Pinoy Weekly » Zineulat http://pinoyweekly.org/new Philippine news, analysis, and investigative stories Mon, 07 Apr 2014 17:50:00 +0000 en-US hourly 1 http://wordpress.org/?v=3.8.1 Ngayong Inuusig ng Ubo sa Ikatlong Taon ng Kawalang Hustisya sa mga Biktima ng Ampatuan Massacre http://pinoyweekly.org/new/2012/11/ngayong-inuusig-ng-ubo-sa-ikatlong-taon-ng-kawalang-hustisya-sa-mga-biktima-ng-ampatuan-massacre/ http://pinoyweekly.org/new/2012/11/ngayong-inuusig-ng-ubo-sa-ikatlong-taon-ng-kawalang-hustisya-sa-mga-biktima-ng-ampatuan-massacre/#comments Sat, 24 Nov 2012 15:31:33 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=21832 Hindi pa ako natutulog at walang tigil sa pagkahol ang baga kong kaysikip at kaylagkit dahil sa naimbudong plema. Akala ko ay nagapi na ng amoxicillin ang kung anumang militar ng plema sa baga ko. Matapos ang ilang araw ng hindi pagkahol, heto’t nanumbalik na naman ang anumang nagpapasikip ng baga ko at nagpapasakit ng sentido ko.

Iniisip ko, itong ganitong mga pisikal na limitasyon ay gaano ba kabigat kumpara sa dinaranas ng mga pamilya ng pinaslang sa Maguindanao tatlong taon na ang nakaraan, sa parehong araw na ito, Nobyembre 23. Wala ito sa lalim at lawak ng inimprentang sakit sa mga buhay ng mga pamilyang naiwan ng mga biniktima ng Ampatuan. Wala ito sa dagat ng luha, sipon at pawis na iniluwal ng kanilang pighati at pananangis. Wala ito kumpara sa pabalik-balik na tunog ng malutong na ubo ng politikal na karahasan – pabalik-balik na imahen at reyalidad ng kawalang hustisya.

Naiisip ko: Mayroon rin kayang inuubo sa kanila noong araw na iyon? Mayroon rin kayang gumawa ng last-minute na artikulo? Ano kaya ang nahuli ng kanilang huling klik ng kamera? Sino ang kanilang huling nakausap bago sila ipunla ng maruruming kamay sa inosenteng lupa? Ano kaya ang pagtingin nila sa backhoe bago pa ito maging instrumento ng politikal na karahasan ng isang pamilyang anarkista, dating kakampo ni Gng. Gloria Macapagal Arroyo at ngayon ay kakampo ni Pang. Noynoy Aquino at sa katunayan ay mayroong siyam na Ampatuan na tatakbo sa ilalim ng Liberal Party sa darating na halalan?

Gayon ang mukha at pangalan ng “kultura ng kawalan ng pananagutan” o “culture of impunity.” Hinahayaan ng pamahalaan na lumipas ang mga segundo, minuto, hanggang sa maging oras, araw, linggo, buwan, taon, dekada, infinidad ng kawalan ng pananagutan. Nagagawa pa ng pangulong Noynoy Aquino na magpalipas ng oras habang nababaligho ang gulong ng katarungan. Nagagawa pa niyang maging tulad ni Arroyo: kumapit sa malakas at makapangyarihan maseguro lamang ang temporal na estabilidad ng panunungkulan.

Wala na marahil kasinlaking kasalanan na maaaring gawin si Noynoy Aquino sa 58 biktima ng masaker sa Maguindano, kabilang ang 32 mamamahayag, kundi ang kanlungin at hindi pagbayarin ang mga pasimuno at panaguri ng nasabing krimen. Na tila ba paulit-ulit na inililibing ang mga biktima sa lupang kinalahig nang kinalahig ng higanteng manok na backhoe. Na tila ba ang sagot sa paghingi ng katarungan ay ang pagpapatagal ng hustisya, pagpapalipas ng oras, pagpapapagal sa mga nag-aabang sa hustisya, pagpapatahimik sa naghahanap ng at lumalaban para sa katarungan, pagbabalewala sa mga nagpapapanagot, pagpapakalimot.

Kaya ang kolektibong tinig laban sa kumakahol na ubo ng pagpapakalimot ang tugon: NEVER FORGET. At NEVER AGAIN.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2012/11/ngayong-inuusig-ng-ubo-sa-ikatlong-taon-ng-kawalang-hustisya-sa-mga-biktima-ng-ampatuan-massacre/feed/ 0
Kuha Mo? http://pinoyweekly.org/new/2011/05/kuha-mo/ http://pinoyweekly.org/new/2011/05/kuha-mo/#comments Sat, 28 May 2011 05:29:09 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=13694 Hindi naman bago sa atin ang pagtataas ng matrikula at iba pang bayarin sa paaralan. E ano naman kung magtaaas ng matrikula ang mahigit-kumulang 300 kolehiyo sa taong ito. Aprubado pa yan ng mismong Commission on Higher Education (CHED). Para na lang itong pagtataas ng presyo ng langis at mga produktong petrolyo. Hindi na nga kayang pigilan ng gobyerno, nililigalisa pa nito ang pagkakabaon at pagpapahihirap. Na tila nagiging “matter of fact” o “part of humanity” na lang ang pagsagitsit ng mga presyong ito. Na tila wala na tayong magagawa upang hadlangan ito. At yun ang nakakabahala! Ang tila pagtanggap na lang natin sa mga pagtataas na ito bilang “normal na bahagi” ng ating buhay.

Noong mag-aaral pa ako ng BA Malikhaing Pagsulat sa UP Diliman, noong hindi pa nagkakaroon ng 300% na tuition increase, kada semestre ay pumipila ako sa opisina ng Student Loan Board sa ikatlong palapag ng Vinzons Hall. P300 kada yunit ang halaga ng pag-aaral sa UP Diliman noon. Mangungutang ako para makapag-enroll. Sa susunod na semestre, babayaran ko ang nakaraang pagkakautang para muling makautang ng pang-enroll sa bagong semestre. Parang IMF-World Bank lang! Uutang ang Pilipinas para lang bayaran ang utang nito sa pinansiyal na oligarkiya ng IMF-World Bank. Taon-taong isinusubo sa atin ang ganitong kalakaran!

Kasama ko ang napakaraming estudyante na minsan, kahit hindi magkakakilala, ay nagkukuwentuhan na lang at nagkokomentuhan na “grabe, andito pa lang tayo sa second floor.” Ganun kahaba yung pila. Kung pera lang ang pawis, milyonaryo na siguro kami dahil sa naiimbak na pawis sa aming mga damit. Minsan umuupo kami sa natuod nang mga hakbangan ng hagdan. Napapabuntung-hininga sa pader. O di kaya’y magtatanungan kung may guarantor (permanenteng empleyado ng UP) na ba kaming magiging co-debtor; na magiging responsable pag hindi namin nabayaran ang kada semestreng inutang namin sa loan board. Kuha mo?

Hindi lang mga estudyante ang pagod at mainit ang ulo, o asar at tagaktak ang pawis; kahit ang mga empleyado ng Student Loan Board, na madalas napagbubuntunan ng sisi o galit dahil sa haba at likaw ng burukrasya ng pangungutang sa unibersidad. Siyempre hindi naman sila ang maysala. Kahit sila’y malamang nakukulili rin sa pagkahaba-haba at monotonous na sistema ng pangungutang at pagpapautang. Hindi ba’t napaka-bayolente ng ganitong sistema? Hindi ba’t napakabayolente ng mangutang para makapag-aral, at makapag-aral para muling mangutang? Suwerte na lang kung pagka-graduate natin ay makatagpo tayo ng trabahong magwawakas sa sirkulo ng pangungutang. Pero nanatili ang katotohanan na nabubulid ang mayorya ng ating mamamayan sa di-mapatid na sistemang ito.

Sa 300% pagtaas ng matrikula sa UP, nakababahala ang imposisyong ito na pinalilitaw bilang pagtataas ng kalidad ng edukasyon. Ang kabulaanang ito ang masigasig na hinuhubaran ng mismong mga mag-aaral at empleyado ng unibersidad: nananatiling atrasado ang mga pasilidad, kulang sa guro, klasrum at laboratoryo. May tinatawag nang “saksak fee” sa UP — pagbabayad para makapag-charge ng cellphone o makapagsaksak ng anumang gahetong kailangang ire-charge. Dagdag lamang ito sa listahan ng mga naimbento nang salita’t termino tulad ng dorm fee, laboratory fee, aircon fee, cultural fee, at kung anu-ano pang fee na nakakapipi ng bulsa’t katauhan. Ang katotohanan, nagtaas ng matrikula dahil sa kasinungalingang tataas ang kalidad ng edukasyon at maiibsan ang mga karagdagang bayarin. Pero ang dulo pa rin ng kuwento, nagbabayad tayo para mangutang at nangungutang tayo para magbayad para muling makautang. Kuha mo?

