Pinoy Weekly » Kuwentong Kuwadrado http://pinoyweekly.org/new Philippine news, analysis, and investigative stories Mon, 06 Oct 2014 18:24:30 +0000 en-US hourly 1 http://wordpress.org/?v=4.0 Pakikiisa sa pag-aalsa http://pinoyweekly.org/new/2013/09/pakikiisa-sa-pag-aalsa/ http://pinoyweekly.org/new/2013/09/pakikiisa-sa-pag-aalsa/#comments Sun, 08 Sep 2013 19:58:26 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=25921 Jane Fonda sa North Vietnam, 1972 (Mula sa "Letter to Jane" ng Dziga Vertov Group)

Jane Fonda sa North Vietnam, 1972 (Mula sa “Letter to Jane” ng Dziga Vertov Group)

Magulo ang buhok, kaharap ang isang Biyetnames na nakasumbrerong pangmilitar sa North Vietnam. Iyan ang tanyag na artistang Amerikano na si Jane Fonda, noong 1972. Hindi makikita ang mukha ng kanyang kausap, pero makikita sa mata ni Fonda ang malapit na pakikinig, pakikiisa, pagmamalasakit.

Nasa gitna ng giyerang agresyon ng militar ng US ang bansang Vietnam noon. Sa North Vietnam, bahagi ng bansa na malaya sa direktang kontrol ng US at kontra sa papet na gobyerno ng South Vietnam, madalas ang pagbomba ng mga eroplanong pandigma ng Amerika. Bahagi si Fonda noon ng delegasyon ng mga Amerikano na nagnais alamin ang kalagayan ng mga Biyetnames na halos araw-araw na sinasalanta ng mga bomba ng US.

Noong taong iyon, 1972, naibalita ang plano diumano ng gobyerno ni Richard M. Nixon na bombahin ang mga dike at dam sa North Vietnam na kumokontrol sa Red River. Kung wala ang mga dike at dam na ito, babahain ang mga palayan ng lugar at magdudulot ito ng malawakang kagutuman sa mga North Vietnamese. Isa si Fonda sa mga nagsiwalat (nauna nang isiniwalat ng whistleblower na si Daniel Ellsberg ang hinggil sa naturang plano ni Nixon) sa naturang plano. Tumungo siya sa North Vietnam para ihayag ang pakikiisa sa mga North Vietnamese.

Larawan ni Fonda sa tabi ng anti-aircraft gun sa North Vietnam, 1972

Larawan ni Fonda sa tabi ng anti-aircraft gun sa North Vietnam, 1972

Inikot nina Fonda ang North Vietnam. Nakipag-usap sa mga opisyal, mga sundalo, mga lider-Komunista, mga magsasaka. Pati mga Amerikanong prisoner of war , o POW, nakausap niya. Sa isang event na naging tanyag sa midya sa US, nakikikanta ng kontra-giyerang awitin si Fonda sa mga batang Biyetnames habang (sabi niya, di sinasadyang) napaupo sa tabi ng isang anti-aircraft weapon. Nang kumalat sa Amerika ang larawan, matindi ang reaksiyon ng mga sundalong Amerikano at maka-Kanan: traydor umano ni Fonda sa pagpapakuha ng larawan sa anti-aircraft weapon na nagpapabagsak sa mga eroplano ng Amerika at pumapatay sa mga kapwa niyang Amerikano.

Mula nang makauwi siya sa Amerika hanggang ngayon, paulit-ulit ang paghingi ni Fonda ng dispensa sa naturang larawan. Amerika umano ang nagkanlong sa kanya, nagbigay ng yaman at katanyagan, at hindi niya maiisip na saktan ang mga kapwa-Amerikano, kahit mga sundalo nito. Pero hindi siya humihingi ng dispensa sa pagpunta sa North Vietnam, o lalo na sa paglaban niya sa Vietnam War.

Sa hanay ng mga progresibo at Kaliwa, binatikos din si Fonda. Ang larawan sa itaas, naging sabdyek ng isang 50-minutong dokumentaryo ng Dziga Vertov Group, isang film collective na kinakatawan noon ng tanyag na French filmmaker na si Jean-Luc Godard, kasama si Jean-Pierre Gorin. Sa dokumentaryo, sinabi ng dalawa na tila kulang ang pagiging rebolusyonaryo ni Fonda. Mistulang punto nila, hindi pa lubusang nakiisa si Fonda sa rebolusyong nagaganap noon sa Vietnam. Nagsalita pa rin siya bilang isang Amerikano, hindi bilang isang progresibo o rebolusyonaryo na hangad ang paglaya ng sambayanan mula sa pagsasamantala ng iilan.

May punto naman ang dalawang Pranses. Pero maaari ring gamitin ang argumentong ito laban sa kanila: Nakilahok ba sila sa armadong paglaban ng mga Biyetnames laban sa mananakop na mga Amerikano? Masasabing mas radikal at progresibo ang naging tindig ng mga tulad nila noon, pero may limitasyon din ang paglahok nila, ang solidarity sa rebolusyon, ang pagtulak ng radikal na pagbabago sa pamamagitan (lamang) ng pelikula.

Kinilatis ng Dziga Vertov Group ang larawan sa itaas ni Fonda, pero ang mismong pagkilatis nila ay nagpapakita ng limitasyon ng kanilang paglahok. Nananatiling esoteriko (iilan lang ang makakaintindi) ang kanilang diskurso, at kahit ang porma ng kanilang pelikula, iilan lang ang matutuwa/makakasabay.

Dito, marahil, mapupulot ang leksiyon sa pakikipagkaisa: Malinaw na may hangganan ang pakikipagsimpatya, kahit ang pakikisalamuha sa mga inaapi sa maikling panahon. Pag-uwi ng mga tulad ni Fonda (o ng mga tanyag na tao, katulad ng artista, na pana-panahong nakikiisa sa mga pakikibakang masa) sa kanyang tahanan, madali niyang makakalimutan ang nasaksihan. Tulad ni Patty Hearst na natangay ng ultra-Kaliwa at -radikal na kidnapper niya, madaling bumalik sa kumportableng buhay ang mga tulad ni Fonda. Ang tungkulin ng mga progresibo (na nakakausap at nakakadikit sa mga tulad ni Fonda) na patuloy na magpaliwanag, mangumbida, itulak siyang palalimin ang kaalaman sa reyalidad ng pagsasamantala sa lipunan. At kung magpapatuloy at magpapalalim ng pakikisangkot, tungkulin din ng mga progresibo na papurihan si Fonda.

Sa larawan sa itaas, makikita ang posibilidad ng pakikiisa at pakikipagkapwa. Pupuwede naman palang makipagkaisa ng isang bahagi ng elite, ng isang artistang Hollywood, sa pinakamahirap, inaapi at pinagsasamantalahan sa mundo. Gayunman, makikita sa larawan ang pagkakaiba nila: magulo man ang buhok ni Jane Fonda, artista pa rin siya, maputi ang kutis, malinaw na nagmula sa elite.

