Pinoy Weekly » Kapirasong Kritika http://pinoyweekly.org/new Philippine news, analysis, and investigative stories Sun, 20 Jul 2014 09:27:46 +0000 en-US hourly 1 http://wordpress.org/?v=3.9.1 DAPat Managot http://pinoyweekly.org/new/2014/07/dapat-managot/ http://pinoyweekly.org/new/2014/07/dapat-managot/#comments Sun, 20 Jul 2014 07:37:49 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=30445 Simula nang ideklara ng Korte Suprema noong Hulyo 1 na labag sa Konstitusyong 1987 ang Disbursement Acceleration Program (DAP), marami nang nasulat at nasabi ang mga kritikal sa naturang programa. Dumami pa ang mga ito nang ipagtanggol ni Pang. Noynoy Aquino ang DAP sa kanyang talumpati sa telebisyon noong Hulyo 14. Matapos ang pagdepensa sa sistemang pork barrel, kriminal na pagpapabaya sa mga biktima ng superbagyong Yolanda, at pag-apruba sa Enhanced Defense Cooperation Agreement, ang Hol-DAP na ang pinakamalaking kontrobersyang yumanig sa rehimen ni Aquino.

Matibay ang mga batayan nila: (1) Inilihim ng rehimen ang pagpapatupad ng DAP sa mga taong 2011-2013, nasiwalat lang nang ibulgar ni Sen. Jinggoy Estrada ang P50-milyong suhol sa mga senador matapos ang pag-impeach kay dating Chief Justice Renato Corona. (2) Labag sa Saligang Batas ang DAP, partikular sa prinsipyo ng solong kapangyarihan ng Kongreso na magtakda ng pambansang badyet, pag-iwas sa pagkontrol ng ehekutibo sa lehislatura at hudikatura sa pamamagitan ng badyet, at pagtataguyod sa dapat na “checks and balances” sa tatlong sangay ng gobyerno.

(3) Sa aktwal, ginamit na pork barrel ni Aquino ang DAP, instrumento ng korupsyon at patronage, tampok ang pagsuhol sa mga senador sa impeachment ni Corona at iba pang anomalyang natutuklasan at matutuklasan pa. (4) May pagtatakip o cover-up na patuloy na ipinapatupad ang rehimen sa paggastos sa DAP, tampok ang pagtangging i-audit ito ng Commission on Audit at ulat na pangkalahatan hinggil dito ng Department of Budget and Management. (5) Napaka-arogante ni Aquino, samu’t sari ang palusot at palabas para panindigan ang pagkakamali na napakalinaw sa marami at dumarami sa bansa.

Sa kabilang banda, napakarami na ring nasulat at nasabi ng mga tagapagtanggol ng DAP at ng rehimeng Aquino. Pero hindi matibay ang depensa nila — hindi solidong mga argumentong nakakakumbinsi, kundi parang maliliit na kahoy-kahoy na iniharang sa rumaragasang tren ng makatwirang pagtuligsa at galit ng mga mamamayan. Tampok na halimbawa ang sinabi ni Rep. Walden Bello ng Akbayan, na may mga taong kahit buhay-pag-ibig ni Aquino ay gagamitin para i-impeach ito. Nauubusan na ng depensa ang rehimen: si Bello, ang makutatang propesor, ay humantong na lang sa patutsada.

Tampok ding halimbawa ang pagyayabang ng rehimen na nakatulong sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa ang DAP. Masinsing sinagot ito ni Sonny Africa ng Ibon Foundation: Para makatulong sa ekonomiya ang pagbubuhos ng pondo ng gobyerno, dapat malaki ang pondo at mabilisan ang pagbubuhos, at dapat ay ilaan ito sa mga proyektong may malaking epekto sa ekonomiya. Pinagtibay ni Africa ang mga argumentong madaling maunawaan ng publiko — na hindi nakakapagpaunlad sa ekonomiya ang pork barrel gaya ng DAP, at hindi umuunlad ang ekonomiya, piryod.

Dahil matibay ang mga batayan ng mga kritikal sa DAP at rehimen at walang sinabi ang mga satsat ng mga tagapagtanggol, lumalakas kahit sa midyang mainstream ang nauna — bagamat nainterbyu pa rin si Randy David, lider ng Akbayan at kumikita ang mga kaanak sa pamahalaan, bilang “manunuring pampulitika” noong Hulyo 14. Lumalakas din sila sa social media — bagamat lumaganap pa rin si Raissa Robles na, sa kanyang estilo ng pag-ipit sa anumang orihinal na datos o pagtingin hanggang dulo ng artikulo, ay nagtangkang kumontra sa Korte Suprema at magbigay ng depensa sa rehimen.

Magandang sintomas ng panahong ito ang alagad ng sining na si Juana Change, kasama sa kilusang patalsikin si Gloria Macapagal-Arroyo na paglaon ay sumuporta kay Aquino. Dahil sinsero at seryoso siya sa pagkontra sa pork barrel at korupsyon, kritikal na rin siya sa rehimeng Aquino ngayon. Galing siya sa kampong maka-Aquino, at mas maraming Pilipino ang ni hindi nagmumula doon. Sa pagsigla ng mga talakayan sa mga komunidad, sakahan, empresa, opisina at paaralan, titining ang tama at mali lampas sa mga palusot at palabas ng rehimen, at mas marami ang kikilos sa darating na panahon.

20 Hulyo 2014

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/07/dapat-managot/feed/ 0
Heckler Skelter http://pinoyweekly.org/new/2014/06/heckler-skelter/ http://pinoyweekly.org/new/2014/06/heckler-skelter/#comments Sat, 28 Jun 2014 06:36:21 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=30170 Hindi pa man humuhupa ang mga balita at komentaryo hinggil sa pag-heckle kay Pang. Noynoy Aquino habang nagtatalumpati sa Naga City noong Hunyo 12, nasa balita na ang pag-heckle sa kanya sa Iloilo City ngayong Hunyo 27.

Dinahas ang aktibistang si Emmanuel Pio Mijares sa Naga: hinila palayo sa mga tagapakinig, hinablutan ng mga telang banner na hawak, binusalan ng naturang mga banner, idinapa sa sahig, pinosasan, ikinulong at kinasuhan.

Mas maraming komentaryo ang nagsabi sa pangulo na kumalma kaugnay ng heckler. Ang manunulat na si Boying Pimentel, na kritikal sa Kaliwang kinabibilangan ni Mijares at kakampi ni Aquino, sinabihan ang pangulo na tularan si Pang. Barack Obama ng US sa maayos na pagtrato sa mga heckler. Sekundarya pala kay Pimentel ang pagiging kontra-Kaliwa at maka-Aquino sa kaisipang kolonyal.

