Pinoy Weekly » Konteksto http://pinoyweekly.org/new Philippine news, analysis, and investigative stories Sun, 03 Aug 2014 17:56:33 +0000 en-US hourly 1 http://wordpress.org/?v=3.9.1 Salamat, 2013! http://pinoyweekly.org/new/2013/12/salamat-2013/ http://pinoyweekly.org/new/2013/12/salamat-2013/#comments Fri, 27 Dec 2013 11:57:45 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=27153 Mayroon bang dapat ipagpasalamat sa 2013 na puno ng trahedya at iba pang problema? Oo naman, pero depende sa pasasalamat na gusto nating gawin.

May pasasalamat kasing consuelo de bobo. Isang halimbawa ang sinabi ni Pangulong Noynoy Aquino matapos manalasa ang bagyong Yolanda noong Nobyembre 8. Kung matatandaan, isang kaibigan ng negosyante sa Tacloban City ang lumapit kay Aquino para ireklamo ang diumanong panunutok ng baril ng isang tinawag niyang “looter.” Ang sagot ni Aquino sa kanya, “But you did not die, right?” Sa halip na ayusin ang sitwasyon sa peace and order sa Tacloban, nagbigay ng nakapanlulumong mensahe si Aquino sa nagrereklamo: Pasalamat ka’t buhay ka pa!

May pasasalamat ding sadyang napakabobo. Pasensiya na po’t wala na akong iba pang salitang maisip na mas malala pa sa bobo na ang ibig sabihin ay tunggak o “mahina ang ulo o nahihirapan o matagal umunawa (UP Diksiyonaryong Filipino [Binagong Edisyon, 2010], p. 1,288).” Sa talumpati ni Aquino noong Disyembre 22 sa pag-inspeksiyon sa pabahay para sa mga naapektuhan ng bagyong Pablo sa Compostela Valley, may mensahe siyang lubhang nakakagalit: “(A)lam n’yo sanay na tayo sa problema. Mula noong pagpasok ko sa trabahong ito…marami na talaga tayong problemang dinatnan. Kaya ‘pag ‘yong ating miyembro ng gabinete ang napapagod, sabi ko sa kanila, `Tatandaan ninyo ‘pag dumating ang panahong wala tayong problema, iyon naman ang problema.’…Dahil magiging boring na. Pero puwede rin namang ‘wag masyadong `interesting’ at `exciting.’” Sa gitna ng kolektibong pagkainis, malinaw ang mensahe niya: Pasalamat kayo’t hindi boring ang Pilipinas dahil sa mga problemang kinakaharap natin!

Malinaw ang kabobohan sa sitwasyong ginagawang trivia lang ang ilang problemang pinagdaraanan ng bayan, lalo na ng ordinaryong mamamayan. Kung sabagay, ano nga ba ang konsepto ng problema ni Pangulong Aquino? Noong estudyante pa siya sa isang pribadong unibersidad, naging problema kaya niya ang mataas na matrikula at ang kawalan ng panggastos tuwing papasok sa klase? Naramdaman na kaya niya ang sakit ng sikmura dahil sa matinding gutom? Dahil nanggaling sa mayamang pamilya, duda ako kung naranasan niyang buhayin ang kanyang mga mahal sa buhay sa kakarampot na kita.

Napag-uusapan na rin lang ang kayamanan ng Pangulo, wala tayong dapat ipagpasalamat sa dominanteng midya dahil sa katiting na coverage sa nangyayari ngayon sa Hacienda Luisita sa Tarlac City na alam nating pag-aari ng pamilya ni Aquino. Kung hindi pa naaresto ang ilang nagpoprotesta kamakailan, hindi ito maibabalita. Wala itong pagkakaiba sa nangyari noong protesta sa Hacienda Luisita noong 2004. Kung hindi nangyari ang masaker noong Nobyembre 16, 2004 na ikinamatay ng 13 manggagawang bukid, hindi maibabalita sa dominanteng midya ang kaguluhan. Pero tulad noon, hanggang ngayon ay hindi malinaw sa publiko ang konteksto ng ipinaglalaban ng mga manggagawang bukid sa Hacienda Luisita.

Mainam na pag-aralang mabuti ang naging pahayag ng grupong Karapatan noong Nobyembre 16: “Nine years after [the massacre], those responsible…have not spent one day in prison. Former Dept. Of Labor and Employment secretary Patricia Sto. Tomas is holding office at the Land Bank of the Philippines. Gen. Ricardo Visaya, head of the Philippine Army deployed in the Hacienda Luisita and a protege of Ret. Maj. Palparan is still sowing terror in the places where he is being deployed…Gen. Visaya’s recent stint of terror is the beheading of the village councilor Ely Oguis, justifying that the victim is an NPA tax collector. Then Senator BS Aquino, whose family’s interests reign in the hacienda, is now the President…The Supreme Court may have decided to distribute the vast lands of Luisita in 2012, but the Aquinos and Cojuangcos, Dept. of Agrarian Reform and Tarlac Development Corporation (TADECO) are using all possible kinds of deception, bribery, state violence to prevent the lands to be actually distributed to all farmworkers.”

May kaugnayan sa matagal nang ipinaglalaban ang kinasasadlakan ng mga manggagawang bukid sa Hacienda Luisita. Pero ang naibabalita lang sa kasalukuyan ay ang ginawang pagbuwag sa protesta at ang pag-arestong nangyari sa limang manggagawang bukid sa salang “trespassing, coercion, direct assault and physical injuries.” Bagama’t nakalaya rin matapos ibasura ng city prosecutor ang mga kaso, napabalitang magsasampa sila ng kaso laban sa mga pulis at sa mga Cojuangco. Malinaw ang mensahe ng mga manggagawang bukid sa Hacienda Luisita: Wala kaming dapat ipagpasalamat sa gobyerno! Lumaya ang lima hindi dahil sa kabaitan ng mga nasa kapangyarihan, kundi dahil sa sama-samang pakikipaglaban ng kanilang karapatan.

Sa aking palagay, may malaking kakulangan ang dominanteng midya sa pag-uulat ng mga nangyayari ngayon sa Hacienda Luisita. Ayaw ko mang isiping may kaugnayan ito sa ilang malalaking trahedyang naganap mula Setyembre hanggang Disyembre (i.e., giyera sa Zamboanga, lindol sa Bohol at Cebu, storm surge sa Tacloban at iba pang lugar), hindi ko pa rin mapigilang magtaka kung bakit hindi sineseryoso ang pagbabalita sa isang isyung may direktang kinalaman sa mga pamilyang Cojuangco at Aquino.

Sa larangan ng peryodismo, alam kong tinaguriang “dead beat” ang agrikultura dahil walang masyadong interes diumano ang nakararaming mamamayan dito (bagama’t malinaw namang ang tunay na dahilan ay hindi masyadong pinagkakakitaan ng mga may-ari ng midya ang larangan ng agrikultura kumpara sa industriya’t serbisyo). Pero kung ang isyu ay may kinalaman sa paglabag sa karapatang pantao at sa mismong utos ng Korte Suprema, dapat lang na tutukan ito kahit ng ilang organisasyong tinaguriang “yellow media” dahil sa pagkampi nito sa kasalukuyang administrasyon.

Pero isipin natin: Ano ang mangyayari sa administrasyong Aquino kung bibigyan ng malaking espasyo o airtime ang isyu sa Hacienda Luisita sa gitna ng napakarami pang problemang kinakaharap ng bansa? Matatandaang noong naiulat ang masaker sa Hacienda Luisita noong Nobyembre 2004, lalong bumagsak ang mga net satisfaction rating ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo – dumausdos ang mga ito sa -5 (Disyembre 2004), -12 (Marso 2005) at -33 (Mayo 2005). Kahit na sabihing may iba pang salik sa pagbaba ng popularidad ni Arroyo, iniiwasan ng kasalukuyang administrasyon ang pagpapalaganap ng iba pang isyung puwedeng makasira sa pamilya ni Aquino.

At sa puntong ito, mainam na suriin ang inaasahang mensahe ng pasasalamat mula sa Malakanyang bunga ng napabalitang +49 na net satisfaction rating ni Aquino batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS) para sa Disyembre 2013. “We are grateful to our people for proving once more that they are on the side of true public service and are unswayed by mere politicking,” sabi ni Edwin Lacierda, tagapagsalita ni Aquino.

Kung gustong maging “tunay na matuwid” ang kasalukuyang administrasyon, kailangang pasalamatan din nito ang dominanteng midya sa hindi pagpapalaki ng isyung kinakaharap ng Hacienda Luisita, o kahit ang iba pang usaping may kinalaman sa patuloy na paglabag sa karapatang pantao at sa lalo pang lumalakas na kultura ng walang pakundangan (culture of impunity). Salamat kasi sa dominanteng midya, hindi gaanong nalalaman ng publiko ang marami pang kontrobersiya, lalo na ang maraming insidente ng pagdukot at pagpatay.

Sa ganitong konteksto natin dapat tingnan ang net satisfaction rating ni Aquino. Huwag nating sisihin ang “kabobohan” ng maraming mamamayan. Natural lamang na may iba silang opinyon sa mga bagay-bagay dahil sa limitadong impormasyong inihahatid ng dominanteng midya. Dahil walang malalimang pagsasakonteksto sa mga balita, madaling napapaniwala ang maraming mamamayan sa retorika ng pag-unlad at ang diumanong “daang matuwid.”

Pero sa kabila ng mga problemang kinaharap ngayong 2013, nagpapasalamat pa rin ako dahil unti-unti nang lumalabas ang tunay na kulay ng administrasyon. Sa mga pahayag na binibitiwan ni Aquino, mas nagiging kapansin-pansin ang kawalan ng simpatiya nito sa pinagdaraanan ng mga mamamayan. Sa kabila ng propaganda ng gobyerno, nagiging matingkad na ang kawalan ng pangmatagalang solusyon sa mga pangunahing problemang kinakaharap ng mga mamamayan tulad ng kahirapan at kawalan ng hustisya.

