Pinoy Weekly » Pasintabi http://pinoyweekly.org/new Philippine news, analysis, and investigative stories Sun, 20 Jul 2014 09:27:46 +0000 en-US hourly 1 http://wordpress.org/?v=3.9.1 2,600 empleyadong sinibak http://pinoyweekly.org/new/2010/11/2600-empleyadong-sinibak/ http://pinoyweekly.org/new/2010/11/2600-empleyadong-sinibak/#comments Thu, 04 Nov 2010 04:44:07 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=10489 Hindi na maaring maitatwa pa.  Ang administrasyon ni Noynoy Aquino ay tunay na pro-kapitalista.  Ang lakas naman ni Lucio Tan, ang may-ari ng Philippine Airlines (PAL).  Nabili niya ito sa bargain price, nagkaroon ng exklusibong airport para rito, at ngayon naman ay kinampihan pa ang desisyon ng kanyang management na sibakin ang kanyang 2,600 na empleyado para higit pa itong kumita.

Nalugi raw ang PAL ng US $312 milyon mula 2007-2009 dahil sa pandaigdigang resesyon.  Dagdag pa rito, parang isinasaad na ito na ang mapait na pilduras na kailangang inumin ng kompanya para di pa kumita, kundi para hindi magsara na mas lalong maglalagay sa peligro sa 7,500 nitong manggagawa.

Sa pagsasara ng ilang tinaguriang di mahalagang larangan ng PAL, marami sa gawain ay isa-subcontract na lamang.  Lilikha ng 3,000 “zombie” na pwesto para sa pangangailangang ito, na nangangahulugang mas mababa ang sweldo, walang benefisyo, seguridad sa tenure at karapatang lumahok sa unyon.

Marami raw sa sinibak na manggagawa ay maaring mag-apply at tanggapin bilang kontraktwal.  Hindi ba naman nakakainsulto ito?  Kaya nga walang gagawing pakikisangkot si Aquino sa isyung ito.  Nagdesisyon na ang kanyang Labor Secretary.  At malinaw pa sa tanghaling tapat ang mangyayari.  Sibakin mo, Lucio Tan, hanggang gusto mo, at ikaw ay nakasandal sa pader ni Aquino.

Itong pro-kapitalistang paninindigan ni Aquino ay hindi hiwalay sa kanyang uring pinagmulan at sumuporta sa kanya sa pagkapangulo.  Sinasabing mayroon lamang 308 na individual sa higit na 50. 7 milyong botante ang nagpondo ng kampanya ng 2010 na eleksyon.  Kung isasaalang-alang ang nagbigay ng P10 milyon o lampas pa, 48 na individual lamang ito, ayon sa Philippine Center for Investigative Journalism.   At itong 48 milyon ang nagpondo ng 80 porsyento ng P1.58 bilyong pondo ng mga kandidato para sa eleksyon.

Bakit naman susuwagin ni Aquino ang kanyang kauri?  Mangilan-ngilan na nga lang ang individual at angkang may kakayanang makapagluklok ng pangulo.  At kung kaya nilang makapagluklok, kaya rin nitong lumikha ng alingasngas para hind imaging mapayapa ang pagkapangulo nito.  Kung gayon, business-as-usual lamang ang paninindigan ni Aquino.

Walang personalan, trabaho lang—na higit na nakadirekta sa manggagawa kaysa sa kapitalista–dahil ang personal nga ay itinatayang nakakiling sa higanteng negosyante, at ang trabaho nga na sinasaad nito ay ang profesyonal na gawain para manatiling nakalutang at umaalagwa ang negosyo nito.  Kasi nga rin, wala namang trabaho ang isinasaalang-alang para sa mga empleyado, sa kaso ng PAL.

At dahil ang mantra ni Aquino ay paboran ang negosyong inaasahang magdadala ng kitang magpapaunlad sa pambansang ekonomiya kahit pa sa ground-level ay nawawalan ang permanenteng trabaho ang kanyang mamamayan, walang pagsasaalang-alang sa bulto ng mamamayang lalo pang maghihirap sa predikamentong ito.  Ito ang tunay na private-public partnership na siyang road map ni Aquino para sa pambansang pag-unlad.

Dalawa ang dahilan kung bakit guni-guning mito lamang itong balikatan mode.  Una, ang diin ay sa private, kaya nga inuna ito, na magtitiyak nang higit pang pribatisasyon ng publikong serbisyo, pati ang pagtanggal ng safety nets sa  mayoryang malalaglag sa malakihang aksyon ng iilang pribadong negosyanteng nagdedesisyon nito.  Ikalawa, ang papel ng public o publiko ay para manilbihan sa interes ng pribado.  Kaya nga imbis na protektahan ng Department of Labor and Employment, na isang kakatwang departamentong may nililikhang “pagbalanse” ng magkatunggaling interes, ang papel na nito ay susugan ang inisyatiba ng pribadong negosyo.

At ito ang window opening ni Aquino, ang ilatag ang krisis bilang batayan kung bakit nga tayo nangangailangang uminom ng mapait ng pilduras—pero hindi naman nakikitang pati si Lucio Tan at ang kanyang managerial team ay nakikiinom sa kolektibong paghihirap.  May krisis kaya kailangang maghigpit ng sinturon, magtipid, tanggapin ang intensifikasyon ng mga reformang ilalako bilang magpapabuti ng pambansang lagay:  dagdag na buwis, bawas sa serbisyo, kawalan ng permanenteng trabaho, pag-ako ng subkontrakwalisasyon, at iba pa.

Kahit pa nga ang krisis na isinisiwalat ay perenyal na estado ng estado.  At ang konsiderasyon sa “pambansa” ay para kay Aquino—bilang kabahagi ng angkang Conjuangco at Aquino—at ang iba pang kauri nito.  Dahil hindi nga isinasaalang-alang ang kondisyon ng manggagawa at empleyado rito.  Tayo lamang—kasama ang nasibak na 2,600 na empleyado ng PAL–ang aako ng pinipindehong krisis.  Sa iilang kapitalista, business-as-usual at ito ang business ng estado.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2010/11/2600-empleyadong-sinibak/feed/ 3
Dancing manggagawa http://pinoyweekly.org/new/2010/10/dancing-manggagawa/ http://pinoyweekly.org/new/2010/10/dancing-manggagawa/#comments Fri, 29 Oct 2010 07:05:18 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=10460 Ito ang isa sa pinakasukdulang imahen ng paggawa at manggagawa.  Ano ang pinagkaiba ng flight attendants ng Cebu Pacific sa entertainers at GROs sa red-light district?  Kung pareho lang naman silang sumasayaw para sa kanilang sahod, ginagamit ang katawan para gumiling sa puntong patungo na ang eroplano sa ere, na ang kanilang paggawa ay isa nang segment sa noontime variety show?

Ang sagot dito ay maaring yung Cebu Pacific, nakauniporme man lamang.  At kung gayon, may dangal dahil may pag-ako ang kapitalista sa kanilang pagtatanghal ng paggawa.  Parang yung call center agents na proud lang sa pagsuot ng kanilang mga ID kahit na wala na sila sa sityo ng paggawa dahil nga reafirmado ang kanilang katawan bilang lunduyan ng kapital, at ang akses nito sa gitnang uring potensyalidad (potensyal dahil hindi pa rin lubos na nakakasapat para tunay na mapa-I belong).

