Pinoy Weekly » Pluma at Papel http://pinoyweekly.org/new Philippine news, analysis, and investigative stories Mon, 07 Apr 2014 17:44:16 +0000 en-US hourly 1 http://wordpress.org/?v=3.8.1 Lagi Kitang Hahanapin http://pinoyweekly.org/new/2014/03/lagi-kitang-hahanapin/ http://pinoyweekly.org/new/2014/03/lagi-kitang-hahanapin/#comments Fri, 28 Mar 2014 10:40:54 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=28718 lagi kitang hahanapin
sa lagablab ng apoy
sa namamaalam
na mga alipato
kung gabing kulimlim
papawirin ng panimdim
lagi kitang hahanapin
sa puso’t dugo
ng mga sawimpalad
sa nahukot na gulugod
ng inaliping magsasaka
at binusabos na manggagawa
lagi kitang hahanapin
sa pasigan ng kaluluwa
sa ragasa ng mga alon
sa singasing ng kidlat
at dagundong ng kulog
sa kalawakan ng pagmamahal
sa mga layuning mapagpalaya.

oo, lagi kitang hahanapin
sa sundot ng amorseko
sa nanilaw na pilapil ng pag-asa
sa nagbitak na pinitak
ng bukiring naninimdim
sa naglilingkisang mga kugon
sa burol man at sabana
sa gumagapang na cadena de amor
sa limot nang libingan
ng mga mandirigma
para sa laya’t ligaya
ng sambayanang masa
at katubusan ng la tierra pobreza
sa tanikala ng inhustisya
at kadena ng pagsasamantala.

oo,lagi kitang hahanapin
magmaliw man ang dapithapon
lumuha man ang mga damo
pagpitada ng umaga
magtatagpo rin kita
dahil pinagdugtong ang ating ugat
ng daluhong ng dalita’t dusa
dahil pinakulo ang ating dugo
ng habagat ng protesta
at pinaglapat ang ating puso
ng rebolusyon ng pagsinta
para sa pinakamamahal nating
la tierra pobreza
kadluan ng madugo nating mga alaala
pandayan ng ngitngit at himagsik
ng binubusabos nating lahi.

oo, lagi kitang hahanapin
at magtatagpo rin tayo’t magniniig
kapag ganap na namulaklak ang mga talahib
at agasan ng dugo ang obaryo ng kalbaryo
lulunurin sa wakas
inuuod na mukha’t katawan
ng uring hari-harian!

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/03/lagi-kitang-hahanapin/feed/ 0
MAY TULA http://pinoyweekly.org/new/2014/03/may-tula-2/ http://pinoyweekly.org/new/2014/03/may-tula-2/#comments Sat, 22 Mar 2014 02:02:26 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=28607 oo, mga makata ng inaaliping lahi
may tula nga sa gumagapang na langgam
sa nalaglag na mga butil ng asukal
o sa kumikiwal na uod
sa nabubulok na laman
o sa dumarapong langaw
sa ninananang kamay
may tula rin sa nagdurugong puso
o sa himutok at tagulaylay
ng pangungulilang sinlamig ng yelo
ng mga nilikhang nabigo-nabaliw
sa di-masukat na pagmamahal
may tula rin sa nagbabaging na mga ideya
sa gubat ng pantasya’t kamulalaan
o sa lawa ng ilusyon at kawalan.

oo, may tula rin nga
sa maliwanag na mukha ng buwan
o sa luningning ng mga bituin
sa maaliwalas na kalangitan
may tula sa lawiswis ng kawayan
o sa mabining haplos ng amihan
o sa dumarambang alon sa dalampasigan
matulain din nga ang ulilang bulaklak
sa dibdib ng limot nang libingan
matulain din nga ang luha ng hamog
na dumidilig sa nanilaw na damuhan
ano pa nga’t may tula rin
sa nagbabagang singit at puson
o sa pulandit ng lumayang libog
sa init at lingkis ng gabing humiyaw.

ngunit mga makata ng inaaliping lahi
higit na matulain ang mukha ng inang luhaan
kaysa malamlam na sinag ng buwan
anak niya’y dinukot ng imbing militar
ni anino ngayo’y di na matagpuan
higit na matulain ang mata ng paslit
kaysa luningning ng bilyong bituin
dahil ni tinapay di malasahan
ni patak ng gatas di masayaran
bituka niyang hangin lang ang laman.
oo, higit na maindayog ang sayaw ng diwa
ng mga nilikhang ibinartolina
ikinadena ng mga diyus-diyosan
sa bilangguan ng dalita’t dusa
at pinalalamon sa tuwi-tuwina
ng apdo’t nakalalasong inhustisya.

oo, mga makata ng inaaliping lahi
higit na matulain ang tula
sa lagutok ng buto ng obrero sa pabrika
sa tagaktak ng pawis ng sakada sa asyenda
sa daing at panambitan
ng biktima ng pagsasamantala
sa kadensa ng libu-libong paa
sa umaalong lansangan ng protesta
higit na matulain
soneto ng mga punglo
elehiya ng mga bomba
epiko ng pakikibaka
ng sambayanang masa
oo, mga makata ng inaaliping lahi
ano pa ang higit na dakila’t dalisay
kaysa reyalidad ng marawal na buhay
ng milyong nilikhang laging naglalamay
walang hinahangad kundi kalayaan
sa pagkaalipin sa kabusabusan?

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/03/may-tula-2/feed/ 0
Bulkang Sosyal Ang Bansa http://pinoyweekly.org/new/2014/03/bulkang-sosyal-ang-bansa/ http://pinoyweekly.org/new/2014/03/bulkang-sosyal-ang-bansa/#comments Sun, 16 Mar 2014 15:56:52 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=28503 MGA ILANG dekada na ang nakararaan, maraming mga palaaral sa lipunan at pulitika ang naghambing sa bansa sa isang bulkang sosyal na maaari diumanong sumabog anumang oras kagaya ng Mt. Pinatubo kahit mga 600 taon na itong natulog. Mula pa sa nagdaang mga rehimen dahil sa napakasamang kalagayang panlipunan, lalo na sa panahon ng diktadurang Marcos, kung sinu-sino na ang humula na puputok na sa wakas ang naturang bulkang sosyal kapag hindi nabago ang grabeng kalagayang panlipunan, pampulitika man o pangkabuhayan.

Katunayan, sa isang artikulo ng yumaong Teodoro M. Locsin, Sr. ng Philippines Free Press, nilinaw niyang inihambing na noon ni Claro M. Recto — namayapa na rin at kinilalang makabayang senador noon ng Republika — ang pambansang kalagayan sa umiral na mga pangyayari sa Cuba bago nagkarebolusyon doon na pinamunuan ni Fidel Castro at nagbagsak sa malupit at mapagsamantalang rehimen ni Fulgencio Batista. Sa isang artikulo rin sa Reader’s Digest ni Carl Rowan, dating direktor ng US Information Agency, binigyang-diin niya na kagaya nga ng Cuba ang Pilipinas bago napatalsik sa poder si Batista.

Ano ang mga kalagayang umiiral noon sa Cuba na masasabing namamayani rin ngayon sa Pilipinas?

