Main Story

10 dahilan kung bakit di ginawaran ni Noynoy ng National Artist Award si Nora Aunor


Hanggang sa pagkakasulat nito, tila malabo pa rin sa mga tagapagsalita ng Malakanyang kung bakit tinanggal ang pangalan ni Nora Aunor sa mga gagawaran ng National Artist. Basta ang sabi ni Sonny Coloma, nasa discretion ng Pangulo ito, di niya kailangang magpaliwanag. Siya ang tanging may prebilehiyo na mamili kung sino ang karapat-dapat — hindi […]

Nora Aunor, noong nagbalik-telebisyon siya, taong 2011. <strong>WIkimedia Commons</strong>
Nora Aunor, noong nagbalik-telebisyon siya, taong 2011. Wikimedia Commons

opinyon-iconHanggang sa pagkakasulat nito, tila malabo pa rin sa mga tagapagsalita ng Malakanyang kung bakit tinanggal ang pangalan ni Nora Aunor sa mga gagawaran ng National Artist. Basta ang sabi ni Sonny Coloma, nasa discretion ng Pangulo ito, di niya kailangang magpaliwanag. Siya ang tanging may prebilehiyo na mamili kung sino ang karapat-dapat — hindi iyung mga kapwa artista, hindi mga alagad ng sining, hindi mga kritiko at patrons ng sining, hindi ang mga mamamahayag, at hinding hindi ang mga mamamayang Pilipino na tumatangkilik sa sining at popular na kultura. Siya lang. You already.

May narinig din tayong tsismis na moralidad daw ang batayan kung bakit binura ang pangalan ni Superstar sa listahan ng gagawaran ng titulong Pambansang Alagad ng Sining. Pero kung uuriratin ang buhay ng bawat National Artist, siguradong may madidiskubreng “imoralidad” sa ilan sa kanila. Personal na kahinaan man iyan (“May pangalawa siyang pamilya!”) o pampulitika (“Sinuportahan niya si Marcos!”) hindi maiiwasan na magkaroon ng bahid ng kahinaan kahit ang kapita-pitaganang mga artista ng bayan. Pero sabi nga, hindi ito ang dapat na batayan ng pagiging National Artist. Artist nga eh, hindi santo, ang hinahanap natin.

Sa kabila ng kabalintunaan ng mga tagapagsalita ng Pangulo, tahimik mismo si Noynoy Aquino. Kung kaya, hayaan ninyo kaming pabirong mag-speculate: Ano kaya ang 10 dahilan kung bakit ayaw ng Pangulo na gawing Pambansang Alagad ng Sining ang isang Nora Aunor?

1. Dahil may kahawig siyang dating Pangulo na kinamumuhian ng kasalukuyang Pangulo.

La Gloria ala La Aunor: DI kasalanan ni Ate Guy na mistulang kinopya ng dating pangulo ang kanyang hitsura.
La Gloria ala La Aunor: DI kasalanan ni Ate Guy na mistulang kinopya ng dating pangulo ang kanyang hitsura.

Unahin na natin ito. Obvious, di ba. Ayon sa urban legend, pinadron ni Gloria Macapagal-Arroyo ang hitsura niya sa Superstar noong nangangampanya siya. May posing pa siya sa mga poster na Norang Nora. Pati nunal. Maaalala rin nating nagrali si Nora Aunor laban kay Erap noong EDSA Dos — ang popular na pag-aalsa na nagluklok sa poder kay Gloria. At dahil sa galit ni Noynoy sa dating Pangulo, pati iyung artistang ginaya ng huli, pinagdiskitahan niya.

2. Dahil baka marekluta ng Oposisyon si La Aunor para tumakbo sa 2016.

Ewan natin kung ano ang latest sa relasyong Erap at Nora–kung nagbati na sila magmula noong EDSA Dos. Anu’t anuman, minsan na nating nakita ang Superstar na tumakbo sa isang pampulitikang posisyon–bilang gobernador ng Camarines Sur, noong 2001. Tumakbo siya sa ilalim ng Aksyon Demokratiko ni Raul Roco, na nasa ilalim naman ng People Power Coalition ng administrasyong Arroyo. Pero, sa mismong kampanya, ang kuwento’y naging makinarya niya ang mga Maka-Kaliwa, lalo na ang mga miyembro ng Bayan Muna. Ang balita rin natin, hindi ganun kaaktibo si La Aunor sa pangangampanya kaya natalo siya. Pero sa malayong senaryo na mapapatakbo siya para maging bise-presidente (o senador) sa 2016, at dahil sa tila’y muling-pagkabuhay ng career niya, malaki ang tsansa niya. Pero…gusto ba nating maging pulitiko ang nag-iisang Superstar?

3. Dahil matapos ang backlash sa reputasyon ni Noynoy nang aminin niyang naninigarilyo siya, ayaw na ng Pangulo na maggawad ng Award sa isa pang sinasabing nagpo-promote ng paninigarilyo.