Ang entertainers at GROs, siempre, nakahubad.  At kung gayon, purong pisikalidad ang kumunoy ng katawan sa kapital.  Walang pagpapanggap na sila nga ay may bahid ng kahit anong intelektwal na kapital.  Hindi ka naman tutungo sa bar at club para mag-usap hinggil sa ekonomiya at ang lagay ng edukasyon.  At dahil ito ay purong katawan, ang aksesorya nito—ang atraksyon para sa kita—ay ang kahirapan at ang moral na ethos na gamit para husgahan ang pinakanararapat isalba sa kumunoy.  Napilitan lamang, may inang baldado, iniwan ng ama, at kung ano-ano pang tunay at kathang kwento ng sarili, para sa kita.

Ang kakaiba sa dancing manggagawa ay may sandali ang pagtatanghal ng katawan para sa kapital.  Ritualisado, sa kaso ng flight attendant, bago lumipad ang eroplano at purposibo, para ibigay ang kaalaman hinggil sa safety sa loob ng aircraft.  Sa kaso ng SM na empleyado, mapa-department store, Kultura shop at groseriya, ang pagtatanghal kada pasok ng bagong oras, at musika para ma-cue in ang sandaling ito.

Ipinapalaganap ang kasabikan ng katawan ng manggagawa sa trabaho, ang kahandaan magsilbi sa serbisyong sektor na nagdidikta di lamang ng pleasing personality, ideal na height at weight, maging ang hitsura ng kabataang manggagawa, magiliw kung tumugon sa mga tanong at request.  At dahil sabay-sabay ang galaw at indak ng mga katawan, pati ang ilang salitang isinisigaw, nagkakaroon ng high energy ang pagtanggap ng katawan sa kapital.

Hindi lamang magiliw kundi “Alive, alive!”  Kaiba ito sa ortodoxong alienasyon ng manggagawa sa pabrika, hindi niya nakikita ang kabuluhan ng kanyang kompartmentalisadong gawain para sa kabuuan ng produkto.  Sa serbisyong sektor, ang alienasyon ay ang nagmumula di lamang sa pagprenda ng katawan sa pagbibigay ng serbisyo kundi pati na rin sa mismong kinetikong pagtatanghal ng katawan para sa gawaing ito.

Kung sa paggawa sa pabrika, buryong na ang manggagawa sa paglagay lamang ng pangunahing rivet sa 5,000 pares ng jeans bilang kanyang kota, sa paggawa sa mall at eroplano, ang hapong katawan ay kailangang magtanghal ng aktibong partisipasyon ng individual sa front stage ng sityo ng kapitalismo.  Sing-and-dance na sa entablado ng aisle ng eroplano o ng groseriya ang kailangan para kumita nang survival na sahod ang manggagawa, hindi na lamang nakalugmok sa isang sulok ng pabrika.

At ang alienasyon ay nananatili.  Hindi na alam ng manggagawa kung bakit niya ginagawa ang pagtatanghal gayong kada patak ng akmang sandali, nagtatanghal ito sa pagdakila sa kapital, kapitalista at kapitalismo.  Tunay na papuri sa Diyos!  At hindi inosente ang ritual ng kapital:  dahil nga nanaturalisa na ang pagtatanghal, wala nang hiya, bigay todo na ito, laban na kung laban dahil habang lalong tumataas ang kagalingan sa paggawa, lalong narereafirma ang inaakalang puwang ng dangal ng manggagawa.

Lalong umiigting na ang kanyang maliit na sahod ay pinaghirapan, at kung gayon, narereafirma ang “dignidad sa paggawa” ng liberal na kapitalismo.  Na ang pagkalagak kahit sa pinakamababang antas ng paggawa ay isang marangal—sa humanistikong usapin—na gawain.  Itong pagtatanghal sa paggawa ang siya ring nagtatanghal ng virtual na dangal, hanggang ditong spero na lamang at maraming salamat, powh!

Ang alienasyon sa paggawa ay lalo pang pinapaigting dahil sa may nanonood na konsumer na ang turing din sa mga katawan ay henerikong substitutable sa anumang manggagawa sa naturang larangan.  Hindi tao, hindi hayop ang turing ng konsumer, bahagi lang ito ng fixture ng kapital, ng aparatong magtitiyak na instantaneously ay madedeliver ang kanyang ninanasa.

At kung gayon, tanging ang rekurso sa serbisyong paggawa ay ang higit pang politisisasyon mula sa organisadong paggawa.  Wala sa loob ng sityo ng kapital ang daluyan tungo sa anyo ng redempsyon, kailangan itong manggaling sa labas—ang pagpapakilala sa tunay at kasaysayan para ang virtualisasyon ng paggawa sa ritual ng pagsasayaw ng manggagawa ay mailagak sa historikal nitong pagtutuos sa kapitalista.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2010/10/dancing-manggagawa/feed/ 0
Publikong Sining para sa Publikong Interes http://pinoyweekly.org/new/2010/10/publikong-sining-para-sa-publikong-interes/ http://pinoyweekly.org/new/2010/10/publikong-sining-para-sa-publikong-interes/#comments Tue, 12 Oct 2010 15:46:03 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=10165 Mapagbanta ang unang 100 araw ng bagong halal na presidente:  make or break ito, direction-setting sa susunod na mga taon, patikim sa kabuuang termino.  Honeymoon period itong tinatawag.  Ibig sabihin, huwag gambalain, pag-iwanan muna ng puna, hayaan munang mapirmi, dumanas ng ligaya.  Pulot-gata sa Filipino, na pawang mga mitong likido ng malinamnam na panlasa at pakiramdam.

Sa unang 100 araw, idiniin ang public-private partnership bilang modalidad ng kanyang neoliberalismo, nagbuo ng Truth Commission pero wala ang politikal na pagpaslang ng kanyang pinalitan, naglaho sa oras ng hostage-taking sa Luneta, nagpatuloy ang lantarang paglabag sa karapatang pantao (10 pesante ang pinatay, 2 ang nadagdag bilang politikal na detenido, 1 ang desaparasido, 102 ang kaso ng paglabang sa karapatan sa unyonismo, at isang peryodista ang pinaslang), patuloy pa rin ang Oplan Bantay Laya, at lumipad sa Amerika para magpilgrimahe sa kanyang patron si Aquino.

“Same-same” ito, walang pinagkaiba, walang tunay na pagbabago.  Hindi ito ang daang matuwid.  Nananatiling nakakulong ang Morong 43.  Pinatindi ang budget cut sa state universities at colleges, yung iba ay kalahati lamang ang pondong ipapagkaloob.  Tataas ang pamasahe sa MRT at LRT.  Patuloy na may sariling buhay ang deregulasyon ng gasolina na ang tanging nabibiyayaan ng higanteng kita ay ang higanteng may-ari ng gasoline.  Patuloy pa rin ang VFA, at tiyak ang paglawak nito sa kasalukuyang presidente.

