang hinaharap ng mga residente. Kasama rito ang kawalan ng ilaw, tubig, substandard na mga imprakstraktura ng relocation site, kasama na ang mga kalsada. Inihapag din nila ang tungkol sa kawalan ng kabuhayan, mataas na interes sa bayarin sa bahay, at panggigipit at pagbabanta na palalayasin ang mga hindi nakakabayad.

“Marami po ang nagtatanong, ano ba ang NHA? Ito ba ay developer, realtor, o ahensiya ng gobyerno upang tumulong sa maralitang tagalungsod? ” direktang tanong ni Rey Mangarang, isang opisyal ng Home Owners Association sa Northville 1 na humarap sa diyalogo. Partikular na tinutukoy niya ang ipinataw na 6 porsiyentong interes sa mga lupang nakuha sa NHA.

Paliwanag ng opisyal ng NHA, ang house (P100,000) and lot (P75,000) package noong 2005 ay nagkakahalagang P175,000. Ang subsidyo na ibinibigay ng gobyerno kada pamilya ay P35,000 lamang. Kaya pumapatak na may loan o utang ang bawat pamilya sa NHA ng halagang P140,000. At ang 6 porsiyentong na dagdag sa bayarin ay “para (raw) sa lote”.

Six percent lamang po sa lote. Kaya P75,000 lang ang may charge ng six percent. Sa bahay, zero percent. Kaya kapag in-average, mas mababa pa (ito) sa minimum na charge natin na 4.5 percent. Kaya kung i-average, nasa three percent lang po ang tsina-charge ng NHA. Hindi po talaga diretso na six percent,” ayon kay Victor Balba, group manager ng NHA-NCR.

Pero ayon kay Mang Rey, natapos na ang 30 taong nakasaad na kontrata ng maraming residente, pero hindi pa nila nabubuo ang bayad. Walang linaw kung paano mapapasakanila ang tinitirhan. Sagot ng NHA, kailangan daw magkaroon ulit ng panibagong diyalogo.

Sinabi naman ni Cherrylyn Isidro, isang residente ng Northville 2B, na hindi rin daw malinaw sa kasunduan kung sila ba ay borrower o awardees.

Tugon ni Balba, loan borrower daw sila sa kontrata dahil ang kasunduan ay sa pagitan ng developer at sa mga residente, pero awardee sila naman daw sila ng NHA. Paliwanag pa ng NHA, parang inutang sa NHA ang kabuan ng bayad sa lote at bahay, at kapag nabayaran, mapupunta sa mga residente ang anilang  binayarang lupa at bahay.

Loan borrower po kayo doon sa kontrata, pero awardee po kayo ng NHA.  (Kung) mabayaran n’yo po iyon, magkakatitulo po kayo… Loan agreement po ito. Ang ginastos sa bahay at sa lote, sa developer po iyun. Inutang po n’yo (iyan) sa amin,” sabi ni Balba.

Dito nagtaka ang mga residente: Kung sila’y awardee na, bakit pinagbabantaan sila na palayasin kapag hindi nakabayad o nahuhuli sa bayad? Pero todo-tanggi ang NHA na may pinapaalis na sila ngayon. Wala pa raw. Sa ngayon.

“Maganda (kayo) magsalita, pero ‘yung mga tao ninyo ang nagbibigay ng banta. Kapag hindi raw nakabayad ng bahay, ikakandado (nila ang bahay). Papalayasin sila. Inatake (sakit sa puso) po ang tatlo sa amin,” sabi pa ng sa isang lider.

Ayuda: pangakong napako

Ipinangako rin ng NHA ang livelihood assistance sa kanila noong sapilitang pinalayas sa kanilang dating mga tirahan ang mga residenteng maralita.

“Ako sa nakapirma sa livelihood (assistance), hindi namin nakatanggap. Ikinatuwa sana namin ‘yun. Kaya lang, umabot ng ilang taon (di pa nabibigay). Siyam na taon na kaming nandiyan, pero wala pa kaming nakuhang livelihood,” ani Melinda Ramos, na nailipat mula sa riles noong 2005.

Sabi pa ni Aling Melinda, kahit na nasa riles lamang sila noon, di hamak daw na mas maganda ang kanilang buhay doon dahil malapit ito sa kanilang trabaho, eskuwelahan, at palengke.

Itinanggi ng NHA na nangako sila ng pera para sa livelihood. Ang mayroon daw sila, livelihood trainings. Kinakausap din nila ang malalapit na mga pabrika para mapasukan ng mga inilipat na residente. Pero wala pa ring kabuhayan ang mga pinalikas. Sabi pa ng NHA, iyung P10,000 na dapat ibigay sa mga residente, ibinawas na sa P175,000 na “utang” nila na bayad sa lupa at bahay sa Northville.

“Wala po kaming ipinangako na P10,000 financial assistance. Ang binibigay po na assistance ay P1,000 lang po. Ito ‘yung subsistence allowance for three days. Wala po kaming sinabi at wala po talagang ibinibigay ang NHA na P10,000,” giit ni Balba.

Nagharap sa isang diyalogo ang mga lider ng mg residente at opisyal ng NHA. <strong>Pher Pasion</strong>

Nagharap sa isang diyalogo ang mga lider ng mg residente at opisyal ng NHA. Pher Pasion

Serbisyo-sosyal, nasaan?