Sa paglipas ng panahon, asahan natin ang paglawak pa ng protesta para baguhin ang kasalukuyang sistema. At kung hindi magagawa ng kasalukuyang administrasyon ang pagbabagong hinahangad ng mga batayang sektor ng lipunan, malinaw na ang mga organisadong mamamayan na mismo ang kikilos para palitan ang mismong pamahalaan.

Salamat sa pagmumulat, 2013!

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Paunawa: Pansamantalang titigil sa pagsusulat ng kolum niyang “Konteksto” si Prop. Danilo A. Arao sa taong 2014. Bukod sa kanyang administratibong gawain sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman bilang kawaksing dekano (associate dean) ng Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla, kailangan din niyang pagtuunan ng pansin ang sinusulat niyang disertasyon para sa programang doktoral ng Ilmenau University of Technology (Alemanya).
 
Para sa mga nais basahin ang mga kolum ni Prop. Arao, abangan ang paglalabas ng bago niyang libro sa unang bahagi ng 2014 na ililimbag ng PinoyMedia Center.

 

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2013/12/salamat-2013/feed/ 0
Propaganda para sa isang tagapagsalita http://pinoyweekly.org/new/2013/12/propaganda-para-sa-isang-tagapagsalita/ http://pinoyweekly.org/new/2013/12/propaganda-para-sa-isang-tagapagsalita/#comments Sat, 21 Dec 2013 10:10:35 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=27125 Sa totoo lang, wala namang masama sa pagsasagawa ng propaganda. Sa katunayan, nakakatulong pa nga ito sa pagpapaliwanag sa publiko. Nagkakaproblema lang tayo kung ginagamit ng “bulag” na tagapagsalita ang propaganda bilang instrument ng panloloko.

Naaalala ko ang sinabi sa akin noon ng isang dating senador na ngayon ay nagtuturo na sa isang unibersidad. Ayon sa kanya, bihira para sa isang tagapagsalita ng isang politiko o ahensiya ng gobyerno ang tumagal sa puwesto.

Kailangan daw niya kasing tandaan lahat ng kanyang pahayag sa midya para tuloy-tuloy lang ang pagtatahi ng mga komento. Biro ng nasabing senador, nagkakaroon ng mas malaking problema ang tagapagsalita lalo na kung kailangan niyang magsinungaling sa publiko.

At kahit na sabihing hindi pagsisinungaling ang gagawin ng isang tagapagsalita, posibleng magbibigay lang siya ng impormasyon sa paraang mayroon kang datos na pinapalaki at mayroon kang datos na hindi ibinabahagi. Hindi mo na kailangang maging eksperto sa komunikasyon at propaganda para mapansin ang tendensiyang mas binibigyang-pansin ng tagapagsalita ang positibo at pilit na itinatago ang negatibo.

Pangunahing gawain kasi ng isang tagapagsalita ang mas popular na bersyon ng “katotohanan” sa pamantayan ng kanyang pinagtatrabahuan. Hindi interesado ang publiko sa pangkalahatan o ang midya sa partikular sa sariling opinyon ng tagapagsalita. Siya kasi ay nagsasalita para iparating ang mensahe ng tao o organisasyong sinusuportahan.

Pero sa halip na obhetibong mensahe ang maipalaganap sa pamamagitan ng midya, nagiging posible ang subhetibong katangian ng pagpapaliwanag kung binibigyan ng tagapagsalita ng ibang bersyon ang “katotohanan.”

Sa larangan ng public relations, ang tawag dito sa wikang Ingles ay “spin,” isang uri ng propaganda na nagbibigay ng interpretasyon sa isang isyu na may layuning maimpluwensiyahan ang opinyong pampubliko. Sa kontekstong ito, ang tagapagsalitang gumagamit ng spin ay tinatawag na “spin doctor.” Anong klaseng pagdodoktor ba ang ginagawa ng isang tagapagsalita? Suriin nang mabuti ang depenisyong ibinibigay ng Merriam-Webster website: “a person (such as a political aide) whose job involves trying to control the way something (such as an important event) is described to the public in order to influence what people think about it.”

Kung obhetibong susuriin ang salitang “spin doctor,” katanggap-tanggap ang ginagawa ng isang tagapagsalita sa teorya pero nagiging karumal-dumal lang ito sa praktika. Sa pamamagitan kasi ng mapanlikhang paggamit ng mga salita, nagiging maganda ang pangit at nagmumukhang legal ang hindi naaayon sa batas.

Mainam na halimbawa ang nangyari noong hatinggabi ng Nobyembre 30 sa Banyan Road gate ng Dasmariñas Village sa Makati City. Kahit bawal ang mag-exit sa nasabing subdibisyon sa pamamagitan ng gate na iyon, ipinagpilitan ng grupo nina Makati City Mayor Junjun Binay at Senador Nancy Binay na may “karapatan” silang hindi masaklaw ng polisiya ng pribadong subdibisyon. Sa halip na gamitin ang tamang exit, nanatili sila sa Banyan Road gate at may komprontasyong naganap sa pagitan ng grupo ni Mayor Binay at ng mga guwardiya. Naglabas ng mga baril ang mga diumanong bodyguard ni Mayor Binay at naghintay ng pagdating ng ilang tauhan ng Makati Police. Sa bandang huli, ang pulis na mismo ang nagtaas ng harang para makaraan ang convoy nina Binay. Dinala rin sa presinto ang ilang guwardiya ng subdibisyon.

Napapailing na lang ako sa “spin” na ginawa sa isyung ito. Kung paniniwalaan ang pahayag ni Joey Salgado, media affairs head ng Office of the Vice-President at public information consultant ng Makati City, hindi raw totoo ang naging pahayag ni Mayor Binay sa mga guwardiya na “Kilala n’yo ba ako?” Sa halip, ang sinabi raw niya ay “Si Mayor Binay ako. Baka pwedeng makiraan lang.” Siyempre’y mapapaisip ka na lang: Bakit kailangan mo pang ipangalandakan ang katungkulan mo para makiusap sa isang tao?

Natatawa na lang ako sa dagdag na pahayag ni Salgado. Napilitan daw maglabas ng mahahabang baril ang mga bodyguard ni Mayor Binay para depensahan ang kanilang “very important person” (VIP). Sinabi kasi ni Salgado na pinaliligiran na raw ng mga armadong guwardiya ang convoy ni Mayor Binay. Hay, naku! Kahit na sabihin nating armado rin ang mga guwardiya ng Dasmariñas Village, duda ako kung magkakaroon sila ng lakas ng loob na makipagputukan sa isang convoy ng mataas na opisyal ng gobyerno.

Naiinis naman ako sa sinabi ni Salgado tungkol sa mga guwardiyang dinala sa presinto. Hindi raw sila arestado. Sila raw ay boluntaryong nagpunta. At batay sa pahayag ni Supt. Manuel Lucban, hepe ng Makati City Police, ang mga guwardiya raw ay dinala lang sa police headquarters para lang sa “verification purposes.” Ayon kay Salgado, hindi rin daw totoong inabot ng apat na oras ang mga guwardiya sa presinto dahil isang oras lang naman. Gaano man katagal sila sa presinto, hindi maikakailang sila ay “naimbitahan” kahit wala silang kasalanan at ginagampanan lamang ang gawain bilang guwardiya.

Halatang-halata ang pagiging masamang “spin doctor” ni Salgado sa sinabi niyang katangian ni Mayor Binay. “Kung kayo kilala niyo si Mayor Binay, siya ay napakatahimik, humble na tao.” Kung totong siya ay tahimik at mapagkumbaba, siguro nama’y hindi malaking kawalan ang umalis sa Banyan Road gate at lumabas sa tamang exit, hindi ba?

Sa totoo lang, mahirap ang trabaho ng mga tagapagsalitang katulad ni Salgado na pilit na pinoprotektahan ang malinaw na kakulangan ng amo. Kaya nga hindi ko alam kung ako ba ay mapapailing, matatawa, maiinis o maaawa na lang sa sitwasyon niya. Sa kanyang pagdepensa kay Mayor Binay, binibigyan niya ng masamang pangalan ang gawaing propaganda sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang “spin” na malinaw na pagsisinungaling.

Kung may aral tayong dapat matutuhan sa insidente, ito ay ang limitasyon ng isang tagapagsalita, gaano man siya kahusay, para pagtakpan ang katotohanan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2013/12/propaganda-para-sa-isang-tagapagsalita/feed/ 0
Isang makatotohanan at makabuluhang Pasko http://pinoyweekly.org/new/2013/12/isang-makatotohanan-at-makabuluhang-pasko/ http://pinoyweekly.org/new/2013/12/isang-makatotohanan-at-makabuluhang-pasko/#comments Sat, 14 Dec 2013 03:57:35 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=27066 May dahilan para pansamantalang magsaya at magpahinga. Pasko na naman, hindi ba?

Dito sa Pilipinas, ang Pasko ay okasyon para muling magsama-sama ang mga mahal sa buhay. Kahit na kapos sa pera, pinipilit pa ring magkaroon ng simpleng noche buenang puwedeng pagsaluhan ng mga kamag-anak at kaibigan. Mahal man o mura, hindi bale na basta’t may maibibigay ding aginaldo, lalo na sa mga bata.

Wala naman sigurong nag-iilusyong makakakuha ng regalong bagong bahay at kotse, kahit mula sa mayayamang kamag-anak. Kahit na hindi masamang mangarap, mainam na ring panatilihing makatotohanan ito. At sa panahong maraming kinakaharap na trahedya ang ating bansa, mas mainam din sigurong gawing makabuluhan ang mga adhikain.