Ang rekurso ng mapagpalayang kultura ay ibalik sa lansangan at mamamayan ang sining.  Isang daang tula kapalit ng 100 araw nang walang pinagbagong pamahalaan ni Aquino.  Mahirap na ngang tumula, pero mas mahirap ang purposibong pagtula:  mga tulang may politikal na agenda, hindi lamang isang tumpok ng mga salita, talinhaga at imahe.

Minamarkahan ng isang siglong tula ang isang siglong araw nang pagkaunsyami, panunupil at pagbuhos sa apoy ng pag-asa.  Ganito tayo noon, ganito pa rin tayo sa ilalim ni Aquino.  Naghihirap ang nakararami, at patuloy pa itong lalawak ang paghihirap at naghihirap na mamamayan.  Mahirap umasa sa presidente dahil sa kasaysayan ng bansa, walang presidente ang tunay na nanilbihan sa interes ng naghihirap na mamamayan.

Kung gayon, nasa mamamayan—kasama ng kanyang makabayang artista at kulturang manggagawa—ang pag-asa ng tunay na pagbabago.  Humalaw ng karanasan sa masa, ibalik ito sa sining para sa masa.  Nasa kamay ng mulat at nakikibakang mamamayan ang kinabukasan ng sambayanan.

Malinaw ang papel ng makabayang artista at kulturang manggagawa:  ang hindi umidlip at magpahele sa huni ng mitikong ibon ng tradisyonal na politiko at politika ng bansa.  Ang hindi magpaipot at matransforma sa mga manhid na bato, ang maging kalamansi sa sugat ng mamamayan.  Mahapdi pero kinakailangang hapdi para madanas ang kabuuan at kung bakit ang ganito—kolektibong sakripisyo at pakikibaka—at hindi ang enganyong huni ng estado:  umidlip at tanggapin ang paghihirap at panunupil.

Mula sa paisa-isang obra, ang kolektibong pagkilos.  Ang kolektibo at kilusan ang mapagpasya.  Kung walang kilusang masa at sining, ang obra ay mananatiling paisa-isa at individualistiko.  Dahil mayroon, at may kapasidad na makapag-isa, mas malakas ang pwersa ng bigwas.  Tila tingting ng walis, kapag mag-isa walang mawawalis, kapag magkasama, malakas at mapagpasya ang paglilinis sa lipunan at pagtutuos sa kasaysayan.

Isang daang tula ito na mistulang 100 butil ng sampaguita ang inaalay ng mga makabayang makata sa paanan ng sambayanan.  Tulad ng halimuyak ng bulaklak, 100 tula itong nagpapaalaala na patuloy pa rin ang laban ng mamamayan hanggang sa tagumpay.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2010/10/publikong-sining-para-sa-publikong-interes/feed/ 0
Trahedya ng Hello, Young Lovers http://pinoyweekly.org/new/2010/09/trahedya-ng-hello-young-lovers/ http://pinoyweekly.org/new/2010/09/trahedya-ng-hello-young-lovers/#comments Tue, 28 Sep 2010 04:45:08 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=9823 “Hello, young lovers” ang tawag ni Joi sa mga batang magsing-irog.  Seryoso, demonstrative, nagmamahal, magtatagal.  Marami nito sa paligid, ang dalawang kabataang pinagtagpo ng pagkakataon.  Galing sa magkabilang panig ng mundo, at sa isang iglap, taos-pusong nagmamahal.

Itago na lang natin sila sa pangalang Habagat at Amihan.  Tortured victim si Habagat.  Sa katunayan, isa siya sa pinakamasahol na biktima sa rehimeng Arroyo.  Nahuli siya nang makuha ang cellphone ng kasamang nadetenido na ng militar.  Kulang ng dalawang linggo siyang kinulong, binugbog at sikolohikal na binanatan.  Ang habilin lang niya sa simula ng torture, walang kinalaman ang magsasakang katext, na palayain ito.

Hinanap siya ng kanyang magulang.  Natagpuang bugbog-sarado.  At matapos ng ugnayan sa isang organisasyon para sa karapatang pantao, napalaya ito ng korte.  Naging volunteer ito.  Dito niya nakilala si Amihan.  Galing din sa kanayunan bagamat nag-aral sa isang state university.

Tumutula si Amihan.  Nang dumalaw ito sa universidad, tinanong ito ng kanyang guro kung babalik pa ito.  Nakangiti itong nagsabi na parang guro na siya sa kanayunan dahil nagtuturo ng pagbasa at pagsulat sa mga batang di inabot ng sistemang edukasyon, mediko dahil natuto ng acupuncture, bakit pa nga siya babalik?  Nakita na niya ang halaga ng kanyang buhay.  At wala ito sa loob ng unibersidad.

Nang uminit ang lagay sa kanayunan, bumalik si Amihan sa syudad at nag-volunteer din sa organisasyon para sa karapatang pantao.  Hindi naman sila nagpapansinan, pero dahil maliit lang ang bilang ng staff, madalas nagkakasabay kumain at magkasama sa kwentuhan, biruan at gawain.

Una kong nakilala sina Habagat at Amihan nang magkita kami sa isang pananghalian.  Sila na noon, at alam mong seryoso at nagmamahalan ang dalawa.  Tunay na hello, young lovers.  Tahimik sila, iwas nga sa mga tao.  Natagpuan ko si Habagat na nasa sidewalk, sa labas ng bahay na nanananghalian.  At nagkwentuhan kami ng bahagya.

Makikita ko ang dalawa sa ilang mga rali.  Tahimik na babati, pero malaki ang mga ngiti.  Tulad nga ng sabi ni Buboy, ang rali ang “bitamina” nila.  Mas buhay sila rito.  Mas may galak kaysa sa ordinaryong gawain na seryoso ang kanilang dharma.  At lumipas ang mga buwan matapos nang unang pagkakakilala.

Nabalitaan ko na lamang na may aksidenteng nangyari.  Pabalik sila sa kanayunan at ang kanilang sinasakyang FX ay mahilig mag-overtake sa mga kurbang kalsada sa gilid ng bundok.  Naipit ang FX ng isang malaking trak at mabilis na namatay si Amihan.  Pati ang apat na kasama nito, hindi na umabot ng ospital.

Si Habagat naman ay nakaladkad pa ng trak bago huminto.  Dinala ang lahat sa ospital.  Kritikal na kondisyon si Habagat.  Natunugan ito ng militar, at sa kalagitnaan ng kanyang kondisyon ay in-interrogate ito.  Tanging swero lamang ang medikal na tugon sa sahol ng lagay.  Pumasok ang isang organisasyong masa, kinausap ang alyadong opisyal sa probinsya, at natantanan ang interogasyon.  Nailipat si Habagat sa pribadong ospital.  Nananatiling nasa kritikal na kondisyon pa rin ito.

Iniisip ko ang mga tulad nina Habagat at Amihan, mga mabubuting anak ng bayan.  Ang trahedya ay hindi ang kanilang maikling buhay dahil kay ningning ang kanilang pagsasabuhay para sa iba.  Hindi ko na maalaala kung sinong kritiko ang nagsabing “the less you love yourself, the more you can love others.”  Minahal nila sa abot ng kanilang makakaya ang mamamayan at ang bayan.

