Pinoy Weekly » Husgahan Natin http://pinoyweekly.org/new Philippine news, analysis, and investigative stories Tue, 11 Nov 2014 12:23:12 +0000 en-US hourly 1 http://wordpress.org/?v=4.0 Silang mga kasambahay http://pinoyweekly.org/new/2012/07/silang-mga-kasambahay/ http://pinoyweekly.org/new/2012/07/silang-mga-kasambahay/#comments Tue, 03 Jul 2012 23:08:59 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=20340 Ginagampanan nila ang lahat ng gawain sa bahay, mula sa pinakamadali hanggang sa pinakamahirap. Sila ang nagluluto ng ulam, naglilinis ng bahay, naglalaba ng  damit at nag-aalaga ng mga bata at matanda.  Bahagi sila ng maraming pamilya at maiiba ang takbo ng buhay kapag wala sila.

Ngunit sa pagtingin ng karamihan, ang serbisyo ng kasambahay ay hindi kasinghalaga ng sebisyo ng  ordinaryong manggagawa. Makikita ito sa mga patakarang umiiral sa ating kapaligiran. Halimbawa, ang isang ordinaryong manggagawa ay dapat sahuran nang hindi bababa sa minimum wage. Sa ngayon, kulang-kulang sa P12,000  bawat buwan ang minimum wage ng isang manggagawa sa National Capital Region. Sa  mga kasambahay? Napako ang kanilang minimum wage sa P800 bawat buwan noon pang 1993.

Hindi dapat pagtrabahuin ang isang manggagawa nang lampas sa walong oras. Kapag lumampas sa  walong oras ang kanyang trabaho, babayaran siya ng overtime. May isang araw din siya ng pahinga o rest day. Ganito rin ba ang karapatan ng mga kasambahay? Hindi.

Pagdating  ng Disyembre, ang isang manggagawa ay may maaasahang 13th month pay. Bukod dito,  meron din siyang service incentive leave. At kung hindi niya gusto ang pamamalakad ng kanyang amo, puwede rin siyang magtayo o sumali sa unyon para pangalagaan at isulong ang kanyang karapatan.   Mayroon din bang ganito ang kasambahay? Wala pa rin.

Bagkus, malimit tayong makarinig ng isang kasambahay  na ginahasa o pinagsamantalahan ng kanyang amo. Normal din sa kasambahay na mamura o makatikim ng masamang salita sa kanyang pinagtatrabahuan. Hindi nga manggagawa ang turing sa mga kasambahay. Ang turing ng marami sa kanila ay alipin.

Sa buong mundo, tinatantiyang nasa 53 milyon ang bilang ng mga kasambahay. 83% sa mga ito ay   babae. Malaking bilang din ang migrant workers. Sa Pilipinas, tinatantiyang aabot sa 1.9 milyong kasambahay ang nasa bansa at 1.4 milyon naman  ang  nasa ibang bansa.

Nakakalungkot, ngunit sa kabila ng dami ng mga kasambahay na ito, patuloy silang inaapi at pinagsasamantalahan ng mga pamilyang kanilang pinaglilingkuran. Maaaring naisip ng gobyerno na dahil sa ang  gawain ng mga kasambahay ay ginagawa nila sa loob ng mga pribadong tahanan at hindi sa pagawaan, wala silang karapatang  ituring bilang karaniwang manggagawa.

Mabuti na lamang at nagbabago na ang pananaw na ito. Noong Hunyo  16,  2011, inaprubahan ng    International Labor Organization (ILO) ang Convention No. 189 na tinaguriang Convention Concerning Decent Work for  Domestic Workers.

Mahalaga ang  ILO Convention 189 sapagkat itinaas nito ang uri ng  mga kasambahay mula sa pagiging mistulang alipin ng kanilang mga amo tungo sa pagiging  pormal na  uri ng manggagawa na may kaukulang proteksyon sa ilalim ng batas.

Nakasaad sa ILO Convention 189 na ang bawat bansa ay dapat magtalaga ng minimum na edad ng mga kasambahay  na katulad din sa minimum na edad ng karaniwang manggagawa. Sa pamamagitan nito, maiwasan ang child labor o pagkuha ng mga menor-de-edad bilang mga kasambahay. Kung wala pang 18 taon ang isang kasambahay, dapat bigyan siya ng pagkakataong matapos ang kanyang batayang edukasyon.

Kailangan ding tiyakin ng gobyerno na ligtas sa pang-aabuso at diskriminasyon ang mga kasambahay. Obligasyon ng pamahalaan na siguruhing sila ay nabibigyan ng  minimum wage, weekly rest day na hindi bababa sa 24 oras, annual leaves, overtime pay, safe and healthy working environment, regular na pagbayad sa sahod  na hindi lalampas ang pagitan sa isang buwan,  at iba pang mga  karapatang binibigay sa karaniwang manggagawa.

Sinasabi rin ng ILO Convention 189 na dapat kilalanin ang karapatan ng mga kasambahay na magtayo ng unyon o  samahan at lumahok sa sama-samang pakikipagtawaran o collective bargaining.

Sa mga kasambahay namang nagtatrabaho sa ibang bansa, dapat bigyan sila ng karapatang magtago ng kanilang mga visa, passport at iba pang travel and identity documents.

Dapat ding ipatupad ng gobyerno ang pagkakaroon ng pormal na kontrata sa pagitan ng kasambahay at sa kanyang pinagtatrabahuan. Kaugnay nito, dapat magtalaga ang gobyerno ng kaukulang ahensiya na magpapatupad sa karapatan ng mga kasambahay at kung saan maaaring maghain ng reklamo ang mga kasambahay hinggil sa paglabag sa kanilang mga karapatan.

Pormal na sinang-ayunan na ni Pang. Aquino ang ILO Convention 189  noong Mayo 18, 2012 at nasa Senado na para aprubahan ang kanyang pagsang-ayon.

Ngunit maaprubahan man ito ng Senado, isipin nating mahirap ipatupad ang isang ILO Convention dahil sa kakulangan  ng mekanismo ng ILO para tiyaking maipapatupad ito sa mga bansang kasapi ng nasabing organisasyon.

Dahil dito, mahalagang magkaroon ng isang pambansang batas dito sa Pilipinas na naglalaman ng mga karapatan ng isang kasambahay sa direksiyon na tinatahak ng ILO Convention No. 189.

Matagal nang nakabinbin sa Kongreso ang panukalang batas tungkol sa mga kasambahay na kung tawagin ay Kasambahay Bill (Senate Bill No. 78 sa Senado at House Bill No. 6144  sa House of Representatives ) pero hindi pa ito lubusang naipapasa.

Kailangan sigurong mag-ingay ang progresibong mga sektor para maaprubahan ang panukalang batas na ito. Kasabay nito, kailangan din nating organisahin at pakilusin ang mga kasambahay dahil sila rin ay anakpawis na biktima ng pang-aapi at pagsasamantala.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2012/07/silang-mga-kasambahay/feed/ 0
Pagkatapos ng paglilitis http://pinoyweekly.org/new/2012/06/pagkatapos-ng-paglilitis/ http://pinoyweekly.org/new/2012/06/pagkatapos-ng-paglilitis/#comments Tue, 05 Jun 2012 16:54:23 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=20018 Marami ang nabigla nang malaman  ang halagang ginastos ng gobyerno sa naganap na paglilitis kay Chief Justice Renato Corona.

Ayon sa House of Representatives, kulang-kulang ay P6 Milyon ang kanilang nagastos para sa impeachment trial ni CJ Corona. Sa perang ito, P2.1-M ang napunta sa office supplies, P1.79-M para sa pagkain, at mahigit P1-M para sa operation expenses ng prosecution team.

Sa bahagi ng Senado, mga P3.6-M ang kanilang nagastos, ayon kay Senator Tito Sotto.

Ngunit hindi lamang pera ang ginugol ng pamahalaan sa nangyaring paglilitis sa nasipang Chief Justice. Gumugol din ang gobyerno ng malaking bahagi ng kanyang panahon na nagbunga sa pagkaiwan nito sa iba pang kagyat at mahalagang mga gawain.

Halimbawa, sa Senado ay napilitan ang mga senador na isagawa ang committee at plenary hearings sa umaga tatlong beses na lamang sa loob ng isang linggo upang mabigyan ng panahon ang nangyayaring impeachment trial. Dahil sa kakulangan ng panahon, maraming panukalang batas na aprubado na ng House of Representatives ang naka-pending sa Senado ngayon  dahil hindi pa nito nare-review.