Sa harap ng mga heckler sa Iloilo, sinunod ni Aquino si Pimentel: nagpasalamat sa mga heckler at pinilit silang ipahiya sa mga tagapakinig sa pagsasabing “Kitang-kita na ng mga taga-Iloilo sino ang tunay na magsusulong ng makabuluhan… na pagbabago.” Pero dinahas pa rin ang mga heckler: itinaboy mula sa pinagtatalumpatian ni Aquino at ayon sa maagang balita sa telebisyon ay may isang nasugatan.

Maraming maituturong dahilan kung bakit halatang nayayanig si Aquino sa mga heckler. Sinamantala ng gobyerno niya ang pagkampi ng dominanteng midya sa pagtutok sa pagkontrol sa opinyong publiko. Kaya laging malinaw ang tema ng propaganda nito: sa ekonomiya, pag-unlad para sa lahat; sa pulitika, daang matuwid; sa ugnayang panlabas, kontra-China; sa mga rebelde, kapayapaan at kaunlaran.

Mahalaga sa lahat ng ito ang pagpapakita ng umano’y malawak na suporta ng publiko at umano’y makitid na hanay ng mga nagpoprotesta. Kahit pa ang totoo, nagbaago na ito dahil sa pagbayo ng iba’t ibang isyu sa gobyernong Aquino — pagiging Pork Barrel King ng pangulo, kriminal na pagpapabaya sa harap ng Yolanda, pagtutulak ng EDCA kahit masama sa bansa, at papatinding kahirapan ng nakakarami.

Isa sa mga nagpayo kay Aquino na kumalma kaugnay ni Mijares ang Philippine Daily Inquirer. Maganda ang paghahambing nito: Bakit mas malupit ang dinanas ni Mijares kumpara sa dinanas ni Maria Theresa Pangilinan, heckler ni Gloria Macapagal-Arroyo na lantad na marahas at korap? Magkaiba kasi ng yugto: malaganap na ang galit kay Arroyo noon, at sumusulak pa lang ang galit kay Aquino ngayon.

Maganda rin ang tanong na inuudyok ng pagkukumpara kay Obama. Bakit nga ba kaya ni Obama at hindi kaya ni Aquino na maging kalmado sa harap ng mga heckler at hindi maging marahas sa kanila? Dahil kaya, taliwas sa US, may kasaysayan ang Pilipinas ng pagpapatalsik sa mga pangulo? Dahil kaya, alam ni Aquino na hudyat na ang harapang pagprotesta at pagbastos sa kanya ng posibleng katapusan?

27 Hunyo 2014

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/06/heckler-skelter/feed/ 0
Ang Hindi Magmahal http://pinoyweekly.org/new/2014/06/ang-hindi-magmahal/ http://pinoyweekly.org/new/2014/06/ang-hindi-magmahal/#comments Fri, 20 Jun 2014 09:40:19 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=29987 Bumanat na naman si Lisandro “Leloy” Claudio, ang anti-Kaliwa at maka-Akbayang akademiko. May nagpadala sa akin ng link ng pinakabagong artikulo niya sa Rappler — na tila naging publikasyon na ng Akbayan dahil may mga artikulo rin nina Sylvia Estrada-Claudio at Joel Rocamora, mga komentarista ng naturang grupo. Ang lahat ng artikulo nila, syempre pa, ay kampi kay Pang. Noynoy Aquino. Sa “CHED is not targeting Filipino language instruction,” sinagot ng batang Claudio ang mga kritisismo sa Commission on Higher Education (CHED) Memo Order No. 20, series of 2013.

Laman ng memo ang mga bagong alituntunin sa General Education sa mga kolehiyo at unibersidad sa bansa. Lumalabas na may sapat na kaalaman — at marahil ay kita rin — si Claudio sa naturang mga alituntunin dahil, batay sa pag-amin niya, siya’y “tumutulong magdisenyo” ng isa sa mga kurso ng CHED sa General Education. Ang sentral na argumento niya: Hindi “tinarget” ng memo ang wikang Filipino dahil inalis man ang pagtuturo nito sa kolehiyo, inilagay naman ito sa sekundaryang edukasyon. Katunayan, aniya, dumami ang mga yunit sa naturang asignatura at kasama nito ang wikang Ingles.

Banggain natin nang direkta ang punto ni Claudio: Tinarget o inatake ng memo ang wikang Filipino. Ang kahit anong aralin, magkaiba ang pagtuturo sa sekundaryang edukasyon at pagtuturo sa kolehiyo. Mahalaga ang pareho, pero may natatanging halaga ang pagtuturo sa kolehiyo. May kakaibang paggagap ang mga estudyante sa kolehiyo sa mga aralin at may ibang epekto ang mga ito sa mga magiging landas nila sa buhay. Ang pag-alis sa pagtuturo sa wikang Filipino sa kolehiyo ay pag-atake rito. At hindi dahilan na kasama naman nito ang wikang Ingles, dahil iba ang pagpapahalaga sa huli sa bansa.

Ano ngayon ang problema? Nasasaling lang ba ang ating nasyunalismo? Na tila irasyunal at sentimental lang para kay Claudio? Higit pa diyan. Ayon mismo sa kanya, “Hindi mauunawaan ang memo ng CHED labas sa konteksto ng K-12.” At ano ang problema sa K-12? Pinapatampok nito ang dalawang tunguhin ng edukasyon sa bansa: ang magprodyus ng una, murang lakas-paggawa at ikalawa, elite na nakapagkolehiyo. Hindi na bago ang pagkakahati, na tinalakay na ng iskolar na si Bienvenido Lumbera sa “Edukasyon para sa Iilan: Kung Bakit Asal-Mayaman si Pedrong Maralita (1972).”

Sa K-12, karamihan sa mga bagong-tapos sa pinalawig na hayskul ay edad 18 — ibig sabihi’y ligal nang magtrabaho. Kaya nga ipinasok na rin sa hayskul ang mga araling teknikal at bokasyunal. Hindi na nila kailangang magkolehiyo — na inirereserba sa mga “seryoso” sa pag-aaral, kayang magbayad sa harap ng pagtataasan ng matrikula at ng pagtakas ng gobyerno sa tungkuling pondohan ang edukasyon. Ang resulta: dagat ng murang lakas-paggawa sa isang banda at elite na nagkolehiyo sa kabila. Mas nakatipid ang mga naghaharing uri sa paglikha ng dalawang grupong pagsasamantalahan nila.

Ano ang problema sa magiging pwesto ng wikang Filipino sa kalagayan ng K-12? Lumalabas na sintomas lamang ito ng mas malalaking usapin. Ang pagkapunta nito, kasama ng wikang Ingles, sa hayskul ay bahagi ng paglikha ng murang lakas-paggawa: kailangang marunong sa komunikasyon sa amo at sumunod sa mga instruksyon sa paggawa, halimbawa. Ang pagkaalis nito sa kolehiyo ay bahagi ng pagkahiwalay ng mga magkokolehiyong elite sa komunikasyon sa nakakaraming Pilipino at karaniwang tao, ng pagkagumon nito sa espesyalisasyon, at ng pagkalulong nito sa sariling sirkulo.