Ang trahedya ng hello, young lovers ay kinailangan nilang tumungo at bumalik sa kanayunan, kinailangang i-torture at ikulong, kinailangang maging subersibo sa mapanupil na estado.  Ito ang panghihikayat at pagkilos na ginagawa ng estado sa kanyang mabubuting anak.

At magpakaganito, pinili nila ang pangangailangang maging mabuting anak ng bayan.  Walang buhay sa labas nito.  Nandiyan ang malls, lumalawak ang operasyon pero hindi sila para sa katuwang na komunidad ng maralitang tagalunsod.  Nandiyan ang pabrika sa economic zones o higanteng haciendang pag-aari ng iilang pamilya pero hindi sila para sa manggagawa at magsasakang nagtratrabaho rito.

Nagmahalan ang hello, young lovers, at minahal nila ang bayan.  At sa kanilang paghihiwalay, minamahal sila ng bayan kanilang pinagsilbihan.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2010/09/trahedya-ng-hello-young-lovers/feed/ 0
Tag-ulan sa New Delhi http://pinoyweekly.org/new/2010/09/tag-ulan-sa-new-delhi/ http://pinoyweekly.org/new/2010/09/tag-ulan-sa-new-delhi/#comments Mon, 20 Sep 2010 03:47:47 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=9575 Hindi ko gaanong gusto ang pagsisimula ng pagmumuni-muni, “When I was in (banggitin ang dayuhang lugar na napuntahan)…”  Parang exklusibo ang karanasan, at parang pulpol na pantas na ang nagsasalita (kung hindi ka pa nakapunta roon ay wala kang karapatang kumontra).

Nakakapagbiyahe lang ako kapag may kumperensya. Hindi lubos na masaya ito dahil sa agam-agam ng paghahanda at pagtiyak na matagumpay ang papel na ipinangakong basahin. May agam-agam din sa grupong makakasama, ilang araw din ito ng buhay mo.

Mas gusto ko ang biyahe sa Asia dahil una ay magaan ang mga kasama, walang gaanong pataasan ng ihi. Ikalawa ay naghahanda talaga sila—mula hotel hanggang hapunan.  Hindi ka naiiwang mag-isa.  Atraksyon din kung bago ang lugar.  Hindi ako mahilig sa museo at sight-seeing. Wala rin namang oras para gawin. Sa labas ng sesyon ay gusto ko lamang humilita at magpahinga.

Maganda ang New Delhi dahil ito ang kolonial at post-independence na sentro ng higanteng bansa ng India. Maraming matatandang puno, may squirrel at kung ano-anong exotikong ibon ang naglipana.  May probisyon na ang mga gusali ay dapat mayroong green space kaya kahit mainit ang paligid ay presko ang paningin.

“Indian life stops when it rains,” banggit ng host. Wala na raw lumalabas ng bahay, wala nang ganang dumating sa mga takdang oras, matatagalan ang pagbubukas ng pagtitipon. Sa katunayan, nang tawagan niya ang kanyang kapatid kung bakit wala pa ito sa takdang usapan, ang dahilan ay “umuulan kasi.”

Parang tanggap na kapag may ulan, wala nang plano ang matutuloy. O mauunsyami ang maraming bagay at hindi matutupad ang lahat ng plinano.  Malakas at tuloy-tuloy ang monsoon sa New Delhi. May pwersa pero malumanay.  Hindi tulad ng ulan sa Pilipinas, may hangin at nakakatakot matagpuan ang sarili sa labas kapag nangyari ito.

Sa New Delhi, napansin ko na kapag umulan, hindi nagpapayong ang mga tao, lalo na ang mga lalake. Normal lang mabasa sa ulan, magpatuyo na lamang. At tunay na presko ang ulan sa New Delhi dahil tunay rin mainit ang paligid kahit pa panahon na ng tag-ulan. Ewan ko kung ano ang nauna, ang init at ang preskong ulan o ang preskong ulan na inaasahang magtapos sa init.

Pero kahit umuulan ay patuloy ang ordinaryong buhay. May mga batang nagbebenta pa rin ng hand-made na kwintas.  Sinabayan ako patawid ng kalsada.  Nagmumustra na tumigil ang mga sasakayan at nang magkaroon ako ng kumpiyansang tumawid.  Inalok ako ng 10 kwintas para sa 100 rupees (ang rupee ay katumbas ng piso). Tinanong ko kung pwedeng dagdag, sabi niya ay “Ok, Ok,” na para siyang unsyaming matanda na napilitang pumayag.

Nag-withdraw ako sa ATM at matapos ay mayroon iba pang nakaantay na mga paslit na nagbebenta pa rin ng kwintas. Inalok naman ako ng isa ng 25 kwintas para sa 100 rupees.  At dahil doble ito sa unang bili, napa-oo muli ako. Napangiti na lang ako sa wais na batang babae na unang nagbenta sa akin. Entrepreneurial ang mga Indian, bata pa lang ay alam nang dumiskarte para mabuhay.

Walang pinipiling oras ang ulan sa New Delhi. Minsan sa umaga, tanghali, hapon at gabi. Pero walang palya, may isang malakas na ulan kada araw na nandoon ako.  Patuloy pa rin ang buhay mula sa ibaba, nagkakandakumahog mabuhay, magbenta ng mga produktong likha, umawit at sumayaw, magtanghal para sa host ng hapunan, lalo na para sa isang internasyonal na kumperensyang tulad ng pinuntahan ko.

Minsan ay umuulan at malayo ang biyahe. Trafik at pagod na sa araw na iyon. Sa unang umaga pa lang, sa pagbubukas ng kumperensya at sa lawn ito ginawa, may tent at plastic sa putukang lupa, ay walang hupa ang ulan. Umuulan at alam ito, pati ang mga siwang sa loob ng gusali ay tumitiktik. Mapuputik ang entrances.

Ito ang mga kwentong dinaranas at hindi ikinukuwento, sinisimulan nang “Noon nasa India ako…”

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2010/09/tag-ulan-sa-new-delhi/feed/ 0
Kung magkasabay na pumanaw ang mga kasama http://pinoyweekly.org/new/2010/09/kung-magkasabay-na-pumanaw-ang-mga-kasama/ http://pinoyweekly.org/new/2010/09/kung-magkasabay-na-pumanaw-ang-mga-kasama/#comments Wed, 15 Sep 2010 04:13:16 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=9457 Hindi personal na magkakilala sina Alex at Ka Roda, iniisip ko.  Na para ring hindi ko rin naman sila personal na kilala.  Nababasa ko ang mga sinusulat ni Alex sa internet, at simula sa aking kabataang aktibismo, kilala ko na ang matikas na pananalita ni Ka Roda.

May biro akong narinig kay Tony Mabesa, direktor at aktor, na sila (kapwa senior citizens na guro sa unibersidad) ay nasa departure area (ng airport) na.  At ngayon ay napapaisip ako, na hindi nga ba’t tulad ni Tony, sina Alex at Ka Roda, sa uri ng buhay na kanilang pinili—ang mabuhay bilang aktibista, ang mamuhay kabilang ng nakikibakang masa—ay isa nang paglilinya, sa gitna ng fasismo ng estado, na sila man at lahat ng nasa hanay na ito ay napapabilang na sa departure area?

