Pinoy Weekly » (Kolum) http://pinoyweekly.org/new Philippine news, analysis, and investigative stories Sun, 03 Aug 2014 17:56:33 +0000 en-US hourly 1 http://wordpress.org/?v=3.9.1 Para kay Vice Ganda http://pinoyweekly.org/new/2014/07/para-kay-vice-ganda/ http://pinoyweekly.org/new/2014/07/para-kay-vice-ganda/#comments Wed, 30 Jul 2014 01:52:53 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=30734 Magandang araw. Nabasa ko ang limang tweets mo kaugnay ng State of the Nation Address ni Pang. Noynoy Aquino noong Hulyo 28. Sumusulat ako sa iyo dahil impluwensyal ka, maraming kababayan natin ang nakikinig at tumutulad sa opinyon mo sa maraming bagay. Mahalaga para sa akin na isang aktibista na masagot ang pagpuri mo kay Aquino at pagtuligsa sa mga nagprotesta. Iyun nga lang, hindi kita masagot sa pormang tweet din, at mas mainam na siguro iyun para mas matalakay ang mga usapin. Gusto ko rin talagang ipakita na mas kumplikado ang mga isyu para sa pormang tweet.

Kung susuriin, inilabas mo sa naturang tweets ang lahat ng armas mo na dahilan kung bakit ka sikat ngayon, mga armas na tila manerismo na lang para sa iyo na mahusay na komedyante: Iyung pagbatay sa pagdama o emosyon sa paggawa ng husga, paghalaw sa moralidad ng karaniwang tao, paglalantad ng totoong makitid na motibo sa likod ng marangal na aksyon, mabilis na pasaring sa nakakasagutan, at pagkutya sa masagwang aksyong kabaligtaran ng matayog na pahayag. Ang mga ito ang madalas mong gawin bilang komedyante — at tagahubog ng opinyong publiko, namamalayan mo man o hindi.

At ginamit mo ang mga armas mo pabor kay Aquino at kontra sa mga nagprotesta. Nagbatay ka sa pagdama noong sinabi mong naapektuhan ka ng talumpati niya. Humalaw ka sa moralidad ng karaniwang tao nang punahin mo ang mga tumutuligsa sa kanya dahil walang perpektong pangulo. Inilantad mo ang “totoong motibo” sa likod ng mga “nag-aaklas” — ang “pambili ng bigas.” Nagpasaring ka kay Teddy Casiño na hindi siya nakatanggap ng pera mula sa kontrobersyal na DAP kaya siya “tumatalak.” Kinutya mo ang mga nagprotesta sa maruming pulitika dahil nag-iwan sila ng dumi sa kalsada.

Bakit ganoon? Bakit naramdaman mo ang emosyon sa SONA ni Aquino, pero hindi ang galit ng mga nagprotesta sa labas? Bakit mas pinipili mong panghawakan iyung kawalan ng perpekto at hindi ang dapat na pagpapanagot sa nagkasala? Bakit iyung motibo ng mga nagpoprotesta, pinupulaan mo, pero bulag ka sa totoong motibo sa paiyak-iyak ni Aquino, ang magpaawa dahil arogante siya sa pagtatanggol sa DAP? Bakit hindi mo alam na kaiba ang grupo ni Casiño sa mga nasusuhulang tradisyunal na pulitiko? Bakit hindi mo kutyain na naging fashion show ang pag-uulat ng lagay ng maralitang bansa?

Hindi kita gustong sumbatan; seryosong mga tanong iyan. Ang gusto kong sabihin: Iyung mga nagprotesta, may mga dahilan, mga batayan — lampas sa paghahanap ng perpekto, lampas sa pambili ng bigas, lampas sa hindi pagtanggap ng pera galing DAP, nakapag-iwan man sila ng dumi sa kalsada o hindi. Ito ang pinakamalaking protesta sa limang SONA ni Aquino. Tinakot sila gamit ang maraming pulis at militar, ginawang garison ang lugar ng protesta nila, at binomba pa sila ng tubig — pero nanatili sila. Hindi kaya karapat-dapat sila sa pagrespeto’t pakikinig man lang, at hindi agad na paghusga?

Hindi ko gustong baguhin ang pagpanig mo; hindi iyan kayang gawin ng isang sulat. Pero nakapag-aral at matalino ka. Sana palawakin mo pa ang pananaw mo, Vice. Sumikat ka dahil sa masa at, sa kasaysayan ng bansa natin, talagang nagpoprotesta ang masa dahil sa kalagayan nila lalo na’t may nalalantad na korupsyon sa gobyerno. Bakla ka, na nakakaramdam ng diskriminasyon at pang-aapi; may ganyan ding nararanasan ang masa, at mas matindi pa. Nagbago na ang uri o katayuan mo sa buhay pero Viceral ka pa rin, at napakasagwa kung mag-aasta kang para kang Cojuangco tulad ni Kris.

Sasabihin mo siguro nang pakutya, “Para limang tweet lang, andami nang sinabe?” Pasensya na, hindi kasi ganoon kasimple. May mapupulot sa Bibliya sa usaping ito: “At sa sinumang binigyan ng marami ay marami ang hihingiin sa kanya: at sa sinumang pinagkatiwalaan ng marami ay lalo nang marami ang hihingiin sa kanya.” Uulitin ko: namamalayan mo man o hindi, humuhubog ka ng opinyong publiko. Hindi ka na lang basta nagpapahayag ng saloobin ngayon. Sana, huwag kang basta magsalita batay sa paimbabaw na persepsyon at sana, tiyakin mong makamasa ang iyong mga deklarasyon.

30 Hulyo 2014

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/07/para-kay-vice-ganda/feed/ 25
We’ll Sharpen Our Bolos http://pinoyweekly.org/new/2014/07/well-sharpen-our-bolos/ http://pinoyweekly.org/new/2014/07/well-sharpen-our-bolos/#comments Tue, 22 Jul 2014 16:00:30 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=30505 we’ll sharpen our bolos
when fear lurks in the heart
when the stars are bleak and sad
and the sun’s rays are cold and pale.
we’ll sharpen our bolos
when withering are the flowers
when the trash is not on fire
when the dews glitter not on the grass
and not a single firefly twinkles in the night.

yes, we’ll sharpen our bolos
when more fortunate are the rats
than the poor like us
we, “the wretched of the earth”
we, the workers and peasants
enslaved by the soil and machine
of the gluttonous ruling class
yet our belly groans most of the time
while they wallow in the blessings
coming out from our sweat and blood.

we’ll sharpen our bolos
especially when feverish are our tots
their stomachs aching through the night
and not a drop of milk comes out
from the sagging breasts of their moms
long tormented by poverty and despair
we’ll sharpen our bolos
when even the cold, cooked-rice in our pots
is devoured by our avaricious landlords
and our anemic coffee and arm’s sweat
are gulped by our predator ruling class.

we’ll sharpen our bolos
when your justice is elusive as the clouds
when slow-paced as the crawling snails
with no pangs for the rich and powerful
and plunderers of public funds
but repressive for the weak and poor
sharp spears they are piercing our hearts
bulldozers trampling upon our sacred rights
stunting our growth and dimming our hopes
for a better, peaceful, democratic life.

yes, we’ll sharpen our bolos
when our beloved la tierra pobreza
is rapaciously being raped
when foreign masters are mashing
her luscious, milky breasts
and her sacred sovereignty
is being disgraced and sold
by the lords of power and gold
yes, we’ll sharpen our bolos
till social justice reigns
till our beloved land
is set free from the clutches
of injustices and penury
till the rampaging waves of change
and the hurricane of discontent
demolish and pulverize her prison walls!