Kung susuriin ang pinag-uugatang pananaw ni Claudio sa edukasyon, lalabas na mababaw na liberal ito: nagpapasya batay sa umano’y mahuhusay o magagandang asignatura. Walang pag-unawa sa pangkalahatang lugar, silbi at oryentasyon ng edukasyon sa bansa para sa mga naghaharing uri. Diyan siya nahulog sa kakaiwas niya sa nasyunalista o makabayang pananaw — na sa Pilipinas ay mahigpit na kaugnay ng pananaw na progresibo o maka-Kaliwa. Hindi lang sa ipinagtanggol niya ang dominanteng tunguhin ng edukasyon sa bansa, naging bahagi na siya ng paglikha nito.

Kaya nga simple lang, para kay Claudio, ang solusyon sa pagkatanggal sa trabaho ng mga guro sa kolehiyo dahil sa K-12: Eh di lumipat sila sa pagtuturo sa hayskul. Kung titingnan sa usapin ng numero ng trabaho at may-trabaho, walang problema sa panukala. Pero sa perspektiba natin bilang bayan, hindi ba’t may problema? Tampok na porma ng neoliberalismo ang denasyunalisasyon, at hindi ba’t nawawalan ng yaman ang bansa sa pagbitiw ng mga guro sa kolehiyo sa kanilang kakayahan at paglipat sa hayskul? Ang kakayahan nila sa pagtuturo sa mga mas abanteng asignatura sa kolehiyo, isusuko.

“Hindi ka iiwasan ng kasaysayan kahit iniiwasan mo ito.” Isa iyan sa mga sikat na islogan ni Fredric Jameson, progresibong intelektwal na Amerikano. Ganito rin siguro ang isang pagsagot kay Claudio kaugnay ng nasyunalismo: Iwasan man niya, ang lakas-paggawa ng mga Pilipino ay pinagsasamantalahan bilang may mga katangiang “Pilipino.” Ang call center na ipinagyayabang ng gobyerno, nakabatay sa umano’y husay sa Ingles at nyutral na accent ng mga Pinoy. Ang elektroniks na numero unong eksport ng bansa ay nakabatay sa umano’y maliliit at malalambot na daliri ng ating kababaihan.

Sabi ng historyador na si Ambeth R. Ocampo, ang nagsabing “Ang hindi magmahal sa kanyang salita / mahigit sa hayop at malansang isda” ay hindi ang bayaning si Jose Rizal. Pwedeng isa raw sa mga makatang sina Herminigildo Cruz o Gabriel Beato Francisco. Anu’t anuman, nagpapakita ang bantog na sipi ng pagkutya at pagmamaliit sa mga Pilipinong hindi nagmamahal sa sariling wika. Kahalintulad siguro ang masasabi sa mga tulad ni Lisandro Claudio: Ang hindi magmahal sa kanyang salita, nagiging kapanig ng pagsasamantala ng iilang naghahari sa lakas-paggawa ng nakakarami sa bansa.

20 Hunyo 2014
]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/06/ang-hindi-magmahal/feed/ 0
Paalala ng Maruming Gera http://pinoyweekly.org/new/2014/05/paalala-ng-maruming-gera/ http://pinoyweekly.org/new/2014/05/paalala-ng-maruming-gera/#comments Wed, 21 May 2014 02:10:54 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=29517 Sa mga mata ng sinumang taong nag-iisip nang matino, mahirap nang ikaila ang pananagutan ng gobyernong Aquino sa pagkamatay ng dalawang-araw na gulang na sanggol na si Diona Andrea nitong Mayo 18. Inaresto at ipiniit ang kanyang ina, si Andrea Rosal, noong pitong buwan siya sa sinapupunan. Tiyak na nagdulot ang pagkaaresto ng matinding stress at masamang lagay sa kulungan sa kanyang nanay.

Na hindi naman dapat, o ligal. Ang bintang ng militar at gobyerno kay Andrea Rosal ay lider siya ng New People’s Army, pero inaresto siya sa Caloocan City, hindi sa labanan. Nang maaresto siya, ipinanawagan na palayain siya agad sa batayang humanitarian o makatao, dahil buntis siya, pero hindi ito pinakinggan. Ipinanawagan din ang espesyal na atensyong medikal sa kanyang pagbubuntis, pero nagbingi-bingihan din dito.

Malinaw ang suri ng mga progresibong organisasyon at indibidwal sa social networking sites: ang tanging kasalanan ni Andrea Rosal ay anak siya ni Gregorio “Ka Roger” Rosal, na noong nabubuhay pa ay mukha ng NPA at tagapagsalita ng Communist Party of the Philippines. Bukod pa sa ang kanyang ina ay namatay rin na isang NPA. Sa pagdakip sa kanya, waring sinentensyahan na ng kamatayan ang anak niya ng militar at gobyerno.

Ngayon, walang propaganda ng militar at gobyerno ang nakakapaglinis ng dugo ng sanggol sa kanilang mga kamay. Nagpahayag sila ng pakikiramay, na itinuring na insulto mula sa pumatay. Hindi rin pinaniwalaan, at nagsilbing patunay ng kalupitan, ang sinabi nilang ang matinding stress na dinanas ni Andrea Rosal ay dahil sa pagtatago umano sa batas. Ginawa pa nilang napakaiksi ng oras niya kasama ang patay na anak.

Nabalik sa alaala ng marami si Rebelyn Pitao, noo’y 20-taong guro ng pampublikong paaralan na pinatay ng militar noong Marso 4, 2009 sa salang pagiging anak ni Leoncio Pitao, “Kumander Parago” ng NPA sa Mindanao. Ayon sa imbestigasyon, ginahasa at sinaksak si Rebelyn ng mga dumukot sa kanya mula sa sinasakyan niyang traysikel noong pauwi sa bahay, bago iniwan ang kanyang bangkay sa isang daluyan ng irigasyon.

At napakarami pa ng dapat maalala. Pinakahuli lamang si Diona Andrea sa malaon nang tinawag na “maruming gera” ng gobyerno laban sa mga mamamayan. Marumi dahil hindi pinag-iiba ang NPA at di-armadong aktibista, at lalong hindi kinikilala ang karapatan ng mga inakusahang NPA. Marumi dahil hindi sinasanto ang internasyunal na makataong batas tungkol sa mga gera. Marumi dahil pinipiling maging marumi.

Maaalala ang napakaraming biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang at pagdukot. Ang daan-daang bilanggong pulitikal. Mga pambansang minorya at magsasakang biktima ng militarisasyon. Mga dumanas ng tortyur sa kamay ng militar, kapwa buhay at patay. Mga iligal na inaresto at ikinulong na dapat ay katransaksyon ng gobyerno sa usapang pangkapayapaan. Mga sinampahan ng gawa-gawang kaso, kapwa nakapiit at nagtatago.