Sabi nga ni Rowan: “ang pagwawalang-bahala ng naghaharing-uri, ang pagkakaroon ng mga subersibo at gerilya sa kabundukan, ang patuloy na pag-ungol ng disgustadong mga estudyante at intelektuwal sa mga siyudad.” Idinagdag pa niya na “napakaliit ng minoryang mahigpit na pumipisil” o kumokontrol sa kayamanan at pulitika ng bansa at nagigising na ang masa, ang sambayanan, sa katotohanang ito. Nakikita na ng mga mamamayan, ayon kay Rowan, “ang kasalanan ng isang oligarkiyang gumagamit ng katiwalian, at umuupa ng mga mamamatay-tao, para makapanatili sa kanilang pribilehiyadong katayuan.” Kung hindi diumano mababago ang masamang kalagayang ito, kung hindi diumano “magigising ang naghaharing-uri sa mga pangangailangan ng masa,” dagdag niya, “maaaring magkaroon ng malaking gulo sa bansa.”

Pero bakit hindi pa nga pumuputok ang bulkang sosyal? tanong noon pa man ni T. M. Locsin, Sr. O nabago na ng kasalukuyang rehimen ang napakasamang kalagayang panlipunan at kontento na ang sambayanan?

Sinasabing lalo pa ngang naging malaganap ang karalitaan ngayon. Mga 85% ng sambayanan ang talagang pobre at lubhang miserable na ang pamumuhay. Hindi na maikakailang marami sa kanila ang kulang sa masustansiyang pagkain, nagtitiis sa kanin at asin o lugaw na hangin ang ulam. Marami sa kanila ang walang bahay, walang lupa, walang-wala, at nakikisiksik sa nagsisiksikan nang mga barungbarong sa mga suluk-sulok ng lungsod habang, sa kabilang banda, nagtatampisaw sa kayamanan ng bansa ang dayuhang mga negosyante, ang bastardong mga pulitiko, ang iilang grupo ng maimpluwensiya’t mapribilehiyong Pilipino. Katunayan, batay sa pananaliksik ni John Doherty — Amerikanong Heswita — isang ikalimang (1/5) bahagi lamang ng populasyon ang nakikinabang sa 50% ng pambansang kita at 60 pamilya lamang, ayon naman sa manunulat-mananalaysay na si Stanley Karnow, ang kumokontrol sa kabuhayan ng bansa.

Bunga ng naturang katotohanan, bukod pa sa mapaminsalang galamay dito ng imperyalismong Amerikano, hindi na dapat ikagulat kung manatiling busabos ang malaking bahagi ng sambayanan, ang 85% ng populasyon na halos kumain-dili. Hindi na rin katakatakang lalong lumaki ang agwat na naghihiwalay sa mayaman at sa mahirap at lalo pang maghirap ang milyun-milyong maralitang Pilipino.

Sa kabila ng mayabang na ipinangangalandakan ng mga tambolero o propagandista ng kasalukuyang rehimen na “maganda’t papaunlad ang buhay ng mga mamamayan at ang ekonomiya ng bansa,” hindi na kailangan marahil ng sinuman ang may mataas na gradong salamin upang makita ang tumitinding mga kontradiksiyon sa ating lipunan. Mahirap nang mapasubalian ang katotohanang patuloy na lumalaganap ang kawalang-trabaho o disempleyo, patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo nang walang kaukulang pagtaas sa suweldo lalo na ng ordinaryong mga manggagawa. Patuloy na tumataas ang mga buwis, at nag-iimbento pa ng mga bago, patuloy na bumabagsak ang halaga ng piso kontra dolyar habang patuloy namang ibinabaon sa utang ang bansa — kaya patuloy at patuloy ngang nagiging miserable ang kalagayan ng masang sambayanan.

Malinaw nang nailarawan ng yumaong Senador Benigno “Ninoy” Aquino, Jr. sa isa niyang pagtatalumpati sa Amerika noon ang naturang marawal na pambansang kalagayan. Bagaman ang katayuan ng bansa sa ilalim ng diktadurang Marcos ang tinutukoy niya noon, kapansin-pansin na parang wala ngang ipinagbabago ang mga problemang pangkabuhayan at pampulitika o panlipunan ng bansa magpahanggang ngayon.

Sinabi ni Ninoy Aquino: “Ang Pilipinas ay isang lupain ng nakalilitong pagkakaiba. Narito ang isang lupaing iilan ang labis na mayaman habang lubos na nagdaralita ang masa. Narito ang isang lupaing ang kalayaan at mga biyaya nito ay totoo lamang para sa iilan at isang ilusyon lamang o pangarap para sa nakararami. Narito ang isang lupaing nananalig sa demokrasya ngunit pinatatakbo ng isang matibay na plutokrasya. Narito ang isang lupain ng pribilehiyo at ranggo — isang republikang diumano’y para sa pagkakapantay-pantay pero sinasalaula ng isang sistema ng pag-uuri-uri.”

Idinagdag pa niya na ang pamahalaan nito’y “halos bangkarote sa pananalapi” at ang mga sangay nito’y “pinaghaharian ng mga utang at katiwalian” at, higit sa lahat, “bagsak ang mga industriya.” Sa kabila ng lahat, binigyang-diin ni Ninoy, “wala namang pagpaplanoing pangkabuhayan, walang pagtatangkang paunlarin ang ekonomiya, kung kaya nanlulupaypay ang mga Pilipino… nakakulong sa kawalang-pag-asa, walang layunin, walang disiplina, at walang pagtitiwala sa sarili.” Sabi niya, ito’y dahil na rin sa ating “mga lider na nangangalandakan ng pagmamahal sa bayan ngunit, sa katotohanan ay higit ang pagmamahal sa kani-kanilang sarili.”

Pero bakit hindi pa nga pumuputok ang bulkang sosyal? tanong nga noon pa man ni Locsin. O hindi pa totoong miserable ang sambayanan?

Maaaring kontento pa nga ang sambayanan at nakangingiti pa sa kanilang kabusabusan. Ikinakatuwiran ng mga palaaral sa pulitika na ang sambayanang Pilipino ay hindi naman kasing miserable ng sambayanang Ruso bago ibinagsak ng mga Bolshevik, sa pamumuno ni Vladimir Ilyich Ulyanov o Lenin, ang rehimeng Tsarista ng mga Romanov sa Rusya. Hindi rin sila diumano kasing miserable ng sambayanang Tsino bago naluklok sa poder ang rehimeng Komunista nina Mao Tsetung. At, ayon noon kay Locsin, lalong hindi sila napakamiserable kagaya diumano ng milyun-milyong taga-India na hindi naman naghimagsik laban sa kanilang sistema sosyal at sa gobyernong dahilan ng kanilang pagkamiserable.

Kung hindi pa nga ganap na miserable at kahabaghabag ang sambayanang Pilipino, bakit nga ba magagalit at maghihimagsik? dagdag na tanong pa ni Locsin.

Sa punto ng mga konserbatibo, totoong patuloy na yumayaman ang mayaman at talagang lalong naghihirap ang mahirap dahil kontrolado nga ng iilang pamilya ang ekonomiya’t pulitika ng bansa habang, sa kabilang banda, patuloy pang hinuhuthot ng mga dayuhan pero, sa bawat panahon, anuman ang dumating na rehimen, nakasanayan na daw ng masang sambayanan ang kahirapan at kilalang-kilala na nila ang mukha ng karalitaan. Kung totoo mang binubusabos ng mga kapitalista sa dambuhalang mga pabrika’t korporasyon ang mga manggagawa, o kung inaalipin man ng mga propiyetaryo’t asendero ang mga magsasaka, may trabaho pa naman daw sila kahit papaano at higit daw mahirap ang wala silang pinagkakakitaan lalo na ngayong laganap ang disempleyo.

