Pinoy Weekly » PED XING http://pinoyweekly.org/new Philippine news, analysis, and investigative stories Sun, 20 Jul 2014 09:27:46 +0000 en-US hourly 1 http://wordpress.org/?v=3.9.1 Kami ang nag gata, iba ang ngumata http://pinoyweekly.org/new/2013/02/kami-ang-nag-gata-iba-ang-ngumata/ http://pinoyweekly.org/new/2013/02/kami-ang-nag-gata-iba-ang-ngumata/#comments Sun, 10 Feb 2013 07:45:10 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=23108 Kung gaano kalayo ang nilakbay ng mga magniniyog na nagmula pa sa mga liblib na lugar sa Timog Katagalugan, ay ganundin ang inilayo ng narating ng usapang ito.Hindi na ang dahilan ng protesta ang headline. Ang laman na ng mga balita ay ang nangyaring “gulo” sa pagitan ng mga pulis na “nagbibigay seguridad” sa tanggapan ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) at ng mga nagpo-protesta.

Bakit nga ba sila andoon?

Bakit ganoon ang kanilang pagpupumilit at galit?

Ano ba ang kanilang ipinaglalaban?

Yun ang nararapat pag-usapan.

 

Uhaw sa Sariling Bansa

-Noel Gomez

 

Nakikinabang lamang

ang mga nagtatayo ng kubol

sa samu’t saring malls,

mga alien sa ibang bansa

 

habang ang mga magbubuko

ay patuloy na binubukol

ng buklod-buklod na magnanakaw

 

sabay kanta ng,

 

? The coconut nut is a giant nut

If you eat too much you’ll get very fat… ?

 

 

Ang Hatol na Hinasa sa Katas ng Niyog

-Kislap Alitaptap

19 Oktubre 2012

 

Namnamin niyo ang agahang

Pinalasa ng katas ng niyog.

 

Namnamin niyo ang hapdi ng usok

Na sumisiksik sa aming mga mata,

At humihila sa aming hininga.

Namnamin niyo ang lutong

Ng sapal na siya ring aming

Ipinampupuno sa humpak

Naming mga sikmura.

Namnamin niyo ang bigat

Ng koprang tumatagos sa’ming

Balat, lumalasog sa aming mga buto,

At tumutunaw sa aming lakas.

Namnamin niyo ang mantikang

Napipiga sa kopra. Ang mantikang

Pinipiga sa buhay ng aming kapatid,

Anak, at magulang.

Namnamin niyo ang aming kabuhayan.

Namnamin niyo ang aming pangarap.

Namnamin niyo ang aming pagsisikap.

Namnamin niyo ang aming paghihirap.

 

Namnamin niyo ang agahang

Pinalasa ng katas ng niyog.

 

Namnamin niyo ang halimuyak ng koprang

Kumukubkob sa koprahang malaon nang

Tinakasan ng ekta-ektaryang kaunlaran.

 

Namnamin niyo ang agahang

Pinalasa ng katas ng niyog.

 

Namnamin niyo ang umagang sa inyong

Pintua’y ipapaskil ng hamog

Ang hatol ng mga magniniyog,

Ang hatol na hindi niyo ikabubusog!

 

Ang hatol na hinasa sa katas ng niyog!

 

GATA

-MJ Rafal

 

suman na may latik, bikol ekspres, ginataang tulingan.

bago lumapag sa iyong dila at namnamin ang biyaya

ng linamnam, pakaisipin: may panganib sa tuktok

ng puno at sa pagtawid-tawid sa iskapolding ng mga kawayan.

 

ang coco levy fund, ang coco levy fund ay hindi sa akbayan,

 

kundi sa kanilang inaabot ang puyo ng araw, silang magniniyog.

kaya ang libog sa salapi nitong mga umaangkin, alisan natin ng anit,

ilantad ang bungo, biyakin, katasin, ang gata ng kanilang pagkasakim.

alisan ng latik ang kanilang pagkalintik, angkinin ang tamis

 

sa anghang ng ekspres, pakainin ng tinik! pakainin ng tinik!

 

 

Kukote ng Niyog na Kinamote

-Rogene Gonzales

 

“Hundreds of protesting farmers stormed the offices of the National Anti-Poverty Commission (NAPC) in Quezon City Thursday, clashing with riot policemen who tried to stop them with fire extinguishers.”

-Farmers storm antipovery office, DJ Yap, Inquirer.net (http://tinyurl.com/aqcqc2j)

 

_______

 

Biniyak at kinamkam,

pinaiyak at ipinalaman

ang asim sa sikmura

ng nilimas na limos

sa kukote ng niyog na kinamote.

 

Itinarak sa kawalan,

ipinahamak sa karimlan

ang adhikaing binungkal

ng libu-libong di-lumilimot

sa kukote ng niyog na kinamote.

 

Tinahak sa lansangan,

hinawak sa panawagan

ang karalitaang kinasadlakan

at kinimkim sa kakurakutan

sa kukote ng niyog na kinamote.

 

Ngunit sinadyang pinalabas sa palabas

ibinalita sa init ng nagbabagang salita

na ang tanging mahalagang eksena ay:

 

Sinapak, tinadyak ng tibak,

umimik, sumigaw ng ukinam

gamit ang ngitngit, ang pigoy!

 

Halos walang dahilan,

katiting na dahilan

lamang

ang binanggit

kung bakit

 

ang kukote ng niyog ay kinamote!

 

 

Dapat sa mga Iyan Binabato ng Buko

-Piping Walang Kamay

 

dapat sa mga iyan binabato sa ulo

ng buko

 

silang ang iniuulat

imbes na katotohanang dapat isiwalat

iyong pananakit sa tv ipinagkit

na dahil sa apat na dekadang panggigipit

yaong mga nagpoprotesta naitulak na pilit

na lumaban na’t gumanti sa pananakit

 

dapat sa mga iyan binabato sa ulo

ng buko

 

silang nag-uulat

ng kung ano-anong shit

hinggil sa kung bakit

ang mga magniniyog ay naggiit

ng kanilang karapatang ninakaw pilit

ng mga tulad ni Marcos, Enrile, at Danding

at ngayon nga kasama na itong abnoy na praning

 

dapat sa mga iyan binabato sa ulo

ng buko

 

nagsasabwatan ang mga loko

mula kina marcos, enrile at danding cojuanco

ngayon dumagdag pa itong bagong gobyerno

magniniyog ang lumikha ng kita

mga ulupong ang siyang nagpakasasa

magniniyog ang naghirap

mga damuhong linta ang nagpakasarap

 

dapat sa mga iyan binabato sa ulo

ng buko

 

huwag lang isa

kundi tatlo

huwag mula sa malayo

ihambalos dapat sa ulo

kapag nabuhay pa ang mga loko

absuwelto!

 

 

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2013/02/kami-ang-nag-gata-iba-ang-ngumata/feed/ 0
Spell Malicious Mischief? http://pinoyweekly.org/new/2012/04/spell-malicious-mischief/ http://pinoyweekly.org/new/2012/04/spell-malicious-mischief/#comments Fri, 06 Apr 2012 19:14:32 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=19157 Ilang na buwan na mula noong makasaysayang 14-0 Supreme Court ruling na nagbaba ng ganitong mga desisyon: (1) walang silbi ang SDO sa mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita; (2) ipamahagi na ang 4,915 ektaryang lupain sa 6,296 farmworker beneficiary; (3) magbayad ang mga Cojuangco-Aquino ng kabuuang 1.33 bilyong piso sa mga manggagawang bukid, kinuwenta mula sa mga lupang na-convert at naibenta ng mga Cojuangco-Aquino nang hindi ipinaalam ni napartehan ang mga magsasaka (na silang mga part-owner dahil stockholders)—ngunit magpasahanggang ngayon wala pang implementasyong nagaganap.

Sa maraming pagkakataon na kailangan ng opinyon ng Pangulo, naging umid ang dila ni Noynoy Cojuangco-Aquino. Habang sa isyu ng impeachment kay Chief Justice Renato Corona ay napakatabil nito.

Habang nakatutok ang buong bayan sa isyu ng pagpapatalsik kay Corona, nagpapatuloy ang maniobra ng mga Cojuangco-Aquino para matakasan ang desiyon ng Korte.

Nitong Disyembre, nagpasa pa ng sagot ang mga Cojuangco-Aquino, handa naman (daw) silang ipamahagi ang lupa. Pero (1) hayaan pa din daw na ang magsasaka ang papiliin ng kanilang kapalaran: SDO o lupa (sa kabila nang pagsasabi ng korte na walang silbi ang SDO); (2) magbayad din (daw) dapat ang mga magsasaka sa lupang kanilang matatanggap, tinawag nila itong just compensation, ang tanong nasaan ang pagka-“just” kung babayaran mo pa ang magnanakaw sa isinasauli niyang ari na nakaw?; (3) ang mga homelot o mga residensyal na bahagi ng hacienda luisita, na ipinamahagi sa mga manggagawang bukid bilang benipisyo noon sa kanilang pagtatrabaho, bayaran daw ito ng mga manggagawang bukid, sila na lagpas dose oras magtrabaho, at tumatanggap lamang ng 9.50 sa isang araw at nakatanggap ng limos na kakarampot na lupang kabahayan, pagbabayarin pa–ibang klase talaga tumakbo ang isip ng mga panginoong may lupang ito; at (4) hinding-hindi sila pabor na magbayad pa ng 1.33 bilyon gaya ng inuutos ng Korte Suprema sa nauna na nitong disisyon.

Nitong Enero at Pebrero, nagdagdag ng mga puwersa ang militar sa loob ng Asyenda. Pinutakti din ng kasong kriminal ang mga manggagawang bukid nang kanilang okupahan na, hawanin, linangin, bungkalin at tamnan na ang 500 ektarya ng lupang nai-convert noong 1996, pero pinanatiling tiwangwang na lupa sa Baranggay Balite at Texas, sa loob ng halos labinglimang taon. Habang sa land use conversion law, may takda ang batas na takdang panahon para mapalitan ng gamit ang lupa na limang taon lamang.

Unang linggo ng Marso, nang paputukan ng walong (8) beses ng mga guwardiya ng RCBC, mga kasapakat ng mga Cojuangco-Aquino, ang mga mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita na nagtatanggol lamang ng kanilang karapatan sa lupa. Nagkukumahog kasing magpakita ang RCBC ng mga gusali sa loob ng lugar, makikita magpasahanggang ngayon ang di natatapos na bakod na pinigilan ng mga manggagawang bukid na maitayo.

Ikalawang linggo ng Marso, may affidavit na pinirmahan ang mga kapitan ng labing-isang baranggay sa loob ng Hacienda Luisita. Isinasaad ng affidavit na ito na nagagalak ang mga baranggay kapitan sa presensya ng mga militar sa loob ng kani-kanilang mga baranggay. Utang na loob diumano nila sa mga ito ang mga serbisyong panlipunan naihahatid ng mga ito sa kanilang mamamayan. Na wari bang kung walang militar, hindi kaya ng mga kapitan ang pagtugon sa mga batayang serbisyong panlipunan ng kanyang kinasasakupan.

Nitong nagdaang mga araw, inaresto sa pagtatanggol sa kanilang kampuhan ang pitong manggagawang bukid.

Ang kanilang kaso?

Malicious mischief. Oha.

 

Waiting in Vain

Ice Antonio

sabi nga ng isang sikat na kanta
i don’t want to wait in vain for your love.

pahiram muna Bob Marley
meron kasi akong pagggamitan nito:

from the very first time I rest my eyes on you, NOY.
marami ang nabulag mo
but I know, now, that I’m way down on your line,
but the waitin’ feel is fine
so don’t treat me like a puppet on a string
cause I know I have to do my thing
don’t talk to me as if you think I’m dumb
i wanna know when our land will be ours- soon

summer is here
winter is near

kahit anong panahong dumating
kakalampagin ka pa rin
hanggang ang ipinangako mong lupa
ay aming kamtin.

 

En Banc at Ang Misteryo ng Hapis

(sa mga magbubukid ng Hacienda Luisita)

Kislap Alitaptap
06 Marso 2012

Sa tuwing sasapit ang araw na ito
Sa kanilang hapag-kainan,
Nakakalimutan nila
Ang pagdarasal sa halamanan
Ng Getsemani ni Hesukristo.

Sa tuwing sasapit ang araw na ito
Sa maaaliwalas nilang mga tahanan,
Nakakalimutan nila
Ang paggapos at paghagupit
Na dinanas ni Hesukristo.

