FEATURED

Sino ba si Ka Lando?


  Si Rolando “Ka Lando” Olalia, isang abogado, ay madalas tahimik at mahiyain. Kung titingnan, salungat ito sa buhay niyang puno ng mabibigat na pakikibakang pulitikal. Noong panahon ng pamamaslang sa kanya, siya ay mahusay na lider-manggagawa na malaki ang ginampanang papel sa kilusang paggawa at kilusang anti-Marcos.   High school pa lamang siya nang […]

Atty. Rolando Olalia, dating tagapangulo ng KMU na pinaslang ng pinaghihinalaang mga elemento ng militar noong 1987. (Boy Bagwis / PW File Photo)
Ginunita ng mga manggagawa sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang ika-26 taong anibersaryo ng kamatayan ni Atty. Rolando Olalia at Leonor Alya-ay. Tagapangulo ng KMU si Olalia nang dukutin, tortyurin at paslangin noong Nobyembre 13, 1986 ng hinihinalang mga militar na kasapi ng Ram. (Macky Macaspac)
Ginunita ng mga manggagawa sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang ika-26 taong anibersaryo ng kamatayan ni Atty. Rolando Olalia at Leonor Alya-ay. Tagapangulo ng KMU si Olalia nang dukutin, tortyurin at paslangin noong Nobyembre 13, 1986 ng hinihinalang mga militar na kasapi ng Ram. (File photo: Macky Macaspac)

 

Si Rolando “Ka Lando” Olalia, isang abogado, ay madalas tahimik at mahiyain. Kung titingnan, salungat ito sa buhay niyang puno ng mabibigat na pakikibakang pulitikal. Noong panahon ng pamamaslang sa kanya, siya ay mahusay na lider-manggagawa na malaki ang ginampanang papel sa kilusang paggawa at kilusang anti-Marcos.

 

High school pa lamang siya nang sumabak na siya sa trabaho. Pagdating ng 1958, sumali siya sa bagong tatag na National Federation of Labor Unions (NAFLU) sa pag-uudyok ng kanyang ama, ang tanyag na lider-manggagawang si Ka Bert Olalia. Noong 1962, pinamunuan niya ang welga sa Delta Manufacturing, Pasig na nauwi sa pagkakakulong sa kanya.

Habang nag-aaral sa kolehiyo, sumali siya sa Kabataang Makabayan (KM) at tumulong sa pagbubuo ng mga chapter nito sa iba’t ibang paaralan sa Maynila. Katuwang din siya ng kanyang ama sa pag-oorganisa ng mga manggagawa sa ilalim ng Malayang Samahan ng mga Magsasaka (MASAKA).

Mataas ang grado ni Ka Lando sa bar exam noong 1971. Nagtrabaho siyang bilang labor lawyer at naging miyembro ng Integrated Bar of the Philippines at Philippine Trial Lawyers Association.

Noong magdeklara ng Martial Law si Marcos, inaresto si Ka Lando sa kasong subversion at kinulong ng tatlong buwan. Muli siyang inaresto noong Agosto 1982 matapos arestuhin ang kanyang amang si Ka Bert, at pareho silang sinampahan ng kasong inciting to rebellion and conspiracy to commit rebellion.

 

Papel sa kilusang paggawa

Noong tumatanda na si Ka Bert, si Ka Lando na ang namahala sa mga responsibilidad ng kanyang ama sa kilusang paggawa. Nang mamatay si Ka Bert, naihalal na pangulo ng NAFLU si Ka Lando. Kalaunan ay nahalal siyang chairperson ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at ng Pambansang Koalisyon ng mga Manggagawa Laban sa Kahirapan.

Nakibaka si Ka Lando para sa malaya, mapayapa, at demokratikong Pilipinas. Bilang unyonista, paniniwala niyang makabuluhan ang papel ng mga manggagawa sa pagpapalaya ng lipunan. Walang kapaguran niyang ibinahagi ang paniniwalang ito sa lahat ng kanyang maaabot. Mahigpit niyang pinanghawakang hindi kailanman uunlad ang bansa hanggang hindi nagtatagumpay ang pakikibaka ng mga manggagawa.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno, lumawak at lumakas ang mga unyon ng manggagawa na naging dedikadong kalahok sa kilusang nagpatalsik sa diktaduryang Marcos. Iniwan ng mga manggagawa sa sweatshop ang kanilang mga tindahan at sumama sa mga protesta sa kalsada. Ang mga manggagawa sa industriya ay naglunsad ng mga welga upang ipamalas ang miserableng kalagayan ng mga manggagawa sa ilalim ng Martial Law. Matindi ang sumalubong sa kanilang panunupil mula sa mga sundalo at goons ng rehimen. Binuwag ang mga rally at piket at laksa-laksang manggagawa ang tinanggal sa trabaho o kinulong. Gayunpaman, lalo lamang lumakas ang kilusang paggawa noong 1980s, at naging instrumental sa pagpapalago ng kilusang anti-diktadurya.

Pagbagsak ng diktaduryang Marcos noong 1986, tumulong si Ka Lando sa pagbubuo ng progresibong Partido ng Bayan, kung saan siya’y nahalal bilang pinakaunang chairperson. Nahalal din siya bilang pangulo ng militanteng alyansang Bayan kasama si Lean Alejandro na nagsilbing secretary-general.

 

Pagkadakip at pamamaslang

Noong Nobyembre 12, 1986, tumungo si Ka Lando kasama ang drayber na si Leonor Alay-ay sa isang pulong ng unyon. Noong panahong ito, wala pang walong buwan ang administrasyong Aquino. Parehong hindi umuwi sila Ka Lando at Leonor sa kanilang mga bahay noong gabing ‘yon. Kinabukasan, natagpuan ang kanilang mga katawan sa tabing-daan sa Metro Manila. Nakatali ang kanilang mga braso at binti, mayroong dyaryo sa kanilang bibig, at puno ng tama ng bala ang kanilang mga ulo. Hindi na halos makilala ang kanilang mga mukha at katawan.

Lumabas ang mga bali-balitang ang suspek diumano sa pamamaslang kila Ka Lando at Leonor Alay-ay ay mga miyembro ng Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa (RAM). Subalit wala pa kaagad na naganap na imbestigasyon.

Sinalubong ng matinding galit at dalamhati ang pamamaslang kila Ka Lando at Leonor Alay-ay. Higit 25,000 mamamayan ang naglunsad ng kilos protesta sa harap ng Camp Aguinaldo bilang pagkundena na sa krimen.

Pagkatapos ng libing, higit isang milyong mamamayang nagluluksa ang sumama sa labing-dalawang oras na martsa.

 

(Pasasalamat sa Bantayog ng mga Bayani para sa impormasyon)