Pinoy Weekly » Larga Vista http://pinoyweekly.org/new Philippine news, analysis, and investigative stories Sun, 20 Jul 2014 09:27:46 +0000 en-US hourly 1 http://wordpress.org/?v=3.9.1 Ang masalimuot kong paglaya at ang naiwan pang mga nakapiit http://pinoyweekly.org/new/2009/08/ang-masalimuot-kong-paglaya-at-ang-mga-naiwan-pang-nakapiit/ http://pinoyweekly.org/new/2009/08/ang-masalimuot-kong-paglaya-at-ang-mga-naiwan-pang-nakapiit/#comments Mon, 03 Aug 2009 11:20:26 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=3178 Malaya na ako!

Ilang oras pa ang lumipas matapos akong lumaya alas-4 na hapon noong ika-21 ng Hulyo, bago nag-sink in sa akin na nakalabas na ako sa bilangguan. Ito ay noong nadaan ako sa mga punong kahoy na naiilawan ng bughaw, berde at pula sa Quezon Memorial Circle. Wala kasing makitang nakukulayang ilaw sa bilangguan. Kapag bagong taon nga, nagkakandahaba-haba pa ang leeg namin para makakita ng firework.

Para makalabas ng bilangguan, hindi pala ako natutulad sa ordinaryong bilanggo na ang kailangan lamang ay release order ng korte. Sa mga kinasuhan ng rebelyon at binuhusan pa ng maraming kasong kriminal, maliban sa release order ay kailangan pa ng paparaming nagha-hunger strike sa loob at porsigidong piket sa labas.

Mga pahirap

Na-dismiss na ang lahat ng mga kaso ko: dalawang rebelyon at dalawang robbery with murder. Ang huli ay noong ika-26 ng Hunyo, 2009. Dinala ng anak ko ang orihinal na kopya ng release order sa Custodial Center noong ika-9 ng Hulyo subalit hindi ito kinilala, dahil tanging ang hatid lamang ng court server o ng registered mail ang kinikilala umano ng Custodial. Dumating ang registered mail noong ika-14 ng Hulyo. Dinala ng Custodial ang release order ko sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Crame para raw magbigay sila ng komento kung palalayain na nga ba ako.

Pinatagal ng CIDG ang pagkakabilanggo ko. Hinanap ang dismissal ng kaso sa Dupax na matagal nang nai-akyat sa Bambang Regional Trial Court (RTC) na may iba ng criminal case number. Hinahanap din ang iba pang kaso sa Bambang na matagal nang nai-akyat sa Bayombong RTC. Nasaan daw ang dismissal ng kasong robbery with multiple murder at arson with murder gayung wala naman akong ganoong kaso. Nagpadala pa ito ng kopya ng 1990 na warrant of arrest sa kasong rebelyon sa Cauayan na na-dismiss na noong ika-18 ng Mayo 2009. Delaying tactics at inefficiency ng CIDG lamang ang tumambad.

Maaaring maging walang katapusan itong cheche bureche ng CIDG kaya nagbabala ang abogado ko na kung walang malinaw na bagong kaso laban sa akin, dapat sa loob ng 24 oras ay palayain na ako dahil kung hindi’y magsasampa na ito ng contempt of court.

Ika-20 ng Hulyo, nagpiket na ang mga kasapi ng Karapatan, SELDA at mga kaibigan sa tapat ng Crame na nagde-demand na palayin ako. Tumagal ang pang-aantala ng CIDG hanggang alas-11ng gabi. Dahil nainip, pinasok na ni Rep. Liza Maza ng Gabriela Partylist ang opisina ng CIDG. Noon lamang ini-abot ng CIDG ang kanilang “No Comment” para makalaya na ako.

Maghahating gabi na nang pumunta ang mga nagpipiket, ang aking bogado at si Rep. Maza sa Custodial para sana’y salubungin ako sa aking paglabas pero sa halip, ang sabi ng CO, dadalhin pa raw sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga papeles ko para humingi ng komento nila.
Pinaliwanag muli ng aking abogado na pagsikil na sa karapatan ko at pagsuway na sa utos ng korte ang nangyayari. Napagod na ang abogado ko sa pagpapaliwanag sa CO. Naisip kong nasimot na ang lahat ng paraang ligal para sa paglaya ko at ang naiiwan na lamang na opsyon sa akin ay ang hindi-na-isinasaad sa batas. Nagpasya na akong mag-hunger strike. Umuwi ang mga sumuporta na may pag-asa sa panibagong porma ng laban at nangakong babalik kinabukasan para sa muling pagpipiket.