Naalaala ko ang mga karanasan sa airport.  Ito ang tunay na liminal o mala-malang lunan:  papaalis pero hindi pa umaalis, paparating pero hindi pa dumarating.  Wala rito, wala roon.  Hindi rito, hindi roon.  Nasaan?

Mataas ang anxiedad ko kapag tumutungo sa airport.  Tadtad ng what ifs?  Baka hindi umabot, baka maihi sa kalayuan ng biyahe mula Fairview patungong Pasay, baka matrafik, baka nakalimutan ang tiket.  At sa gitna nitong matinding anxiedad, tumitingkad ang pagiging OC (obsessive-compulsive) ko:  paulit-ulit na bubuklatin ang bag para hanapin ang tiket at pasaporte, paulit-ulit na titignan kung tama ang skedyul ng lipad, paulit-ulit na iniisip kung may dalang bawal na bagay (tubig at iba pang likido, lighter at iba pa).

Kakambal ng buhay sa aktibismo ang kamatayan.  Piniling-buhay (life-choice) ang aktibismo dahil walang tunay na buhay ang ipinagkakaloob ng estado.  Bawat isang aktibista ay nakikilahok sa buhay ng kilusan, at bawat aktibista ay sa araw-araw ng pakikibaka ay pinipiling mabuhay.

Nekrophiliko ang estado.  Pinapatay nito ang buhay ng kanyang mamamayan nang mapasunod ito sa kanyang ibig, sa ngalan ng kapital.  Literal nitong pinapatay:  dinadakip, kinukulong, sinasalvage, politikal na pinapaslang.  Sa araw-araw na pagkakataon, ginugutom, tinatanggalan ng dignidad, winawazak ang pagkatao.  Figuratibong minamangmang, pinapalaot sa kultura ng showbiz at nagmamaan-maangang media, dinadahas sa karanasan sa kulturang popular.

Na-confine si Alex sa PGH.  Nakita pa ito sa booklaunch ilang araw lang.  Marami na ang nakakapansin nang kanyang biglaang pangangayayat.  Marami ang nagulat nang bigla na lamang itong pumanaw.  Naiburol ang kanyang labi sa UCCP sa Cubao.  Nang dumalaw kami, kararating lamang ng kanyang ina mula sa Hawaii.

Sa araw ring iyon, pumanaw si Ka Roda.  Matagal nang may karamdaman si Ka Roda.  At magandang nagawan na siya ng tribute video ng Kodao.  Kahit nanghihina na ang kanyang katawan, buhay na buhay pa rin ang paninindigang makilahok.  Nang dumalaw kami sa St. Peter’s, pinapaligiran ng bulaklak ang kwarto, at pinapalabas ang video.

Kapag pumanaw ang mga kasama, magkasabayan man o hindi, may kabawasan sa mga naiwan.  Sino ang hindi mangungulila sa paglisan ng isang pwersang buhay sa pakikibaka ang kontribusyon?  Pero kapag pumanaw ang mga kasama, pinagyayaman din ang naiwan.

May kasiyahan ding nadarama sa pagyao dahil inalay ang buhay para sa bayan, buhay para maging mabuti ang mas marami pang buhay.  Ilan ang makakapagsabi na naging makabuluhan ang kanilang buhay sa antas na nakamit nina Alex at Ka Roda.

Nasa departure area tayong lahat.  Kaakibat ito ng buhay-aktibistang pinili.  At habang may kahandaan sa paglisan at pagdating, ang higit na kahandaan ay ang pagkilos para sa bayan.  Kaya nabubuhay tayong kumikilos para sa bayan, hindi man iniisip na nasa departure area tayo.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2010/09/kung-magkasabay-na-pumanaw-ang-mga-kasama/feed/ 0
Pagdalaw sa Morong 43 http://pinoyweekly.org/new/2010/09/rolando-tolentino-pagdalaw-sa-morong-43/ http://pinoyweekly.org/new/2010/09/rolando-tolentino-pagdalaw-sa-morong-43/#comments Mon, 06 Sep 2010 19:25:54 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=9291 Magkaibang mundo ang Bicutan na dinanas namin isang hapon ng Sabado.  Nang mananghalian kami sa SM, ito ang mundo ng konsumerismo at gitnang uring mamamayan.  Sa labas ay mainit at sagaran ang trafiko ng tao at sasakyan.  Sa loob ay lahat ng bagay na ipinapatangkilik, sa comfort ng aircon, seguridad at fetisistikong komoditi.

Sa kabilang bahagi ng South Luzon Expressway, ang Camp Bagong Diwa.  Hindi kakatwa ang pangalan ng kampo, ang kulungan mula sa Taguig, kontrobersyal at bigtime na kaso, at detenidong politikal.  Tunay na “remoulding” ang layunin, magbagong-gawi’t isip ayon sa dikta ng estado.  Mula sa bukana, diretso, kaliwa at matatagpuan ang isang grupo ng gusali.  Hindi magkakamaling ito na ang preso, puro rehas ang mga bintana, malaki ang bakal na gate, maraming gwardya, may barb wire sa tuktok ng bakod.

May ritual ang pagpasok.  Magpaparehistro, mag-iiwan ng ID, iinspeksyunin ang dalahin sa loob, body search, tatatakan sa braso.  Magkahiwalay ang babae at lalakeng detenido.   Mas mahigpit ang pagpasok sa seksyon ng lalakeng detenido, pinaghuhubad ang dadalaw at kakapkapan daw pati sa singit-singit.

Nandoon na ang ilang babaeng detenido ng grupong Morong 43, mga health workers na patuloy na ikinukulong at kinakasuhan para sa subersibong aktibidad.  Ang waiting area ay mainit, make-shift na pasukan ng semi-basement na seksyon ng kulungan.  Maraming bantay na gwardya, at ang partisyon ay bahagyang nagtatakip sa lutuan para sa mga detenido.

Maraming ipinagbawal dahil nag-noise barrage ang mga detenido para sa pagpapalaya kay Judilyn, ang detenidong nagdadalangtao at nanganak habang nakakulong, at ipinaglaban para makalabas ng preso habang pinapangalagaan ang bagon-silang na anak.  Sa katunayan, sa araw ng pagdalaw namin, bitbit ang mga pagkain para sa mga detenido, lalo na sa isang nagdiriwang ng kanyang kaarawan, ay naka-hunger strike ang Morong 43.

Hindi na sila pinapag-araw sa umaga.  Hindi na sila pwedeng sabayang lumabas kapag may bumibisita.  Hindi na sila pwedeng magprograma sa waiting area.  Paisa-isa na lamang silang tinatawag.  Dito ko unang nakilala at nakakwentuhan si Jacque, ang estudyante sa UP College of Mass Communication.  At kahit ito ang unang pagkakataon, maraming napagkwentuhan ukol sa kanyang paglagi sa kolehiyo at pag-alagwa sa ibang larangan.