Tila walang hanggan itong kalakarang ito. Umaabot na ngayon sa unang palapag ng Vinzons Hall ang pila sa Student Loan Board. Hindi na tayo magtataka kung umabot hanggang sa monumento ng Katipunero sa labas ng gusali ng Vinzons Hall ang pila. Marami ngang pumapasa sa UPCAT at mga sertipikong kurso sa unibersidad, ngunit isa sa malaking dahilan ng mga estudyanteng hindi tumutuloy sa pagpasok sa UP ay dahil sa mataas na matrikula.

Ngayong magpipitong taon na akong nagtuturo sa unibersidad, marami pa ring kuwento ang mga Iskolar ng Bayan na nung nasa elementarya pa lang ako’y ibinabahagi na ng paaralan. Mga kuwento ng kalabaw na isinasangla at lupang sakahan na ibinebenta. Mga kuwento ng paghahanap ng scholarship at paghahanap ng sponsor at mauutangan. Para saan? Para sa matrikula ng diploma. Mga kuwento ng pangarap na makapagtapos ng pag-aaral at makapagtrabaho upang mabayaran ang mga pagkakautang. Bakit hindi nagbabago ang mga kuwento? Kung nagbago man, bakit pareho pa rin ang katapusan ng naratibo? Kuha mo?

Hindi na bago sa atin ang pagtataas ng matrikula at iba pang bayarin sa eskuwelahan. Ngunit manibago’t mahintatakutan tayo kung nasasanay na tayong tanggapin na lamang ang lahat ng ito bilang natural na bahagi ng kasaysayan ng ating edukasyon. Sapagkat tiwali ang ganitong lohika ng komersyalisasyon. Ang pagtataas ng matrikula ay nangangahulugan ng pagpapalakas sa bayolenteng sistema ng pangungutang. Ang pagtataas ng matrikula ay lohika ng pag-abandona ng pamahalaan sa konstitusyunal na responsibilidad nitong mapag-aral ang mamamayan. Hindi nga ba’t ito ang pangunahing idinahilan ng gobyernong Noynoy Aquino kung bakit kinaltasan ang badyet ng ating unibersidad at ng iba pang state universities and colleges? At tuwing nagkakaltas ng badyet, nakaamba ang pagtaas ng matrikula’t iba pang bayarin. At humahaba ang pila para mangutang upang muling makapangutang.

Taun-taong isinusubo sa atin ang ganitong pagtataas at pagkakaltas. Kung siyensiya ng katawan ang pag-uusapan, hindi ba’t mas lohikal lamang na kung labis ang itinutulak sa ating lalamunan at sikmura ay dapat tayong maimpatso o maduwal sa ganitong karahasan ng oligarkiya ng pagsasamantala? Kuha natin?

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2011/05/kuha-mo/feed/ 1
Ang Nagmamadaling Wika ng Konsumerismo http://pinoyweekly.org/new/2011/04/ang-nagmamadaling-wika-ng-konsumerismo/ http://pinoyweekly.org/new/2011/04/ang-nagmamadaling-wika-ng-konsumerismo/#comments Fri, 01 Apr 2011 20:01:17 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=12718 Sa anumang yugto ng pang-ekonomiyang kalagayan ng isang bansa, mayroong mga kultura, kabilang ang wika, na ginagamit ang estado, mga institusyon at ahensiya, mga kilusan at indibidwal, sa kanilang pang-araw-araw na operasyon at pakikipagsapalaran sa mundo. Sa mundo ng konsumerismo, mapapansin na ang wika ay nagiging isang sentralisadong awtoridad ng pagkonsumo, sa pamamagitan ng pagiging disentralisado. Sa katunayan, ang “normal” o “normatibong” pang-araw-araw na wika’t kawikaan ng mamamayan at ng estado o gobyerno ay kakikitaan ng distinktong mga pagbabago bunga ng pagkubabaw ng konsumerismo. Sa partikular, mamamasdan na sa loob ng isang konsumeristang lipunan, nakalilikha ng kultura, wika at kawikaan na maaaring nauuna pa sa normal at normatibong pag-unlad ng kultura at wika ng mamamayan. Sa madaling salita, nagmamadali ang wika ng konsumerismo.

Halimbawa, kung pag-aaralan ang mga patalastas ngayon (patalastas bilang kapwa manipestasyon at pamamaraan ng kapitalismo. ng konsumeristang industriya), lumilikha ito ng mga salita at terminolohiyang ang konsepto’y bumabalong at nakatali sa dikta ng kapitalistang interes ng pagkakamal ng kita o ganansiya. Halimbawa, tingnan ang mga patalastas ng Globe tungkol sa serbisyo nitong “UNLITXT.”

Larawan 1: mula sa http://migs.wordpress.com/2007/12/16/globe-stops-all-day-unlitxt/

Larawan 2: mula sa http://www.loadhow.com/wp-content/uploads/2010/04/globe_unlitxt.jpg

Binuo ng kapitalistang Globe ang salitang “UnliTXT” para sa promosyon nito ng isang serbisyong ibebenta sa konsumer. Nakapakete sa salitang “UnliTXT” ang buong produkto o serbisyong magpapahintulot sa isang texter na makapagpadala ng mga SMS (single message service) o text message sa isang “unlimited” o “walang hangganang” kapasidad sa loob ng isang takdang panahon. Para magkaroon ng ganitong konsumeristang kapangyarihan, kailangang Globe ang service provider ng isang texter / cellphone owner at kailangang magrehistro ang texter sa naturang serbisyo. Samakatuwid, nakabuod sa salitang “UnliTXT,” mula sa mga salitang “unlimited” at “text,” ang pangkalahatang naratibo ng isang kapitalistang “serbisyo” na ipinabibili sa konsumer.

Ang pagsasanib ng dalawang salita ay ang aktuwalisasyon ng kapitalistang layunin ng pagbebenta ng produkto sa pamamagitan ng pagbibigay ng ilusyon ng walang-katapusang pagpapadala ng mensahe sa isang konsumeristang lipunan. Nauuna, kung gayon, na mabuo ang salita, sa halip na ito’y dumaan sa normal na pagpapaunlak at pagganyak ng mas nakararaming mamamayan. Samakatuwid, hindi nagmula sa nakararami ang salitang “UnliTXT,” ngunit pinalalabas na ito’y napakapopular. Ang wikang popular, kung gayon, sa isang konsumeristang lipunan, ay pinopopularisa ng may-ari o may-monopolyo ng kapital at teknolohiya tulad ng kumpanyang Globe. Samakatuwid, makikitang minamadali ang wika sa isang pinagmamadaling mundo ng pagkonsumo.

Ang ganitong pinagmamadaling mundo ng pagkonsumo ay lumilikha ng labis-labis na produkto, kabilang na ang mga produktong linggwistiko o pangwika. Ang wika-imahen ng nakaraan at ng orihinal ay talagang dumaraan sa iba’t ibang pagbabago at interpretasyon. Ang orihinal na wika at imahen ay nababago rin ng pang-ekonomiyang kalagayan. Ang orihinal rin ay nakikipag-apektuhan sa mga kultural na lohika ng iba’t ibang pang-ekonomiyang base.

Ngunit ang mamamayan – at ang mamimili – na kinukubabawan ng ganitong sistema ay hindi naman laging sunud-sunuran lamang. Ang salitang “unlitxt,” halimbawa, sa lenggwahe ng kabataan at ng mga kabataang aktibista, ay nagiging “unli” na lamang. At madalas, sinasambit ang “unli” na ito dahil sa pangangailangang magpadala ng mga text sa maraming tao para sa iba’t ibang politikal na kampanya ng mga aktibista, tulad halimbawa ng patutol sa budget cut sa edukasyon, pagpanawagan na ibasura ang Oil Deregulation Law, at paglahok sa mga kilos protesta. Ang mga aktibistang nakarehistro sa Unlitxt ng Globe ay hinihikayat na magpadala ng tinatawag na GM (o general message) na matatanggap ng lahat ng posibleng Globe subscribers na nasa kanilang listahan ng mga kontak. Kaya may mga mensaheng natatanggap na tulad nito: “Kng nk-unli k 2day, pls invyt pips s transport caravan s march 31. D un transport strike a? Caravan yun. 11am ktakits sa welcome,rotonda.”