Siyempre, hindi rin pinalagpas ng mga residente na singilin ang NHA sa kawalan ng maayos na serbisyo-sosyal sa mga relokasyon, lalo na ng tubig at kuryente.

“Noon, nang bagong likas, pinaliwanag sa amin kung ano ang dapat namin ma-avail, tulad P25,000 para sa umpisang kabuhayan, tapos may tubig, ilaw. Natuwa po kami. Pero noong dumating kami sa Northville 2B, may ilaw pero walang tubig. Kapag natanggalan ng ilaw, hindi bibigyan ng clearance ng NHA hangga’t hindi makabayad sa upa sa bahay. Pinagmumulan ng sunog dahil sa nakikikabit sa kabila, nagkaka-short circuit, nagkasunog po (sa amin),” ani Aling Ella Mamaril, presidente ng Home Owners Association sa Northville 2B.

Nais ipatanggal ng mga residente ang certificate mula sa NHA para makabitan sila ng ilaw.

“Puwede tayo magkompromiso. Puwede ba na we will issue the necessary certification, magbibigay ng promissory note sa amin, at least one month or two month payment lang, gawin n’yo naman yun? Promissory note with at least two months payment then we will issue the certification. Ganoon lang. Mapagbigyan namin kayo, mapagbigyan n’yordin kami,” sabi ni Balba sa mga residente.

Sa problema ng sirang mga imprastraktura gaya ng mga kalsada, hugas-kamay muli ang NHA. Lokal na gobyerno na raw ang may responsalidad kung ang mga relokasyon ay na-turn over na sa nauna.

Danger zones tungong death zones?

Naghugas-kamay din ang ahensiya sa problema ng pagbaha sa ilang relocation areas. Muli, lokal na gobyerno raw ang namili ng lugar at kasama pa raw ang mga residente.

Hinggil naman sa hinaing ng mga residente ng Tondo, naghihintay pa raw ang NHA sa desisyon ng DPWH bago sila magkaroon ng pagkumpuni sa mga gusali. Nais din kasi ng NHA na manatili ang nasabing mga gusali.

Sa 27 gusali sa Katuparan, nasa 12 ang sinasabing condemned o hindi na ligtas tirhan. Nais ng mga residente na magkaroon ng rehabilitation imbes na alisin sila sa nasabing gusali. “Nakipag-usap kami ng building officials, at sabi namin: P’wede bang i-reconsider ang kanilang desisyon? Unang una, dahil preliminary inspection n’yo pa lang, sinasabi nang ganito. So nagkaroon ng agreement,” ani Balba.

Dagdag pa ni Balba, “’Yung 27 buildings, maski 12 pa lang ang na-declare, kasama na rin yung 15. Hangga’t hindi nila sinasabi na okey, sige ipa-repair, puwede na iyon. Naghihintay kami ng desisyon doon.”

Tila takot na mabuntunan ng sisi ang mga opisyal ng NHA; hinikayat nila ang mga residente ng Tondo na kalampagin naman ang DPWH at lokal na gobyerno ng Manila para di-buwagin ang Katuparan Housing. Kasi, iyung dating malapit na tenement building na Diosdado Macapagal Building, pinasira ng NHA noong 2011 dahil condemned daw. Pero kahit ang kontraktor, hirap na sirain ang bilding dahil “matibay ang pundasyon.” Ibig sabihin, di naman kailangang wasakin ang bilding.

May hawak na muling pangako mula sa gobyerno sina Aling Julieta, Vangie, Thelma, Agnes, Melinda, Cherrylyn at Ella, at iba pang maralitang relocatees. Pero di tulad ng dati, mas mulat at mapagmatyag na sila.

Babantayan nila ang mga pangako. Patuloy silang maniningil—sa NHA man o sa mismong Pangulong Aquino na patuloy na ipinagtatanggol ang pag-aangkin ng pondo na para sa kanilang maralita.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/09/pinalayas-sa-dating-tirahan-pinapalayas-ulit-sa-nilipatang-pabahay/feed/ 0
‘Mga kongresistang nagbasura sa impeachment ni Aquino, tumanggap ng pondo mula DAP’ http://pinoyweekly.org/new/2014/09/mga-kongresistang-nagbasura-sa-impeachment-ni-aquino-nagbenepisyo-sa-dap/ http://pinoyweekly.org/new/2014/09/mga-kongresistang-nagbasura-sa-impeachment-ni-aquino-nagbenepisyo-sa-dap/#comments Wed, 03 Sep 2014 19:00:49 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=31305 Mga kongresista ng mayorya na bumoto para ibasura ang reklamong impeachment laban kay Pangulong Aquino. <strong>Pher Pasion</strong>

Pagtayo ng mga kongresista ng mayorya para bumoto sa pagbasura ng reklamong impeachment laban kay Pangulong Aquino. Pher Pasion

Marami sa mga kongresistang kaalyado ng Palasyo na bumoto pabor sa pagbasura sa impeachment complaint ay nagbenepisyo sa mismong Disbursement Acceleration Program (DAP).