Paglaban

Kinabukasan, humingi na ako ng suporta sa mga kababaihan at kalalakihang detenido na mag-hunger strike din at magtulos ng mga placard sa bawat gusali na nagsasaad ng pagsuporta sa pagkilos na ito.

Tanghali, dumami na ang naka-hunger strike. Buong gusali ng kababaihan at Bravo sa kalalakihan ay nakiisa. Marami ding sumama sa Alpha at Delta. Ang hindi makakayang mag-hunger strike ay pumirma sa placard na may humahabang listahan ng pangalan na kumukondena sa patuloy na pagbilanggo sa akin. Nagpaabot rin ang mga kasapi ng Magdalo ng ibang porma ng suporta sa protestang ito.

Sa ganitong kalagayan sa loob at piket sa labas, pinatawag ako ng isang opisyal ng pulis. Ayon sa opisyal, kailangan pang aprubahan ng AFP at IG (Intelligence Group) ang paglaya ko. Marami pa umanong may gusto na manatili pa ako sa bilangguan, at hindi nila ako mapapalaya hangga’t wala silang natatanggap na ”go signal” mula sa itaas.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2009/08/ang-masalimuot-kong-paglaya-at-ang-mga-naiwan-pang-nakapiit/feed/ 0
Papel ng ahensiya ng gobyerno, korte at Kongreso sa pangangamkam ng lupa http://pinoyweekly.org/new/2009/06/papel-ng-ahensiya-ng-gobyerno-korte-at-kongreso-sa-pangangamkam-ng-lupa/ http://pinoyweekly.org/new/2009/06/papel-ng-ahensiya-ng-gobyerno-korte-at-kongreso-sa-pangangamkam-ng-lupa/#comments Thu, 04 Jun 2009 04:03:33 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=1743 Sa ilang pagkakataon, may basbas ang mga indibidual mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), Agrarian Reform (DAR), Kongreso at maging sa korte, sa pangangamkam ng lupang binubungkal ng mga magsasaka. Sa mas maraming pagkakataon, sila ang nagpapadali sa pangangamkam.

Narito ang ilang mga kaso:

1. Tampok na kaso ang pangangamkam ni Casiano Sandoval sa 15,303 ektaryang lupain sa isang baryo sa Diadi, Nueva Viscaya (NV) at sa baryo sa Cordon, Isabela. Saklaw nito ang sakahan at tahanan ng 3,500 na pamilyang nagbubungkal na ng lupa bago pa man ang taong 1961, kung kailan nag-aplay si Sandoval ng pagmamay-ari sa lupa. Napatunayan sa kasong ito ang pagbibigay ng DENR ng pekeng titulo, sabwatan ng korte at mga panginoong lupa at ang kainutilan ng Kongreso sa pagprotekta sa interes sa lupa ng mga magsasaka.

Ang nasabing pang-aagaw ng lupa ay naging kaso sa korte. Sa desisyon ng Regional Trial Court ng Bayombong, NV, hinati ang 15,303 ektaryang lupain sa sumusunod: 5,661 ek. sa Bureau of Forest Development (BFD)-DENR; 1,750 ek.sa Bureau of Lands (BOL); 4,000 ek. sa Philcacao; 2,000 ek. kay Sandoval; 1,000 sa pamilyang Parsac at Bayaua; at 892 ek. sa mga tagapagmana at abogado.

Maliwanag pa sa sinag ng araw ang sabwatan ng korte, mga partidong sangkot at mga opisyal ng mga ahensiya ng gobyerno. Nakaroon ng parte ang lahat liban sa mga magsasaka. Kung ang klasipikasyon ng lupa ay alienable at disposable, bakit nagkaroon ng bahagi ang BFD at BOL? Kung pribadong lupain iyon, bakit nakabahagi pa ang kaagaw sa lupa ni Sandoval na pamilyang Parasac at Bayaua, pati mga tagapagmana at abogado? Nasaan ang moralidad sa desisyon ng korte na ariin ng isang tao (Sandoval) ang napakalawak na lupain, kasama ang lugar kung saan andoon ang watershed.