Halimbawa, aprubado na ng House of Representatives ang “Anti-Bullying Act” (House Bill No. 5496). Ang panukalang batas na ito’y naglalayong ipagbawal ang bullying sa mga paaralan. Ngunit hindi pa rin ito naaksyunan ng Senado.

Naaprubahan na rin ng House of Representatives ang House Bill No. 5990 na naglalayong magbigay ng kompensasyon sa mga human rights victims noong panahon ng diktadurang Marcos. Ikinatuwa na sana ito ng mga biktima ng martial law, pero sa kasamaang palad, hindi pa rin aaksiyunan ang panukalang batas na ito ng Senado.

Ganun din ang House Bill 709 (“Penalizing Cable Television or Cable Internet Pilferage”). Pagkatapos ng ilang taon na pangungulit, ipinasa na ng House of Representatives ang panukalang batas na ito tungkol sa anti-cable TV theft. Ngunit dahil abala sa impeachment trial ang Senado, naka-tengga pa sa kanya ang panukalang batas na ito.

Pending pa rin sa Senado ang “Revised Philippine Passport Act” (House Bill No.   na naglalayong  gawing 5 hanggang 10 taon ang buhay ng isang passport at simplehan na lamang ang mga rekisitos para sa pagkuha nito.

Alam naman natin lahat kung paano kahirap kumuha ng passport ngayon. May panukalang batas na sana ang Mababang Kapulungan dito ngunit hindi pa rin ito naaksyunan ng Senado.

Aprubado na rin ng House of Representatives ang  House Bill 3005 “Declaring December as Anti-Corruption Month”. Ganun pa man, nananatiling nakabinbin ito sa Senado dahil abala sa impeachment trial ang huli.

Nakabinbin rin sa  Senado ang panukalang batas na inaprubahan ng House of Representatives tungkol sa cybercrimes, ang “Cybercrime Bill” o House Bill No. 5805. Layunin ng  House Bill na ito na mabigyan ang mamamayan ng proteksiyon laban sa mga cybercriminals. Medyo kontrobersiyal lamang ito dahil sa ilalim nito ay maari ka nang magkaso ng Libel dahil sa mga postings sa Internet samantalang may mga hakbang na para i-decriminalize ang naturang krimen. Ganun pa man, nanatiling nakabinbin pa rin ito sa Senado.

Isama na rin natin ang kontrobersiyal na “ Freedom of Information Bill” na  nagawan na ng report ng  komite ni Senador Gringo Honasan ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin maipasa.

Kung tutuusin, isang batas lamang ang naaprubahan ng Kongreso mula Enero 16 hanggang Marso 16 ng taong ito; ang Republic Act 10157 na nag-uutos na maging bahagi na ang kindergarten ng ating batayang programa sa edukasyon.

Ngunit kung maraming gawain  ang kailangang i-overtime ng Lehislatura, maraming trabaho din ang dapat i-overtime ng  ating Ehekutibo.

Mapapansin na masaya ang administrasyon ni Pang. P-Noy dahil sa sinasabing pagtaas ng ating  Gross Domestic Product (GDP)  nitong unang kuwarto ng taong ito. Ayon sa National Census and Statistics Office, 6.4% ang inilaki ng ating GDP mula Enero hanggang Marso sa taong kasalukuyan.

Ito’y patunay, sabi ni Pang. Noynoy, na ang  ating ekonomiya ay nasa tuwid na daan.

Ngunit kung nasa tuwid na  daan nga ang ating ekonomiya, bakit hindi ito ramdam ng ating mga mamamayan?

Ayon sa sarbey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) nitong unang tatlong buwan ng taon, umaabot sa 34.4% o 13.8 milyon ng mga Pilipinong  nasa tamang gulang  ang walang trabaho. Tinalo nito ang rekord ni Pres. GMA na 34.2% noong Pebrero 2009.

Ayon pa rin sa nasabing survey, 55.5% o mga 11.1 milyon na pamilya ang tumuturing sa kanilang sarili bilang mahirap. Noong Disyembre 2011, nasa 9.1 milyong pamilya lamang ang tumuturing sa kanilang sarili na mahirap.

Bukod pa rito, lumabas din sa nasabing SWS survey na dumami ang mga pamilyang  nakadanas ng gutom sa ilalim ng bagong administrasyon. Ayon sa survey,  23.8% o 4.8 milyong pamilya ang nakadanas ng gutom nitong nakaraang tatlong buwan. Mas mataas ito sa 4.5.milyong pamilya na nakadanas ng gutom noong Disyembre 2011.

Ito ba ang pinagyayabang ni Pang. Noynoy na nasa tamang daan ang ating ekonomiya?

Pagdating naman sa usapin ng karapatang pantao, nariyan at hindi pa rin mahulihuli si Gen. Jovito Palparan, ang poster boy ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng administrasyong Arroyo.

Kung nagawa ng administrasyong Aquino na gumastos ng napakalaking pera para  lamang mapatalsik si CJ Corona, bakit hindi niya ito magawa para agarang maaresto si  Gen. Palparan?

Ang pagkasipa kay Chief Justice Corona ay isang maliit na bahagi lamang ng pagbabago na  nais  matupad ng mamamayan. Tigilan na nila ang pag-iisip  na ang naganap na impeachment trial ang siyang maglulutas sa kahirapan ng bayan.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2012/06/pagkatapos-ng-paglilitis/feed/ 2
Ang gasgas na solusyon: Pribatisasyon http://pinoyweekly.org/new/2012/04/ang-gasgas-na-solusyon-pribatisasyon/ http://pinoyweekly.org/new/2012/04/ang-gasgas-na-solusyon-pribatisasyon/#comments Wed, 25 Apr 2012 02:36:49 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=19433 Sa Mindanao Power Summit sa Davao City noong Abril 13, 2012,  inirekomenda ni Pang. Noynoy Aquino ang pribatisasyon bilang solusyon sa brown-outs sa Mindanao.

Upang matigil daw ang nagaganap na brown-outs, dapat isapribado ang produksiyon at distribusyon ng kuryente sa Mindanao. Kung hindi raw ay mapipilitang tanggapin na lamang ng publiko ang pagtaas sa halaga ng kuryente sa nasabing lugar.

Mukhang hindi yata naiintindihan ng Pangulo ang kanyang sinasabi. Maalaala na noon pa natin pinairal sa ibang bahagi ng bansa ang patakarang pribatisasyon. Noong administrasyon ni Pang. Cory Aquino ay sinimulan ang deregulasyon ng industriya ng langis. Pagkatapos noon ay ipinatupad ni Pang. Ramos ang pribatisasyon sa pamamagitan ng pagbenta sa dayuhang mga korporasyon ng stocks ng gobyerno sa Petron.

Sa administrasyon naman ni Pang. Arroyo naaprubahan ang Electric Power Industry Reform Act (Epira) na nagsapribado ng assets ng National Power Corporation (NPC).

Ang mga hakbang na ito ay ginawa ng pamahalaan sa paniniwalang makapagpababa ito ng presyo ng langis at kuryente.

Ngunit ano ang nangyari? Hindi bumaba kundi lalong tumaas ang presyo ng langis at kuryente. Sa katunayan, ang Pilipinas ngayon ang isa sa mga bansang may pinakamataas na presyo ng kuryente at langis sa Asia.

Ano ang sanhi nito? Tingnan natin, ang industriya ng langis. Ayon sa statistics, mga nasa   U$ 11  lamang ang kabuuang gastos sa upang makagawa ng isang bariles na krudo ng langis. Ngunit sa pamilihan, umaabot na ng mga U$ 110  ang halaga ng  isang bariles na krudo. Dahil ba ito sa kulang ang suplay ng langis sa mundo? Hindi.  Dahil ito sa limpak-limpak na tubo ng mga kompanya ng langis na nag-o-operate bilang isang kartel. Dito sa atin, noong panahon na ang gobyerno pa ang may-ari ng kompanyang Petron, kahit papaano’y nasasalag natin ang operasyon ng kartel na ito. Mula nang ibinenta ng pamahalaan ang kanyang share sa Petron, wala na tayong panlaban pa.