Makatotohanan at makabuluhan. Sana’y ganito na lang ang ating mga pangarap. Kahit na mahirap maiwasan ang mga personal na pag-asam, posible namang labanan ang mga ito at magkaroon ng kaunting sakripisyo. Hindi lang ito simpleng “guilt trip” na pinagdaraanan ng “masuwerteng” mamamayan sa panahong may trahedyang kinakaharap ang kapwa niya. Gusto kong isiping nagmumula ang makatotohanan at makabuluhang pangarap sa mas malalim na pag-intindi sa kasalukuyang kalakaran ng ating lipunan.

May politikal na dahilan, halimbawa, ang desisyon ng maraming grupo’t indibidwal na magbigay ng donasyon sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda noong Nobyembre, pati na ang mga biktima ng lindol noong Oktubre at ang mga sibilyang naipit sa giyera sa Zamboanga City noong Setyembre. At sa mga nabalitaan nating mga kompanyang nagkansela ng Christmas party o ginawang simple na lang ang pagdiriwang, halata ang pakikisimpatiya sa mga kapwa nating nawalan ng buhay, bahay at kabuhayan sa kung anumang dahilan.

At sa usapin ng dahilan, ano ba ang tinutukoy mo – bagyo, lindol o giyera ba? Oo nga’t nangyari ang mga ito ngayong 2013, pero kailangan pa rin nating suriin ang konteksto. Gaano ba kahanda ang gobyerno para tumulong sa mga biktima? May mga opisyal bang nakinabang mula sa trahedya? Kapansin-pansin ba ang sinseridad ng mga nasa kapangyarihan sa pagtulong? O ginagamit lang ba nila ang okasyon para isisi sa mga katunggali ang nangyari?

Habang isinusulat ito, patuloy pa rin ang pagtatalo ng ilang opisyal ng gobyerno kung sino ang may kasalanan lalo na sa dami ng mga namatay pagkatapos ng bagong Yolanda. Ayon sa Situational Report No. 69 (Disyembre 14) ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umaabot na sa 6,033 katao ang namatay at 27,468 ang nasugatan. Posibleng tumaas ang bilang ng namatay dahil mayroon pang 1,779 na nawawala. Nakakalula din ang pinsala sa imprastruktura at agrikultura dahil nagkakahalaga ito ng P35.5 bilyon.

Ngayong Pasko, mainam na pagnilay-nilayan ang mga datos na ito. Mahalaga ang kagyat na tumulong sa mga nasalanta hindi lang ng bagyong Yolanda kundi ng iba pang trahedya.

Pero kung may mas mahalaga pa sa pansamantalang pagtulong, ito ay ang tuloy-tuloy na pagsusuri sa nakaraan at kasalukuyan para mapagtibay ang politikal na paninindigan. Kung may malalim na pag-intindi sa pinagdaraanan ng nakararaming mamamayan, mapapansin ang susing papel ng pagkilos para buuin ang katanggap-tangap na kinabukasan.

Mahirap tapusin ang sanaysay na ito sa pamamagitan ng pagbati ng Maligayang Pasko. Wala naman kasing ligayang nadarama sa gitna ng maraming trahedya. Para maging mapagpalaya ang mensahe, mainam na batiin na lang natin ang isa’t isa ng isang Makatotohanan at Makabuluhang Pasko, at isama na rin natin ang isang Mapagpalayang Bagong Taon!

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2013/12/isang-makatotohanan-at-makabuluhang-pasko/feed/ 0
Simpleng pag-alala kay Prop. Raul Ingles (1929-2013) http://pinoyweekly.org/new/2013/12/simpleng-pag-alala-kay-prop-raul-ingles-1929-2013/ http://pinoyweekly.org/new/2013/12/simpleng-pag-alala-kay-prop-raul-ingles-1929-2013/#comments Sat, 07 Dec 2013 10:41:29 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=26947 Ito ay isang simpleng pag-alala para sa isang indibidwal na may malawak na impluwensiya bilang guro at peryodista.

Bilang estudyante ng Peryodismo sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman noong huling bahagi ng dekada 80, aaminin kong hindi ako masyadong tumatambay sa Plaridel Hall. Pumupunta lang ako roon tuwing may klase o kung may kailangan akong gawin sa library. Hindi ko tuloy kilala ang lahat ng mga faculty sa Institute of Mass Communication (na naging College of Mass Communication o CMC noong Abril 1988). Kung tutuusin nga, hindi ko rin kilala lahat ng mga ka-batch ko.

IMC noon, CMC ngayon. Ito ang institusyon at kolehiyong naging “tahanan” ko mula 1986 hanggang 1990. Tulad ng iba pang estudyante, alam kong magagaling lahat ng nagtuturo sa IMC at CMC. Noong panahong iyon, may paniniwala kaming hindi makapagtuturo sa UP ang mga walang karapatang makapaghubog ng isipan ng kabataan. At kung may pagkukulang man sa ibinabahagi nilang kaalaman, responsibilidad ng tunay na iskolar ng bayan na punuan ito sa pamamagitan ng ibayong pagbabasa at pakikisalamuha.

Hindi man namin lubusang kilala, binibigyan namin sila ng kaukulang pagkilala. Kahit na nananatiling kritikal kami sa mga itinuturo ng mga guro, hindi pa rin nawawala ang aming respeto.

Sa ganitong konteksto ko naaalala si Prop. Raul Rafael Ingles (1929-2013). Dalawampu’t apat na taon na ang nakaraan mula nang una ko siyang makilala: First Semester, Academic Year 1989-1990. Ika-apat na taon ko noon sa kolehiyo. Maliban sa mga kursong may kinalaman sa paggawa ng thesis proposal at thesis (na noo’y may course code na Communication 199 at Communication 199.1), isa na lang kurso sa Komunikasyon ang kailangan kong kunin: Communication (o Comm) 108 o Printing Techniques.

Noong unang araw ng klase sa Comm 108, pumasok si Ingles – medyo may edad na, pormal ang kasuotan, deretso ang tindig, nakapomada ang buhok, nakasuot ng makapal na salamin. Matatas siyang magsalita sa wikang Ingles at bihirang bihira siyang magsalita sa wikang Filipino. Kung ano ang pormal niyang pananamit ay siya ring pormal na estilo niya sa pagtuturo – gamit ang chalk at blackboard, itinuro niya ang teorya sa likod ng produksiyon ng publikasyon. Nagdadala rin siya ng sample ng mga ginagamit sa paglilimbag ng isang publikasyon para lubusan naming maintindihan hindi lang ang mga konsepto kundi ang mismong aktwal na proseso.

Kung hindi ka nagbabasa, hindi mo malalamang siya pala si Raul Rafael Ingles na isang makata’t peryodista. Aakalain mong ang tanging alam lang niya ay ang pag-iimprenta ng publikasyon. Hindi kasi siya ang tipong ipinagyayabang sa mga estudyante ang mga nagawa niya, pati na ang iba pa niyang aktibidad sa labas ng UP. Para sa kanya, mas mahalaga ang makapagturo ng kursong hinahawakan niya. Ang anumang ibinabahagi niya sa klase ay may kaugnayan lang sa paksa.

Kung mayroong partikular na araw sa semestreng iyon na natatandaan ko, ito ay ang pagbisita namin sa UP Press na noo’y may mga makina pang ginagamit sa pag-iimprenta. Kahit na medyo alam ko na ang proseso ng pag-iimprenta noon bilang bahagi ng Philippine Collegian (opisyal na publikasyon ng mga estudyante ng UP Diliman), aaminin kong marami akong natutuhan mula sa kanyang aktwal na demonstrasyon kung paano nangyayari ang bawat bahagi ng paglilimbag. Ganoon siya kahusay na guro – kaya niyang pagsamahin ang teorya at praktika para mas maintindihan ng mga estudyante ang mga paksa.

Sa labas ng klase, kapansin-pansin ang kanyang kabaitan. Nahihiya man ang karamihan noong makipag-usap sa kanya dahil sa kanyang pormal na hitsura, may mangilan-ngilan din namang naglalakas-loob. Tinanong ko siya noon kung ano ang grado ng kanyang makapal na salamin. Bago siya sumagot, tinanggal niya ang salamin niya para ipakita sa akin kung gaano ito kakapal. Sa aking pagkakaalala, binanggit niyang 1,500 ang grado ng salamin niya kaya hindi na siya makakakita kung hindi niya suot ito. At sa hindi pormal na pakikipag-usap sa kanya, doon ko napansin ang isang bagay: Sa loob at labas ng klasrum, kaya niyang makisalamuha kahit sa mga mas bata pa sa kanya.

Natapos ang semestre at nakakuha ako ng mataas na marka sa Comm 108. At nang makapagtapos ako sa UP at makapagtrabaho sa iba’t ibang non-government organization (NGO) noong unang bahagi ng dekada 90, tuluyan na akong nawalan ng komunikasyon sa kolehiyong naging “tahanan” ko. Kahit na naging part-time na guro ako sa UP CMC noong huling bahagi ng dekada 90, bihira pa rin akong sumali sa mga aktibidad ng kolehiyo dahil madalas na tuwing Sabado lang naman ang mga klase ko.

Nang maging bahagi ako ng regular na faculty ng UP CMC noong 2001, aaminin kong noon ko lang nalaman na si Ingles pala ay nagretiro na at naging professor emeritus noon pang 1990. Ang Comm 108 pala namin ay isa sa mga huling klaseng hinawakan niya bago ang kanyang pagreretiro. At dahil bagong pasok ako sa UP CMC, wala akong sariling opisina dahil limitado ang pasilidad ng Departamento ng Peryodismo. Pero wala akong naging problema sa sitwasyong ito dahil ang naging kasama ko sa opisina ay si Ingles na noo’y 11 taon nang retirado. Kadalasan, solo ko ang opisina pero komportable rin naman akong nagtatrabaho tuwing dumaraan siya para tingnan ang kanyang mga gamit at tahimik na magsulat.