Marami pang pwedeng alalahanin. Ang mismong human-rights worker na pinaslang. Ang taong simbahang pinatay sa pinalabas na insidente ng pagnanakaw. Ang babaeng NPA na ginahasa muna bago pinatay at niluray ang katawan. Ang sinaktan sa ari sa proseso ng tortyur. Ang pamilyang minasaker. At marami pang iba, na parang duguang lubid na nagdudugtong sa kasalukuyang gobyerno sa mga dayuhang sumakop sa bansa.

Ipinapakita ng pagpatay kay Diona Andrea na ipinagpapatuloy ni Noynoy Aquino ang maruming gera. Gamit ang midyang mainstream, pinagtatakpan niya ito ng paglaban umano sa korupsyon. Ipinagyayabang rin niyang umuunlad umano ang bansa, pero ipinapakita ng panunupil ng militar at gobyerno niya ang desperasyon sa harap ng tumitinding kahirapan at kagutuman na siyang nagpaparami sa mga NPA at aktibista.

At tuluy-tuloy na nakikita sa ilalim ni Aquino kung para kanino inilulunsad ang maduming gerang ito. Para sa US na binigyan ng karapatang magtayo ng base-militar saanmang bahagi ng bansa at kung gaano man katagal. Sa mga dayuhang kapitalista na gustong bigyan ng 100 porsyentong pag-aari ng lupa at negosyo sa Pilipinas. Sa mga kurakot sa gobyerno na kanyang pinoprotektahan o pakitang-tao lang na inuupakan.

Silang lahat, at ang kanilang paghahari, isinasakdal ng pagkamatay ni Diona Andrea.

21 Mayo 2014

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/05/paalala-ng-maruming-gera/feed/ 0
Sakripisyo ang Panawagan ng Pangulo http://pinoyweekly.org/new/2014/04/sakripisyo-ang-panawagan-ng-pangulo/ http://pinoyweekly.org/new/2014/04/sakripisyo-ang-panawagan-ng-pangulo/#comments Sat, 19 Apr 2014 07:54:57 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=29013 Kahit Semana Santa, hindi raw naging mapagpatawad ang mga Pilipino sa mensahe ng pangulo para sa okasyon, sabi sa balita. Matapos gunitain ang paghihirap at kamatayan ni Hesukristo, sabi ni Pang. Noynoy Aquino: “Bilang Kanyang mga tagasunod, nawa’y maging handa rin tayong tumanggap ng sarili nating sakripisyo.” Para raw ang naturang sakripisyo sa “ikabubuti ng mas nakakarami.” Tanong pa niya, parang nangongonsensya, “At di po ba, napakaliit lamang ng hinihingi sa atin kumpara sa ibinigay ni Hesukristo?”

Mabilis at matalas ang mga tuligsa sa Internet, wala pa man ang mga kilalang kritiko ng gobyerno. Ang pahayag ay para raw pagdildil ng asin sa sugat (mas mahapding salin ng “adding insult to injury”). Matagal na raw nagsasakripisyo ang mga Pilipino: mula pagsakay ng LRT at MRT hanggang kawalang-trabaho, mula kawalang-imprastruktura hanggang korupsyon. At para kanino? Sa mga pulitikong kurakot at maluho? Hindi raw alam ni Aquino ang ibig sabihin ng sakripisyo, at dapat siya naman ang magsakripisyo.

Maraming problema sa pahayag ni Aquino. Kapag sinabing sakripisyo, maiisip ang mga dagdag na pahirap sa normal na kalakaran ng buhay: ang pagsakay sa MRT at LRT, halimbawa. Pero napakahirap pag-ibahin ng dagdag na pahirap mula sa normal na kalakaran kapag ang huli ay puno na ng araw-araw na pagdurusa, katulad sa Pilipinas. Dito mailulugar ang pagbanggit sa kawalang-trabaho, at ang kakambal nitong hindi nabanggit, ang kawalan ng disenteng trabaho. Sa ganito, araw-araw ang “sakripisyo.”

May elemento rin ng pagpili, o pagtanggap kahit napilitan, ang sakripisyo. Pero marami sa mga nabanggit na pahirap, ipinataw lang sa mga mamamayan, walang pagpipilian. May elemento rin ng patutunguhan ang sakripisyo: para saan at para kanino? Sa mga nabanggit na kalagayan, hindi malinaw na ang sagot ay “para sa mga mamamayan.” Ipinaalala ng pahayag ni Aquino ang iilang mayaman at makapangyarihan. Nahuli pa tuloy siya sa aktong gumagawa ng kakatwang palusot: “ikabubuti ng mas nakararami.”

Pilit ginamit ni Aquino si Hesukristo para sa sariling pakinabang. Para ipatanggap sa mga mamamayan ang kasalukuyang pagdurusa at maging ang pag-igting nito sa hinaharap. Para ipatanggap din ang mga resulta ng mahigit tatlong taon niya sa pwesto at ang mas masahol na resulta ng nalalabing mga taon niya sa pwesto. Nag-ugat ang sakripisyo ni Hesukristo sa pagmamahal at malasakit sa tao. Ang panawagan ni Aquino, nag-uugat sa kawalang-malasakit, kundi man kalupitan, sa dusa ng karaniwang tao.

Kaya magandang balita ang pagtanggi ng mga netizens sa paggamit ni Aquino kay Hesukristo. Ang ipinakita nito, hindi bulag na tinatanggap ng mga mamamayan ang anumang pahayag na bumabanggit kay Hesukristo, kahit pa galing sa masigasig na makinaryang pampropaganda ng gobyerno. Sa makasariling paggamit ni Aquino kay Hesukristo, lalong nalalantad ang turo ng kasaysayan: Hindi lang ganoon ang relihiyon, pero ginagamit ito ng mga naghahari para ipatanggap ang kanilang dominasyon.

19 Abril 2014

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/04/sakripisyo-ang-panawagan-ng-pangulo/feed/ 0
Ibagsak ang Laosismo! http://pinoyweekly.org/new/2014/04/ibagsak-ang-laosismo/ http://pinoyweekly.org/new/2014/04/ibagsak-ang-laosismo/#comments Sun, 13 Apr 2014 04:32:06 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=28998 Noong kakaaresto pa lang kina Benito Tiamzon at Wilma Austria-Tiamzon, mga lider ng Communist Party of the Philippines, madali nang hulaan na may mga magsasabing lipas o irrelevant na ang Kaliwa sa bansa. Katulad ng pagsikat at paglubog ng araw at ng ekspresyong “Boom panes!” sa mga post at komento ng ilang kabataan, siguro’y batas na ng kalikasan na kapag may nangyaring masama sa Kaliwa ay may magsasabing laos na ito. Hindi mabibigo ang prediksyong may magsasabi ng ganito dahil tiyak na gagawin ng militar at ng rehimen, at ginawa nga nitong huli, nang pilit nagpapakita ng kumpyansa.