Pagdating naman sa power shortage sa Mindanao, matatandaan  na noon pang 2010 ay nananawagan na ang power executives sa nasabing lugar na magsagawa ng rehabilitasyon  sa Iligan Diesel Power Plants at  hydroelectric power plants sa Agus River, at dredging operations sa Baloi Plains at Pulangi Hydroelectric Power Plant para matugunan ang power crisis sa Mindanao.
Ang mga proyektong ito ay mangangailangan ng malaking halaga na aabot sa bilyon at mabagal lamang ang balik ng tubo. Dahil dito, alinlangan ang  NPC sa pagpapatupad nito.

Isipin nating magmula nang isapribado ang NPC, naging “profit-oriented” ito. Hindi na  serbisyo sa publiko, kundi tubo, at tubo pa, ang naging pangunahing motibo ng kompanyang ito. Hindi sana mangyayari ito kung patuloy na nasa kamay ng pamahalaan ang NPC at hindi ito isinapribado. Ngunit ang nais ni Pangulong Arroyo ay lalong palawakin ang pribatisasyon at pati na ang natitirang power plants sa Mindanao na pag-aari ng gobyerno ay isapribado na.
Hindi ba ito ay malaking kahibangan? Pribatisasyon na nga ang sanhi ng krisis, pero pribatisasyon pa rin ang naiisip ng pamahalaan na solusyon. Katulad ito sa isang magsakit na imbes na bigyan mo ng gamot ay binibigyan mo ng lason.

Kung tuuis-tuusin, tayo lang naman ang sigaw nang sigaw ng pribatisyasyon samantalang ang ibang bansa ay patuloy na nagsasagawa ng  nasyunalisasyon sa kanilang mahalagang industriya.

Kitang-kita ito sa industriya ng langis. Ang mga nangungunang kompanya sa langis sa mundo  ay pag-aari ng mga gobyerno at hindi pribadong mga kompanya. Tulad halimbawa ng Aramco. Pag-aari ito ng pamahalaan ng Saudi Arabia at hindi ng pribadong sektor. Ganun din ang National Iranian Oil Co. na pag-aari ng pamahalaan ng  bansang Iran; Qatar General Petroleum Corp. na pag-aari ng bansang Qatar, at Iraqi National Oil Co. na pag-aari ng gobyerno ng Iraq. Idagdag pa natin dito ang Gazprom na pag-aari ng gobyerno ng Russia at Petro China na pag-aari ng pamahalaan ng Tsina. Silang lahat ay pag-aari ng gobyerno at nakabatay sa serbisyo-publiko at pambansang seguridad ang kanilang pamamalagi, hindi dahil sa tubo.

Gasgas na ang patakarang pribatisasyon. Ang patakarang neo-liberalisasyon na nagbunsod nito ay nagbunga ng katakot-takot na mga krises sa mundo. Kailan pa matututo ang pamahalaang Aquino?

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2012/04/ang-gasgas-na-solusyon-pribatisasyon/feed/ 0
Pribatisasyon at deregulasyon pa rin ba? http://pinoyweekly.org/new/2012/03/pribatisasyon-at-deregulasyon-pa-rin-ba/ http://pinoyweekly.org/new/2012/03/pribatisasyon-at-deregulasyon-pa-rin-ba/#comments Tue, 20 Mar 2012 03:46:09 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=18886 Ang  deregulasyon at pribatisasyon ay mga susing patakaran sa ekonomiya ng rehimeng Aquino. Kasama ang patakarang liberalisasyon, ang mga patakarang ito ay minana ng kasalukuyang administrasyon sa administrasyong Arroyo, na minana naman nito sa nauna pang mga administrasyon. Ito ay nagpapakita ng patuloy na pagsusuporta ng ating bansa sa patakarang globalisasyon o neo-liberal theory na sinimulang pinalaganap ng Estados Unidos at mga kapitalistang  bansa simula noong 1970s.

Nakita natin noong nakaraang mga taon kung paano isinapribado ng ating gobyerno ang mga hawak nitong korporasyon o kompanya katulad ng MWSS, PNB, NPC, PNOC at iba pa. Sa kasalukuyan ay bukambibig ni Pang. Noynoy Aquino ang “Public-Partnership Partnership” kung saan ang pribadong sektor ay mahalagang katuwang ng pamahalaan sa pagsagawa ng mga  proyektong makakabuti raw sa kalagayan ng madla. Nakita rin natin sa pamamagitan ng Oil Deregulation Law at iba pang batas kung paano iniwasan ng ating gobyerno na makialam sa presyo ng mga batayang bilihin. Ang patakaran ng pamahalaan ay huwag makialam sa negosyo  at panatilihin ang malayang pamilihan alinsunod sa kasabihan na “the government that governs best is the government that governs less.”

Ngunit kung ating susuriin ang mga bansa ng daigdig sa kasalukuyan, mukhang nahuhuli na sa uso ang administrasyong Aquino sa patuloy na pagpapalaganap nito sa patakarang pribatisasyon at deregulasyon. Bakit? Dahil kung ating titingnan ang ekonomiya ng daigdig sa kasalukuyan, kapansin-pansin na dumadami at namamayagpag ang mga kompanyang pag-aari o kontrolado ng mga gobyerno. Dumadami rin ang mga bansang direkta nang nakikialam sa mga negosyo sa kanilang teritoryo.

Halimbawa, ang 13 pinakamalaking kompanya ng langis sa mundo tulad ay pag-aari o suportado ng iba’t ibang gobyerno. Hindi sila kontrolado ng pribadong sektor  kundi pag-aari o kontrolado ng mga pamahalaan.

Ang pinakamaunlad na kompanya ng kemikal sa mundo, ang Saudi Basic Chemicals Corporation, ay pag-aari ng gobyernong Arabo. Ganun din ang pangatlong pinakamalaking bangko sa Europa, ang Sberbank, na pag-aari naman ng bansang Russia. Ang pinakamaunlad na kompanya ng gas sa mundo ay  pag-aari din ng gobyerno ng Russia. Ang pangatlong pinakamalaking port operator sa daigdig, ang Dubai Ports, ay pag-aari naman ng gobyerno ng United Arab Emirates. Sa negosyo naman ng mobile phones, ang China Mobile na may 600 milyones na mga kustomer, ay pag-aari ng gobyernong Tsino.

Nasa 62% ng stock market sa Russia ang binubuo ng  mga kompanyang pag-aari ng gobyerno. Sa China, ang mga kompanyang pag-aari ng pamahalaan ay bumubuo sa 80% ng stock market. Sa Brazil naman, mahigit  1/3 ng stock market ang binubuo ng kompanyang pag-aari ng gobyerno.

Ito ay nagpapakita lamang na direkta nang umaakto  ang mga pamahalaan sa daigdig bilang kakumpetensiya ng pribadong sektor sa negosyo.

Hindi rin natin maitatwa na marami ring bansa ang bukas sa pagsasagawa ng mga batas na magsasalba sa pagkalugi ng mga negosyo ng kanilang mamamayan. Ang financial bail-out programs na isinagawa ng Estados Unidos at European Union ay halimbawa ng mga ito.

Ano ang nangyari sa prinsipyo ng malayang pamilihan at sa paniniwalang hindi dapat makialam  sa negosyo ang pamahalaan? Ano ang nangyayari sa patakarang deregulasyon at pribatisasyon na sinusulong ng neo-liberal economists?

Malinaw na itinapon na ito ng maraming pangunahing bansa at agawan sila ngayon sa pakikialam sa ekonomiya at pagtatayo ng mga kompanyang pag-aari ng gobyerno para lumahok sa negosyo. Marami sa kanila ang nagising sa katotohanang ito dulot ng krisis sa pandaigdigang ekonomiya na nagsimula ilang taon na ang nakaraan. Ang krisis na ito na sumira sa Lehman Brothers sa Estados Unidos noong 2008 ay nagpalakas sa desisyon ng maraming pamahalaan na makisawsaw na sa negosyo at huwag manatiling tagapagmasid lamang.

Sa ngayon, ang nauusong modelo ay ang kapitalismo ng estado at hindi ang kapitalismo ng pribadong sektor na itinuturo ng Estados Unidos.

Oo nga’t malayo pa rin ito sa sosyalismo, ang modelong gusto ng mga manggagawa. Ngunit  ang kaganapang ito ay maari nating gamitin upang ipakita kay Pres. Noynoy Aquino na ang pribatisasyon na kanyang tinataguyod at sinusulong ay dapat nang talikuran at iwanan.

Sa  isang atrasadong bansa tulad ng Pilipinas, dapat na makialam sa ekonomiya ang gobyerno sa pamagitan ng pagbigay ng proteksiyon sa mga lokal na industriya laban sa kumpetisyon na dulot ng mga korporasyong dayuhan. Dapat ding palakasin  ng gobyerno ang mga kompanyang pag-aari o kontrolado nito  imbes na ipagbili ito sa pribadong sektor .