Kung hindi man daw sapat ang kanilang suweldo o kinikita sa kanilang pang-araw-araw na mga pangangailangan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo — bigas man o mais, tubig man o kuryente, sabon man o mantika — may kinikita pa rin daw sila kahit paano. Makabibili pa rin daw sila ng kape’t ilang pandesal na pantighaw sa kumakalam na sikmura. Kahit malimit na hindi na sila kumakain nang tatlong beses sa maghapon, kahit kamote’t mais, kahit lugaw at asin ang kanilang kinakain, ang mahalaga daw ay may kinakain pa rin sila at sanay naman silang kumain ng kahit ano, basta puwedeng kainin.

Kung mataas man daw ang pasahe sa mga sasakyan, puwede daw naman silang maglakad na lamang dahil hindi pa naman sila pinuputulan ng mga paa. Kung sa dampa man daw sila nakatira, o sa mumurahin at masikip na entresuwelo, o sa mga barungbarong sa mga suluk-sulok ng lungsod, o natutulog na lamang sa mga bangketa, sa mga kariton at mga damuhan ng parke, ang mahalaga daw ay may natutulugan pa rin sila at puwede bang lumikha ng bata. Kung nagdaramit daw sila ng animo’y basahan, kung hindi man daw nila mapag-aral ang kanilang palabuy-laboy na mga anak, kung anuman ang lahat ng kahirapang ito, ang mahalaga daw ay nabubuhay pa rin sila kahit ipinagkakait sa kanila ng tiwaling lipunan ang karapatang mabuhay nang parang tao sa ilalim ng isang tunay na hustisya sosyal.

Bakit nga ba magagalit pa? tanong ng mga konserbatibo. Matitiis pa naman daw, marahil, ang lahat-lahat.

Ayon nga sa artikulo ni T. M. Locsin, Sr. noon, nariyan pa naman ang Simbahan kung saan puwedeng magdasal kahit minu-minuto, oras-oras o araw-araw. Baka nga mahabag din ang maawaing langit at kahit hindi kami naniniwala sa mga milagro, baka bigla ngang umulan ng bigas at talong na may kasama pang bagoong, ng damit at pera para sa sambayanang dayukdok. Isa pa, sabi ng mga relihiyosong nag-uunan ng Bibliya, mapapalad daw ang mga maralita. Mas matindi diumano ang paghihirap nila sa lupa, mas malaki daw naman ang kanilang gantimpala sa kalangitan. Hindi na bale daw na maghirap, magtiis at magsakripisyo sila nang husto sa lupa sapagkat, sa kabilang banda, puro kaligayahan naman daw ang naghihintay sa kanila sa sinasabing kabilang-buhay — walang gutom, walang uhaw, at buhay na walanghanggan basta’t manuntunang lubos sa mga aral ni Kristo. Puwede ngang tiisin ang lahat — kung gayon.

Nariyan din daw ang kalayaan sa pamamahayag at binubuhay nito diumano ang ilusyong may kalayaan. Sabi nga, huwag lamang libelo, pinahihintulutan daw ang sambayanang ipahayag ang anumang pagtuligsa sa masama’t tiwaling administrasyon, batikusin man ng maaanghang na mga salita ang kinauukulang mga opisyal o isumpa man ang umiiral na sistema sa lipunan. Kahit kontrolado ng mga hari-harian sa lipunan ang “mass media” — radyo, diyaryo at telebisyon — iplnahihintulot naman daw ang mga pagtuligsa upang mabawasan sa pamamagitan nito ang galit ng sambayanan. Pero, kaiingat, kung banta na ito sa katatagan o kapangyarihan at kaayusan ng uring naghahari-harian, malamang na ipasara ang mga iyon tulad noong rehimeng Marcos. Maaaring ipakulong pa — o ipapatay — ang masusugid na kritiko ng nakasusulukasok na rehimen.

Bakit nga ba maghihimagsik kung puwede namang malayang ipahayag ang matinding galit? muling tanong ng mga konserbatibo.

Nariyan naman daw, isa pa, ang sinasabing demokrasya. Kahit hindi nga nababago ang tiwaling balangkas ng lipunan, ipinahihintulot daw naman nito na makapamili ang sambayanan ng mga manunungkulan sa gobyerno kahit pare-pareho naman, kung tutuusin, ang pagpipilian. Mapapalitan diumano ang isang masama’t abusadong rehimen at maparurusahan ang mapagsamantalang mga opisyal. Sa pamamagitan daw ng eleksiyon, maipahahayag ng sambayanan ang kanilang galit at pagkasuklam – sa bisa ng balota — laban sa mga lider na nagpapakabundat sa kapangyarihan at nagbabasura lamang sa tunay na pambansang kapakanan. Sa bawat eleksiyon, nagkakaroon daw ang sambayanan ng pag-asang bubuti rin, sa wakas, ang busabos nilang buhay at magiging maganda na’t maunlad ang pambansang kabuhayan.

Bakit nga ba maghihimasik, muling tanong ng mga konserbatibo, kung puwede namang parusahan ng mga mamamayan sa bawat eleksiyon ang sinumang salanggapang na lider ng bansa? Pero, sa kabilang banda, tanong naman ng mga radikal, may totoo bang malinis na eleksiyon sa bansa upang maibandila ang tunay ding damdaming-bayan?

Puputok na nga ba ang bulkang sosyal? O talagang hindi pa napakamiserable’t kahabaghabag ang masang sambayanan?

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/03/bulkang-sosyal-ang-bansa/feed/ 0
Cha-Cha sa Republikang Mamon http://pinoyweekly.org/new/2014/03/cha-cha-sa-republikang-mamon/ http://pinoyweekly.org/new/2014/03/cha-cha-sa-republikang-mamon/#comments Tue, 04 Mar 2014 12:19:40 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=28302 Bakit nagkukumahog at nanggigigil na naman ang pambansang lideratong mag-CHA-CHA (Charter Change)? Sa nagdaang mga rehimen matapos ang Edsa Piknik 1, laging isinusulong ito sa Kongreso at idinadahilang hindi na angkop ang umiiral na 1987 Konstitusyon ng bansa para sa tunay na kapakanan at kaunlaran ng Republikang Mamon. Hindi na ito diumano makatutugon sa hinihingi ng mapaminsalang globalisasyong lumilitaw na pabor lamang sa ganid na mga interes ng dambuhalang kapitalistang mga bansa, lalo na ng Estados Unidos ng Amerika.

Dalawang proseso ang maaaring isalaksak sa titiguk-tigok na lalamunan ng dayukdok na sambayanan kung talagang igigilgil ang CHA-CHA: una, maaaring pagkalooban ng kapangyarihan bilang isang asamblea constituyente ang Kongreso, tulad ng lehislatura ng Pransiya noong 1789-1791, at sila-sila na lamang ang magsusog o magbago sa umiiral na Konstitusyon o, sa kabilang banda, maaaring maghalal ng mga delegado para sa isang Kombensiyon Konstitusyonal tulad nang idinaos sa Philadelphia nang balangkasin ang Konstitusyon ng Estados Unidos ng Amerika, at ganito rin ang ginawa sa Pilipinas noong 1970 sa ilalim ng rehimen ni Marcos.