Ito ang isiniwalat ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan),  isang araw matapos ideklarang “insufficient in substance” ng House Committee on Justice ang dalawang reklamong impeachment laban sa Pangulo sa pagpapatupad ng ilegal na DAP at isang reklamong impeachment sa paglagda sa kinukuwestiyong kasunduang militar ng US at Pilipinas na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

DAP ang lump-sum funds ng Pangulo na di-bababa sa P144-Bilyon na nagmula sa “natipid” na pondo ng iba’t ibang ahensiya’t tanggapan ng gobyerno.

“Nahihibang ang Malakanyang kung palagay nito na hustisya ang nakamit. Marami sa mga bumoto para patayin ang impeachment ay siya ring tumanggap ng (pondo mula sa) DAP noong nakaraan. Kasama rito sina (Neptali) Gonzales, (Miro) Quimbo, (Giorgidi) Aggabao, (Elpidio) Barzaga, (Reynaldo) Umali, at (Ben) Evardone,” sabi ni Reyes.

Pati si Iloilo Rep. Neil Tupas Jr., tagapangulo ng House Committee on Justice, ay nakatanggap din umano ng pondo mula sa DAP. “Ganyan kabulok ang sistema,” dagdag ni Reyes.

Sa naturang pagdinig ng komite, inihayag ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na nakatanggap nga si Eastern Samar Rep. Ben Evardone ng pondo mula sa DAP.

Ayon sa Bayan, batay sa pag-aaral ng Philippine Center for Investigative Journalism, kasama (pero di kumpleto ang listahan) sa mga kongresistang tumanggap mula sa DAP na nasa komiteng nagbasura sa impeachment:

Neptali Gonzales II, Liberal Party: P203-M
Giorgidi Aggabao, Nationalist People’s Coalition: P88.7-M
Ben Evardone, NUP/Liberal: P62.7-M
Rodolfo Farinas, Nacionalista Party: P46.8-M
Reynaldo Umali, Liberal Party: P15-M
Neil Tupaz Jr., Liberal Party: P12.5-M
Miro Quimbo, Liberal Party: P10-M

Sa naturang pagdinig ng Committee on Justice noong Setyembre 2, pinatutsadahan ni Evardone ang isa sa endorsers ng impeachment complaint na si Bayan Muna Rep. Neri Colmenares na nakatanggap umano ng pondo mula sa DAP. Galit na sinagot ito ni Colmenares, na nagsabing wala siyang natanggap mula sa DAP. May isang proyektong inindorso niya na pinondohan umano ng Department of Budget and Management (DBM) na di niya alam na nagmula pala sa DAP.

Ang mahalaga, ani Colmenares, nang malaman niyang nagmula pala sa DAP ay mariin niya itong kinondena at inatras ang pag-endorso sa proyekto.

Mga kinatawan mula sa Makabayan bloc: Nadaig sa botohan ang impeachment, pero di pa tapos ang pagpapanagot kay Aquino. <strong>Pher Pasion</strong>

Mga kinatawan mula sa Makabayan bloc: Nadaig sa botohan ang impeachment, pero di pa tapos ang pagpapanagot kay Aquino. Mula kaliwa: Kabataan Rep. Terry Ridon, Anakpawis Rep. Fernando Hicap, Bayan Muna Reps. Carlos Zarate at Neri Colmenares, at Gabriela Reps. Emmi de Jesus at Luzviminda Ilagan. Wala sa larawan si ACT Teachers Rep. Antonio Tinio. Pher Pasion

‘Double standard’

“Terible ang ginawa nila. Hindi ini-expect ng taumbayan na ganito kabilis nila ibasura ang impeachment complaint. Lalo na gustong gusto ng taumbayan na pumunta sa second stage at dapat mapasagot man lang si President Aquino. maipagpaliwanag siya, ‘saan ba talaga nanggaling yung DAP?’,” sabi ni Colmenares, sa panayam ng Pinoy Weekly.

Sinabi ni Colmenares na malinaw na may “kumpas ng Malakanyang” ang pagbasura ng 54 kongresista.

(Basahin ang mga talumpati ng apat na kongresista ng Makabayan sa pagprisinta nila ng mga datos sa pagsasakdal sa Pangulo.)

“Talagang sa kanila, desidido na silang ibasura ito. Lalo pa, parang ang simple ng isyu rito, sufficiency ba ito ng substance,” sabi pa ni Colmenares. Sinabi pa niyang ang kailangan lang dapat sagutin ng komite sa antas na iyun ay kung may recital of facts lang. Sa susunod na atas pa mapagdedesisyunan kung may bigat ang mga paratang.

Sinabi naman ni Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan na nakikita mismo nila na “nagkukumpul-kumpol” ang mga kongresista ng mayorya para diskartehan ang pagbabasura sa impeachment.

“Iba ang mga istandard na ginamit noong (impeachment kay dating Ombudsman) Merceditas Gutierrez. Ngayong si Aquino na ang ini-impeach, mahigpit sila. Hindi pareho ang standards. Kung kaaway (ng administrasyon), mabilis. Kung hindi kaaway at si Aquino, poprotektahan nila,” ani Ilagan.

Galit ng complainants

Piket ng mga complainant sa harap ng Batasan Pambansa habang nagaganap ang pagdinig ng House Committee on Justice. <strong>Pher Pasion</strong>

Piket ng mga complainant sa harap ng Batasan Pambansa habang nagaganap ang pagdinig ng House Committee on Justice. Pher Pasion

Samantala, galit na nagprotesta ang mga lumagdang complainant sa pagbasura ng naturang komite sa impeachment ni Aquino.