Mag-iiba ang kaso kung tumagal siya sa Vietnam. Iitim ang balat niya, matututong magsalita ng Biyetnames. At mabubuo ang transpormasyon mula sa glamorosang artista tungo sa pagiging rebolusyonaryo.

 

Panoorin ang “Letter to Jane” ng Dziga Vertov Group:

Bidyo sa YouTube ng isang panayam kay Jane Fonda noong 1972 hinggil sa Vietnam War at paglaban ng mga mamamayang Amerikano rito:

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2013/09/pakikiisa-sa-pag-aalsa/feed/ 0
Tanaw sa malayo ni Che http://pinoyweekly.org/new/2012/06/tanaw-sa-malayo-ni-che/ http://pinoyweekly.org/new/2012/06/tanaw-sa-malayo-ni-che/#comments Thu, 14 Jun 2012 17:45:08 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=20155 Orihinal na frame ng kuha ni Alberto Korda kay Comandante Ernesto "Che" Guevara, sa Havana, Cuba noong Marso 5, 1960. Ito ang naging batayan ng cropped na image ng poster ni Feltrinelli noong 1967, pinamagatang "Guerrillero Heroico", na kumalat sa buong mundo.

Orihinal na frame ng kuha ni Alberto Korda kay Comandante Ernesto "Che" Guevara, sa Havana, Cuba noong Marso 5, 1960. Ito ang naging batayan ng cropped na image ng poster ni Feltrinelli noong 1967, pinamagatang "Guerrillero Heroico", na kumalat sa buong mundo.

Ito na raw ang pinakagamit na imahe sa kasaysayan ng photography: ang portrait ni Ernesto “Che” Guevara, nakasuot ng beret na may Komunistang bituin, nababalot ng determinasyon, tumatanaw sa malayo.

Ang bersiyon nitong cut-out, kulay pula, itim at puti, ang imaheng makikita sa milyun-milyong t-shirt sa buong mundo, naging insignia, nakikita bilang graffiti sa pader sa iba’t ibang lungsod, naging bandila sa mga demonstrasyon. Higit pa sa anumang likhang sining tulad ng Mona Lisa at nasa likod lang marahil ng imahe ni Kristo sa krus, ang imahe ni Che ang isa sa pinakapamilyar na imahe ngayon, kahit na sa panahon ng new media at internet.

Alam na ng marami, o kaya’y madaling makuha sa internet, ang detalye ng larawan: kuha ng fashion photographer na si Alberto Korda noong Marso 5, 1960, sa isang luksang-parangal sa Colon Cemetery sa Cuba para sa 80 kataong biktima ng pagsabog ng barkong Le Coubre, na pinaghihinalaang bahagi ng pananabotahe ng Central Intelligence Agency (CIA) ng US sa bagong tatag na rebolusyonaryong gobyerno sa Cuba. (CIA din ang itinuturong nagsanay sa mga military unit ng Bolivia na tumugis kay Che at sa tropa niya sa naturang bansa.)

Naipalaganap ang larawan ni Korda matapos gawing poster ni Feltrinelli, isang maka-Kaliwang Italyano, noong 1967, at kumalat nang mag-alsa ang mga estudyante at iba pang sektor sa France noong 1968. Kalauna’y ginawang cut-out, para mas madaling i-mass produce. At lalong kumalat sa buong mundo.

Sa Pilipinas, kalat din ang imahe ni Che. Noong panahon ng First Quarter Storm ng 1970, panahon ng pagsabog ng hangarin para sa radikal na pagbabago ng kabataan at iba pang sektor ng lipunang Pilipino, kumalat din ang imahe ni Che. Isang kabataang aktibista, si Romulo Jallores, ang nabansagang “Che” ng mga kapwa aktibista noong FQS nang lumabas sa pahayagan ang isang larawan niya sa ibabaw ng trak ng bombero na kinomand ng mga aktibista para lusubin ang Malakanyang. Mahaba ang buhok, balbasarado, rebolusyonaryo – kamukha raw ni Che Guevara.

Noong Disyembre 1971, bago pa man sinukluban ni Marcos ang bansa ng batas militar, namatay si Romulo Jallores, bilang martir at gerilyero ng noo’y bagong tatag na New People’s Army. Tulad ng Argentinian na Che ng rebolusyong Cubano, ikinatawan ni Jallores ang armadong paglaban para sa radikal na pagbabago. Ngayon, ipinangalan sa kanya ang isang nangungunang kumand ng National Democratic Front sa Bicol.

At si Che ng Cuba/Argentina, lalong nagkalat na. Mga pelikulang Hollywood (ni Walter Salles, ang The Motorcycle Diaries noong 2004, at Che: Part One at Two ni Steven Soderbergh noong 2008) ang nakatulong para lalong paigtingin ang interes ng publiko sa pinaslang na gerilyero.

Kung papaano kumalat sa kabataan ng Amerika at Europa ang imahe ni Che, ganun din marahil dito sa Pilipinas. Ginamit na rin ng maraming kapitalista – ang uring nais pabagsakin ni Che nang nabubuhay pa siya – ang imahe para magbenta ng kung anu-anong produkto, mula sa alak at sigarilyo hanggang sa underwear at condom. Pero ayon sa maraming tagasuri, kabilang si Trisha Ziff (Che Guevara: Revolutionary & Icon; 2006), kahit maliit na porsiyento lamang ng mga sumusuot ng damit na may imahe ni Che ang nagkakaroon ng interes sa buhay at ipinaglaban niya, tagumpay na ito sa alaala ni Che. May dahilan kung bakit makapangyarihan pa rin ang imaheng ito: Dahil may dahilan pa rin ang pag-aalsa, ang pagrerebolusyon.

Dito sa Pilpinas, lalong may kahulugan ang imahe. Tulad ng nakita ng mga aktibista sa imahe ni Jallores sa dyaryo, madaling makita ang relevance ni Che sa Pilipinas na dumaraan din sa isang rebolusyonaryong pagbabago. Aminin man o hindi, may giyerang sibil na nagaganap sa bansa. Aminin man o hindi, may lumalaking bahagi ng lipunang Pilipino na pumipili sa armadong opsiyon para mabago ang ramdam-naman-ng-lahat na kabulukan ng sistemang umiiral sa bansa.

Maaaring magtalo sa pagkakaiba ng taktika ng mga Maoista tulad ng NPA at ng taktika nina Che sa Cuba, at sa sumunod niyang nilahukang mga rebelyon sa Congo at Bolivia. Di sa pagsusulong ng repormang agraryo, pagtatag ng kilusang masa, at pamumuno ng isang vanguard party ng uring proletaryado, ang taktika ni Che. Umasa siyang sa pagtatag ng isang pulutong (o foco) ng mga “guerrillero heroico” mapasisimulan ang isang rebolusyonaryong sitwasyon. Nakita sa mga karanasan ni Che ang kahinaan ng teoryang ito. Gayunman, kung may napagtagumpayan siya, ito’y ang pagpapalaganap ng kaisipang makatarungan ang mag-alsa.

