Pinoy Weekly » Talakay-Takilya http://pinoyweekly.org/new Philippine news, analysis, and investigative stories Thu, 16 May 2013 04:56:26 +0000 en-US hourly 1 http://wordpress.org/?v=3.5.1 Relasyon — Kerida, Kabit, Number 2, Mistress* http://pinoyweekly.org/new/2011/10/relasyon-kerida-kabit-number-2-mistress/ http://pinoyweekly.org/new/2011/10/relasyon-kerida-kabit-number-2-mistress/#comments Wed, 19 Oct 2011 01:02:13 +0000 Steven Abada http://pinoyweekly.org/new/?p=15946 May bahagi sa akin na nasabik sa balita ng tagumpay sa takilya ng “No Other Woman” ni Ruel Bayani. Hindi pa dahil sa maganda ang pelikula (dahil hindi naman masyado) kundi dahil maaaring ito ang maging simula ng panunumbalik ng mga adult drama sa ating mga sinehan. Winakasan ng “No Other Woman,” bilang pinakamalaking box office hit ngayong 2011, ang matagal na pamamayagpag sa takilya ng mga romantic comedies at family-oriented na pelikula.

Kung tutuusin, walang ispesyal sa “No Other Woman” kaya siguro maraming nasorpresa sa pagtabo nito sa takilya. Bagamat maayos ang pagkakagawa sa pelikula, hindi katangi-tangi ang production values nito o ang mga naging pagganap ng mga pangunahing aktor at aktres nito. Wala pang napapatunayang hatak sa takilya ang mga bida nitong sina Anne Curtis, Derek Ramsay at Cristine Reyes. Hindi na rin bago ang tema ng pangangaliwa sa pelikulang Pilipino. Sa isang banda, marapat na bigyan ng pagkilala ang mga manunulat nitong sina Kris Gazmen at Jay Fernando ang mahusay na script na maaaring nakatulong  sa tagumpay ng pelikula. Naging viral sa mga social network gaya ng Facebook ang mga witty na linya ni Carmi Martin na gumanap bilang ina ni Cristine Reyes sa pelikula.

Ngunit hindi dapat pagtakhan ang tagumpay sa takilya ng “No Other Woman” na pinrodyus ng Star Cinema. Maliban sa mga family-oriented na pelikula at fantasy na ipinalabas sa Metro Manila Film Festival, pawang mga pelikula ng Star Cinema ang nasa listahan ng sampung pelikulang Pinoy na pinakamalaki ang kinita. Bilang nangungunang film producer sa bansa, kabisado na ng Star Cinema ang pormula ng mga box office hit. Batid na rin nito ang market ng mga bagong tagatangkilik ng sineng Pinoy. Mula sa dating bakya crowd ng mga masusugid na tagahanga, naging pangunahin nang target ng Star Cinema ang mga young professionals na may kakayahang magbayad ng P160 hanggang P200 presyo ng tiket sa sinehan.

Sa kabilang banda, higit sa tagumpay sa takilya ng isang mainstream na pelikula, mas kapana-panabik ang pagbabalik ng adult drama sa sinehan. Ilang linggo bago ang “No Other Woman,” ipinalabas ang pelikula ng Regal Films na “My Neighbor’s Wife” ni Jun Lana na may kaparehong tema. May pagtingin na ang pagbabalik ng adult drama ay maaaring senyales ng pagbabalik ng sigla ng pelikulang Pilipino (Kailan kaya makabangon muli ang Pinoy action hero?).

Maihahalintulad ang tagumpay ng “No Other Woman” sa pagtabo rin sa takilya noon ng “A Love Story” ni Maryo J. de los Reyes.  Kapwa binabasag ng dalawang pelikula ang istiryutipo ng mga artistang gumaganap na kabit. Sa “A Love Story,” isang propesyonal at mas nakatatanda ang mistress (Maricel Soriano) habang nakababatang flight stewardess naman ang tunay na asawa (Angelica Panganiban). Sa “No Other Woman,”  ang mas wholesome na dating na si Anne Curtis ang gumanap bilang kerida, habang si Cristine Reyes na malimit na ikahon bilang “sexy actress” ang siyang gumanap bilang matiising asawa.

Taliwas ito sa nakagisnan sa panahon ng kasagsagan ng adult drama noong dekada 80 at 90 kung saan mga artistang may imaheng seksi ang gumaganap na kabit tulad nina Nanette Medved (Narito ang Puso Ko), Alma Concepcion (Sa Ngalan ng Pag-Ibig) at Alice Dixson (My Other Woman).