Sinasabing magiging kasimbuti lamang ng mga magbabago o magsususog nito ang mabubuong bagong Konstitusyon. Kung mga kinatawan at tagapagtanggol lamang ng uring hari-harian ( bastardong makasariling mga pulitiko, ganid at salanggapang na mga kapitalista’t asendero, mga instrumento ng tusong mga denominasyong pang-relihiyon, at mga tagahimod ng kuyukot ng dayuhang mga interes) na, di nga kasi, ay siyang pangunahing bumubuo sa pambansang liderato, paano aasahang kapakanan ng buong bansa at lalo na ng masang sambayanan ang kakatawanin ng nilalaman ng malilikhang bagong Konstitusyon? Hindi rin kaya isingit ng diumano’y mararangal na kinatawan ng bayan ang isang probisyong magpapalawig sa termino ng panunungkulan ng mga sugapa sa kapangyarihan at kayamanan upang mamalaging nakapagkit ang kanilang mga puwit sa inodoro ng sangkatutak na mga impluwensiya’t pribilehiyong ipinahihintulot ng tiwali’t nakasusukang burukrasya? Paano aasahan, kung gayon, na makalilikha ng banal na dokumento ang grupo ng mga impakto?

Ngayon pa lamang, dumadagundong na ang layunin ng kinauukulang mga diyus-diyosan na lamutakin ang mga probisyong pang-ekonomiya, ibasura ang anumang limitasyon laban sa dayuhang mga interes. Una, upang iangkop diumano sa daluhong ng mapanggantsong globalisasyon, pahihintulutan na ang dayuhang mga kapitalistang makapagmay-ari na ng mga lupain at gusali dito gayong, sa kabilang banda, wala ni isang dangkal na lupa sa sariling bayan ang milyun-milyong maralitang Pilipino dahil iilang pamilya lamang ang nagmamay-ari ng mahigit na 50% ng lupain sa Pilipinas. Ikalawa, maaari nang makontrol ng dayuhang mga negosyante ang 100% kapital sa mga korporasyon at negosyo (sa umiiral na Konstitusyon, 60% ang sa Pilipino at 40% lamang sa dayuhan). Ikatlo, at higit na kasuklam-suklam, pahihintulutan na ang dayuhang mga kapitalistang magnegosyo’t magpatakbo ng pambayang mga utilidades (public utilities), gaya ng tubig at kuryente, transportasyon at telekomunikasyon, mga ospital at mga paaralan, at maging mass media o pangmadlang komunikasyon na, kung tutuusin, ay dapat na hawak at kontrolado ng mga Pilipino alang-alang sa pambansang seguridad.

Kung hindi rin lamang mahahadlangan ng makabayan at progresibong mga sektor ng lipunan ang iginigiit na tono ng CHA-CHA na may layuning ibuyangyang at salaulain ang pambansang interes at soberanya, bakit hindi pa ipalamon na lamang nang buung-buo ang bansa sa laging gutom na bunganga ng uring mapagsamantala at ng mapandambong na layunin ng diyus-diyosang kapitalistang mga bansa sa pangunguna ng Amerika ni Uncle Sam?

Sabi nga raw ng diumano’y banal na Simbahan: magtiis na lamang at magdasal!

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/03/cha-cha-sa-republikang-mamon/feed/ 0
Nasalaula: Diwa ng Edsa 1 http://pinoyweekly.org/new/2014/02/nasalaula-diwa-ng-edsa-1/ http://pinoyweekly.org/new/2014/02/nasalaula-diwa-ng-edsa-1/#comments Thu, 20 Feb 2014 04:33:18 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=28060 MARAMI ang nag-akala noong 1986 na ang buwan ng Pebrero ang simula ng pambansang pagbabago tungo sa isang lipunang makatao’t makabayan, mapayapa’t maunlad, malaya’t progresibo at demokratiko. Nasa paligid na diumano ang mailap na anino ng lantay na hustisya sosyal. Matapos ang halos 14 na taon ng paghahari sa bansa ng malupit, marahas, mapanikil, at mapandambong na Batas Militar, ipinagpasalamat nga ng mga madasalin at naghihilamos ng agua bendita sa sinasabing milagrosong Birhen ng Edsa ang pagbagsak, sa wakas, ng diktatoryal na rehimeng Marcos.

Hindi nga masamang gunitain, tuwing sasapit ang Pebrero 22-25, ang malabayaning pagkilos ng sambayanan noon na naglundo sa kilala ngayong Edsa 1. Nasilayan nga sa papawirin ang bahagyang liwanag matapos ang paghahari ng dilim sa isang yugto ng kasaysayan ng bansa. Maaalaala, waring lumakad tuloy sa alapaap ang marami, naghosana sa kaitaasan at masigabong nagbunyi nang malamang lumayas na ng Malakanyang ang diktador kasama ang pamilya at pangunahing matatapat na basalyos.

Natural, sa naturang mga petsa, hindi maiiwasang sariwain ng mga bida — kahit sa kanilang pag-iisa — ang mga papel na ginampanan nila sa Edsa 1 na waring isang madulang pelikula na walang kawawaang wakas. Nariyan ang mga basalyos nina Cory, Ramos, Enrile at Honasan, ang mga Lopez at Ayala, ang mga basalyos ng yumaong si Jaime Kardinal Sin, at maging ni dating Presidente Gloria Macapagal-Arroyo na naluklok sa kubeta ng kapangyarihan sa pamamagitan naman ng Edsa 2 na, hindi mapapasubalian, ay ibinunsod ng impluwensiya ng karanasan sa Edsa 1. Pinatunayan noon sa buong mundo na maaaring patalsikin sa poder ang sinumang abusadong lider ng bansa kung nagkakaisa sa pagkilos ang malawak na sektor ng sambayanan.

Ano nga ba ang dapat ipagpasalamat ng sambayanan sa Edsa 1?
Piknik ba lamang ito o tunay na rebolusyon? Nabago ba ang nakasusulukasok na pambansang kalagayan?

Matapos ang magiting na pagharang sa mga tangke at sundalo ng Estado habang madamdaming inaawit ang Bayan Ko, matapos ang pagsuong sa anumang panganib at manindigang handang ibuwis ang buhay kung magkaroon man ng madugong sagupaan, napatalsik nga sa poder ang diktador at naibalik sa bansa ang dati ring palsipikadong kalayaan at kasarinlan at kunwa-kunwariang demokrasya.

Ano nga ba ang diwa ng Edsa 1 na dapat gunitain at ipagbunyi taun-taon?

Matapos nga ang lahat-lahat, mula sa rehimen ni Cory hanggang sa kasalukuyan, lumitaw na ang Edsa 1 ay isang yugto lamang ng waring walang katapusang sarsuwelang patuloy na ginagampanan ng mga naghahari-harian sa lipunan tulad ng bastardo’t salabusab na mga pulitiko, ng tuso’t salanggapang na mga kapitalista’t asendero, ng mala-asong mga tagahimod ng kuyukot ng dayuhang mga interes, at ng iba pang pawang lumalaklak sa pawis at dugo ng masang sambayanan.