Matapos ang sunod-sunod na mobilisasyon ng mga magsasaka noong taong 2000 sa pagsusulong ng katiyakan sa binubungkal ng lupa, saka idi-deklara ng DENR na forest zone ang lugar at peke ang titulong ibinigay kay Sandoval. Nag-petisyon ang mga magsasaka para ireklasipika ang lupa mula forest zone at timberland tungong alienable at disposable, at kilalanin na ang karapatan nila sa lupa. Walang tugon ang mga may kapangyarihan sa panwagan ng mga magsasaka.

Sumunod na pangyayari sa kontrobersiyal sa 15,303 ektaryang lupa ay ang pagsulpot na parang kabute ng tatlong tao na matapang ang apog at malakas ang kapit sa DENR. Sumaklaw sila ng lupa ng walang kapagod-pagod. Kinamkam ng pamilyang Balasu ang 350 ektarya na binubungkal ng 110 pamilya sa San Pablo, Diadi, NV. Sa Wigan, Condon naman, ang pamilyang Samaniego ang nang-aagaw sa 45 ektarya na binubungkal ng 26 pamilya. Sa Caguilingan, Cordon, pinapalayas ng pamilya Roque sa 300 ektaryang lupain ang 148 na pamilya. Ipakulong ni Roque ang mahigit sampung magsasaka sa kasong arson at tresspassing. Sa sabwatan ni Roque at ng korte, higit isang taon bago nakalaya ang anim na magsasaka sa kasong nagki-kriminalisa sa pagsasaka. Kung hindi pa tumulong ang Diyosesis ng Ilagan sa pamumunoni Bishop Uteg ng pambansa at pangrehiyong opisina ng Sentra o Sentro para sa Tunay na Repormang Agraryo at ng Dagami, pamprobinsiyang samahan ng mga magsasaka sa Isabela, baka nabulok sa bilangguan ang anim na magsasaka.

Kahit pa nagde-demand ang mga magsasaka na ireklasipika ang lupa at naglabas na ng ulat ang PENRO-NV na potensiyal na alienable at disposable ang 350 ektarya sa San Pablo, Diadi, hindi ito natugunan dahil ayon sa Proclamation No. 131 at Executive Order No. 229. Batay sa proklamasyon ito na ipinasa ng rehimeng Aquino, walang maaaring i-reklasipika na lupa maliban kung pagtibayin ito ng Kongreso.

Walang mahintay ang mga magsasaka na reklasipikasyon sa kanilang kinatawan sa Kongreso. Ito pa rin naman ang Kongreso na binubuo ng mismong malalaking panginoong may lupa sa bansa.

Sa pagnanais mapahupa at mailigaw ang pagkilos ng mga magsasaka, ipinanggaganyak ng DAR na maipaloob sa CARP ang lupa kapag na-reklasipika. Ngunit natuto na ang mga magsasaka sa karanasan sa CARP ng ibang magsasaka; ang nais nila ay hindi maagaw sa kanila nag lupa at hindi sila kailangang magbayad ng 30 taon ng amortisasyon. Ito ay sa dahilang ang deka-dekadang pagta-trabaho nila sa lupa ang patunay na sila na ang maykarapatan sa lupa.

Hanggang ngayon, nakasampa ang kaso ng 15,303 ek sa Korte Suprema.

2. Panggagantso ng sindikato, pati ng mga kontak nila sa DENR, Land Bank of the Philippines at ng korte.

Sinasamantala ang marubdob na pagnanais ng mga magsasaka na magkaroon ng kasiguraduhan sa lupa, nanggagantso ang sindikato kasabwat ng mga tao nila sa Land Bank of the Philippines (LBP), DENR at korte para maibuslo sa isang iskema na pagkakwartahan ang magsasaka sa bulubunduking lugar na wala pang titulo ang mga lupa. Ang iskemang ito sa kalaunan ang magpapalayas sa mga magsasaka sa kanilang lupa. Sa bawat lote na ipapaloob sa voluntary offer to sell (VOS) ng CARP, P15,000 ang makukuha ng mga magsasaka at mapapatituluhan pa ang lupa. Ito ang panggaganyak ng sindikato sa iskema. Ipapasarbey ng sindikato ang lupa sa kontak o kasabwat nila sa DENR saka tatagain ang magsasak sa sobra-sobrang singil. Pekeng titulo ang ipapagawa ng sindikato, lalabas na kasama ang magsasaka gayung nakapangalan ang lupa sa iba na kasabwat ng nagpapanggap na siyang may-ari ng lupa. Siya rin ang nakapasok sa VOS at kukuha ng pera sa LBP.