Sa tuwing sasapit ang araw na ito
Habang nakasanib sa kanila
Ang kapangyarihan ng batas,
Nakakalimutan nila
Ang pagpuputong ng koronang tinik
Sa ulo ni Hesukristo.

Sa tuwing sasapit ang araw na ito
Habang sila’y nakasandal
Sa pader ng katarungan,
Nakakalimutan nila
Ang bigat ng krus
Na pinasan ni Hesukristo.

Sa tuwing sasapit ang araw na ito
Ng kanilang paghihintay sa
Madaratnang piging sa hapunan,
Nakakalimutan nila ang pagkamatay
Sa krus ni Hesukristo.

Sa tuwing sasapit ang araw na ito
Habang sila’y naghuhugas kamay,
Tayo’y manalangin ng lakas
Sa mga barikadang ating itatatag,
At sa mga lakbayang ating binabagtas.

Sa tuwing sasapit ang araw na ito
Magsabit tayo ng pananda sa’ting
Mga kampuhan, ating paghandaan
Ang hudyat ng balaraw, ating palakpakan
Ang tagumpay na ating inaasam.

Sa tuwing sasapit ang araw na ito
Walang hukumanang makakaharang
Sa ating daraanan!
Walang Arko ng Kapayapaan
Ang hindi natin maguguhitan
Ng ating mga panawagan!
Pagkat tayo ang Katarungan!
Tayo ang mapagpasyang Hukom ng Kasaysayan!

 

Sino ang Kriminal?

Pia Montalban

Mananalakay sa madaling araw
Pinosasan mga sikmura naming gutom

Ng lamig ng hamog,

Grave Coercion nilang tinawag
Pagbaklas sa mga alambreng
Bumakod sa aming kinabukasan

Mananakop sa katanghaliang tapat
Hinimas, hinilot, araw-gabing dinilig

Ng dugo,

Robbery nilang tinawag
Pagbawi namin ng kalayaan at karapatang
Makatarungan mapasaamin

Gumigilit ng buhay sa magdamag
Tinagpas at kinatay namin

Ang takot,

Malicious Mischief nilang tinawag
Nang di kami matinag-tinag
Sa lupang nagluwal ng aming paninindigan

Manggagahasa sa dilim ng gabi
Ginapang namin ang salimuot

Ng mga konstelasyon sa langit,

Trespassing nilang tinawag
Nang lukuban ng sigasig at sipag
Pinili naming magbungkal,

Kaysa magnakaw
Ng bait, kabataan at kinabukasan

Mga krimeng dahilan
Ng aming pagkakriminal.

 

Dedma

Murphy SC Red

Sige lang, dedma lang,
“lupain naman ‘to ng aming angkan,”
uto mo sa sariling gusto mong paniwalaan
maski naming ang akala nyo’y mangmang
gayong malinaw pa sa katanghalian
ng bawat katag-araw na pabuya ‘yan
sa himod n’yo sa tumbong at puwitan
ng mga prayle at gobernador heneral
na sa lupang ninuno ay dantaong kumamkam.

Sige lang, dedma lang,
tutal dugo namin at di inyo ang dilig n’yan
pawis nami’t di inyo ang tumatagas
lakas nami’t di inyo ang nalalagas
sa bawat tagpas ng tubó at limpak na tubô
na angkan n’yo ang sumasamsam.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2012/04/spell-malicious-mischief/feed/ 0
Wala daw silang magagawa http://pinoyweekly.org/new/2012/03/wala-daw-silang-magagawa/ http://pinoyweekly.org/new/2012/03/wala-daw-silang-magagawa/#comments Sun, 18 Mar 2012 01:55:19 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=18833 Sa isang bayang mas pinoproblema pa ng mas nakararami ang trapik, pagkaantala sa mga pupuntahan dahil walang masakyan- responsableng pagbabalita nga siguro ang inirereport sa tv, radyo at dyaryo na perwisyo ang naidudulot ng welga ng mga tsuper at operator.

You can’t please everybody, ika nga.

Sa kada pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo, may dalawang panig, ang mga tsuper at ang malalaking kumpanya ng langis.

Trabaho ng mamamayang maaapektuhan ang mamili kung saan sya papanig. Tutol ba sya? O Tama lang na magtaas ng presyo kasi madami naman syang pera?

Kailangang may panigan, obsolete na ang neutrality sa ganitong mga panahon na sahod na lang ang hindi tumataas. Kung hindi ka tututol, by default, ibibilang ka sa mga kakampi ng oil companies.

Payag ka?

Sa kawalang aksyon (Noynoying), ni Noynoy Aquino matataas naman siguro ang IQ natin para malaman kung sino ang makikinabang.

Hindi naman mahirap unawain yun mga hinaing ng mga nagpoprotesta. Una, kung mababasura ang oil derugalation law, makokontrol na ng gobyerno ang presyuhan ng langis.

Pangalawa, kung aalisin ang VAT sa langis, lima hanggang anim na piso ang mababawas kada litrong ikakarga. Imagine, hindi na kakailanganin ng mga tsuper na magtaas ng pamasahe.

Ang laban kontra pagtaas ng presyo ng langis ay hindi lang laban ng mga tsuper at ng kanilang mga operator, laban din ito ng mga namamasahe.

Laban din ito ng mga makata, dahil mamamayan din siya.

LINTIK NA OPH
Mac Ramirez

Sana
bukas
pagkagising
wala nang mga
sasakyan
sa kalsada

Dahil
tao na
ang pupuno
sa mga lansangan
at bangketa

Pagkasawa,
muhi
ang mag-lalangis
sa makina
ng kanilang
kapasyahan

Katwiran
ang gasolinang
magpapa-alab
sa kanilang
mga damdaming
nag-aalimpuyo

At
siyang  tutusta
sa dagat-dagatang apoy
sa palalong
kartel
na lintik
kung tumubo,
gayundin
sa mga
nasa poder
na kanilang
abugado

May
lalapot
pa nga ba
sa langis
kundi
ang makatwirang
sigaw
sa dugo?

Langis sa Luha
-Rolan Decena

Langis sa luha
Pumatak sa lupa
Langis sa sugat
Ay langis din sa lupa

Langis sa labi
Masagana pa ang buhay
Langis sa dugo’t pawis
Ngayo’y agaw buhay

Langis sa mukha
Pawis sa mukha
Kawangis ay kuba
Habang bagtas ang Maynila

Langis sa luha
Langis sa mukha
Wala ng tamis ang labi
Napalitan na ng luha

Langis sa luha
‘Di nabahaw na sugat
Langis sa lupa
Laman lagi ng ulat

Byaheng Fairview
Mina Cruz

kung minsan,
habang nakapako ang nanlalabo kong mga mata
sa hindi maubos na sementadong kalsada,

naiisip kong sana…

sana ay makauwi ako ng maaga
at maabutan kang gising, akay ng mahal mong ina.

ngunit tulad ng maraming gabi,
makikipaglamay muli sa mga gamu-gamo
hanggang umaga,
sapagka’t matapos ang mahigit dose-oras
na b’yahe paroo’t-parito
mabigat sa kalooban ko kung ang iuuwi ko
ay ilang pirasong bente at mga barya.

gusto ko sana na sa aking pag-uwi
ay magawa kong buhatin ka
at ihele sa aking sintunadong bersyon
ng oyaying inaawit ng iyong ina.
ngunit niyakap na naman ng tuyong pawis
at hindi mabakbak na lamig
ang aking pagal na likuran.

gusto ko sanang maging mabuting ama
ngunit sa bawa’t pagtaas ng presyo ng krudo
nalulubog ako sa walang-kitang trabaho
at tila tinutunaw ng ginintuang likidong
pampatakbo ng makinang ito
ang mga pangarap ko para sa’yo.

bukas, sasama muna si ama sa paglalakad sa kalsada.

Sipon
Mykel Andrada

Bukas raw ay magtataas na naman ng presyo
ang langis. Dumaloy ang masaganang
sipon mula sa kanang kuweba ng aking ilong.
Ipinampunas ko ang kamisetang
may mukha ni Superman.
Kumapit ang ilang natirang lagkit
sa aking kaliwang hintuturo’t hinlalaki.
Piningot ko ang sariling ilong
at dahan-dahang suminga para bumulwak
ang naimbudong hangin sa aking mga tainga.
Humikab ako at narinig kong lumabas
mula sa mga tarangkahan kong labi
ang urong-sulong na hilik ng madaling araw,
ang paghaharutan ng mga pusa,
ang namamaos na tilaok ng tandang,
ang garalgal ng konstruksyon ng condo,
ang nangangasong sipol ng takore,
ang nagmumumog na makina
ng mga jeep, bus at iba pang sasakyan.
Hindi pa naiuutot ng aking mga tainga
ang lahat ng bigat ng hangin sa likod
ng aking noo. Lumabas ako ng bahay
at pinausukan ng nikotina ang nagmamadaling
langit: sing-itim ng gasolina ang mga ulap,
minamantsahan ang mayabang
at naninilaw na buwan.
Humatsing ako na parang sunud-sunod
na busina ng nagmamartsang trapik
sa kalsada.

ISNABIN MO ANG OIL PRICE HIKE
-Rommel Forbes Aguilar

Patuloy mong isnabin
Ang patuloy na pagsirit
Ng presyo ng langis
Na tanging Porsche  at Lexus mo
Nalamang ang makakatikim

Patuloy mong isnabin
Ang patuloy na pagsirit
Ng presyo ng langis
Tunay ngang deregularisado!
May pahintulot ng mga bakaw
Sa loob ng kongreso!

Patuloy mong isnabin
Ang patuloy na pagsirit
Ng presyo ng langis
Sapagkat baka magalit
Ang mga boss mong sina
Shell, Caltex, Petron at si Uncle Sam
Na kanilang Ninong at Padrino!

Patuloy mong isnabin
Ang patuloy na pagsirit
Ng presyo ng langis
Nga lamang kaiingat ka!
Sa iyong pagisnab
Baka malingat ka’y
Hindi mo mapansin
Na ang iniisnab mo
Ay ang pagsirit
Ng kumukulong galit!
Ng mga mamamayang
Pudpud na ang saplot sa paa
At pagod na sa kakalakad
Sa di umanoy matuwid mong daan!

Sapagkat hindi na nila kaya pang
Sumakay sa bus at jeepney
Maging sa LRT at MRT
Dahil sa pagsirit ng presyo ng langis
Ikaw! Isnaberong  Noynoy !
Sa pwesto ay mawawalis!

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2012/03/wala-daw-silang-magagawa/feed/ 0
Sa ‘yo, ‘te http://pinoyweekly.org/new/2012/03/sa-yo-te/ http://pinoyweekly.org/new/2012/03/sa-yo-te/#comments Sun, 04 Mar 2012 16:17:11 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=18537 Palaging sinasabi, ang Pilipinas ay isang bayan na patuloy na naghahanap ng iidolohin at bayani.

At bakit nga hindi?

Tuwing SoNA lang umuunlad dito ang ekonomiya. DoLE lang ang naniniwalang mataas pa din ang employment rate. At higit sa lahat, Malakanyang na lang yata ang naniniwalang madami na silang nagawa sa bawat buhay ng naghihikahos nitong mamamayan.

Gutom at uhaw na naghahanap ng inspirasyon, the search is on para sa kanilang hahangaan.

Sa ika-8 ng Marso, buong mundong gugunitain ang pandaigdigang araw ng mga kababaihan. At tampok sa Ped Xing sa linggong ito ang mga tulang inalay sa mga bayaning kababaihan.

Ang Gumamela

Kislap Alitaptap

Ako’y isang bulaklak, Gumamela ang pangalan.
Nakikipaglaro sa araw, pinapaliguan ng ulan.
Aking kinakalabit mga mukhang nagdaraan,
Upang ako’y pitasin at dalhin kahit saan.

Masungit ang araw, manipis ang kaulapan.
Sa aki’y may humaplos na ‘di pangkaraniwan.
Palad niya’y manipis, mainit sa kailaliman.
Sa mukha niya’y nakaguhit, bahaghari ng kasiyahan.

Ako’y kanyang pinitas, pinuri ng walang hanggan.
Isinabit sa kanyang buhok, nagpakuha ng larawan.
Isinama sa pag-akyat sa hagdan ng katibayan.
Papel na siyang patunay sa kanyang kasipagan.

Matamlay ang araw, makapal ang kaulapan.
Sa aki’y nagpaalam ang anghel ng kalusugan.
Karununga’y iaalay sa bakuran ng kanayunan.
Kung saan ang kalusuga’y ‘sing-ilap ng kalayaan.