Ang ganitong halimbawa ay nagpapakita ng posibilidad ng pag-alpas sa isang dominanteng konsumeristang kaayusan. Ibig sabihin, upang maunawaan ang wika ng dominanteng kaayusan, tatlong landasin ang maaaring tahakin. Una, ang magpakupot sa dominanteng kaayusan. Ikalawa, ang “lumaro” sa loob ng sistema at lumikha ng kontra-dominanteng kaayusan. Ikatlo, labas sa dominanteng kaayusan, ang patuloy na pagbubuo at pagpapaunlad ng tunay na wika ng sambayanan. At iyon ang wika ng mas nakararami, na sa kolektibong paglikha at pagkilos ay tiyak na magbubunga ng mas makatao at mas maunlad na bagong kaayusan.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2011/04/ang-nagmamadaling-wika-ng-konsumerismo/feed/ 0
Madaling Maging Honorable at Academically Excellent na Estudyante http://pinoyweekly.org/new/2010/12/madaling-maging-honorable-at-academically-excellent-na-estudyante/ http://pinoyweekly.org/new/2010/12/madaling-maging-honorable-at-academically-excellent-na-estudyante/#comments Tue, 14 Dec 2010 04:59:02 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=11210 Ngayon ko lang muli naranasan na pinagbabangga ang aktibismo at pang-akademikong kahusayan. Walang duda, bahagi ng kontinuum, bahagi ng makapal na sinulid na nagdurugtong sa mga estudyante at sa edukasyon, itong tila magkatunggaling konsepto. Ngunit naroon ang kahungkagan sa mismong perspektiba na magkalaban itong dalawang dulo, pilit na pinaghihiwalay.

Sa buong kasaysayan ng sistemang pang-edukasyon sa Pilipinas, wala tayong maituturing na iisang klase ng edukasyon: kalakhan ay nananatiling kolonyal at represibo, sumasagitsit ang komersyalisasyon ng larangang ito, ngunit lagi’t laging sumusulpot, lumalakas at umuunlad ang makabayan at mapagpalayang pagturan sa edukasyon. Laluna nitong nagdaang mga dekada, kung kailan ang kolonyal, represibo at komersyalisadong karakter ng estado at naghaharing uri ay mariing binabangga ng mapagpalaya’t progresibong edukasyon ng mga kilusang panlipunan at ng mismong mamamayan.

Sa aking mga klase, dalawang klase lamang ng aktibista ang naging mga estudyante ko, magmula man sila sa iba’t ibang partido politikal sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Una, ang nagkukunwang may pakialam ngunit sa katunayan ay indibidwalista. Ikalawa, ang may pakialam at handang magsakripisyo. Hayaan ninyong ipaliwanag ko.

Minsan, tinanong ko sa klase kung sino-sino sa kanila ang aktibista. Mabilis na nagsitaasan ang mga asul-an at dilaw-an. Tinanong ko kung ano ang depinisyon nila ng pagiging aktibista. Narito ang kanilang retorika: ang mahusay na naglilingkod sa estudyante habang nababalanse ang gawaing pampaaralan. Palakpakan ang kanilang mga tenga, palakpakan ang kanilang mga palikpik. Nagtanong ako kung may aktibista ba na mula sa partidong kilala sa pagru-room-to-room, pagra-rally, pagsta-strike, pagpapapirma ng signature sheets, pamimigay ng polyeto. May iilang nagtaasan ng kamay. Nakapagtatakang iilan lamang ang nagtaas ng kamay. Ngunit hindi naman rin talaga nakapagtataka. Ang sagot nila sa tanong ko kung ano ang depinisyon nila ng aktibismo: iyong sa teorya at praktika ay nasa larangan ng laban at digmaan. Wala sila sa klase sa panahong iyon. Dahil ang panawagan ng lipunan at ng masang estudyante ay ang lumabas ng klasrum at makiisa sa rally, strike at mga popular na pagkilos ng estudyante laban sa budget cut at iba pang tiwalang pamamalakad ng unibersidad, pamahalaan, at monopolistang dayuhan.

Ano ngayon ang kanilang kaibahan? Ang unang klase ng aktibista ay lalahok sa rally kapag walang exam. Ang ikalawang klase ng aktibista ay lalahok sa rally kahit na pasistahin pa sila ng guro at sabihing ang mag-rally ay tiyak na babagsak sa exam. Sa unang tingin, kahanga-hanga ang unang aktibistang “nababalanse” ang aktibismo at pag-aaral. Anila, hindi lamang sa pagra-rally nasusukat ang aktibismo. Para paniwalaan ang isang aktibista — ang isang lider-estudyanteng aktibista — ay dapat pumapasok siya sa eskwela, hindi lang basta naka-enroll. Pangunahin para sa kanila ang pagpasok sa klase, pagsusumite ng mga takdang-aralin, pagkuha ng mga exam, pagpasa sa klase, at hindi pagka-dismiss sa programa ng departamento at kolehiyo. Kahanga-hanga ito, ngunit ito’y kahanga-hanga lamang sa isang perpektong lipunang walang anumang kontradiksyon, walang anumang kahirapan at pagmamalabis ng iilan. O mas tama yatang sabihin na kahanga-hanga ito sa isang mundong burgis, na nag-aastang walang anumang kontradiksyon sa lipunan.

Ngunit ang katotohanan ay batbat ng kontradiksyon ang lipunan. Paano matinong makapag-aaral sa klase ang mga mag-aaral ng UP Manila Extension Program sa Palo, Leyte, kung hindi dumarating ang kanilang allowance pambili ng pagkain bunga ng pagkaltas sa badyet sa edukasyon? Paano matinong makapag-aaral sa klase ang isang estudyanteng ilang oras nang zombie dahil sa sabay na pagtatrabaho sa call center at pabrika habang iniraraos ang digri sa kolehiyo? Paano makapag-aaral nang mabuti at mapayapa ang isang aktibista at lider-estudyanteng aktibista kung tinatawag siya ng responsibilidad sa sektor at sa lipunan na kanilang sinumpaan sa kanilang mamamayan? Hindi kasi perpekto ang lipunan. At ang mga aktibista’t lider-estudyanteng ito ay nagsusulong ng digmaan laban sa imperpektong sistema. Bakit mo sila pupulaan? Bakit target ngayon ng mga asul-an at dilaw-an ang mga pula-han?

Hindi pagpapabaya ang pagliban sa klase dahil sa pagtugon sa mga responsibilidad ng isang aktibista at isang aktibistang lider-estudyante. Ang tawag doon ay mataas na uri ng sakripisyo. Na dapat hangaan at tularan. Hindi laging nangangahulugan ang mababa o bagsak na grado bilang pagpapabaya, bilang kabobohan. Kailangang suriin ang uri ng pagliban sa klase o pagbagsak sa eskwela: ito ba’y sakripisyong bunga lamang ng pagmomoda sa burgis na pag-ibig at paglalango sa alak ng kapitalismo; o ito ba’y sakripisyo para sa pag-ibig sa bayan, pag-ibig na lampas pa sa sarili’t sarili? Sakripisyo para sa layuning lahat ng mag-aaral ay makapag-aral at patuloy na makapag-aral. Sakripisyo para sa malayang lipunan.

Ang tunay na kapabayaan ay iyong isinasakripisyo ang paglilingkod sa bayan para makakuha ng hungkag na uno at mataas na grado mula sa neoliberal at pasistang sistema. E, ano kung uno ka kung hindi ka naman tunay na naglingkod sa masa! Aanhin mo ang laude kung ang utak mo’y puro tae. Madaling maging honorable at academically excellent na estudyante, pero mahirap ang maging pula-hang aktibistang lider-estudyante.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2010/12/madaling-maging-honorable-at-academically-excellent-na-estudyante/feed/ 4
Push Button to Eject Teacher! http://pinoyweekly.org/new/2010/10/push-button-to-eject-teacher/ http://pinoyweekly.org/new/2010/10/push-button-to-eject-teacher/#comments Sat, 09 Oct 2010 04:59:52 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=10088 Tatlong magkakapatid na ang dumaan sa mga klase ko. Natatandaan ko ang mukha ng aking mga estudyante, pero hindi ko na memoryado ang lahat ng kanilang mga pangalan, hindi tulad nung mga unang taon ng pagtuturo ko. Minsan nga, nang nakatambay kami sa Maginhawa sa Teachers Village, may lumapit sa akin na dati kong estudyante. Tanda ko ang mukha niya, at ang unang letra lamang ng kaniyang pangalan. Pag nakikita ko ang mga dati kong estudyante na nagtatrabaho na, lagi ko silang binibiro na dapat magpatoma o magpakain sila.

Humanga at/o nainlab na rin ako sa ilang estudyante ko, pero walang sexual harassment na naganap at magaganap! Pramis! Nakipag-inuman na rin ako sa mga estudyante at kapwa guro. Naging tropa ang mga estudyante. Nung mga unang taon ng pagtuturo namin ng mga kabarkada kong titser, marami kaming kabulastugan, pangarap, pantasya. Marami kaming tinakbuhan at hinarap. Tumatalilis kami ng takbo para iwasan ang mga ayaw naming makita. Tumatakas kami para hindi mabigyan ng dagdag na trabaho. Nagyosi sa loob ng klasrum. Uminom ng ilang bote ng beer bago magturo sa klase para senglot-senglot ang pakiwari. Pumasok sa klase nang may matinding hangover. Nakipagbakbakan sa mga tiwaling pamamalakad ng mga administrador ng pamantasan.