May katotohanan sa Pilipinas ang sinabi ni Tiff hinggil sa kapangyarihan ng imahe ni Che. Kahit na iyung mga walang alam kay Che, sa rebolusyong Cubano at sa marahas niyang mga taktika para sa pagbabago, may halos subliminal na tulak ang imahe ng isang rebeldeng nababalutan ng pulang kulay, suot ang beret na may Komunistang bituin, nakatanaw sa malayo, sa hinaharap, sa inaasahang pagbabago.

Che sa kulay pink: T-shirt na binebenta sa isang department store sa Makati City, Pilipinas, noong 2006. Mula sa interesanteng lumang blog ng graphic artist na si R. Jordan P. Santos na pinamagatang "Where is Che?" (http://whereische.blogspot.com/)

Che sa kulay pink: T-shirt na binebenta sa isang department store sa Makati City, Pilipinas, noong 2006. Mula sa interesanteng lumang blog ng graphic artist na si R. Jordan P. Santos na pinamagatang "Where is Che?" (http://whereische.blogspot.com/)

Kahapon, Hunyo 14, ang ika-84 taon ng kapanganakan ni Ernesto “Che” Guevara.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2012/06/tanaw-sa-malayo-ni-che/feed/ 0
Kung bakit di niya pinulot ang bata http://pinoyweekly.org/new/2011/11/kung-bakit-di-niya-pinulot-ang-bata/ http://pinoyweekly.org/new/2011/11/kung-bakit-di-niya-pinulot-ang-bata/#comments Mon, 21 Nov 2011 08:48:25 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=16620 Buto't balat na batang Sudanese, gumagapang patungo sa isang UN feeding station. Sa likod niya, isang buwitre. Kuha ni Kevin Carter sa Sudan noong Marso 1993. Inilathala sa New York Times.

Buto't balat na batang Sudanese, gumagapang patungo sa isang UN feeding station. Sa likod niya, isang buwitre. Kuha ni Kevin Carter sa Sudan noong Marso 1993. Inilathala sa New York Times.

Una sa lahat, maaaring hindi tayo magugulat sa larawang ito: batang Sudanese na gumagapang sa lupa patungo sa isang feeding station ng UN noong Marso 1993. Sa likod niya, isang buwitre, naghahandang sagpangin ang bata. Pamilyar na kasi tayo sa larawang ito. Baka hindi ang eksaktong larawang ito, pero katulad nito: Larawan ng gutom at desperasyon sa Aprika.

Iyan ang nagagawa ng pagpapalaganap ng larawang tulad nito. Gayunman, noong 1993, ikinagulat ng mundo ang larawang ito na lumabas sa New York Times.

Noong Marso 1993, tumungo sa Sudan ang South African na litratista na si Kevin Carter. Miyembro siya ng grupo ng magkakaibigang mga litratista na nabansagang “Bang Bang Club” dahil sa dalas (o hilig?) nilang pumunta sa frontlines ng giyerang sibil sa South Africa para kumuha ng mga litratong magpapakita ng nagaganap dito.

Sa assignment ni Carter sa Sudan, nakapunta siya sa isang feeding center ng United Nations. Laganap ang kagutuman sa Sudan at may giyerang sibil din dito. Ayon sa kapwa litratista at miyembro ng Bang Bang Club na si Joao Silva, sumabay sila sa isang eroplano ng UN at binigyan ng 30 minuto para maglitrato sa isang feeding center. Naghanap si Silva ng mga larawan ng mga gerilya, habang nanatili si Carter sa erya ng feeding center.  Malapit dito, nakita niya ang bata at ang buwitre.

Nagwagi ng Pulitzer Prize si Carter at naging tanyag sa mundo. Ngunit panahong ito, ayon sa pelikulang The Bang Bang Club (2010), lulong na sa droga ang litratista. Lalong nalubog sa depresyon si Carter nang mamatay ang kaibigang litratista na si Ken Oosterbroek sa South Africa. Samantala, naging kontrobersiyal ang litrato; marami ang kumwestiyon sa hindi pagtulong ni Carter sa bata. Noong Hulyo 1994, mahigit isang taon matapos magwagi sa Pulitzer, nagpakamatay si Carter.

Palaging halimbawa ang larawang ito at ang nangyari kay Carter sa journalism schools: Ano nga ba ang tungkulin ng isang mamamahayag, bukod sa pagdodokumento ng katotohanan? Tungkulin ba ni Carter na tulungan ang bata, kahit makarating lang sa feeding center? O hindi siya dapat makialam dito, dahil sa pamamagitan naman ng larawan o ulat niya, indirekta niyang matutulungan, hindi lamang ang partikular na batang ito, kundi ang mga nagugutom na bata ng Sudan?

Naalala kong minsan nang sinabi ni Luis Teodoro, propesor sa pamamahayag sa UP Diliman at beteranong mamamahayag at kolumnista, na sa mga pagkakataong iyun, hindi na tungkulin ng mamamahayag ang dapat sundin. Tungkulin na natin bilang tao ang dapat manaig. Nakita ito noong panahon ng masaker sa Mendiola (1987), nang tulungan ng mga litratista ang sugatang mga magsasaka patungo sa ospital. Kahit noong panahon ng masaker sa Hacienda Luisita (2004), mga mamamahayag ang unang tumulong para dalhin sa ospital ang mga biktima. Kahanga-hanga ang mga mamamahayag na ito. Pero higit na ito sa tungkulin nila bilang mamamahayag. Katunayan, baka nga di pa nila magawa ang trabaho nila dahil umalis sila sa eksena at nagdala ng biktima sa ospital. Pero iisipin pa ba nila ito, gayong usapin na ng buhay-at-kamatayan ang pagdala o hindi ng mga biktima sa ospital?

Ngunit may mga pagkakataong hindi naman lantarang usapin ng buhay-at-kamatayan ang nakataya. Nahaharap ang mamamahayag sa pagpanig sa tama, pero tungkulin daw ng kanyang propesyon ang pumagitna.

Napamalas ito sa nabalitang pagprotesta ng isang mamamahayag pangkampus, si Marjohara Tucay ng Philippine Collegian ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) – Diliman, sa isang porum kung saan nagsalita ang bumibisita sa bansa na si Hillary Clinton, US Secretary of State, at pinakamakapangyarihang kinatawan ng gobyernong US, sa ibayong dagat, labas sa presidente nito.

Ipinrotesta ni Tucay ang Mutual Defense Treaty, ang tratadong ipinagdiwang ni Clinton at ng administrasyong Aquino noong ika-60 anibersaryo nito. Hindi raw pantay ang kasunduan, at matagal nang nagiging tuntungan ito para sa interbensiyong militar ng US sa bansa. Notoryus ang US Armed Forces sa interbensiyong militar nito sa maraming bansa sa daigdig, mula sa Pilipinas, hanggang Gitnang Silangan, hanggang Timog Amerika, hanggang Asya. Bukod pa ito sa napakasamang rekord nito ng malawakang paglabag sa karapatang pantao sa mga lugar na pinagpupugaran nito, kabilang ang Pilipinas.