Ako’y nagtiyaga’t nag-abang sa pintuan.
Sa muling pagdapo ng anghel ng kalusugan.
Ngunit ang dumating ay bangkay na katibayan,
Kabaong na siyang patunay sa kanyang kadakilaan.

Nanlulumo ang araw, nagluluksa ang kaulapan.
Sa aki’y may humaplos na ‘di pangkaraniwan.
Palad niya’y magaspang, nag-aalab ang kailaliman.
Sa mukha niya’y nakaguhit, bahaghari ng katarungan.

03 Enero 2009
-para sa walang hanggang alaala ni Rachelle Mae Palang (1986-2008)

Oda Kay Tanya Domingo

Kislap Alitaptap

Para sa’yo ang karununga’y isang kahibangan,
Lalo na kung ito’y nakataklob sa mga mata ng kat’wiran.

Para sa’yo ang pagmamahal ay isang kalawanging bakal,
Lalo na kung pag-akap nito’y, akap ng kasakiman.

Para sa’yo ang katapangan ay kasuklam-suklam,
Lalo na kung sinusugat nito ang puso ng Amihan.

Para sa’yo ang kasalukuya’y naglalakbay na kasawian,
Lalo na kung binabagtas nito’y pasibong hangganan.

Para sa’yo ang kalayaa’y walang tahanan,
At ito’y makikita lamang sa bukas na naghihintay.

Para sa’yo aming alay ang buhay na kasunduan,
Na habang ang timbangan ng digmaa’y

Wala pa sa kamay ng lumilikha’t nagbubungkal;
Kami ay magtatanghal gaya ng iyong pangalan.

21 Enero 2010

Jema: Amarilyong Sepiro

(Para kay Jemalyn Lacadin)

Mark Angeles

Niyayakap natin ang matandang puno ng mangga.
Lahat tayo, nag-aatang ng ating mga kamay.
Sa ilalim ng malalabay nitong mga sanga
sabay-sabay tayong umuusal ng pulang awit.
Unti-unting natutuyo ang ilang dahon:
humuhulagpos sa kinakapitang duklay.
Inilululan ng hangin sa ibang lugar
at kung mapagal, sa lupa humihimlay.
Ngunit ikaw, Jema, balingkinitang kaibigan,
ay yumapos pa rin sa hitik nang puno
hanggang sa ikaw din ay maging bunga—
nagsa-amarilyong sepiro ang iyong puso.
Ang alaala ng iyong tinig ay bumubulong
sa sinumang humaharap sa panulat.
Ang lagot ng iyong buhay ay bumubudyong
na ang aming hintuturo ay ipingkaw.

 

Oda kay Lucille Gypsy Zabala

Usman Abdurajak Sali

Hindi na mabubura ang iyong mga bakas
Sa armadong landas na pinili mong tahakin.

Sa aming alaala ay buhay at sariwa
Ang mga halakhak mo’t ngiti,
Pagkat sino ba sa amin ang maaring lumimot
Sa tulad mong umaapaw sa kasiglahan?
Sino ba sa amin ang hindi maantig
Sa pagtalikod mo sa kaalwanan
Upang buong-panahong mag-ambag
Sa diwa ng mapagpalayang pag-aalay?

Pag-asa ang hatid mo sa sugatan naming puso
Katiyakan sa mga nagdadalawang-isip
Hamon sa mga pinanghihinaan ng loob,
At paghanga sa makabuluhan mong alaala.

Hindi na mabubura pa ang iyong mga bakas,
Sinusundan ito ngayon ng mga tulad mong piniling mag-armas.

 

Ano ang isang Ina?

Joan Zaragosa

  Ano ang isang ina?
    -Lorena Barros

Ano ang isang Ina?

Bente-kwatro oras
Pitong araw
Isang Linggo
Labindalawang Buwang
Pagpapagal
Ng kung Ilang Taon kang humihinga
Trabahong hindi kontraktwal
Bawal mag-resign, hindi pwedeng masesante
Walang Day-off
At walang anumang umento sa sahod
Na makatutumbas sa halagang gulugod
Ng iyong pagkatao.

Kusinera, Labandera, Serbidora,
Taga-linis, Taga-badyet, Punong-abala
Tubero, Mananahi, Magsasaka
At dumadalas, Ama
Wala nang trabahong di mo kinakaya
Sa pag-ibig sa anak na hulas sa ‘yong pwerta.

Ngunit ano ang isang Makabayang Ina?

Bente-kwatro oras
Pitong araw
Isang Linggo
Labindalawang Buwang
Pagpapagal
Ng kung Ilang Taon kang nakikibaka
Trabahong hindi kontraktwal
Hindi kilala ng bokabularyo ang mga salitang:
                                                 Leave o Lie Low
Walang Day-off
At walang anumang umento sa sahod
Na makatutumbas sa halagang gulugod
Ng iyong paglaya.

Kusinera, Labandera, Serbidora,
Taga-linis, Taga-badyet, Punong-abala
Manggagawa, Magsasaka, Aktibista
At dumadalas sa armadong pakikibaka
Wala nang gampaning di mo kinakaya
Sa pag-ibig sa anak na hulas sa iisang ideolohiya.

 

Hayaan Mong Muli Ka Naming Makasama

Dap-ay Sapata
20 June 2008
Mountain Province

Nanlulumo ang punong pino sa pagdapo ng itim na balita.
Ang haplos ng hangi’y nanginginig, nababahala.
Ang pulutong ng hamog ay nangingilid ang luha.
Ang pagkislap ng kidlat ay pilit pinapanatag,
Ang nagluluksang pagtangis ng kulog.
Nagtatanghal ang ilog ng mga tula ng pakikiramay.

Paano na ang patuloy na pagguhit ng iyong larawan?
Paano na matatapos ang  pagbubuo ng mga pangungusap na ito?
Paano na ang alaala ng iyong tinig, ngayong ika’y kinuha na ng pagkakataon?

Hayaan mong muli ka naming makita…
Sa bawat nagsasalimbayang dahon ng luntian.
Sa kulumpon ng mga makukulay na bulaklak sa sulok ng kagubatan.
Sa akbayan ng mga nakatingalang kalupaan.
Sa tanghalan ng mga alitaptap sa oras ng kadiliman.
At sa hanay ng mga punong nagpapaligsahan.

Hayaan mong muli ka naming marinig…
Sa ihip ng hanging sa ami’y lumalapit.
Sa palahaw ng mga hayop na maiilap.
Sa tudyuhan ng mga kulisap.
Sa pagaspas ng pakpak sa himpapawid na hamak.
At sa panaghoy ng gumuguhit na pasyon ng ilog.

Hayaan mong muli ka naming madama…
Sa bawat kalabit ng mga kawad na baging.
Sa bawat halik ng nahuhulog na tubig.
Sa bawat yakap ng maaamong hamog.
Sa bawat tapik ng nakayukong kugon.
At sa bawat dampi ng nagtatanghal na bolang init.

Hayaan mong muli ka naming makasama…
Sa matatatag na unyon ng barikada.
Sa pagkakapit-bisig sa gitna ng kalsada.
Sa bawat habas ng karet ng pagsasaka.
Sa bawat bilang ng kabataang nag-aalsa.
At sa bawat kamaong sumasagisag ng pakikibaka.

Hayaan mong muli ka naming makasama…
Sa bawat palad na pinagtatagpo ng malayong panahon.
Sa bawat sumasagitsit na punglo ng paghuhukom.
Sa bawat pagkalinga ng pinaglilingkuran nating masa.
Sa bawat bisig na hinuhubog ng Armadong Sigwa.
At sa bawat taludtod, saknong at kataga ng paglaya.

Kasamang Mika, lubusan ka mang inilayo sa amin,
Ng iyong mapangahas na pagsalunga sa unos.
Hayaan mong muli ka naming makasama.
Sa bawat ngiting ibubunga…
Ng nagpapatuloy na paglawak ng pulang republika.

-Para sa makulay at walang hanggang alaala ni Hazel Joyce “Ka Mika” Panganiban. Nagmartir sa isang labanan sa pagitan ng mga pulang mandirigma ng Alfredo Cesar Command (NPA-Ilocos) at mga bayarang tropa ng 50th IB noong ika-5 ng Agosto 2007.

 

Lupa at Buwan (Ang Pamamaalam)*

Dap-ay Sapata
21 December 2007

Isang pulgada kang dumungaw sa nakatingalang kalupaan,
Na tinitirikan ng mga gusaling luntian,
Na pumapatong sa mga nagpapaligsahang mga damuhan,
Na sa init ay sumasayaw, nagpapaalam,
Habang nagtatanong ng walang humpay,
Kailan kaya kita muling masisilayan?

Dumungaw kang lubos na nag-aalala sa tanong na kailan.
Na ngayo’y ginagambala ang ilang araw na tagpuan.
Ng kamusta ka’y, sumulat ka, at sana’y magbalik ka,
Ng mga musikang binabalot ng pamamaalam.
Habang umaasa ng walang humpay,
Sana ikaw ay muli kong makasama.

Unti-unti kang lumalayo sa nakatingalang kalupaan,
Na dahan-dahan ng sinusuyo ng ulap.
Ang mga gusaling luntian ngayo’y matatag ng tahanan,
Ng mga pakpak na sa maghapo’y nahapo at nagdiwang.
Habang nagtatanong ng walang humpay,
Bakit kailangan pang ikaw ay lumisan?

Kinulayan mo ang mga sandaling nabubuhay ang mga alitaptap,
Na isinasalarawan ng mga kulisap.
Kawangis ng mga nakasabit na pangungusap,
Na kinukumutan ng makapal na ulap.
Habang nangangarap ng walang humpay,
Na sana ang bukas ay walang kasing-kulay.

Tuluyan ka nang lumisan sa kanina lang ay kadaupang palad mong kalupaan.
Ang malambing mong ngiti ay nagbibigay liwanag sa dilim ng pamamaalam.
Habang ikaw ay lumalayo, pananabik ay umaapaw.
At sa iyong pagpanaw, ako’y umaasa’t tumatanaw,
Na tulad ng pagsuyong kalupaan at buwan,
Ang ating paglalayo ay panandalian lamang.

*para kay Pilar

 

Walang Ibang Tamang Landas

Pia Montalban

Nang mailathala ang kwento
ng iyong kabayanihan. Di malirip na
kilabot ang naglakbay sa aking kalamnan.
Naghatid ito ng dagitab
sa puso kong nananamlay.
Naghatid ng panibagong lagablab
sa ningas kong aandap andap.

Gusto kong maiyak. Nangalit
ang aking ngipin sa dalit.
Napakuyom ang mga kamao, naitaas
ng marahan, na hindi namamalayan.
Awtomatiko ang tugon. May kung
anong lubid ang sa iyo at sa akin
ay nagdudugtong.

Ngunit pang-ilan ka na ba?
Hindi ka nagiisa, at hindi ikaw ang una,
ngunit tiyak hinding-hindi ding magiging huli–
hanggat ang lipunang ito’y nahahati sa uri.
Hanggat ang tunggalian ay di pa napapawi. Hanggat
may buhay na inuutang, may dugong ibinubuwis,
mananatili–

Ang mga kabataang, iskolar
na nagaaral ng lipunan sa kagustuhang
baguhin ito. Ang mga kabataang,
hindi kinayang bumili ng inilalakong
edukasyon, kaya lumabas ng apat na sulok
ng silid aralan. At pinagtapos
ng pambansa demokratikong paaralan.

Ang mga babaeng, ang alindog at ganda’y
hindi kahinaan. Pagka’t may katapangan
sa pagtangan, ng landas na huhubog
sa pangarap na lipunan. Ang mga babaeng,
hindi nagpadikta sa lipunang nagtatakda
na ang kusina’t bahay ang tangi nilang kaya,
bagkus nagtangan ng armas, para sa masa.

Ang mga magsasaka, manggagawa,
at iba pa. Ay haharap sa kanilang natatanging
misyong mapagpalaya. Ang buong mamamayan,
ang masang api at pinagsasamantalahan.
Titindig, babalikwas. Pagkat sa lipunang
ang karapatan ay iginigiit at hindi iginagawad,
walang ibang tamang landas.

Kundi ang tumungo sa kabundukan,
at pabahain ang lansangan.

—-
isang iskolar ng Bayan, kabataan at babae,
si Kemberly Jul Luna, ay namatay na tangan tangan
ang pambansa at demokratikong pakikibaka.

ang kanyang buhay, at kamatayan, ay mananatiling
inspirasyon at gasolinang magpapaandar
sa pagpapatuloy ng paglalakbay at pakikibaka
tungo sa isang lipunan na wala nang pagsasamantala
ng tao sa tao.