Nakalulungkot, di nga kasi, sa aklat ng kasaysayan ng Edsa 1, nanatiling ekstra lamang ang libu-libong ordinaryong mga mamamayang buong giting na sumuporta sa mga bida. Nanatili nga silang mga anino lamang, walang mukha ni pangalan, hindi napasama sa aklat ng mga tula “ng mga intelektuwal na walang pakialam sa pulitika ng aking bansa,” sabi nga ng makatang si Otto Rene Castillo. Higit pa ngang masama, at nakasusulak ng damdamin, kinalimutan o ibinasura ng uring mapagsamantalang nagrigodon sa kubeta ng kapangyarihan ang lehitimong mga karapatan at kapakanan ng mismong karaniwang mga mamamayang sinikil at sinalaula sa panahon ng diktadura; ipinampunas nga ng paa at puwit ng mga diyus-diyosan ang dignidad ng bayan at ng masang sambayanan.

Maaaring nagising ng Edsa 1 ang matagal na nakatulog na damdaming makabayan at naisulong ang kamulatan at pagiging militante ng maraming mamamayan laban sa anumang uri ng inhustisya at pag-abuso sa kapangyarihan ng mapanikil at mapandambong na rehimen. Naibagsak nga ang diktadura ngunit, magpahanggang ngayon, sa kabila ng apat na rehimeng humalili sa diktatoryal na rehimeng Marcos, paulit-ulit pa ring itinatanong: Naisulong ba ang tunay na pambansang kapakanan?

Maliwanag na nagkaisa lamang ang mga bida sa Edsa 1 na ibagsak sa poder si Marcos para sila naman ang umugit o mamahala sa bansa ngunit, kung susuriin, wala naman sila noong malinaw na mga programa o patakarang pampulitika, panlipunan at pang-ekonomiyang ganap na magsusulong sa kapakanan ng bansa at ng masang sambayanan upang makalaya, sa wakas, sa tanikala ng kabusabusan o karalitaan at makaamoy man lamang — kahit bahagya — ng lantay na hustisya sosyal.

Kung maituturing ngang rebolusyon ang Edsa 1 — hindi waring isang madulang pelikula lamang — mahalaga tuloy ang sinabi ng rebolusyonaryong si Fidel Castro ng Cuba: “Ang mahalaga sa isang rebolusyon ay hindi ang mismong PAGKAKAISA LAMANG, kundi ANG MGA BATAYAN NG PAGKAKAISA.”

At sa Edsa 1, maliwanag nga na nagkaisa lamang ang lumitaw na mga bida na wakasan ang diktadura, at sila naman ang namayagpag sa kapangyarihan kaakibat ang mga grasya’t nakalalasing na mga pribilehiyo habang, sa kabilang banda, nanatiling titiguk-tigok ang lalamunan ng dayukdok na masang sambayanan. Naiwan sa kangkungan ang kapakanan ng nakararaming karaniwang mamamayan mula noon hanggang ngayon. Ang pinabagsak na masamang rehimen ay napalitan lamang ng masama rin, o higit pang masamang mga rehimen.

Kung tutuusin, at malalim na susuriin, baka hindi agad napatalsik ang diktador at kailanganin pa ang talagang madugong rebolusyon kung hindi minaniobra ng mga diyus-diyosan sa Washington — hindi ng Birhen ng Edsa — ang umiiral na kalagayan noon. Nakita ng Amerika na hindi na epektibo si Marcos bilang tuta nito para pangalagaan pa ang kapakanan ni Uncle Sam sa Pilipinas sapagkat galit na galit na hindi lamang ang masang sambayanan, kundi maging ang mga elitista’t mayayamang sinagasaan ni Marcos ang makasariling mga interes.

Hinog na hinog na noon ang rebolusyonaryong mga kondisyon sa bansa para sa isang tunay na himagsikan. Ikinatakot ng Amerika na kung magkaroon ng giyera sibil at manalo ang malakas nang puwersa noon ng mga makabayan at progresibo at kung ang mga ito na ang hahawak sa renda ng pambansang kapangyarihan, tiyak na mawawasak ang lahat ng mapandambong na interes ng Amerika dito. Samakatuwid, kailangan nang ibasura si Marcos at palitan ng isang personaheng katanggap-tanggap sa mga mamamayan — si Tita Cory nga na madasalin at mahinhin — ngunit, sa kabilang banda, kayang-kayang diktahan, pilipitin ang leeg, o paikuting parang trumpo upang maging masunurin sa imperyalistang mga kagustuhan ni Uncle Sam. Kaya, sa kasagsagan ng Edsa 1, tinawagan nga ng Amerika si Marcos, binalaang hindi dapat dumanak ng dugo at makabubuting iwan na ang puwesto; sinundo nga ng helikopter ni Uncle Sam sa Malakanyang si Marcos at ang buo niyang pamilya, kasama ang ilang piling basalyos, at dinala sa Hawaii, hindi sa Paoay.

Mula nga noon, hanggang ngayon, kahit nagkaroon pa ng Edsa 2 at nabigong Edsa 3, naibalik nga lamang sa bansa ang sinasabing palsipikadong kalayaan at demokrasya na, batay sa marami nang pangyayari, lagi’t lagi lamang pumapabor sa uring hari-harian at mapagsamantala sa kapinsalaan ng bansa’t masang sambayanan. Mula sa rehimen ni Tita Cory hanggang sa kasalukuyan, paulit-ulit na nasalaula ang diwa ng Edsa 1.

Unang-una, hindi naman nabago ang tiwaling balangkas ng lipunang kontrolado’t pinaglalaruan lamang ng iilang piling grupo ng mga tao ang pambansang pulitika’t ekonomiya, ang hustisya’t demokratikong mga proseso, lalo na nga ang buhay ng dayukdok na masang sambayanan –mga manggagawa’t magsasaka, mga ordinaryong empleyado sa gobyerno, at iba pang nabibilang sa uring api’t busabos. Mahirap mapasubalian, malinaw na namamayani pa rin, at tumindi pa nga, ang mga dinastiyang pampulitika. Lalong sumidhi ang pagkasugapa sa kapangyarihan ng mga nasa poder, gayundin ang kanilang pagkasalabusab sa pondo ng bayan. Naging higit pang garapal ang pangangayupapa ng pambansang liderato sa dayuhang mga interes na lalong ikinalulugmok ng pambansang ekonomiya tungo sa higit pang gutom at karalitaan ng ordinaryong mga mamamayan.

Higit pang masama, kahit pinatalsik sa poder ang diktador, nakabalik naman sa inodoro ng kapangyarihan — at namamayagpag ngayon sa pribilehiyo’t impluwensiya — ang ilang piling basalyos ni Marcos na lumilitaw na kinukupkop pa’t kaalyado ng kasalukuyang mga namumuno sa bansa. Sabagay, hindi na nga ito dapat ipagtaka, sapagkat magkakabalahibo naman sila, iisa ang kulay, silang bumubuo ng uring naghahari-harian at mapagsamantala.

Natural, nananatiling kahabaghabag na ekstra ang masang sambayanan sa masalimuot na sarsuwela ng mga bidang mandurugas. Habang namumuwalan sa grasya’t pribilehiyo ang bibig ng mga diyus-diyosan sa lipunan sa pamamagitan ng kung anu-anong hokus-pokus at garapal na katiwalian, habang nagririgodon lamang sa poder ang uring mapagsamantala, talagang dayukdok hanggang ngayon, api’t busabos ang nakararaming ordinaryong mga mamamayan.