Sa bawat P80,000 bawat ektarya na naipasok sa VOS, papartihin ito ng sindikato: P15,000 para sa magsasaka, P10,000 sa nagpanggap na may ari ng lupa, P2,500 sa canvasser sa bawat magsasaka na naipasok niya sa iskema at sindikato kasama ang mga kasabwat sa bultong perang natira.

Maraming magsasaka na naengganyo sa P15,000 sa kalagayang sila pa rin ang magsasaka sa lupa kahit pa mag-amortisa sila ng P500 tuwing anihan. Sa bulubunduking bahagi, tulad ng mga bayan ng Jones, Echague, Angadanan, San Guillermo, San Mariano, at iba pa, nagka-canvass ang sindikatong VOS.Sa San Mariano, 32 lote sa baryo ng Panninan ang nasakmal ng sindikato pati mga kasabwat sa DENR, LBP at DAR. Dapat nga namang ipaglaban ng magsasaka ang lupa, imbes na ipagkaloob pa sa CARP at ma-amortisa ng 30 taon at mapalayas sa lupa kapag pumalya ng tatlong beses ang mortisasyon.

Sa ilang panahong nagdaan mula ng magsimulang maningil ang LBP noong Abril 2003, may na-forclose na lupain at nailipat na sa lokal at dayuhang negosyante ang lupa ng magsasaka.

3. Ginawang ligal ng Kongreso ang pangangamkam sa 26,000 ek sa Sta. Ana at Gonzaga, Cagayan para mailatag ang Cagayan Economic Zone Authority na pag-aari at kontrolado ng pamilyang Enrile sa pangunguna ni Senador Juan Ponce Enrile. Sa lokal, kinakatulong ng pamilyang ito ang DAR, DENR, DA at LBP sa pangangamkam ng lupa gamit ang dahas at panlilinlang. Kakutsaba si Jackie Enrile, noong kinatwan pa siya ng unang distrito ng Cagayan, ang mga opisyal ng BOL ng DENR sa pamimilit na mabili sa pinakamurang halaga, na halos hiningi na lamang ang mga lupa na nasa kategorya ng Land Declaration sa mga baryo ng Sinungan at Casambalangan sa Sta. Ana, at San Jose sa Gonzaga.

Nagpipikit ng mata ang DENR sa pagtotroso ng pamilyang Enrile sa Sta. Rosa at Gonzaga, patuloy nilang inuubos ang natitira pang puno ng kahoy na nagsisilbing watershed sa mga patubig at nagsusuplay sa libo-libong ektaryang sakahan ng magsasaka. Layunin ng mga Enrile na mapaalis ang mga magsasaka sa pagkasira ng kanilang irigasyon.

4. Sa maraming lugar sa rehiyon ng Cagayan Valley, kasangga ng may-ari ng lupa ang Municipal Agrarian Reform Office (MARO) sa pagpapaalis sa mga magsasaka na nakapaloob sa CARP. Prinepresyuhan ng may-ari ng lupa sa presyong lubhang pinataas, tripleng beses o higit pa sa aktual na halaga ng lupa na dapat mabayaran ng magsasaka sa loob ng isang taon. Kung hindi mababayaran sa loob ng isnag taon, mapapaalis ang mga magsasaka. MARO ang tumatawag ng dayalog para ilatag ng may-ari ng lupa sa magsasaka ang bagong patakaran, at ito rin ang gagawa ng kasulatan na hindinatugunan ng magsasaka ang kasunduan at tatanggihan na siya ng karapatan sa lupa.

5. Sobra-sobra ang paniningil sa sarbey ng lupa ng DENR nagkakahalaga ng P8,000 bawat ektarya, gayung dapat ay walang bayad ito. Kutsabahan ito ng mga nasa BOL at ng organisasyon ng mga surveyor sa Rehiyon II para pagkwartahan ang magsasaka. Sasabihin ng mga nasa DENR na umupa ang mga magsasaka ng rekomendado nilang surveyor para mapbilis ang parsa-sarbey sa lupa. Paghahatian ng nasa DENR at ng pribadong surveyor ang malaking halaga na nakuha nila sa magsasaka.