Kapansin-pansin naman  ang sekswal na pagganap ni Derek Ramsay bilang lalaking napapagitna sa asawa at kanyang kaulayaw. Sa mga sa mga eksena ng pagtatalik, karaniwang mas pinapaboran ng hagod ng kamera ang katawan ng babaeng bida, ngunit hindi ito ang masasabi sa “No Other Woman” kung saan nakipagsabayan kina Anne at Cristine sa pagpapakita ng “skin” si Derek. Subalit hindi ito indikasyon ng pagkakapantay-pantay ng representasyon ng babae at lalake sa pelikula. Sa halip, pinalawak lamang nito ang objectification hindi lamang sa mga babaeng artista kundi maging sa lalaking aktor.

Gayong may mga pagbalikwas ang “No Other Woman” sa mga kinagisnang naratibo ng pangangaliwa sa sa pelikulang Pilipino, marami itong hinalaw mula sa ibang pelikulang may kaparehong tema. Halimbawa nito ay ang pangangailangan ng isang madugong climax sa pelikula para maging katanggap-tanggap ang resolusyon sa pagitan ng mga tauhan. Sa pelikulang “Minsan Lang Kita Iibigin” ni Chito Rono, nauwi sa karahasan ang komprontasyon sa pagitan nina Maricel Soriano at Zsazsa Padilla. Katulad ng sinapit ni Nanette Medved sa “Narito ang Puso Ko” ang nangyari sa isa sa mga tauhan ng “No Other Woman.” Tila sinasabi ng karahasang ito sa mga nakikiapid at nangangaliwa na mabigat ang kabayaran bago ang kapatawaran.

Sa mga pelikula tungkol sa pangangaliwa, lagi’t laging pinatatampok ang pagkakaiba ng kerida at ng asawa. Tila pinamimili ang mga manonood kung ano ang dapat na karakter ng isang babae. Ito ang makikita sa payo ni Carmi Martin kay Cristine Reyes (“I-pack up mo na ‘yang Lucy Torres mo, ilabas mo na ‘yang si Gretchen Barretto.”). Sa “No Other Woman,“ hindi pa rin naiaalis ang ganitong mga istiryutipo at ang pagkakahon sa kababaihan.

Sa kabila nito, kaabang-abang ang pagbabalik ng adult drama sa pelikulang Pilipino. Sa genre na ito umusbong ang ilan sa mga natatanging pelikulang Pilipino tulad ng “Relasyon” at “Ikaw ay Akin” ni Ishmael Bernal at ng mga adult drama classics ni Danny Zialcita. Posible ito kung gagawing lunsaran ang mga ganitong pelikula para hamunin ang sensibilidad ng mga manonood.

*  mula sa pelikulang Minsan Lang KIta Iibigin (1993)

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2011/10/relasyon-kerida-kabit-number-2-mistress/feed/ 2
Ang sining at pakikibaka ni Brocka http://pinoyweekly.org/new/2011/09/ang-sining-at-pakikibaka-ni-brocka/ http://pinoyweekly.org/new/2011/09/ang-sining-at-pakikibaka-ni-brocka/#comments Wed, 28 Sep 2011 02:15:06 +0000 Steven Abada http://pinoyweekly.org/new/?p=15542 Bukod sa pagiging premyadong direktor sa pelikula at Pambansang Alagad sa Sining, kinilala si Lino Brocka sa pagiging palaban at matapang na kritiko ng diktadurang Marcos. Ginamit niya ang kanyang mga pelikula para suriin ang lipunan.

Naging biktima rin si Brocka ng hagupit ng rehimeng Marcos nang minsan siyang makulong. Ngunit hindi ang kanyang mga pelikula o sining ang dahilan ng kaniyang pagkakaaresto. Sa halip, dinampot si Brocka kasama ang kaibigang direktor na si Behn Cervantes habang sinusuportahan ang transport strike na inilunsad ng mga tsuper ng jeep noong 1985. Kinasuhan sina Brocka at ang mga kasama niya ng illegal assembly. Sa kabila ng pagpipiyansa, hindi pinakawalan si Brocka at ilan sa mga dinakip matapos na dagdagan ang kaso nila ng inciting to sedition.

Bagamat sa kaniya umanong sining kinikilala si Brocka, masusukat at matitimbang ang kaniyang mga panindigan, higit, sa labas ng paggawa ng pelikula. Gayong epektibong sandata ang sining sa pagsusulong ng mga interes ng mga pinagsasamantalahan, kinilala ni Brocka na mas nakahihigit ang kapangyarihan ng pakikipagkapit-bisig sa iba pang sektor.