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/07/well-sharpen-our-bolos/feed/ 0
DAPat Managot http://pinoyweekly.org/new/2014/07/dapat-managot/ http://pinoyweekly.org/new/2014/07/dapat-managot/#comments Sun, 20 Jul 2014 07:37:49 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=30445 Simula nang ideklara ng Korte Suprema noong Hulyo 1 na labag sa Konstitusyong 1987 ang Disbursement Acceleration Program (DAP), marami nang nasulat at nasabi ang mga kritikal sa naturang programa. Dumami pa ang mga ito nang ipagtanggol ni Pang. Noynoy Aquino ang DAP sa kanyang talumpati sa telebisyon noong Hulyo 14. Matapos ang pagdepensa sa sistemang pork barrel, kriminal na pagpapabaya sa mga biktima ng superbagyong Yolanda, at pag-apruba sa Enhanced Defense Cooperation Agreement, ang Hol-DAP na ang pinakamalaking kontrobersyang yumanig sa rehimen ni Aquino.

Matibay ang mga batayan nila: (1) Inilihim ng rehimen ang pagpapatupad ng DAP sa mga taong 2011-2013, nasiwalat lang nang ibulgar ni Sen. Jinggoy Estrada ang P50-milyong suhol sa mga senador matapos ang pag-impeach kay dating Chief Justice Renato Corona. (2) Labag sa Saligang Batas ang DAP, partikular sa prinsipyo ng solong kapangyarihan ng Kongreso na magtakda ng pambansang badyet, pag-iwas sa pagkontrol ng ehekutibo sa lehislatura at hudikatura sa pamamagitan ng badyet, at pagtataguyod sa dapat na “checks and balances” sa tatlong sangay ng gobyerno.

(3) Sa aktwal, ginamit na pork barrel ni Aquino ang DAP, instrumento ng korupsyon at patronage, tampok ang pagsuhol sa mga senador sa impeachment ni Corona at iba pang anomalyang natutuklasan at matutuklasan pa. (4) May pagtatakip o cover-up na patuloy na ipinapatupad ang rehimen sa paggastos sa DAP, tampok ang pagtangging i-audit ito ng Commission on Audit at ulat na pangkalahatan hinggil dito ng Department of Budget and Management. (5) Napaka-arogante ni Aquino, samu’t sari ang palusot at palabas para panindigan ang pagkakamali na napakalinaw sa marami at dumarami sa bansa.

Sa kabilang banda, napakarami na ring nasulat at nasabi ng mga tagapagtanggol ng DAP at ng rehimeng Aquino. Pero hindi matibay ang depensa nila — hindi solidong mga argumentong nakakakumbinsi, kundi parang maliliit na kahoy-kahoy na iniharang sa bumubwelong tren ng makatwirang pagtuligsa at galit ng mga mamamayan. Tampok na halimbawa ang sinabi ni Rep. Walden Bello ng Akbayan, na may mga taong kahit buhay-pag-ibig ni Aquino ay gagamitin para i-impeach ito. Nauubusan na ng depensa ang rehimen: si Bello, ang makutatang propesor, ay humantong na lang sa patutsada.

Tampok ding halimbawa ang pagyayabang ng rehimen na nakatulong sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa ang DAP. Masinsing sinagot ito ni Sonny Africa ng Ibon Foundation: Para makatulong sa ekonomiya ang pagbubuhos ng pondo ng gobyerno, dapat malaki ang pondo at mabilisan ang pagbubuhos, at dapat ay ilaan ito sa mga proyektong may malaking epekto sa ekonomiya. Pinagtibay ni Africa ang mga argumentong madaling maunawaan ng publiko — na hindi nakakapagpaunlad sa ekonomiya ang pork barrel gaya ng DAP, at hindi umuunlad ang ekonomiya, piryod.

Dahil matibay ang mga batayan ng mga kritikal sa DAP at rehimen at walang sinabi ang mga satsat ng mga tagapagtanggol, lumalakas kahit sa midyang mainstream ang nauna — bagamat nainterbyu pa rin si Randy David, lider ng Akbayan at kumikita ang mga kaanak sa pamahalaan, bilang “manunuring pampulitika” noong Hulyo 14. Lumalakas din sila sa social media — bagamat lumaganap pa rin si Raissa Robles na, sa kanyang estilo ng pag-ipit sa anumang orihinal na datos o pagtingin hanggang dulo ng artikulo, ay nagtangkang kumontra sa Korte Suprema at magbigay ng depensa sa rehimen.

Magandang sintomas ng panahong ito ang alagad ng sining na si Juana Change, kasama sa kilusang patalsikin si Gloria Macapagal-Arroyo na paglaon ay sumuporta kay Aquino. Dahil sinsero at seryoso siya sa pagkontra sa pork barrel at korupsyon, kritikal na rin siya sa rehimeng Aquino ngayon. Galing siya sa kampong maka-Aquino, at mas maraming Pilipino ang ni hindi nagmumula doon. Sa pagsigla ng mga talakayan sa mga komunidad, sakahan, empresa, opisina at paaralan, titining ang tama at mali lampas sa mga palusot at palabas ng rehimen, at mas marami ang kikilos sa darating na panahon.

20 Hulyo 2014

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/07/dapat-managot/feed/ 0
Armadong Akrostik (2) http://pinoyweekly.org/new/2014/07/armadong-akrostik-2/ http://pinoyweekly.org/new/2014/07/armadong-akrostik-2/#comments Tue, 08 Jul 2014 17:44:08 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=30368 Parang tula na rin ang kantang Akrostik ni Dong Abay—isang shopping list o catalog poem ng mga pangalan ng mga mang-aawit—hindi sila si Dong.

Unti-unti niyang binubuo ang kanyang pangalan. Sa huli, sa letrang ‘Y,’ ay sinagot ni Dong kung sino siya: Yano, yano, ‘yan ako. Ako ay sino ba?

“Yano” ang tawag sa isang simpleng tao. Sino nga ba siya? Bakit kailangan pang sinuhin?

*     *     *

“And the madness of the dark swelling with rage, swelling with rage
I am Wrath, I am Ire,
I would like to squeeze your rotten flesh until you burst,
the violence purged.”
I Am Ire, The Badger King

*     *     *

Maaaring maglaman ng galit at panawagan ang isang tula. Halimbawa, narito ang isang tula:

MAY SA-GUIMARAS

Yaong along
Umaahon,
Dilang-alat.
Iniimis
Pagpalikpik,
Umiilag.
Talusaling
At mailap.

~

Nagsisi-dekolores
Yaong mga korales.
Opera ng pagtangis?

~

May tuyot na bagabag
Galing sa hanging-dagat.
Ang pagsutsot ay malat.

~

Bitak-bitak—
Iyong mga balat, bitak-bitak.
Lumba-lumba at balyena
Ay nagsisipalag.
Talaba at halaan
Sing-itim ng alkitran
Iyong dinarahak.
Nayatyat sa burak
Gubat ng bakawan.

~

Iyong bapor-buwaya
Langis ang ibinuga.
O lasong sakdal-kinang,
Yumapos na sa pampang.

~

Kamandag
Ay hulmang
Mansanas…
O mangga?

*     *     *

Isang maka-kalikasang tula ang May Sa-Guimaras na tungkol sa perwisyong idinulot ng oil spill sa Guimaras noong 2006. Kasama ito sa koleksyon kong Asal-Hayop na nakakuha ng 2nd prize sa Tula sa Palanca noong isang taon.

Napansin ba ninyong isa itong acrostic poem?

*     *     *

Noong panahon ng Batas Militar, lumabas ang tulang ito ng isang Ruben Cuevas sa Focus, isang magasing pro-Marcos:

PROMETHEUS UNBOUND

I shall never exchange my fetters for slavish servility. ’
Tis better to be chained to the rock than be bound to the service of Zeus.
– Aeschylus, Prometheus Bound

Mars shall glow tonight,
Artemis is out of sight.
Rust in the twilight sky
Colors a bloodshot eye,
Or shall I say that dust
Sunders the sleep of the just?

Hold fast to the gift of fire!
I am rage! I am wrath! I am ire!
The vulture sits on my rock,
Licks at the chains that mock
Emancipation’s breath,
Reeks of death, death, death.

Death shall not unclench me.
I am earth, wind, and sea!
Kisses bestow on the brave
That defy the damp of the grave
And strike the chill hand of
Death with the flaming sword of love.