Taliwas ito sa landas ng pribatisasyon at kaakibat nitong liberalisasyon at deregulasyon na  matagal na nating tinatahak. Ngunit  panahon na upang pansinin natin ang  kaganapang nangyayari sa ibang bahagi ng daigdig.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2012/03/pribatisasyon-at-deregulasyon-pa-rin-ba/feed/ 0
Dahil sa apat na banyerang isda http://pinoyweekly.org/new/2012/02/dahil-sa-apat-na-banyerang-isda/ http://pinoyweekly.org/new/2012/02/dahil-sa-apat-na-banyerang-isda/#comments Mon, 20 Feb 2012 20:30:13 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=18303 Nang dahil sa apat na banyerang isda’y nawalan ng trabaho ang mga manggagawa ng isang kompanya sa Navotas. Pinagbintangan sila ng kanilang kompanya sa salang pagnanakaw ng mga huli nilang isda at pagbebenta nito sa karibal na kompanya. Ito di umano’y ginawa nila samantalang padaong na ang kanilang lantsa sa piyer ng Navotas. Kapwa nila manggagawa mismo ang tumestigo laban sa kanila.

Tinanggi naman ito ng mga manggagawa. Ayon sa kanila, lulan ng lantsa  ng kompanya ay nangisda sila sa dagat ng Palawan. Pagkatapos noo’y bumalik na sila sa Navotas. Ang lahat ng isdang kanilang nahuli ay ibinigay nila sa dapat pagbigyan ayon sa utos ng manedsment. Nagtaka na lamang sila pagpunta nila sa opisina ng kompanya nang sabihin sa kanila na wala na silang biyahe at maghintay na lamang ng pasabi mula sa manedsment. Pagkatapos noon, nalaman na lamang nila na tinanggal na sila sa kanilang trabaho. Inuugnay nila ito sa kanilang paghingi ng dagdag na sahod sa kompanya at pagtangging pumirma sa blangkong payroll na pinapipirmahan sa kanila.

Nagsampa ng kasong illegal dismissal ang mga manggagawa laban sa kompanya sa tanggapan ng Labor Arbiter. Inireklamo naman ng kompanya sa kasong pagnanakaw ang mga manggagawa nito sa opisina ng City Prosecutor.

Naunang lumabas ang Resolusyon ng City Prosecutor at napatunayan nitong may sapat na batayan upang arestuhin ang mga manggagawa. Dahil dito, napunta ang kaso nila sa Regional Trial Court at sinimulan na ang paglilitis.

Pagdating naman ng desisyon ng Labor Arbiter, panalo ang mga mangagagawa. Hindi niya binigyan ng halaga ang resolusyon ng City Prosecutor at inutusan ang kompanya na bayaran ng backwages at  separation pay ang mga manggagawa dahil sa ilegal na pagtanggal sa kanila ng kompanya.

Agad na nag-apela ang kompanya sa National Labor Relations Commission (NLRC). Dito naiba ang ihip ng hangin at pagdating ng desisyon ng NLRC, binaliktad nito ang desisyon ng Labor Arbiter. Sinabi ng NLRC na may batayan ang kompanya para tanggalin sa kanilang trabaho ang mga manggagagawa.

Ang mga manggagawa naman ngayon ang pumunta sa Court of Appeals. Dito, muling nabago ang ihip ng hangin. Binago ng Court of Appeals ang desisyon at binalik ang hatol ng Labor Arbiter na nag-uutos sa kompanyang bayaran ng backwages at separation pay ang mga manggagagawa.

Dinala ng kompanya ang kaso sa Supreme Court. Ayon sa kompanya, may kontrata daw ang  mga manggagawa na bawat biyahe lamang ang haba ng kanilang trabaho. Tuwing pauwi na ang kanilang lantsa, natatapos ang kanilang kontrata. Nang tanggalin sila ng kompanya, tapos na ang kanilang kontrata. Kaya imposibleng magkasala ng illegal dismissal ang kompanya.

Hindi naniwala ang Korte Suprema sa argumento ng kompanya. Ang kompanya ay isang fishing company. Hanapbuhay nito ang pangingisda. Ang mga manggagawa ay tauhan nito sa kanyang barkong ginagamit sa pangingisda. Maliwanag na mahalaga sa negosyo ng kompanya ang ginagawa ng mga manggagawa. Sa katunayan, may mga manggagawa na sampung taon nang nagtatrabaho sa kompanya.

Kung ganun, ayon sa Korte Suprema, dapat nang ituring na regular na mga empleyado ng kompanya ang mga manggagawa. Totoong may kontrata silang pinirmahan na tuwing biyahe ng lantsa lamang ang haba ng kanilang trabaho (fixed-term contract). Ngunit malinaw na paraan lamang ito ng kompanya para hindi nila makamit ang regularisasyon sa trabaho. Kung pumirma man sila sa kontrata, ito’y dahil kailangan talaga nila ang trabaho. Kaya balewala ang nasabing fixed-term contract at dapat lamang silang ituring na mga regular na empleyado ng kompanya.

Inargumento din ng kompanya na ayon sa resolusyon ng City Prosecutor, may sapat na batayan upang arestuhin ang mga manggagawa. Kaya dapat sumunod ang Labor Arbiter sa Resolusyon ng City Prosecutor, sabi ng kompanya.

Hindi pumayag sa ganitong argumento ang Korte Suprema. Magkaiba ang tanggapan ng City Prosecutor at ng Labor Arbiter, paliwanag nito. Ang desisyon ng isang tanggapan ay maaaring hindi sundin ng isa. Hindi awtomatiko na ang desisyon ng tanggapan ng City Prosecutor ay susundin ng Labor Arbiter. Kailangan niyang pag-aralan ang ebidensiya nang hiwalay sa ginawang pag-aaral ng City Prosecutor. Ganun din sa bahagi ng City Prosecutor. Kailangan din niyang pag-aralan ang ebidensiya ng hiwalay sa ginawang pag-aaral ng Labor Arbiter. Puwede kang manalo sa Office of the City Prosecutor ngunit matalo sa tanggapan ng Labor Arbiter at manalo sa tanggapan ng Labor Arbiter ngunit talo sa tanggapan ng City Prosecutor.

Ganumpaman, sinasabi ng kompanya na may sapat itong batayan upang tanggalin sa kanilang trabaho ang mga manggagawa.

Dito sumang-ayon ang Korte Suprema. Ayon sa Labor Code, maaaring tanggalin sa trabaho ang isang regular na manggagawa kapag napatunayang sinira nila ang pagtitiwalang inaatang sa kanila ng kompanya.

Sa kaso ng mga manggagawa, tatlong kapwa-manggagawa nila mismo ang nagpapatunay na talagang ninakaw nila ang apat na banyerang isda mula sa mahigit isang libong banyerang huli nila sa pangingisda. Sinasabi ng mga kapwa-manggagawa nila sa kanilang mga sinumpaang salaysay kung paano kinuha ang mga isdang ito sa stockroom at ipinasa sa isang maliit na bangka habang papasok na ang kanilang lantsa sa laut ng Maynila. Inamin din ng isang manggagawa na P800 ang halagang binigay sa kanya upang manahimik sa kanyang nakita. Kaya malinaw na may sapat na batayan ang kompanya para paniwalaan ang pagnanakaw at mawalan ng tiwala sa mga manggagawa nito.

Ganumpaman, kailangang bigyan muna ng abiso ng kompanya ang mga  manggagawa bago tanggalin sa kanilang mga trabaho. Dalawang sulat ang kailangang ibigay nito sa kanyang mga manggagawa. Una, kailangan niya itong padalhan ng notice to explain o sulat na humihingi ng paliwanag kung bakit hindi dapat tanggalin ang manggagawa sa kanyang trabaho. Pangalawa, dapat din niya itong bigyan ng sulat na tanggal na ito sa kanyang trabaho.

Sa kaso ng mga manggagawa ay hindi naibigay ng kompanya ang pangalawang sulat na hinihingi ng batas, sabi ng Korte Suprema. Dahil dito, tama nga ang kompanya sa ginawa nitong pagtanggal sa mga manggagawa, ngunit dapat itong magbayad ng danyos dahil sa hindi pagsunod sa tamang proseso kaugnay ng naganap na tanggalan.

