‘AFP, dapat utusan ni PNoy na arestuhin si Palparan’

Kailangang hayagang utusan ni Pang. Benigno Aquino III ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na arestuhin at huwag kalnugin ang nagtatagong suspek sa mga paglabag sa karapatang pantao na si retiradong Hen. Jovito Palparan Jr.

Hen. Jovito Palparan: Kinakanlong ng militar? (Boy Bagwis / PW File Photo)
Hen. Jovito Palparan: Kinakanlong ng militar? (Boy Bagwis / PW File Photo)
Hen. Jovito Palparan: Kinakanlong ng militar? (Boy Bagwis / PW File Photo)

Kailangang hayagang utusan ni Pang. Benigno Aquino III ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na arestuhin at huwag kanlungin ang nagtatagong suspek sa mga paglabag sa karapatang pantao na si retiradong Hen. Jovito Palparan Jr.

Ito ang pahayag ng Human Rights Watch (HRW), pandaigdigang grupong pangkarapatang pantao, matapos muling kumalat ang balitang kinakanlong diumano ng militar si Palparan, na pinaghahanap ng mga awtoridad kaugnay ng pagdukot sa dalawang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas noong 2006.

Dinukot ng pinaghihinalaang mga tauhan ni Palparan sa 7th Infantry Division ng Philippine Army sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, kasama pa si Manuel Merino, noong Hunyo 2006 sa Hagonoy, Bulacan.

President Aquino should get the message to the military that the years of protecting Palparan for grievous abuses are over,” pahayag ni Elaine Pearson, deputy Asia director  ng HRW.

Sinabi pa ng grupo na dapat na ilinaw ng Pangulo na mananagot ang sinuman sa pagharang sa pag-aresto o pagbibigay proteksiyon sa dating heneral. “Officers and soldiers alike should be on notice that if they block civilian authorities in arresting Palparan, they too will face legal consequences,”  paliwanag ni Pearson.

Nangangamba rin ang grupo na maaring nakikialam ang militar sa proseso ng hudikatura, dahil sa pagpapahintulot ng Malolos Regional Trial Court sa mosyon ng dalawang iba pang akusado na mailipat sa kustodiya ng militar matapos silang sumuko.

Sa sulat noong Enero 9 ni Sek. Leila de Lima ng Department of Justice (DOJ) kay Sek. Voltaire Gazmin ng Department of National Defense (DND), kinuwestiyon umano ni De Lima ang ginawang paglipat sa dalawang akusadong sina Lt. Col. Felipe Anotado Jr. at Staff Sgt. Eduardo Osorio sa Army Custodial Management Unit sa Fort Bonifacio sa Taguig City.

Sinabi ni De Lima na hindi pa nga nabigyan ang DOJ ng kopya ng kautusan ng korte at walang paunang sabi ang militar na mayroon silang planong magsampa ng motion to transfer.

As the primary prosecuting arm of the government, we are entitled to timely official information from the AFP [Armed Forces of the Philippines] or the Philippine Army as to where the accused are presently confined and if they are confined at all,”  bahagi ng sulat ni De lima kay Gazmin.

Ayon naman kay Pearson, dapat umanong maging aktibo ang DOJ sa paghabol sa lahat ng mga paglabag sa karapatang pantao. “It took five years after the alleged abuses for Palparan to be charged, but this is really due to the efforts of the victims’ families,” ani Pearson.

Nagiging simbolo na umano si Palparan ng malawakang kawalan ng pananagutan ng mga salarin sa mga paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas ngayon.

Insulto sa kaanak

Nagpahayag ng disgusto ang militanteng organisasyon ng kabataan na Anakbayan sa naging mga pahayag ng abogado ni Palparan na may nakapagsabi sa kanilang nananatiling buhay pa ang dalawang estudyanteng sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan.

“Nilalansi lamang ni  (Jesus) Santos (abogado ni Palparan) ang mga awtoridad sa paghahanap kay Palparan, kung talaga ngang ginagawa ng mga ito ang kanilang trabaho,” anas ni Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan.

Dugtong pa niya na magpakita na lamang si Santos ng pruweba na buhay pa nga ang dalawang nawawalang estudyante kaysa sa maglabas ng mga pahayag sa publiko.

Sinuportahan din ng Anakbayan ang sentimyento ng legal counsel nina Empeño at Cadapan na si Edre Olalia na kung totoo man ang sinabi ni Santos, magpapatunay ito na magkakasala pa sina Palparan at kapwa niyang mga akusado.

Sinabi ni Crisostomo na lalong pinalalala ng di-pag-aresto kay Palparan ang kawalan ng pananagutan ng militar sa mga paglabag nila sa karapatang pantao ng mga mamamayan, kabilang ang mga estudyanteng tumutungo sa kanayunan para magpalalim ng kaalaman sa kalagayan ng ordinaryong mga magsasaka at mamamayan.

Hinaras kamakailan ng mga militar ang tatlong estudyante ng UP na nagsasagawa ng field work para sa kanilang akademikong rekisito sa Porac, Pampanga.

“Ito ang nangyayari tuwing nakikita ng mga ‘berdugong naka-uniporme’ na hindi nila kailangang panagutan ang mga krimen nila. Inaatake na rin nila maging ang mga pang-akademikong aktibidad ng mga unibersidad,” sabi pa ni Crisostomo.