 

Oda Kay Tanya Domingo

Kislap Alitaptap
21 Enero 2010

Para sa’yo ang karununga’y isang kahibangan,
Lalo na kung ito’y nakataklob sa mga mata ng kat’wiran.

Para sa’yo ang pagmamahal ay isang kalawanging bakal,
Lalo na kung pag-akap nito’y, akap ng kasakiman.

Para sa’yo ang katapangan ay kasuklam-suklam,
Lalo na kung sinusugat nito ang puso ng Amihan.

Para sa’yo ang kasalukuya’y naglalakbay na kasawian,
Lalo na kung binabagtas nito’y pasibong hangganan.

Para sa’yo ang kalayaa’y walang tahanan,
At ito’y makikita lamang sa bukas na naghihintay.

Para sa’yo aming alay ang buhay na kasunduan,
Na habang ang timbangan ng digmaa’y

Wala pa sa kamay ng lumilikha’t nagbubungkal;
Kami ay magtatanghal gaya ng iyong pangalan.

 

Lina

Alexander Martin Remollino

In memory of Myrna “Ka Lina” Fajardo, outstanding human rights activist, 1959-2006

To us, it was like a sudden rain in summer
when death stopped the heart that beat
for those whom false gods sought to strip
of their humanity
for raging against the inhuman life
foisted by a few on the many,
the heart that burned like a prairie fire
when those who were trampled upon
were being tempted to betray themselves
for thirty pieces of silver.
It was like a sudden rain in summer,
and the rain will be long and hard.
But we shall last through the rain
with the thought that your heart continues to beat
in every breast that’s filled with yearning for the day
when it’s no longer a crime
to loathe the life unfit for humans.

2006, January 16

 

Ang Babae

Joan Zaragosa

Ang babae
ay tinawag na babae
dahil nakaupo siya kung umihi
at walang nakasabit
sa pagitan ng singit
na tumitigas kung nagagalit.

Anatomiya
ang susing mapagpasya
kaya ikaw ay nilista
ng doktor o komadrona
bilang baby boy o baby girl sa opisyal na tala.
Anatomiya, wala nang iba.

Iisa lang naman ang “uha”
mapababae o lalake man ang bata.
Sa oras na iyon, hindi siya ang mapagpasya.
Anatomiya, anatomiya ang mapagpasya.
Hindi ang ina, ama, lalong hindi ang walang muwang na bata.
Hindi din ang gawi, kilos, kalikasan, kapagdaka–
Dahil ang tala,
sa munisipyo, na may pirma
ng nagluwal sa bata
ay tala na hindi mabubura.

Hindi ang pagluluwal ng bagong tao sa sanlibutan
ang pinakamatayog mong obligasyon sa bayan.
Babae ka pa rin kahit hindi pagpalain ang bahay bata mo.

Sakaling gampanan mo ang natatangi mong misyon,
na di kayang gawin ng lahi ni Adan–
mamintog ang tiyan mo’t magluwal ng sanggol ang sinapupunan,
hindi ang lampin, pinggan at kama ang iyong tanging laruan.
Tanging Babae ang nagiging Ina,
ngunit hindi tanging ang pagiging Ina, ang misyong nagiisa.

Hindi nagbabago
ang tunay mong anyo–
Babae ka!

Hindi yan nababawasan
kahit puta kang marungis
Hindi yan nadaragdagan
kahit santa kang anong linis.

Babae ka!

Kabataan, Lider, OFW,
Makata, Artista, Aktibista,
Doktora, Nars, Pulang Mandirigma.

Babae ka!

Huwag magpaumanhin,
ikaw na kaluluwa at salamin
ng Bayang ito.

Basagin ang palamuting kwadro
na nagkulong sa iyo sa burges na mundo.

‘Di anak ang tanging medalya mo.
‘Di postura ang pagkakakilanlan ng pagkatao mo.
‘Di kusina at kama lamang ang babagay sa angking talento mo.
‘Di kumpleto ang kalayaan kung di ka kasamang nagtagumpay dito.

‘Di lalaki ang bubuo sa iyo.
‘Di din sila ang babasag sa iyo.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2012/03/sa-yo-te/feed/ 0
Malayang Diwa http://pinoyweekly.org/new/2012/02/malayang-diwa/ http://pinoyweekly.org/new/2012/02/malayang-diwa/#comments Sat, 11 Feb 2012 17:34:37 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=18197 Isang taon na ang lumipas mula nang akusahang miyembro ng New People’s Army at ikulong si Ericson Acosta. Isang taon na ang lumipas, ngunit hindi pa rin napatutunayan ang katotohanan ng mga kasong inihain laban sa kanya. Arts month pa man din ngayon, at kung wala lang ding maihahaing matibay na ebidensya ang pamahalaan laban sa makata-manunulat-mangaawit-kompositor-manggagawang pangkulturang si Ericson, mas makabubuti pang palayain na lang nila.

Hayaang marinig ng sinumang nais makinig ang malayang diwa ng kanyang mga salita. Hayaang madama ng sinumang nakadarama ang pag-ibig na nakapaloob sa sining na iniaalay niya sa bayan.


Rain Song

Rustum Casia

Sana umulan ng common sense,

at ipagbawal ang sumilong
at ang pagdadala ng payong.

I-require sa mga nagdududa,
walang opinyon at tatanga-tanga

na kahit ilang minuto,
magpa-ambon.

Sana umulan ng common sense.
Sana umulan ng common sense.

Utang na loob, samahan natin sila.
Maligo tayong lahat.

FYI: Sabi ng mga sundalong nakahuli kay Ericson Acosta, NPA daw siya. Mataas na opisyal ng NPA.

Dahil may dala siyang laptop.

Si Rustum Casia ay isa sa mga nagtatag ng grupong Kilometer 64 Poetry Collective. Aktibong miyembro ng United Church of Christ in the Philippines. Kasapi rin siya ng Artists Arrest at Concerned Artists of the Philippines.


Sa Labas Na Mundo

MJ Rafal

marahil kinaiinggitan mo sila
ang ipis, gagamba, langgam, langaw
na malayang lumipad-gumapang
o maging ang mga ibong
sumisilip sa maliit na uwang ng maliit
na bintanang miminsang ding nagkakait
sa iyo ng liwanag sa tuwing ang araw
at buwan ay di makasilip sa kapirasong
espasyong nagpapagunita na
ang iyong kalayaan ay ikinulong kasama
ng iyong karapatan
marahil nga’y kinainggitan mo sila
mga insektong malayang labas-masok
sa makitid at mainit mong puwang
kinainggitan mo ngunit di pinandirihan
pagkat batid mong mas masahol pa
sa kanila–absurdong mukha ng karum’han:
antena, maitim, lagpas limang mga paa,
mabalahibo, mabalasik tumitig na mga mata–
ang mga unipormadong robot
ng pandarahas at panggigipit
marahil nga’y kinaiinggitan mo sila
na nasisikatan ng araw,
nakalalanghap ng hamog,
sinusuyo ng ulan,
tinititigan ng buwan,
hinahaplos ng hangin
marahil kinaiinggitan mo sila
sa kanilang laya
naisaisip mo marahil
na mapalad sila, mas mapalad
sa mga unipormadong robot
ng pandarahas at panggigipit
mas mapalad sa mga naka-amerikana’t
barong sa karnabal ng kongreso,
malakanyang at senado
mas mapalad pagkat pinakikinabangan
ng kalikasan anumang kaanyuan
mayroon ang pinandidirihan nilang kabuuan
naniniwala kang mas mariringal
ang mga insekto,
sa mga unipormadong robot
ng pandarahas at panggigipit
mas marangal sa mga naka-amerikana’t
barong sa karnabal ng kongreso,
malakanyang at senado

at mapalad ka rin, alam mo
pagkat higit pa sa pisikal ang pakikiniig mo
sa labas na mundo
pagkat tulad nila, laksa-laksang
taon kang mananatili
sa labas na mundo
tula mo’t sining ang insektong
gumagapang patakas, malaya
sa labas na mundo.

Si M.J. Rafal ay mahilig tumula. Paborito niya ang linyang “Poetry, like bread, is for everyone.” ni Roque Dalton. Ilan sa mga idolo niya sa pagtula ay sina Stum Casia, Kislap Alitaptap, Pia Montalban at si Alexander Martin Remollino. Mahilig din siyang magbasa at maglakad.

 

Tumula Ka, Ericson Acosta

Jeric Jimenez

Tumugon ka
Manunula ng bayan
Pinatutula ka nila
Pinatutula ka ng bawat hagkis
Ng kanilang mga kamao
Pinatutula ka nila sa kadiliman
Isigaw mo!
Hindi ka nila naririnig.

Kahit ang bagwis ng bawat suntok
Isumbong mo man sa iyong mga tula
Hindi nila maririnig,
Subalit ang mga tula mo
Tila tinik na sumusugat sa lalamunan
Marahang dumadausdos
Sabay ng pag-agos ng dugo
Tila bulong, nakabibingi’t nakatutulig
Tila kidlat, matalas. Nakasisilaw.

Isigaw mo!
Hindi ka nila naririnig!
Isigaw mo pa!
Dumaing ka pa!
Sapagkat nakapiring
Sapagkat sinasalubong ng mga parte
Ng iyong katawan
Ang mga suntok at sipa
Ang dura at hambalos ng mga baril
Tumula ka
Manunula ng bayan
Tumula ka
Humihiling sila ng mga linya.

Hindi man marinig ang iyong mga tula
Hindi man marinig ang iyong mga sigaw
Nakikita mo ang katotohanan
Sa kadiliman
Nakikita mo sa kadiliman,
Ang mga halang nilang kaluluwa.

Sa kadiliman,
Pinatutula ka nila
Tumula ka!
Manunula ng bayan
Upang mapagbigyan
Hayok nilang kamao
At makita nila
Halang nilang kaluluwa.

Tubong San Carlos City, Pangasinan ang 23 taong gulang na si Jeric Jimenez, siya ay Jeric ay nagtapos ng Batsilyer ng mga Sining sa Filipinolohiya at naging Katuwang na Patnugot ng The Catalyst, opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng Politenikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP). Kasalukuyang nagtuturo ng asignaturang Filipino sa ICCT Colleges at regular na contributor ng mga maikling kwento sa KAILYAN, isang online community group ng mga kababayang Overseas Filipino Workers (OFW) at ng mga tula sa KM64.

 

Lumaya Ka

Lenkurt Lopez

Kumusta? Nakita ko ang kalabaw sa Cubao.
Isasama ko ito sa aking pagdalaw.
Tatabasin ko ang ulo at sa sungay ang tangan-
ito ang magsisilbing tanglaw patungo sa madilim mong piitan.

Alam kong mahirap marating ang iyong selda aklatan.
Sa unang pinto pa lang, meron nang kapkapan.
Ngunit hindi kami malilinlang ng mga militar at parak-
dahil ang susi ng kalayaan mo’y sa isipan namin nakapasak.

Patuloy ang rebolusyon-

tatalas ang talim ng ika-anim na sundang dahil sa bulok na konstitusyon.

tutuligsain,

tutugisin ang mga sakim sa tuwid na daang pahamak.
Ang ikapitong sundang sa leeg nila’y itatarak.

Ikubli mo ang pag-asa-

mangarap,

lalaban,

lakasan ang loob.

Isang palakat,
walang kasunod na hikbi-
para sa iyong kalayaang minimithi.

Si Lenkurt Lopez ay kasalukuyang nakabase sa lalawigan ng Quezon; tagasalba ng mga sirang cellphone at alipin ng tarpaulin printer.


Tinintahang Granada: Balinguyngoy ng Nanggigitatang Gwardya Sibil

Noel Vinoya Gomez

Hanggang sa huling hantungan,
hindi ko papayagang mawalay
ang minsang nangyari sa akin,
ang kagimbal-gimbal na araw
bago sumapit ang araw ng mga puso.

Napakagaling nga naman ng mga gwardya sibil
kung ako’y arestuhin nang wala man lang
maipakitang kahit anumang nasusulat na katibayan
at dali-daling dinampot sabay isinilid sa loob ng sasakyan.

Pinagbintangang kasapi ng rebelde.
Aba! Tamang hinala pala at hindi
masusing imbestigasyon ang ipinaiiral
sa mga ganitong panahon,
panahon ng biglaang pagkawala.