6. Sa Quiling, Roxas, Isabela, saklaw ng dating Hacienda Viceza, ang National Irrigation Administration (NIA) ay naniningil ng milyon-milyonng piso sa mga magsasaka dahil sa diumano’y hindi pagbabayad sa irgasyon. Ito ay sa kabila na ang NIA ang hindi nagbibigay ng resibo sa pagbabayad ng mga magsasaka. Halos buong komunidad ang kinasuhan ng estafa ng NIA.

]]> http://pinoyweekly.org/new/2009/06/papel-ng-ahensiya-ng-gobyerno-korte-at-kongreso-sa-pangangamkam-ng-lupa/feed/ 0 Pagpapatuloy ng pangangamkam ng lupa sa Cagayan Valley (Unang Bahagi) http://pinoyweekly.org/new/2009/05/pagpapatuloy-ng-pangangamkam-ng-lupa-sa-cagayan-valley-ng-malaking-burgesya-kumprador-unang-bahagi/ http://pinoyweekly.org/new/2009/05/pagpapatuloy-ng-pangangamkam-ng-lupa-sa-cagayan-valley-ng-malaking-burgesya-kumprador-unang-bahagi/#comments Sun, 17 May 2009 09:30:16 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=1347 Kamoteng kahoy ang itinakda ni Eduardo Cojuangco Jr. (ECJ) na panamim sa Cagayan Valley (CV), tulad ng pagtatakda nito ng pagtatanim ng tubo at niyog sa mga partikular na mga rehiyon at lalawigan ng bansa.

Ayon sa plano, 300,000 ektarya sa buong CV ang patatamnan ng kamoteng kahoy: 150,000 ektarya sa 21 bayan sa Isabela; 150,000 ektarya sa sampung bayan sa Cagayan, dalawang bayan sa Nueva Vizcaya at tatlong bayan sa Quirino. Ito’y 17 porsiyento ng kabuuang lawak ng rehiyon. Sa buong bansa, isang milyong ektarya ang target niyang pagtamnan.

Maraming pinaggagamitan ang kamoteng kahoy: hilaw na materyales ito sa paggawa ng arina, ice cream, monosodium glutamate, papel, plywood, sweetener, dextrose, alcohol, glue, mga produktong biodegradable, chips at pellets na pakain sa hayop. Isusuplay ito sa ibat-ibang dibisyon ng San Miguel Corporation (SMC) at pang-export ang iba. Gamit din ito sa produksyon ng ethanol na lumalaki ang demand nitong huling dalawang taon.

Prayoridad ng gobyerno

National priority” daw ito ng Malakanyang. Pinatutok pa rito ang National Poverty Commission na magbibigay diumano na isang milyong trabaho. Mabilis na nabuo ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng SMC at mga gobernador ng Cagayan at Isabela na si Faustino Dy Jr, gayundin ang dating gobernador na si Lara. Kasama rin ang mga pamprobinsyang tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources, Agriculture, Agrarian Reform, Philippine National Police (PNP) at ang Valley Planters Development Cooperative (VAPDECO), isang bogus o peke na kooperatiba. Naglaan ng panimulang badyet sa proyekto ang kapitolyo ng Isabela ng P 3,000,000 at P 883,858 naman mula sa Cagayan.

Dahil national priority, malaki ang itinakdang tatamnan sa unang dalawang taon. 3,000 ektarya sa unang taon (Nobyembre 2001-Disyembre 2002) at 29,000 ektarya sa susunod (Disyembre 2002-Disyembre 2003). Tinukoy at pinilit ng mga militar, pulis, goons at pati ni dating Gob. Dy Jr. ang mga magsasaka na pumaloob sa VAPDECO at magtanim ng kamoteng kahoy. Ayaw man ng mga magsasaka, binuldoser at tinamaan ng mga tauhan ng VAPDECO ang lupa ng mga magsasaka. Ginawang militarisado ang lugar.

Tinanggihan ng mga magsasaka ang nakasaad sa MOA sa pagitan ng SMC at mga opisyal ng bayan na mawawala sa kontrol ng magsasaka ang kanyang lupa at kukukunin ng kooperatibang bogus ang pangangasiwa sa lupa sa sandaling dalawang beses na siyang hindi makabayad.