At ginawa rin ito ngayon ng mga taong ang pakilala sa sarili ay intelektwal o palaisip. Sinabi iyan ng isang dating kadre ng Kaliwa na ipinagyayabang ang paglaban sa diktadurang US-Marcos pero naging himod-tumbong sa rehimeng US-Arroyo. Ng isang intrigerong sa sobrang galit sa Kaliwa ay handang magsabing kumakain ang mga lider nito ng mga puso ng mga birhen kung may makikitang kahit katiting na ebidensya. At ng isang sosyal-demokrata na pakitang-taong sumisimpatya sa Kaliwa pero hindi ito mabanggit nang walang reserbasyon, kaiba sa todong pagsamba sa rehimeng US-Aquino.

Kapansin-pansin ang katahimikan ng mga Rejectionist, pangunahin ng Akbayan, ng mga pinatalsik o bumaklas sa Kaliwa dahil sa pagkakaiba sa mga batayang prinsipyo. Maipagpapalagay sigurong halos magpiging sila sa galak sa nangyari sa mga Tiamzon, hindi lang nila maipahayag ang kaligayahan dahil lalong malalantad na kontra-Kaliwa sila, taliwas sa gusto nilang imahen sa bansa at labas nito. Tiyak, masaya sila na ang kasama o comrade nila ngayon ay si Benigno, hindi si Benito. Kung tutuusin, mga lider nila ang nanguna sa pagpapalutang sa pangalan ng mga Tiamzon, halos pagsusuplong.

Anu’t anuman, maraming ebidensyang pwedeng hilahin para patunayang hindi pa lipas ang Kaliwa – ang paglakas nito simula nang maitatag, ang mga tagumpay nito sa iba’t ibang larangan ng pakikibaka, ang pagpwersa nito sa mga naghaharing uri na kilalanin ito at magpatupad ng mga reporma, at iba pa. Mahalaga ang mga ebidensyang ito, pero mas mahalagang tumbukin ang pinag-ugatan nila. Bakit nga ba hindi pa lipas ang Kaliwa? Bakit nga ba sa halip na mamatay nang kusa ay patuloy itong nabubuhay, kung hindi man lumalakas, gaya ng pinapatunayan mismo ng mga deklarasyong lipas na ito?

Kakatwa na kasabay ng pagsasabing laos na ang Kaliwa ay idinedeklarang buhay na buhay ang rehimeng US-Aquino. Katulad din marahil ng pagsasabing laos na ang Marxismo at nagtagumpay ang kapitalismo. Ang una sa pahayag ay iniluluwal lang ng ikalawa: Ang Marxismo ay kritika ng kapitalismo, kaya’t habang buhay ang kapitalismo, mananatili itong buhay, at patuloy na ituturo at tuturuan ang mga tagahukay ng libingan ng naturang sistema at ang Kilusan nila. Ang mga kampeon ng “Laosismo” ang siyang tunay na panatiko, naniniwala sa doktrinang labag sa ipinapakita ng reyalidad.

Sa mga salitang sosyo-ekonomiko, nagpapatuloy ang armadong pag-aalsa sa Pilipinas na pinapamunuan ng Kaliwa dahil sa sumasahol na kawalang-trabaho, kawalang-lupa, karalitaan at kagutuman. Ang mga ito ang dahilan kung bakit nananatiling buhay, hindi laos at lalong “hindi matalu-talo,” sa mga salita nga ni Austria-Tiamzon, ang Kaliwa. Hindi kinakailangang maging maka-Kaliwa o may simpatya sa Kaliwa para masabi ito. Malapit sa katotohanan kahit ang mga propagandista ng mga naghahari kapag sinasabi nilang kahirapan ang siyang nagluluwal ng armadong paglaban at ng Kaliwa sa kabuuan.

Kaya mahirap respetuhin ang mga nagsasabing laos o lipas na ang Kaliwa dahil sa pagkahuli ng mga Tiamzon – na syempre’y sinasamantala nila para ilitanya ang mga kahinaan at kasalanan, tunay man o inimbento, ng Kaliwa. Ni wala silang intelektwal na integridad para iturol sa rehimen o sistema ang sisi sa patuloy na pag-iral at paglakas ng Kaliwa. Hindi reporma o pagbabagong panlipunan ang pangunahin sa isip nila, kundi ang pag-upak sa Kaliwa, kung hindi man ang pagtatanggol sa naghaharing rehimen at sistema. Diyan nagmumula ang pagbaluktot nila ng lohika at maingay nilang ngawa.

Ang napakasamang lagay ng nakakarami sa bansa ang dahilan kung bakit hindi laos, bagkus lumalakas, ang Kaliwa. Sa katotohanang iyan nagmumula ang iba’t ibang tagumpay ng Kaliwa sa maraming larangan. Mahalagang banggitin ang naturang mga tagumpay, pero mas madaling isara ang debate sa publiko at mas malakas magpaalab ng pagkilos sa mga progresibo ang lagay ng nakakarami. Mas masaya ring tumanaw ng mas marami at mas malalaking tagumpay na kakamtin pa lang. Nagkakamali ang mga kampeon ng Laosismo: ginagawa nilang mas kaakit-akit ang pagbabagsak sa kanila!

12 Abril 2014

 

 

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/04/ibagsak-ang-laosismo/feed/ 1
Katunog ng Tiamzon http://pinoyweekly.org/new/2014/03/katunog-ng-tiamzon/ http://pinoyweekly.org/new/2014/03/katunog-ng-tiamzon/#comments Wed, 26 Mar 2014 04:37:51 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=28703 Para sa mga tulad niyang naging aktibista noong dekada ’90, maalamat ang mga pangalang Benito Tiamzon at Wilma Austria-Tiamzon. Kakatapos lang palayasin sa organisasyon ng Kaliwa ang mga personalidad at blokeng nauna nang lumayas sa mga batayang prinsipyo nito. Nag-iingay ang mga pinalayas, na para bang gustong wasakin ang Kilusan na parang hindi nila pinagmulan.

Isa sa mga pinakamaingay si Joel Rocamora, na nitong huli’y nagpapakilalang nyutral na “manunuring pampulitika,” sa kanyang librong Breaking Through: The Struggle within the Communist Party of the Philippines [1994]. Tulad ngayon, nagpapakilala noon si Rocamora na maka-Kaliwa, pero matapos todong upakan ang CPP sa libro, sa dulo’y pinupuri na niya ang rehimen ni El Tabako.

Anu’t anuman, sa libro, napakaraming ibinuyangyang ni Rocamora, tiyak na nagpyesta ang mga ahenteng paniktik ng militar. May paulit-ulit siyang tinutukoy na mag-asawang “diktador” sa pamunuan ng Kilusan – sa Politburo, sa Komiteng Tagapagpaganap ng Komite Sentral, o kung saan. Matindi raw ang kapit ng mag-asawa sa Maoismo, at responsable sa pagpapalayas sa mga nag-iba ng landas.