Ano nga ba ang dapat na gunitain at ipagpasalamat sa Edsa 1? Ang mapalitan ang dating mapanikil at salabusab na rehimen ng bago’t mapanikil at salabusab ding mga rehimen?

Habang patuloy na sinasalaula ng mga nasa poder, ng mga diyus-diyosan at hari-harian sa lipunan ang diwa ng Edsa 1, patuloy at patuloy din lamang nilang iduruyan at lulunurin ang masang sambayanan sa ilusyon ng buladas na pambansang kaunlaran, at ipinangangalandakang demokrasya’t hustisya sosyal, gayundin ng sinasabing kalayaan at kasarinlan. Kailan nga kaya ito magwawakas para sa tunay na pambansang katubusan?

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/02/nasalaula-diwa-ng-edsa-1/feed/ 0
To Hear No More http://pinoyweekly.org/new/2014/01/to-hear-no-more/ http://pinoyweekly.org/new/2014/01/to-hear-no-more/#comments Thu, 30 Jan 2014 11:39:11 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=27723 i wish to hear no more
the rhythmic melodies of words
in vague phrases and paragraphs
no more do i like to hear
the clanking of rhetorics
like galvanized sheets
molded on the roof of an old bus
that could hardly run on a stony road
no more, no more do i like to hear
the marching cadence of lyricism
in many blindfolded lines
of crawling stanzas of poems
no more will my heart beat
through the touch
and caress of stunted syllables
my mind would just be tormented
by convoluted messages
shattered might be my eardrums
by the deafening cries
of a lonely heart swimming
in the sea of despair
singing only the sadness
of two separated grieving souls
weaving in poems the litanies of grief
and the delusion of a mind
enslaved by the love-stricken moon.

on the paper’s face
i wish to see the sputum of words
the bloody arms of lines
the rebellious metaphors of sacred dreams
of the prostrate masses on clayish soil
the flaming lyrics of the people’s brain
yes, i wish to hear in every stanza
the hissing of bullets
the roaring of bombs
in the poetic struggle
of the oppressed class
i wish to hear
in the encoded hymns
on the masses’ breast
the cussing of the wind
in the deep night
the dashing of lightning
on the face of darkness
the earsplitting thunder
in barren hills
the exploding protests
in the city’s bosom
the reverberating shouts
of a noble soul
cohabiting always
with the country
he loves forevermore.

yes, i wish to see no more
the framed pictures of deluded love
or torrid kisses of lustful lips
am oftenly blindfolded
by love’s illusions
you’ve painted
on the curtain of my eyes
lurking in my mind’s room
are numerous revolting images
slaves of darkness
tortured by the starless nights
when shall all these metamorphose?
scrawny arms
wrinkled faces
bended backs
emaciated bodies
twisted intestines
while feasting are the lords
on the abundant table
of flesh and blood
of slaves with rumbling bellies
while they
the demigods in gold palaces
savor the aged wines
the roasted pig
the sexy lass
when would they drop a speck of pity
on the palms of the downtrodden class
from whom they derived their awesome wealth
when would they give the dispossessed
a scoop of rice
to satisfy the kid’s growling stomach
where only air so oftenly dwells?

no more, no more
i wish to hear
the melancholic elegy
the praying ode
the squeaking epic
the toothless words
the lame stanzas
that don’t spit
on the greedy face
of rapacious crooks
now, i wish to see
on wrinkled papers
flaming letters
in barren fields
burning words
reducing to ashes
the oppressors of the poor
i wish to see razor-like stanzas
slashing the breast
of fear and grief.
i wish to see no more
the lethargic words
so weak to invigorate
the people’s consciousness
yes, i like to see words
with violent waves
with surging storm
smashing the shores
of exploitation and injustices
let glare the sun’s heat
let shout the thousand words
let the rain be sharp arrows
or angry onrushing bullets
piercing the black heart
of the exploitative class
cracking the skulls of those
who’ve betrayed
the now and then
of a nation slaughtered
by the insatiable ruling class
blazing letters
flaming words
stanzas invectives full
armed with bombs and guns
would murderously incinerate
the shady palaces
of lords of corruption and greed!

(My English version of AYOKO NA!)

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/01/to-hear-no-more/feed/ 0
Matino Ba Ang Tri-Media? http://pinoyweekly.org/new/2014/01/matino-ba-ang-tri-media/ http://pinoyweekly.org/new/2014/01/matino-ba-ang-tri-media/#comments Sun, 12 Jan 2014 03:21:34 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=27357 Kalimitan, nakakaalibadbad at nakasusuka nang manood ng lokal na mga programa sa telebisyon.  Nakasasawa na ang santambak na mga kahangalan at kabalbalan.  Hindi na kailangang banggitin pa ang mga programang iyon; buksan na lamang ang lokal na mga estasyon at mapatutunayan ang tawag ni McLuhan na isang “idiot box” ang telebisyon.  Nariyan ang mga drama ng iyakan at sigawan na inaagusan ng balun-balong luha ng kapighatian; nariyan ang mga telenobela ng malalapot na paglalambingan at nanggigitatang pag-iibigan kasama na ang dayuhang mga dramang pinamamayanihan ng de kahong mga paksang pobreng lalaki at mayamang babae o maralitang dalaga at mayamang binata; nariyan ang mga pantasiya’t kababalaghan na namumutiktik sa mga drakula at aswang; nariyan din ang walang humpay na sayawan at awitan at kung anu-anong palarong ginagago ang mga kalahok na naglalaway sa premyong pera bunga ng malupit na karalitaan.  Kung wala marahil ang mga programa sa balita (puwera ang mga estasyon ng gobyerno na batbat ng propaganda’t kasinungalingan), maaari nang pagdurug-durugin at itapon sa basurahan, gaya ng naghambalang na mga babasahing komersiyal, ang bawat telebisyon sa buong bansa.

Malabong anino ang reyalidad sa nabanggit na mga palabas.  Malinaw na lantarang inilalayo sa katotohanan ang sambayanan at isinasalaksak sa kanilang kaisipan ang iba’t ibang ilusyon upang patuloy silang maaliw at makalimutan ang nagdudumilat na mga dahilan ng kanilang karalitaan, kaapihan at kabusabusan.  Sa layuning hindi mamulat, magalit at maghimagsik ang sambayanan laban sa uring mapagsamantala,  pilit na itatago ng ilang makapangyarihan, maimpluwensiya’t mayamang mga diyus-diyosan sa tri-media (radyo, telebisyon at babasahin) ang naghuhumindig na mga katotohanang magpapalaya sa mga mamamayan sa kamulalaan at, di nga kasi, maaari ding magwasak sa nakasusulukasok na pambansang kalagayan.

Sino nga ba ang kumukontrol sa tri-media?

Ilang mayamang pamilya lamang, kasama na ang tuso’t negosyanteng mga pulitiko — maliban marahil sa tagapaglathala ng PINOY WEEKLY — ang batbat ng impluwensiya’t kapangyarihan at nagmamay-ari ng pangunahing mga publikasyon at mga estasyon ng radyo’t telebisyon.  Natural, upang mapangalagaan ang mapandambong nilang mga interes — lalo na ang imperyo ng kanilang nagkalat na mga negosyo — pakikialaman at pakikialaman nila’t didiktahan ang kanilang mga publikasyon at estasyon at, higit pang masama, walang habas nilang pilit na inililigaw ang damdaming-bayan o opinyon publiko, binabaluktot  nila’t  pinaglalaruan ang katotohanan upang manatiling gago’t bulag ang sambayanan.