Masasabing bahagi pa rin siya ng UP CMC hindi lang sa kanyang pagiging kauna-unahang professor emeritus kundi sa pagbibigay niya ng payo sa ilang polisiyang may kinalaman sa mahahalagang proyekto. Hindi ko na babanggitin ang lahat ng detalye, pero tandang-tanda ko ang suportang ibinigay niya sa paglalabas ng kauna-unahang refereed journal ng UP CMC, ang Plaridel: A Journal of Philippine Communication, Media and Society. Sa katunayan, nagsalita pa siya noong Pebrero 2004 sa paglulunsad ng unang isyu para purihin ang kolehiyo sa inisyatibang ito. Tulad ng kanyang paraan ng pagtuturo sa amin noong 1989, naging mapagkumbaba siya sa pagkukuwento ng kanyang kapanahunan, lalo na ang kanyang 20 taong pagtuturo sa UP CMC.

Sa sumunod na taon (2005), inilabas ni Ingles ang CD ng mga tula niya bilang kontribusyon sa nalalapit na selebrasyon ng ika-100 taon ng UP sa 2008. Ang mga tula niyang binasa ng ilang pangunahing personalidad sa midya ay nakasulat sa wikang Ingles, Pranses, Filipino at Kastila. Bukod sa CD, may ginawa ring libro si Ingles noong 2008 na may titulong 1908 The Way It Really Was: Historical Journal for the U.P. Centennial, 1908-2008. Matiyaga niyang sinuri ang mga laman ng diyaryo mula Enero 1 hanggang Disyembre 31, 1908 at ginawan niya ng maikling pagsusuma ang mahahalagang pangyayari sa loob ng 366 na araw (leap year kasi ang 1908).

Tandang tanda ko ang paglulunsad ng librong ito. Dinaluhan ito ng ilang pangunahing personalidad sa literatura, pati na ang ilang natitirang miyembro ng Ravens, isang grupo ng mga manunulat na kabilang si Ingles. Hiniling niya ako noong magbigay ng ilang pananalita. Bagama’t malaking karangalan ito, siyempre’y nariyan din ang kaba kahit na hindi ko ipinahalata. Sa bandang huli, nagpasalamat siya sa akin sa pamamagitan ng pagbibigay ng personal na mensaheng nakasulat sa libreng kopya ng librong ibinigay niya sa akin: “With deep appreciation of your spontaneous support in the pre-launching of this book in February 2008, and expecting from you a far more distinguished career in the journalism faculty of the College of Mass Communication.”

Tunay na mananatiling inspirasyon ang mga katulad ni Ingles sa mga susunod na henerasyon ng mga guro, pati na sa mga peryodistang nais magtaguyod ng pinakamataas na pamantayan ng propesyonalismo. Bagama’t panahon na para sa kanyang pamamahinga, makakaasa siya sa pagpapatuloy ng mga sumunod sa kanya.

Sa kanyang pagkamatay noong umaga ng Disyembre 5, mainam na balikan ang isang tulang sinulat niya na may pamagat na “Dressing up for a funeral.” Bagama’t mas natatandaan ng mga nakakakilala sa kanya ang pormal na tindig at hitsura, higit na mas mahalagang tandaan at isapuso ang mga aral na ibinahagi niya:

Hence funerals need not be a formal event;
After all is said and done, what do remain
Are memories of merriment, carousels and
Escapades; joys and tribulations shared;
Youthful desires, hopelessness, dreams unfulfilled
And now, finally: “Adios, au revoir, sayonara, paalam.”

Surely neither he nor I should mind
The color, cut and adornment of what is worn;

For when I go to commute with him in his last repose,
It is the heart’s habiliment that will matter most.

Paalam na po, Propesor Ingles.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2013/12/simpleng-pag-alala-kay-prop-raul-ingles-1929-2013/feed/ 0
Bonifacio at ang tunay na pagbabago http://pinoyweekly.org/new/2013/11/bonifacio-at-ang-tunay-na-pagbabago/ http://pinoyweekly.org/new/2013/11/bonifacio-at-ang-tunay-na-pagbabago/#comments Sat, 30 Nov 2013 12:35:06 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=26799 Malapit sa puso ng mga nagsusulong ng panlipunang pagbabago si Andres Bonifacio, lider ng Katipunan. Sa okasyon ng kanyang ika-150 kaarawan sa Nobyembre 30, 2013, nangyari ang iba’t ibang aktibidad para bigyang-pugay ang tinaguriang Supremo.

Anuman ang iyong politikal na paniniwala, hindi kasi maikakaila ang kanyang kabayanihan. Noong panahon ng pananakop ng mga Kastila, malinaw ang kanyang paninindigan laban sa kolonyalismo at para sa kalayaan. At dahil alam niyang hindi basta-basta mapapaalis ang mga Kastila, isinulong niya ang rebolusyonaryong pagkilos.

Hanggang ngayon, hindi pa rin malinaw ang batayang datos sa ilang mahahalagang pangyayaring may kaugnayan sa Kataastaasang Kagalanggalangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK o Katipunan), pati na rin sa sa ilang bahagi ng buhay ni Bonifacio.

Halimbawa, patuloy ang debate kung kailan at saan ginawa ang tinaguriang ”Sigaw ng Balintawak” (o ”Sigaw ng Pugadlawin”). Dito nanawagan si Bonifacio ng paghawak ng armas para labanan ang mga Kastila. Pinunit ng mga dumalong Katipunero ang sedula bilang simbolo ng kanilang hindi pagkilala sa dayuhang mananakop.

Tungkol naman sa buhay ni Bonifacio, pinagtatalunan pa rin ang katotohanan tungkol sa pagkamatay niya at ng kanyang kapatid na si Procopio. Hinatulan daw siyang mamatay ng paksyong Magdalo ng Katipunan dahil siya ay napatunayang taksil sa rebolusyon. May argumento namang kinailangan siyang patayin dahil gusto ng paksyong Magdalo na pamunuan ang buong Katipunan.

Pati ang mismong paraan ng pagpatay kay Bonifacio ay hindi malinaw. Nariyan ang argumentong sinubukan niyang tumakas kaya siya binaril. May nagsasabi namang walang-awa siyang pinagtataga kahit na hinang hina na siya sa mga sugat na natamo bunga ng kanyang pagkaaresto. Aba, kahit ang lugar na pinaglagyan ng mga bangkay ng magpakapatid niya ay hindi malinaw! Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, hindi pa rin alam kung ang mga butong nakuha noong 1918 ay talagang kay Bonifacio. Ito rin ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, wala pa ring disenteng libing na ibinibigay sa tinaguriang Supremo.

Ang mga kontrobersiya kaya ang dahilan kung bakit walang masyadong atensiyong ibinibigay sa Mayo 10, 1897 (ang araw ng pagkamatay ng magkapatid na Bonifacio)? Bagama’t wala akong nakikitang problema sa pag-alala sa kanyang kaarawan, mainam na balik-balikan ang buhay at kamatayan ni Bonifacio kahit na iba’t ibang bersyon ang alam natin. Mahalaga ring suriin ang pinagdaanan ng Katipunan bilang rebolusyonaryong organisasyon. Tutukan natin ang tunggalian sa dalawang paksyong Magdalo at Magdiwang bilang repleksiyon ng pagkakaiba ng interes ng mayayaman at ng mga pinagkaitan. Bagama’t may debate pa rin kung si Bonifacio ba ay nabibilang sa panggitnang-uri (middle class) o uring anakpawis, malinaw na nabibilang ang mga katunggali niya sa mas nakatataas na uring panlipunan (social class).

Sa ganitong konteksto ng tunggalian natin dapat suriin ang katotohanang namatay ang magkapatid na Bonifacio dahil sa desisyon ng paksyong Magdalo. Isang malaking kontradiksiyon ang kinasadlakan ng Supremo – ang layuning mapagkaisa ang buong mamamayan ay nagbunga lang ng internal na tunggalian; ang binuo niyang kilusan ang naging dahilan ng kanyang kamatayan.

Kung may aral tayong makukuha mula kay Bonifacio, ito ay ang kahalagahan ng rebolusyonaryong pagkilos sa panahon ng pang-aapi. Siya at ang mga taga-suporta niya ay nagsisilbing inspirasyon sa iba’t ibang grupo’t indibidwal na isulong ang tunay na pagbabago sa lipunan – malaya mula sa mananakop at nagsisilbi sa interes ng karamihan ng mamamayan, lalo na ang pinagkaitan. Kailangang isiping may pangangailangan at karangalan sa paghawak ng armas para makamtan ang ipinaglalaban. Pero dahil kailangang matuto sa kinasadlakan ng magkapatid na Bonifacio, dapat na may ibayong pag-iingat para mawala ang internal na tunggalian sa kilusan.

Ang patuloy na pagkilos sa kasalukuyan ay nangangahulugan ng malalim na pagkakaunawa sa kasaysayan. Simple lang ang dahilan ng patuloy na pakikibaka: May rebolusyong kailangang isulong dahil may lipunang kailangang baguhin!

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2013/11/bonifacio-at-ang-tunay-na-pagbabago/feed/ 0
Pangulong Aquino, retorika at propaganda http://pinoyweekly.org/new/2013/11/pangulong-aquino-retorika-at-propaganda/ http://pinoyweekly.org/new/2013/11/pangulong-aquino-retorika-at-propaganda/#comments Sat, 23 Nov 2013 08:14:21 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=26710 Tuwing may protesta, asahan mo ang retorika. Madalas ko ngang biruin ang ilang kaibigang aktibista sa husay nilang bumuo ng mga salita para mapukaw ang interes ng madla.