At ano naman ang problema kung ako’y kasapi nila,
nilang tanging hangarin ay pagbabago,
pagbabago ng sistemang matagal nang
niyurakan at nilapastangan ng mga
mapanlinlang na buwaya’t palamunin ng mamamayan?
Hala! Sila talaga ang patunay na buhay ang mga
salot at taksil ng lipunan.

Mas mabangis pa sa madyikero kung magpalitaw
ng granadang pinagduduldulan sa sariling bulsa galing.

Mahiya naman sa mga iskwater kung magpalipat-lipat
ng sandamakmak na kutang pinamumugaran ng mga nanggigitatang gwardya sibil.

Dinaig pa ang asong nagkakalkal ng pagkaing
mula sa mga basurang nakahandusay kung magtanong.

Mas brutal pa sa mga Hapon, hindi dahil sa
pantotortyur nang walang-pahingang apat napu’t apat na oras
kundi sa mismong kababayan pa ginawa ang kahayupan.

Anong petsa na? Ilang pagdinig na’ng aking nadaluhan at ilang buwan
nang nagmamantikilya sa likod ng rehas.

Pakinggan n’yo ang sigaw ko’t
sigaw ng aking mga kasama:

Sawang-sawa na ako!
Sawang-sawa na ako sa kalaboso!
Sawang-sawa na ako sa pasismo!
Sawang-sawa na ako!

‘Yan ang granada ko
at sasabog na ang aking granada!
Granadang babalinguyngoy sa inyong lahat!

8 Disyembre 2011
ER, Philippine Heart Center

Nagtapos ng Bachelor in Secondary Education (Major in English) sa University of Santo Tomas ang makatang si Noel Vinoya Gomez. Isa nang lisensyadong guro at kasalukuyang private tutor.  Mababasa ang ilan sa kanyang mga tula sa www.sandatangnaghihingalongaswang.blogspot.com/


Obra

Pia Montalban

Himig ng lahing inaglahi–Himig ng masang api:
Himig ng magsing-kasi, sa isa’t isang iisa’y napili:
maglingkod sa bayan, paglakbayin ang mga binti
sa kanayunan pabaha sa kalunsuran ang sidhi

ang mga tema ng iyong mga obra.

Sining na iniaalay para sa lahat at di sa iisa.
Sining na responsable, napapanaho’t mapagpalaya.
Sining na naglilingkod nang tapat sa bansa.
Sining na iniaalay sa mas malawak na bilang ng masa.

Iniluwal at iniluluwal mong mga awit
nag-anak at nag-aanak
ng mga kung-makakapit-
at-makatangan-sa-karit-
at-masa ay buhay ang tinatayang kapalit

ang saysay ng iyong mga obra.

Sining na nagsusulong ng pambansang demokrasya.
Sining na nagmumulat, nagpapakilos, nagoorganisa.
Sining na pumupukaw sa sensibilidad, at gumigiya.
Sining na naglalantad ng tunay na itsura ng demokrasya.

Dinukot ka nila bilang pagtatangka
maitigil ang tunggaliang sila ang nagsimula.
Ngunit ang pagtatangka’y pumalya
nadukot nga ang pisikal mong presensya…

hindi naman iyong mga obra—

Pia Montalban. Babae. Edad bente-nuebe. Romantic Heart Disease Survivor. Rice Terminator. Dating Model ng Rejoice, nasesante at nasampahan ng asunto sa nilikhang trapik sa EDSA. Hindi pa convicted yet on-bail, tambay sa Facebook at Multiply.

 

Monumento

Kislap Alitaptap

Matagal nang walang nagtatabas
Ng damo sa palibot ng Monumento.
Naungusan ng dagdag pasaheng piso
Ang pagpapalit ng pinturang nakasuot
Sa bandila,
At tabak,
At ng Katipunero.

Ganito ang Monumento
Ngayon,
Ericson.
Karaniwang panoorin
Na lang ito,
Sa mga estudyante,
Mga tsuper,
At mga pasahero.

Oo, karaniwan…
Gaya ng karaniwang
Paglalamay dito ng mga kandila,
Pagpapakilala ng mga karatula,
At pagsisikap ng mga mandudula.

Tutugisin ng panahon ang Monumento.
Ang ulan ay magpapakabato
Upang talupan ito
Ng diwang sinasaludo.
Bibigwasan ito ng pagkalimot,
Pupulaan ng mga nababagot,
At hahayaang maakyat ng lumot.

Ngunit walang makakapagtago
Ng katiyakang
Ang bandila,
Ang tabak,
At ang Katipunero,
Ay ikaw.
Nabubuhay,
Nagpapakatatag
At magpapakatatag.

17 Pebrero 2011/0236H

Si Kislap Alitaptap ay unang naging kasapi ng Alpha Sigma Fraternity, dun rin unang namulat, hanggang sa maging kasapi ng ANAKBAYAN. Taong 2009 ay sumali siya sa Gawad Palanca, hindi nanalo. Maliban sa hilig sa pagsusulat ng tula at kuwento, mahilig din siyang magbasa, at mahilig ding makinig.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2012/02/malayang-diwa/feed/ 0
Sumuko ka na, sumuko ka na, napapaligiran ka namin http://pinoyweekly.org/new/2012/02/sumuko-ka-na-sumuko-ka-na-napapaligiran-ka-namin/ http://pinoyweekly.org/new/2012/02/sumuko-ka-na-sumuko-ka-na-napapaligiran-ka-namin/#comments Mon, 06 Feb 2012 20:51:18 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=18074

Masakit sa isang pamilya ang mawalan ng mahal sa buhay. May mga nawawalan dahil sa sakit. May nawalan dahil sa di maiiwasang aksidente. At may nawalan dahil inagaw ng kung sino ang mga mahal nila.

Ang panghuling pangungusap ang pinakamasaklap sa lahat ng kawalan. Mangangapa, maghahanap sa wala; walang sisimulan at walang tiyak na tapos. Hindi basta-basta na lamang ang mga pagkawalang ito dahil nasa likod ng mga ito ay ang mga demonyo at berdugong tila mga aswang na naniniktik at pataksil kung manila.

Iyan si Jovito Palparan at ang kapwa akusadong si Master Sgt. Rizal Hilario.

Insensitive
, ika nga ng abogodang si Edre Olalia.

At tila gusto pang pigaan ng kalamansi ang sugat, sasabihin sa mga miyembro ng mamamahayag ng isa sa mga abogado ni Jovito Palparan na buhay pa daw sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño.

Ngayong nalalapit na ang araw ng mga puso, huwag nating kalilimutan ang Pag-ibig sa Tinubuang Lupa. Huwag nating hayaang “Rumamona” ang mga berdugong dapat managot sa kaniyang mga kasalanan, sa mga pamilya ng kaniyang biktima, at higit sa lahat, sa taumbayan.

Narito ang mga makata ng KM64, handang tumutugis sa berdugong si Jovito Palparan. Tunghayan, at sabay-sabay tayong sumigaw:  HULIHIN SI PALPARAN! PAGBAYARIN!

Kung Ano ang Katuturan ng Kagitingan

Alexander Martin Remollino

Dati nang nasabitan ng Medalya ng Kagitingan
si Jovito Palparan, Jr.
Hindi raw magiging heneral si Palparan
kung hindi isang “tunay na lalaki,”
ayon sa dating heneral na si Eduardo Ermita –
na ang pagpapakahulugan sa pagiging isang “tunay na lalaki”
ay pagiging isang huwaran ng katapangan.

Ano ang katuturan ng kagitingan?

Itanong natin sa mga paslit na Tausug
na pinagpapatay ng mga sundalo sa Sulu
upang, diumano,
huwag nang makasapi pa sa “rebeldeng” mga Moro.
Itanong natin kay Marcelo Fakila,
ulama sa isang baryo sa Sagada –
dinukot at pinahirapan ng mga sundalo.
Itanong natin sa lilimahing taong gulang na batang
pinaslang sa Laguna;
at kay Niña Angela Apolinar,
walong taong gulang,
na ginapos sa mga kamay
bago kinitlan ng buhay sa Oriental Mindoro.
Itanong natin kay Marvin Montabon,
binaril at sinilaban isang madaling-araw
sa sariling tahanan.
Itanong natin kina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan:
sinugod sa dampang tinuluyan habang natutulog,
binati sa paggising ng nakatutok na mga baril,
piniringan — at sariling kamisetang hinubad kay Karen
ang ipinampiring sa kanya –
binitbit at hindi ilitaw ng mga sundalo.

Itanong natin sa mga Expedito at Manuela Albarillo,
sa mga Choy Napoles, Eden Marcellana, Eddie Gumanoy,
Felidito Dacut, at Orlando Rivera –
mga walang sandata, pawang pinagbabaril hanggang mamatay.

Sila ang makapagsasabi
kung kagitingan nga bang maituturing
ang manakit ng mga di-makalaban,
ang pumatay ng mga di-makapagtanggol ng sariling buhay
laban sa mga baril.

2006, Setyembre 13

Lingid tiyak sa marami si Alexander Martin Remollino o Alex ay mahilig kumanta at maggitara. Ilan sa mga paborito niyang tugtugin ay ang mga kanta nina Gary Granada at Jess Santiago. Nung mga panahong hindi pa uso ang mga iPod at mp3 player, hindi mawawala sa bag niya ang kanyang cd player at isang dangkal na audio cd.

MGA BUGTONG NA HINDI PALPALARAN*

Mark Angeles

Nang munti pa’y minamahal,
nang umalma na’y pinugutan.

Sagot: ____________

……………

Nagtago si Jovito, labas ang ulo.

Sagot: ____________

……………

Baston ni Palparan,
hindi mabilang-bilang.

Sagot: ____________

*palpalaran – “padalus-dalos” sa wikang Pangasinense

Awtor ng dalawang bonggang libro si Mark Angeles, ang Patikim at Emotero. Makakabili nito sa Bookay Ukay sa 55 Maginhawa, QC

Sumuko ka na!

Kojak Yo Brown

Sumuko ka na
Napapaligiran ka na namin
H’wag kang mag-alala
‘di ka namin papatayin

Ihagis mo ang iyong baril
Itaas mo ang iyong kamay
Arestado ka sa salang
Paghalik sa pwet ng amo mong dapat nang mamatay

Berdugo ng kanayunan
Marapat ka nang burahin
Nang ‘di na pamarisan

Sumuko ka na
Wala ka nang tatakbuhan
H’wag kang mag-alala
‘di ka muna namin papatayin

H’wag kang malikot
Nang ‘di na lalo pang masaktan
Magiging matamis
Paghalik ng despalinghadong ari mo sa kutsilyo ko

Berdugo ng kanayunan
Pagpatay sayo’y dahan-dahan
Nang sakit ay iyong lalong maramdaman

Sumuko ka na
Baka sa ami’y may matirang awa pa
Magdasal ka kung sakaling marunong ka
Nang bangkay mo’y
Baka sakaling makilala pa

Putang ina ka
Ilang pamilya
Ang inalisan mo ng
Anak, ama at ina?
Ngayon aming iisa-isahin
Ano kayang magandang unahin
Iyong ulo, kamay o paa?

Berdugo ng kanayunan
Katawan mong dati nang walang kaluluwa
Ni sa impiyerno’y ‘di bibigyang halaga

Si kojak ay isang mag-aaral ng batsilyer ng peryodismo sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas. mabaho ang paa.

Pagtugis ay Sipagan

Noel Vinoya Gomez

Hindi pelikula ngunit pinilahan
ng mga puki’t titeng kinupitan
ng mga karapatan at katapatan
sa inang bayang gabay at utos
ng mandarayang daga.

At ngayong inakusahan, kinasuhan
naglaho, nakihalubilo,
itinakas ng matitikas
pagtugis ay sipagan
gantihan ng pag-iingat ang sarili
nananatiling buo ang berdugo.

Nagtapos ng Bachelor in Secondary Education (Major in English) sa University of Santo Tomas ang makatang si Noel Vinoya Gomez. Isa nang lisensyadong guro at kasalukuyang private tutor.  Mababasa ang ilan sa kanyang mga tula sa www.sandatangnaghihingalongaswang.blogspot.com/

HULING LIHAM PARA KAY BERDUGO*

Lorena Castro

Jovito,

nakalulungkot isiping
nagmaliw na ang iyong pagtingin,
dahil ba sa kagandahang kumupas
o sa aking pagkabirheng dinahas?

Bakit ka tumatakbo Berdugo?
natatakot ka ba sa anyo ko?

Wag kang mag-alala,
matatakpan naman ng “make-up”
ang mga pasa at sugat sa balat.