Isang mas nakakatandang aktibista ang nagsabi sa kanya na ang tinutukoy ay ang mag-asawang Tiamzon. Idinagdag na rin nito ang ilang kwento: na nagpapatuloy sa armadong pakikibaka sa kanayunan ang mag-asawa at ang lalake’y walang larawan sa militar. Ang babae nama’y nang isang beses na tumakas sa dalawang beses na pagkakulong ay isang linggo bago nalamang nakatakas.

Hindi ba’t si Jose Maria Sison, nagka-interes sa Marxismo dahil sa malakas na anti-komunismo ng kanyang kabataan? Siniraan ni Rocamora ang mga Tiamzon, pero ano’t sila ang naging alamat at iniidolo. At hindi pag-idolo na minsanan lang at hindi buhay. Ang simpleng ideyang patuloy silang nagpupunyagi sa pakikibaka ay pinaghuhugutan ng inspirasyon ng maraming aktibista.

Bago nga ang kanilang pagkadakip nitong Marso 22, mas mababasa ang pangalan ng mag-asawa sa mga sulatin ng mga “Rejectionist” at militar; bihira silang mabanggit ng mga “Reaffirmist.” Nabanggit lang si Benito ni Jun Cruz Reyes sa Armando [2006] bilang kasabayan sa pag-aaral ni Teng, at ni Danilo Vizmanos sa Martial Law Diary and Other Papers [2003] bilang kasamang naaresto noong 1973.

Ilan sa mga pagbanggit sa mag-asawa ang nagdadawit sa kanila sa mga krimen na sa aktwal ay ginawa ng mga Rejectionist mismo. Pero mas marami ang pilit nagbabangga sa kanila kay Sison, lutang na mukha at lider din ng Kaliwa. Iba-iba ang bersyon: may nagsasabing malabnaw si Sison kumpara sa dalawa, mayroon namang si Sison ang lider ng Kaliwa bagamat hawak ng dalawa ang organisasyon.

Ang totoo, konsistent si Sison: lagi niyang sinasabing ang pamunuan ng Kaliwa ay nasa Pilipinas, at nasa kanayunan pa nga. Ito ang katotohanang ayaw ipropaganda ng mga Rejectionist at militar. Ang gusto kasi nila, ibagsak ang morale at ahitasyon ng mga naghihirap na aktibista sa pagpapalabas na maalwan ang buhay ng kanilang mga lider, kahit hindi rin naman maalwan ang buhay ni Sison.

Pero alam nila ang totoo. Na ang maraming lider ng Kaliwa, kahit may-edad na at may mga karamdaman, ay nananatiling kasama ng New People’s Army sa kanayunan. Doon kung saan mas mahirap ang mga sakripisyo at laging may banta ng kamatayan. Silang pinakamahuhusay sa kanilang henerasyon at pwede ring pumili ng buhay na maalwan. Silang hindi matatawaran ang pagmamahal sa masa at bayan.

Siguro, hindi siya nag-iisa sa mga aktibista sa pagsasabing hindi na niya malilimutan kung kailan, kung nasaan siya noong nabalitaang naaresto ang mag-asawa. Masama ang balita, hindi naiwasang salubungin ng lungkot, takot at tanong. Pero ngayong naaresto ang dalawa, hindi niya mapigilan ang kagustuhang lagi silang makita – para makitang ligtas sila, syempre, at para mamangha at humanga.

Laking tuwa niya nang mapanood sa telebisyon si Wilma, nagkikikilos para iprotesta ang mga posas na hadlang sa pagtataas ng kamao. Nang tapatan ito ng mikropono ng midya, maalab na sinabi nito: “Binabati ko ang Bagong Hukbong Bayan sa ika-apatnapu’t limang anibersaryo nito. Patuloy na lumalakas sa buong bayan! Hindi matalo-talo ng [Armed Forces of the Philippines]!”

Mapapaisip ka kung nakakita ka na ng ganoong wagas na pagmamahal sa AFP. Tinutudyo ng maiksing pahayag ang simpleng puno’t dulo – ng patuloy na paglakas ng NPA sa kabila ng lahat, ng tiwala ng Kilusan na tuloy ang laban kahit naaresto ang dalawang lider, ng katiyakang mapapalitan agad sa tungkulin ang mag-asawa: Patuloy ang pagsahol ng karalitaan at pagdurusa sa ating bansa.

Kahit matapos madakip at kahit habang nasa detensyon ng militar, marangal at palaban ang mag-asawa. Nakakulong ang kanilang katawan pero hindi ang kanilang diwa. Pilit silang pinagsisisi, pinapasuko pero ni hindi sila yumuyukod – salitang nagpapaalala ng Paraon, kulay-dilaw sa ginto, na ang hukbo’y nangalunod sa Dagat na Pula. Galing na sila sa pagkakakulong, at aalpasan nila ang yugtong ito.

Sa Facebook, sa mga huntahan, hindi lungkot, takot o tanong ang namamayani sa mga aktibista. Ang namamayani, iyung tinatawag nilang ahitasyon. Sabi ng manunulat na si Ralph Waldo Emerson, “Walang dakilang bagay ang nagawa nang walang kasiglahan ng loob,” at mahirap isalin ang salitang “enthusiasm.” Mapanganib ito sa mga naghahari, na maraming magagawang dakila ang mga aktibista.

Tiyak, gusto ng mga naghahari na pahinain ang Kaliwa sa pagdakip sa mga Tiamzon. Pero lalong lumalakas ang ahitasyon ng mga aktibistang nagsusulong ng rebolusyon. Kahit sa pagkakakulong, nagbibigay ang mag-asawa ng huwaran para ang mga aktibista’y maglakad nang parang tumangkad nang bahagya at kumilos nang mas pursigido, marubdob ang diwa, at walang takot.

26 Marso 2014

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/03/katunog-ng-tiamzon/feed/ 0
Talababa sa Cha-cha http://pinoyweekly.org/new/2014/03/talababa-sa-cha-cha/ http://pinoyweekly.org/new/2014/03/talababa-sa-cha-cha/#comments Thu, 20 Mar 2014 16:13:16 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=28591 Lahat ng pangulo ng Pilipinas pagkatapos ni Cory Aquino, ginustong baguhin ang Konstitusyong 1987. Bagamat pag-alis sa limitasyon ng termino ng mga nakaupong pulitiko, lalo na ng pangulo, ang tumampok sa midya at maging sa mga protesta, lagi ring kasama ang pag-alis sa mga limitasyon sa 100 porsyentong dayuhang pag-aari sa bansa.

Hindi progresibo ang Saligang Batas. Binuo rin ito ng mga naghaharing uring komprador at haciendero na sunud-sunuran sa mga dikta ng US. Pero nalikha ito pagkatapos ang pagpapatalsik sa diktadurang US-Marcos, kung saan malaki ang papel ng Kaliwa. Napwersa ang mga gumawa ng Konstitusyon na maglagay ng ilang makabayang probisyon sa ekonomiya.