Iba’t-ibang tipo ang lupang napiling tamnan ng kamoteng kahoy: lupang wala pang titulo ngunit deka-dekada nang pinag-yayaman ng mga magsasaka; pulic land ang kategorya; forest land posture lease. May lupa rin na may titulo na OCT/TCT at ang may-ari ay nakabayad na ng buo o bahagi ng amortisasyon sa Comprehensive Agrarian Reform Program at may homestead.

Ang magsasaka sa utang niya sa kooperatiba

Hindi pwedeng kumalas ang isang magsasaka sa kooperatiba sa loob ng 25 taon na kontrata at hindi niya maaaring isamang ilabas ang lupa.

Malawak na nailantad, naihiwalay at tinululan ang pamimilit sa pagtatanim ng kamoteng kahoy at mapangamkam na patakaran ng pekeng kooperatiba. Bunga nito, hindi nakamit ang target tamnan sa unang taon dahil nalugi at nagka-utang ng malaki ang marami sa mga nagtanim sa unang taon.

Para maibuwelo muli ang pagpapatanim, ginamit ang League of Minicipal Mayors (na pinamumunuan ng isa sa maraming pang mga Dy na nakaposisyon) para mga meyor ang magpasimuno sa pagpapatanim at lupa nila ang tatamnan. Mula sa dating plano ng malawakang pagtatanim, naging pakitang saklaw ang lupa nila. Nagtayo ng mga bagong kooperatiba sa tulak ng mga mayor dahil lubha nang bumaho ang pangalan ng VAPDECO. Mula sa dating plano ng malawakan na sapilitang pagtatanim, naging maliitang saklaw ng lupa muna sa pangunguna ng meyor at saka magtatayo ng bagong kooperatiba. Halimbawa, sa San Guillermo, tulak ni Congressman Bojie Dy at Mayor Guyod ang pagbubuo ng kooperatiba. Si Mayor Padilla naman ang nagkampanya sa San Agustin ng pagpapatanim ng kamoteng kahoy, gayundin si Gobernador Dax Cua sa probinsya ng Quirino. Ganito na ang moda sa timog at mga bahagi ng gitnang Isabela, maging sa Cagayan.

Abangan sa susunod na linggo sa ikalawang bahagi.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2009/05/pagpapatuloy-ng-pangangamkam-ng-lupa-sa-cagayan-valley-ng-malaking-burgesya-kumprador-unang-bahagi/feed/ 0
Pagdakip at Pagpapahirap sa Akin http://pinoyweekly.org/new/2008/11/pagdakip-at-pagpapahirap-sa-akin/ http://pinoyweekly.org/new/2008/11/pagdakip-at-pagpapahirap-sa-akin/#comments Fri, 07 Nov 2008 18:17:20 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=28761 HAYAAN muna ninyong pasalamatan ko ang Karapatan-Ilocos at Dinteg sa Baguio City sa suporta nila sa kaso kong rebelyon sa Condon City. Na-dismiss ang kaso ko doon noong ika-22 ng Oktubre 2008. Sa katunayan, nagulat akong nalaman na may kaso ako sa Condon City – Hindi pa nga ako nakatuntong ng Ilocos bago ang arraignment.

Nakagaan sa akin ang dismissal, nabawasan ang apat kong kaso. Natitira pa ang dalawang (2) kaso ng robbery with murder at isa pang rebellion. Binuntunan ako ng kriminal na mga kaso para hindi makapagpiyansa.

Nagsimula ang kalbaryo ko noong ika-28 ng Nobyembre, sa pagdukot sa akin ng Intelligence Security Group (ISG) sa ibaba ng Fern Laboratory sa Cubao, Quezon City. Katatapos ko lamang magpa-x-ray at magpa-ECG sa Fern Lab kung saan mura. Mga mula sa mababang uri at saray ang nakasabay ko sa check-up.

Mabuti nga na may kolum ako rito sa PW, para mailinaw na di sa Ali Mall ako dinukot. Galing sa AFP ang balitang nagmo-malling ako nang madukot. Paninira nila sa kilusan na ang mga kasapi nito ay sa mall o sa sabungan nadarakip gayung naghihirap ang mga mamamayang Pilipino.

Sumigaw muna ng “Pulis kami” saka pilit na isinakay ng dalawang matitipunong lalaki sa nakabara-sa-daan na van na may sakay pang mga lalaki. Piniringan, pinosasan ako kaagad; inagaw at kinalkal ang bag ko. Nang tinanong ko bakit ginawa nila iyon sa akin, tape sa bibig ko ang sagot nila. Hindi nila kilala si Miranda, manapa’y nilampaso si Miranda at ang kanyang mga karapatan.

