Kultural na produksyon para sa ‘atin’
Nang imbitahan daw ng isang lider aktibista ang kanyang asawa para manood ng isang dulang likha ng kultural na grupo, sinagot nito na “pare-pareho lang naman ang mga iyan.” At nandito nga ang mga marka ng isang aktibistang pagtatanghal: taas-kamao, naratibo ng panunupil at pagkakaroon ng politikal na kamulatan, kolektibong pagkilos at ang utopia ng […]
Nang imbitahan daw ng isang lider aktibista ang kanyang asawa para manood ng isang dulang likha ng kultural na grupo, sinagot nito na “pare-pareho lang naman ang mga iyan.” At nandito nga ang mga marka ng isang aktibistang pagtatanghal: taas-kamao, naratibo ng panunupil at pagkakaroon ng politikal na kamulatan, kolektibong pagkilos at ang utopia ng pakikibaka at paglaya.
May internal na pagtatanghal na tanging kolektibo ng mga aktibista ang makakagusto. Mataas ang antas ng politikal na laman, pagsasambit ng kawastuhan ng aktwal na rebolusyonaryong landas tungo sa politikal na transformasyon. Ang isang ganitong laman ay ang “Makata’y Mandirigma, Mandirigma’y Makata” na ipinalabas ng Nobyembre 2009.
Ang musical ay nakabatay sa buhay ni Jose Maria Sison, founder ng Communist Party of the Philippines. Namumutiktik ang dula sa torture scenes, paglabag sa karapatang pantao, salvaging at iba pang madugong eksena ng panunupil sa mamamayan at aktibista. Nang una ay skeptiko rin akong pumasok sa UP Theater dahil sa “papuri” mode ng dula.
Narehistro sa akin ang imahinaryo ni Kim Il Sung sa North Korea na ang bawat kaarawan at mahalagang yugto ng buhay ay ginagawang tila opening ng Olympics sa mga awitin at sayaw ng libo-libong mamamayan sa stadium. O ang kawalan ng halaga ng ikonikong imahen ni Che Guevarra sa sumunod na henerasyon ang misrekognisyon sa kanya ay bilang “rock star.”
Nang nasa loob na ako ng dula, walang patlang ang komentaryo at sing-a-long ng aking kasamang beteranang aktibista. Tunay na masinop ang dula, may bagong awitin na lirikal, may lumang awiting kilala ng beteranong aktibista. Ang aking inaakalang kalabisan ng karahasan ng estado ay napunan sa ganitong pag-iisip: na ito ang mga eksena at kwentong binubura ng estado sa pang-araw-araw na buhay ng mamamayan. Ito o ang walang patumangging malling at texting?
Kailangan ng periodikong reafirmasyon ng mundo ng karahasan para may pagtutumbas sa bigat at lawak ng pagkilos tungo sa tunay na politikal na transformasyon. Tunay na “tayo-tayo” ang palabas na ito. Standing ovation ang lahat ng nanood ng panggabing palabas. At ano ang masama rito? Na lumilikha tayo ng pagtatanghal na para sa sariling hanay ay hindi naman kakatwa dahil ito naman ang nagpapatagos ng diwang gagabay sa higit pang pagkilos.
Ang ikalawang dula naman na pinanood namin nitong Disyembre ay ang “U Avenue,” ukol sa sitema ng edukasyon. Musical din ang dulang ito, at malawak ang paghiram sa “Glee,” isang popular na palabas sa TV na ginawang high school musical ang buhay ng kasapi ng Glee Club. Ang nagustuhan ko sa dula ay ang proseso ng pagsasadula bilang bahagi ng gawaing pang-organisasyon.
Marami sa mga nagtanghal ay bagong kasapi ng Sinagbayan, ang grupong pagtatanghal na nagprodyus ng musical. Upbeat ang musical, at kahit iba-iba ang rehistro ng pag-arte, pagsayaw at pag-awit, ang kolektibong pagtatangka bilang kabahagi ng proseso ng pag-oorganisa, at kung gayon, ang pagpapalawak ng hanay, ang naging mahalaga sa akin.
Napapalampas na ang sintunado at mababang energy level dahil nga simulain pa lamang itong dula sa inaasahang mas mayabong na yugto ng profesyonalisasyon at politisasyon ng hanay ng manggagawang kultural. Sa isang banda, para itong recital, showcase mode sa antas ng estetika at politikang nakamit na. Sa kabilang banda, ito ang produktibong pangako sa hinaharap: ang kapasidad na magpalawak ng hanay kahit pa sa gitna ng delubyong umaariba sa bansa, o dahil nga sa mismong delubyong ito.
At ito ang dialektika ng produksyong estetika at historikal na sirkumstansya: may pangangailangan ng periodikong konsolidasyon sa pamamagitan ng sa pangkalahatan ay hayagang kultural na pagtatanghal (na masasabi rin naman sa kultura ng rali at kolektibong pagkilos), pero katumbas din nito, ng pagmamarka sa pagtatanghal bilang proseso ng pagpapalawak at mas umaatikabong pagkilos sa hanay.
At sa entrada ng kapaskuhan, habang sinusulat ko itong kolumn, narealisa ko na ito na pala ang highlight ng kapaskuhan ngayong taon. Ipinapaalaala ang pangako at posibilidad pa ng pakikibaka sa mga panahong darating.