Orion stirs. The vulture
Retreats from the hard, pure
Thrust of the spark that burns,
Unbounds, departs, returns
To pluck out of death’s fist
A god who dared to resist.

*     *     *

Hindi sukat akalain ng editor ng magasin na ang totoong nagsulat ng tulang ito ay si Jose Lacaba (ginamit niyang pseudonym ang “Ruben Cuevas”). Hindi rin sukat akalain ng editor ng magasin na isa pala itong acrostic poem!

*     *     *

Kung babasahin pababa ang tula, lilitaw ang isang popular na slogan ng mga aktibista noong panahon ng diktadurya: MARCOS HITLER DIKTADOR TUTA!

*     *     *

Hindi kumukupas ang bisa ng acrostic poem para maitawid ang political message sa malikhaing paraan. Halimbawa, pansinin ang tulang ito ni Rolan Decena:

HOW’S MY DRIVING

0 porsyento na sa pamamasada ang asenso.
9 na buwang nagdadalang-tao ang asawa kong kapos sa sustento.
2 beses na lang kung kumain sa maghapon.
1 kamay ko ay halos mabali na sa pagpihit ng kambiyo.
4 Diyos,
4 Santo! Mahigit laging

8 oras na akong nagmamaneho.
7 araw sa isang linggo na dapat ay
7 beses din dapat kumain nang maayos.
7 gabi sa isang linggo na akong puyat at hindi lang
7 beses ang presyo ng gasolina ay umangat.
Papaano pa natin tatahakin ang landas ng matuwid
kung darating ang panahon, gumagapang na tayo pagtawid?

*     *     *

Kahit mga eksperto ay maaaring mabuwisit sa paggamit ni Decena ng mga numero. Para namang random lang ang mga linyang pinagsunod-sunod niya sa kanyang tula. Ano ba ang gusto niyang patunayan?

*     *     *

Kung magiging bukas ang isipan ng mambabasa, maiintindihan niyang ito ay isang acrostic poem.

Paano? Ang numerong 09214487777 ang hotline number ng Central Office ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Noong 2012, inilunsad ng LTFRB ang kampanyang How’s My Driving? kung saan pinagmamarkahan ang mga PUV ng sticker na “May Reklamo Ka? Itawag sa LTFRB (Do You Have a Complaint? Call the LTFRB)” kasama ng 09214487777.

*     *     *

Tumawag ka sa 09214487777 at mabubuwisit ka lang.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/07/armadong-akrostik-2/feed/ 0
Hulyo 4: Huwad na Kasarinlan http://pinoyweekly.org/new/2014/06/hulyo-4-huwad-na-kasarinlan/ http://pinoyweekly.org/new/2014/06/hulyo-4-huwad-na-kasarinlan/#comments Sun, 29 Jun 2014 04:46:34 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=30188 MATAPOS linlangin ng pamunuang Amerikano si Hen. Emilio Aguinaldo at agawin ng mga ito ang idineklara ni Aguinaldo na paglaya ng bansa sa kamay ng kolonyalistang mga Kastila noong Hunyo 12, 1898 — sinakop nga ng lahi ng mga Yankee ang Pilipinas sa pamamagitan ng Tratado sa Paris na binayaran ng $20-M ng Estados Unidos ang Espanya para maging kolonya naman nito ang bansa. Pinairal nila dito noon, sa halos 50 taon, ang imperyalista nilang mga patakaran at interes, pampulitika man, pang-ekonomiya, pang-edukasyon o panlipunan na, higit na masama, umiiral pa rin hanggang ngayon.

Sa pamamagitan ng Batas Tydings – McDuffie na pinagtibay ng gobyernong Amerikano noong 1934 na nangakong ibabalik nila ang kasarinlan ng Pilipinas 10 taon matapos pagtibayin ang dinisenyo nilang kolonyal na Konstitusyon ng 1935. Sa ilalim ng naturang batas, tiniyak na mananatili ang karapatan ng mga korporasyon at mamamayang Amerikano na magkaroon ng mga ari-arian sa Pilipinas, magtalaga ng mga tropa’t magtayo ng mga base militar sa malawak na teritoryo nito. Gayundin, tiniyak din ang pagpapatupad ng malayang kalakalan ng Amerika’t Pilipinas.

Sa ilalim pa ng minamaniobra nila noong rehimeng Roxas, iba’t iba nang imperyalistang pagsasamantala ang kapalit ng diumano’y kasarinlang ibinalik noong Hulyo 4, 1946. Nariyan ang Batas sa Ari-arian na nagtadhanang hindi maaaring pakialaman ang lahat ng lupa’t gusali’t iba pang ari-ariang pag-aari na ng mga Amerikano bago, at pagkatapos, ng Hulyo 4, 1946. Nariyan ang Batas Bell sa Kalakalan at Parity Rights na nagpahintulot na dambungin ng kapitalistang mga Amerikano ang likas na yaman ng bansa at diktahan ng Estados Unidos maging ang taripa at halaga ng piso kontra dolyar.

Nariyan pa rin nga ang Kasunduang Militar ng Amerika at Pilipinas na nagpahintulot sa pagtatayo ng mga base militar nila dito na napalayas lamang pagkatapos ng 99 na taon pero, sa kabilang banda, nahalinhan naman ngayon ito ng VFA (Visiting Forces Agreement) na, hindi maikakaila, instrumento pa rin ng mga Amerikano upang supilin ang mga kilusang makabayan at progresibo o laban sa interes ng Amerika dito. Hindi na tuloy dapat ikagulat ngayon kung bakit nag-aalok ng tulong na militar sa AFP ang Amerika kamakailan para lipulin diumano ang CPP-NPA at iba pang tropang agad nilang binabansagang mga terorista. Bilang paghohosana kay Presidente George W. Bush ng kasalukuyang rehimen, lumilitaw na hindi na mahahadlangan ang pagpapatupad na nito ngayong Hulyo ng masahol pa sa teroristang HSA (Human Security Act) o batas kontra-terorismo.

(Mula kaliwa) Emilio Aguinaldo, Manuel Roxas, Sergio Osmena, at Manuel Quezon.

(Mula kaliwa) Emilio Aguinaldo, Manuel Roxas, Sergio Osmena, at Manuel Quezon.

Sapagkat ginawa nilang tau-tauhang sunud-sunuran o papet ang pambansang liderato, mula pa kina Osmena, Roxas at Quezon hanggang ngayon, malaya nilang nahakot sa murang halaga ang asukal, abaka, niyog, troso, mineral at iba pang hilaw na materyales at, sa kabilang banda, ginawa nilang tambakan ng sobra nilang mga produkto’t kapital ang bansa, tulad na lamang ng mga gamot at kemikal at mga kagamitang medikal, bukod pa sa kung anu-ano pang mga produktong ayaw na yatang tangkilikin sa kanilang bansa ng mga mamamayan nila.

Hindi maikakaila, iginilgil at pinairal nila sa bansa ang isang edukasyong kolonyal at nasa wikang Ingles na, kung tutuusin, ay mabisang instrumento ng pampulitikang indoktrinasyon ng sambayanan para mangayupapa ang mga ito sa mga bagay at pagpapahalagang maka-Amerikano. Kinontrol din nila maging ang daluyan ng malayang komunikasyon (radyo, telebisyon, babasahin at maging internet ngayon) para mapalaganap ang kanilang mga propaganda’t maianunsiyo pa ang kanilang mga produkto upang tangkilikin ng mga mamamayang Pilipino sa kapinsalaan ng lokal na mga industriya.

Dahil sakal-sakal pa rin ng diyus-diyosang Amerikano ang halos lahat ng antas ng pambansang larangan, hindi na tuloy katakataka kung manatiling bitukang agrikultural nito ang Pilipinas at patuloy na anino lamang ang pambansang industriyalisasyon habang, sa kabilang banda, nagdaralita’t busabos ang masang sambayanan, ipinagkakait sa kanila ang tunay na hustisya sosyal at binabansot ang kanilang makabayan at mapagpalayang mga adhikain tungo sa pambansang katubusan.