Unang araw pa lamang, walong (8) beses akong ininteroga. Tuluy-tuloy ang piring, posas at pasak sa tainga nang 72 oras.

Sa interogasyon, napako kami sa pangalan pa lamang. Hindi ko inamin ang tunay kong pangalan sa dami ng nakasampang kasong kriminal at mabibigat sa nagngangalang Elizabeth Principe. Baka nga kapag nalaman nila na ako si EP ay tabunan nila ako ng isang trak ng basura o isimento nila sa dram saka ihulog sa dagat o ipasok sa loob ng patumpatong na goma saka sunugin. Di nga ba ang daming missing, pati ang mahal kong asawa, si Leo Velasco.

Modelo ko sa bahagi ng interogasyon ang isang kakilala ko na dalawang taong nakulong ngunit di inamin sa lahat ng interogasyon niya ang tunay niyang pangalan. Ayaw niyang ipaalam na ikalawang beses na niyang pagkadakip iyon. Tumimo sa akin nang husto ang tibay niyang pinanindigan ang pangalang Marcial, hindi ko na tuloy maalala ang tunay niyang pangalan.

Sa unang sandali pa lamang na naisakay ako sa van, alam ko nang nadukot ako at tinanggap ko ang kamatayan. Hindi ako natatakot mamatay, o tumagal at mabulok sa bilangguan, sinabi ko ito sa mga interogador. Sa dami ba naman ng na-missing at na-extra-judicial killing, hindi ko iniisip na maiiba ang aking istorya.

Ang mga tula ni Jose Ma. Sison sa loob ng bilangguan ang nagbigay ng lakas-loob sa akin. “Mas mahirap ang naging kalagayan niya pero nakaya niya, dapat ko ring kayanin ito,” kako. Dagdag pa ang kuwento ng may karanasan sa mga hulihan – na ang hindi natakot sa kamatayan at tortyur ang hindi bumigay sa interogasyon at hindi naipagkanulo ang mga mamamayan. Sa kabilang panig, kapag pinangangalagaan ang buhay, lalo itong nawawala pati ang dignidad.

Sa mga gabi, problema ko kung paano matulog sa kalagayang walang humpay ang tunog ng nakapasok sa aking tainga na MP3. Binabago ko ang posisyon ng pasak para mapahina ang tunog pero agad nalalaman ng aking dalawang 24-oras na guwardiya. Dito ko natantiyang may kamerang nakatutok sa akin. Iniangal ko sa guwardiya na tortyur ang walang tigil na tunog na nagpapasakit sa ulo ko. Mag-enjoy na lang kaya ako sa tunog, kako. Pumuwede rin ng ilang oras.

Minsan napagalit ko ang guwardiya nang binago ko ang puwesto ng earplug, lubha niyang hinigpitan ang piring ko. Maliban dito, hindi ako pisikal na sinaktan. Soft approach at pananakot ang ginamit sa akin ng militar.

Ikinakaila nila sa akin ang totoong oras. Ibinibigay ang gamot na panggabi kahit tanghali pa lamang. Sinabing tatlong araw na akong naroon gayung isang araw pa lamang. Buti na lamang may alaga silang tandang na manok, salamat sa tilaok nito. Nagbilang ako ng pagdaan ng mga eroplano sa bawat araw para maging alerto at aktibo ang isip ko.

Ika-1 ng Disyembre nang inakay ako ng mga guwardiya na maligo. Nagtaka ako dahil dati-rati’y ako ang nagsasabi kung anong oras ako maliligo. Pagkaligo, inalis ang tsinelas ko, ipinalit ang sandals ko. Isinakay ako sa kotseng mabango, may aircon at malambot ang upuan. Isip ko, kung ihuhukay o susunugin na ako, dapat karag-karag na lang na sasakyan at di na ako pinaligo. Wala pang limang minuto, huminto na kami at naghintay nang matagal. Tinantiya ko na ipiprisinta ako sa midya, narinig ko kasi sa radyo ng kotse ang pahayag ng opisyal-militar na nadakip na nila si EP. Pinag-isipan ko na kung ano ang isisigaw ko pagharap sa midya. Taranta naman ang dalawang babaing pulis kung paano nila tatakpan ang maraming pasa sa aking kamay at bibig.