Malaki ang isyu ng presensiyang militar ng US sa bansa, at isang isyu na malamang na umani ng malawakang pagkondena at protesta. Pero matindi ang reaksiyon ng maraming mamamahayag: Labag daw sa etika at code of conduct ng mamamahayag ang ginawa ni Tucay. Sinalang pa ang batang mamamahayag sa isang panayam, ni Howie Severino, ang mismong host ng porum kay Clinton. Idiniin ni Severino ang paglabag ni Tucay sa etika ng “old-fashioned journalism.” Sabi ni Severino, kung magkokober ka, magtanong ka. Pero hindi ka maaaring magprotesta. O kaya, huwag mong tawaging mamamahayag ka.

Pero hindi naman talaga mamamahayag si Tucay nang magprotesta siya. Hindi man lantarang usapin ng buhay-at-kamatayan ang pagprotesta kay Clinton (bagamat maaaring sabihing ganito ang usapin sa MDT!), katulad din ito ng pagpulot sana ni Carter sa batang Sudanese para dalhin sa feeding center. Ang mensahe ng dalawang kuwentong ito ay hindi lamang dapat magkasya tayo sa pagiging mamamahayag, dapat maging tao tayo. Sa trabaho natin bilang mga mamamahayag, nakakasagap tayo ng impormasyon at pagsusuri na hindi nasasagap ng mayorya ng ordinaryong mamamayan. Higit sa sinuman, mga mamamahayag ang may tungkuling lumahok dahil dito.

Pero tuwing midya ang mismong inaatake at inaapi, lantaran ang pagprotesta at paninindigan nito. Higit pa sa pagiging mamamahayag na tagadokumento ng mga kaganapan, nakikilahok ang mga mamamahayag sa protesta. Naaalala ko ang isang pagkakataon noong Disyembre 2009, nang sadyang tamaan ng isang litratista ng lente ng kamera niya si Andal Ampatuan Jr., pangunahing suspek sa masaker sa Ampatuan. Sugatan sa kilay si Ampatuan. Siyempre, lampas na lampas na ito sa anumang etika o code of conduct ng isang mamamahayag. Pero walang pagkondena na naganap, tulad ng pagkondena ng mga tulad ni Severino sa ginawa ni Tucay. Ipinakikita lamang nito na handa ang mga mamamahayag na lumampas sa nakagawiang code of conduct (hindi ito pirmadong kasunduan ha, isa lamang di-nasusulat na koda) kung sariling existence na nito ang nababantaan.

Ito ang trahedya ng pamamahayag na isinasapraktika ngayon (sa mainstream media). Hangga’t hindi nito nakikita na banta sa sarili ang isyu, hindi ito lalahok. Ano naman ang kinalaman ni Carter sa bata? Bilang mahusay na photojournalist, unang instinct niya na huwag pulutin ang bata. Katunayan, nasa sariling interes niya ang iwan ang bata, dahil sinasabing laganap daw ang iba’t ibang sakit noong panahong iyon sa Sudan. Naisip niyang kumuha na lamang ng magandang larawan, at sa pamamagitan nito’y makakatulong pa siya.

O makakatulong nga ba? Ngayon, kahit papaano’y mas dumami ang nakakaalam sa Mutual Defense Treaty at sa pagtutol hinggil dito. Isa lamang ang protesta ni Tucay sa mga protestang mag-aambag sa pagpapalaganap ng kaalaman hinggil dito.

Samantala, sa kabila ng paglipana ng napakaraming larawan ng kagutuman at desperasyon, lalong dumarami lamang ang paghihirap  at kagutuman sa mundo.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2011/11/kung-bakit-di-niya-pinulot-ang-bata/feed/ 5
Ang tunay na laban sa boksing http://pinoyweekly.org/new/2011/11/ang-tunay-na-laban-sa-boksing/ http://pinoyweekly.org/new/2011/11/ang-tunay-na-laban-sa-boksing/#comments Sun, 13 Nov 2011 12:37:01 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=16392
    "Thrilla in Manila" na labanang Muhammad Ali at Joe Frazier sa Araneta Coliseum noong Oktubre 1, 1975. Bilang promosyon sa batas militar nito, agresibong inalok ni Pang. Ferdinand Marcos ang Manila bilang benyu ng laban.

"Thrilla in Manila" na labanang Muhammad Ali at Joe Frazier sa Araneta Coliseum noong Oktubre 1, 1975. Para sa promosyon ng batas militar ng kanyang rehimen, agresibong inalok ni Pang. Ferdinand Marcos ang Manila bilang benyu ng laban.

Palaging naihahalintulad ang propesyunal na laro ng boksing sa labanan ng mga gladiator noong panahon ng imperyo ng Roma. Sa labanan ng mga gladiator, gustong ipamalas ng imperyo kung paano dapat lumaban, at mamatay, nang may “dangal.” Nagsisilbing ehemplo ang mga gladiator para sa mga sundalo at mamamayan ng Roma kung papaano maglingkod sa imperyo at lumaban.

Siyempre, entertainment din ang gladiator fights, tulad ng boksing ngayon. Buhay ang isinusugal sa boksing at gladiator fights, bagamat hindi tumatabo ng yaman ang gladiator, tulad ng nababalitang pagtabo ng US$23-Milyon ng Pilipinong boksingerong si Manny Pacquiao nitong nakaraan niyang laban.

Alipin ang mga gladiator: Naglalaban-laban para sa kanilang buhay. Ang boksing, sinasabing laro ng mahirap: Wala marahil na miyembro ng naghaharing-uri sa lipunan ang gugustuhing magpabugbog para kumita lang. Hindi nila kailangan.

* * *

HINDI nakapagtataka, kung gayon, na sikat ang boksing sa Pilipinas at magaling ang mga Pinoy dito. Bawat magaling na boksingero, nagmana ng angking pisikal na lakas, instinct sa pakikipaglaban, at kapasidad na indahin ang sakit, mula sa kung ilang henerasyon ng mga ninunong nahasa sa manwal na paggawa (manual labor).

Hindi rin nakapagtataka ang pisikal na lakas ng mga Aprikano-Amerikano. Sa propesyunal na mga boksingero, itinuturing na dalawa sa pinakamahusay sa kasaysayan sina Muhammad Ali at Joe Frazier.

Hindi ikoniko ang larawan sa itaas ng labanang Ali at Frazier noong Oktubre 1, 1975 sa Araneta Coliseum, Quezon City. Gayunman, inilalarawan nito ang katangian ng rivalry ng dalawang boksingerong heavyweight: Patas, walang nakayuko, parehong iniinda ang sakit na dulot ng isa’t isa. Ipinapakita nito ang tunay na katangian ng boksing: Parehong panalo, pero parehong talo ang dalawang naglalabang boksingero. Panalo sila dahil milyun ang kinikita nila, tanyag sila sa mundo. Pero talo sila dahil bukod sa sakit na idinudulot sa isa’t isa, hindi nila dapat kinakailangang magpalitan ng suntok. Dahil dapat magkaanib sila.