Ipahihintulot kaya ng isang asendero, kung gayon, na ilathala sa kanyang magasin o ibalita sa kanyang peryodiko kung paano siya nangamkam ng mga lupain o kung paano niya sinasalaula ang batas sa reporma sa lupa?  Maglalathala kaya siya ng mga kuwento o nobela, drama o tula, tungkol sa kasuwapangan at kawalanghiyaan ng mga propiyetaryo o katusuhan ng mga asendero, at kung paano nila patuloy na pinagsasamantalahan, inaalipin at binubusabos ang kanilang mga magsasaka?

Ipalalabas kaya ng ganid na kapitalista sa estasyon ng kanyang telebisyon kung paano niya kinakatas sa kanyang pabrika’t korporasyon ang pawis at dugo ng kanyang mga trabahador upang magkamal lamang siya ng limpak-limpak na tubo?  Papayagan kaya niyang ibandila sa mga programa sa kanyang estasyon na mag-organisa ang mga manggagawa, magsipagtayo ng unyon, ipaglaban ang kanilang lehitimong mga karapatan at magwelga kung nagbibingi-bingihan sa kanilang mga karaingan ang salanggapang na kapitalista?

Ipahihintulot kaya ng bastardong pulitiko na ibalita sa estasyon ng radyong kontrolado niya kung paano siya nandaya sa eleksiyon, kung paano siya namili ng boto, kung magkano ang kinulimbat niya sa pondo ng bayan, kung magkano din ang tinanggap niya mula sa sindikato ng ilegal na sugal at droga, at kung sinu-sino din ang kanyang ipinapatay lalo na ang mga kalaban niya sa pulitika, bukod sa mahihigpit niyang kritiko?

Sabagay, hindi na dapat ipagtaka, sa prinsipyo ng mga diyus-diyosan at basalyos ng masusugid na tagapagtanggol ng bulok na status quo, makatuwiran nga lamang na baluktutin nila ang lahat mapangalagaan lamang ang kanilang impluwensiya, pribilehiyo’t kapangyarihan.  Batay sa kanilang pagmamaniobra at makasariling interpretasyon ng mga bagay-bagay, ang totoo’y puwedeng maging kasinungalingan o puwedeng maging kabulaanan ang lantay na katotohanan.

Alin nga ba ang totoo pa sa mga babasahin at sa mga programa sa radyo’t telebisyon?

Sinalakay pa nga ang tri-media ng isa pang matinding ilusyon — ang naghambalang ngayon na iba’t ibang sektang panrelihiyon. Sa telebisyon na lamang, may misa kung Linggo sa iba’t ibang estasyon.  Malaking oras ang nilalamon ng iba’t ibang grupong relihiyoso na patuloy na  nagsisiraan, nagpapaligsahan, nagpapagalingan at nang-aakit ng posibleng mga miyembro.  May pakulo ang El Shaddai, may karnabal ang JIL (Jesus Is Lord), may sarsuwela ang INC (Iglesia ni Cristo), may pasiklab ang Dating Daan.  Bukod pa ang mga nabanggit sa naghambalang na mga pastor at ministro na nagdudumakdak sa mga estasyon sa radyo man o telebisyon na para bang mga henyo sa Bibliya at tanging may karapatang mangalandakan kung ano ang tamang interpretasyon ng sinasabing “banal na mga salita” ng itinuturing nilang Diyos.  Lumilitaw tuloy na sa sinasabi nilang kalangitan — saanman iyon — may kani-kanila na silang esklusibong subdibisyon para sa nananampalataya nilang mga kampon.

Sa kasalukuyan tuloy, waring isang damong sumibol sa disyerto ang magkaroon sa tri-media ng mga babasahin at programa sa radyo’t telebisyon na matapat na tagapaglarawan ng reyalidad o tagapagbandila kaya ng mapagmulat at mapagpalayang katotohanan.  Kung mayroon man, pasaglit-saglit lamang ang buhay nito at, kalimitan, agad na naghihingalo.  Natural, wawasakin at dudurugin ng uring naghahari-harian sa lipunan at namumunini sa tiwaling establisimiyento ang anumang daluyan ng matino, makatotohanan, mapagmulat at mapagpalayang mga kaisipan.  Wala na nga yatang puwang ang katinuan sa Republika ng mga Ilusyon.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2014/01/matino-ba-ang-tri-media/feed/ 0
Am Hearing Your Lamentations http://pinoyweekly.org/new/2013/11/am-hearing-your-lamentations/ http://pinoyweekly.org/new/2013/11/am-hearing-your-lamentations/#comments Fri, 22 Nov 2013 05:15:03 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=26688 am hearing your lamentations
la tierra pobreza
land of poverty and sorrow
land saturated by the blood
of the oppressed class
disgraced by injustices
enslaved by exploitation
your cries reverberating
on the wings of the easterly wind
yes, am hearing your lamentations
even on the chirping of the sparrows
piercing and slashing my soul
on nights the pallid moon prays
on mornings like tears
the dewdrops descend
on the yellowish grass
on middays the asphalted streets
groan under the burning sun
on dusks the angry waves
bash the lonely shore.

yes, am hearing your cries
la tierra pobreza
in the thunder’s rumbling
in the ashen sky
in the lightning’s hissing
in the darkness of night
in the flowing of water
down the mountain’s heart
yes, am hearing your sorrows
la tierra pobreza
in the mumblings of wives
who lost their husbands
shrouded in hidden graves
am hearing it
in the orisons and novenas
of so many sisa*
crispin* could be found no more
buried somewhere
by the forces of darkness
or left to rot
in a stinking jail
or abandon to decompose
in the sea’s bottom
not a mere shadow
of his skeleton
looms no more.

yes, am hearing your lamentations
la tierra pobreza
in the flowing sweats
of emaciated workers and farmers
in the growling of empty stomachs
in the clanking of tin cans
in some garbage dumps
in the creaking
of torn galvanized sheets
on roofs of demolished shanties
beside the murky canal
from tripa de gallina
to canal de la reina
am hearing your grief
la tierra pobreza
in houses bulldozed
in some public lands
now your wretched offsprings
are mere stray dogs and cats
roaming around the black night.

yes, lurking in my ears
your lamentations
la tierra pobreza
anywhere in this planet
your unfortunate people are
strewn by the wind of poverty
scattered like debris
in cruel foreign lands
as hope is now skeletal
and joy is shattered to pieces
in your land made barren
by the exploitative class
yes, la tierra pobreza
“not all are sleeping
“in the darkness of night”
they also are hearing
your calls
their eyes burning with desire
to pulverize, at last
your prison walls!