Sadyang mahalaga ang retorika sa propaganda. Kailangan lang na akma ang mga salita para malinaw ang mensaheng nais iparating. Ito ang dahilan kung bakit may ibayong pag-iingat sa anumang katagang gagamitin, lalo na’t laban sa isang opisyal ng pamahalaan. Kung sablay nga naman ang retorika, paano na ang kampanya? Nakuha mo man ang atensiyon ng masa, maaasahan mo ba ang suporta nila?

Sa kaso ni Pangulong Noynoy Aquino, kailangang isaalang-alang ang kanyang matataas na trust at approval ratings kung susuriin ang mga datos ng Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS) mula nang manungkulan siya noong 2010 hanggang sa kasalukuyan. Bagama’t kapansin-pansin ang pagbaba ng kanyang ratings lalo na sa panahon ng ilang kontrobersiya sa kanyang administrasyon, hindi pa rin maikakaila ang pampublikong pagtingin na siya ay popular.

Pero ano ba ang konteksto ng kanyang popularidad? Depende siyempre ito sa paniniwala ng taong kausap mo. Halimbawa, puwedeng sabihin ng isang taga-suporta ng kasalukuyang administrasyon na nakikita ng publiko ang mabuting gawi ni Aquino. Para naman sa nananatiling kritikal sa Pangulo, maaasahan mo ang argumentong hindi naisisiwalat sa publiko ang lahat ng baho ng administrasyon, pati na ang bentaheng maraming organisasyong pangmidya na kampi sa kanya. Pabor ka man o hindi kay Aquino, hindi rin maiiwasang maikumpara siya kay Gloria Macapagal-Arroyo, ang pangulong sinundan niya. Dahil sa mga mababang rating ni Arroyo, malinaw na sinumang ikumpara sa kanya ay nagmumukhang santo, kabilang na si Aquino!

Susing usapin din sa kasalukuyang “kasikatan” ng Pangulo ang propaganda. Anuman ang iyong politikal na paniniwala, hindi maikakaila ang epektibong paggamit ng retorika ng mga taga-suporta niya. Para ipaliwanag ang pangkabuuang direksiyon ng administrasyong Aquino, ginagamit ang katagang “daang matuwid.” Para ipakitang kaisa siya sa hangaring hindi magkakaroon ng espesyal na pagtrato sa mga opisyal ng gobyerno, ibinibigay niya ang halimbawang “wala nang wang-wang” sa mga lansangan. Para idiin ang demokratikong pamamahala, sinasabi ni Aquino sa publiko na “kayo ang boss ko.” Para ipamukhang kakaiba si Aquino kay Arroyo, ang diskurso ay makikita sa limang salita lamang – “kung walang korap, walang mahirap.”

Epektibo ang retorika ng pamahalaan dahil ginagamit ang mga salitang mabilis na nagbibigay ng malinaw na imahe. Hindi ba’t spesipikong halimbawa ang paggamit ng wang-wang ng maraming opisyal ng gobyerno sa mga lansangan para ipamukhang angat siya sa iba? Kumpara sa ordinaryong mamamayang sumasakay sa pampublikong transportasyon, hindi nakararanas ng problema sa trapiko ang isang politikong nakasakay sa mamahaling sasakyan. Kailangan mong tumabi sa kanyang pagdaan. Sa panahon diumano ng daang matuwid, hindi na raw katanggap-tanggap ang sitwasyong ito.

At dahil sawang sawa na sa korupsiyon ang mga tao, pinipilit ng administrasyong Aquino na iugnay ito sa kahirapan. Sa pamamagitan ng retorikang “kung walang korap, walang mahirap,” napapaangat ni Aquino ang kanyang sarili kumpara kay Arroyo na kinakaharap ang maraming kaso ng katiwalian. At kahit na walang malinaw na pagbabago sa panlipunang katayuan ng mga batayang sektor ng lipunan, epektibong propaganda pa rin ng pamahalaan ang paggamit ng salitang “boss” para ipaalala sa mga naghihirap na pinapakinggan daw sila ng administrasyong Aquino.

Pero hindi lahat ng epektibo ay totoo. Nariyan pa rin ang hindi pagkakapantay-pantay sa pagitan ng mga opisyal ng gobyerno at ng mga Pilipinong dapat na pinagsisilbihan nila. Halimbawa, may wang-wang pa ring ginagamit ang ilang politiko sa kabila ng panawagan ni Aquino. Kung totoong matuwid ang daan, bakit hindi malinaw ang patutunguhan ng ordinaryong mamamayan? Bakit patuloy pa rin ang kahirapan at iba pang probleman ng bayan? Isang manipestasyon ng kawalan ng makabuluhang pagbabago ay ang pananatili ng korupsiyon sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Sa ganitong konteksto dapat suriin ang retorikang ginagamit ng mga aktibista. Madalas nating naririnig ang mga katagang “walang pagbabago sa ilalim ni Aquino” tuwing may kilos-protesta sa mga paaralan, pagawaan at lansangan. Simple lang ang dahilan nito: Malinaw kasi sa ebidensiyang nakuha sa malalimang pagbabasa at madalas na pakikisalamuha sa mahihirap na patuloy pa rin ang mga problemang panlipunan. Sa isyu na lang ng korupsiyon, nahaharap sa maraming iskandalo ang ilang kaalyado’t kamag-anak ni Aquino.

Pangingikil ng pera ng kamag-anak kapalit ng pagbibigay ng kontrata sa isang dayuhang kompanya, pagpapatayo ng mamahaling bahay sa isang sikat na subdibisyon ng isang opisyal, paglalaro sa casino ng isa pang opisyal kahit malinaw na ipinagbabawal ito sa batas – mahaba ang listahan para isa-isahin lahat ng mga kontrobersiya.

Aba, kahit si Aquino mismo ay mayroon ding mga isyu! Ilang beses nang binatikos ang mga polisiya’t programang pilit niyang ipinapatupad na nagpapahirap sa maraming mamamayan, lalo na ang mahihirap. Tulad ng mga nakaraang administrasyon, naniniwala siya sa isang globalistang tunguhin ng diumanong pang-ekonomiyang pag-unlad. Hinahayaan pa rin ang pribadong sektor, lalo na ang dayuhang mamumuhunan, na dominahin ang lokal na ekonomiya. Ang presyo ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng kuryente, tubig, produktong petrolyo at bigas ay idinidikta na ng mga kapitalista. Ang anumang pagtaas sa presyo ng bilihin ay kasalanan diumano ng “market forces,” ang katagang ginagamit bilang propaganda ng gobyerno para ibunton ang sisi sa isang bagay na hindi nakikita.

Oo nga naman, mukhang matalinong diskurso ang paggamit ng retorika sa wikang Ingles kahit na hindi naiintindihan nang lubusan ang konsepto nito. Sa halip na magkaroon ng imahe ng isang kapitalistang nagpapayaman habang ang karamihan ay pinagkakaitan, mistulang blangkong pagsasalarawan ang hatid ng katagang “market forces.” Simple lang ang implikasyon nito: Sa gitna ng pagtaas ng presyo ng bilihin, hindi na dapat sisihin ang pamahalaan o kapitalista. Sa bandang huli, tatanggapin na lang ng ordinaryong mamamayan ang pang-ekonomiyang kalakaran bilang sitwasyong labas sa kontrol ninuman.

Sa ngayon, epektibo ang propaganda ng mga nasa kapangyarihan dahil patuloy pa rin ang suporta ng maraming mamamayan sa kanila. Pero unti-unti na ring naipapakita ang kasinungalingan sa likod ng opisyal na retorika. Mainam na halimbawa ang binitiwang pahayag ni Pangulong Aquino na hindi naman masyadong nakapaminsala ang Bagyong Yolanda na pumasok sa bansa noong Nobyembre 8 dahil 2,000 hanggang 2,500 lang daw ang tinatayang nasawi. Masyadong mababa ang estadistikang ito kung ikukumpara sa 10,000 unang binanggit ng isang dating lokal na opisyal na kinailangang tanggalin sa puwesto matapos ang kanyang pahayag sa midya.

Hindi rin kayang protektahan ng propaganda ang bangayan ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa distribusyon ng relief goods at iba pang porma ng dapat ay taos-pusong pagtulong sa mga kababayan nating naapektuhan ng bagyo. Mas lalong hindi naitatago ng “mababangong salita” ang kawalan ng kakayahan ng gobyernong tumulong sa nangangailangan, lalo na’t halatang halata ang maagang pangangampanya ng ilang personalidad na nagpaplanong tumakbong Pangulo ng Pilipinas sa 2016. Lahat ng propaganda sa puntong ito ay nagmimistulang palusot ng mga nagpupumilit magpaliwanag ng kasalanan.

Sa gitna ng propaganda ng pamahalaan, may protestang nangyayari. Ang mga aktibista ay nagkakaroon ng sariling retorika para mapatingkad sa kakaunting salita ang alternatibong pagsusuri sa nangyayari sa lipunan at sa gobyernong dapat ay naglilingkod sa mga mamamayan. Mula nang manungkulan si Pangulong Aquino, marami nang terminong ginamit laban sa kanya – Noynoying, Pork Barrel King, Impunity King. Ang mga ito ay maingat na pinili para batikusin ang kanyang estilo ng pamumuno at mga patakara’t polisiyang isinusulong. Kailangang maging malinaw na ang anumang terminong ginagamit sa kanya ay hindi naglalayong magbato ng personal na atake.