Pagkatao kong dinungisa’t ginahasa,
matatakpan din ng trahe de boda;
ternuhan pa ng gwantes na malinis
upang kulang na daliri’t kuko’y di mapansin;
Ipinatahi na rin yaring sugat sa ulo
upang bumagay sa ipapatong na belo.

Palparan,
maaari mo silang takbuhan
ngunit ang nalalapit nating pag-iisa
ay di mo matatakasan.

Dahil matapos ang sumpaan
at matagal na takbuhan,
ay mag-iisa rin ang ating buhay
at magsasama panghabambuhay sa hukay!

*Sa punto de bista ng mga kasamang pinaslang ni Palparan.

——

Tubong Cavite at panganay sa tatlong magkakapatid si Lorena Castro. Nagmedyor sa kursong asignaturang Filipino sa Pansekundaryang Edukasyon sa Pamantasang Normal ng Pilipinas. “Sumulat para sa tao at hindi para sa tao”, ito ang matibay na pundasyon ng kanyang pamamantik.

PALPARAN

Jeric Jimenez 

1
lumulukso ang dugo
mariwasa ang tulo
patungo sayong nguso

2
wag mo akong salingin
ikaw sa anyo’t tingin
namayani’y digmaan!

3
puki mo’y nilalasap
aking sinungkit sungkit
lagot sa dilang tinik

4
pati anino’y bugbog
puwit tinusok tusok
sementadong kantutan!

5
tula kong ito’y sayo
sama nunal sa noo
pati pandak na kuko

Tubong San Carlos City, Pangasinan ang 23 taong gulang na si Jeric Jimenez, siya ay Jeric ay nagtapos ng Batsilyer ng mga Sining sa Filipinolohiya at naging Katuwang na Patnugot ng The Catalyst, opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng Politenikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP). Kasalukuyang nagtuturo ng asignaturang Filipino sa ICCT Colleges at regular na contributor ng mga maikling kwento sa KAILYAN, isang online community group ng mga kababayang Overseas Filipino Workers (OFW) at ng mga tula sa KM 64

 

Takbo, Bergago!

Gem Aramil

Takbo, Palparan!
para sa lahat ng binaon mo,

binalatan nang buhay!

Tumakbo ka!
para sa lahat ng nilublob mo sa yelo,
nilunod,
sinunog,
binunutan ng kuko,
sa mga pinaso mo ng sigarilyo,
ginahasa,
pinahirapan, dinukot at pinatay!

Takbo!
Hangga’t may lupang matatapakan!

Takbo!
Berdugo kang tinuringan!

Bilisan mo pa!
Oras na, ikaw naman aming parurusahan!

Takbo patungong impiyerno!
isama mo amo mong si Arroyo!
Para makita mo na mga kapatid n’yong demonyo!
Pareho kayong gago!

Takbo, Palparan!
Dahil oras na ika’y aming abutan,
Leeg mo naman aming gigilitan!

Sa Listahan

Emmanuel Halabaso

Sa mga panahong ikaw ang tagapaglipon
ng mga ulong nakatala sa listahan,

isa-isa mong itatakda
isa-isa mong buburahin
aagawan ng buhay
makikipagkasundo kay kamatayan
iiyak ang naiwan
tatangis ang kamag-anakan
mapapakuyom ang mga kasama.

Mahaba ang nalikha mong listahan.

Ito ang panahong ikaw naman ang lilipunin
ng mga ulong kasama ng nasa listahan,

wala kaming itatakda
wala kaming buburahin
wala nang aagawan ng buhay
makikiusap kay kamatayan
iiyak, maiiwan
itatakwil ng kamag-anakan
hahatulan ng bayan.

Kasama na sa listahan
ang iyong pangalan.

Nakalinya ka nang hatulan

ng bayan.

Si Emmanuel ay isang guro sa pampublikong paaralan. Mahilig magbasa at magsulat. Mahilig magkape para makatulog. Mahal sa buhay- kapamilya, kaibigan, kasama at bayan.

PALPARROYO LOVESTORY (HORROR)

Romina Ramos

Palparan,
O, naman
Anak ng tokwa.
Gusto ko lang ipaalala,
‘Di porke’t ikaw ay naglaho,
Isa ka nang
Desaparecido.
Dahil gago
Ang isang tulad mo.

‘Wag ka nang magtago.
Subukan mo mang magkubli
Sa lilim ng saya
Ng iyong ina,
Kayo pa ri’y magtatagpo
Ng mahal mong bossing
Sa loob ng
Komedyang kulungan.

Tama ang ‘yong rinig:
Komedya.
‘Pagka’t s’an ka nakakita
Ng isang tao
Na sukdol gumawa
Ng mga sala
Na hayup sa gara
Kanyang selda?
‘Ka’y mapapanganga.

Malaki,
Magarbo,
De-erkon,
De-tiles,
Guwardyado.
Kaya siguro
Ang mga tao’y inspirado
Gumawa ng katarantaduhan
Kasi naman
Ginhawa’y hantungan.

Kung ako’y bigyan man
Pagkakataong pumili
Ng inyong selda,
Gusto ko ay ‘yung kumpleto
Sa kagamitang pang-torture.
‘Yung unti-unting sakit
Ang ramdam.
Hardcore dre.

Mayroong garote.
Ang talas,
Tulad ng sa bread knife,
Hindi sa leeg
Kundi,
para sa kili-kili.
Ang dila ng magsisinungaling,
Kandila ang papatak,
Papaso.

Ang plais,
Ay para sa mga kukong
Kakabit ng makasalanang
Mga daliri.
Isa-isang huhugutin
At bubudburan
Ng sili’t asin.
Mahapdi, makirot.

Sadista?
Hindi ah.
Kulang pa.
KULANG.
Walang sukat ang hinagpis
Ng mga taong
Naghahanap,
Umaasa,
Kahit sa bangkay
Ng kan’lang
Mahal sa buhay.
Ulila.

Na inyong dinakip,
Tinago,
At ‘di na nakita.
Pagsalungat at pagbubunyag lang
Kan’lang gusto.
Pangit kasi
Ang inyong tambalang
PALPARROYO.
Sakim at berdugo.

Kaya ikaw Palparan,
‘Wag nang mag-tago.
Miss ka na
Ng maraming taong
Galit na galit sa’yo
at sa kumander mo.
Kayo’y magsasama sa selda.
Sa
Hirap
at
Pagpawi.

Si Romina ay isang nagpapakakatang makata ng kilometer64-PUP. Makikitang kumakanta at nagsasalita mag-isa sa tabi-tabi.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2012/02/sumuko-ka-na-sumuko-ka-na-napapaligiran-ka-namin/feed/ 0
Barangay Corazon de Jesus http://pinoyweekly.org/new/2012/01/barangay-corazon-de-jesus/ http://pinoyweekly.org/new/2012/01/barangay-corazon-de-jesus/#comments Sat, 14 Jan 2012 05:26:44 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=17605 Karapatan ng bawat mamamayan na magkaroon ng maayos na matitirahan, at tungkulin ng Estado na ibahagi ang pangunahing pangangailangang ito. Malinaw itong nakasaad sa 1987 Constitution (Article XIII, Sections 9-10). Ayun din sa artikulong iyon, tungkulin ng Estado ang makipag-negosasyon sa mga maralitang tagalungsod at magsagawa ng relokasyon sa pamamaraang makatao at naaayon sa batas. Patunay ang pamamayani ng karahasan sa Brgy Corazon de Jesus, Pinaglabanan, San Juan na may malaking pagkukulang ang programang pangrelokasyon ng kasalukuyang pamahalaan. Mahirap sisihin ang mga residente ng Corazon de Jesus kung pinili nilang manatili roon dahil sa kawalan ng kongkretong alternatibong pangkabuhayan mula sa Estado. Higit sa lahat, sa nangyaring marahas na pagtataboy sa mga residente ng Corazon de Jesus, pinatitibay lamang nito ang katotohanang wala pa ring pag-unlad sa estado ng pamumuhay ng mga maralitang  tagalunsgod.

 

Corazon

Romina Astudillo
Tumatangis ang langit
sa mga kurba ng makinis mong yero

Nililigawan ng apoy
ang makikisig mong mga kahoy

Sinusuklay ng mga yagit na paa
ang makikipot mong eskinita

Pader mo’y pinagtatagpo
ng kalawanging mga pako

Sinasalag ng talukap ng iyong bintana
sikat ng kumukulong araw sa umaga

Sapin ang gula-gulanit na karton
sa sementadong sahig paglipas ng dapit-hapon

Ikaw ang P. Guevarra
sa pinagkaitang maralita

Dinuduyan mo ang mga magigiting na anak
ng minsang naghimagsik gamit ang tabak

Ngayo’y muling nagbabangon
kasaysayan ng dakila mong rebolusyon

Masdan mo ang mamamayang nagtipun-tipon
armadong magtatanggol laban sa mapangwasak na panahon

Mananatili kang nakatindig Corazon
Ni kailanma’y di ka madudurog

Si Romina Astudillo ay tagapangulo ng College Editors Guild of the Philippines-National Capital Region.


 

It’s More Fun Sa Tuwid Na Daan

Lenkurt Lopez

Habang mainit ang usapan
kung anong mabisang pang-akit sa mga dayuhan..

ay!

Hindi makataong demolisyon
ang nagpatunay;
tama ang napiling slogan.

“It’s more fun
sa tuwid na daan, wika ng isang gahaman,
kayo ang boss ko!
Kahit wala kayong tirahan–
matagal pa naman ang eleksyon
hindi ko pa kayo kailangan.”

It’s more fun nga naman,
kapag walang masilungan

Si Lenkurt Lopez ay kasalukuyang nakabase sa lalawigan ng Quezon; tagasalba ng mga sirang cellphone at alipin ng tarpaulin printer.


 

Teargas

MJ Rafal

matagal na kaming hinubog ng hirap
itinubog kami sa dusa at sadlak
pinanday kami ng lipunang marahas
handang lumaban, humawak ng tabak

at kung aakalain n’yong kami’y mapipigil
ng isnayper, transiyon at tirgas
a! isinangla na namin aming puso at lakas
sa barikadang ‘di pagagapi’t magwawakas…

Si M.J. Rafal ay mahilig tumula. Paborito niya ang linyang “Poetry, like bread, is for everyone.” ni Roque Dalton. Ilan sa mga idolo niya sa pagtula ay sina Stum Casia, Kislap Alitaptap, Pia Montalban at si Alexander Martin Remollino. Mahilig din siyang magbasa at maglakad.


 

sa babaing ang pangalan ay nangangahulugang gabay…

Noel Sales Barcelona

nasaan ang puso mo
ikaw na nagsasabing banal ka’t santo?
ano nga ba ang banal na turo
ng Kristong may pusong ginto:
mahalin mo ang kapwa mo
kagaya ng sarili mo.
ngunit kaiba yata sa sinasabi
ang iyong ginagawa
sapagkat ang anino ng sarili
ay inaalisan mo ng dangal,
iyong inaaglahi!

Si Noel Sales Barcelona ay isang miron. Pamasid-masid, patingin-tingin. Nagkokomento rin minsan. Mababasa ang kanyang kabaliwan at pagmumuni-muni sa http://www.sigliwa2.tk.



Mga Bato

Mark Angeles

May mga batong nakasalansan sa likod ng barikada
sa bukana ng Barangay Corazon de Jesus.

Nasa panig sila ng mga nangangamba
na matibag ang kanilang sinisilungan
pagdating ng dapithapon.

Maging ang mga bato ay naghihintay—
nananabik na sila ay magamit pang muli

dahil saan nga ba sila nagmula
kundi sa katawan din ng mga itinindig na pader
ng mga itinaguyod na bahay?

Piniraso sila mula sa tagiliran
tulad ng tinapay.

Ilang sandali pa, magliliparan na sila
papunta sa mga kaaway
kasama ng mga basyo ng suka at ketsap.

Ang Barangay Corazon de Jesus
na saksi at kumupkop sa mga hikbi at himutok

ay magbabagong-bihis
at magiging lunan ng digmaan—
tanggulang yari sa mga bisig at dibdib

at mga puso, mga pusong naging kamao,
mga kamaong kasintigas bato.

May dalawang indie books si Mark Angeles, ang PATIKIM at EMOTERO. Maraming lessons sa buhay ang naituro sa kanya ng mga magsasaka.


 

Untitled?

Rustum Casia

Habang tinutuklas nila kung ano
nga ba ang abortion,

baka lang maitanong-

binago na ni JV Ejercito
ang depenisyon ng maayos na relokasyon.