Bakit ako inilitaw? Tantiya ko’y inilabas ako para ma-divert ang isyu at makaalpas ang AFP at PNP sa sangkaterba na puna ng mga mamamayan, lalo ng midya sa magaspang na pagresolba sa naganap sa Manila Peninsula noong Nobyembre 29. At kapwa siraan ang grupo ni Sen. Trillanes-Lim at ang CPP-NPA-NDF sa paratang na nagsabwatan ito sa naganap sa Manila Pen. Sinampal ako ng paratang na kasama raw ako sa nagplano. Ngi! Hindi ko nga alam na naganap iyon at hindi ko pa nakita sa buong buhay ko si Sen. Trillanes at mga kasamahan niya.

Matapos akong iprisinta sa midya, balik piring, posas at pasak sa tainga; at balik pinanggalingan. Waring gustong iparinig sa akin, may nagsabing “5th ID pala ang nakahuli.” Nais akong linlangin ng mga ito, sabi ko sa sarili. Ang isa nama’y ibinulong sa aking ang “Kung makatakas ka o makalaya, ako ang papatay sa iyo.” Sinagot ko siya kaagad ng “Bakit ka nananakot?” Itong panakot na ito ang isang batayan ng pagsasampa ng petisyon para sa writ of amparo, na dinismis naman ng Special 8th Division ng Court of Appeals (hep-hep, fast forward na ito).

Alas-dos ng hapon, inilipat ako sa CIDG. Doon ko nakita ang mahal kong mga anak, mga miyembro ng Karapatan, Desaparecidos, EMJP, mga galing ng Cagayan Valley, at mga biktima at kamag-anak ng mga biktima ng karahasang militar. Pinagpiyano ako, saka ibinalik ang handbag ko na kinumpiska ng mga dumukot sa akin. Nawalan ng P12,000 ang pera ko, nagdagdagan ng planted na Ang Bayan. Ipina-nota ko sa CIDG ang nawala at planted.

Ipina-medical ako – doon nanota ng doktor ang marami kong pasa sa dalawang kamay at bisig. Sa daan pa-medical, na-interbyu ako ng ABS-CBN pero hindi naman lumabas sa TV. Maraming pa noong kaso na nai-interbyu ako at mga anak ko noong may hearing sa Court of Appeals pero di lumalabas sa TV.

Sunod, inilagak na ako sa Custodial Center kung saan ako ikinulong. Kinuha lahat ng pulis doon ang mga gamot ko, baka ko raw inumin nang sabay-sabay. Hihingi raw ako sa kanila sa bawat pag-inom ko.

Isang linggo akong padlock, di puwedeng lumabas ng selda. Abogado lamang ang puwedeng bumisita, di puwede kahit kamag-anak. Kahit nga si Cong. Satur Ocampo ay di pinayagang makadalaw sa akin (Dami pa naman niyang dalang pagkain).

Binilinan ng mga opisyal ng Custodial na huwag makipag-usap sa akin ang ibang detainee, baka raw bigla ko lang karatehin sila at pilipilitin ang leeg. Isang buwan na wala akong kasama sa selda na ayon sa kuwento ay may multo; itinoka ako sa higaan ng taong nagpakamatay. Makaraan ang ilang panahon, tinanong ako ng ibang detainee kung bakit hindi ako natatakot sa mga multo at walang nagpakitang multo sa akin. Sagot ko’y “Mga kakosa ko kasi ang mga pinatay dito.”

Nagtataka ang mga naunang detainee bakit hindi ako umiyak noong mga unang araw ko at waring magaan pa ang dating ko sa kanila. Sabi ko’y “Ang isang paa ko’y nasa hukay nitong nakaraang ilang araw, pasalamat ako’t inalis doon at di naisama sa bilang ng mga nangawala at napatay.”

Nakatulong sa aking ang pag-iisip ng positibo para di lubhang ma-depress sa bagong mundo ko. Mula sa ekta-ektaryang luntian ang pinagpipiyestahan ng mga mata ko, naging 2-by-3 metro kuwadrado na lamang ang pinagtitiyagaan ng mata ko. Pero ang isip ko’y milya-milya, daan-daang milya, libu-libo, milyun-milyong milya sa ilang daang taon ang inilalarawan. Ang isip ko’t diwa ay di naikulong.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2008/11/pagdakip-at-pagpapahirap-sa-akin/feed/ 1