“Iyung dapat na diskusyon lang hinggil sa pagiging supisyente sa porma at sustansiya (sa pagdinig sa House Committee on Justice) ay naging pista ng papuri para sa Pork Barrel King. Kasuklam-suklam ang eksena ng mga kasabwat (ni Aquino) sa korupsiyon at patronage na humaharang sa paghahanap natin ng katotohanan at pananagutan,” sabi ni Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU).

Kasama si Labog sa mga complainant sa tatlong impeachment complaints na inihain sa Committee on Justice.

“Sa halip na desisyunan nang maayos ang pagiging supisyente sa sustansiya (substance) ng mga reklamo, napuno ang pagdinig ng Komite kahapon ng mga walang-kuwentang pahayag at himod-pundilyo mula sa bayarang mga tauhan at tagapagtanggol,” sabi ni Charlotte Velasco, tagapagsalita ng League of Filipino Students (LFS).

Mga kapwa complainant ni Velasco para sa ikalawang reklamong impeachment ang sumigaw ng “shame on you” (“mahiya kayo”) sa mga kongresistang bumoto para ibasura ang impeachment complaint bago matapos ang pagdinig ng komite noong Martes. Nagladlad din sila ng mga plakard na nananawagan ng pagbitiw ng Pangulo.

Piket ng progresibong mga grupo sa Quiapo, Manila para kondenahin ang pagbasura sa impeachment complaint, isang araw matapos ang naturang pagbasura. <strong>Kontribusyon</strong>

Piket ng progresibong mga grupo sa Quiapo, Manila para kondenahin ang pagbasura sa impeachment complaint, isang araw matapos ang naturang pagbasura. Kontribusyon

Samantala, sinabi ni Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela at isa rin sa complainants, inaasahan man nila ang pagbasura ng komite sa impeachment complaints, kasuklam-suklam pa rin ang anila’y lantarang pagbalewala sa katwiran para palusutin umano ang isang tiwaling Pangulo.

“Garapalan lang talaga. Akala mo, talagang gumulong na ang aktuwal na impeachment proceeding. Dapat pinatuloy nila ang impeachment complaint para madepensahan ni Aquino ang sarili niya sa lantarang (culpable) paglabag sa Saligang Batas at pagtaksil sa tiwala ng publiko–kung kaya niya,” ani Salvador.

Sinabi pa ni Labog na “direkta naming idudulog sa ordinaryong mga manggagawa at mamamayan” ang naturang mga kaso ni Aquino.

“May numero man si Aquino sa Kongreso pero naniniwala tayong kaya nating tipunin ang kritikal na bilang sa lansangan. Patuloy na itinutulak tayo ng mga krimen at iskema ni Aquino laban sa mga manggagawang Pilipino at mamamayan na panagutin siya. Pinanghahawakan pa rin natin ang posibilidad na mapuwersa si Aquino na magbitiw o mapatalsik,” ani Labog.

May ulat nina Pher Pasion at Darius Galang

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/09/mga-kongresistang-nagbasura-sa-impeachment-ni-aquino-nagbenepisyo-sa-dap/feed/ 0
‘Handa ka na ba sa malakihang protesta sa Agosto 25?’ http://pinoyweekly.org/new/2014/08/handa-ka-na-ba-sa-malakihang-protesta-sa-agosto-25/ http://pinoyweekly.org/new/2014/08/handa-ka-na-ba-sa-malakihang-protesta-sa-agosto-25/#comments Fri, 15 Aug 2014 11:05:18 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=31058 Nagtipon sa harap ng kampus ng Adamson University sa Maynila ang daan-daang estudyante ng Youth Act Now-Metro Manila at Scrap The Pork Alliance para makiisa sa noise barrage laban sa sistema ng pork barrel sa bansa. <strong>Demie Dangla/Tudla Productions</strong>

Nagtipon sa harap ng kampus ng Adamson University sa Maynila ang daan-daang estudyante ng Youth Act Now-Metro Manila at Scrap The Pork Alliance para makiisa sa noise barrage laban sa sistema ng pork barrel sa bansa. Demie Dangla/Tudla Productions

Noise barrage ng kabataan sa harap ng Bonifacio Shrine sa Maynila nitong hapon ng Agosto 15. <strong>Aries Gupit/Kontribusyon</strong>

Noise barrage ng kabataan sa harap ng Bonifacio Shrine sa Maynila nitong hapon ng Agosto 15. Aries Gupit/Kontribusyon

Isang malawakang noise barrage ang isinagawa ngayong Agosto 15 sa iba’t ibang bahagi ng Kamaynilaan para itambol ang pagtutol sa pagpapatuloy ng sistema ng pork barrel sa bansa.

Pinangungunahan ito ng #AbolishPork Movement. Nag-ingay at nagprograma ang iba’t ibang grupo para rin mangumbida sa mas malawak na publiko na lumahok sa malakihang pagtitipon sa Agosto 25, sa bisperas ng isang taong anibersaryo ng Million People March.

Kabilang sa mga nagsagawa ng noise barrage ang mga grupong nagtipon sa harap ng Korte Suprema, UP Manila, Elliptical Road, National Housing Authority, Department of Agriculture, Lung Center, Sandiganbayan, and Guadalupe (EDSA) sa tanghali.