Marami kaming nakilala dahil maraming dalaw nitong Sabado ng hapon.  Habang dumadalaw ay gumagawa sila ng beads na bracelet, necklace at iba pang aksesorya na may slogan na “Free the Morong 43,” na mayroon na rin silang nagawang koreorapi at chant.  Naalaala ko noong panahon ng diktaduryang Marcos, na ang mga buto ng sinalvage na politikal na aktibista ay ginawang pendant at mayroong slogan na “Free all political prisoners.”

Mayroon din postcards at blangkong cards na may art work na likha ng detenidong politikal.  Naging plastik ang pendant.  At ilang dekada at ilang henerasyon ng detenidong politikal, busy pa rin sa paggawa ang kababaihang detenidong politikal ng Morong 43 ng aksesoryang tulong-pondo sa kanilang ipinaglalaban, pati pampalipas-oras sa panahon ng pagkakulong.

Nakilala ko ang butihing partner ni Neil, dating dekano sa Fine Arts.  Dinalaw ito ng kanyang kapatid.  Masaya ang pakukwentuhan.  Pero parating may bara sa lalamunan kapag sinasabi kong “Tibayan ang loob, matagal itong laban.”  Hanggang sa hindi intensyunal na barahin ako ng isa, sinabing madaling sabihin ito pero kapag nakakulong, mabigat unawain kung bakit sila nasa loob.

Yung isang inang detenido na dinalaw ng kanyang anak ay tinuruan ng bead work ang batang babae.  Hindi na nag-aaral dahil walang pang-aral.  At malungkot mang isipin, ito na ang bonding ng mag-ina.  Isang mag-asawa ang bitbit ang kanilang hyper na anak na napatahimik pamandali nang dumating ang isang paslit na babaeng tinutukso sa kanya.

Mahirap mangumusta sa mga detenido ng Morong 43.  Ano ang inaasahang isagot nila habang nakakulong at nakalutang sa ere ang kanilang butihing buhay, hiwalay sa pamilya, hindi makakilos sa larangan ng kalusugan na kanilang ibinabakang gawin?

Pero mas mahirap ang mamaalam.  Mas mabigat ang pag-iwan, at maluha-luha sa paglisan.  Napakadali kasing mamaalam sa kanila dahil nakakalabas kami ng detensyon.  Gayong sila, nananatiling nasa loob, nagdurusa.  Sila ang sintomas at katawan ng kawalan-katarungan sa bansang ito.  At ito na lamang ang nagdurugtong kung bakit ang bawat araw ay matinding araw ng higit pang pakikibaka.

Nagbasa ng tula si Joi, sinaluhan ng lahat ng pag-awit ng “Awit ng Pag-asa.”  Inawit din ang isang tula ni Joi, “Ang Pagiging Babae ay Pamumuhay sa Panahon ng Digma.”  Laking gulat ni Joi na alam ito ng mga babaeng detenido.  At sa pag-uusap namin habang papauwi, sinabi niyang ang pinakamaningning na sandali niya bilang makata ay naganap lamang.

Sa saglit na panahong ito, muling nabuhay ang programa sa detensyon.  Muling nakadagsa ang kalakhan ng detenidong politikal.  Muling nabuhayan na ang pagitan ng dalawang mundo sa bahagi ito ng Paranaque ay tulad ng pagitan sa bansa.  At sa dalawang oras na paglagi, kung bakit dito kami kumikiling.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2010/09/rolando-tolentino-pagdalaw-sa-morong-43/feed/ 1
“Bulaklak sa Tubig” http://pinoyweekly.org/new/2010/09/bulaklak-sa-tubig/ http://pinoyweekly.org/new/2010/09/bulaklak-sa-tubig/#comments Wed, 01 Sep 2010 08:45:56 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=9177 Kung hindi ako nagkakamali, ang makata ng bayan ng Chile—si Pablo Neruda–ang nagsabi ng ganitong alituntunin:  kung nais tumula ng pag-ibig, kailangang marunong tumula ukol sa rebolusyon; kung nais gumawa ng rebolusyonaryong tula, kailangang marunong tumula ng pag-ibig.

Matutuwa ang yumaong makata na namatay sa kamay ng fasistang militar at CIA na dito sa Pilipinas, sa patuloy na pag-igting ng makauring digmaan, sa patuloy na paghahanap ng politika ng pag-asa—ng wagas at dalisay na pag-ibig sa tumitinding karahasan ng at neoliberal na estado—ay sabayang nakakatula ng pag-ibig at pakikibaka ang Darna ng panulaang Filipino na ang libro ay matagumpay na nailunsad ngayong hapon.

Kung tutuusin, hindi hiwalay ang pag-ibig at pakikibaka.  Kailangang may pag-ibig para sa bayan para makibaka sa pagpapalaya nito.  Kailangang may pakikibaka ng pag-ibig bilang tuntunan ng higit pang pagyabong ng mismong pakikibaka at pag-ibig.  Kung walang makauring pag-ibig, walang tunay na pakikibaka.  Kung walang pakikibaka, walang tunay na pag-ibig.

Sa tulang, “Muli, Sa Tag-araw,” isinasaad ang pana-panahong pagtatagpo ng manaka-nakang pagdapo at ipuipo ng pag-ibig:  Bawat pagsinta’y tag-araw./ Pawisang noo, anong init/ Kahit ang sorbetes sa aking labi’y/ Anong lamig[….]/Muli at muli akong nagmamahal./ Pagkat bawat pagsinta’y/ biyaya ng tag-araw.

Hindi kalukringan ang umibig, o umasa sa pagdating at pagnatili ng pag-ibig.  Bahagi ito ng sikliko ng buhay at pakikibaka—na ang pag-ibig ay nakakapangyari sa pana-panahon.  Tulad ng pakikibaka, kahit planuhin at plantsahin sa pinakamasinop na paraan, pinag-iibayuhan para sa inaasam na resulta.

Sa tulang “Ang Paborito Mong Produkto,” tinatangi ang politika ng konsumerismong nagbubura sa paggawa, lalo na ang militanteng paggawa:

Ang kape sa iyong tasa,/ Ang gatas sa iyong kape,/ Ang tubig sa pagtimpla,/ Ay gawa ng manggagawa/ sa pabrika ng Nestle[….]/ Tandaan.  Kahit ang Alpo Dry Dog Food/

Para sa minamahal mong si Bantay/ Ay may dugo ng lider-manggagawang pinaslang./ Ay may dugo ng lider-manggagawang pinaslang.

Maalaala ang panlipunang realismo ng panitikan sa Latin Amerika.  Ang hiwaga ng kapital na kinakailangang lusawin ang paggawa sa produkto at unyonismo sa pagawaan ay integral sa lifestyle na ibinebenta sa pang-araw-araw, at sa araw-araw na pagtangkilik ng mga tao sa produkto ng kapitalistang binahiran ng literal at figuratibong dugo ng manggagawa.

Dito sa Bulaklak sa Tubig, ang pinakabagong koleksyon ng tula ni Joi Barrios,–organisadong guro, feminista, labor support organizer, at cultural worker—malikhain at kritikal na nagtatagpo ang mga tula ng pag-ibig, bulaklak at kilig sa isang banda, at mga tula ng pakikibaka para sa P125 dagdag pasahod o pilak na anibersaryo ng Kilusang Mayo Uno, laban sa politikal na pagpaslang at sindak, at para sa rebolusyon, sa kabilang banda.