Noong unang semestre ko ng pagtuturo sa UP Los Banos (UPLB), sinabihan ako ng isang estudyante ko na hindi raw niya makita ang koneksyon ng pinag-uugnay kong mga bagay. Ipinaliwanag ko nang ipinaliwanag, pero hindi ko siya nakumbinsi. Siguro binibilang ko noon ang mga hakbang ng mga paa ko pagkatapos ng klase, habang naglalakad palayo ng klasrum na iyon. Basta nakayuko ako o kaya ay nakatanaw sa malayo, nalalampasan ang mga punong kayrami-rami sa kampus ng UPLB at ang mga higanteng kalabaw sa Car Park (Carabao Park), at natatapakan marahil ang anino ng mga nakakasalubong o nakakasabay. Kung maliwanag ang araw ng hapong iyon, malamang kumikintab ang mga talukap ko. Ang hirap humarap sa klase kapag biglang nakaltag ang tiwala mo sa sarili. Paglaon, naging magkaibigan rin kami ng estudyante kong iyon. Pinahiram pa nga niya ako ng damit nang minsang makitulog ako sa bahay nila ng ate niya. Kapatid pala siya ng kaibigan at kapwa ko guro sa UPLB.

Minsan naman, di ko na matandaan kung anong semestre, basta sa UP Diliman na ako nagtuturo, nakatanggap ako ng mensahe mula sa isang estudyante pagkatapos ng semestre. Sabi niya’y salamat raw sa mga natutunan niya sa klase, huwag lang raw ang pagiging aktibista. Nakomentohan na rin ako na masyado raw akong tibak sa klase, masyadong ideolohikal at radikal. Sa mga sarbey sa UP, kapag may tanong na “Have you had an activist for a teacher?” ay malimit na naisasagot ang pangalan ko. Wala naman akong problema rito. Tutal ganun naman talaga ako, kaya bakit ako mahihiya o maaasar. Sa totoo lang, simpleng kasiyahan ko iyon. Nahihigit nito ang aking mga labi para magpasungaw ng ngiti.

Napag-uusapan namin ng ilang kaibigang guro kung ano ang pakiramdam kapag nasasabihan kang “Okay yang si ser. Masaya sa klase!” Iisipin mo, kinukuha ka ba na titser dahil may matututunan mula sa yo o dahil ang bali-balita sa grapevine ay masaya sa klase, nanonood ng pelikula, laging nagjo-joke, kahit na maraming pinapabasa. Nangangarap at nagtitiwala na lang kami na sana’y may tumagos na kahit na karampot na mapagpalayang mga konsepto sa kanila. Ngayon, kung sasagutin ko yan ay tipong sisihin na lang natin ang kulturang popular at ang sistemang neoliberal. Pero sige pa rin nang sige, bagama’t minsan ay nakakaltag.

Masuwerte ako kung tutuusin kumpara sa libo-libong kapwa ko guro sa pampublikong sektor, sa mga probinsiya at liblib na pook at paaralan, sa mahihirap na paaralan, na ang mga libro’y kakaunti kaya hindi nababasa ng lahat. Sa UP kasi, kahit papaano, may ilusyon ng akademikong kalayaan — na kahit aktibistang guro ka ay puwede kang magsalita. Pero siyempre, kunwa-kunwarian lang yun. Masabi lang na may mga aktibista sa akademiya. Siguro sabihin na lang nating constant struggle pa rin yan! Minsan, nagbigay kami ng seminar sa mga guro sa Masbate, Masbate. Nang tanungin sila ng guro at makatang si Joi Barrios kung ano ang ginagawa nila kapag may umaabsent na estudyante o may hindi nakakagawa ng takdang aralin, may ilang sumagot na pinapalo at pinaparusahan. Sabi ni Joi, tipong, pero tinatanong ba natin ang ating mga estudyante kung bakit sila absent o kung bakit hindi nakagawa ng assignment? Malalaman namin sa seminar na iyon na maraming estudyante ang lumiliban sa klase o hindi nakasasabay sa usad ng pag-aaral sapagkat nagtatrabaho sa bukid, nagtitinda, walang makain, walang pera. Kaya dapat bang sila ang paluin at parusahan? O yung gobyerno at pinuno nito?

Kung babalikan ang graffiti sa mga desk at/o armchair ng elementary, high school at college, mapapansin na popular ang “Push button to eject teacher!” na maraming bersiyon at baryasyon tulad ng “Push button to ERECT teacher!” Parang batayang antagonismo na ang titser-estudyante. Na sumbungero ang titser, pahirap, terorista. Minsan pa nga, o madalas pa nga, totoo naman, na alingawngaw ng neoliberal at pasistang sistema ang ating mga guro. Pero hindi lahat. At hindi natin sila buong-buong masisisi. Kasama rin sila sa mga kailangan nating palayain at gawing liberatibo at mapagpalaya.

Kahit na i-push button to eject teacher pa ako ng sistemang ito, tulad nang ginagawa kay Sarah Raymundo, ipu-push button to erect administrator ko sila, hahahaha! Saka isa pa, hindi ako mahilig magpalaki ng puwet sa upuan.

Mykel Andrada. October 7, 2010. 12:43pm. Revised 3:08pm, October 9, 2010. Iba, QC.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2010/10/push-button-to-eject-teacher/feed/ 0
Face to Face, Juicy, Ben 10, Talentadong Pinoy: Para Sa ‘Yo, Kapatid? http://pinoyweekly.org/new/2010/07/face-to-face-juicy-ben-10-talentadong-pinoy-para-sa-%e2%80%98yo-kapatid/ http://pinoyweekly.org/new/2010/07/face-to-face-juicy-ben-10-talentadong-pinoy-para-sa-%e2%80%98yo-kapatid/#comments Sat, 24 Jul 2010 04:39:58 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=8368 Gusto namin ng mga pamangkin ko sa TV 5 (Para Sa ‘Yo, Kapatid) ang cartoons at shows-made-for-children. Dati, enjoy na enjoy kami sa “Jimmy Neutron,” pero wala na ito ngayon sa Singko. “Makiba-Oh,” “Ben 10,” “High Five,” “Yo Gabba Gabba” at “Thomas and Friends” na ang sinusubaybayan namin sa Channel 5. Bukod sa “Jimmy Neutron,” dati naming sinusubaybayan sa Singko ang “Dora the Explorer” at “Spongebob Squarepants,” na ngayon ay “pinirata” na ng dakilang union buster at monolitikong tagapamandila ng unfair labor practices, ang ABS-CBN Channel 2 ng mga Lopez.

Lahat ng mga nabanggit na cartoons at shows-made-for-children ay tagabitbit ng kultura ng mananakop, kultura ng globalisasyon. Sa “Jimmy Neutron,” ang isang batang genius na Caucasian ang siyang tagapagtanggol ng buong daigdig, mula sa kahit na anumang problema tulad ng invasion ng mga alien. Kaya ring alpasan ni Jimmy Neutron ang anumang balakid dahil ginagamit niya ang siyensiya at teknolohiya na monopolisado ng kanilang bansa at lahi. Parang ganun rin ang “Ben 10,” kung saan si Benjamin Tennyson ay may kakayahan na maging iba’t ibang makapangyarihang alien life form upang itaguyod ang katarungan at kagalingan ng kaniyang bansa at lahi, laban sa sinuman o anuman.

Bago pa magshuffle ng shows ang Singko, bago pa magkaroon ng “Face to Face” na hinohost ni Amy Perez, ang talagang tinututukan namin sa TV 5 ay ang “Juicy” na dati’y tanghali kung umere at ang hosts pa lang nito noon ay sina Alex Gonzaga at IC Mendoza. Ngayon ay panggabi na itong showbiz talakathon, at kasama na si Cristy Fermin bilang beteranong showbiz host at kolumnista. Ang pangkabuuang negosyo ng showbiz at tsismis sa bansa ay lumilikha ng pangkabuuang naratibo ng mga kalakhan ay artipisyal na pangangailangan at isyu. Mas gusto pang atupagin ng manonood kung sinong aktor o aktres ang nagbebenta ng katawan sa kung sinong direktor o politiko. Bagama’t maaari rin itong suriin bilang mga “siwang” sa nosyon ng ideyal na konstruksyong kapitalista: na mayroong nagbebenta ng katawan sapagkat malawak pa rin ang kahirapan kahit na ipagsigawan ng mga burgesya komprador na ang “kapitalismo ang katapusan ng kasaysayan” at na “capitalism is here to stay.”

Isa sa pinaka-hit na programa ng Singko ay ang “Talentadong Pinoy.” Tulad ng kahit na anumang game show o talent show, ang “Talentadong Pinoy” ay naghahakot ng mga talento ng extra-ordinaryong mamamayan upang itanghal sa kanilang entablado at transmitter. At itong mga talentong ito ang nagsisilbing kapital ng nasabing programa. Ito ang ibinebenta ng programa, habang binibigyan nito ng alternatibo ngunit panandaliang kabuhayan at eskapistang solusyon ang kalakhan ng mahihirap na sumasali at nagpapaloob sa naturang paligsahan. Inilalako rin ng nasabing programa na mayroong sumasali sa “Talentadong Pinoy” na nakikilala sa mundo at nagkakaroon ng pagkakataon na makapasok bilang “world class” entertainer sa mga global na kapitalistang espasyo. Samakatuwid, bukod sa limitado, temporaryo at eskapista ang itinatambol na solusyon sa kahirapan ng nasabing programa, pumapasok rin ito sa pangkabuuang imperyalista at globalisadong kanal ng pang-ekonomiyang kaayusan: ang maging murang lakas-paggawa ng mga imperyalistang kompanya.