Sa hapon naman, alas-kuwatro ng hapon, may mga pagtitipong naganap sa Philippine Womens’ University, Philippine General Hospital, Philippine Normal University, sa Kalaw at Padre Faura Avenue, sa National University, Blumentritt, Espana, E. Rodriguez, Sto. Domingo Church, at Philcoa.

Mga kawani ng gobyerno na lumuwas sa opisina para mag-ingay sa Quezon City Memorial Circle. <strong>Kontribusyon</strong>

Mga kawani ng gobyerno na lumuwas sa opisina para mag-ingay sa Quezon City Memorial Circle. Kontribusyon

“Nagpapakita si Aquino ng mga senyales ng sobrang hibang na megalomaniac (taong lango sa kapangyarihan). Sobrang high sa pork, nahihibang. Malinaw na nababaliw na ang kapita-pitaganang si Aquino: una, inatake ang Korte Suprema, tapos naglunsad ng yellow ribbon campaign na di pinatos, at ngayon naman, (inihayag) ang plano niyang mamuno habambuhay–para depensahan lang ang ilegal niyang holDAP. Nakakarinig na ba siya ng mga boses?” sabi ni Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan.

Pinatutungkulan ni Crisostomo ang pinakahuling pahayag ni Aquino na “bukas” siya sa pagrepaso sa Saligang Batas para bawasan ang kapangyarihan ng Korte Suprema at pahabaan ang termino ng kanyang Panguluhan.

Million People March: Isang Taon Pagkatapos

Samantala, mag-iisang taon na sa Agosto 26 ang protestang Million People March, na naghudyat sa malawakang pagtutol sa sistema ng pork barrel sa administrasyong Aquino. Pero sa kabila nito, at sa kabila ng pagtindig ng Korte Suprema laban sa pork barrel, nanatili ito sa pagbabadyet ng gobyerno.

Kung kaya, sa Agosto 25, Araw ng Kagitingan, muling nananawagan silang mga nag-organisa ng Million People March ng isang malawakang protesta, para muling igiit ang pagbasura sa sistema ng pork barrel. Sa Roxas Boulevard malapit sa Lunet Park, isang malaking programa ang gaganapin, habang titipunin ang pirma ng pinakamaraming bilang ng tao para sa People’s Initiative to Abolish the Pork Barrel System.

Ayon sa #AbolishPork Movment, na isa sa mga tagapanguna ng aktibidad, sinisikap nilang lalong palawakin ang suporta ng protesta at inisyatiba. Maliban sa iba pang grupong kontra-pork tulad ng #ScrapPork Network, inaasahang susuportahan din ito ng di-bababa sa 73 Katolikong obispo. Sinusuportahan din ng naturang mga obispo ang pangangalap ng pirma para makapagpasa ng batas na nagbabawal sa discretionary lump-sum spending o pork barrel.

Press conference ng mga tagapanguna para sa People's Initiative at protesta sa Agosto 25. <strong>Noemi Lardizabal-Dado/Kontribusyon</strong>

Press conference ng mga tagapanguna para sa People’s Initiative at protesta sa Agosto 25. Noemi Lardizabal-Dado/Kontribusyon

“Noong nakaraang taon, sinimulan natin ang krusada kontra sa korupsiyon (at) sa sistemang pork barrel.Isang taon na at nagawa nating iangat ang kamalayan ng publiko tungkol sa congressional at presidential pork, (gayundin ang) patronage politics at pambansang badyet. Nagwagi tayosa paglaban sa PDAF (Priority Development Assistance Fund) at DAP (Disbursement Acceleration Program) sa Korte Suprema. Pero nakakita ang gobyernong Aquino ng mga paraan para mamantine ang korap na sistema ng pork barrel,” sabi ng musiko at convenor ng #AbolishPork na si Monet Silvestre.

Kabilang sa mga hakbang ng Malakanyang para manatili ang pork barrel ay ang di-pormal na aregluhan sa pagitan ng mga mambabatas at kinatawan ng mga departamento sa gabinete ni Aquino.

“Hindi pa naipagwawagi ang laban. Kailangan na muling lumabas tayo, manindigan at pumirma laban sa pork,” sabi pa ni Silvestre.

Maliban sa #AbolishPork at #ScrapPork Netwrok, kasama rin sa magpapakilos at magpoprotesta ang mga grupong Volunteers Against Crime and Corruption, Concerned Citizens Movement, Babae Laban sa Katiwalian, Youth ACT Now, Whistleblowers Association, Artista Kontra Korapsyon, at progresibo at sektoral na mga grupo sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan.

Nakiisa ang iba’t ibang personahe sa pormal na paglulunsad sa planong protesta na ginawa noong Agosto 12, kabilang sina Bernardo Bernado; VACC Chair Martin Dino; ang artistang si Mae Paner (a.k.a. Juana Change); Renato Reyes Jr. ng Bayan; ang  whistleblowers na sina Melchor Magdamo at Col. George Rabusa; si Fr. Robert Reyes; si Victor Villanueva, na presidente ng University of Sto. Tomas Law Student Council; ang lider-guro na si France Castro; ang nars na si Robert Mendoza; si Bong Labog ng Kilusang Mayo Uno, ang petisyuner sa Korte Suprema na si Greco Belgica at ACT Teachers Rep. Antonio Tinio.