Pinagbayad ng Korte Suprema ng danyos na P50,000 bawat manggagawa ang kompanya, ngunit dineklarang legal ang pagkatanggal ng mga manggagawa sa kanilang trabaho dahil sa kanilang pagnanakaw ng apat na banyerang isda. (Lynvil Fishing Enterprise Inc. vs. Andres Arriola, et. al.,    G. R. No. 181974, February 1, 2012)

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2012/02/dahil-sa-apat-na-banyerang-isda/feed/ 1
Ang DOLE Department Order 18-A at pangongontrata sa trabaho http://pinoyweekly.org/new/2012/02/ang-dole-department-order-18-a-at-pangongontrata-sa-trabaho/ http://pinoyweekly.org/new/2012/02/ang-dole-department-order-18-a-at-pangongontrata-sa-trabaho/#comments Fri, 10 Feb 2012 14:25:54 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=18158 Nitong Nobyembre 2011, inilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE)   ang Dept. Order No. 18-A, ang bagong alituntunin sa labor contracting. Batay sa mga press release na inilabas ng DOLE, masasabing malaking ginhawa ang maidudulot ng bagong regulasyong ito sa kalagayan ng mga manggagawang sakop ng mga agency o subcontractor.

Ano nga ba ang nilalaman ng DOLE D.O. 18-A na wala sa dating batas na umiiral tungkol sa labor contracting?

Una, kailangan na ang malaking kapital para maging isang lehitimong labor contractor. Para makapangontrata, kailangan munang magkaroon ng rehistro ang isang agency mula sa DOLE. Para mabigyan ng rehistro, kailangang ang isang agency na korporasyon, partnership o kooperatiba ay may paid-up capital na hindi bababa sa  P3-Milyon. Kapag ang agency  naman ay isang single proprietorship, kailangang hindi bababa sa P3-M ang kanyang net worth. Kung di nila naaabot ang ganitong halaga, hindi sila maaaring bigyan ng rehistro bilang legitimate labor contractor. Matatandaan na sa lumang batas, sinasabi lamang na kailangang may sapat na kapital ang isang labor contractor, bagamat walang tiyak na halagang binabanggit. Sa ilalim ng D.O. 18-A, hinihingi na ang P3-M bilang minimum paid-up capital o minimum net worth ng labor agencies.

Pangalawa, mas mataas na ang babayaran ngayon ng mga ahensiya para mabigyan sila ng rehistro bilang legal na kontratista. Maaalala na sa dating batas ay kailangan lamang nilang magbayad ng P100 bilang registration fee sa DOLE Regional Office para mabigyan ng rehistro. Sa ilalim ng D.O. 18-A ay P25,000 na ang registration fee na dapat ibayad ng isang labor contractor. Ang P25,000 na ito ay babayaran ng agency tuwing tatlong taon.

Sa ilalim ng mga patakarang ito, tinitiyak ng pamahalaan na ang mga agency na may sapat na kakayanan lamang ang maaring mangontrata. Iyung mga patakbuhin o fly-by-night na agency ay mahihirapan nang mangontrata dahil sa taas ng capital requirement o sa taas ng registration fee.

Pangatlo, sa ilalim ng D.O. 18-A, ang paulit-ulit na pagtanggap ng kompanya ng mga manggagawang kontraktuwal sa ilalim ng iisa o kahit paiba-ibang agency ay mangangahulugan na ang kompanya ay gumagawa ng  labor-only contracting na ipinagbabawal ng batas. Ibig sabihin, kapag agency worker ang isang manggagawa at pagkatapos ng limang buwan ay kinuha siya ulit ng kompanya bilang agency worker na naman, indikasyon ito na ang kompanya ay nagpapairal ng labor-only contracting. Dahil dito, maaaring idemanda ng manggagawa ang kompanya at maaring ituring na regular na manggagawa ng kompanya, kahit na siya ay ipinasok ng agency.

Pang-apat, inuutos din ng D.O. 18-A  na ang employment contract sa pagitan ng isang contractual employee at kanyang agency ay kailangang maging kasing haba ng service contract sa pagitan ng agency at ng kompanya. Kapag mas maigsi ang employment contract ng manggagawa sa agency kaysa service contract ng agency sa kompanya, ituturing  ding nagkasala ng labor-only contracting ang kompanya at magiging regular na empleyado ang mga manggagawa kahit sila ay sa ilalim ng agency.

Halimbawa, kinontrata ng isang kompanya ang isang labor agency para maging tagapaglinis ng kubeta ng kompanya sa loob ng isang  taon. Nagpirmahan sila ng isang service contract na nagsasabing sa loob ng isang taon, ang agency ang maglilinis ng mga kubeta sa kompanya. Kinuha ng agency si Juan bilang tagalinis ng kubeta. Ngunit ayon sa kontrata sa pagitan ng agency at ni Juan, tatagal lamang nang limang (5) buwan ang serbisyo ni Juan. Hindi puwede ito, ayon sa D.O. 18-A. Kailangang ang kontrata ni Juan at ng agency ay maging kasinghaba din ng service contract sa pagitan ng agency at ng kompanya. Sa madaling sabi, kailangang maging isang taon din. Dahil sa nilabag ang ganitong patakaran, ituturing ang kompanyang nagkasala ng labor-only contracting at maging regular na empleyado nito si Juan.

Panglima, kapag may unyon sa kompanya ngunit pinakontrata pa rin ng huli ang ibang gawain at  gumamit ito ng agency para rito, obligadong ipakita ng kompanya sa unyon ang service contract sa pagitan ng kompanya at ng agency. Obligado ring ipakita ng agency sa unyon ang employment contracts ng contractual employees na kinuha ng agency. Iniuutos ng D.O. 18-A ang ganitong patakaran at anumang paglabag ay ituturing na labor-only contracting.

Sa madaling sabi, kailangang bigyan ng kompanya ang unyon ng kopya ng mga kontrata kaugnay sa pagsu-subcontract na ginagawa ng  kompanya. Sa pamamagitan nito, mapaghandaan ng unyon ang anumang masamang balak ng kompanya. Kapag hindi  nagbigay ng kopya ng kontrata ang kompanya, ituturing siyang gumagawa ng labor-only contracting at dahil dito’y magiging regular na ang lahat ng contractual employees ng kompanya.

Pang-anim, sinasabi rin ng D.O. 18-A na kailangang hindi lalagpas ang bilang ng mga contractual o agency employees sa bilang na nakasaad sa collective bargaining agreement (CBA) , kung meron man. Ibig sabihin, maaaring magkaroon ng kasunduan ang unyon at ang kompanya kung ilang manggagawa ang  maaring ipa-subcon ng kompanya o ibigay sa agency o labor contractor. Hindi maaaring sumobra ang kompanya sa pinagkasunduang bilang. Kung lumabag dito ang kompanya, ituturing itong nagkasala ng labor-only contracting at ang agency workers na kanyang kinuha ng labag sa kasunduan ay ituturing na regular na manggagawa ng kompanya.

Yun ang mga importanteng pagbabago sa batas ng labor contracting na dinulot ng D.O. 18-A sa ilalim ni Secretary Rosalinda Baldoz.

Ngunit ang susunod na tanong ay ganito: Ito ba talaga ang gusto ng mga manggagawa natin? Ang D.O. 18-A ba ang tugon sa kanilang pagtutol laban sa contracting-out ng trabaho?

Ang sagot ay hindi. Ang nais ng mga manggagawa ay tuluyang mawala ang contracting-out of labor sa anumang uri at anyo. Sa ilalim ng D.O. 18-A, patuloy pa ring pinapayagan ang job contracting at ang pinagbabawal lamang ay ang labor-only contracting. Nais nating mapawi ang lahat ng pangungontrata sa paggawa, ma-job contracting man ito o labor-only contracting. Totoong pinaigting ng D.O. 18-A ang pagbabawal sa labor-only contracting, ngunit patuloy naman nitong kinakandili ang job contracting. Kaya mangangahulugan pa rin ito nang patuloy na paglilipana ng mga labor agency at patuloy na paglaganap ng contracting-out sa trabaho.

