Masaker sa Maguindanao, ‘pinakamalaking insidente’ ng pagpatay sa mamamahayag
Tinawag ng grupo ng mamamahayag na National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang masaker sa Maguindanao ang “pinakamalaking iisang insidente ng pagpatay sa mga mamamahayag” sa kasaysayan ng bansa. Inihayag na rin ng Reporters Without Borders, internasyunal na grupo ng mga mamamahayag, na pinakamalala ang masaker sa kasaysayan ng karahasan laban sa mga […]

Tinawag ng grupo ng mamamahayag na National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang masaker sa Maguindanao ang “pinakamalaking iisang insidente ng pagpatay sa mga mamamahayag” sa kasaysayan ng bansa.
Inihayag na rin ng Reporters Without Borders, internasyunal na grupo ng mga mamamahayag, na pinakamalala ang masaker sa kasaysayan ng karahasan laban sa mga mamamahayag. “Never in the history of journalism have the news media suffered such a heavy loss of life in one day,” ayon sa grupo.
Sa isang press conference, nanawagan ang NUJP, Philippine Press Institute, at Southeast Asia Press Alliance (Seapa) ng hustisya para sa mga mamamahayag na pinaslang kahapon kasama ng mahigit 40 katao sa Buluan, Maguindanao.
Ayon sa NUJP, 12 mamamahayag ang kumpirmadong pinaslang sa insidente. Posible umanong madagdagan pa ang bilang na ito.
Tumatanggi ang grupo na ilatahala ang pangalan ng mga biktima habang kinukumpirma ang kanilang identidad at inaabisuhan ang kanilang mga pamilya. Nasa 24 na ang narekober na bangkay ng Philippine National Police at patuloy ang paghahanap sa nalalabi pang biktima.
“This was deliberate killing. This was not being caught in the crossfire. ‘Yun ang masakit dito,” ayon kay Nonoy Espina, pangalawang tagapangulo ng NUJP.
Nagkokober sa Maguindanao dalawang araw bago naganap ang masaker, inihayag ni Espina na natugunan na ng midya na “may mangyayari” noong Nobyembre 23, araw ng paghain ng kandidatura para sa pagkagobernador ni Esmael Mangudadatu, bise-alkade ng Buluan.
Sinabi ni Espina na isang “lehitimong istorya” ang pagtakbo ni Mangudadatu laban sa naghaharing pamilya Ampatuan.
Nakasakay ang mga biktima sa konboy patungo sa Commission on Elections nang harangin ng 100 armadong kalalakihan. Itinuturo ang pamilya Ampatuan, malapit na alyado ni Pangulong Arroyo, na nasa likod ng masaker.
“Imposibleng hindi alam ng mga awtoridad na may mangyayari. Pero nasaan sila? Nandoon nga ang pulisya, kasangkot,” aniya, patungkol sa mga ulat na nasa lugar ng krimen si Chief Inspector Sukarno Dicay, deputy provincial police chief ng Maguindanao.
“Nasaan ang militar? Tapos na (ang masaker) nang dumating sila…Alam nilang may mangyayari. Hinayaan nilang mangyari,” dagdag ni Espina.
Samantala, ayon kay Malou Mangahas ng Seapa at Philippine Center for Investigative Journalism, “We are appalled by this development. This is a tragedy beyond description.”
Sinabi ni Mangahas na dumagdag ang mga biktima ng masaker sa Maguindanao sa 106 mamamahayag na pinaslang simula noong 1986. May 47 sa mga ito ang pinaslang sa ilalim ng gobyernong Arroyo.
Ayon naman kay Jose Pavia, tagapangulo ng PPI, dahil sa insidenteng ito, tiyak na lalampasan na ng Pilipinas ang Iraq sa bansang pinakamaraming pinasalang na mga mamamahayag.
Magsasagawa ng sariling imbestigasyon ang NUJP at Freedom Fund for Filipino Journalists sa masaker.
Iginiit ni Espina na hindi lamang isyu ng mga mamamahayag ang pagpatay sa mga miyembro ng midya, kundi isyu ng buong bayan, lalo’t kaso ito ng karahsang may kaugnayan sa halalan (election-related violence).
“Isa itong malaking hamon sa gobyernong Arroyo. Demokrasya pa ba tayo o hindi? May gobyerno pa ba tayo o wala?” aniya.