Maliban sa noise barrage kanina, maglulunsad din ang nabanggit na mga grupo ng isang People’s Congress na mag-aapruba sa panukalang batas na lalamanin ng People’s Initiative.

“Sa halip na pag-usapan ang pangalawang termino para kay Aquino, o ang tambalan at pakikipag-alyado ng mga pulitiko, dapat pag-usapan natin ang natatagong congressional pork na isiniwalat ni Rep. Tinio. Dapat mapanagot natin si Aquino sa DAP at mapigilan ang plano niya na isama sa 2015 badyet ang ilegal na mga iskemang mala-DAP,” sabi ni Reyes ng Bayan.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/08/handa-ka-na-ba-sa-malakihang-protesta-sa-agosto-25/feed/ 0
‘Noynoy nahihibang, hayok sa kapangyarihan’ http://pinoyweekly.org/new/2014/08/noynoy-nahihibang-hayok-sa-kapangyarihan/ http://pinoyweekly.org/new/2014/08/noynoy-nahihibang-hayok-sa-kapangyarihan/#comments Thu, 14 Aug 2014 07:11:32 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=30989 Pangulong Aquino, sa isang seremonya sa Kampo Aguinaldo, Quezon City. <strong>Malacanang Photo</strong>

Pangulong Aquino, sa isang seremonya ngayong Araw, Agosto 14, sa Kampo Aguinaldo, Quezon City. Malacanang Photo

Kataksilan sa alaala ni Ninoy at Cory Aquino, at ng milyun-milyong Pilipino na nagdusa at lumaban sa tiraniya ng diktadurang Marcos.

Ganito inilarawan nina Bayan Muna Reps. Neri Colmenares at Carlos Zarate ang mga pahayag ni Pangulong Aquino na bukas siya sa pagrerepaso ng Saligang Batas, kabilang ang pananatili sa poder matapos ang termino sa 2016, gayundin ang pagbawas sa kapangyarihan ng Korte Suprema.

Anila, mistulang pagdedeklara ito ng intensiyon na magpatupad ng diktadura sa bansa.

“Nahihibang at gutom sa kapangyarihan si Aquino, kaya di-sapat na mamuno. Kailangang madurog ang ambisyon niyang maging diktador. Kailangang mapatalsik siya sa puwesto para mapigilang maipataw ang masama niyang plano,” sabi ni Colmenares.

“Bago nito, bago nangyari lahat nang ito, sarado ako, aminado ako. Pero ngayon, napapag-isip talaga ako…yung tinatawag na judicial reach.  ‘Yung Kongreso, ‘yung executive, kumilos kayo. Pero at anytime, puwede namin kayong katstiguhin. At imbes na magkaroon ng tinatawag na judicial restraint. Bibihira ninyong ginagamit itong kapangyarihang ito, pero (ngayon) andalas nang ginagamit. Ngayon, yung balance between three balances, tila nawala,” sinabi ni Aquino, sa isang panayam ng  TV-5 / Interaksyon.com.

Dahil sa DAP

Para kay Colmenares, malamang na itinutulak ni Aquino ang Charter Change para hindi siya mapanagot sa Disbursement Acceleration Program (DAP) na idineklara ng Korte Suprema na ilegal noong Hulyo 1.

“Ang Cha-cha ay isa ring paraan ni Aquino para hindi siya mapanagot sa kasalanan niya sa DAP at sa pagpapatuloy ng pork barrel system dahil kapag siya’y nagtagumpay ay magkakaroon na naman siya ng immunity. Dito makikita na dapat talagang isulong ang impeachment laban kay Aquino upang siya ay mapanagot na ngayon at hindi na gumawa pa ng mga paraan para makalusot,” paliwanag pa ni Colmenares.

Sa naturang panayam, sinabi rin ng Pangulo, “Siyempre yung mga boss ko, kailangan kong pakinggan ‘yun eh.” Pinatutungkulan ni Aquino ang mga inisyatiba ng mga tagasuporta niya sa social media na nananawagan ng pangalawang termino ni Aquino–sa kabila ng pagbabawal dito ng Saligang Batas.

“Paano gugustuhin ng mga tao na tumagal pa si Aquino sa puwesto gayong sa rehimen niya dumami ang walang trabaho at mahihirap, tumaas ang presyo ng mga bilihin, lumalala ang korupsiyon at mga paglabag sa karapatan pantao?” tanong ni Zarate.

Sinabi naman ni Rafael Mariano, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na mistulang “lasing sa kapangyarihan ang pansamantalang okupante ng Malakanyang.”

“Ang nakaambang diktadurang Aquino, Cha-cha at mga maniobra para sa term extension ay itinutulak ng personal na vendetta, korupsiyon, at pagkahibang sa kapangyarihan. Ang malala pa, pinatatamis ito ng mga bogus at mapanlokong mantra ng sinasabing mga reporma na pakana ng ‘dilawang’ midya at mga pekeng-progresibo tulad ng Akbayan,” sabi pa ni Mariano.

Suporta ng ‘Yellow Army’

Sinabi naman ni Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), may kaugnayan ang bagong pahayag ni Aquino sa mga ulat na nagpaplano raw ang mga tagasuporta ni Aquino ng isang ‘Yellow Rally’ sa Agosto 25 para mag-ingay para sa pangalawang termino ni Aquino.