Nora sa cover ng "Yes Magazine" (Oktubre 2011)
Yosi Girl: Nora sa cover ng “Yes Magazine” (Oktubre 2011)

Yosi Kadiri si Noynoy, at matindi na ang natanggap niyang mga puna sa pagdedepensa sa kanyang bisyo. Kaya, sabi sa haka-hakang ito, ayaw na niyang palalain ang masamang reputasyon. Si Nora, na na-feature sa isang magasin na naninigarilyo, ay masamang ehemplo sa kabataan. Dati pang napuna ang magazine cover na ito.

4. Dahil naniniwala si P-Noy na masamang ehemplo si La Aunor sa dating paggamit ng huli ng bawal na gamot.

Ate Guy sa pelikulang "'Merika" (1984)
Ate Guy sa pelikulang “‘Merika” (1984)

Siyam na taon na ang nakakaraan nang mahuli si Nora na may dalang shabu sa Los Angeles International Airport. Mula noon, naungkat na sa publiko ang paggamit niya ng bawal na gamot — isang bagay na hindi naman kataka-taka at hindi naman unique sa showbiz. Alam naman nating laganap ang paggamit ng recreational drugs sa mga artista. Dahil ito, siyempre, sa napakadaling akses nila sa mga droga. Pero dahil din sa presyur ng trabaho. Siyempre, hindi dapat kinukunsinti ang paggamit nito. Pero sabi nga, biktima sila. At naalpasan na ito ni La Aunor sa kanyang buhay.

5. Dahil maraming beses nang sinabi ni Noynoy na di pa niya tiyak ang tindig niya sa same-sex marriage; nabalitang nagpakasal si Ate Guy sa isang kapwa-babaing partner noong 2000.

Kapag sinabing “moralidad” ang batayan ng Palasyo, posibleng di lang tinutukoy nito ang dating problema ni Nora sa bawal na gamot. Samantala, bagamat di pa tiyak ni Noynoy ang tindig niya sa same-sex marriage, maraming beses na niyang inihayag na di siya sang-ayon sa child adoption ng gay couples–isang posisyon na ayon sa mga kritiko’y mistulang di-pagsang-ayon sa same-sex marriage. Samantala, sinabi ni Ate Guy sa isang panayam na maaaring “bisexual” siya. Walang kinalaman dapat ang seksuwal na oryentasyon sa pagpili kung karapatdapat o hindi na maging National Artist si Nora. Pero halimbawa’y totoo ito, magtataka pa ba tayo kay Noynoy?

6. Dahil sa programang counter-insurgency na Oplan Bayanihan. Isa sa pinaka-memorableng roles ni Ate Guy ang armadong rebelde sa Andrea, Paano Ba Ang Maging Isang Ina?

Andrea, Paano Ba Ang Maging Isang Ina? (1990)
Andrea, Paano Ba Ang Maging Isang Ina? (1990)

Isa sa pinakamahusay na ginanap na roles ni La Aunor ang pagiging Andrea sa naturang pelikula. Si Andrea ay isang gerilya, miyembro ng New People’s Army o NPA na napuwersang mag-iwan ng kanyang anak sa isang kaibigan matapos mamatay ang kanyang asawang gerilya rin. Isa ito sa iilang pelikulang Pilipino na simpatetiko at makataong pagsasalarawan ng mga rebelde. Ina si Andrea na may ipinaglalaban, pero ina pa rin siya. Noong Marso, nahuli ng militar ang anak ng dating tagapagsalita ng mga rebelde sa totoong buhay na si Gregorio “Ka Roger” Rosal. Si Andrea Rosal, na namatayan ng kapapanganak-pa-lamang na sanggol dahil sa marahas na kondisyon ng kulungan ng gobyerno ni Aquino, ang isa sa pinakatanyag na political prisoners ni Aquino ngayon.

Siya nga pala, ipinakita rin ng pelikulang Andrea ang mga paglabag sa karapatang pantao noong panahon ni Cory Aquino.

7. Dahil sa The Flor Contemplacion Story — pelikulang tumutuligsa sa unwritten na polisiya ng gobyerno na Labor Export Policy, o ang pagtutulak ng gobyerno na mangibang bayan ang mga Pilipinong manggagawa dahil di sila mabigyan ng gobyerno ng trabaho sa sariling bansa.

Sa lahat ng pelikulang Pilipino, iilan lang ang direktang pumaksa sa problema ng puwersahang migrasyon sa mga Pilipino. Sa The Flor Contemplacion Story, direktang pinaksa ito, at direkta ring inilantad ang pananagutan ng gobyerno. Bagamat panahon pa ni Fidel Ramos ang kaso ni Contemplacion, nagpapatuloy ang polisiya ng labor export policy sa ilalim ni Noynoy Aquino. Katunayan, tulad ng nakaraang mga rehimen, remitans pa rin ng Overseas Filipino Workers (OFW) ang bumubuhay sa ekonomiya ng bansa. Kapag nahirang si Nora bilang National Artist, tiyak na babalikan ng publiko ang pelikulang ito–at mapapaalala sa kainutilan ng gobyerno, noon at ngayon, na pangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga Pilipino sa ibayong dagat.