Sa maikling salita, kahit ibinalik ng mga Amerikano noong Hulyo 4, 1946 ang inagaw nito sa kamay ng mga rebolusyonaryong Pilipino na idineklarang kasarinlan noong Hunyo 12, 1898, nananatili pa ring huwad hanggang ngayon ang naturang kalayaan at kasarinlan, lalo’t nadidiktahan nito at napapaikot sa kanilang imperyalistang mga layunin ang walang gulugod at kasabuwat pang pambansang liderato. Naiparatang tuloy noon ng yumaong makabayang Sen. Claro M. Recto na kaakibat ng huwad na kasarinlang ito ang isang bagong pang-aalipin.

At hindi naiwasang ipayo noon ni Recto sa sambayanang Pilipino: “Mangarap tayong kagaya ni Bonifacio, at ipagpatuloy natin ang pakikibaka para sa ganap na katubusan ng ating lahi mula sa kamay ng bagong pang-aalipin, at huwag tayong padala sa takot at pag-aalinlangan, bagaman maaari tayong salubungin ng dambuhalang mga alon sa ating paglalakbay.”

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/06/hulyo-4-huwad-na-kasarinlan/feed/ 0
Heckler Skelter http://pinoyweekly.org/new/2014/06/heckler-skelter/ http://pinoyweekly.org/new/2014/06/heckler-skelter/#comments Sat, 28 Jun 2014 06:36:21 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=30170 Hindi pa man humuhupa ang mga balita at komentaryo hinggil sa pag-heckle kay Pang. Noynoy Aquino habang nagtatalumpati sa Naga City noong Hunyo 12, nasa balita na ang pag-heckle sa kanya sa Iloilo City ngayong Hunyo 27.

Dinahas ang aktibistang si Emmanuel Pio Mijares sa Naga: hinila palayo sa mga tagapakinig, hinablutan ng mga telang banner na hawak, binusalan ng naturang mga banner, idinapa sa sahig, pinosasan, ikinulong at kinasuhan.

Mas maraming komentaryo ang nagsabi sa pangulo na kumalma kaugnay ng heckler. Ang manunulat na si Boying Pimentel, na kritikal sa Kaliwang kinabibilangan ni Mijares at kakampi ni Aquino, sinabihan ang pangulo na tularan si Pang. Barack Obama ng US sa maayos na pagtrato sa mga heckler. Sekundarya pala kay Pimentel ang pagiging kontra-Kaliwa at maka-Aquino sa kaisipang kolonyal.

Sa harap ng mga heckler sa Iloilo, sinunod ni Aquino si Pimentel: nagpasalamat sa mga heckler at pinilit silang ipahiya sa mga tagapakinig sa pagsasabing “Kitang-kita na ng mga taga-Iloilo sino ang tunay na magsusulong ng makabuluhan… na pagbabago.” Pero dinahas pa rin ang mga heckler: itinaboy mula sa pinagtatalumpatian ni Aquino at ayon sa maagang balita sa telebisyon ay may isang nasugatan.

Maraming maituturong dahilan kung bakit halatang nayayanig si Aquino sa mga heckler. Sinamantala ng gobyerno niya ang pagkampi ng dominanteng midya sa pagtutok sa pagkontrol sa opinyong publiko. Kaya laging malinaw ang tema ng propaganda nito: sa ekonomiya, pag-unlad para sa lahat; sa pulitika, daang matuwid; sa ugnayang panlabas, kontra-China; sa mga rebelde, kapayapaan at kaunlaran.

Mahalaga sa lahat ng ito ang pagpapakita ng umano’y malawak na suporta ng publiko at umano’y makitid na hanay ng mga nagpoprotesta. Kahit pa ang totoo, nagbaago na ito dahil sa pagbayo ng iba’t ibang isyu sa gobyernong Aquino — pagiging Pork Barrel King ng pangulo, kriminal na pagpapabaya sa harap ng Yolanda, pagtutulak ng EDCA kahit masama sa bansa, at papatinding kahirapan ng nakakarami.

Isa sa mga nagpayo kay Aquino na kumalma kaugnay ni Mijares ang Philippine Daily Inquirer. Maganda ang paghahambing nito: Bakit mas malupit ang dinanas ni Mijares kumpara sa dinanas ni Maria Theresa Pangilinan, heckler ni Gloria Macapagal-Arroyo na lantad na marahas at korap? Magkaiba kasi ng yugto: malaganap na ang galit kay Arroyo noon, at sumusulak pa lang ang galit kay Aquino ngayon.

Maganda rin ang tanong na inuudyok ng pagkukumpara kay Obama. Bakit nga ba kaya ni Obama at hindi kaya ni Aquino na maging kalmado sa harap ng mga heckler at hindi maging marahas sa kanila? Dahil kaya, taliwas sa US, may kasaysayan ang Pilipinas ng pagpapatalsik sa mga pangulo? Dahil kaya, alam ni Aquino na hudyat na ang harapang pagprotesta at pagbastos sa kanya ng posibleng katapusan?

27 Hunyo 2014

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/06/heckler-skelter/feed/ 0
Armadong Akrostik (1) http://pinoyweekly.org/new/2014/06/armadong-akrostik-1/ http://pinoyweekly.org/new/2014/06/armadong-akrostik-1/#comments Tue, 24 Jun 2014 13:46:45 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=30101 “Any exit from the logic of language might be an entry in a symptomatic dictionary. The alphabetical order of this ample block of knowledge might render a dense lexicon of lucid hallucinations. Beside the bed, a pad lies open to record the meandering of migratory words. In the rapid eye movement of the poet’s night vision, this dictum can be decoded, like the secret acrostic of a lover’s name.”
Sleeping with the Dictionary, Harryette Mullen

*    *     *

Minsan, nabingwit ang curiosity ko ng isang maliit na bahagi sa Florante at Laura ni Francisco Balagtas: ang ikalimang saknong sa “Sa Babasa Nito” na ang sabi:

Ang may tandang letra alinmang talata,
di mo mawatasa’t malalim na wika,
ang mata’y itingin sa dakong ibaba,
buong kahuluga’y mapag-uunawa.

Para sa mga guro at kritiko, simple lang ang ibig sabihin nito. Gustong sabihin ni Balagtas na kung may hindi ka maintindihan sa sinulat niya, tumingin ka lang sa footnote. Tapos.

*     *     *

Pero bakit hindi ako makuntento sa interpretasyong iyon? Dahil gusto kong basahin ang saknong na iyon bilang isang cryptic message. Pansinin ang mga parirala: tandang letra, malalim na wika, ang mata’y itingin sa dakong ibaba, buong kahuluga’y mapang-uunawa.

Ang “dakong ibaba,” para sa akin, ay tumutukoy sa pababang pagbasa ng mga tandang letra. Isang acrostic! Pwede?

*     *     *

Pero kung aling bahagi ng Florante at Laura ang may acrostic, ‘yan ang hindi ko alam. Iiwan ko na ‘yan sa mga gurong magtuturo ng korido ni Balagtas sa ikaapat na markahan sa Baitang 8. Kung may kritikong makulit na makatuklas, pakibulong na lang sa akin.

*     *     *

Ang gusto kong banggitin ay ang pinakasikat na kundiman noong 1896 hanggang 1898. Ito ang Musica del Legitimo Kundiman Procedente del Campo Insurecto (“Musika ng Lehitimong Kundiman na Nanggaling sa mga Naghihimagsik”) ng mga Katipunero. Mas kilala bilang Jocelynang Baliuag, tinawag itong “Kundiman ng Rebolusyon.”

*     *     *

Narito ang kabuuan ng kundiman:

Pinopoong sinta, niring calolowa
Nacacawangis mo’y mabangong sampaga
Dalisay sa linis, dakila sa ganda
Matimyas na bucal ng madlang ligaya.

Edeng maligayang kinaloclocan
Ng galak at tuwang catamis-tamisan
Hada cang maningning na ang matunghaya’y
Masamyong bulaclac agad sumisical.