Nirerekonstrak naman ng “Face to Face,” ang pinakamabentang show ng TV 5 sa kasalukuyan, ang isang “sabungan ng mamamayan.” Literal na pinagsasabong at pinagsasalubong ang kalakhan ay “masa” na mga bisita na humaharap sa mga suliranin at sigalot, mula sa pinakapersonal hanggang sa pinakapampubliko. Halimbawa ng mga bangayan na ipinatatampok ng programa ay ang agawan ng asawa, agawan ng suki, nakawan ng kakarampot na yaman, murahan at alaskahan, pagkakamali sa medikal na operasyon ng hindi “de-kampanilyang” medical-beauty specialists, selosan, at iba pang personal at domestikong usapin na ibinubunyag sa publiko. Mayroong tribunal o tagapayo ang nasabing programa: mayroong abogado, pari at sikolohista. Ang presensiya ng tatlong tao at propesyon na ito ay ang siyang tila “backbone” ng nasabing programa – na sa dulo ng programa – pagkatapos magsigawan, magmurahan, magsabunutan, magsapakan at mag-alimurahan ang magkaaway na magkabilang kampo – dudulog ang lente ng kamera sa tatlong persona, upang kunin ang kanilang “expert opinion” at “expert recommendation” tungkol sa marahas na karambola ng emosyon at pisikalan. Hindi rin insidental ang pagkakapili sa mga propesyon ng nasabing triumvirate sapagkat nagbibigay ito ng ilusyon ng isang pormal na panlipunang pagsasaayos. Nililigalisa ng abogado ang pampublikong espaktakulo ng bangayan. Minomoralisa ng pari ang pampublikong doble-espaktakulo ng bugbugan. Tinatakluban ng mga sikolohikal na pagsusuri ang pampublikong triple-espaktakulo ng emosyonal na pagngangaratan. Ang tatlong propesyon na ito’y ginagampanan ang lehitimasyon ng isang bayolenteng pagsasabungan sa pagitan ng mga tao.

Sa dalawang anggulo maaaring tingnan kung bakit tinatangkilik ng masa ang “Face to Face.” Una, sapagkat ito ay pang-araw-araw na kuwento, laluna’t ito’y kuwento ng tulad nilang mahihirap, hikahos, at nangangarap ng mas maginhawa at mas masaganang buhay. Maaaring sabihin na may “siwang” sa ganitong kalakaran, sapagkat bagama’t naisasapubliko at natetelebisa ang mga komprontasyong personal, natututunan ng publikong “harapin” ang kanilang mga iringan at patutsadahan. Sa isang banda’y nakabubuo ito ng “alternatibong espasyo” para pag-usapan nang “pormal” ang mga pang-araw-araw na problema ng masa – at mula rito’y makabuo ng pansamantalang resolusyon na maaari ring pangmatagalan ang epekto. Sa inisyal, at sa pinakapayak na antas, nilalayon ng programa na pagbatiin at pagkaisahin ang nagbabangayang mga kampo at indibidwal. Samakatuwid, maaaring mapisil mula sa ganitong naratibisasyon ng mga pang-araw-araw na karanasan ng masa ang isang alternatibong paraan ng pagkakaisa ng mardyinalisadong sektor sa lipunan – at maaaring nagsisilbi rin itong isang extensiyon pangkomunidad o alternatibong komunidad na nagbubukas ng mga puwang para sa mga resolusyon.

Ikalawang anggulo naman ay tinatangkilik ito ng masa sapagkat naging matagumpay ang kapitalistang gimik ng TV 5 – ang pagkasangkapan sa mga personal at domestic problem bilang produktong ibinebenta sa manonood at tumatabo rin sa takilya ng Youtube. Dahil tiyak na may audience, dalawang beses pa kung umere ang “Face to Face”: isa sa tanghali at isa sa gabi. Ang hikayat ng gabi ay ang uncensored na bersiyon nito. Itong matagumpay na pag-empleyo ng nasabing programa sa mga hinanakit at kalapastanganan sa pagitan ng kalakhan ay mahihirap na indibidwal ang siyang nagiging kapital o puhunan ng programa. Malay man o hindi, ang mga kuwento ng diskontento at ang mga akto ng bargasan at ngaratan ay nagiging mabentang produktong ibinibilad sa telebisyon ng programang nabanggit.

Kung sa unang anggulo, makikita ang “pag-aangkin” na nagmumula sa mamamayan ng manonood – inaangkin ang programa bilang alternatibong panlipunang produksyon ng komunidad ng mga nagbabangayan-pero-nagkakaayusan. Ngunit sa anumang anggulo man tingnan, maging ito’y malay o di-malay na nagiging rekonstruksyong kapitalista – sa huli’y nagmimistulang tagapamagitan, taga-tulay, tagapayo at taga-solusyon ang kapitalista ng mga nagkikiskisan at nagbubugbugang mamamayang mahihirap. Sa dulo’y tagumpay pa rin ito ng kapitalismo.

At tulad ng anumang fad at artipisyal na isinusubong espasyo’t pangangailangan, maaaring dumating ang panahon na mauumay ang manonood sa format ng “Face to Face,” sa prediktableng naratibo, sa simula-gitna-wakas na banghay, sa sigawan, murahan, bugbugan, tadyakan, pagpigil ni Amy Perez at ng mga bouncer, ekspertong opinyon at rekomendasyon ng triumvirate ng pari, abogado at sikolohista. Pagdating ng panahon ng pagkauyam na ito, maaaring magreformat ang programa. Dapat i-guest sa programang ito si Noynoy Aquino at ang mamamayang Pilipino.

At sa huli’y kailangang mapag-isip ang manonood at tagapagtangkilik: talaga bang mga “kapatid” ang turing ng TV 5 sa mga tumititig at nakikinig sa kanilang mga de-kahong kapitalistang “inobasyon?” O tulad ng anumang istasyon ng telebisyon at telekomunikasyon ay hinahaltak nito ang manonood sa loob ng kahon ng kapitalistang ilusyon?

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2010/07/face-to-face-juicy-ben-10-talentadong-pinoy-para-sa-%e2%80%98yo-kapatid/feed/ 2
Aba Naman, Tama Na: Dasal at Subersyon http://pinoyweekly.org/new/2010/07/mykel-andrada-aba-naman-tama-na-dasal-at-subersyon/ http://pinoyweekly.org/new/2010/07/mykel-andrada-aba-naman-tama-na-dasal-at-subersyon/#comments Tue, 20 Jul 2010 17:55:39 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=8316 Ang relihiyosong Romano Katolikong panitikan tulad ng mga dasal ay naging epektibong instrumento ng mga sistemang kolonyalismo at pyudalismo ng mga Kastila. Ang akto ng pagsasalin ng mga dasal at akto ng pagpapamemorya sa mga dasal ay pagsasalin rin ng kumbersyon o pagsasa-kolonya ng mga katutubo. Ang akto ng pagpapatanggap sa mga dasal at sa epistemolohikal na katunayan nito ay pagpapatanggap sa hirarkiya ng kapangyarihan ng kolonyal na kaayusan ng mga Kastila, na nagmumula pa sa monarkiya ng Espanya.

Tingnan halimbawa ang dasal na “Aba Ginoong Maria”:

Aba ginoong Maria

Napupuno ka ng grasya

Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo

Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat

At pinagpala rin naman ang iyong anak na si Hesus

Santa Maria, Ina ng Diyos,

Ipanalangin mo kaming mga makasalanan,

Ngayon at kung kami’y mamamatay,

Amen.

Ang dasal na “Aba Ginoong Maria” ay mahusay na halimbawa ng pagpapasailalim ng payak na mamamayan tulad ni Maria sa kapangyarihan ng isang Diyos. Ang equibokasyon nito ay nasa linyang si Maria ay “napupuno…. ng grasya” at na sumasakaniya ang “Panginoong Diyos.” Sa karanasan ng Katolikong Pilipinas – at ng kinokolonisang mga isla at mamamayan ng Pilipinas – tila itinuro na maging kawangis ng Birheng Maria ang mga kinokolonya: “mababa” at “masunurin” sa atas at nais ng isang makapangyarihang Diyos. Ang implikasyon rin ng dasal na pinili ng Diyos si Maria upang maging “Ina ng Diyos” ay “pinagpala” si Maria, bagama’t mabigat ang responsibilidad ng pagiging Ina ng Diyos.