Sa dokumentaryong Signed: Lino Brocka ng Amerikanong filmmaker na si Christian Blackwood, idinetalye ni Brocka ang kaniyang mga panindigan at pakikipaglaban. Aniya, “ I am fighting for an atmosphere wherein I could make the kind of films I’d like to make with the least compromise. And to do that, you have to fight the system.” Ayon pa kay Brocka, hindi raw dapat inihihiwalay ng mga alagad ng sining ang kanilang reyalidad sa reyalidad ng buong lipunan. Hindi raw nalalayo ang problema sa industriya ng paggawa ng pelikula sa problemang kinakaharap ng iba pang sektor tulad ng mga mangaggawa, magsasaka at mga estudyante.

Sa pagbagsak ng diktadura noong 1986 at pagbubuo ng bagong konstitusyon, kasama si Brocka sa mga nahirang para maging kasapi ng Constitutional Commission. Isa sa mga sinasabing kontribusyon ni Brocka sa konstitusyon ay ang artikulo hinggil sa malayang pagpapahayag. Ngunit bago pa man matapos at mapagtibay ang ngayo’y kinikilala bilang Saligang Batas ng 1987, nagbitiw si Brocka dahil sa pagpapalabnaw sa mga artikulong magagarantiya sana sa mga karapatan ng mamamayan at magsusulong sa interes ng nakararami.

Sa mga huling taon ng buhay ni Brocka, naging kritiko siya ng panunungkulan ni Cory Aquino, na minsan niyang sinuportahan noong 1986 snap elections, dahil sa pagsusulong ng kanyang administrasyon sa pananatili ng US bases, mapanlinlang na reporma sa lupa at pag-aarmas sa mga vigilante. Ginawa ni Brocka ang pelikulang Orapronobis bilang protesta at pagkukundena sa paggamit ng administrasyong Aquino sa mga grupong paramilitar para supilin ang rebelyon sa kanayunan sa halip na tugunan ang ugat ng pag-aalsa.

Sa pagkilala kay Brocka bilang isang natatangi at mahusay na alagad ng sining ng pelikula, hindi dapat maihiwalay sa kanyang mga obra ang kaniyang paninindigan at mga ipinaglaban na siyang bukal ng kaniyang sining na dinadakila at pinupuspos ng papuri.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2011/09/ang-sining-at-pakikibaka-ni-brocka/feed/ 0
‘Merika is in the Heart http://pinoyweekly.org/new/2011/09/%e2%80%98merika-is-in-the-heart/ http://pinoyweekly.org/new/2011/09/%e2%80%98merika-is-in-the-heart/#comments Tue, 06 Sep 2011 14:43:38 +0000 Steven Abada http://pinoyweekly.org/new/?p=15080 Walong taong nawala sa sirkulasyon at nanirahan ang Superstar na si Nora Aunor sa US. Kaya ganoon na lamang ang pananabik sa pagbalik niya, hindi lamang ng mga masusugid niyang tagahanga, ngunit maging ng buong showbiz industry at ng mga tagasubaybay nito. Ngunit panandalian lamang daw ang pagbabalik-Pinas ni Ate Guy. Aniya, tatapusin lamang niya ang mga proyekto niya sa Pilipinas at babalik din agad daw siya sa Amerika.

Sa pahayag na ito ni Ate Guy, bagamat bukambibig niya na mahal niya ang bansa at ang lokal na industriya ng pelikula, tila wala na rito ang puso niya. Malayung-malayo ang Nora Aunor na ito sa ginampanan niyang papel bilang Mila sa pelikulang ‘Merika na idinirihe ni Gil Portes noong 1984. Sa ‘Merika, masipag na Pinay nars si Mila sa New York. Bagamat kwalipikado na para maging US resident, binabagabag pa rin si Mila ng pagnanais niyang bumalik sa Pilipinas.

Tampok sa pelikula ang correspondence nina Mila at ng matalik na kaibigan niyang si Cora. Hanga si Mila sa dedikasyon ng kaibigang nars na piniling manilbihan sa mga maralitang komunidad sa Pilipinas at sa paninindigan ng kasintahan ni Cora na isang NPA. Tila kontrapuntal sa ginaw ng kapaligiran ni Mila sa NYC at Jersey City ang sidhi ng pagsisilbi ni Cora at rubdob ng pag-ibig nila ng kasintahan sa bayan.

Ngunit sa panahon ngayon, na may humigi’t kumulang na 10 porsyento ng populasyon ang nangingibang bansa para maghanapbuhay, itinuturing nang kabayanihan ang pagiging OFW. Hindi rin masisi kung marami ang piliing magtrabaho sa ibang bansa. Kapos ang gobyerno para bigyan ang mga mamamayan nito ng disenteng trabaho na may nakabubuhay na sahod at ng malawak na oportunidad para sa mga propesyunal para umunlad sa kanilang napiling bokasyon.