Pero panandang-bato rin ang termino ni Cory sa pagratsada sa mga patakarang neoliberal sa bansa. Ang sabi nga ni Prop. Jose Maria Sison, ginawa ng Konstitusyong 1987 na isang transaksyon ng “malayang pamilihan” ang reporma sa lupa: boluntaryong ibebenta ng haciendero ang lupa o mag-aalok siya ng Stock Distribution Option, inalis ang pangangailangan ng interbensyon ng Estado para isulong ang katarungang panlipunan.

Pero masasabi sa pangkalahatan na hindi pa kinakatawan ng Konstitusyong 1987 ang mga prinsipyo ng mga neoliberal na patakaran. Kahit ang deklarasyon nito ng mga prinsipyo, pabor sa mas malaking papel ng Estado sa ekonomiya, bagamat hindi Keynesian. Tiyak na pinapahintulutan nito ang pagpapatupad ng mga patakarang neoliberal, pero hindi pa nito tahasang nilalaman ang mga prinsipyo ng gayong mga patakaran.

Mahalagang balikan ang saliksik ni Sonny Africa ng Ibon Foundation, na nagsabing simula dekada nobenta, 130 bansa sa mundo ang nagbago ng Konstitusyon sang-ayon sa mga patakarang neoliberal: pagtanggal sa mga hadlang sa paggalaw ng kapital at mga kalakal, pagtapyas sa papel ng gobyerno sa ekonomiya, pribatisasyon ng mga serbisyong panlipunan, denasyunalisasyon ng mga pambansang ekonomiya, at iba pa.

Tiyak, gaya ng madalas sabihin ng mga pabor sa Cha-cha, iba man ang wika nila, naiikutan ng malalaking dayuhang kapitalista kasabwat ang mga lokal na naghaharing uri ang Saligang Batas. Pero gusto nila itong baguhin para maging mas lantad na neoliberal, na pwedeng batakin tungo sa mas sagad pang paggamit. Tiyak na maghuhudyat ang Cha-cha ng mas matinding pagsasamantala sa bansa; lalo tayong magiging iskwater sa sariling bayan.

Masasabi, samakatwid at bilang obserbasyon, na nabuo ang Konstitusyong 1987 sa bisperas ng pagiging kapos ng silbi nito para sa mga naghaharing uri, na nagtulak at nakikinabang sa mga patakarang neoliberal.

20 Marso 2014

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/03/talababa-sa-cha-cha/feed/ 0
Walang Alam sa Edsa http://pinoyweekly.org/new/2014/03/walang-alam-sa-edsa/ http://pinoyweekly.org/new/2014/03/walang-alam-sa-edsa/#comments Sat, 01 Mar 2014 15:53:43 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=28262 Maraming tanong ang inuudyok sa mambabasa ng artikulong “Edsa I lessons lost on new generations” ng isang Linda B. Bolido na lumabas sa Philippine Daily Inquirer kasabay ng paggunita sa ika-28 anibersaryo ng pag-aalsang Edsa. Magandang pagtuunan ng pansin ang artikulo dahil sa tuwi na lang may gugunitain ang bansa na yugto ng kasaysayan, laging may lalabas na balita sa midya na nagsasabing marami sa ating mga kababayan ngayon ang hindi nakakaalala-nakakaalam-nakakaunawa. Sa likod ng ganitong mga balita, mayroon kayang operasyong pang- ideolohiya?

Una, laging sinesentruhan at sinisisi ng ganitong mga balita ang pagtuturo sa mga paaralan. Sa puntong ito, wala silang sinasabing bago; alam ng marami na kapos kung hindi man bulok ang edukasyon sa bansa. Madali ring gawin ang ganitong balita, lalo na’t wala namang pagtukoy sa pananagutan ng mga patakaran ng gobyerno, kasama na ang pagkaltas nito ng subsidyo sa edukasyon, o sa mga opisyales ng gobyerno na responsable sa kadahupan ng edukasyon. Lagi pa itong may pang-aliw: ang hindi-nawawalang nakakatawang mangmang na pahayag ng mga taong ibinabalita.

Ikalawa, sa ganitong mga balita, para bang pailing-iling ang midya na bumubulong ng “Tsk, tsk” patungkol sa edukasyon. Sinisisi ng isang ideolohikal na aparato ng estado, sa gasgas na prase ng pilosopong si Louis Althusser, ang isa pa. Sa ibang pagkakataon, maririnig ang mga taong-midya na nagdidiin sa kapangyarihan at halaga ng kanilang institusyon. Pero bihira ang balita tungkol sa seryosong pagsusuri ng midya sa sarili tungkol pagtuturo nito sa mga mamamayan hinggil sa mahahalagang yugto ng kasaysayan ng bansa. Mga paaralan lang ang dapat sisihin; ang midya, ang linis-linis.

Ikatlo, bilang paunang pagsusuri, mahirap asahan ang midya ngayon na ituro ang Edsa 1, lalo na ang mga aral nito, sa mga mamamayan. Tuluy-tuloy ang tabloidisasyon ng midya: hindi hamak na mas gusto nito ang tawag-pansing kontrobersya kaysa sa nakakapagpaisip na mga aral ng kasaysayan. Hindi ba’t nataon ang ika-28 anibersaryo ng Edsa 1 sa balita tungkol daw sa misteryosong sakit sa balat sa Pangasinan? Higit pa diyan, sipsip ang midya sa gobyerno ni Noynoy Aquino, dahilan para pigilan nito ang paglago ng radikal na potensyal ng Edsa sa kamalayan at kilos ng mga mamamayan.

Ikaapat, idinidiin nito ang umano’y kamangmangan ng mga mamamayan, na naglalagay ng maraming markang pantanong sa kanilang mga posibleng hakbangin. Kapag sinasabi ng mga mamamayan na “pag-aalsang Edsa,” nauunawaan ba nila? Dapat ba silang paniwalaan? Kung hindi nila nauunawaan, maglulunsad pa kaya sila niyan? Ganoon din ang mga tanong sa rebolusyon ni Andres Bonifacio. Ibinabalik tayo sa reserbasyon ni Jose Rizal sa Katipunan: kulang pa umano ang edukasyon ng mga Pilipino. Napagtitibay ang paghahari ng iilan sa umano’y nakakaraming mangmang.

Ikalima, tinatawag ng ganitong mga “makatotohanang” ulat ang kabaligtaran nitong labis na ideyal, mula sa “isang ideolohiya ng Estado na nagpapalagay ng imposibleng sitwasyon kung saan natitiyak ng subject ang ‘buong’ katotohanan bago tumungo sa pag-aksyon sa katotohanang ito.” Mga salita ito ni Caroline S. Hau, progresibong iskolar, na nag-obserba ring “ang ‘kumpletong’ kaalamang ito… ay madalas unawain… na landas tungo sa isang kalayaang kinakatangian ng lubos na pag-igpaw sa mga historikal at materyal na kalagayan ng kaalaman at pagkilos [Necessary Fictions, 2000].”