Mula sa kolonyal at relihiyosong texto ng dasal na “Aba Ginoong Maria,” isa si Marcelo H. del Pilar sa kumasangkapan sa mga porma ng dasal at dasalan upang tuligsain ang kolonyal na kaayusan ng mga Kastila, sa partikular ang frailokrasya o ang teokratiko at politikal na dominasyon ng mga Kastilang fraile. Sa kaniyang klasikong “Dasalan at Tocsohan,” ang pagsatirika ni del Pilar sa mga dasal ng kolonyal na Simbahang Katoliko upang ang mismong tagapamandila ng kolonyalismong Katolisismo ng mga Kastila ang puntiryahin. Ang “Aba Ginoong Maria,” halimbawa, ay pinarodya ni del Pilar bilang “Aba Guinoong Baria”:

Aba guinoong Baria nakapupuno ka nang alcancia ang Fraile’i sumasainyo bukod ka niyang pinagpala’t pina higuit sa lahat, pinagpala naman ang kaban mong mapasok. Santa Baria Ina nand Deretsos, ipanalangin mo kaming huag anitan ngayon at cami ipapatay. Siya naua.

Kapansin-pansin sa naturang “dasal” ni del Pilar na ang pinupuring si Maria sa orihinal na dasal ay naging “Baria.” Hindi ito nangangahulugang binabastos si Maria, kundi ipinapakita na noong panahon ng kolonyalismong Kastila, ang lohika ng “baria” o pera ang pumapaimbulog na logos maging sa pamumuno ng mga tiwaling fraile sa kani-kanilang mga parokya. Laluna’t sa linyang “ang Fraile’i sumasinyo” ay ipinapamalas na ang “Baria” ang siyang nagiging pinaka-operatibong tagapagpadaloy ng kolonyal na kaayusan. Ipinaparating rin sa nasabing pinarodikong dasal na ang mga fraile, taliwas sa kanilang ipinapamandilang buhay ng kawastuan, ay ang lumalabag sa pinakabatayang prinsipyo at karapatan ng tao para sa pantay-pantay na pamumuhay. Nagiging Diyos ang baria. Sa partikular, tinutuligsa ng sinatirikang dasal ang mga akto ng pangungurakot ng mga fraile, sa partikular ang indulhensiya (indulgencia).

Makikita sa ginawa ni del Pilar ang tradisyon ng protesta – ang tradisyon ng subersyon – na mamamasdan sa tradisyong pampanitikan at pangkultura sa Pilipinas. Ang “subersyon” ay ang pagkasangakapan ng pangkalahatang masa at ng progresibong kilusan sa mga kultura ng naghaharing-uri at dominanteng institusyon upang “gisahin sa sariling mantika” ang kalaban/kaaway na uri. Hindi nga ba’t nagisa ni del Pilar ang mga tiwaling fraile sa kanilang sariling mantika sa pamamagitan ng kaniyang “Dasalan at Tocsohan.”

Pagdating sa kasalukuyang panahon, ilang daang taon mula nang isulat ni del Pilar ang “Dasalan at Tocsohan,” matatanggap sa birtwal at elektronikong mundo ng text message ang forwarded message na “Aba Naman Gloria” ng pinakapopular na awtor na si Anonymous:

Aba naman Gloria
Puno ka ng grasya
Ang yaman ng tao’y sumaiyo na.
Bukod kang nandaya
Sa babaeng lahat.
Pinagpala rin, asawa mo’t anak.
Wala ng natira sa AMEN.

Sa panahon ng panunungkulan ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo, batbat ng kontrobersiya at katiwalian ang lipunan. Dalawa sa pinakapopular na kontrobersiya ng katiwalian ni Arroyo na makikita sa text message na ito ay ang NBN-ZTE scandal at ang Hello Garci scandal. May dalawang akto ng subersyon sa text message na “Aba Naman Gloria.” Una, ang subersyon ng kolonyal na pormang pampanitikan ng dasal. Ikalawa, ang subersyon ng kapitalistang porma ng text message. Ang pinakalohika ng text message na protestang “Aba Naman Gloria” ay ang pagtuligsa sa “sindikatong Arroyo,” o ang sistematikong pagnanakaw sa kaban ng bayan: “Ang yaman ng tao’y sumaiyo na” at “Pinagpala rin, asawa mo’t anak.” Ang Hello Garci scandal na siyang buod ng pandaraya sa eleksyon ni Arroyo ay makikita naman sa linyang “Bukod kang nandaya.” Ngunit ang kahusayan ng protestang ito ay nasa payak na pagbuntung-hininga ng galit: “Wala ng natira sa AMEN” – na tila sinasabing sawa na at hindi karapat-dapat na maghirap ang karamihan ng mamamayan.

Bukod sa pandarambong at pandaraya sa eleksyon, ang kaso ng mga extrajudicial killing, sa partikular ang politikal na pamamaslang sa mga aktibista’t progresibo, ay naging pangkasaysayang karahasan ng gobyernong Arroyo. Pinatindi pa ito at niligalisa ng Human Security Law o Terror Law ni Arroyo na kung tutuusin ay nilalahat at inaakusahang terorista ang sinumang kumakalaban sa pamahalaan. Hindi nga ba’t tahasang tinutuligsa ng mga aktibista si Arroyo, kung kaya’t sila ang tinatarget na pangalanang terorista ng gobyerno. Itong lisyang kamalayan na ito ang tinibag at binuwag ni Prop. Rommel Rodriguez sa kaniyang tulang “Ang Disipulo ng Takot” (http://zumel.com/index.php?id=242&option=com_content&task=view) kung saan ipinakita niyang si Arroyo mismo ang tagahasik ng karahasan sa lipunan, kung kaya si Arroyo ang tunay na terorista. Sumusunod rin sa porma ng dasal na “Aba Ginoong Maria” ang tula ni Rodriguez:

Aba Ginang Gloria
napupuno ka ng pantasya
ang kapangyarihan ng takot
ay sumasaiyo,
bukod mong tinutugis
ang mga palaban
habang patuloy kang
nagsasaboy ng kasamaan.

Aba Ginang Gloria
di ka na nahiya
sa batas na iyong nilikha,
panakip-butas
pakanang gasgas
kunwari’y sa kapayapaan,
katahimikan ang hangad.

Aba Ginang Gloria
bakit hindi tumingin sa salamin?
Tanungin ang sarili, saka bigkasin:

”Salamin, salamin,
Salamin sa Malacanang,
Sino ang terorista’t
Nanliligalig sa bayan?”

Subalit ang salamin ay hindi tutugon
Dahil tukoy na ang sagot sa tanong.

Siya na nga.

Mainam pa ring paalala at hamon sa bagong pangulong Noynoy Aquino ang text message at ang tula ni Rodriguez – na panagutin si Gng. Arroyo at ang kaniyang mga kasapakat para sa lahat ng katiwalian, karahasan at inhustisya na inabot ng bayan mula sa kanila, laluna’t nakapangunyapit pa rin sa politikal na kapangyarihan bilang kongresista si Aba Naman Gloria! At hamon rin ito kay Noynoy na gumawa ng kongkretong hakbang labab sa at parusahan ang mga naghasik ng politikal na pamamaslang mula kay Arroyo hanggang sa kaniyang kasalukuyang administrasyon.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2010/07/mykel-andrada-aba-naman-tama-na-dasal-at-subersyon/feed/ 1
Pattern ng Politikal na Pamamaslang http://pinoyweekly.org/new/2010/07/pattern-ng-politikal-na-pamamaslang/ http://pinoyweekly.org/new/2010/07/pattern-ng-politikal-na-pamamaslang/#comments Mon, 12 Jul 2010 18:23:36 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=8193 Nakakabahala itong sunud-sunod na politikal na pamamaslang sa mga aktibista. Limang aktibista na nitong Hulyo 12, halos dalawang linggo pa lamang matapos ang inaugurasyon ni Noynoy Aquino, ang marahas na inutangan ng buhay. Isang taga-Bayan Muna, isang taga-Anakpawis, isang taga-ACT Teachers Partylist, at dalawang taga-Alliance of Concerned Teachers (ACT). Ipinapaalala nito ang madugong rehimen ni Gloria Arroyo, na halos araw-araw ay may aktibistang kinikitlan ng buhay. Dapat na itong tumigil!

Itong Oplan Bantay Laya, ang counter-insurgency blanket ng rehimeng Arroyo, na sa pangalan ay tila magandang pakinggan sapagkat diumano’y pinoprotektahan ang ating kalayaan, ay sa katotohanan walang ipinagkaiba sa terminong “terorismo ng estado.” Oo, ang gobyerno ni Arroyo, sampu ng kaniyang mga berdugo sa hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang tunay na mga terorista, naghahasik ng takot, pangamba, sakay ng kanilang mga motorsiklo o anumang tumatalilis na sasakyan. Ang kanilang mga mukhang ikinukubli ng bonnet, ski mask o anupamang maskara – lahat ng ito’y nakangising parang ulol; nakatitig na parang nag-aalburotong pangulo ng iilang nasa poder ng kapangyarihan – ang kapangyarihang nakasandig sa pagkitil at pagterorisa sa mamamayan. Nakatitig na parang nagmamadaling punglo.