Ang matagal nang hinihintay ng mga manggagawa’y isang batas na magbabawal sa lahat ng uri at anyo ng pangungontrata sa trabaho. Ang D.O. 18-A ay maituturing na isang  palamuti lamang lamang, ngunit hindi ito ang tugon sa matagal na nilang hinaing.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2012/02/ang-dole-department-order-18-a-at-pangongontrata-sa-trabaho/feed/ 15
Ang paglilitis kay Chief Justice Corona: Para kanino? http://pinoyweekly.org/new/2012/01/ang-paglilitis-kay-chief-justice-corona-para-kanino/ http://pinoyweekly.org/new/2012/01/ang-paglilitis-kay-chief-justice-corona-para-kanino/#comments Wed, 25 Jan 2012 04:21:45 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=17845 Nakapako ang paningin ng buong sambayanan ngayon  sa nangyayaring impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona. Para itong telenobelang pinagtuunan ng pansin ng publiko. Sari-saring kuro-kuro ang maririnig natin sa paglilitis na ito. Hindi ring maiwasang ipaghambing ng taong-bayan kung sino ba ang mas magaling sa mga personaheng sangkot sa impeachment trial.

Batay sa nasaksihan ng lahat, mas nakakalamang ba ang prosecution o mas lamang ang defense lawyers? Nananalo ba ang grupo ni Congressman Neil Tupas o mas panalo  ang kay Retired Justice Serafin Cuevas? Ang sagot naman ng nakausap kong barbero ay mali silang lahat. Ang tunay na panalo at magaling daw ay si Sen. Enrile, nakangiting sabi niya.

Sa kabila ng lahat, pinagtitiyagaang ipaliwanag ng administrasyong Aquino na kailangang nito gawin ang impeachment trial bilang pagtahak sa “tuwid na daan.” Kaugnay ito ng programa ni Aquino laban sa  korupsiyon o katiwalian sa gobyerno. Ang korupsiyon, ayon sa kasalukuyang administrasyon, ay siyang sanhi ng pagkabaon ng ating bansa sa kahirapan. Kaya upang ipakita ang mahigpit na pagtutol nito sa anumang katiwalian sa gobyerno, kailangang magbigay ng ehemplo si Pang. Noynoy sa pamamagitan ng pagtanggal kay Chief Justice Corona. Sa madaling sabi, ang paglilitis sa Punong Mahistrado ay para sa mga mamamayan.

Ayon naman sa kampo ng oposisyon, walang sapat na ebidensiya upang sibakin ang Chief Justice. Galit lang  daw ang Pang. Noynoy dahilan sa Hacienda Luisita kung kayat pina-impeach nito ang Punong Mahistrado.

Nakakalimutan ng karamihan na ang kasalukuyang impeachment trial ay labanan lamang ng dalawang paksiyon ng naghaharing uri at hindi totoong laban ng naghihirap na sambayanan. Kung maaalis ba natin sa puwesto si Justice Corona ay madadagdagan ang ulam na inihahain ng ating mga kababayan sa kanilang mga hapag-kainan? Ito ba’y mangangahulugan ng dagdag na trabaho para sa ating mga kababayan na ngayon ay walang mapapasukan? Ito ba’y magiging sanhi ng pagbaba ng presyo ng kuryente, tubig, langis, LPG, bigas, isda, at iba pang pangunahing bilihin?

Kalunus-lunos ang kalagayan ngayon ng ating bansa. Sa kasalukuyan, tinatantiyang 11.6 milyong Pilipino ang walang trabaho o may trabaho ma’y naghahanap pa ng dagdag na trabaho. Ang ating minimum wage ay sobrang baba at nakakatugon lamang ng wala pa sa kalahati o 43% ng batayang pangangailangan ng isang pamilya. Mababa rin ang halaga ng pera. Sa katunayan, ang totoong halaga ng minimum wage sa NCR ay umaabot lamang ng P245.00 kung maging batayan ang presyo noong taong 2000.

Dahil dito, marami sa ating kababayan ang napipilitang mangibang bansa upang makapaghanap ng disenteng trabaho. Tinatantiyang hindi bababa sa 4,000 Pilipino ang napipilitang mangibang bansa bawat araw.

Sa kabila nito, hindi nababawasan ang tubo ng dayuhang mga korporasyong nagnenegosyo sa ating bansa. Bagama’t nagrereklamo ang ating lokal na mga  negosyante, tuloy pa rin ang kanilang pamumuhunan at dominanteng posisyon sa ating lipunan. Kabaliktaran ito sa kalagayan ng ordinaryong mga mamamayan na halos wala na ngang makain ay pinagkaitan pa ng tulong ng gobyerno dahil sa malaking pagbawas ng badyet sa edukasyon, kalusugan, imprastaktura, at serbisyong panlipunan sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Epekto ito ng  patakarang liberalisayon, pribatisasyon at deregulasyon sa ilalim ng neoliberal na sistemang dati nang pinapairal ng nakaraang mga administrasyon at ngayon ay masugid pa ring ipinapatupad ng rehimeng Aquino. Bakit patuloy pa ring pinapairal ang mga patakarang ito sa ating bansa ng kasalukuyang administrasyon kahit na ito ay kontra-mamamayan?

Ito ay dahil sa hawak ng mayayamang negosyante, panginoong maylupa at banyagang mangangalakal ang ekonomiya ng bansa. Minorya lamang sila ngunit  halos lahat ng kayamanan ng ating bansa ay nasa kanilang mga kamay. Pati ang pulitika ng ating bansa ay hawak nila. Tinitiyak nila na ang mga patakarang nilalabas ng ating pamahalaa’y laging umaayon sa kanilang interes bagama’t salungat ito sa interes ng nakakaraming mamamayan. Mahalintulad natin ang istruktura ng ating bansa sa isang tatsulok,  kung saan ang katiting na naghaharing uri ang nasa itaas at ang higit na maraming mamamayang inaapi  at pinasasamantalahan ay nasa ibaba.

Ang impeachment trial ba ni Chief Justice Corona ay sisira sa kapangyarihang ito ng mga panginoong maylupa, malalaking negosyante at dayuhang mangangalakal? Ang sagot ay hindi. Kaya, maalis man si Justice Corona ay patuloy pa ring nakalubog sa hirap ang ating mga mamamayan. Kahit alisin man natin ang isang daang Renato Corona, hanggat patuloy ang pag-iral ng mga maka-kapitalistang  patakaran ng lipunan, ay patuloy na maghihirap ang sambayanan.

Hindi natin sinasabi na hindi dapat alisin si Chief Justice Corona. Kung talagang may kasalanan siya ay dapat siyang alisin. Ngunit wala tayong ilusyon na dito matatapos ang kalbaryo ng bansa. Para makamit ito, dapat wakasan ang kontrol ng mayayamang negosyante, panginoong maylupa at dayuhang mangangalakal sa ating lipunan. Dapat ding tapusin ang patakarang liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon na matagal nang nagpapahirap sa mga mamamayan. Dapat nating baliktarin ang tatsulok at ilagay ang mahihirap sa tuktok.

Kung magawa natin ito, saka lamang natin masasabi na daang matuwid nga ang ating tinatahak.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2012/01/ang-paglilitis-kay-chief-justice-corona-para-kanino/feed/ 3
Rehabilitasyon ng kompanya http://pinoyweekly.org/new/2011/10/rehabilitasyon-ng-kompanya/ http://pinoyweekly.org/new/2011/10/rehabilitasyon-ng-kompanya/#comments Mon, 10 Oct 2011 18:28:05 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=15782 Noong Agosto 15, 2011 ay inilabas ng Korte Suprema ang desisyon sa kasong “Agripino Molina vs. Pacific Plans Inc.” (G.R. No. 165476). Mahalaga ang kasong ito sapagkat nagpapakita ito ng paraan upang ang isang desisyon na naipanalo na at babayaran na lamang ang empleyado ay maantala at hindi mapapatupad.

Sa nasabing kaso, dinemanda ni Agapito ang kanyang kompanya ng illegal dismissal at money claims. Si Agapito ay assistant vice-president ng kompanya.

Nanalo sa kanyang demanda si Agapito. Nag-apela ang kompanya at nakaabot sa Korte Suprema ang kaso pero ganun pa rin ang desisyon: Panalo si Agapito.

Binalik sa Labor Arbiter ang records ng kaso at naglabas ito ng writ of execution para ipatupad ang desisyon. Dito sa writ of execution ay nakalagay ang halagang dapat bayaran ng kompanya bilang separation pay at backwages ni Agapito. Sinama ng Labor Arbiter dito ang halagang dapat idagdag sa sahod ni Agapito dahil sa collective bargaining agreement.