“May mga ulat na nakaabot sa atin na ang mga tagapanguna ng kaganapang ito ay mga personalidad na sangkot sa grupong Black and White  at Hyatt 10, gayundin ang CODE NGO (Caucus of Development NGOs),” sabi pa Reyes.

Ang grupong Black and White ay dating grupong kontra kay dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na sumuporta sa pagtakbo ni Aquino noong 2010.

Ang Hyatt 10 naman ang dating mga miyembro ng gabinete ni Arroyo na nagbitiw at sumuporta sa pagpapatalsik sa dating pangulo. Inanunsiyo nila ang kanilang pagbitiw sa Hyatt Hotel noong 2005.

Ang CODE-NGO naman ang kalipunan ng nongovernment organizations na nasangkot sa maanomalyang mga transaksiyon noong panahon ng administrasyon ni Fidel Ramos, pero sumuporta kay Aquino. Marami sa mga miyembro nila, katulad nina Teresita Quintos Deles at Dinky Soliman ay nasa gabinete ngayon ni Aquino.

Maliban sa mga tagasuporta mula sa dating civil society na nasa gabinete na ni Aquino, mahigpit din ang suporta sa kanya ng mga alyado ng Pangulo mula sa Liberal Party. Kasama sina Caloocan Rep. Edgar Erice at Samar Rep. Ben Evardone, na pawang mga miyembro ng Liberal Party, sa nagtatambol ng panawagang pangalawang termino para sa Pangulo.

Walang clamor

Para kay Reyes, tila “masyadong mataas” ang tingin ng Pangulo sa sarili niya, na kaya niyang labagin ang Saligang Batas at baguhin ito sang-ayon sa kanyang kagustuhan, habang “kinakapon” ang Kongreso at Korte Suprema–dahil lamang may sinasabing clamor o kagustuhan ng marami na manatili siya lampas ng 2016.

“Malinaw na walang clamor ang mga tao na iekstend niya ang termino niya. Ang matinding clamor ng mga mamamayan ay para sa pagbasura sa korap na sistemang pork barrel na pinagpapatuloy ni Aquino at para maparusahan ang nagdambong at nag-abuso ng kapangyarihan (sa gobyerno), kabilang si Aquino,” paliwanag pa ni Zarate.

 

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/08/noynoy-nahihibang-hayok-sa-kapangyarihan/feed/ 0
Pambansang badyet sa 2015, ‘pork barrel budget’ pa rin http://pinoyweekly.org/new/2014/08/pambansang-badyet-sa-2015-pork-barrel-budget-pa-rin/ http://pinoyweekly.org/new/2014/08/pambansang-badyet-sa-2015-pork-barrel-budget-pa-rin/#comments Sat, 09 Aug 2014 08:38:40 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=30845 Pagdinig ng Kamara sa panukalang pambansang badyet para sa taong 2015. <strong>Pher Pasion</strong>

Pagdinig ng Kamara sa panukalang pambansang badyet para sa taong 2015. Pher Pasion

Inuulan na ng batikos mula sa iba’t ibang panig ang administrasyong Aquino dahil sa pagkakasangkot sa eskandalong pork barrel—ng mga kaalyado man nito sa Kongreso o maging ng mismong pangulo sa uri ng Disbursement Acceleration Program (DAP).

Pero hindi pa rin ito nakapigil sa pagpasok ng mala-pork barrel na alokasyon sa 2015 pambansang badyet.

Sa pagsalang ng P2.6 Trilyong 2015 proposed budget ng Development Budget Coordinating Committee (DBCC) sa House Committee on Appropriations sa Kamara, nahalata ng mga kritiko na nanatili pa rin ang mga katulad ng DAP na idineklara ng Korte Suprema nang labag sa Konstitusyon.

Ayon kay Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, binago ng DBCC ang depinisyon ng savings sa 2015 proposed national budget para maiwasan ang desisyon ng Korte Suprema na nagbabawal sa Priority Development  Assistance Fund (PDAF) at DAP.

Bayan Muna Rep. Neri Colmenares habang tinataong si Department of Budget and Management Sec. Florencio Abad kaugnay ng panukalang badyet para sa 2015. <strong>Pher Pasion</strong>

Bayan Muna Rep. Neri Colmenares habang tinatanong si Department of Budget and Management Sec. Florencio Abad kaugnay ng panukalang badyet para sa 2015. Pher Pasion

“Una, inamin ni (Budget) Secretary (Florencio) Abad na binago nila ang depinisyon ng savings dahil sa desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng DAP. At sa proposed 2015 budget, inamin nila na it will grant the president the power to realign the budget,” ani Colmenares, sa panayam ng Pinoy Weekly.

Sinabi ni Abad na hindi na raw masasakop ng desisyon ng Korte Suprema laban sa DAP ang savings kapag napalitan na ng Kongreso ang depinisyon nito.

“The Constitution mandates Congress to define what savings is. It is not the Supreme Court that will define what savings is,” ayon kay Abad. “Hindi ho kami ang nagbago. Binago ng Korte Suprema. That’s why we are going back to Congress to review that decision.”