Hindi nagbago ang paraan ng mga pamamaslang: nakasakay sa tumatalilis na sasakyan, kadalasan ay motorsiklo. Hindi rin nagbago kung sino ang pumapaslang: pinaghihinalaang elemento ng militar, mga elemento ng pagkitil, nakasuot ng bonnet, nakatakip ang mukha, marahas ang mga punglo ng armas, nagbabalat-kayong “hired killers” sa pelikula. Hindi rin nagbago kung sino ang pinapaslang: mga progresibong miyembro ng mga makabayang organisasyon – mga aktibista at lider-aktibista. Hindi rin nagbago ang programa ng terorismo ng gobyerno: ang Oplan Bantay Laya. Samakatuwid, hindi nagbago ang pattern ng pamamaslang at pare-pareho pa rin ang pumapaslang at ang pinapaslang. Wala itong ipinagkaiba sa nakitang pattern ng politikal na pamamaslang sa rehimeng Arroyo na nauna nang resulta ng imbestigasyon ni Philip Alston, ang United Nations Special Rapporteur on Extrajudicial Killings.

Ano lang ang nagbago? Ang namumuno sa teroristang gobyerno.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2010/07/pattern-ng-politikal-na-pamamaslang/feed/ 0
Buwang-wang ni Boss http://pinoyweekly.org/new/2010/07/buwang-wang-ni-boss/ http://pinoyweekly.org/new/2010/07/buwang-wang-ni-boss/#comments Mon, 05 Jul 2010 10:56:14 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=8134 Nagsimula ang kampuhan ng mga magsasaka sa Mendiola noong araw ng inaugurasyon ni Noynoy Aquino. Tila marami ang hindi nakababatid nito at kung bakit ito isinasagawa ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP). Bakit?

Isa na rito’y nagkukumahog ang mainstream na midya sa pag-uunahan ng idadaglat sa napakahabang pangalan ng inawtomayted na pinuno ng bansa. Abala ang marami sa pagwang-wang ng “inaugural speech” ni Noynoy, na wala namang ipinagkaiba sa press release ng dilawang Malakanyang. Patalbugan rin ang mga kapitalistang istasyon sa pag-ere sa ilusoryong pagkakaisa ng mga magkakatunggaling naghaharing iilan (hal. mga artista ng ABS-CBN at GMA, nagkaisa para kay Noynoy). Kung gaano kadetalyado ang pagbabalita sa street party ng naghaharing dilawang politikal na pormasyon ngayon sa bansa, ganoon naman ga-kulangot ang inilaang atensiyon sa parliamentaryo ng lansangan (“parliamentary of the streets”) ng mga magsasakang patuloy na nananawagan para sa tunay na repormang agraryo. Kabilang rito ang malaon nang pag-udyok ng mga magsasaka at manggagawang-bukid ng Hacienda Luisita na bawiin na ng mga Aquino, pamilya ng mga panginoong maylupa, ang temporary restraining order sa desisyong ipamahagi na sa mga magsasaka’t manggagawan-bukid ng ang mga lupang nararapat sa kanila.

Ilang araw matapos ang “makasaysayang pelikula” ng taon – ang inaugurasyon ng ikalawang Aquino na pangulo – naganap ang isang mas “makasaysayang reyalidad” sa buhay at pakikibaka ng mga magsasaka, ang pinakamalawak na hanay ng puwersa ng produksyon sa bansa. Ito’y ang makasaysayang reyalidad ng pagbuwag sa hanay ng mga magsasaka – ang karahasan ng dispersal, ang pag-aresto at pagkulong sa mga magsasaka. Bagama’t may sentimiyento ang ilang bahagdan ng mamamayan na “masyado pang maaga para husgahan ang panguluhan ni Noynoy,” hindi ba’t mas nakababahala na masyado pang maaga para sa karahasan ng “bagong” gobyerno? Ang tila tahimik na transisyon ng kapangyarihan mula sa isang diktador tungo sa isang panginoong maylupa, sa katunayan, ay nagkukubli ng pinakamalakas na “wang-wang” ng represyon – ang tila tahimik na koersyon (coercion).

Titigil ang sasakyan ni Noynoy kapag pula ang ilaw ng traffic signal o stoplight. Uusad-pagong ito kapag berde. Nakaamba itong umandar kapag dilaw. At tulad ng metapora ng stoplight, ano nga ba ang pinipiling i-pula, i-berde at i-dilaw ng administrasyong Aquino?

Berde o takbo para sa mumunting bagay na ginagawang superlatibo, tulad ng wang-wang. Pula o hinto para sa mga adhikain ng kampuhan at iba pang porma ng parliamentaryo ng lansangan. At dilaw para sa lahat ng bagay. Tutal, sa depinisyon o pakahulugan ng mga kulay ng stoplight, nangangahulugan ang dilaw ng “proceed with caution.”

Habang nahuhuli sa kaniyang mga opisyal na lakad si Noynoy dahil sa suspensiyon ng pribilehiyo ng wang-wang, nagkakaroon ng paghanga ang ilan sa tila “pagbaba sa masa” at “pagpapakanormal” ng pinakamakapangyarihang tao sa bansa. Ang akto ng suspensiyon ng kapangyarihan ng wang-wang ay tila nagpapamalas ng pagiging isa o kaisa ni Noynoy sa lahat ng natatrapik sa bansa. Sa politika ng espasyo, ang ganitong aksyon ay mababasa bilang pag-angkop sa continuum o pag-usad ng magkakabit na oras at espasyo. Ang mga ahente at manlalaro sa isang oras-espasyo ay maaaring sumunod o lumabag sa mga patakaran ng isang takdang oras-espasyo. Sa kaso ni Noynoy, ang kaniyang “pagsunod” sa mga atas ng oras-espasyo ay tila pagsunod sa kahilingan ng pagkakapantay-pantay ng mga mamamayan.

Ngunit kung tutuusin, ang oras-espasyong binabanggit ay hindi naman ang itinakda ng mamamayan. Ito mismong oras-espasyo, ito mismong trapiko at lahat ng mga batas nito, ay binuo at pinasusunod ng estado na dinodomina ng mga malaking burgesya komprador at panginoong maylupa tulad ni Noynoy. Hindi nga ba’t kahit mahuli si Noynoy sa mga opisyal na lakad niya’y hindi naman siya kinagagalitan sapagkat siya ang boss! Habang ang mga nahuhuling payak at dayukdok na manggagawa’t mamamayan ay mamarkahang huling dumating, aawasan ng suweldo sa trabaho, at kagagalitan ng mga negosyante, bisor at ang kawil-kawil na hirarkiya ng mga boss, tsip, bostsip, ma’am at ser! Sapagkat suspindihin man o hindi ang wang-wang, maipit man sa buhol-buhol na trapiko si Noynoy o hindi, siya pa rin ang boss ng oras-espasyo ng estado’t negosyo.

Samantala, sa parliamentaryo ng lansangan naman, ang mamamayan ay lumilikha ng alternatibong oras-espasyo. Ang mga piket, rally, demonstrasyon at kampuhan ay mga alternatibong oras-espasyo na sumusubok, kundi man tumutuligsa, sa dominanteng oras-espasyo ng gobyerno, malaking burgesya komprador at panginoong maylupa. Itinuturing ng estado ang parliamentaryo ng lansangan bilang “kasiraan ng kaayusan,” “paghinto sa normal na operasyon,” “anarkismo ng lansangan,” at iba pang nomenklaturang nangangahulugan “kawalang kaayusan” para sa gobyerno.

Ngunit ang katotohanan ay marahas itong binubuwag ng nasa poder ng kapangyarihan sapagkat ipinakikita nito na ang “dominanteng kaayusan” ng gobyerno ng iilan ay ang tunay na kawalang kaayusan: kawalan ng kabuhayan, pangangamkam ng lupa, kawalan ng katarungan, at mga huwad na pangako. At ito ang tinututulan at nais paghandaang buwagin ng parliamentaryo ng lansangan: ang pagbuwag sa tunay na lumalabag sa normal na operasyon ng oras-espasyo ng kalakhan ng mamamayan – itong bulok na sistema ng anarkismo ng iilan.

Hulyo 5, 2010. 5:04am. Iba, QC.