Tutol ang kompanya sa laki ng halagang babayaran nito at inapela nito ang kaso sa National Labor Relations Commission (NLRC). Nakakuha ito ng pagsang-ayon ng NLRC na nagsabing dapat bawasan ang hatol kay Agapito dahil hindi naman siya sakop ng collective bargaining agreement.

Bumaba na naman ulit sa Labor Arbiter ang record ng kaso kung saan muli na namang kinumpiyut ang halagang dapat bayaran ng kompanya kay Agapito. Sinamahan ng Labor Arbiter ng interes na 12% kada taon ang halagang ibibigay kay Agapito at muli na namang inapela ito ng kompanya sa NLRC.

Samantalang nakabinbin ang usapin sa NLRC tungkol sa kompiyutasyon ng backwages na dapat ibigay kay Agapito, humingi ng “corporate rehabilitation” ang kompanya sa husgado. Inaprubahan ng korte ang hinnihinging rehabilitasyon ng kompanya.

Nagkaroon ng hatol ang NLRC kung magkano ba talaga ang ibabayad kay Agapito at muling ibinababa ang rekord ng kaso sa Labor Arbiter para tuluyang ipatupad.

Kaagad namang ginamit ng kompanya ang nasabing “corporate rehabilitation” para labanan ang pagpatupad ng desisyon sa kaso. Sabi ng kompanya, dapat itigil muna ang pagpapatupad sa desisyon dahil sa rehabilitasyon na dinadaanan ng kompanya. Kung tapos na ang nasabing rehabilitasyon ng kompanya, saka pa lamang ipapatupad ang desisyon, sabi ng kompanya. Sa panig naman ni Agapito, ang posisyon niya’y dapat patuloy ang implementasyon ng desisyon kahit na dumadaan sa proseso ng rehabilitasyon ang kompanya. Tutal, tapos na ang kompiyutasyon sa NLRC ng halagang kanyang matatanggap.

Nakarating ang usaping ito sa Korte Suprema.

Kinatigan ng Korte Suprema ang kompanya. Sinabi nito na dahil sa sinasagawang “corporate rehabilitation,” dapat ay ititigil muna ang pagpapatupad sa desisyon.  Maaring mawalan ng saysay ang sinasagawang rehabilitasyon kung sakaling itutuloy ang pagpapatupad sa desisyon. Ang layunin ng rehabilitasyon ay upang makabangon sa kanyang pang-ekonomiyang kalagayan ang kompanya. Paano pa ito magagawa ng kompanya kung ipatupad natin ang desisyon laban dito? Kaya dapat lamang na hintayin muna nating maging normal na muli ang pang-ekonomiyang kalagayan ng kompanya bago ipatupad ang desisyon laban dito. Sa madaling sabi, ang rehabilitasyon ng isang kompanya ay makaantala sa pagpatupad sa desisyon laban dito.

Tama ba ito sa inyong pagtingin, mga kasama? Nararapat ba na mag-antay ang manggagawang nanalo sa kaso laban sa kompanya hanggang sa matapos ang rehabilitasyon nito? Paano kung hindi matagumpay ang nasabing rehabilitasyon? Paano pa igigiit ng manggagawa ang desisyong pabor sa kanya?

Mukhang maraming butas ang nasabing desisyon. Ngunit ganoon pa man, ito na ang masusunod sa kasalukuyan hangga’t hindi ito pinapalitan ng Korte Suprema.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2011/10/rehabilitasyon-ng-kompanya/feed/ 0
Magkahalong kasapian http://pinoyweekly.org/new/2011/08/magkahalong-kasapian/ http://pinoyweekly.org/new/2011/08/magkahalong-kasapian/#comments Thu, 11 Aug 2011 10:38:49 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=14694 Sa isang pakikipag-usap ko sa mga lider-manggagawa noong nakaraang linggo, muling lumabas ang tanong na ito: Maaari bang pagsamahin sa isang unyon ang mga empleyadong rank and file at ang mga empleyadong supervisory? Kapag pinagsama sila sa isang  unyon, ano ang mangyayari? Pwede bang gamitin ito ng manedsment na batayan upang ipakansela ang rehistro ng isang unyon?

Dati ay pwedeng ipakansela ng manedsment ang rehistro ng  unyon sa kadahilanang magkahalong rank and file employees at supervisory employees ang kanyang mga kasapi.

Ngunit ngayon, pagkatapos  amyendahan ang ating Labor Code nitong 2007, hindi na maaring gawin ng manedsment ito. Ibig sabihin, bawal pa ring pagsamahin ang mga superbisor at pangkaraniwang manggagawa sa isang unyon. Kung gusto ng  manggagawang rank and file na magkaroon ng mga unyon, kelangan sila lang ang miyembro. Hindi pwedeng sumali ang mga supervisor. Kung gusto ng mga supervisor na magtayo ng isang unyon, kailangang  sila-sila lang ang  miyembro. Hindi pwedeng sumali ang mga empleyadong rank and file.

Paano kung sa isang unyon para sa rank and file ay may nahalong mga supervisor? Ang gagawin ng Department of  Labor and Employment dito ay ihiwalay lamang ang mga  superbisor na ito sa unyon ng rank and file.  Ngunit hindi na ito magiging batayan upang kanselahin ang rehistro ng unyon.

Ganito ang nangyari kailan lang  sa kasong “Samahang Manggagawa sa Charter Chemical Solidarity of Unions in the Philippines for Empowerment and Reforms (SMCC-Super) vs. Charter Chemical and Coating Corporation”  (G.R. No. 1) 69717 na hinatulan ng Korte Suprema nito lamang  Marso 16, 2011.

Sa nasabing kaso, ang rank and file employees ng  Charter Chemical and Coating Company ang nagtayo ng isang unyon. Kaugnay nito, nagsampa sila ng petisyon sa Department of Labor and Employment  para magsagawa ng certification election sa kompanya.

Nilabanan ito ng kompanya sa pamagitan ng paghain ng Motion to Dismiss. Ang dahilan? May 12 daw na superbisor  na nakasama sa unyon bagama’t unyon ito ng mga rank and file , kaya dapat daw na i-dismiss ang  naturang petisyon.

Kinatigan ng Med-Arbiter ang kompanya at dinismis ang petisyon ng unyon. Ayon sa Med-Arbiter, may mga kasapi ang unyon na mga supervisory employees at sa ilalim ng Article 125 ng Labor Code, hindi ito pinapayagan.

Nag-apela sa Department of Labor and Employment (DoLE) ang unyon. Noong una, binasura ng DOLE ang apela at kinatigan nito ang kompanya. Pero nang magsampa ng Motion for Reconsideration ang unyon, nagbago ang  tayo ng DOLE at binaligtad nito ang dating desisyon. Sa madaling sabi, inutos ng DoLE na legal ang  rehistro unyon at  dapat nang magsagawa ng certification election sa kompanya.

Dinala ng kompanya sa Court of Appeals (CA) ang kaso. Dito, muling binaligtad ng CA ang desisyon. Hindi raw pwede ang hinihinging certification election ng unyon dahil sa pinagbabawal ng batas ang isang unyon na magkasama sa kasapian ang supervisory at rank and file employees.

Napilitang dalhin ng unyon ang kaso sa Korte Suprema.

Nilinaw ng Korte Suprema na talagang pinagbabawal ng batas na pagsamahin sa isang unyon ang mga superbisor at mga rank and file. Kung sakaling  para sa rank and file ang unyon, dapat ang kasapian ay panay rank and file lang. Kung sakaling para sa  mga superbisor ang unyon, dapat pawang  superbisor ang mga kasapi nito. Hindi maaring pagsamahin ang magkaibang uri ng empleyadong ito sa isang unyon.

Ngunit hindi maaring patanggalan ng rehistro ang unyon dahil lamang nahaluan ng ibang klaseng manggagawa ang kasapian nito, sabi ng Korte Suprema. Kung sakaling mangyari ito, ang maaring gawin ay paalisin lamang ang mga superbisor  sa pagiging kasapi ng unyon. Ito ay magagawa sa “inclusion-exclusion proceedings’ na ginagawa bago magdaos ng certification election. Bago magdaos ng eleksiyon, aalamin muna ng Med-Arbiter kung sino ang mga manggagawa na hindi nararapat na sumali sa unyon at sila ay paaalisin sa unyon at hindi pasasalihin sa botohan. Ngunit wala itong epekto sa rehistro ng unyon at hindi maaring ipakansela ang rehistro nito dahil lamang sa nangyaring nahaluan ang kanyang kasapian.