Pinananaligan niring aking dibdib
Na sa paglalayag sa dagat ng sakit
‘Di mo babayaang malunod sa hapis
Sa pagcabagabag co’y icaw ang sasagip.

Icaw na nga ang lunas sa aking dalita
Tanging magliligtas sa niluha-luha
Bunying binibining sinucuang cusa
Niring catawohang nangayupapa.

Tanggapin ang aking wagas na pag-ibig
Marubdob na ningas na taglay sa dibdib
Sa buhay na ito’y walang nilalangit
Cung hindi ikaw lamang, ilaw niring isip.

At sa cawacasa’y ang kapamanhikan
Tumbasan mo yaring pagsintang dalisay
Alalahanin mong cung ‘di cahabagan
Iyong lalasunin ang aba cong buhay.

*     *     *

Inaawit ang kundimang ito. At kung kukunin ang unang letra ng unang taludtod sa bawat saknong, mabubuo ang PEPITA.

Si Pepita o Josefa Tiongson ay isang magandang binibining taga-Baliuag. Gayunman, hindi isang harana ang Jocelynang Baliuag. Tumutukoy na ito sa Inang Bayang Katagalugan.

*     *     *

Para sa mga nagsasabing ang konsepto ng “Inang Bayang Katagalugan” ay para lang sa mga nakatira sa Tagalog Region, may paliwanag sa atin si Emilio Jacinto.

Sa talababa ng Katipunan nang mga A.N.B – Sa may nasang makisanib sa katipunang ito, ipinaliwanag na ang mga Tagalog ay “lahat ng tumubo sa Sangkapuluang ito, samakatwid, Bisaya man, Iloko man, Kapampangan man, etc. ay Tagalog din.” Ibig sabihin, lahat ng katutubo ng arkipelagong tinatawag ngayong Republika ng Pilipinas o Filipinas.

*     *     *

Wala namang dapat pagtalunan dito dahil pambansa-demokratiko ang rebolusyon ni Bonifacio. Pangunahing layunin nito ang makalaya tayo sa mga kamay ng kolonyalistang Kastila.

*     *     *

Pansinin naman ang tulang “Hiling” ni Franco Remoroso, isa sa mga health worker na pinagbintangang mga miyembro ng New People’s Army at ikinulong noong 2010 (tinaguriang Morong 43):

Marahil ikaw ay nagtataka
At naguguluhan sa iyong nakikita.
Realidad ba o katotohanan
Itong nangyayari sa lipunan?
Api’t dukha walang pagamutan!

Center sa mga kanayunan
Ospital na ang doktor
Nanggagamot sa ibang bayan,
Caregiver na ang pinasukan.
Eto ang masang api’t dukha
Pilit humihingi’t nagmamakaawa.
Center, ospital at nurse na mapagkalinga,
Ibigay bago mapugot ang hininga,
O mapugto ang hininga, bago ibigay
Ng gobyernong hugas-kamay.

Dahil sa prinsipyo’t napangaralan
Aral sa eskuwelahan ay nalimitahan,
Lalong malawak itong lipunan,
Alayan ng serbisyo at paglingkuran.
Wala nang tatamis pa’t sasarap
Ialay ang buhay sa masang mahirap
Na api-apihan at salat.

Makulong man nang matagal at magdusa
Oras ng kalayaan ay laging pag-asa.
Ako’y nangangarap at laging umaasa
Kayo ang magpapalaya at magpapasiya.
Oras ng kalayaan, kayo ang magdidikta!

Isang matalas na tula ang “Hiling” ni Remoroso na naisulat niya habang nasa loob ng kulungan. Pinuna ang malalang kalagayan ng kalusugan sa bansa.

Ngunit kung susuriin, makikita ang kanyang itinatagong mensahe kung babasahin ito pababa: MARIA CONCEPCION DALAWIN MO AKO!

Hindi hiling ang laman ng tula ni Remoroso, kundi isang panawagan na magkaisa ang sambayanan at ialay ang buhay para sa tunay at ganap na kalayaan. Ang hiling ay ang panawagan niya sa kanyang minamahal. Acrostic poem pala ang “Hiling” ni Remoroso! Isang kundiman!

Ituloy natin sa susunod na labas ang pagtalakay! Padayon!

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/06/armadong-akrostik-1/feed/ 0
Ang Hindi Magmahal http://pinoyweekly.org/new/2014/06/ang-hindi-magmahal/ http://pinoyweekly.org/new/2014/06/ang-hindi-magmahal/#comments Fri, 20 Jun 2014 09:40:19 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=29987 Bumanat na naman si Lisandro “Leloy” Claudio, ang anti-Kaliwa at maka-Akbayang akademiko. May nagpadala sa akin ng link ng pinakabagong artikulo niya sa Rappler — na tila naging publikasyon na ng Akbayan dahil may mga artikulo rin nina Sylvia Estrada-Claudio at Joel Rocamora, mga komentarista ng naturang grupo. Ang lahat ng artikulo nila, syempre pa, ay kampi kay Pang. Noynoy Aquino. Sa “CHED is not targeting Filipino language instruction,” sinagot ng batang Claudio ang mga kritisismo sa Commission on Higher Education (CHED) Memo Order No. 20, series of 2013.

Laman ng memo ang mga bagong alituntunin sa General Education sa mga kolehiyo at unibersidad sa bansa. Lumalabas na may sapat na kaalaman — at marahil ay kita rin — si Claudio sa naturang mga alituntunin dahil, batay sa pag-amin niya, siya’y “tumutulong magdisenyo” ng isa sa mga kurso ng CHED sa General Education. Ang sentral na argumento niya: Hindi “tinarget” ng memo ang wikang Filipino dahil inalis man ang pagtuturo nito sa kolehiyo, inilagay naman ito sa sekundaryang edukasyon. Katunayan, aniya, dumami ang mga yunit sa naturang asignatura at kasama nito ang wikang Ingles.

Banggain natin nang direkta ang punto ni Claudio: Tinarget o inatake ng memo ang wikang Filipino. Ang kahit anong aralin, magkaiba ang pagtuturo sa sekundaryang edukasyon at pagtuturo sa kolehiyo. Mahalaga ang pareho, pero may natatanging halaga ang pagtuturo sa kolehiyo. May kakaibang paggagap ang mga estudyante sa kolehiyo sa mga aralin at may ibang epekto ang mga ito sa mga magiging landas nila sa buhay. Ang pag-alis sa pagtuturo sa wikang Filipino sa kolehiyo ay pag-atake rito. At hindi dahilan na kasama naman nito ang wikang Ingles, dahil iba ang pagpapahalaga sa huli sa bansa.

Ano ngayon ang problema? Nasasaling lang ba ang ating nasyunalismo? Na tila irasyunal at sentimental lang para kay Claudio? Higit pa diyan. Ayon mismo sa kanya, “Hindi mauunawaan ang memo ng CHED labas sa konteksto ng K-12.” At ano ang problema sa K-12? Pinapatampok nito ang dalawang tunguhin ng edukasyon sa bansa: ang magprodyus ng una, murang lakas-paggawa at ikalawa, elite na nakapagkolehiyo. Hindi na bago ang pagkakahati, na tinalakay na ng iskolar na si Bienvenido Lumbera sa “Edukasyon para sa Iilan: Kung Bakit Asal-Mayaman si Pedrong Maralita (1972).”

Sa K-12, karamihan sa mga bagong-tapos sa pinalawig na hayskul ay edad 18 — ibig sabihi’y ligal nang magtrabaho. Kaya nga ipinasok na rin sa hayskul ang mga araling teknikal at bokasyunal. Hindi na nila kailangang magkolehiyo — na inirereserba sa mga “seryoso” sa pag-aaral, kayang magbayad sa harap ng pagtataasan ng matrikula at ng pagtakas ng gobyerno sa tungkuling pondohan ang edukasyon. Ang resulta: dagat ng murang lakas-paggawa sa isang banda at elite na nagkolehiyo sa kabila. Mas nakatipid ang mga naghaharing uri sa paglikha ng dalawang grupong pagsasamantalahan nila.