Masyadong malayo na itong planeta.
Malayo sa pagkakakitaan at
palengke ng Agora.
Malayo sa San Juan Elementary School
at Aling Banangs.

At malayo sa San Juan,
dakilang bayan na kinalakhan.
Habang tinutuklas nila kung ano
nga ba ang abortion,

baka lang maitanong-

binago na ni JV Ejercito
ang depenisyon ng maayos na relokasyon.

Masyadong malayo na itong planeta.
Malayo sa pagkakakitaan at
palengke ng Agora.
Malayo sa San Juan Elementary School
at Aling Banangs.

At malayo sa San Juan,
dakilang bayan na kinalakhan.

Si Rustum Casia ay isa sa mga nagtatag ng grupong Kilometer 64 Poetry Collective. Aktibong miyembro ng United Church of Christ in the Philippines. Kasapi rin siya ng Artists Arrest at Concerned Artists of the Philippines.


 

Anak ng Apoy

Rommel Rodriguez

Tapunan ng tubig tuwing araw ng San Juan. Sa gitna ng basaan,
umiindak ang katawan sa sayang hatid ng mga piyesa sa piyesta;

mga torotot, tambol, mga padyak na nagpadagundong sa lupang
inangkin ng mga patrong likha ng pinilakang-tabing.

May ulo at katawan subalit walang puso at kaluluwa.
Malayo pa ang Hunyo. Napaaga ang basaan, hindi ng tubig,

kundi ng hanging may lason at patalim na tumagos sa mata,
dama ng mga pusong binasa ng pawis at luha.

Napalitan ng panaghoy ang kasiyahang mapanlinlang.
Subalit ngayon, tinuyo ng umaalimpuyong galit ng mga

anak ng apoy ang kahabaan ng kalsada
upang sunugin ng lumiliyab na kamao

ang nagpapalayas sa kanila.

Si Omeng Rodriguez ay dating miyembro ng grupong Alay Sining sa UP Diliman–kung saan siya kasalukuyang nagtuturo ng panitikan at malikhaing pagsulat.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2012/01/barangay-corazon-de-jesus/feed/ 0
Sendong http://pinoyweekly.org/new/2011/12/sendong/ http://pinoyweekly.org/new/2011/12/sendong/#comments Sun, 25 Dec 2011 03:33:32 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=17375 Sa tala ng Rmp Nmr (Rural Missionaries of the Philippines Northern Mindanao Region, mahigit sa 409,119 na indibidwal–mula sa 45,989 pamilya–ang nasalanta ng bagyong Sendong. Mula sa talang iyon, 984 ang nasawi. Ngunit hindi Sendong ang ugat ng sakuna sa Hilagang Mindanao. May isang sistema na maituturong puno’t ugat ng sakunang ito: isang sistemang pinalalamon ng kasakiman ng iilan lamang sa sanlaksang nabibilang sa ating lipunan.

Pula ang Lupa

Noel Vinoya Gomez

Sabi sa bisa,
pinuta ng tinupa
ang landas na sandal
sa salin at lisan.
Walang takas ang aming katas
sa malapad mong palad
at sa ginawa mo sa aki’t inagaw
nilampasan ko pa ang sinampal
kaya ngayon, tanging meron ako
kawalang pag-asa’t  malakalawang na buhay.
Sakal mo’ng buo kong lakas,
at buong talab sa balat
dahil hindi naman katawan ng kawatan
buo kong katawan
at nakulob, nabulok
nawalan ng angas
aking mga sanga.
Gagawin kong panakip lubak ang bulak
tatalian na ang alitan
aawatin na’t aawitan
ang tahol ng hatol
laban sa mga pekeng banal
bago maging pula ang ulap
at maging singpula ng dugo ang lupa.

Si Noel Vinoya Gomez ay nagtapos ng Bachelor in Secondary Education (Major in English) sa University of Santo Tomas. Kasalukuyang private tutor. Madalas magluto, nakikinig sa rock music at magbasa ng mga librong akda at limbag ng kapwa Pilipino sa sariling bansa. Ang mga gusto niyang mabago sa Pilipinas: lakihan ang sahod at damihan ang benefits ng mga manggawang nagpapakahirap upang iangat/mapaganda ang ekonomiya ng bansa; mawala ang mga naglalakihang gusali’t establisyamento, taniman ng mas maraming halaman at puno; at mas tangkilikin ang produktong Pinoy.

*  *  *

Anarkismo Ng Liberalisasyon

Ramon Quizon

Anuman ang gawin ng mga naghaharian
sa itinayong kaayusan iisa ang patutunguhan

Debolusyon ang tawag
sa kapangyarihang pinaghahatian
upang bawat bayan
matutong gumuhit ng sariling kapalaran.

Balangkas na kodigong salalayan
biyayang lakip sa lokal na pamahalaan.
Kinalos na kasakiman sa sentrong pamahalaan
tanging pamanang pinag-iimbutan.

Pakiwari’y kabuhayan mapapabuti
bagkus pinagtulungan pagpapahirap sa bayan.
Likas na yaman di pinahahalagahan
dayuhan hinayaang kalbuhin ang bayan.

Sariling bayan ng may akda
pinarusahan ng baha.
Akdang pamamahala na nagpabilis
at nagpatindi ng paggahasa sa yaman ng bansa.

Liberalisasyon sa kapangyarihan
Liberalisasyon sa kabuhayan
Liberalisasyon sa kabundukan
Anarkiya ang patutunguhan

Sa patuloy na globalisasyon, naaagnas na ang bayan!

Si Ramon Quizon ay isang mangangalakal (trader), may asawa at 2 anak. Taga-Cabagan, Isabela. Ipinanganak noong ika-1 ng Enero, 1980. Isang protestante at nag-aral sa Metro Manila Bible School. Nag-organisa sa hanay ng mga maralitang lungsod, mga manggagawa, propesyonal atbp.

*  *  *

Pakikiramay sa Mga Nadamay

Emmanuel Halabaso

Hatol ng kalikasan waring tahol
na umalingawngaw sa dila ng mga dilat
na namatay sa lunod ng anod
nadamay sa ganid na negosyo na nagpauso
ng pagputol ng puno sa bundok ng ninuno
napanot na bundok nagdudulas na lang ang ambon
kampeon sa pagtitiis ang nalitis
sa bawi ng nasawing kalikasan
at ito na nga,
nagdurusa ang nagkusa
ng malinis na pamumuhay
at silang dahilan ng kasalanan
nasa kanilang kama at nakatanga
buong araw na naghihilik ang mga lintek
habang silang wala naman muwang sa pagtunaw
ng kalikasang likas namang tagapagbuhay
ay namatay sa kamay ng mga kaaway
dalawa ang sawi sa pag-iwas na maturo
kalikasan at ang mga tao ang tunay na talo
kung akala nila tapos na ang laro, sila ang panalo
nagkakamali sila,
nagsisimula palang ang pangkat
na hahatol sa nandamay sa tahol ng kalikasan
bukas, pagbukas ng pagkakataon
taon-taon, buwan-buwan, araw-araw, minu-minuto kang dadalawin
ng panawagan ng mga nakikiramay at nadamay
sa makalupa mong pamumuhay
na nagkulay pula sa lupang mga bangkay ang nakahandusay.

Si Emmanuel Halabaso ay isang guro sa pampublikong paaralan (sekundarya). Isa sa mga pinalad na graduate ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) sa kursong AB Filipino. Hilig niyang sumulat ng tula at maikling kuwento. Mahilig din magbasa ng kung anu-ano. Nais lang niya mabago ang buhay sa Pilipinas.

*  *  *

Naanod Na Pangarap

Lenkurt Lopez

bakas na’ng lungkot ng bukas
sa nawasak na tahanan
sa putik ng mundo
maihahabilin ang adhikain
pagtangis pa rin ang mangingibabaw-
sa pagdungaw ng liwanag
luha ang yumakap
sa mga naanod na pangarap

bakas na ang pagkaway bukas
ng mga nagtanim ng putik
bukas palad sa mga biyayang
hindi maipapalit-
sa buhay ng mga pumanaw

budhi ng minero
ang mineral
kawangis ng pawis ang dugo
buhay ang kaukulang buwis
sa pakikipagtalik ng dilim
sa kalikasan

Si Lenkurt Lopez ay kasalukuyang nakabase sa lalawigan ng Quezon; tagasalba ng mga sirang cellphone at alipin ng tarpaulin printer.

*  *  *

Maiba-taya

Lorena Castro

Wag daw ibunton ang paninisi
sa mg kapitalistang nakangisi;
nais lamang nila ng limpak na pera,
habang kalikasAn nati’y nasisira
ay naiipon ang tubo sa kanilang bulsa
na itatakas tungo sa kanilang bansa.

Wag daw ibunton ang paninisi
sa lokal na korporasyong nakaismid;
habang bagyo’y patuloy na kumikitil
dila ng mga opisyal ay tila naumid
“climate change” kanilang ipinipilit,
“kasalanan ng mga tao”, kanila pang giit.

At mas lalong wag daw ibunton ang paninisi
sa pang(g)ulong mahilig gumala’t magparti;
ayaw niya lang magpapogi sa kamera
o magmukmok sa gitna ng trahedya.

Ngunit…
kanino ba dapat ang sisi?
sa taumbayan bang naapi?
sa daan-daan bang nasawi?
sa mamamayan bang sinalanta?
o di kaya sa kanilang di pa nakikita?
silang di sigurado kung lulutang pa,
o kung tuluyan nang nilamon ng baha.

Ang pagdurusa ngayon ng buong bansa,
wag daw natin isisi sa pang(g)ulong gala
kung ayaw nating siya ay maglupasay
o si Kris ay magsalaysay ng walang saysay
pag si panot ay di nakapunta sa piging
na matagal niyang tinungangaa’t hinintay.

“KRIS: DI NAMAN NIYA ALAM NA MAY GANUNG MANGYAYARI,
MATAGAL NA KASING NAKASCHEDULE YUNG PARTY.”

*sa panahon ng kagipitan, maiba-taya
na lang kung sino ang tunay na may sala.

12/20/11

“Sumulat para sa tao, hindi para sa Tao.” Ito ang naging matibay na pundasyon sa pamamanitik ni Lorena Castro sa loob ng ilang  taon. Tubong Cavite at panganay sa tatlong magkakapatid kaya nahubog sa katatagan ang kanyang personalidad. Bata pa lamang ay mahilig na sa pagbabasa at pagsusulat si Lorena. Lalo itong nahubog nang magmedyor siya sa asignaturang Filipino ng Pansekundaryang Edukasyon sa Pamantasang Normal ng Pilipinas.

*  *  *

Sa Kawang-gawang Sinungkit Sa Labi

MJ Rafal

ginagahasa nila ang lahat ng mayroon   tayo
ginagahasa nila ang umbok ng bundok
ginagahasa nila ang kaparangan
ginagahasa nila ang taimtim na tulog ng ilog
ginagahasa nila ang kasapatan ng karagatan
ginagahasa nila ang yaman ng kagubatan
ginagahasa nila ang lahat nating karapatan
na     mabuhay

ginagahasa nila ang lahat-lahat sa atin     tayo
ang biktima    at    ipamumukhang tayo  at     tayo
pa rin     ang salarin

tayo at tayo ang ginagahasa at wala pa rin    tayo
sa kamuwangan ng            pagtindig

namatay ang isang ina, laksang mga anak
namatay, namatay ang kuya at isang ate ang nalamog
ang dibdib, namatay ang sanggol sa lunod at namatay
ang lola sa piling ni lolo sa tagpo ng creek, naipit ang mga ulo

nakanganga ang mga sinalanta at ginahasa
naninigas na kamay at paa, malamig,       nakahihindik

hinahanap ng ama ang dalawang anak, ang asawa
ang mga magulang ang biyenan, hinahanap ng kaluluwa
ang unawang bakit sa sako humahantong ang bangungot
hinahanap ng biktima ang sarili sa putik, hinahanap
ng sarili ang pasko sa tumuwad na kotse at mayabang
na troso

ginahasa, ginagahasa at gagahasain nila tayo
lahat-lahat, mulang bumbunan hanggang kasukasuan

sila ang magmumukhang mabuti, sa huli
sila ang magmamabuti
sa kawang-gawang         sinungkit sa labi
ng nagdadalamhati
nakangiti
sila
sa TV
silang gumagahasa sa      atin.