Kadalasan, sa mga pahayagan, ang ginagamit na larawan para ibalita ang tagumpay ng boksingero ay iyung larawan ng boksingerong nagwagi na nagpapakawala ng suntok sa natalong kalaban. Mapapansin ito sa paglabas ng mga diyaryo sa pagwagi, sa majority decision, ni Pacquiao kay Juan Manuel Marquez. Kahit sa online news sites, madalas na ginagamit iyung mga larawan na nakapagpakawala si Pacquiao ng suntok sa mukha ni Marquez. Kahit pa pansin ng marami na tila mas malalakas ang napakawalang suntok ni Marquez. Ayon sa mga hurado, si Pacquiao ang panalo, kaya siya ang ipapakitang wagi sa mga larawan ng mga pahayagan.

Pero sabi nga ng nakipanayam kay Pacquiao matapos ang laban, tila si Marquez na ang pinakamahirap na nakalaban ni Pacquiao. O, kung iuugnay sa larawan sa itaas, si Marquez na ang Frazier ni Pacquiao na siyang Ali. Sa nakaraang tatlong laban, halos patas at palaging kontrobersiyal, ang laban ng dalawa. Walang malinaw na panalo. Sa labanan nina Frazier at Ali, ganoon din: Umabot hanggang 14-15 rounds ang laban. Halos ikamatay ng dalawa ang laban, laluna noong 1971 sa Madison Square Garden (tinaguriang “Fight of the Century” noong nakaraang siglo) at sa Araneta Coliseum (tinaguriang “Thrilla in Manila”.) Ang mga labanang iyun ang tila nag-angat sa boksing sa istatus ng inaabang-abangang entertainment, isang kaganapan na inabangan ng mundo, at pinagkakitaan nang husto ng mga promoter, prodyuser, may-ari ng telebisyon, radyo, at iba pang midya.

* * *

TAMANG sabihing sina Ali at Frazier, at Pacquiao at Marquez, ang prized gladiators ng kapitalistang mundo ngayon. Hindi natin inaalis sa kanila ang kadakilaan at galing nila tuwing sinasabi nating kasangkapan lamang sila para aliwin at linlangin tayong madla. Pumili tayo ng papanigan: kay Ali ba o Frazier, at Pacquiao o Marquez? Itaya natin ang kakarampot na suweldo natin sa isa sa kanila. At manuod sa laban, pasibong panoorin ang bangayan ng dalawang mahusay na boksingerong nagsanay sa pananakit sa kanilang kalaban.

Minsan, dahil sa kanilang katanyagan bilang gladiator, sumasagi sa isip ng mga alipin ng imperyong Romano na gamitin nila ang katanyagang ito para sa ibang larangan. Pumasok kaya sila sa pulitika? O magbigay ng opinyon hinggil sa mga mga reyalidad ng mundo? Tiyak na hindi ito gusto ng mga emperador. Pipilitin nilang manatili ang gladiator sa loob ng colosseum. Ipagdiriwang siya bilang gladiator at wala nang iba.

Noong 1966, kakaunti ang pumalakpak kay Ali nang magsalita siya kontra sa Vietnam War at tumangging pumasok sa US Armed Forces para sa giyera. “I ain’t got no quarrel with them Viet Cong” at “No Vietnamese ever called me Nigger” ang pamosong binitawang mga salita ni Ali. Pinarusahan siya dahil dito. Hinubaran ng heavyweight boxing champion belt at pinigilang magboksing sa loob ng pitong taon. Iyan ang parusa sa aliping gladiator na nag-aastang may alam siya.

Samantala, hindi sineseryoso ng panggitna at naghaharing uri sa Pilipinas ang pakikialam ni Pacquiao sa pulitika ng bansa. Lalupa’t boses paslit si Pacquiao. Tampulan ng biro at aliw ang bawat binibitawang salita niya sa labas ng boksing. Sa ngayon, hanggang biro na lang muna ang banat sa pakikialam na ito ni Pacquiao sa pulitika. Bahagyang kinabahan ang mga malalaking negosyante’t elite sa Pilipinas nang magsalita ang boksingero para sa “P125 makabuluhang dagdag-sahod” ng mga manggagawa. Pero minsan lang ito at hindi na naulit, sa ngayon.

Larawan mula rito.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2011/11/ang-tunay-na-laban-sa-boksing/feed/ 0
Giyera, mula sa kalangitan http://pinoyweekly.org/new/2011/10/giyera-mula-sa-kalangitan/ http://pinoyweekly.org/new/2011/10/giyera-mula-sa-kalangitan/#comments Thu, 27 Oct 2011 05:30:30 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=16072 Larawan ni Nick Ut ng Associated Press, sa Trang Bang, Vietnam noong Hunyo 8, 1972, matapos bombahin ng mga eroplano ng US ang naturang bayan.

Larawan ni Nick Ut ng Associated Press, sa Trang Bang, Vietnam noong Hunyo 8, 1972, matapos bombahin ng mga eroplano ng US ang naturang bayan.

Sa kalangitan, kakaiba ang karanasang makita ang mushroom cloud na nalilikha ng  pagbagsak at pagsabog ng bomba na nilaglag mula sa eroplano. Di tulad ng mga sundalo sa ibaba, na harap-harapan ang pakikidigma at pagpatay sa kaaway, malayo sa aktuwal na karahasan ang mga piloto ng mga eroplanong pangmilitar. Halos abstrakto ang kalaban. Para magawa ang trabaho, kailangang buung-buo ang tiwala sa mga opisyal.  Umaasa silang tama ang desisyon ng mga ito: na makatarungan ang pagbomba, na walang inosenteng apektado, na naparusahan ang dapat maparusahan.

Noong panahon ng pananakop ng US sa Vietnam, gumamit ang US ng napalm bombs kontra sa North Vietnam at sa Viet Cong na lumalaban sa US at sa alyado nitong puwersa ng South Vietnam. Napalm ang gelling agent na inihahalo sa gasolina at ginagamit sa flamethrower at sa bomba; ang mga taong tinatamaan ng napalm ay nakakaranas ng matinding pagkasunog sa balat, paghirap na huminga at pagkamatay. Sinasabi ng maraming testigo ng napalm attacks na walang kasingsakit ang matamaan ng napalm dahil ramdam mo ang matinding init na susunog sa balat mo na parang balat ng litson, habang nananatili kang buhay. Hanggang mamatay ka.

Napalm ang bombang ginamit ng US sa bayan ng Trang Bang sa Vietnam noong Hunyo 8, 1972. Ayon sa US, pugad daw ng Viet Cong ang Trang Bang kaya kailangang purgahin sa pamamagitan ng aerial bombardment. Pakikidigmang gerilya ang taktika ng paglaban ng Viet Cong laban sa mga mananakop: lubog sila sa ordinaryong mga magsasaka at mamamayan ng Vietnam, nakikipamuhay, nakikiisa. Lumalaban sa panahong tiyak ang kanilang pagwagi, at madaling umaatras sa hanay ng mga mamamayan kapag di-tiyak ang pagwagi at kailangang umiwas sa kalaban. Hindi kataka-takang pinaghinalaang pugad ng mga gerilya ang isang bayan tulad ng Trang Bang. Wala nang pagtatangi ang mga opisyal pangmilitar ng US sa sibilyan at gerilya.