Hindi nangingiming tumula si Joi para sa bayan at o namimilipit sa pagtula sa pag-ibig.  Bakit hindi, kung ito ang proyekto ng paglikha ng espasyo ng panitikan ng pakikisangkot labas sa chika ng liberal na feminismo na ang personal at politikal ay magkakasalikop.  Mahaba na ang pinagdaanan ni Joi sa sabayang larangan ng pag-ibig at pakikibaka.  At ang leksyon ng lahat ng ito ay sa paglalahad ng mas matalas na alituntunin:  ang pakikibaka ay pag-ibig at ang pag-ibig ay pakikibaka, na ang pakikibaka ay ang pagtataas ng kamulatan, pagpapakilos at pag-oorganisa ng pag-ibig para sa pagpapalaya ng bayan.

Naalaala ko si Joi sa isang SONA na nakatap shoes, kasama ang pinilit na pamangkin na saluhan siya sa kanyang aktibidad, may bitbit na flag at umaariba sa harap ng hanay ng riot police.  Naalaala ko si Joi na nahihibang kapag umiibig, at kahit nahihibang ay nakakadalo ng pulong at sumasama sa pagkilos.  Naalaala ko si Joi na nagpapadala ng bitamina at pagkaing niluto niya sa kanyang iniirog gaya ng pag-ibig sa kasama sa pamimigay ng ensaymada sa mga pagkilos.  Naalaala ko si Joi na nakakagawa ng tula para sa SONA at mga pagkilos sa gitna ng tambak na trabaho.

At inaalala ko si Joi ngayong hapon, nag-aalay ng libro ng tula para sa bayan.  Mabuhay ka Joi, at mabuhay ang sambayanang nakikibaka at umiibig.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2010/09/bulaklak-sa-tubig/feed/ 0
‘Inception’ at kontrol ng panaginip http://pinoyweekly.org/new/2010/08/inception-at-kontrol-ng-panaginip/ http://pinoyweekly.org/new/2010/08/inception-at-kontrol-ng-panaginip/#comments Mon, 16 Aug 2010 08:30:23 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=8871 Matapos ng halos isang buwan, saka ko lamang napanood ang Inception (2010), ang sci-fi na pelikula ni Christopher Nolan at pinagbidahan ni Leonardo Dicaprio.  Boxoffice hit ang pelikula ng ilang linggo, at lahat ng kakilala ko ay pinupuri ang pelikula.  Ito ang pressure sa panonood ng pelikula.  Kailangang mapanood nang kabilang sa usap-usapan hinggil sa pelikula.  Kundi, outsider ang turing, loser at di hip.

Ang pelikula ay kwento ng isang team na pinangungunahan ni Dom (Dicaprio) na kayang kumontrol sa panaginip ng iba.  Ang challenge ng mayamang Hapong negosyante kay Dom ay magpunla ng ideang biyakin ng heredero ng kalabang kompanya para sa kontrol ng enerhiya ng mundo.

Dahil gustong makabalik ni Dom sa kanyang mga anak—matapos magpatiwakal ng kanyang asawang kasabwat din sa adbentura sa panaginip—sumang-ayon ito sa negosyante.  Nagbuo ng bagong team na kinabilangan din ng mismong negosyante para matiyak ang kontrol sa proyekto.  Sa 10 oras na biyahe sa eroplano isinagawa ang plano nang magbiyahe ang heredero nang mamatay ang kanyang ama.

Sabwatan ng negosyo at individual na mersenaryo ang isinasaad ng Inception.  Kayang mamili ng kapitalista ng trabahador na magtataguyod ng kanyang interes.  At mayroon din namang mersenaryong handang isanla ang kanilang kaluluwa—hindi lamang para sa pera—kundi para sa pangako ng historikal na ligaya (ang reunion ni Dom sa kanyang mga anak).

Maging ang negosyante ay may pangako ng historikal na ligaya:  ang kontrol ng negosyo ng enerhiya sa buong mundo.  At sa adbentura ng panaginip, may nilulutas na problema rin ng individual.  Sa pagpunla ng ideang ikalat ang negosyo ng heredero, isinasaad din nito ang pagpaslang sa idea ng otoridad ng kanyang ama, ang natural na rekurso ng kanyang subhetismo sa pamamagitan ng pagtataguyod ng sariling negosyo hiwalay at di-hiwalay sa kanyang ama.

Si Dom ay pumalaot din sa panaginip na may sariling individualistang proyektong itinataguyod:  ang pagpapatawad sa sarili dahil sa revelasyong siya pala ang nagtanim sa isip ng kanyang asawa na mas maganda ang realidad ng panaginip kaysa sa tunay at historikal.  At ito ang makabagong kolonisasyong isinasaad ng Inception:  ang kapitalismong proyekto ng kolonisasyon ng di-kamalayan (unconscious).

Nakakapagpunla ng bagong idea sa kaibuturan nitong di-kamalayan.  Mas malalim, mas may katiyakang magtagumpay na akuin ng tao ang bagong idea, gawin itong nanggaling sa kanya kahit nga artifisyal ang pagkalugar ng idea.  Kapag nagtagumpay ang pagpupunla, nagiging bahagi ng pagkatao itong bagong idea.

Maze ang struktura ng di-kamalayan, pero kahit pala itong maze ay likha lamang ng team para makapagsiwalat ng bagong idea.  Mas malalim ang pasok ng team, halimbawa sa loob ng panaginip sa loob ng panaginip, mas may kapangyarihang makapagmanipula ng kaisipan.  Sa katunayan, sa pelikula, apat na lalim ng panaginip sa loob ng panaginip ang isiniwalat.

At ito ang kontrol sa panaginip.  Akala ng nananaginip ay kanya ang panaginip niya gayong ito pala ay predetermined na para sa kanya.  Periodiko ko tinatanong ang estudyante kung ano ang nais nilang gadget na mabili sa susunod na taon kapag sila ay nagkaroon ng pagkakataon.  Ang mga sagot nila ay Mac Pro, Iphone, Ipad, Ipod, SLR na camera, at iba pang pawang branded na mga produkto.

Hindi kakatwa ito sa dalawang antas.  Una, hindi natatangi ang pangarap, katumbas ito ng global na pagnanasa ng mga kabataan umaasinta sa higit pang kosmopolitanismo at urbanismo.  Ikalawa, ang branding ay ang tagumpay ng negosyo na i-franchise ang global na pangarap—gawin itong kanasa-nasa na handa ang mamimili at mamamayan na pagkagastusan ito sa labis na halaga.

May buy-one-take-two na hamburger pero McDo ang preferensya.  May regular na netbook o assembled na desktop, pero Mac ang preferensya.  Mas mura ang nauna, sobrang mahal sa aktwal nitong halaga ang huli.  Ang kaibhan, mas matagumpay ang pagbebenta ng naratibo ng higit na pagiging global na (konsumeristang) mamamayan ng huli.