Masasabing ganito rin ang kaso ngayon sa showbiz kung saan ang kakulangan ng pelikulang napoprodyus sa bansa ang nagtutulak sa mga bituin ng pinilakang tabing na sa telebisyon na lang umarte. Gayong hindi na lingid sa atin ang estado ng industriya ng pelikulang Pilipino, indikasyon ng bigat ng problema nito ang pangingibang bansa ng mismong pinakamalaking bituin nito.

Patuloy na mawawala sa atin ang mga talentong tulad ni Nora Aunor kung hindi maaayos ang kasalukuyang estado ng pelikulang Pilipino. Kapag bumalik na sa mga sinehan ang mga manonood ng mga pelikulang Pilipino (na kadalasan ay walang pampanood ng sine), maibabalik na rin sa ating mga pinilakang tabing ang kinang na nawala’t nangibang bayan.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2011/09/%e2%80%98merika-is-in-the-heart/feed/ 2
May pera sa basura http://pinoyweekly.org/new/2011/08/may-pera-sa-basura/ http://pinoyweekly.org/new/2011/08/may-pera-sa-basura/#comments Sun, 21 Aug 2011 07:08:27 +0000 Steven Abada http://pinoyweekly.org/new/?p=14813 Maituturing na pambihira ang kritikal at komersyal na tagumpay na tinamo ng Ang Babae sa Septic Tank na isinulat ng batikang mandudula na si Chris Martinez at idinirehe sa unang pagkakataon ni Marlon Rivera. Sa pitong taon ng Cinemalaya Independent Film Festival, ang pelikulang ito na pinagbibidahan ni Eugene Domingo ang tanging best picture na tumabo sa takilya. Kung papaniwalaan ang press release, kumita Ang Babae sa Septic Tank ng P20-Milyon sa loob lamang ng limang araw.

Sa isang bahagi, maaaring dulot ang tagumpay ng pelikula ng pagiging bankable na komedyana ni Eugene Domingo. Ngunit hindi rin maisasantabi ang mga papuri ng mga nakanood para patuloy na tangkilikin ang pelikula. Pero higit sa lahat, malaking bagay ang Star Cinema ang nakakuha ng distribution rights ng pelikula.

Komedya ang Ang Babae sa Septic Tank pero seryoso raw ang tema. Tungkol ito sa paggawa ng pelikula ng isang grupo ng mga bagitong filmmaker na nangangarap na makasungkit ng tropeyo mula sa mga international filmfest. Naging gawi na raw kasi na patampukin ang kahirapan at desperasyon sa mga pelikulang Pinoy para kilalanin atmakapasok ang kanilang mga obra sa mga prestihiyosong filmfest. Kritikal ang pelikula sa isang bahagi sa mga film festival darlings at sa mga pelikula nilang kinasangkapan ang kahirapan. Binansagang poverty porn ang ganitong genre ng pelikula na tampok sa mga diskusyon sa akademya at mga umpukan ng mga kumakain ng art.

Eksena mula sa pelikulang "Serbis" ni Brillante Mendoza.

Eksena mula sa pelikulang “Serbis” ni Brillante Mendoza.

Ngunit ano nga ba ang poverty porn? Maituturing bang poverty porn ang pelikulang Insiang ni Lino Brocka o ang Manila by Night ni Ishmael Bernal dahil itinampok din ng mga pelikulang ito ang kahirapan sa Maynila at kapwa ipinalabas sa mga festival sa ibang bansa?  Hindi nailarawan sa Ang Babae sa Septic Tank kung ano ang naghihiwalay sa mga pelikulang lehitimong komentaryo sa kasalukuyang lipunan at sa mga pelikulang poverty porn lamang. At ang mismong kakulangan na ito sa pagtukoy ang siya ring kahinaan ng Ang Babae sa Septic Tank para maging isang matalas na komentaryo sa kalagayan ng pelikulang Pilipino.

Hindi na bago ang mga pelikulang tumalakay sa politika at ekonomya ng paggawa ng pelikula sa Pilipinas. Epektibo itong naipakita ni Jeffrey Jeturian sa pelikulang Tuhog na ginawang metapora ang panunuhog at panggahasa ng mga filmmaker sa kanilang mga subject. Nakinita na rin ni Mike de Leon noon pang 1992 ang paggamit sa kahirapan sa industriya ng aliw sa short film niyang Aliwan Paradise. At ito nga ang pinatunayan sa komersyal na tagumpay ng Ang Babae sa Septic Tank.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2011/08/may-pera-sa-basura/feed/ 0