Tumatakbo papalayo sa bayan ang mga bata. Ang isa, umiiyak, hubad. Nasunog na marahil ang mga damit niya. O hinubad niya, sa tindi ng pagkasunog ng kanyang balat. Kabilang sila sa maraming sibilyang nabiktima ng napalm.

Isa ang larawang ito ni Nick Ut ng Associated Press sa ilang reportage ng Vietnam War na lalong nagsiwalat sa publiko ng Amerika sa tunay na lagay ng digmaan sa naturang bansa. Kasama ito ng mga ulat ni Morley Shafer, hinggil sa hamletting at panununog ng mga bahay ng mga sibilyan, gayundin ng mga ulat ni Seymour Hersh, na nagsiwalat sa masaker ng mga sundalo ng US sa My Lai, at sa maraming iba pa. Unti-unti, ang giyerang dating popular sa mga mamamayan ng US dahil sa hangaran daw nitong labanan ang komunismo sa Timog Silangang Asya ay kinasuklaman. Umusbong ang malalaking mga martsa-protesta kontra sa giyera. Pagsapit ng taong 1972, mayorya na ng mga Amerikano ang tutol sa Vietnam War.

Tungkulin ng mga mamamahayag na ilapit ang kanilang lente, ang kanilang rekorder, ang kanilang mga mata, sa epekto ng giyera ng pananakop. Sa pagpapakita ng pagkakabiktima ng mga sibilyan sa giyera, hindi nagiging niyutral ang imahen: Nagiging kontra-giyera ito. (Pag-ibahin natin, siyempre, ang isang giyerang dumedepensa sa sibilyan at bansa, tulad ng naganap noong World War II. May tinatawag din namang “just wars.“)

Nagiging kontra-giyera ang imahen — at ang kamera, rekorder at ang mamamahayag mismo — kung ipinapakita ang pambibiktima ng makapangyarihang puwersang militar sa walang kalaban-labang mga sibilyan.

Sa pinakahuling kabanata ng sigalot sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at mga tropa ng gobyerno, tila laganap sa mainstream media (mga commentator at maraming mamamahayag) ang positibong pagtingin sa mga pag-atake ng AFP sa mga puwersa ng MILF at mga komunidad ng mga sibilyan sa Basilan. “Lawless elements” ang tawag sa mga nakikidigmang tropa ng MILF. At kahit na di tinatawag na “all-out war” (“all-out justice” daw ito) tulad ng gusto ng isang dating pangulo, bumuhos ng malakas na puwersang militar ang gobyerno para tugisin ang MILF.

Kasama na siyempre rito ang pambobomba mula sa mga eroplano. Napatunayan na ng reportage, ni Nick Ut sa Vietnam, at sa nakaraang mga digmaan: Sibilyan at sibilyan din ang tinatamaan sa mga pambobombang ito.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2011/10/giyera-mula-sa-kalangitan/feed/ 1
Pandarambong sa Serra Pelada http://pinoyweekly.org/new/2011/10/pandarambong-sa-serra-pelada/ http://pinoyweekly.org/new/2011/10/pandarambong-sa-serra-pelada/#comments Fri, 14 Oct 2011 21:13:38 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=15860 Mga minero ng Serra Pelada, Brazil, 1985. Kuha ni Sebastiao Salgado.

Mga minero ng Serra Pelada, Brazil, 1986. Kuha ni Sebastiao Salgado.

Palaging nasa caption ng mga larawan ni Sebastiao Salgado ang lugar at taon kung kailan kinuha ang larawan. Mahalaga ang impormasyong ito. Kasi kung wala ito, isang magandang litrato lang ang makikita. Magandang komposisyon, magandang ilaw, magandang timing, magandang porma. Pero ano ang pagkakaiba nito sa isang fashion shoot ng isang nangangayayat na modelo na suot ang mga haute couture na damit habang nasa gitna ng disyerto o gubat?

Mahalaga ang konteksto kay Salgado. Ang larawan sa itaas, kuha niya sa isang minahan ng ginto sa Serra Pelada, Brazil, taong 1986. Serra Pelada ang lugar ng isa sa pinakamalaking gold rush, o unahan sa paghukay ng ginto, sa kasaysayan ng mundo. Nadiskubre ang ginto noong 1979 ng isang bata sa ilog, at kalauna’y dumagsa ang daanlibong “garimpeiros” (mga minero o gold diggers) mula sa iba’t ibang bahagi ng Brazil para maghukay sa lugar.

Mahirap ang mayorya ng mga mamamayan ng Brazil, at dumagsa ang gold diggers sa Serra Pelada sa pag-asa ng biglang yaman, biglang takas sa kahirapan. Marami sa kanila, kinomisyon lamang ng mayayamang negosyante na siyang nagbayad sa pagpunta nila sa Serra Pelada (malayo sa kabihasnan ang mining site). Hinayaan ng gobyerno ang pagmimina sa lugar hanggang bumigay ang isang bahagi ng open pit (malaking hukay) na miniminahan. Kalauna’y napuno ng tubig ang hukay, at ipinasara ng gobyerno ang minahan.

Sa larawan ni Salgado, parang kolonya ng langgam ang mga minero. Sa foreground, mahihinuha ang hirap ng ginagawa ng isang minero. Minsan nang sinabi ni Salgado na gusto niyang bigyang dignidad ang mga tao sa kanyang larawan, kaya inaabot siya ng buwan, minsan pa’y taon, sa isang lugar at sabdyek. Gusto raw niyang makuha ang pinakamagandang komposisyon at ilaw na magpapakita ng “marangal na imahen” sa taong kinukuhanan niya.  Pero hindi maaaring maihiwalay sa konteksto ng Serra Pelada ang magandang komposisyong ito: Ang nasasaksihan pa rin nati’y isang aktuwal na eksena ng paghihirap at pagsasamantala. Dahil sa magandang imahe, wala nang dahilan ang sinuman na hindi tingnan.

Pagkondena sa sitwasyon ng mga minero ang kadalasang nakukuhang reaksiyon sa pagtingin sa mga larawang ito ni Salgado. Dahil kinuhanan na parang isang ant colony ang Serra Pelada, walang indibidwalidad, walang sariling buhay ang mga minero. Tulad ng mga langgam na nag-iipon ng pagkain para sa kanilang reyna, nabubuhay ang mga minero para maghukay, para sa kanilang amo. Nawala na ang kanilang pandama, sa isa’t isa, at kahit sa kapaligiran: Ginagawa na lamang nila kung ano ang iniutos sa kanila.