Ano ang problema sa magiging pwesto ng wikang Filipino sa kalagayan ng K-12? Lumalabas na sintomas lamang ito ng mas malalaking usapin. Ang pagkapunta nito, kasama ng wikang Ingles, sa hayskul ay bahagi ng paglikha ng murang lakas-paggawa: kailangang marunong sa komunikasyon sa amo at sumunod sa mga instruksyon sa paggawa, halimbawa. Ang pagkaalis nito sa kolehiyo ay bahagi ng pagkahiwalay ng mga magkokolehiyong elite sa komunikasyon sa nakakaraming Pilipino at karaniwang tao, ng pagkagumon nito sa espesyalisasyon, at ng pagkalulong nito sa sariling sirkulo.

Kung susuriin ang pinag-uugatang pananaw ni Claudio sa edukasyon, lalabas na mababaw na liberal ito: nagpapasya batay sa umano’y mahuhusay o magagandang asignatura. Walang pag-unawa sa pangkalahatang lugar, silbi at oryentasyon ng edukasyon sa bansa para sa mga naghaharing uri. Diyan siya nahulog sa kakaiwas niya sa nasyunalista o makabayang pananaw — na sa Pilipinas ay mahigpit na kaugnay ng pananaw na progresibo o maka-Kaliwa. Hindi lang sa ipinagtanggol niya ang dominanteng tunguhin ng edukasyon sa bansa, naging bahagi na siya ng paglikha nito.

Kaya nga simple lang, para kay Claudio, ang solusyon sa pagkatanggal sa trabaho ng mga guro sa kolehiyo dahil sa K-12: Eh di lumipat sila sa pagtuturo sa hayskul. Kung titingnan sa usapin ng numero ng trabaho at may-trabaho, walang problema sa panukala. Pero sa perspektiba natin bilang bayan, hindi ba’t may problema? Tampok na porma ng neoliberalismo ang denasyunalisasyon, at hindi ba’t nawawalan ng yaman ang bansa sa pagbitiw ng mga guro sa kolehiyo sa kanilang kakayahan at paglipat sa hayskul? Ang kakayahan nila sa pagtuturo sa mga mas abanteng asignatura sa kolehiyo, isusuko.

“Hindi ka iiwasan ng kasaysayan kahit iniiwasan mo ito.” Isa iyan sa mga sikat na islogan ni Fredric Jameson, progresibong intelektwal na Amerikano. Ganito rin siguro ang isang pagsagot kay Claudio kaugnay ng nasyunalismo: Iwasan man niya, ang lakas-paggawa ng mga Pilipino ay pinagsasamantalahan bilang may mga katangiang “Pilipino.” Ang call center na ipinagyayabang ng gobyerno, nakabatay sa umano’y husay sa Ingles at nyutral na accent ng mga Pinoy. Ang elektroniks na numero unong eksport ng bansa ay nakabatay sa umano’y maliliit at malalambot na daliri ng ating kababaihan.

Sabi ng historyador na si Ambeth R. Ocampo, ang nagsabing “Ang hindi magmahal sa kanyang salita / mahigit sa hayop at malansang isda” ay hindi ang bayaning si Jose Rizal. Pwedeng isa raw sa mga makatang sina Herminigildo Cruz o Gabriel Beato Francisco. Anu’t anuman, nagpapakita ang bantog na sipi ng pagkutya at pagmamaliit sa mga Pilipinong hindi nagmamahal sa sariling wika. Kahalintulad siguro ang masasabi sa mga tulad ni Lisandro Claudio: Ang hindi magmahal sa kanyang salita, nagiging kapanig ng pagsasamantala ng iilang naghahari sa lakas-paggawa ng nakakarami sa bansa.

20 Hunyo 2014
]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/06/ang-hindi-magmahal/feed/ 0
Kabisoteng Edukasyon http://pinoyweekly.org/new/2014/06/kabisoteng-edukasyon/ http://pinoyweekly.org/new/2014/06/kabisoteng-edukasyon/#comments Mon, 16 Jun 2014 14:27:49 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=29953 ISANG MALAKING kahangalan, kundi man ganap na katontonhan, ang iginigiit noon pa mang 2003 ng Kagawaran ng Edukasyon na wikang Ingles ang gawing pangunahing wikang panturo sa elementarya pa lamang bilang pag-alinsunod sa balintunang patakaran ng rehimen ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo.  Naalaala tuloy namin ang isang kabanata ng Noli Me Tangere ni Rizal (Mga Suliranin ng Isang Guro).  Sa nasabing kabanata, sa wikang Kastila tinuturuan ang mga bata gayong hindi pa naman sila nakakaintindi ng wikang iyon.  Dahil hindi nila nauunawaan, minimemorya at hindi maipaliwanag  ng mga bata ang kanilang aralin.  Ganito rin nga ang karaniwang nangyayari ngayon sa mga estudyante sa hayskul, kolehiyo at unibersidad sa bansa na dahil sa Ingles nagsipag-aral, at salat sa kakayahan sa banyagang wikang ito, mabilis na nakakalimutan ang sinaulong mga leksiyon kaya nagsisipagtapos na kabisote.

Kaugnay nito,  isang sulat noong nabubuhay pa si Dr. Nemesio E. Prudente, nakilalang makabayan, makatao, progresibong intelektuwal at edukador, at naging Presidente ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, ang tinanggap namin mula sa kanya.  Ayon sa kanya, ang iginigiit na wikang Ingles agad ang gamiting wikang panturo sa elementarya pa lamang ay “sapilitan at pulitikal, hindi nakabatay sa pananaliksik, sa siyensiya ng pagtuturo, at sa mga prinsipyong sikolohikal.”

Niliwanag at binigyang-diin ni Dr. Prudente ang pagtutol niya sa nabanggit na patakaran ng Kagawaran ng Edukasyon sa ilalim ng rehimen ni La Gloria.  Dahil wikang Ingles nga ang ginagamit na panturo sa elementarya pa lamang, napakaliit na porsiyento tuloy ng mga nagsipagtapos sa Grade VI ang pumapasa sa pambansang pagsusulit para matanggap sa mataas na paaralan.  Kinailangan tuloy ipanukala ng diumano’y henyong mga opisyal ng naturang kagawaran ang napakakontrobersiyal na “bridge program” na tandisan nang tinututulan hindi lamang ng mga estudyante kundi maging ng mga guro sa pampublikong mga paaralan.

Unang-una, sa punto ni Dr. Prudente,  “repleksiyon ng mababang kalidad ng pamumuhay sa bansa ang sistema ng edukasyon,” gayundin ng “kolonyal na mentalidad, kainutilan at katiwalian ng mga opisyal ng gobyerno at ng burukrasya.”  Natural, kapos ang badyet para sa edukasyon na niwawaldas pa nga’t kinukurakot ng mga kinauukulan kaya kulang na kulang din sa mga paaralan, mga pasilidad, at may sapat na kakayahang mga guro.  Bukod dito. binigyang-diin niya, “isa sa pinakamalaking problema nga ang wikang ginagamit sa pagtuturo sa elementarya.  Pinipilit ng mga may kaisipang kolonyal na matuto ng pagbasa, matematika at siyensiya ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng Ingles, isang dayuhang wikang nagsisimula pa lamang nilang pag-aralan.”

Batay sa mga pagsusuri sa Amerika at Canada, sabi niya, lima hanggang pitong taong ipinaiilalim sa mga programa sa pag-aaral ng wika ang mga estudyante bago maabot ang kahusayang pang-akademiko.  Tinututulan tuloy ng progresibong mga edukador doon na ipailalim sa gayong programa sa loob lamang ng tatlong taon ang migrante o dayuhang mga estudyante bago pahintulutang isabak sa iba’t ibang asignatura.  Dahil tatlong taon nga lamang, at hindi pa ganap na humuhusay sa banyagang wikang Ingles, sarisari ang nagiging problema ng dayuhang mga estudyante — pangwika man o pangkultura.