Sa halip na maging bahagi ng nagpapatuloy na diwa ng Edsa, ang ganitong pag-uulat samakatwid ay bahagi ng paglikha ng mga naghahari ng “Edsa Fatigue” o “Kapaguran sa Edsa.” Ipinapatimo nito sa mga interesado at nakikisangkot sa pulitika na mahirap kung hindi man imposible ang pagbabago: Mangmang sa pulitika ang masa at ang maituturong dahilan ay mahirap baguhin. Napakababa ng kaalaman ng masa, at napakalayo nito sa imposibleng ideyal ng kumpletong kaalaman. Tama ang mga aktibista sa pag-unawa sa ganitong mga balita: hamon sa pagsusuri at pag-oorganisa.

28 Pebrero 2014

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/03/walang-alam-sa-edsa/feed/ 0
Pagmumuni sa Pagpapatalsik http://pinoyweekly.org/new/2014/02/pagmumuni-sa-pagpapatalsik/ http://pinoyweekly.org/new/2014/02/pagmumuni-sa-pagpapatalsik/#comments Mon, 10 Feb 2014 16:15:34 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=27814 Ano ang posibilidad na si Noynoy Aquino ay maharap sa isang malawak at malakas na kampanya para patalsikin siya sa pwesto? Tulad ng mga sinundan niyang sina Gloria Macapagal-Arroyo at Joseph Estrada? Tulad ni Ferdinand Marcos na sinundan ng nanay niyang pinagkukunan niya ng bango, kumbaga, sa pang-amoy ng mga tagasuporta niya, lalo na sa iyung nasa panggitnang uri? Malaki ang posibilidad, at tyempo na lang siguro ang hinihintay para ito ay lumabas at lumantad.

Simula kampanya sa pagkapangulo hanggang sa unang tatlong taon sa pwesto, hawak ni Aquino ang suporta ng pinakamalalaki sa mga naghaharing uri sa bansa. Matapos niyang patalsikin si dating Chief Justice Renato Corona, nahawakan din niya ang buong gobyerno. Hawak din niya ang suporta ng pinakamalalaking midyang mainstream, na ginamit niya na instrumento ng panloloko. Laban sa mga maralita at kritiko, hawak din niya ang militar at pulisya na ginamit niya na instrumento ng panunupil.

Kung tutuusin, bukod-tangi ang kapangyarihang tinatamasa ni Aquino pagkatapos ni Marcos. Ang nanay niya, bagamat naupo matapos ang popular na pag-aalsa, ay maagang niyanig ng mga kudeta at protesta. Si Fidel Ramos, hindi lubos ang hawak sa gobyerno. Si Estrada, mabilis na naharap sa kampanya ng pagpapatalsik at napatalsik nga. Si Arroyo, matapos maagang humarap sa mga pag-aalsang pinamunuan ni Estrada at ng ilang militar, ay kinamuhian at nilabanan ng napakaraming Pilipino.

Sa madaling salita, napakalaki ng kapangyarihang hawak ni Aquino, kaiba sa mga nauna sa kanya. Pero katulad ng mga nauna sa kanya, ginamit ni Aquino ang kapangyarihan hindi sa pakinabang ng nakakaraming mamamayang naghihirap, kundi para sa mga naghaharing uri, pangunahin ang sariling paksyon niya. Ang masama pa, naging arogante siya sa pagsusulong sa interes ng mga naghaharing uri, habang mulat niyang pinabayaan ang kapakanan at kahilingan ng nakakarami sa bansa.

Sa larangan ng ekonomiya, tunay siyang tagapagmana ni Arroyo. Para siyang sipsip na estudyante ng kanyang propesor sa ekonomiks. Artipisyal ang “pag-unlad” na ipinagyayabang niya, “hindi ramdam” ng nakakarami sa bansa. Wala pa ring lupa ang mga magsasaka, at itinataboy pa sila sa lupang sinasaka. Napakarami ng walang trabaho. Marami sa mga trabaho, kontraktwal at barat ang sahod. Nagmamahalan ang mga serbisyong panlipunan, na ang marami pa’y isinasapribado.

At para bang naghihintay lang ng hudyat, naglabasan, matapos ang kalahating termino ni Aquino sa pwesto, ang mga isyung nagpalawak ng galit sa kanya. Ang isyu ng pork barrel, na idinisenyo niya para pagmukhaing anti-korupsyon siya at pasamain ang mga kalaban niya sa pulitika, ay bumwelta sa kanya na Pork Barrel King. Nalantad ng pagtama ng superbagyong Yolanda ang kasinungalingan, kayabangan, kapabayaan at katarantaduhan niya sa harap ng mahigit 10,000 Pilipinong namatay.

Ngayon, lahat na lang ng singilin sa mga mamamayan, gusto niyang taasan. Sa harap ng malawak na karalitaan, hindi bumebenta ang mga paliwanag niya at ng mga kasabwat niyang malalaking kapitalista. Nahaharap siya sa protesta laban sa pagtataasan ng presyo, at napupwersa ang midyang mainstream na ibalita. Karugtong ng isyu ng pork barrel, nalalantad ang malawak na kahirapan habang yumayaman ang iilan. Karugtong ng isyu ng Yolanda, nalalantad ang mulat na pagpapabaya ni Aquino.

Bakit siya papatalsikin? Bakit ba pinatalsik at sinikap patalsikin ang mga naunang pangulo? Para kamtin ang katarungan sa matitinding krimen niya sa bayan, sa mismong pagtanggal sa pwesto at sa pagkakaso pagkatapos. Para matigil, kahit pansamantala, ang pamamahala at mga patakaran niyang nagpapatindi ng kahirapan at pagdurusa. Para igiit ang paghahangad natin ng mas mabuting pamahalaan at mas magandang kinabukasan. Para tipunin ang lakas ng mga mamamayan para rito.

Tiyak na maraming magsusulputang tanong tungkol sa pagpapatalsik kay Aquino. Tiyak na sasagutin ang mga ito, pero nang mulat sa iskema ng US at mga naghaharing uri laban sa pagpapatalsik, muli, ng pangulo: ang umano’y “People Power Fatigue” o pagkapagod daw nating mga mamamayan sa mga pag-aalsang Edsa. Mahalagang ulitin: Hindi ito obhetibong kalagayan, kundi kalagayang sinisikap ipataw ng mga naghahari. Gusto nilang pagurin tayo, maging pesimistiko tayo. Ang dapat igiit: Buhay ang diwa ng Edsa Uno, Edsa Dos at Anti-Gloria sa maraming mamamayan!

Sobrang pambababoy! Patalsikin si Noynoy?

08 Pebrero 2014

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/02/pagmumuni-sa-pagpapatalsik/feed/ 0