Isang malaking hukay ang naiwan sa Serra Pelada. Pero dahil hindi pa ginamitan ng modernong teknolohiyang kadalasang ginagamit ng kasalukuyang malalaking kompanya ng mina, hindi naging permanente ang pagkasira sa kalikasan ng gold rush sa Serra Pelada noong dekada ’80. Matapos masara ang naturang open pit, isa sa pinakamalaking kompanya ng mina sa mundo, Vale S.A., ang nagawaran ng gobyerno ng karapatang magmina rito. Taong 2007, iginawad naman ng gobyerno ni Lula da Silva sa kompanyang Canadian na Colossus Minerals ang karapatang magmina sa lugar. Sabi ng mga ulat, ito ang pinakamalaking “mining coup” (kudeta sa industriya ng mina), dahil tinatayang hanggang 480 metro pa ang lalim ng gintong makukuha ng kompanya.

Taong 2012 magsisimulang magmina ang Colossus. Kapag nangyari iyun, malamang na wala nang litratista — kahit na isang batikang litratistang tulad ni Salgado — ang makakakuha ng litrato. Mistulang pag-aari ng malalaking kompanya ng mina ang lupaing pinagmiminahan nila; walang litratista o midya na makakapasok dito. Walang magaganap na dokumentasyon. Walang Salgado na lilikha ng magandang komposisyon ng malawakang pagkasira.

Hindi kaila sa atin sa Pilipinas ang eksenang ito. Magmula nang maipasa ang Mining Act of 1995, tuluyang ibinukas ang mga lupain ng bansa sa malalaking kompanya ng mina. Pambihira, kung mayroon man, ang nakakapagdokumento at kumukuha ng larawan ng malawakang pagkawasak, sa mga lugar tulad ng Rapu-rapu, Albay, Surigao del Sur at marami pang iba.

Buti na lamang, may mga lumalaban. Ang paglabang ito, marahil, ang pupuwede nang kuhanan ng mga litratistang tulad ni Salgado. Marahas ang paglabang ito, pero sa pamamagitan ng komposisyon at ilaw, timing at porma, mawawalan ng dahilan ang publiko na hindi tumingin.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2011/10/pandarambong-sa-serra-pelada/feed/ 0
Invader Zim Occupies Wall Street http://pinoyweekly.org/new/2011/10/invader-zim-occupies-wall-street/ http://pinoyweekly.org/new/2011/10/invader-zim-occupies-wall-street/#comments Wed, 05 Oct 2011 05:56:58 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=15685 Larawan mula sa Facebook album ni Adrian Kinloch (http://www.facebook.com/photo.php?fbid=10150396313441499&set=a.10150396309596499.412791.600936498&type=1&ref=nf)

Larawan mula sa Facebook album ni Adrian Kinloch (http://www.facebook.com/photo.php?fbid=10150396313441499&set=a.10150396309596499.412791.600936498&type=1&ref=nf)

Maraming imahen ng paglaban na nakuha na sa nagaganap pa ring mga protesta sa Wall Street, New York. Noong unang mga araw, umikot sa Facebook ang mga larawan ng protesta, at marami ang nagtaka kung bakit hindi lumabas sa mainstream media ang mga imaheng ito. Nitong huling mga araw (ika-18 araw na), tila nahimok din ang CNN, BBC, at iba pang midya na ikober ang makasaysayang serye ng mga protestang ito sa US.

Sa maraming imahen na nalilikha sa Occupy Wall Street, interesante ang nasa itaas. Unang una, dahil parang inosenteng tinedyer ang inaresto ng isang pulis ng New York matapos ang protesta sa Brooklyn Bridge: ang ngiti ng babae, ang kanyang pink na buhok, ang nakasabit na Canon DSLR na kamera sa leeg, ang sombrerong Invader Zim, isang cartoon character sa Nickelodeon hinggil sa isang alien na nagtatangkang sakupin ang Earth.

Interesante din ang larawan dahil sa pagkakatabi ng tinedyer na ito at ng isang pulis ng New York. Nakatingin sa kamera ang tinedyer, nakangiti. Siguro naman, alam niya kung bakit siya at ang iba pa ay nagpoprotesta sa New York. Samantala, ang pulis, nakayuko, tila ayaw tumingin sa kamera, na para bang ikinahihiya ang ginawa niya. Sa tradisyunal na lohika, ang pulis bilang tagapagpatupad ng batas ang siyang taas-noo, proud, matapang. Ang kanyang mga inaaresto ay mga kriminal na kinasusuklaman ng lipunan. Pero ang bata sa larawan, siya pa ang taas-noo, proud, matapang.

May isa pang kumalat na imahen sa Facebook kamakailan: pinagtabing dalawang screenshot ng website ng New York Times, ang pinakatanyag na dyaryo sa buong mundo. Sa imaheng ito, ipinakita kung papaano, sa loob ng 20 minuto, binago ng Times ang caption at istorya hinggil sa pag-aresto ng mga pulis sa mga demonstrador sa Brooklyn Bridge. Sa unang screenshot, parang niloko ng mga pulis ang mga demonstrador na dumaan sa naturang tulay, para lamang maaresto. Sa pangalawa, parang pinilit ng mga demonstrador na dumaan sa tulay kung kaya sila inaresto. Depensa ng Times, binago daw nila ang caption para isaalang-alang ang side ng pulis. Iyun daw kasi ang sinabi ng pulis: Nagpumilit ang mga demonstrador. Matitigas ang ulo nila. Lumabag sila sa batas.

Sa ganitong paraan madaling mamanipula sa midya ang imahen at istorya para ilarawan ang dominante at reaksiyunaryong ideolohiya. Siyempre, isasaalang-alang ng New York Times ang istorya ng pulis. Siyempre, nasa katwiran ang pulis. Pinatutupad lamang nila ang batas. Pinatutupad lamang nila ang tama.

O tama ba? Diretsong tumitingin ang bata sa atin, parang sinasabing, “Ganito talaga sila. Huwag tayong magtaka.” Mas maraming alam ang batang ito na nakasombrerong Invader Zim, kaysa sa New York Times.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2011/10/invader-zim-occupies-wall-street/feed/ 1
Komprontasyon, noon at ngayon http://pinoyweekly.org/new/2011/09/komprontasyon-noon-at-ngayon/ http://pinoyweekly.org/new/2011/09/komprontasyon-noon-at-ngayon/#comments Sun, 18 Sep 2011 17:53:07 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=15275 Bahagi ang larawan sa itaas sa mga ineksibit ng PinoyMedia Center Inc. at Pinoy Weekly sa Ishmael Bernal Gallery sa UP Diliman noong Marso 2011 para gunitain ang ika-30 anibersaryo ng Diliman Commune ng 1971. Bahagi ang eksibit at porum hinggil sa komuna ng seryeng “Documenting the Marginalized” ng PMC at Pinoy Weekly.