“Isang malaking kabobohan, samakatuwid, ng mga oplsyal ng edukasyon,” binigyang-diin niya, “na gamitin ang Ingles na  wikang panturo agad sa mga mag-aaral sa elementarya na tinuturuan pa lamang ng Ingles bilang ikalawang wika o ikatlong wika sa mga rehiyong di-Tagalog.”  Sa naturang antas, dapat na wikang Filipino ang gamitin kaagapay ang katutubong diyalekto bagaman,   ayon nga sa kanya, mulang Grade I hanggang Grade VI, dapat ding ituro bilang isang asignatura (subject) ang Ingles tulad din ng wikang Filipino.  Kaya, sa nabanggit na mga grado, sa Filipino dapat ituro ang siyensiya at matematika na maaaring salitan ng katutubong diyalekto sa mga rehiyong di-Tagalog.  Sa hayskul na simulan, sabi niya, ang paggamit sa Ingles bilang wikang panturo (medium of instruction).  Hindi ito nangangahulugang kakaligtaan na ang Ingles, ayon pa rin sa kanya, kaya nga dapat na isa itong asignatura sa lahat ng antas ng pag-aaral mulang elementarya hanggang kolehiyo.

Inihalimbawa ni Dr. Prudente ang sistema edukasyonal ng  Japan, China at Korea na sariling wika ang ginagamit na panturo sa lahat ng asignatura — kabilang ang matematika at siyensiya — at, bunga nito, taun-taon, laging nangunguna sa Silangan at Timogsilangang Asya sa mga pagsusulit ang kanilang mga estudyante at nangungulelat ang mga tinuruan agad sa Ingles gaya ng ating mga estudyante.  Katunayan, binigyang-diin niya,  sa nasabing mga bansa, lumikha pa sila ng mga “calculator” at “computer” na nasa sarili nilang wika bagaman ginagamit din sa kolehiyo  ang nasa wikang Ingles.

Hinahamon niya tuloy, noon pa man, ang mga opisyal ng gobyerno at mga edukador na may kolonyal na mentalidad na magbago ng mga patakaran at paninindigan at huwag igiit na Ingles ang gamiting wikang panturo agad sa elementarya, lalo na nga sa siyensiya at matematika.  Ayon sa kanya, dapat na magtayo ang Kagawaran ng Edukasyon sa ilang piling lugar sa bansa ng tinatawag na “pilot schools” na wikang Filipino — katulong ang katutubong mga diyalekto — ang gagamiting panturo sa mga mag-aaral sa elementarya, lalo na’t sa nabanggit na dalawang araling akademiko.   Batay sa kanyang pagsusuri, tinitiyak niyang magiging mahusay ang resulta nito sa kabuuan.

Habang nasa kani-kanilang sariling wika ang edukasyon ng halos lahat ng bansa sa mundo — Kastila sa Amerika Latina, Pranses sa Pransiya, Ruso sa Rusya, Nippon-Go sa Japan, Fookien at Mandarin sa Tsina, Bahasa Indonesia sa Indonesia, Aleman sa Alemanya, at marami pang halimbawang mababanggit — bukod tangi ngang nasa banyagang wikang Ingles ang sistema ng edukasyon sa ating bansa.  Nagkaroon tuloy ng nakasusukang pakahulugan ang mga elitista’t may kolonyal na kaisipan na “hindi edukado” at “bobo” ang sinumang hindi marunong o mahina sa Ingles at “nasisiraan na ng ulo.” ayon noon sa isang Max Soliven sa isang kolum niya sa Manila Times (Pilipino In, English Out: Are We That Nutty?)  kapag niyakap natin ang sariling wika at pinabayaan ang Ingles.

Ano nga ba ang narating ng edukasyon sa bansang ito sa pamamagitan ng wikang Ingles?  Lumilitaw ngang pababa nang pababa ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas.  Nang suriin ang uri ng mga kolehiyo at unibersidad sa Asya, hindi pa napabilang sa unang 40 ang pangunahing mga pamantasan sa bansa tulad ng Unibersidad ng Pilipinas, Ateneo University, De La Salle at Unibersidad ng Santo Tomas.  Higit na masama, maliwanag na bangkarote ang kasalukuyang edukasyon — sapagkat kinopya nang pira-piraso mula sa edukasyong Amerikano –  kaya, sa kabilang banda,  hindi naman nito matugunan ang pambansang mga pangangailangan at problema para pasukin ang daan ng kaunlaran tungo sa kinakailangang industriyalisasyon.

“Kung susumahin,” ayon kay Dr. Prudente, “ang problema’y nasa sistema at balangkas:  elitista, kolonyal, maka-kapitalista, maka-pribadong mga paaralan.”  Binigyang-diin pa niya na sa dispalinghadong mga patakaran ng gobyerno, “hindi na katakatakang talagang ayaw nilang paunlarin ang kalidad ng pamumuhay ng masang sambayanan kabilang na ang pagkakaloob ng de kalidad na edukasyon.  Pinaglalaruan lamang nila ang mga maralita at iliterado, pinaaasa lamang kung eleksiyon at, pagkatapos, kalilimutan na.”  Ayon tuloy sa kanya, “sa ilalim ng kasalukuyang sistema — at pababa nang pababa pa nga ang kalidad ng edukasyon — halos wala nang pag-asa ang masang makaahon sa kinalulublubang burak, nananatiling nagdaralita, habang namamayagpag sa kayamanan at glorya ang mayayaman.”

Dahil nga sa makadayuhang mga  patakarang pang-edukasyon — bukod sa iba pang larangan — na idinidikdik ng gobyerno, lumilinaw tuloy ang idinidikta noon pa man ng IMF-World Bank at ng mga instrumento ng imperyalismong Amerikano na isapribado ang mga paaralang pampubliko, lalo na ang mga SUC (State Universities and Colleges) sa bansa ngayon upang mapasok ng salanggapang na mga kapitalistang nakabalatkayong edukador na matagal nang nagsisipaglaway sa negosyong edukasyon.  Katunayan, napasok na ng kilalang malalaking negosyante ang larangang ito:  kontrolado na ni Lucio Tan ang UE (University of the East), ni Emilio Sy ang CEU (Centro Escolar University), ni Alfonso Yuchengco ang MIT (Mapua Institute of Technology), at ni Henry Sy ang Asia-Pacific College.

Bukod sa mga nabanggit, puspusan din ang pagsisikap ng ordeng relihiyoso — lalo na mula sa kampo ng Simbahan — sa pagtatayo at pagpapalawak ng kani-kanilang mga paaralang sagad hanggang langit ang matrikula sa lahat ng antas ng edukasyon.  Mulang kindergarten hanggang kolehiyo, sabi nga, walang karapatang mag-aral doon ang anak ng isang Juanang Basa at Pedrong Tigas (ibig sabihin ang mga anak-anak ng karaniwang mga manggagawa, magsasaka’t mangingisda o nabibilang sa hukbo ng mga walang-wala).

Dahil sa ganitong kalakaran, batay sa obserbasyon noon ni Dr. Prudente, hindi nga malayong magsara at isapribado sa malapit na hinaharap ang maraming paaralang pinatatakbo ng gobyerno sa kapinsalaan, higit sa lahat, ng maralitang mga mamamayang walang kakayahang pag-aralin sa mandurugas na pribadong mga paaralang pag-aari ng mga santo-santito at diyus-diyosan sa lipunan.  Sapagkat balintuna’t makadayuhan  pa nga ang mga patakaran ng gobyerno hindi lamang sa larangan ng edukasyon, kundi maging sa iba pang larangan, “lubhang napapanahong sama-samang kumilos,” sabi ni Dr. Prudente, “ang lahat ng makabayan, progresibo at demokratikong mga puwersang nagmamalasakit sa pampublikong edukasyon para sa kapakanan ng masang sambayanan.”  Sa punto niya, “kinakailangang pagtuunan ng pansin at malalim na suriin ang kasalukuyan at hinaharap pang mga problema ng pambayang edukasyon.  Maaaring gawing makabuluhang gabay ang nakaraang kasaysayan nito na hitik ng kapabayaan dahil na rin sa mga elitista at may diwang kolonyal na lantarang kumukontrol sa sistemang pampulitika at pang-ekonomiya ng bansa.”