Ipinakikita umano ng panukalang badyet na hindi pa rin nais tanggalin ng administrasyong Aquino ang pork barrel nito sa proposed national budget. Nagpapakita umano ito na sinusuportahan ni Pangulong Aquino ang pork barrel, ayon kay Colmenares.

Sa pag-aaral ng Kabataan Party-list sa baydet, tinatayang nasa P501.6 Bilyon ang lump sum funds sa anyo ng special purpose funds na programmed (P378.6-B) at special purpose funds na unprogrammed (P126.03-B) ang nakapaloob sa 2015 proposed budget.

Department of Budget and Management Sec. Florencio Abad habang sinasagot ang mga tanong sa kanya kaugnay ng 2015 proposed budget sa Kamara.<strong>Pher Pasion</strong>

Department of Budget and Management Sec. Florencio Abad habang sinasagot ang mga tanong sa kanya kaugnay ng 2015 proposed budget sa Kamara. Pher Pasion

Pork barrel budget pa rin ito at in the same time election budget din. Nariyan pa rin ang lump sum funds,” ayon kay Colmenares.

Paliwanag ni Colmenares, parang magiging dalawa ang badyet pagdating ng 2015: ang una, aaprubahan ng Kongreso; at pagkatapos ng kalahati ng taon, ang badyet naman na aaprubahan ng presidente mula sa “savings” na makukuha nito.

Ang sampung nangungunang departamento para sa badyet sa 2015: edukasyon (P365.1-B), public works and highways (P300.5-B), national defense (P144 -B), interior and local government (P141.4-B), social welfare and development (P109-B), kalusugan (P102.2-B), agrikultura (P88.8-B), transportasyon at kumunikasyon (P59-B), environment and natural resources (P21.3-B), at siyensiya at teknolohiya (P19.4-B).

Walang dagdag-sahod

Wala namang aasahan ang mga nasa kawani ng pamahalaan ng anumang dagdag sa kanilang sahod, ayon kay Abad nang tanungin ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio.

Salary increase, wala ho… Ang gagawin po namin d’yan, we are targeting 2016,” ayon kay Abad.

Paliwanag ni Abad, hindi umano natapos ang sarbey para sa dagdag-sahod na ginawa sa buong bansa partikular sa mga tinamaan ng bagyong Yolanda noong naraaang taon. Dagdag pa ni Abad, inaalala din daw ng gobyerno ang impact ng paglaki ng pondo para sa makakakuha ng pensiyon sa mga retirado kung itaas na lang basta ang sahod ng mga kawani.

Sinabayan naman ng protesta ng mga kababaihan at kabataan sa labas ng Kamara ang ginagawang pagdinig para sa 2015 national budget. Giit nila na dapat managot ang mga sangkot pa rin sa pork barrel at DAP.<strong>Pher Pasion</strong>

Sinabayan naman ng protesta ng mga kababaihan at kabataan sa labas ng Kamara ang ginagawang pagdinig para sa 2015 national budget. Giit nila na dapat managot ang mga sangkot pa rin sa pork barrel at DAP.Pher Pasion

“Ibig sabihin, one year delayed ang salary increase,” paliwanag ni Tinio, dahil dapat magkaroon na ng pagtaas sa sahod ng mga kawani sa ilalim ng Salary Standardization Law (SSL). Sa SSL, dapat kada tatlong tao’y nagkakaroon ng proposal ang DBM para sa adjustment sa sahod ng mga kawani.

Kinuwestiyon naman ni Anakpawis Rep. Fernando Hicap ang paglaki ng mahihirap na Pilipino sa kabila ng sinasabing “inclusive growth” umano ng Pilipinas. Hindi raw kasi malinaw kung bakit kailangan pang taasan ang badyet para sa condition cash transfer mula P62.6-B noong 2014 patungong P64.7-B para sa 2015.

Papalaking utang

Kinuwestiyon naman nina Gabriela Women’s Party Rep. Luzviminda Ilagan at Colmenares ang panibagong uutangin ng Pilipinas na nasa P700.8-B, samantalang mayroon naman palang nakukuhang savings ang gobyerno.

Ayon sa DBCC, nasa P6.596-T ang inaasahang magiging kabuuang utang ng Pilipinas sa taong 2015. Nangangahulugan ito ng pagkakautang ng P62,856 bawat Pilipino sa 102.965 na magiging populasyon pagdating ng 2015 gamit ang pagtatantsa National Statistical Coordination Board, ayon sa datos ng Kabataan.

“Ibig sabihin nito, kahit ‘yung mga Pinoy na hindi pa pinapanganak ngayon, may utang na agad na halos P63,000 pagdating ng 2015,” ayon kay Kabataan Rep. Terry Ridon.

Kabilang din sa pagkukunan ng badyet ng DBM para sa P2.6-T badyet sa 2015 ang magmumula sa koleksyon ng buwis, non-tax revenues, at pribatisasyon. Magreresulta ito sa pagtaas ng buwis–pagtaas ng singil sa governments fees, halimbawa, at pagtataas ng mga singilin sa mga serbisyo tulad ng mga ospital at transportasyon gaya ng Metro Rail Transit at Light Rail Transit.

Samantala, mananatili sa kontrol ng Malakanyang ang napakalaking lump sum–ang bagong bersiyon nito ng presidential pork barrel.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/08/pambansang-badyet-sa-2015-pork-barrel-budget-pa-rin/feed/ 0