Baliktad
Noong unang araw ng overseas absentee voting sa Hong Kong, hindi na maipagkaila ni Commission on Elections (Comelec) Chair Sixto Brillantes na maliit na badyet ang dahilan kung bakit may mga binago sila sa OAV tulad ng hindi na paggamit ng indelible ink bilang palatandaang nakaboto na ang isang tao. Subalit ang mas nakakapagngitngit ay […]

Noong unang araw ng overseas absentee voting sa Hong Kong, hindi na maipagkaila ni Commission on Elections (Comelec) Chair Sixto Brillantes na maliit na badyet ang dahilan kung bakit may mga binago sila sa OAV tulad ng hindi na paggamit ng indelible ink bilang palatandaang nakaboto na ang isang tao.
Subalit ang mas nakakapagngitngit ay ang kanyang sinabi na hindi dadagdagan ng mga pulitiko sa ating bansa ang badyet sa OAV kung hindi tataas ang bilang ng mga bumobotong overseas Filipino workers (OFWs).
Kelan pa naging batayan ng pagtataguyod sa karapatang bumoto ang usapin kung marami ba o hindi ang bumoboto? Kelan pa naging pragmatismo at praktikalidad ang prinsipyong gumagabay sa pagrespeto ng estado ng karapatang bumoto?
Muli, tila ibinabalik na naman sa ating OFWs ang sisi kung bakit papaliit ang bilang ng lumalahok sa OAV at dumadami ang kapalpakan sa kondukta nito dahil sa kakulangan sa badyet.
Kasalanan ng masang OFWs kung bakit kakaunti ang PCOS machines abroad at kung bakit ang voting centres ay limitado at malalayo sa kung saan naroon ang OFWs. Kasalanan ng OFWs kung bakit hindi sila naaabot ng manaka-nakang anunsiyo ng mga embahada ng registration at mismong pagboto sa OAV.
Kasalanan ng OFWs kung bakit nawawalan na sila ng ganang bumoto dahil sa wala namang tunay na pagbabagong natutupad sa mga ipinangako ng mga pulitikong sila mismo ngayong tumitipid sa karapatan ng OFWs.
Walang pinagkaiba ito sa paninisi kay Kristel Tejada at sa kanyang mga magulang kung bakit nangyari ang trahedya sa kanya. O kaya naman ay sa mga squatter na marahas na dinemolish ang mga kabahayan dahil “pinili” nilang maging iskuwater. O kaya ay ang paninisi sa isang OFW dahil nalagay siya sa isang mapang-abusong sitwasyon.
Kasalanan ng masa.
Ang masang biktima ng pagkakait ng karapatan ang siya ring may sala.
Baliktad na talaga ang kaisipan ng estado ni Aquino at ng makasariling mga pulitiko.