Editoryal: Demokrasyang ‘di ganap, pagbabagong ‘di lasap

May 15, 2010

Hindi pa man tapos ang bilangan ng mga boto, pero naglululundagan na sa tuwa at lumalaki na ang ulo ng lahat ng mga “nagtagumpay” sa halalang ito.

Una ang Commission on Elections (Comelec) at Smartmatic-TIM, na mahigit isang linggo lamang ang nakaraa’y nagkakandarapang palitan ang lahat ng palpak na compact flash cards at hanggang sa bisperas ng Mayo 10 ay inihahatid pa ang mga kagamitang panghalalan sa iba’t ibang lugar sa bansa, hindi bale nang hindi muna masubukan bago masabak sa mismong araw ng botohan.

Pangalawa, ang malamang na mahalal na susunod na pangulo ng bansa na si Senador Benigno “Noynoy” Aquino III. Pinili pa niyang sa Hacienda Luisita magpakita sa midya kinabukasan, na para bang walang malay—o pakialam—na kinatatayuan niya ang lupaing simbolo ng kanyang elitistang pinagmulan at paninindigan.

Masaya rin ang mga Marcos. Dalawa sa kanila’y namayani sa lokal na balwarte sa Ilocos Norte, at ang isa’y mukhang aakyat sa Senado bilang unang hakbang sa pampulitikang ambisyong mas mataas pa. Masaya rin ang karamiha’y re-electionist na mga senador sa Top 12, na binabalik-balikan ang kanilang mga posisyon na parang droga, kahit pa nakilala sila sa pagtulak ng mga batas na kontra-mamamayan o tuluyang walang nagawa.

Siyempre pa’t abot-tainga ang ngiti ni Pangulong Arroyo, na nilampaso ang mga karibal sa Pampanga kahit pa walang halos sariling mga campaign poster—aanhin mo ito kung ikaw ang pinakamakapangyarihang tao sa bansa?

Pero isa lamang ang dapat na ikatuwa sa halalang ito. Isa lamang ang bagay na masasabing nagpasulit sa ibayong hirap na pinagdaananan ng mga botanteng Pilipino, na nagutom at nangalay sa mahahabang pila, nahilo sa kakahanap ng mga presintong nawawala, at nagbilad sa ilalim ng matinding sikat ng araw, mairehistro lamang ang kanilang pasya.

Ito ang pag-alis sa puwesto ni Arroyo, sa wakas, matapos ang siyam na taong walang kahalintulad na kahirapan, korupsiyon, pandaraya, at pasismo.

Walang dahilan para humingi ng tawad ang mga nagbababala noon na posibleng magkaroon ng failure of elections na bahagi ng iskema ni Arroyo na manatili sa puwesto at takasan ang pagpapanagot at pagpaparusa. Bago ang halalan, ginawa na ata ng Comelec ang lahat para mawala ang kumpiyansa rito ng mga mamamayan. Tapos na ang halalan, pero sa lahat ng indikasyo’y nasa lugar pa rin ang plano ni Arroyo na itulak ang Charter Change at maging prime minister ng bansa sa maksimum, o maabsuwelto sa kanyang mga krimen sa minimum.

Dapat ding ipagpatuloy—at higitan pa nga—ang pagbabantay: una sa tuluy-tuloy pa ring kondukta ng halalan, at pangalawa sa papasok na administrasyong Aquino.

Maraming grupo na ang nagsasabing “too good to be true” ang mabilis at halos walang kaabe-aberyang pagpasok ng mga resulta. Batay sa mga ulat, marami ang hindi nakaboto, pero mataas pa rin ang voter’s turnout na ibinibida ng Comelec. Maraming probinsya’t rehiyon pa ang hindi nakakapagpadala ng kanilang resulta, lampas sa 80 porsiyento ng election returns na kaagad ang inuulat. Kakaunti ang mga lugar na may random manual audit, at walang kabali-balita sa midya hinggil sa kinahinatnan ng mga ito.

At sa totoo lang, ano ba sa aktuwal ang nababantayan ng mga nakatalagang tagapagmasid ng halalan? Maaaring naobserbahan nila ang talamak na tradisyunal na mga porma ng pandaraya gaya ng pamimili ng boto, pamumuwersa, at karahasan, at nakatulong sa ilang pagkakataon na masawata ito. Pero ang mismong resulta ng halalan na iniluluwa ng mga makina, ano ang kanilang paraan ng pagberipika?

Wala, dahil ganoon ito idinisenyo ng Comelec, na tumangging isapubliko ang source code na nagpapatakbo sa mga makina, kahit pa rekisitos ito sa ilalim ng batas. Ganoon ito idinisenyo ng gobyernong Arroyo, na simula’t sapul ay nakakasa sa malawakang pandaraya.

May pandaraya bang naganap? Sinasabing ang mga natalo lamang ang nagrereklamo nito. Ang punto lamang: mahirap masabi, mahirap malaman. Ang panghahawakan mo lamang ay nakapagtatakang mga datos, gaya ng paglikom ng mahigit isang milyong boto ng Ako Bicol, isang rehiyunal na party-list na pinatatakbo ng mga alyado ni Arroyo.

Marahil walang gaanong nagrereklamo dahil nanalo naman ang manok na sinuportahan ng malalaking negosyante, ng Estados Unidos, at maging ng mainstream na midya. Walang banta si Aquino sa namamayaning sistema na nais nilang mapreserba. Hindi niya dinala ang progresibong mga kandidato, gaya ng ginawa ng katunggaling si Senador Manuel “Manny” Villar. Hindi siya kasuklam-suklam sa mga nasa panggitnang-uri, gaya ni dating pangulong Joseph “Erap” Estrada.

Higit sa lahat, nagbibigay si Aquino ng ilusyon ng demokrasya, kahit sa pamamaraang oportunista—sinunggaban ang pagkakataong ibinigay ng pagkamatay ng ina, sumakay sa sentimyentong kontra-Arroyo kahit hindi sinasalamin ng sariling rekord, at buong ganang nanira ng mga katunggali imbes na harapin ang lehitimong mga isyu gaya ng Hacienda Luisita at maghapag ng programa na malinaw ang pinagkaiba sa maka-negosyante at maka-US na hugis ng kay Arroyo.

Sa huli, ilusyon ng demokrasya lamang ang mahalaga para sa mga naghaharing-uri na siyang naghakot ng pinakamalalaking tagumpay sa nagdaang halalan. At kung walang ibang alternatibong nakikita o nakakagawian, nagpapakasapat na rin dito ang mga Pilipino: sa demokrasyang hindi ganap, sa pagbabagong hindi lasap.

Mabigat pa kaysa sa tungkulin ng susunod na pangulo ng bansa ang tungkulin ngayon ng lahat ng mulat na mamamayan—ang pagsusulong sa pambansang demokrasya bilang pangunahing alternatibo sa nabubulok na sistemang pampulitika at pang-ekonomiya, ang walang kapagurang edukasyon at pag-oorganisa sa masang Pilipino dahil sila lamang ang may lakas at kakayahang maghawan ng landas para sa tunay na pagbabagong panlipunan.