Tuwing may protesta, asahan mo ang retorika. Mas lalo mong asahan ang pagdami ng propaganda ng mga aktibista lalo na’t dumarami ang pagkukulang ng pamahalaan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2013/11/pangulong-aquino-retorika-at-propaganda/feed/ 0
Pagtulong, pag-alala at pagkondena http://pinoyweekly.org/new/2013/11/pagtulong-pag-alala-at-pagkondena/ http://pinoyweekly.org/new/2013/11/pagtulong-pag-alala-at-pagkondena/#comments Sat, 16 Nov 2013 03:49:18 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=26640 Nasa Maynila ako pero nasa iba ang utak ko. Tulad ng marami pang Pilipino, ginagampanan ko ang “normal” na gawain kahit na aaminin kong wala akong ganang magtrabaho. Paano ka ba naman magkakaroon ng lakas sa isang sitwasyong nakapanghihina?

Suriin natin ang opisyal na datos mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) hinggil sa epekto ng Bagyong Yolanda. Lumalabas sa Situation Report (SitRep) No. 91 (Nobyembre 15, 8:00 p.m.) na 3,631 ang bilang ng namatay, 12,487 ang sugatan at 1,179 ang nawawala. Sadyang maraming lugar sa Pilipinas ang nasalanta sa gitna ng anim na landfall noong Nobyembre 8 sa Guiuan, Eastern Samar; Tolosa, Leyte; Daanbantayan, Cebu; Bantayan Island, Cebu; Concepcion, Iloilo; at Busuanga, Palawan. Kung susuriin ang opisyal na estadistika, malinaw na malaking pera ang kinakailangan para tulungan ang mga apektadong kababayan: “A total of 1,962,898 families/9,073,804 persons were affected in 9,303 barangays in 44 provinces, 536 municipalities and 55 cities.” Ayon sa NDRRMC, ang halaga ng pinsala sa agrikultura ay P9.1 bilyon; at sa impraestruktura, P362.8 milyon.

Posibleng mas mataas pa ang bilang ng mga namatay kung mas paniniwalaan ang datos ng United Nations Office of the Coordination of Humanitarian Affairs (OCHA). Batay sa isang ulat sa midya, umabot na raw sa 4,460 ang namatay; at ang mga apektado ng Bagyong Yolanda, 11.8 milyon. Matatandaang sinabi ni dating Philippine National Police-Eastern Visayas Chief Superintendent Elmer Soria noong Nobyembre 9 na posibleng umabot sa 10,000 ang namatay bunga ng storm surge. Makalipas ang limang araw, naiulat ang pagkakatanggal sa puwesto ni Soria. Bago siya pinalitan ni Chief Superintendent Henry Losanes, binanggit ni Pangulong Noynoy Aquino sa CNN na ang bilang ng mga namatay ay malamang na nasa 2,000 hanggang 2,500 lamang.

Salamat sa matiyagang pag-uulat ng midya, nakita ng Pilipinas at ng buong mundo ang imahe ng trahedya, lalo na ang mukha sa likod ng mga estadistika. May mga balita ng kabayanihan sa gitna ng trahedya. May mga balitang naghahatid ng iba’t ibang emosyon – nakapanlulumo, nakakaiyak, nakakagalit. Hindi ko na iisa-isahin ang mga balitang direktang nakaapekto sa akin at sinubukan ang kakayahan kong maging mahinahon. Tulad ng marami pang tao, pinagdaraanan ko ang pagdadalamhati’t pag-aalala. Bagama’t magandang balita para sa akin ang malamang ligtas ang ilang mahal sa buhay sa Tacloban, hanggang ngayo’y hindi ko pa alam ang nangyari sa ibang kaibigan at kakilala.

Sa bawat pagsubo ng pagkain nitong mga nakaraang araw, mabigat sa loob ang isiping maraming kababayan natin ang nagugutom. Kahit ang simpleng paghiga sa kama pagsapit ng gabi ay naghahatid ng iba’t ibang imahe ng mga kababayan nating pinipilit matulog sa kung saan-saan dahil kahit ang evacuation centers ay kabilang sa mga nasalanta.

Gusto kong isiping likas sa maraming tao ang tumulong sa panahon ng pangangailangan. Sa ganitong konteksto natin dapat suriin ang pagdagsa ng tulong hindi lang mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Para sa akin, hindi lang simpleng “guilt trip” ang nagtutulak sa maraming tao, Pilipino man o dayuhan, para magbigay ng donasyon at tumulong sa pagpapadala ng relief goods. Ang isinasagawang pagkilos ay repleksiyon ng ating paggampan ng responsibilidad bilang miyembro ng komunidad sa partikular at lipunan sa pangkalahatan. Sa madaling salita, walang iwanan!

Sadyang handang tumulong ang marami dahil sariwa sa ating alaala ang nakaraan, lalo na kung pinagdaanan din natin ang nararanasan ngayon ng marami nating kababayan sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas. Mas lalong nakikita natin ang pangangailangang tumulong kung mayroon tayong mga kakilalang naapektuhan ng bagyo. Dito nagkakaroon ng personal na dimensiyon ang pakikipagkaisa sa iba pang nais tumulong.

Damayan sa panahon ng trahedya, bayanihan sa gitna ng kalamidad. Tandaan lang sana nating may direktang responsibilidad ang mga ahensiya ng pamahalaan para tugunan ang pangangailangan ng lahat ng mga nasalanta. Bagama’t hindi maiiwasan ang bagyo, kailangang magkaroon ng ibayong paghahanda ang gobyerno. Puwede mong sabihing may paghahanda namang nagawa, pero malinaw na hindi ito naging sapat. Mas lalong hindi nakatulong ang mga ginawang mga pahayag ng Pangulo sa lokal at pandaigdigang midya na ibinunton pa ang sisi sa mga lokal na pamahalaan at ipinagpilitang walang pagkukulang ang kanyang administrasyon sa trahedyang naganap.

Kung ako ang tatanungin, may malaking responsibilidad tayong lahat na singilin ang ating gobyerno sa trahedyang nangyari. Hindi sapat ang manahimik na lang sa isang tabi. Oo, kailangan nating tumulong sa mga nangangailangan pero kailangan din nating mag-ingay para ipakita ang ating kolektibong pagkondena.

May dahilan para makaramdam ng awa at lungkot pero may mas malalim na dahilan para magalit. Pagkatapos pahirin ang luha sa ating mga mata, panahon na para lumabas sa ating bahay para makiisa sa mga magaganap na kilos-protesta.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2013/11/pagtulong-pag-alala-at-pagkondena/feed/ 0
Bagyong Yolanda at ang trahedya ng pamamahala http://pinoyweekly.org/new/2013/11/bagyong-yolanda-at-ang-trahedya-ng-pamamahala/ http://pinoyweekly.org/new/2013/11/bagyong-yolanda-at-ang-trahedya-ng-pamamahala/#comments Sat, 09 Nov 2013 00:31:39 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=26560 Buti naman at hindi pa sinasabi ni Pangulong Noynoy Aquino na si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang may kasalanan sa pagdating ng bagyong Yolanda (Haiyan) ngayong linggo. Kung sabagay, duda ako kung may mapagbubuntunan siya ng sisi sa pagtahak ng bagyong wala naman sa kontrol ninuman.

Pero tandaan nating iba ang bagyo’t kalikasan sa trahedyang iniiwan nito. Kailangang maging maingat sa paggamit ng mga katagang “hagupit ng bagyo” o “pananalasa ng kalikasan” sa paglalarawan ng pagbaha at pagkasira sa mga bahay at ikinabubuhay ng maraming mamamayan. At kung sakaling magkaroon ng pagkamatay ng ilang kababayan, huwag sanang palabasing kalikasan ang may kasalanan.

Ipinanganak at lumaki tayo sa isang bansang binibisita ng mga bagyo taon-taon. Kung sa tingin mo’y parati tayong “sinasalanta” ng mga ito, kailangang tandaang nagreresulta ang anumang trahedyang kinakaharap ng karamihan sa mga bagay na subhetibo at obhetibo. Pangunahing salik ang kapabayaan ng ilang nasa kapangyarihan at ang pagpapatuloy ng panlipunang sistemang pinapakinabangan lang ng iilan.

May subhetibong katangian ang kapabayaan ng ilang opisyal sa gobyerno dahil may kinalaman ito sa kanilang kapasidad na mamuno, pati na ang sinseridad sa pagtugon sa pangangailangan ng mga naghihirap na mamamayan. Sa obhetibong antas naman, nasa bentahe ng iilan ang pagkakaroon ng panlipunang sistemang direkta nilang pinapakinabangan. Kahit na hindi ito akma sa karamihan, pinapanatili ng mga nasa kapangyarihan ang estrukturang nagpapayaman sa iilan kahit na nagpapahirap ito sa karamihan.

Ang ganitong argumento ay hindi po walang-lamang retorika ng isang walang-magawang aktibista. Kung susuriin nang malaliman, maiuugnay ang subhetibo at obhetibo sa trahedya at bagyo.

Sa konteksto ng tinaguriang “disaster risk reduction and management” (DRRM), kapansin-pansin ang pagsasamantalang ginagawa ng ilang nasa kapangyarihan para makakuha ng publisidad bunga ng mapagkunwaring pagtulong. Dahil sa kanila, nagkaroon na ng politikal na kahulugan ang salitang “epal.” Ang pagiging epal (o mapapel) kasi ay makakapagpaliwanag, halimbawa, sa pagpapakuha ng larawan o bidyo sa pamimigay ng relief goods at paglalagay ng pangalan sa bawat bagay na ipinamimigay sa mga biktima ng trahedya. Sino ba sa atin ang hindi magagalit sa sitwasyong natatagalan ang pamimigay ng kinakailangang tulong dahil hindi pa dumarating ang politiko? Sino ba sa atin ang hindi mapapakamot ang ulo sa bangayan ng ilang nasa kapangyarihan kung sino sa kanila ang dapat mamigay ng relief goods?