May eksena sa Inception na sinabi ni Dom sa kanyang asawa sa ikaapat na antas ng panaginip na ito ay hindi perfekto, isang pilas lamang sa tunay na asawa, at higit sa lahat na si Dom lamang ang umakda nito.  At ito ang distinksyon ng kapitalista sa mamimili:  na ang una ang umaakda ng huli, at sa pagtagumpayan ng huli, inaako ng una ang inakda (brand) bilang sarili ng huli.

Kung magpakaganito, ito naman ang tagumpay ng panaginip sa aktwal:  na mas gusto nating nakahimlay at nananaginip—kundi man gising pero nananaginip pa rin—kaysa sa historikal na realidad na kinasasangkutan natin.  Tulad ng pelikula, malling at iba pang kulturang popular na karanasan—binibili imbis na simpleng tinatangkilik lamang–inaako ang panaginip kaysa tunay bilang mas matimbang na katotohanan.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2010/08/inception-at-kontrol-ng-panaginip/feed/ 0
Haciendero sa toreng garing http://pinoyweekly.org/new/2010/08/haciendero-sa-toreng-garing/ http://pinoyweekly.org/new/2010/08/haciendero-sa-toreng-garing/#comments Mon, 09 Aug 2010 06:21:42 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=8686 Makailang ulit na akong napadaan sa Hacienda Luisita mula sa bagong superhighway.  At totoo namang nakakasindak na ang hacienda ay kinabibilangan ng mall, golf course, special economic zone, mamahaling subdibisyon, at libo-libong hektarya ng tubuhan at asukarera.

Sa Hacienda Yulo sa Laguna at Cavite, ang spiritwal na highlight sa akin ng pagbisita ay pagtungo sa isang patag na bahagi ng bundok, at ang libo-libong hektarya ng niyog at bakahan ay sakop pa rin ng hacienda.  Ang trahedya sa lipunang Filipino ay ang mismong pananatili ng kapyudalan sa sistemang hacienda.   Matapos ng mga 400 taon, hindi pa rin nagbabago simula nang ipamigay ng mga Kastila ang malalaking lupain sa naging kaanib ng panananakop sa sistemang encomienda.

Isang anomalya ang hacienda dahil sa idea na ang piling libo-libong hektarya ay pagmamay-ari ng iisang pamilya o angkan.  Marami sa mga hacienda ay sapilitang pagkakamkam ng lupain ng mga naunang mamamayan dito.  Nabiyayaan ng pambansang sistemang pyudal ang 400 taon nang patuloy na pangangamkam at pagkontrol sa mga hacienda sa bansa.

Indikasyon ito na nananatili pa ring malawak at malalim ang kapyudalan (sistemang malapyudal at malakolonyal) kahit pa sa mga pangako ng corrupt-free (“opposite” of Marcos ni Corazon Aquino), Tiger Economy (Fidel Ramos), para sa mahirap (Joseph Estrada), matatag na republika (Gloria Arroyo), at corrupt-free (Part II) at public-private partnership (Noynoy Aquino) bilang behikulo ng pambansang pag-unlad.

Paano tunay na uunlad ang bansa kung ang kalakaran ng pag-aari ng yaman nito ay nasa kamay ng iilan?  Nang pumasok si Noynoy Aquino bilang presidente, ang insidente ng pagpapatalsik sa magsasaka ng Hacienda Yulo at maging ang patuloy na di-pagdeklara ng posisyon hinggil sa kanilang Hacienda Luisita ang bumati sa kanya.

Pumapatak na ang kanyang unang 100 araw, ang simbolikong honeymoon stage sa bagong pangulo at ang mga institusyong kritiko nito.  Patuloy pa rin ang harassment sa piket ng magsasaka sa Hacienda Yulo.  Patuloy pa rin ang pagtatakip sa problema ng lupain sa Hacienda Luisita.

Nitong linggo, ipinagbunyi ng mga diyaryo na na-settle na raw ang problema sa Hacienda Luisita.  Nagkasundo na ang mga magsasaka at mga Conjuangco at Aquino na magbigay ng dalawang opsyon sa sumasaka:  stock option (na siya ngang dahilan sa patuloy na paghihirap ng magsasaka roon), at piraso ng lupain.  Mabilis ang pahayag ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, hunghang ang sinasabing kasunduan.

Tanging ang faksyong matagal nang sumusuporta sa mga haciendero ang napapayag sa kasunduan.  Maging ang konserbatibong si Christian Monsod, isa sa gumawa ng 1987 Constitution, ang nagsaad ng pagkadismaya sa inaakalang resolusyon sa problema sa Hacienda Luisita.  Wala raw sa spirit ng konstitusyon ang paraan ng pagkaresolba nito.

Sa panitikan, ang manunulat na lumilikha para sa kanyang sarili, ang tumuturing sa sarili bilang natatangi at dakila ay sinasabing “manunulat sa toreng garing” (ivory tower).  Ito ang manunulat na magsusulat ng kanyang obra, kahit hindi pa maintindihan ng mambabasa.  Mambabasa ang humabol para maunawaan siya, basahin din ang nabasa ng manunulat.

May sariling mundo ang manunulat na ganito, at pati ang hacienderong katumbas nito sa kasalukuyang lipunan (ang kapyudalan sa uri ng pagkaunlad ng kapitalismo sa bansa).  May sarili itong lohika, at siya lamang ang nakakaintindi nito.  Sa manunulat, ito ang pagdakila sa Literatura, ang panulat para sa sining at katotohanan ng sarili (ng manunulat lamang).

Sa kontemporaryong haciendero, ito ang pagbabalat-kayo:  hacienderong artista at host na aagawan ang mismong kapatid na pangulo ng moment (inagurasyon) para ibuyanyang ang domestikong problema (ang paghihiwalay sa asawa); hacienderong anak ng mag-asawang pambansang bayaning haciendero na magiging pangulo (na haciendero pa rin); o haciendero sa akademya na ang entitlement ay ang inaakalang intelekwtal na publiko kahit pa wala namang akademikong librong nalathala (ay anong sakit!).

Ang taong namumuhay sa toreng garing ay namumuhay sa purong ere ng kapital.  Pinakamabilis ang sirkulasyon sa unibersalisasyon at ahistorisasyon, ang diwa ng neoliberalismong ipinapatupad sa kasalukuyan.  Kapag namuhay ka sa ere, mas masakit ang paglagapak sa lupa.  Kaya patuloy ang pagkapit sa ere bilang pagkapit sa sariling buhay ng kapital.

Kapag nasa toreng garing, alapaap ang tanawin.  At sa alapaap, ang masayang realisasyon na ang lahat ng natatanaw ay sa iyo.  Kahit pa sa huli, ang katiyakang babagsak ang toreng garing dahil may mas maraming nagbubuklod araw-araw para ibagsak ang kaayusang nagbibiyaya sa iilan at nagpapasakit sa nakararami.  Pero sa ere, at sa tanawing walang hanggan at walang historikal, ang trahedyang nagbabalat-kayo pa rin kahit na nag-iisa, at ang mas malaking trahedyang bilang na ang sandaling ganito.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2010/08/haciendero-sa-toreng-garing/feed/ 0