Ano ang dahilan nito? Syempre, ang pagkakamali ng iilan ay hindi dapat pagdusahan ng lahat sabi ng Korte Suprema. Maaaring nagkamali lamang ang ilang pinuno ng unyon kung kaya nila tinanggap ang mga superbisor bilang kasapi. Para panagutin ang buong unyon sa pamagitan ng pagkansela ng rehistro nito ay hindi makatarungan. Isa pa, sa ilalim ng RA 9481 ay tahasang sinasabi na ang magkahalong kasapian ay hindi na maaring gamiting batayan para ipakansela ang rehistro ng unyon.

Panalo  sa kaso ang unyon at inutos ng Korte Suprema ang pagdaos ng certification election na hinihingi nito.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2011/08/magkahalong-kasapian/feed/ 0
Insubordinasyon, pag-aabandona at kawalan ng tiwala http://pinoyweekly.org/new/2011/06/insubordinasyon-pag-aabandona-at-kawalan-ng-tiwala/ http://pinoyweekly.org/new/2011/06/insubordinasyon-pag-aabandona-at-kawalan-ng-tiwala/#comments Sun, 26 Jun 2011 17:50:06 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=14122 Dahil sa hindi makabayad sa inutang na kotse mula sa kompanya, pinag-initan ng manedsment si Annaliza, isang empleyado ng kompanya. Ang pangyayaring ito ay nauwi sa kanyang pagkatanggal sa kompanya na nauwi sa demandahan na umabot hanggang Korte Suprema. Marami tayong mapupulot na aral sa kaso ni Annaliza.

“Sales engineer”sa isang malaking kompanya itong si Annaliza. Dahil sa maganda niyang rekord ay ibinili siya ng kotse ng kompanya na ayon sa kanilang kasunduan ay babayaran niya ng installment sa kompanya. Mamanatili sa kompanya ang pagmamay-ari ng kotse habang hindi pa ito lubos na nababayaran ni Annaliza, ngunit malaya na niya itong gamitin.

Nang pumalya sa pagbayad sa kotse si Annaliza ay sinabihan siya ng kompanya na iwanan ang kotse sa opisina. Hindi sumunod si Annaliza. Dahil dito, pinadalhan siya ng kompanya ng memorandum at inakusahan ng “insubordination”.

Sinagot ni Annaliza ang memorandum at pinaliwanag na umabot na sa P50,000 ang kanyang naibayad sa kotse, kaya’t walang dahilan ang kompanya para kunin ito sa kanya.

Pagkalipas ng ilang linggo, si Annaliza naman ang nagsampa ng kaso laban sa kompanya. Ayon sa sinampa niyang kaso sa Labor Arbiter, may mga commission at allowances siyang hindi binayaran ng kompanya at dapat lamang umanong bayaran ito ng huli.

Samantalang nakabinbin ang nasabing kaso ay nag-aplay ng “leave of absence” si Annaliza sa kompanya. Nagsubmit siya ng medical certificate kasabay at humingi ng tatlong linggong bakasyon.

Hindi pinayagan ng kompanya ang hinihinging leave ni Annaliza. Ganun pa man, itinuloy pa rin ito ni Annaliza.
Ilang araw, nabigla na lamang si Annaliza nang malaman na hindi na siya pinasahod ng kompanya sa kanyang ATM. Kaya dinagdagan niya ang kanyang demanda ng “non-payment of salaries”.

Pagkatapos ng tatlong linggo ay bumalik sa kanyang trabaho sa kompanya si Annaliza. Hindi na siya pinapasok ng security guards dahil umano sa kautusan ng vice-president ng kompanya. Pumunta na naman si Annaliza sa Labor Arbiter at dinagdagan ang kanyang kaso ng “illegal dismissal”.

Bilang sagot sa demanda ni Annaliza, sinabi ng kompanya na kusa niyang iniwanan ang kanyang trabaho nang hindi siya pumasok ng tatlong linggo kahit na hindi inaprubahan ang kanyang hininging “leave of absence”. Binanggit din nila na nagkasala siya ng “insubordination” dahil sa hindi pag-iwan sa kotse. Hindi rin siya dumalo sa mga pagdinig na ginawa ng kompanya sa kanyang kaso kung kaya napagpasyahan na tanggalin na siya sa trabaho.

Pinanalo ng Labor Arbiter si Annaliza. Ayon sa Labor Arbiter, walang ginawang pag-abandona sa trabaho si Annaliza. Inutusan ng Labor Arbiter na ibalik si Annaliza sa trabaho at bayaran ng backwages.

Inapela ng kompanya sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang kaso at nang ilabas ng NLRC ang kanyang desisyon ay nabaliktad ang hatol ng Labor Arbiter. Napatunayan ng NLRC na may tamang dahilan ang kompanya sa pagtanggal kay Annaliza bagamat hindi lamang ito sumunod sa tamang proseso. Dahil dito, pinagbayad lamang ang kompanya ng P20,000 ng NLRC ngunit sinabing legal ang pagtanggal nito kay Annaliza.

Dinala ni Annaliza ang kaso sa Court of Appeals at muli na namang nabaliktad ito. Sinabi ng Court of Appeals na walang batayan ang kompanya sa pagtanggal kay Annaliza at dapat lamang na ibalik siya sa kanyang tranaho at bayaran ng backwages, ayon sa naunang desisyon ng Labor Arbiter.

Dinala ng kompanya ang kaso sa Korte Suprema sa pagnanais na mabago ang desisyon. Ikinatuwiran ng kompanya na nagkasala si Annaliza ng “insubordination” at kaugnay nito, nawalan na ito ng tiwala kay Annaliza. Isa pa, inabandona na raw ni Annaliza ang kanyang trabaho dahil sa kanyang pag-absent na walang pagsang-ayon ang kompanya.

Inilinaw ng Korte Suprema na para magkasala ng “insubordination” ang isang manggagawa, kailangang ang nilabag niyang utos ng kompanya ay may kaugnayan sa kanyang trabaho . Ang bagay na inutos sa kanya ay kailangang work-related, ‘ika nga.

Ang trabaho ni Annaliza ay bilang isang sales engineer. Ang kautusan ng kompanya tungkol sa pag-iwan ng kotse ay malinaw na walang kinalaman sa mga obligasyon ni Annaliza kaugnay ng kanyang trabaho.

Ang trabaho ni Annaliza ayon sa kanyang job description ay ang pagdalaw lamang sa mga kliyente at pakikipagtransaksiyon sa mga ito kaugnay ng mga produkto ng kompanya. Ang pagsauli sa kotse ayon sa utos ng kompanya ay labas sa kanyang mga gawain sa trabaho. Samakatuwid, hindi maaring gawing dahilan ng kompanya ang hindi pagsunod ni Annaliza sa utos na ibalik ang kotse para tanggalin sa trabaho ang huli, ngunit maaaring gumawa ng ibang hakbang ang kompanya para mabawi ang nasabing kotse kay Annaliza.

Hindi rin tama ang sabi ng kompanya na nawalan na sila ng tiwala kay Annaliza kung kaya’t tinanggal na nila ito sa trabaho. Ang posisyon ni Annaliza ay simpleng sales engineer lamang. Hindi ito ang klase ng posisyon na nangangailangan ng sapat na pagtitiwala ng kompanya.

Sa isyu naman ng “abandonment”, sinabi ng Korte Suprema na magiging sapat na dahilan lamang ito sa pagtanggal ng kompanya sa isang manggagawa kapag maipakita na wala ng intensyon ang manggagawa na bumalik pa sa kanyang trabaho. Sa kaso ni Annaliza, malinaw na interesado pa siya na bumalik sa kanyang trabaho. Nang matapos ang kanyang tatlong linggong pagliban sa trabaho na suportado ng isang medical certificate, agad siyang nagreport sa kompanya dangan nga lang at hindi siya pinapasok ng mga guwardiya nito. Agad din siyang nagsampa ng kasong illegal dismissal para makabalik sa trabaho. Ang isang empleyadong wala nang interes na bumalik sa kanyang trabaho ay hindi na magsasayang ng kanyang panahon para magsampa ng kaso upang makabalik sa kanyang trabaho, paliwanag ng Korte Suprema.

Panalo sa kaso si Annaliza at pinabalik siya sa kanyang dating trabaho (Grandteq Industrial Steel Products, Inc. et. al. vs. Annaliza Estrella, G.R. No. 192416, March 23, 2011).

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2011/06/insubordinasyon-pag-aabandona-at-kawalan-ng-tiwala/feed/ 1