May direktang kaugnayan ang “panliligaw” ng ilang politiko sa layunin nilang manatili sa kapangyarihan. Kaya nga hindi nakakagulat na ang mga may planong tumakbo sa darating na eleksiyon sa 2016 ay parating “nagpaparamdam” para ipakitang may ginagawa sila. Para sa mga nag-aambisyong maging susunod na Pangulo ng Pilipinas, nangangahulugan ito ng pagpunta sa mga lugar ng trahedya para diumano pamunuan ang pagtulong sa mga mamamayan. Wala namang problema sa pagkalinga sa mga biktima. Pero hindi maiiwasan ang kolektibong pagdududa lalo na’t bitbit ng ilang politiko ang midya.

Nagmumukha namang “makapangyarihan” at “guwapo” si Pangulong Aquino kung magdedeklara siya ng state of emergency at ipagkakalat ang desisyon ng agarang paglabas ng kinakailangang pondo para sa mga apektadong lugar. Posible pa ngang gamitin ni Aquino ang pagkakataon para sabihing kinakailangan ang kanyang discretionary powers para matugunan ang pinansyal na pangangailangan ng mga biktima ng trahedya. Sa kontekstong ito, kapansin-pansin ang oportunismo para pabanguhin ang hindi katanggap-tanggap na Development Acceleration Program (DAP), isang mekanismong bahagi diumano ng tinatawag na presidential pork barrel.

Sa halip na ilaan ang kinakailangang pondo sa mga ahensiyang direktang nangangasiwa sa relief and rehabilitation, pati na rin sa mga lokal na pamahalaan, nais gamitin mismo ni Pangulong Aquino ang kaban ng bayan para makamit ang politikal na adyenda ng mga kaalyado niya. Nagdesisyon man si Aquino na buwagin na ang priority development assistance fund (PDAF) o pork barrel ng kongreso, may mekanismo pa rin sa mga miyembro ng Senado at House of Representatives para magrekomenda ng mga nais nilang proyekto. Kung susuriin ang pahayag ni Aquino, hindi raw siya dapat pag-initan dahil hindi naman daw siya inaakusahang nagnanakaw ng pondo ng bayan.

Pero kung susuriin ang sunod-sunod na trahedyang nangyari sa Pilipinas, hindi ba’t isang porma ng pagnanakaw ang nangyayaring pagpapahirap sa mga dati nang mahirap? Hindi kakaiba ang ginagawang pagnanakaw sa kaban ng bayan sa pagkakait ng karapatang dapat nasa karamihan! Kung tutuusin, simple lang naman ang pangarap ng maraming mamamayan – ang magkaroon ng mga batayang karapatan sa edukasyon, trabaho, pabahay at iba pang makapagbibigay ng ginhawa sa buhay.

Dahil sa walang malinaw na programa para sa kaligtasan ng mga ordinaryong mamamayan, nagkakaroon ng maraming biktima sa gitna ng malakas na bagyo. Pero ang trahedya ay higit pa sa natural na kalamidad dahil matindi rin ang epekto ng kasalukuyang kalakaran ng lipunan. At para tuluyang mawala ang malupit na trahedya, kinakailangang baguhin ang mapanupil na sistema.

Muli, ang ganitong klase ng argumento ay hindi walang-lamang retorika ng isang walang-magawang aktibista. Sapat nang ebidensiya ang kasaysayan ng Pilipinas para malaman ang dahilan kung bakit patuloy ang kultura ng protesta sa ating bayang patuloy na pinagkakaitan ang karamihan.

Kahit kailan, hindi puwedeng sabihing ang bagyo ay masama at ang panahon ay masungit. At lalong hindi puwedeng iugat sa simpleng kasamaan o kasungitan ng ilang opisyal ng gobyerno ang pangkalahatang pagkukulang sa pagtulong sa mamamayan.

Sa gitna ng malakas na hangin at matinding ulan, panahon na para isulong ang panlipunang sigwa. Ito ang nararapat na kolektibong tugon sa trahedya ng pamamahala.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2013/11/bagyong-yolanda-at-ang-trahedya-ng-pamamahala/feed/ 0
Timog Korea at ang retorika ng `ano kaya’? http://pinoyweekly.org/new/2013/11/timog-korea-at-ang-retorika-ng-ano-kaya/ http://pinoyweekly.org/new/2013/11/timog-korea-at-ang-retorika-ng-ano-kaya/#comments Fri, 01 Nov 2013 15:30:18 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=26495 LUNGSOD INCHEON, Timog Korea (Nobyembre 1, 2013) – Para sa katulad kong nagmula sa naghihirap na bansa, magkahalong saya at lungkot ang nararamdaman tuwing bumibisita sa maunlad na bansa tulad ng Timog Korea.

Siyempre’y may ligayang hatid ang pagbiyahe sa ibang bansa, lalo na’t nangangahulugan ito ng karanasang kakaiba sa nakagisnan. Nabubuksan ang mata mo sa iba pang kultura at nasusubukan mong gawin ang mga bagay na wala sa sariling bansa. Sa konteksto ng Timog Korea, nalalaman mo, halimbawa, ang “tunay” na lasa ng kim chi, bulgogi at iba pang pagkain mula sa bansang ito. At kung mahilig ka sa teknolohiya, makikita mo ang napakalaking bentahe ng paggamit ng Internet sa bansang may pinakamabilis na koneksiyon sa buong mundo.

Kung may sapat kang pera, makakaya mong maglibot-libot sa ilang lugar para malaman hindi lang ang kultura ng Timog Korea kundi ang mayamang kasaysayan nito. Ang pagbisita sa Ganghwa History Museum (Ganghwa Island) ay magpapakita ng dedikasyon ng mga Koreano para ipaalala sa lahat ng tao ang pinagdaanan ng lugar bago pa man ito tinawag na Korea. Aba, kahit ang ilang tipak ng batong nagsilbing palatandaan ng mga inilibing nilang ninuno noong Neolithic Period (4000 hanggang 3000 BC) ay pinipilit nilang i-preserba para hindi malimutan ng mga susunod na henerasyon. Ang ilan sa mga tinatawag na “dolmen” o “portal tomb” ay makikita sa labas ng museo. Kapansin-pansin ang masinop na trabahong ginawa ng mga Koreano para panatilihin ang orihinal na mga dolmen kahit ilang libong taon na ang edad ng mga ito.

May malaking papel din ang mga bato sa pagtataguyod ng turismo at pagpapakilala ng Buddhismo. Doon kasi sa Samnangseong Castle (Ganghwa Island), kapansin-pansin ang maraming tumpok ng mga batong pinagpatong-patong na nakakalat sa isang malaking bato. Dahil maganda ang pagkakagawa, akala ko’y nakadikit na ang mga ito. Pero nang hinawakan ko ang isang tumpok, hindi pala. Araw-araw, pinagtitiyagaan ng mga trabahador at ng ilang bumibisita sa lugar para magkaroon ng mga pinagpatong-patong na mga bato. Kuwento ng aming tour guide, dinadasalan daw ang mga batong ito kaya mahalagang manatiling magkapatong-patong sila bago humiling ng kung anuman sa kinikilalang diyos.

Sa kabilang banda, nakakaaliw ding may malaking bentahe ang pagpapanatili ng kultura sa pagpapalawak ng kaisipan ng mga pumupunta sa lugar na iyon. Biro ko nga sa sarili ko, hindi pala “nakakabato” ang pagpatung-patungin ang mga bato. Dahil naengganyo ako sa hitsura ng mga ito, gumawa ako ng sariling tumpok. Habang sinusulat ko ito, pumapasok sa isip ko kung nakatayo pa ba ang “aking” tumpok, at kung dinarasalan ito ngayon. Sana naman.

Kapansin-pansin din ang diskurso ng pag-asa at pakikibaka sa pagbisita sa 38th parallel. Dahil malabong makapunta sa mismong Panmunjom, pinili na lang ng tour guide na dalhin kami sa Ganghwa Peace Observation Deck (Ganghwa Island) kung saan kitang-kita ang Hilagang Korea. Sa lugar na iyon, ang tanging naghihiwalay sa Hilaga at Timog Korea ay ang karagatan. Mula sa observation deck, puwedeng gumamit ng binoculars para tingnan ang kabundukan at kapatagan ng sosyalistang bansang pinamumunuan ni Kim Jong-un.

Halatang may pagkiling sa Timog Korea ang aming tour guide dahil binanggit niyang nawala ang mga puno sa kabundukan ng Hilagang Korea (na kitang-kita naman mula sa observation deck) dahil walang pagpapahalaga sa kapaligiran ang mga taga-Hilaga. Ilang beses din niyang idiniin ang malawak na kagutuman, pati na ang walang pakundangang paglabag sa karapatang pantao ng rehimen ni Kim Jong-un. Pero sa kabila ng kanyang hindi itinatagong galit sa Hilaga, ipinapanalangin daw niya ang muling pagsasama ng dalawang Korea.

Sa loob-loob ko, sana nga. Pero hindi ko pa rin maiwasang itanong ang maraming bagay na nagsisimula sa “ano kaya”? Ano kaya kung hindi natuloy ang paghihiwalay ng Korea sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1945? Ano kaya kung ang Korean War ay nagpatuloy at hindi nagkaroon ng tigil-putukan noong 1953? Ano kaya kung ang Hilaga o Timog ay tuluyang nagtagumpay at napatunayan sa pamamagitan ng digmaang bayan ang soberanya sa buong Korea?