Bahagi ang larawan sa itaas sa mga ineksibit ng PinoyMedia Center Inc. at Pinoy Weekly sa Ishmael Bernal Gallery sa UP Diliman noong Marso 2011 para gunitain ang ika-30 anibersaryo ng Diliman Commune ng 1971. Bahagi ang eksibit at porum hinggil sa komuna ng seryeng “Documenting the Marginalized” ng PMC at Pinoy Weekly.

Larawan mula sa Philippine Collegian noong Pebrero 2, 1971: Mga alagad ng Metrocom (Metropolitan Command) binabantayan ang University Avenue ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City.

Kalulunsad pa lamang noon ng welgang transportasyon o transport strike kontra sa pagtaas ng presyo ng langis. Nagbarikada ang mga estudyante sa University Avenue. Isang sasakyan ang halos sumagasa sa barikada. Binato ng molotov cocktail (homemade na pasabog) ang sasakyan, ni Prop. Inocente Campos na isang guro sa matematika. Nag-apoy ang sasakyan. Lumabas si Campos at nagpaputok sa mga estudyante. Marami ang tinamaan, isa ang mamamatay matapos dalawang araw sa ospital.

Sa ganitong paraan nagsimula ang tinaguriang Diliman Commune of 1971: ang mahigit isang linggong okupasyon ng militanteng mga estudyante ng UP sa kampus ng pamantasan. Halos ispontanyong nagsimula, pero kalauna’y pinamunuan ng mga organisasyon ng mga kabataan tulad ng Kabataang Makabayan at Samahan ng Demokratikong Kabataan. Marahas na binuwag ang komuna, marami ang nasaktan at napaslang. Pero makasaysayan ang naganap: Isang malakas na statement ng militansiya, ng rebelyon, ng disgusto, sa bulok na sistemang pinaghaharian ng iilan, ng pasistang panunupil sa pampulitikang oposisyon.

Sa larawan sa itaas, lantad ang pasismong binibigwas ng estado sa sinumang “nanggugulo” sa sistema. Armado ang mga pulis pero kakaunti; di-armado ang mga estudyante (maliban sa ilang molotov) pero mas marami. Nakatayo at hiwa-hiwalay ang mga pulis; nagkakapit-bisig ang mga estudyante. Isang marahas na komprontasyon ang naganap sa sumunod na mga araw – isang komprontasyong nagpatuloy matapos mabuwag ang komuna: sa mga kalsada ng Kamaynilaan, sa Mendiola, sa EDSA, sa mga kabundukan at sakahan ng Pilipinas.

Ngayong Setyembre 19, 2011, o mahigit 30 taon na ang nakaraan matapos ang komuna sa Diliman, umiigting pa lamang ang komprontasyong ito. Isang welgang transportasyon ang magaganap, ipinanawagan ng militanteng mga tsuper, at lalahukan ng iba’t ibang organisasyon. Sa UP at iba pang pamantasang pampubliko, isang welga ang ikinakasa sa muling pagkaltas sa kanilang badyet. Muli, ginigipit ang mga mamamayan, sinasadlak sa karalitaan.

Hindi man dumulo sa mga komuna ang mga welgang bayan, maaasahan nating iigting lamang ang tunggalian.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2011/09/komprontasyon-noon-at-ngayon/feed/ 1
Armadong Allende http://pinoyweekly.org/new/2011/09/armadong-salvador-allende/ http://pinoyweekly.org/new/2011/09/armadong-salvador-allende/#comments Wed, 07 Sep 2011 18:42:05 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=15123 Ang sinasabing huling larawan ni Salvador Allende, sosyalistang presidente ng Chile, sa kasagsagan ng kudeta laban sa kanyang administrasyon ng mga puwersang maka-kanan sa naturang bansa, noong Setyembre 11, 1973. Anonimo ang kumuha. Nagwagi sa 1973 World Press Photo bilang Photo of the Year.

Ang sinasabing huling larawan ni Salvador Allende, sosyalistang presidente ng Chile, sa kasagsagan ng kudeta laban sa kanyang administrasyon ng mga puwersang maka-kanan sa naturang bansa, noong Setyembre 11, 1973. Anonimo ang kumuha. Nagwagi sa 1973 World Press Photo bilang Photo of the Year.

EDITOR’S NOTE: Sa bagong kolum na ito, tatalakayin ng iba’t ibang kolumnista ng Pinoy Weekly ang mga imahen sa iba’t ibang panig ng mundo: Ang konteksto ng larawan o imahen, ang historikal/kultural/politikal na halaga nito, at ang puwesto nito sa hangarin ng mga mamamayan ng mundo para sa progresibong pagbabago.

Bago naganap ang karumaldumal na krimen sa sangkatauhan noong Setyembre 11, 2001, naganap muna ito: Ang karumaldumal na krimen sa sambayanan ng bansang Chile, noong 1973.

Nasa itaas ang larawan, ni Presidente Salvador Allende ng Chile, noong Setyembre 11, 1973. Nagwagi bilang larawan ng taon sa World Press Photo, di-nagpakilala ang litratista nito — dahil daw sa usaping panseguridad (Marahas na sinupil ng pumalit na pinuno ng bansa, ang naging diktador na si Hen. Augusto Pinochet, ang mga imahen ng madugong kudeta laban sa administrasyon ni Allende.). Ito raw marahil ang huling larawan ni Allende bago siya pinaslang ng mga maka-Kanang sundalo ni Pinochet.

Sa larawang ito, armado si Allende. Pero naluklok siya sa poder sa “mapayapang” paraan: eleksiyon. Tangan ang sosyalistang plataporma — pagsasabansa sa batayang mga industriya ng Chile, pagpaprayoritisa sa batayang mga serbisyong panlipunan, pagtutol sa pampulitika at pang-ekonomiyang pangingialam ng mga imperyalistang bansa tulad ng US — popular si Allende sa masang Chilean. Pero kauupo pa lamang niya sa poder, ginamitan na siya ng dahas ng mga asendero’t elite ng Chile: Pananabotahe, maka-Kanang welga, tangkang kudeta. Hindi naganap iyung sinasabi ng mga pasipista na “mapayapang transisyon sa sosyalismo.” Ginamit ng naghaharing uri ang buong lakas at dahas nito para tutulan ang mga progresibong pagbabagong itinulak ni Allende.

Sa Pilipinas, malakas din ang boses ng mga pasipista, ng mga kontra sa anumang giyera (Kahit na sabihing sa pamamagitan ng giyera lamang napabagsak ang isang tulad ni Hitler noong World War II). Mapayapang rebolusyon ba kamo? Kapit-bisig, mare, pare at sundalo? Handog ng Pilipino sa mundo? Ngayon, nasaan ang makabuluhang pagbabago?

Noong Setyembre 11, 1973, humawak na ng armas si Allende. Defiant ang tindig. Handang lumaban — at mamatay — para ipreserba ang tunay na demokrasya sa kanyang bayan. Sayang, huli na nang matanto niyang sa armadong komprontasyon pa rin dudulo ang bangayan ng progresibo at reaksiyonaryo, ng pagbabago at status quo.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2011/09/armadong-salvador-allende/feed/ 0