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2010/07/buwang-wang-ni-boss/feed/ 0
Netizen, Tibak, Pirata at Stalker sa Wawawa http://pinoyweekly.org/new/2010/06/netizen-tibak-pirata-at-stalker-sa-wawawa/ http://pinoyweekly.org/new/2010/06/netizen-tibak-pirata-at-stalker-sa-wawawa/#comments Mon, 21 Jun 2010 02:00:06 +0000 http://pinoyweekly.org/new/?p=7893 Isang madaling araw, sa isang “plurk” o status message ko sa http://plurk.com, sinabi ko na “kagigising lang!”. At may isang makatang estudyante na nag-reply ng “baliktad na ang mundo!” Sumagot ako ng simpleng “body clock ko!” bagama’t may kurot sa akin ang witty na comment ng naturang kaibigang makatang estudyante. Sobrang liberal na nga siguro ako na ang kaharap ko nang magdamag, at ang ilang oras kong kausap, ay ang birtwal na mundong naa-access ko sa laptop at sa “wawawa” o world wide web. Kinocomputer ko ang mga bagay at iniinternet ko ang aking isip at damdamin, sa madaling araw na halos lahat ng kakilala ko ay tulog na at iilan na lang sa mga kakilala ko sa Pilipinas ang namamaybay sa birtwal na reyalidad ng Facebook at iba pang nilikha ng hypertextual language.

Netizen na nga siguro ako, ano? Ang isang netizen o “internet citizen” ay gumugugol ng napakaraming oras sa loob ng isang araw upang makipagtalastasan at gamitin ang teknolohiya ng internet para sa iba’t ibang dahilan: pamilya, love life, trabaho, sexcapade, negosyo, laro, pag-aaral, kampanya, politika, at iba pa. Lahat naman ito’y valid na ehersisyo ng isang mamamayang may access sa internet.

Ang birtwal na mundo ng internet ay binubuo ng patung-patong na layer ng mga iskrin na ang pinakabatayang koda o code ay ang HyperText Markup Language (HTML). Itong language system na ito ay nagpapahintulot ng intra- at interpersonal na komunikasyon sa pagitan ng mga sistema’t elektronikong gaheto ng ating panahon. Ang pagkakadisenyo at pagkakasunod-sunod, may puwang man, o walang puwang, sa pagitan ng mga karakter, numero, espesyal na karakter o simbolo, at iba pang matatagpuan sa keyboard ng iyong kompyuter o laptop, ay ang ginagamit ng tao upang lumikha ng hitsura, lalamanin at kakayanan ng bawat blog, social networking site, o anumang online site. Puwede ring ipatong o ibaon ang samu’t saring “script” sa HTML upang “pagalawin” ang mga webpage. Sa madaling salita, ang naturang lenggwahe ay ubod at buhay sa wawawa.

Ang pagkahumaling ay isang emosyon at praxis na nalilinang o napagsasanayan. Sa industriya ng internet, tulad ng sa iba pang larangan at porma ng adiksyon, ang pagkahumaling ay baytang-baytang at iba-iba. Maaaring magsimula bilang kuryosidad o pagkamangha sa mga bagay na bago sa kamalayan, tulad halimbawa ng sex o pag-ibig na nabubuo sa birtwal na mundo ng wawawa. Mayroong iba na ang pagkahumaling ay sa online games (Facebook), chat (Yahoo Messenger), email na komunikasyon (Gmail), video at audio chat (Skype), pornograpiya (ay napakarami!), negosyo (Sulit), pag-aaral (Online Recto, tutorials) at pamimirata (sangkaterbang torrents, hotfile).

Nadiskubre ko na ang pagiging netizen ko ay nahahati sa apat na praxis, in order: (1) personal, (2) pulitika, (3) pamimirata, at (4) romansa.

Sa apat na ito, pinakamahalaga sa akin ang personal. Hindi ko na ito kailangang ipaliwanag. Pero sige na nga, magpapaliwanag ako ng kaunti. Pinakamahalaga sa personal ang komunikasyon – pag-eestablisa ng mga relasyon at pagpapatuloy ng mga relasyon sa pamamagitan ng constant na komunikasyon. Mayroong chat at wall posts sa Facebook. Mayroong video chat at audio chat sa Skype at Yahoo Messenger. May plain chat sa Gmail. May horizontal at vertical interactivity ang Plurk. May stalker sa Twitter.

Sa ikalawa naman, sa larangan ng pulitika, talagang choice ko na maging pulitikal, kahit na i-hide pa ako ng mga kaibigan ko sa Facebook dahil nagsasawa na sila sa puro katibakan na pinopost ko. “Aktibista. Aktib. Tibak ka na nga sa reyalidad, tibak ka pa rin sa internet.” Sabi pa nga ng propesor ko, malamang, kahit yung mga “kaaway” ko sa pulitika ay ina-add ako bilang friend sa Facebook para makakuha ng impormasyon. Hahahaha! Mukha nga! Kaya ayusin ang privacy settings, i-check palagi ang setting mo ng Facebook, dahil baka na-i-invade na ng kung sinu-sinong stalker na kumpanya at ahensiya ng gobyerno ang inyong pribadong buhay at pribadong impormasyon. Marami akong blogspot at wordpress accounts. Webmaster ako ng kung anu-anong sites at blogs. Basta may kampanya, may blog! Unapologetic rin ako sa pagiging tibak na netizen.

Ikatlo, pamimirata. Dati, laman ako ng Quiapo, para sa murang dibidi-dibidi. Pero nang magkaroon na ng DSL sa bahay, ayan, napakarami at naglalawa lang sa mapipiratang musika, pelikula, porn, PDF book o e-books, at sari-sari pang dokumento at produkto, sa torrents man, google, hotfile o sa sandamakmak na personal weblogs ng kung sinu-sinong indibidwal mula sa iba’t ibang panig ng tunay na mundo. Oo, pirata ako. Namemorya ko na kung paano gamitin ang mga freeware at kung anu-ano pang pampiratang software tulad ng winrar, HJ split, cheat engine, torrent, piniratang MS Office, at lahat ng iba pang hindi mo maiisip sa simula na mayroon.

Ikaapat, romansa. Kaya mong maging expert na stalker, lurker. Itatype mo ang pangalan niya, ang palayaw niya, mahahanap mo ang e-mail niya, ang personal niyang blog. Gagawa ka ng ibang account sa Facebook. Magkukunwari kang ibang tao. I-a-add ka niya, nila, sa Facebook. Mapapasok mo ang pribadong mundo niya. Mamasdan mo ang mga litrato niya, nila. Minsan kokopyahin mo. Minsan, kokopyahin mo ang link at isesend sa ka-chat mo, para makita niya kung sino ang ini-i-stalk mo.  Minsan ita-tag mo siya sa isang love poem na isinalin mo sa Filipino. Minsan magpaparinig ka sa kaniya, sa kanila, sa status message mo. Minsan hindi mo siya kunwari papansinin sa chat, kahit na minessage ka niya ng minessage, hanggang sa itetext ka na niya at hindi mo pa rin siya papansinin. Para hindi halatang gusto mo siyang ligawan o na gusto mo na siya talaga pero nagdadahan-dahan ka lang. Di ba ganun ang sining ng pag-astang tila magkakaroon ka na ng romantikong relasyon kahit hindi ka naman sigurado at nag-aalinlangan ka dahil baka pakikipagkaibigan lang ang gusto niya. Tapos maghahanap ka ng ibang prospect, sa ibang kampus, sa ibang eskwelahan, sa ibang bansa, pero babalik at babalik ka pa rin sa Pilipinas, sa kaniya, sa isang munting bayan, sa isang tuldok sa kaniyang mundo. At sasabihin mo sa sarili na “Nagdecide na ako na hindi ako exclusively makikipag-date” kahit na alam mo namang monogamous ka kahit hindi pa kayo at kahit na maaaring hindi maging kayo.

Tapos pag-iisipin mo yung nagbabasa ng mga sinulat mo at sasabihin mo sa kanila: “Anuman ang nababasa mo ngayon, mga halimbawa lang yan. Examples lang yan ng mga posibilidad na gawin sa internet. Identity shifts, multiple personalities. E paano kung sabihin kong pathological liar ako? Ano na ang paniniwalaan mo sa mga sinabi ko?”

Ito, para sa akin, ang bumubuo ng birtwal na mga komunidad na kinabibilangan ko at marami pang birtwal na mga mamamayan o netizen na tulad ko. Siyempre, kahit hindi na kailangang sabihin, pero kaya nga may “hyper” sa hyper-reyalidad o kaya ay “birtwal” sa birtwal na reyalidad, sapagkat hindi ang wawawa ang tunay na espasyo ng pakikipagbarikan, pakikipagniig, pakikipaghuntahan, pakikipaglandian, pakikipagturuan, pakikipagtulungan at pakikipagbakbakan. Ito’y isang larangan lamang na may hiraya at hikayat, ngunit nasa labas  nito ang tunay na hiraya at hikayat ng materyalismo ng kasaysayan at lipunan.

Anuman ang nababasa mo ngayon, mga halimbawa lang yan. Examples lang yan ng mga posibilidad na gawin sa internet. Identity shifts, multiple personalities. E paano kung sabihin kong pathological liar ako? Ano na ang paniniwalaan mo sa mga sinabi ko?

June 20, 2010. 4:21am. Iba, QC

]]>
http://pinoyweekly.org/new/2010/06/netizen-tibak-pirata-at-stalker-sa-wawawa/feed/ 3