(my modified English version of my NARIRINIG KO ANG IYONG PANAMBITAN. *Sisa is a poor mother — a character in Jose Rizal’s novel Noli Me Tangere or Touch Me Not — who lost her son *Crispin after being beaten to death by a sacristan of a Spanish friar)

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2013/11/am-hearing-your-lamentations/feed/ 0
Sa Pasigan Ng Kamalayan http://pinoyweekly.org/new/2013/09/sa-pasigan-ng-kamalayan/ http://pinoyweekly.org/new/2013/09/sa-pasigan-ng-kamalayan/#comments Sun, 15 Sep 2013 05:38:55 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=26004 sa pasigan ng kamalayan
hinihintay ko tsunami
ng ngitngit ng sambayanan…
sa laot ng dagat ng kamulatan
dumadagundong na’t dumaramba
nag-aalimpuyong alon ng dugo’t luha
ng dinustang mamamayan.
daluyong kaya silang dadaluhong
sa pader ng kasakiman
lulunod sa mga eskribano’t pariseo
sa mga hari-haria’t diyus-diyosan
ng lipunang walang galang
sa sagrado nating karapatan?
wawasakin na bang ganap
ng delubyo ng pagbabago
mapanlinlang na mga templo
mapagsamantalang mga palasyo
ng iilang mga tuso’t abusado?

sa pasigan ng kamalayan
nagnanaknak makadurog-puso’t nananangis
na mga larawan ng hubad na kaapihan…
silang hinihilamusan
ng dusa’t luha’t panambitan
silang namamaluktot
sa miserableng mga “condo”
sa ilalim ng tulay ng kabiguan
kaulayaw ng mga insekto’t dagang
ayaw kalingain ng di patas na lipunan
silang araw-araw na sinisinghot
alingasaw ng nagbalatay na estero
sa gilid-gilid ng kalunsuran
silang araw-araw na palaman sa tiyan
“pagpag” mula sa inuuod na basurahan
silang hukot na mga aninong naglalamay
sa mga asyenda’t pabrikang walang humpay
sa kanila’y umaalipi’t nanlalamang.

oo, sa pasigan ng kamalayan
di ako magsasawang hintayin
tsunami ng ngitngit ng sambayanan
parang mga bomba rin itong sasabog
sa mesa ng walang pakundangang kapangyarihan
at walang budhing karangyaan
habang dinarambong ng iilang tulisan
pati barya sa lukbutan ng mamamayan
at magiliw na sinasamyo ng diyos ni mamon
halimuyak ng kanilang hugo boss
miyaki’t bulgari’t pierre cardin
oo, may hangganan din ang walanghanggan
kapag nag-alimpuyo’t nanalasa
tsunami ng ngitngit ng sambayanan
di mapipigil ng pader ng kaimbihan
daluyong ng paghingi ng katarungan
delubyo itong lulunod-papatag
sa nabubulok-inuuod na lipunan!

————————————————————-
condo — mumunti, tagpi-tagpi’t miserableng bahay ng mga naninirahan na lamang sa ilalim ng mga tulay sa kalunsuran.

pagpag — mga tira-tirang pagkain na itinapon na sa basurahan at pinagtitiyagaang pulutin ng mga maralita, huhugasan at muling iluluto upang sila’y may makain.

hugo boss, miyaki, bulgari at pierre cardin — mamahaling mga pabango ng mayayaman, saanman nanggaling ang kanilang kayamanan.
—————————————————————

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2013/09/sa-pasigan-ng-kamalayan/feed/ 0
Alay Sa Bayaning Mandirigma (Gat. Andres Bonifacio) http://pinoyweekly.org/new/2013/08/alay-sa-bayaning-mandirigma-gat-andres-bonifacio/ http://pinoyweekly.org/new/2013/08/alay-sa-bayaning-mandirigma-gat-andres-bonifacio/#comments Wed, 21 Aug 2013 07:32:18 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=25528 (Tula –sa kanyang 150 taong kaarawan sa Nob. 30)

sa mahigit na tatlong daang taon
inalipin ka, ikaw, indio, ng ating la tierra pobreza
dumaong sila mula sa banyagang dalampasigan
silang mga puting panginoon
ng dusa’t inhustisya
upang itarak sa iyong puso’t isipan
espada at krus para ika’y pagharian
ginayuma ka, indio, ng maningning
at maringal na mga templo
upang sumamba ka’t manikluhod
habang isinisiksik sa pandinig at utak mo
mahabagin ang diyos sa mga gaya ninyo
ngunit lagi kang nananangis, indio,
at pumapailanlang sa simoy ng amihan
melodiya ng pagdurusa’t panambitan
ginawang kalabaw ang iyong mga anak
sa mga lupaing kanilang kinamkam
ginawang martilyo’t turnilyo
bisig ng iyong mga supling
sa kanilang pabrikang gilingan ng laman
sinakmal-sinaid di masukat mong yaman
ipinulupot sa iyong leeg at katawan
tanikala ng kaalipinan at karalitaan
parang mga tunog ng tambol sa karimlan
hinagpis ng mga kaluluwang nilapastangan
at karapatan mo lamang noon, oo, indio,
ang manangis at mamatay.

ngunit “di lahat ay natutulog sa dilim ng gabi”
at nagsayaw ka, gat. andres bonifacio
sa lagablab ng apoy ng sigang sinindihan
ng mga aninong kalansay na ngayon
hanggang tuluyang sumilakbo ang iyong puso
at marahas na rumagasa ang iyong dugo
hanggang sa karimlan ng gabi
ikaw at ang mga kapatid mong magigiting
ay walang humpay na naglamay
upang ititik ng inyong mga dugo
sa naninilaw na damuhan ng pag-asa
sa nabaog na mga burol at sabana
banal na layuning sintang baya’y palayain
gilitan ng leeg ang mang-aalipin
oo, gat. andres bonifacio
pataksil ka mang pinatay
ng mga kampon ng dilim
bayani ka pa ring mandirigma
ng kalayaan at pagsinta
at sa puso nami’y lalagi kang dakila
mamumulaklak, magniningning, hahalimuyak
magiting mong mga alaala
lalo’t pinakasisinta naming la tierra pobreza
sakbibi ngayon ng bagong mga panginoon
ng lagim at dusa’t inhustisya
at, oo, tungkulin naming ituloy ang pakikibaka.

oo, bayaning mandirigma ng patria adorada
huwag kang manimdim
magbabanyuhay rin ang iyong mithiin
magsasanib ang ating mga adhika
at di mapipigtal ng mga panahon
mga bulaklak ng lunggating sa dibdib bumukad
mga talulot iyon ng sanlaksang gumamela
mga pulang petalya sa pader ng alaala
lebadura sa panata ng madugong pakikibaka
kaming mga kapatid mo sa uri’t pagmamahal
ay magsasayaw pa rin sa lagablab ng apoy
ng sigang sinindihan ninyo noon pa man
magsasayaw kami tulad ng zulu ng timog aprika
tulad ng mga inca ni manco capac
sa imperyo ng tahuantinsuyo
tulad ng mayan ng chiapas, yucatan at tabasco
ng sibilisasyong mesoamerikano
palasong maglalagos sa aming puso
titig ng mga matang inaapawan
ng luha ng dalamhati ng lahi
maglalandas sa aming mga ugat
ngitngit ng butuhang mga bisig
himagsik ng impis na mga dibdib
oo, sa lagablab ng apoy ng iyong mga alaala
patuloy kaming magsasayaw
hanggang isabog ng mga alipato
maningning na pag-asa
hanggang isakay ng mga dahon
matimyas na pagsinta
hanggang hinahabol
ng sumisingasing na hininga
layang ibinartolina
ng mga panginoon ng dusa
di mamamatay ang apoy ng iyong mga alaala
di mapipigilan ng daluhong ng mga punglo
mula sa kuta ng pagsasamantala’t inhustisya
lagablab ng apoy ng iyong pagsinta
para sa pinakamamahal nating la tierra pobreza!

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2013/08/alay-sa-bayaning-mandirigma-gat-andres-bonifacio/feed/ 0