Eksena mula sa The Flor Contemplacion Story
Eksena mula sa “The Flor Contemplacion Story” Fukuoka Film Archive

8. Dahil sa Sa Ngalan ng Ina. Ala-Cory Aquino ang karakter ni Nora na lumaban sa despotikong gobernador na karakter ni Christopher de Leon sa eleksiyon.

Sa comeback ni Ate Guy sa telebisyon noong 2011, gumanap siya ng karakter na kapwa pamilyar sa kanyang sariling karanasan (bilang dating gubernatorial candidate sa Camarines Sur noong 2001) at sa kasaysayan ng bansa. Ikinatuwa ng marami ang muling pagpapakita ng husay ni Nora sa pagganap ng isang nagluluksang asawa na natulak sa pulitika. Pero posible ring ikaasar ng pamilya Aquino ito–malinaw ang reference kay Cory, pero nagpaalam ba ang TV-5 sa kanilang pamilya? Isa pa, may plot twists na ikakataas ng kilay ni Noynoy at Kris Aquino: ang love interest ng anak ng karakter ni Nora at anak ng karakter ni Christopher, ala-Kris at Bongbong.

9. Dahil buung-buong ibinukas na ni Noynoy sa tropang Kano ang Pilipinas sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA); samantala, ang pelikula ni Nora na “Minsa’y Isang Gamugamo” pa rin ang isa sa iilang pelikulang direktang nagsisiwalat sa mga abuso ng tropang Kano sa Pilipinas.

Hanggang ngayon, mabibilang pa lamang sa daliri ng isang kamay ang mga mainstream na pelikulang tumatalakay sa imperyalismong US, lalo na ang presensiya (at mga abuso) ng tropang Kano sa Pilipinas. Pinakatanyag at pinakamahusay sa mga pelikulang ito ang pelikula ni Ate Guy na may katagang “My brother is not a pig!” Halaw sa tunay na karanasan ng mga Pilipinong nakatira malapit sa base-militar ng Kano ang pelikulang ito; tiyak na di gugustuhin ng administrasyong Aquino na muling mapalaganap ang pelikulang bumabatikos sa EDCA na nilagdaan ni Aquino.

10. Dahil sa kanyang mga pelikula, kinakatawan ni Nora Aunor ang ordinaryong mamamayan na inaapi, dinudusta, pinagsasamantalahan. Pero, tulad ni Bona, maghihimagsik siya at patutumbahin ang mga mapang-api.

Walang himala: Si Nora sa pelikulang "Himala" (1982)
“Walang himala!”: Si Nora sa pelikulang “Himala” (1982)

Dahil marahil sa kanyang pisikal na hitsura, sa restrained na pag-arte, at sa kanyang screen presence, mas madaling naka-relate ang masa kay Nora. Sa kanyang mga karakter sa pelikula, katulad din nilang nagdurusa si Ate Guy; katulad din nilang wagas kung umibig, pero inaabuso, niyuyurakan ang karapatan. Mula sa “seryosong” mga pelikula niya noong huling bahagi ng dekada ’70 (Minsa’y Isang Gamugamo, Tatlong Taong Walang Diyos) hanggang dekada ’80, (Bona, Himala, Condemned, ‘Merika, Bulaklak ng City Jail, Bilanging ang Bituin sa Langit) hanggang dekada ’90 (Andrea Paano Ba Maging Isang Ina?, Ang Totoong Buhay ni Pacita M., The Flor Contemplacion Story, Bakit May Kahapon Pa?, Sidhi) hanggang sa huling dalawang dekada (Sa Ngalan ng Ina sa telebisyon, Thy Womb, Ang Kwento ni Mabuti).

Nora bilang Bona at Philip Salvador bilang Gardo.
Nora bilang Bona at Philip Salvador bilang Gardo.

Pero kung may karakter si Ate Guy na kakatawan sa lahat ng karakter sa mga pelikulang ito, marahil ito na si  Bona. Dalisay ang pagmamahal ni Bona sa lalaking walang pagmamahal sa kanya. Pinag-iigib, pinaglilinis, pinagluluto niya si Gardo. Sukdulang itakwil pa siya ng kanyang pamilya at mamatay ang ama sa sama ng loob, bumalik pa rin si Bona kay Gardo. Pero nang mamulat sa mapagsamantalang relasyon, nang sabihin ni Gardo na lalayasan na niya si Bona  para pumuntang Amerika (kasama ang isa pang babae), nagpasya siyang tapusin ang lahat–at makamit ang hustisya.

Sabi nga ng iba, kinakatawan ni Nora ang kabaliktaran ni Noynoy. Si Nora na nagmula sa hirap, at si Noynoy na lumaki sa yaman. Si La Aunor na kinatawan ang masa, si El Aquino na kinakatawan ang mayayaman, lalo na ang mga asendero.