Si M.J. Rafal ay mahilig tumula. Paborito niya ang linyang “Poetry, like bread, is for everyone.” ni Roque Dalton. Ilan sa mga idolo niya sa pagtula ay sina Stum Casia, Kislap Alitaptap, Pia Montalban at si Alexander Martin Remollino. Mahilig din siyang magbasa at maglakad.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2011/12/sendong/feed/ 0
Bagong bayani http://pinoyweekly.org/new/2011/12/ped-xing-bagong-bayani/ http://pinoyweekly.org/new/2011/12/ped-xing-bagong-bayani/#comments Sun, 04 Dec 2011 16:52:03 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=17072 Nakatakdang bitayin sa darating na ika-8 ng Disyembre ang isa na namang Pilipino sa Tsina.  Sinasabing may dalang 1.495 kilograms ng heroin galing Malaysia nang mahuli ito noong September 13, 2008 sa Guilin International Airport.

Habang tanging pagkabahala lamang sa lumalaking bilang ng mga nagiging drug mule ang kayang gawin ng gobyerno, nananatili namang kapos ang mga hakbangin nito para bawasan ang mga mamamayan nitong napipilitang umalis ng bansa at pumasok sa mga iligal na gawaing tulad ng pagdadala ng droga.

Nakatakdang sanang lumipad papuntang Beijing ang pangalawang pangulo ng bansa dala ang letter of appeal mula kay Pangulong Noynoy Aquino, subalit napaulat na tinanggihan na ito ng gobyerno ng Tsina.

Samantala, sinabi ng DFA na ginawa na nila ang lahat para sa na-convict nating kababayan.

* * *

Disyembre

Rustum Casia


kinakaladkad ng marami
para pabilisin ang mga hakbang
ng mga araw ng disyembre.

at sa bawat pagitan at patlang;

hahanapin kahit saan
ng isang binatang bibitayin
sa tsina ang kahit na pinakamaliit na tsansang
magpapahinto dito.

­­Si Rustum Casia ay isa sa mga nagtatag ng grupong Kilometer 64 Poetry Collective. Aktibong miyembro ng United Church of Christ in the Philippines. Kasapi rin siya ng Artists Arrest at Concerned Artists of the Philippines.

______________________________________________

Contemplacion sa Ordinario

Richard Gappi

I.

Ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)
ay kumukolekta ng $25 sa bawat nakarehistrong OFW.

Itinatakda ng Migrant Workers Act na P100 million
dapat ang ilaan para sa legal assistance ng mga OFW.

Bago maupong pangulo, P50 milyon
ang pondo na inabutan ni Pangulong Aquino
para sa legal assistance ng mga OFW.
Ngayong 2011,
ang budget na nakalaan dito ay P27 milyon.

II.

Tatlong taon nang nakakulong
sa China si Sally Ordinario-Villanueva.
Nitong huling buwan o tatlong araw lang ba,
bago siya bitayin,
nalaman ng mga kinauukulan na siya
ay niloko at nagamit lamang
ng mga sindikato ng droga at kriminal?

III.

Remittance ng mga OFW mula sa Mainland China noong 2008:
4,669 US dollars
Remittance ng mga OFW mula sa Mainland China noong 2009:
12,937 US dollars
Remittance ng mga OFW mula sa Mainland China noong 2010:
21,596 US dollars.*

Kabuuang remittance ng mga OFW sa bansa noong 2008:
16,426,854 US dollars
Kabuuang remittance ng mga OFW sa bansa noong 2009:
17,348,052 US dollars
Kabuuang remittance ng mga OFW sa bansa noong 2010:
18,762,989 US dollars.

IV.

Narinig ko ang balita.
Nalungkot ako.
Pagkatapos,
nagalit ako.
Kaya ako nakatula.
Marahil,
sa pagitan ng
lungkot at galit ay
ang tula:
ang pag-ibig.

Ang nalulungkot
ay nakakagawa ng tula.
Ang nagagalit
ay nakakagawa ng tula.
Ngunit ang pinakamagandang tula
ay ang tula ng pag-ibig.

5:47PM, Miyerkules, 30 Marso 2011
Sa Garahe ni Pedro
Angono, Rizal, Pilipinas

(Ang mga figures (in thousand) ay mula sa data ng Bangko Sentral ng Pilipinas na makikita sa http://www.bsp.gov.ph/statistics/keystat/ofw.htm)

Si Richard R. Gappi (“Gappi” o “Sir Gappi” kung tawagin ng mga kakilala at kaibigan) ay nagtapos sa UP Diliman ng kursong B.A. Philippine Studies (major ang Political Science at History) kung saan kumuha rin siya ng ilang yunit sa M.A. Creative Writing (major in Poetry). Dating lider estudyante, manunulat at naging editor ng Philippine Collegian noong siya ay nasa UP pa. Isa siyang manunulat, makata, mamamahayag, manggagawang pangkultura, at guro ng Mass Communication at Malikhaing Pagsulat.

_______________________________________________

A LAND IN PIECES

Alexander Martin Remollino

We are a land in pieces scattered across the continents.

Wherever in the world we set our feet upon,
we are likely to reachsome spot
that is no doubt the Philippines.
There’s a piece of the Philippines
in a store in Melbourne,
in a park in Hong Kong,
in the desert of the Middle East,
in a hospital in London or New York or California,
in a house in Singapore or Canada,
in a night spot in Bangkok or Tokyo.
The Philippines is a dot on the map of the world
and yet it is all over the world.

We are a people trying to find our homes
in all places where homesickness
is a constant companion.

We are a people striving to live like humans
in places where we’re looked upon as beasts of burden.
And so we will always be
as long as the life that’s fit for humans
remains in the native land a favor to the few.

Si Alexander Martin Remollino ay isinilang noong Agosto 6,1977 sa Mandaluyong. Nag-aral ng Legal Management sa University of Santo Tomas. Ang kanyang mga tula ay lumabas na sa Arkibong Bayan, frictionmagazine.com, Emanilapoetry.com, Matanglawin.org, Poets Against the War, at sa mga chapbook ng KM64. Nagsulat din siya para sa online newsmagazine na Bulatlat.com. Naging bahagi din siya ng Bagong Alyansang Makabayan bilang public information staff at researcher. Pumanaw siya noong Setyembre 3, 2010.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2011/12/ped-xing-bagong-bayani/feed/ 0
Occupy Movement http://pinoyweekly.org/new/2011/10/occupy-movement/ http://pinoyweekly.org/new/2011/10/occupy-movement/#comments Sun, 30 Oct 2011 18:53:56 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=16132 Nagkaroon kamakailan ng malawakang pagsasanib-puwersa ng iba’t ibang sektor ng bansa, maliliit na pangkat man o pang-nasyonal. Kahit iba-ibang sektor ang kanilang kinabibilangan iisa lamang ang kanilang sigaw. Sigaw na iba-iba man ang tono, lalim at lakas ngunit ang kabig nito sa kinauukulan ay tila pagbatok sa natutulog sa pansitan.

Dahil dito nakikisanib din ang mga makata ng Kilometer 64 Poetry Collective sa Occupy Movement upang maipakita ang pakikiisa ng pangkat sa layunin nilang gisingin ang mga natutulog at nagtutulog-tulugan sa ating pamahalaan.

Narito ang ilang tula ng mga makata ng nasabing pangkat na may iba’t ibang pagkakakinlanlan sa paglalarawan sa uri ng pagkilos na ito.

O KUNG PASYON

Axel Pinpin

Kung hindi nyo kami papahintulutang mangarap ni managinip,
hindi namin kayo bibigyang pagkakataong matulog ni umidlip.

Kung hindi nyo kami papayagang magtanim,
hindi namin kayo papatikimin ng aming aanihin

O kung pasyon ang paglaban para sa lupa,
ookupahin namin ang bawat pulgada
ng mga abenida at kalsada
sa mga lungsod mula sa mga tumana.

O kung pasyon ang paglaban para sa lupa,
ookupahin  namin ang bawat gusali
ng mga Ortigas at Makati
sa lungsod mula sa mga hasyenda ng hari.

O kung pasyon ang paglaban para sa lupa,
ookupahin namin ang bawat kuwarto
ng mga ahensya ng gobyerno at ng palasyo
sa Malakanyang mula sa mga bukid ng nangasiphayo.

Kayong mga walang pakialam na nanood,
kayong mga tumunganga at tumanghod –
pakinggan ang aming tinig,
tunghayan ang aklasang magbubukid,

ang lahat ng pag-aari –
bukas na ang pagbawi.

Bukas na ang pagbawi!

Si Axel Pinpin ay Secretary general ng Katipunan ng Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK).


MGA YABAG NG PAGLAYA

Pia Montalban

Hindi kulog ng paparating na unos
Mga yabag na umuungos

Sa aspaltong gubat ng pagkatalos
Mga yapak na nasanay pumangos

Sa pitak na nangarap humulagpos
Sa linang ng liblubang iginapos

Ng matagal na panahong lubos
Panginoong May-lupang napuspos

Ng biyayang inagaw sa kapos
Ng sagad-sa-butong pambubusabos

Hindi, hindi nga kulog ng paparating na unos
Mga paniningil namin at panunubos

Sila’y hiyaw sa natighaw na agos
Ng lupang diniligan ng dugong umagos

Sila’y mga buhay na binhi, matanda’t musmos
Kalayaang yumayabong sa mga martir na itinundos

Sila’y buhay na nilubos-lubos
Mga walang takot na matapos

Sila’y mga daluyong
ng paparating na ulos
Bigwas sa kanilang
Nagbubulag-bulagan
Nagbibingi-bingihan
Naumid na mga dila
Namanhid na mga balat

Sila’y sigwa
Pag-alagwa

Buhay na daluyong
Mga unos
Kulog
Kidlat
Alon

ng Masa—

Pia Montalban. Babae. Edad bente-nuebe. Romantic Heart Disease Survivor. Rice Terminator. Dating Model ng Rejoice, nasesante at nasampahan ng asunto sa nilikhang trapik sa EDSA. Hindi pa convicted yet on-bail, tambay sa Facebook at Multiply.


MAGLALAKAD KAYO NA TILA BAGA

German V. Gervacio

Maglalakad kayo na tila baga
Walang humandusay sa dakong ito
Maglalakad kayo na tila baga
Hindi kayo tinatablan ng bala
Maglalakad kayo na tila baga
Nakayukong gintong palay
Maglalakad kayo na tila baga
Ito ang una’t huling paglalakad
Maglalakad kayo na tila baga
Tila bagang ang ringas
Ay di banaag kung araw
Tila bagang di nakapapaso
Huwag lang titingkiin
Huwag lang sasalangin

German Gervacio. Nag-ti-titser-titseran sa Mindanao State University-Iligan Institute of Technology (MSU-IIT). HpD sa Malikhaing Pagsulat sa UP-Diliman. [HpD=Hindi pa Doktor]. Me 3 Palanca sa Tula, Maikling Kathang Pambata at Maikling Kuwento. Miyembro ng Pasaway Unlimited, isang samahan ng mga [self-proclaimed] Astig na fiksyunista sa bansa.


REPORMA HINDI CHA-CHA

NakedArtist Keith

ang mapagkunwaring reporma
sumasayaw sa saliw ng Cha-Cha

nasa’y ibigay sa dayuhan
lupang laan para sa mga anak ng bayan

hindi kami papayag
di tulad ng Pangulong walang bayag

lupang binuwisan ng buhay
sa dayuhan lamang ba iaalay?

kapag Cha-Cha’y sinayawan
kawawa ang taong bayan
makikinabang silang mga gahaman

lupa ng Pilipinas
ibebentang parang prutas?

nais nami’y pagbabago
hindi panggagago

di ba’t nakanginginig ng kalamnan
ikaw na isinilang sa iyong sariling bayan
mamumuhay na parang dayuhan?

kaya’t aming pupunuin
lakas ay titipunin

isisigaw ang protesta

sa Kalsada ng Mendiola

ayaw namin sa Cha-Cha

gusto’y tunay na reporma!

Si Keith ay isinilang noong ika-9 ng Nobyembre taong 1985, mula sa isang simpleng pamilya ng mga magsasaka. Taglay ang dugong Pilipino, handang lumaban at manindigan para sa pantay-pantay na karapatan.

Maglalakad kayo na tila baga

Walang humandusay sa dakong ito

Maglalakad kayo na tila baga

Hindi kayo tinatablan ng bala

Maglalakad kayo na tila baga

Nakayukong gintong palay

Maglalakad kayo na tila baga

Ito ang una’t huling paglalakad

Maglalakad kayo na tila baga

Tila bagang ang ringas

Ay di banaag kung araw

Tila bagang di nakapapaso

Huwag lang titingkiin

Huwag lang sasalangin

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2011/10/occupy-movement/feed/ 0