Sa kabuuan, at sa alinmang punto tingnan at suriin, lubhang napapanahon na ngang baligtarin naman ang sistema — ang wikang Filipino naman ang gawing wikang panturo sa halos lahat ng asignatura tulad nang ginawa, at patuloy na ginagawa, ng mauunlad na mga bansang nagmamahal sa sarili nilang wika at kultura.   Maliwanag, patuloy lamang ibinubulid ng umiiral na elitista at kolonyal na edukasyon ang bansa sa kumunoy ng kamangmangan at kaatrasaduhan.  Panahon na ngang buwagin ito at igiit ang isang edukasyong makabayan, makatao, mapagpalaya at siyentipiko.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/06/kabisoteng-edukasyon/feed/ 0
Mga Amerikanistang Taksil sa Bayan http://pinoyweekly.org/new/2014/06/mga-amerikanistang-taksil-sa-bayan/ http://pinoyweekly.org/new/2014/06/mga-amerikanistang-taksil-sa-bayan/#comments Thu, 12 Jun 2014 06:54:02 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=29875 MATAPOS ideklara ni Hen. Emilio Aguinaldo ang sinasabing kasarinlan ng bansa noong Hunyo 12, 1898 sa balkonahe ng kanyang mansiyon sa Kawit, Kabite — makaraang makalaya sa kolonyalismong Kastila — at nang luminaw ang gahamang layunin ng Amerikang sakupin at pagsamantalahan ang Pilipinas, marami agad ang bumalimbing sa uring ilustrado’t elitista, ipinagkanulo ang kapakanan ng masa, pinagtaksilan ang pambansang soberanya at naging garapalang Amerikanista.

Pinangalagaan ang oportunistang mga interes, humimod agad sa tumbong ng Amerika ang mga ilustradong nakapaligid at nang-uto kay Aguinaldo sa Kongreso ng Malolos, gaya nina Pedro Paterno, Benito Legarda, Pardo de Tavera, Jose Luzuriaga, Cayetano Arellano, Felipe Buencamino, Florentino Torres, Victorino Mapa, Macario Adriatico, at iba pang patuloy na itinuturing na mga “makabayan” at nakabalandra pa nga magpahanggang ngayon ang mga pangalan sa mga kalye, paaralan at pampublikong mga lugar.

Sa kanilang mga pahayag sa Schurman Commission sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, sinalaula nila’t ipinampunas ng paa at puwit ang dignidad ng mga Pilipino at walanghiyang ipinahayag ang labis na pamamanginoon agad sa dayuhang mananakop. Halimbawa, nang tanungin ng Schurman Commission si Arellano kung kaya na ng mga Pilipinong magsarili at pamahalaan ang bansa, tuwirang sinabi ng Kapampangang si Arellano:

“May bahagyang kakayahan ang ilan. Sa ilang lalawigan, halimbawa ang Pampanga, ang mga mamamayan ay may sapat na kaalamang magpalakad ng kanilang pamahalaan ngunit hanggang doon lamang; hindi sila maaaring magsarili.”

Bilang pagsisipsip agad sa mga Amerikano, sinabi naman ni Tavera: “Pagkatatag ng Kapayapaan, lahat ng ating pagpupunyagi ay dapat iukol sa ating pagiging maka-Amerikano; kinakailangang palawakin at gawing panlahat ang kaalaman sa salitang Ingles upang maangkin natin ang kanilang ugali at kabihasnan sapagkat ito lamang ang ating ganap na katubusan.”

Higit na nakasusuka ang sinabi ni Buencamino: “Ako’y isang Amerikano at lahat ng salapi ng Pilipinas sampu ng hangin, liwanag ng araw ay aking ipinalalagay na Amerikano.”

Hindi nasiyahan sa mga pahayag lamang, lubusan silang nakipagsabuwatan sa Pamahalaang Amerikano, nagtatag ng mga partidong lubos na kikilala sa kapangyarihan ng mga Amerikano at, kung maaari, gawin nang isa sa mga estado ng Estados Unidos ang Pilipinas. Ito ang Partido Federal, Partido Conservador at Asociacion de Paz na pinangunahan nina Pedro Paterno, Macario Adriatico, Gregorio Singian, Justo Lukban, Enrique Barredo, Leon Ma. Guerrero, Felipe Buencamino, Rafael Palma, Pascual Poblete, Nazario Constantino, Joaquin Lara at iba pang ilustradong nagsipagtaksil sa masa ngunit, sa kabilang banda, dinakila pa rin ng mga hindi mulat sa tunay na kasaysayan ng bansa bunga ng mga aklat pangkasaysayang sinulat ng mga historyador na nakukubabawan ng utak-kolonyal.

Mga "Amerikanistang taksil" (mula kaliwa): Emilio Aguinaldo, Felipe Buencamino, Jose Luzuriaga, Pedro Paterno, Victoriano Mapa at Florentino Torres.

Mga “Amerikanistang taksil” (mula kaliwa): Emilio Aguinaldo, Felipe Buencamino, Jose Luzuriaga, Pedro Paterno, Victoriano Mapa at Florentino Torres.

Minana ng sumunod na pambansang liderato ang pagiging Amerikanista. Sa panahon lamang nina Quezon, Osmena at Roxas, nagkasunud-sunod ang mapaminsalang mga tratadong pabor lamang sa mga Amerikano, gaya ng Parity Rights, Bell Trade Act, Kasunduang Laurel-Langley, at iba pa. Maging sa sumunod na mga rehimen mulang kay Quirino hanggang kina Marcos, Aquino at Ramos, hitik ang kasaysayan ng bansa sa pagtatraydor ng mga lider-pulitiko sa tunay na pambansang kapakanan. Sa rehimen ni Erap, isinalaksak sa lalamunan ng sambayanan ang kontrobersiyal na VFA (Visiting Forces Agreement) na ginawang tuntungan ngayon ng mga pagsasanay-Balikatan dahil sa walang habas na suporta ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo sa bawat plataporma at teroristang pakana ni Presidente George W. Bush ng Amerika.

Lubusan mang mapinsala ang kapakanan ng bayan at ibenta man ang kinabukasan ng susunod pang mga henerasyon, agad na ipinalulunok sa sambayanan ng pambansang lideratong nakaugaliang maging palagiang tagahimod ng tumbong ng Estados Unidos ang mapandambong at mapang-aliping globalisasyon, liberalisasyon, pribatisasyon, kontraktuwalisasyon, at iba pang maka-Amerikanong programang tuluyang lalamon sa pambansang ekonomiya at tuluyang maglulubog sa bansa sa malaganap na karalitaan.

Hindi na tuloy katakataka, at lohikal na isipin, na iaangkop lamang sa interes ng Amerika ang isinusulong na muling pagbabago sa Konstitusyon ng bansa o Cha-Cha. Malamang kaysa hindi, tuluyan nang ibenta ng mga Amerikanista ang pambansang soberanya at ipagahasang lubusan ang kabuhayang-bansa at, gaya nang iginigiit na noong panahon pa ni Erap, pahihintulutan ang kapitalistang mga Amerikano na makapagmay-ari dito ng mga lupain, makapagpatakbo ng mga serbisyo publiko gaya ng tubig at kuryente, transportasyon at telekomunikasyon, at makapagmay-ari din ng media, mga kolehiyo at unibersidad. Sa maikling salita, buung-buong ipalalamon ng mga Amerikanista ang bansa sa mapambusabos na dayuhang interes.

Pero, sa aba naming palagay, hindi natutulog ang kasaysayan at patuloy na isusumpa ng mulat, makabayan at progresibong mga mamamayan ang mga Amerikanistang taksil sa bayan.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/06/mga-amerikanistang-taksil-sa-bayan/feed/ 4