Salamat sa globalisasyon at konsumerismo, hindi kita masisisi kung mas kakampihan mo ang Timog Korea kumpara sa Hilagang Korea dahil limitado lang ang alam natin sa huli. Sa isang banda, modelo ng pinaunlad ng kapitalismo ang Timog Korea. Ang pagiging “hermit kingdom” naman ng Hilagang Korea ay hindi nakakatulong sa pagpapalaganap ng kaalaman sa anumang bentaheng mayroon sa isang sosyalistang lipunan.

Habang nakaupo sa observation deck sa Ganghwa Island, naalala ko ang itinuro ng propesor ko sa peryodismo tungkol sa pangangailangan ng konteksto. Paano ka nga naman magkakaroon ng malinaw na kongklusyon kung hindi mo alam ang lahat ng detalye? Paano mo masasabing mas magandang mabuhay sa Timog Korea kung hindi mo alam ang katotohanan tungkol sa nangyayari sa Hilaga?

Pero hindi ko rin naman masisisi kung nasa panig ng Timog Korea ang pampublikong opinyon. Hindi matatawaran ang aktibo nitong pagtataguyod ng mga nangyayari sa bansang ito. Ang pagho-host ng 17th Asian Games sa Incheon sa susunod na taon, halimbawa, ay may puspusang paghahanda para masiguradong hindi mapapahiya ang bansa hindi lang sa Asya kundi sa buong mundo. Biro nga ng isang Pilipinong nakatira sa Incheon, ang dating tinaguriang “ghost town” ay unti-unti nang nagiging maunlad na lungsod.

Sadyang hind maiiwasan ang saya at lungkot (pati na ang inggit) kung ang biyahero ay mula sa isang naghihirap na bansa tulad ng Pilipinas. Pero kailangang isiping walang lugar ang inggit sa sitwasyong hindi natin alam ang buong konteksto. Kung mayroong aral tayong dapat malaman sa kasaysayan ng Korea, ito ay ang kahalagahang tapusin ang matagalang panlipunang pakikibaka.

Paglilinaw: Ako ay inimbitahan ng Incheon International Relations Foundation (IIRF) para magsalita sa Asia Media Forum na inorganisa nito. Binayaran ng IIRF ang aking pamasahe at akomodasyon habang nasa Timog Korea.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2013/11/timog-korea-at-ang-retorika-ng-ano-kaya/feed/ 0
Tabaco, pagreretiro at pagbabago http://pinoyweekly.org/new/2013/10/tabaco-pagreretiro-at-pagbabago/ http://pinoyweekly.org/new/2013/10/tabaco-pagreretiro-at-pagbabago/#comments Fri, 25 Oct 2013 19:32:08 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=26417 LUNGSOD TABACO, Albay (Oktubre 25, 2013) – Sadyang mainam bumalik sa lugar na medyo tahimik at payapa. Kahit na ang pansamantalang pagbisita ay hindi “tunay na pamamahinga,” iba pa rin ang dulot sa katawan ng preskong hangin sa isang probinsiya.

Sa pamantayan ng katulad kong ipinanganak at lumaki sa iba’t ibang lugar ng Metro Manila, mistulang paraiso ang Tabaco. Sa pangkalahatan, walang trapik, mura ang mga bilihin at magalang ang mga tao. Para sa katulad kong nagkukunwaring makata, kapansin-pansin ang talinhagang hatid ng kapayapaan sa isang lugar na kilala sa paggawa ng tabak.

Kung susuriin nga naman ang kasaysayan ng lugar, lumalabas na ipinangalan ang Tabaco sa sandatang naging prominente noong panahon ng pag-aaklas laban sa mga Kastila, Hapon at Amerikano. Pero sa paglipas ng panahon, ang sandata ng armadong pakikibaka noon ay naging instrumento na sa pagsasaka ngayon. Ginagamit ang tabak, halimbawa, sa pag-alis ng damo, pagputol ng halaman at pag-ani ng bunga.

Opo, mayroon pa ring kanayunan sa kalunsuran. Makikita ang mga industriya’t serbisyo sa mga lugar na malapit sa plaza. Kapansin-pansin naman ang mga agrikultural na lupain sa iba’t ibang baranggay ng Tabaco. Tila nasa “denial stage” ang pagiging siyudad ng lugar. Halimbawa, patuloy pa rin ang ilang residente, lalo na ang matatanda, sa paggamit ng terminong “munisipyo” sa dapat na tinatawag na ngayong “city hall.”

Kung ako ang tatanungin, mainam na magpatuloy ang agrikultural na gawain sa Tabaco kahit na nangangahulugan ito ng pagpapatuloy ng “denial stage” bunga ng nagreresultang krisis sa identidad. Agrikultura ba o industriya? Hindi dapat mamili dahil puwede namang estratehiya sa pang-ekonomiyang pag-unlad ang kombinasyon ng dalawa.

Sa katunayan, ito ang plano naming mag-asawa sa aming pagreretiro sa Tabaco – ang magtanim sa gitna ng kalunsuran. Masasabing “matagalang pakikibaka” ang pag-iipon ng pera para mabili ang lupang pagtatayuan ng bahay na gagamitin namin sa pagreretiro. Dalawampung taon pa bago kami umabot sa edad na 65, ang mandatory retirement age sa Pilipinas, pero mainam na pagplanuhan na ang bagay na ito ngayon pa lang.

Noong bakasyon (Abril at Mayo) sa pamantasang pinagtuturuan ko, nagkaroon kami ng limitadong panahon para pangasiwaan ang permanenteng pagpapabakod sa aming lupa. At ngayon namang semestral break, ginamit naming mag-asawa ang oportunidad para tapusin na ang pag-aasikaso sa paglilipat ng mga titulo ng lupa sa aming pangalan. Matapos ang paulit-ulit na pagbiyahe nitong mga nakaraang buwan sa Legazpi at Tabaco para makipagtransaksyon sa Tabaco City Hall, Bureau of Internal Revenue (BIR) at Registry of Deeds (ROD) – bukod pa sa paminsan-minsang pakikipag-usap sa mga nagbenta ng lupa sa amin para sa iba pang dokumentong kinakailangan – naging matagumpay ang aming lakad ngayong buwan. Makukuha na kasi namin ang mga bagong titulo sa lupa sa susunod na buwan. Sa wakas, opisyal nang magiging amin ang lupang matagal naming pinag-ipunan!

At kahit na sabihin mong mababaw ang aking kaligayahan, natutuwa pa rin akong tapos na ang aming paulit-ulit na pagbisita sa mga ahensiya ng gobyernong kung ano-ano ang hinihingi para lang mailipat sa pangalan naming mag-asawa ang mga titulo ng lupang binili namin. Bagama’t magalang ang nakaharap naming mga kawani ng city hall, BIR at ROD, sa tingin ko’y may malaking problema ang burukrasya sa sitwasyong nahihirapan ang mga katulad naming may limitado lang panahon para makipagtransaksyon sa gobyerno.

Isipin mo na lang: Dahil hindi direktang tumatanggap ng bayad ang mismong BIR para sa capital gains tax at documentary stamp tax, kinailangan pa namin noong bumiyahe sa pinakamalapit na accredited na bangko dala-dala ang medyo malaking pera. At kahit na puwedeng magbayad direkta sa Tabaco City Hall at ROD, cash lang ang kanilang tinatanggap at hindi puwede ang credit card transaction. Muli, kinailangan naming magdala ng medyo malaking pera papunta sa mga ahensiyang ito. Alam nating lahat na may problema ang mga sitwasyong ganito sa personal na seguridad.

Pero kung may pribadong negosyong napayaman kaming mag-asawa, ito ay walang iba kundi ang mga nagpapa-photocopy ng mga dokumento. Sa bawat pagkuha ng mga dokumentong kinakailangan, asahan mong kailangan ding magpakopya ng tatlo hanggang limang kopya. May kinalaman kaya ang limitadong badyet ng mga ahensiya ng pamahalaan sa paghingi hindi lang ng orihinal na kopya ng mga dokumento kundi ng ilan pang kopya ng mga ito? Sa ngayon, ayaw ko munang suriin ito.

Kung mayroon kasi kaming pinag-iisipa’t pinagpaplanuhang mabuti, ito ay ang pagreretiro naming mag-asawa. Pagreretiro ang dahilan ng aming matiyagang pag-iipon, pati na rin ang masinop na pagtitipid. Gusto kong isiping normal para sa isang nagkakaedad nang katulad ko ang mag-isip ng bagay na ito. Pero ideyal din para sa isang nakababatang magplano nang maaga.

Ang problema lang sa kasalukuyang lipunan, malayo sa “normal” ang ating pinansyal na sitwasyon ng nakararami kaya ang mas iniisip ay ang kagyat na pangangailangan ng pamilya. Saan ba kukuha ng pambili ng pagkain mamaya? Ano ang mangyayari kung natapos na ang kontrata sa pinagtatrabahuan? Paano ba mabibigyan ng magandang kinabukasan ang mga mahal sa buhay?

Sa ganitong konteksto nagiging politikal na pakikibaka ang personal na pinagdaraanan ng nakararami. At ito ang dahilan kung bakit nagpapatuloy pa rin ang tunggalian sa lipunang ginagalawan.

Ang tabak na kasalukuyang ginagamit sa indibidwal na gawaing pang-agrikultura ay muling magiging simbolo ng kolektibong pakikibaka. Umunlad man ang teknolohiya, iba pa rin ang simbolismong hatid ng tabak na ginamit noon sa paglaban.

Sadyang may limitadong katahimikan at kapayapaan sa lipunang nagbibigay lang ng limitadong espasyo sa pag-unlad ng nakararami. May plano ka ba sa malapit na hinaharap? Isipin mo rin sana hindi lang ang personal na pagreretiro kundi ang politikal na pagbabago.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2013/10/tabaco-pagreretiro-at-pagbabago/feed/ 0