Nang matapos na ang pandemya
Kailangan maalala ng gobyerno na ang obligasyon nito sa mga Pilipino ay sistematikong tugon at suporta, hindi paninisi at parusa.
Sa pagpasok ng bagong taon, bumungad agad ang malaking hamon ng pagsugpo sa Omicron SARS-CoV-2 variant na mas mabilis nakakapagpakalat ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).
Nitong Enero naitala ang pinakamatataas na bilang ng nagpositibo sa Covid-19 sa isang araw mula nang magsimula ang pandemya noong 2020. Sa ikatlong biyernes ng bagong taon, umabot sa all-time high na 291,618 katao ang active cases ng Covid-19 sa bansa.
Ito na ba ang huling daluyong ng Covid-19? Hindi pa sapat ang siyensiya para matiyak ito, dahil ang virus ay patuloy na nagbabago, umuunlad.
Ang kayang masiguro ngayon, at ang matagal nang ipinapanawagan, ay ang sistematiko at makamasang tugon ng gobyerno, ang nag-iisang institusyon na may hawak ng kaban ng bayan. Higit P70 bilyon na ang inutang ng gobyerno para sa pagbili pa lang ng bakuna.
Ano ba ang banta?
Nananatiling mataas ang pangkalahatang panganib na dala ng Omicron variant, ayon sa World Health Organization (WHO) Update #6 ng “Pagpapabisa ng tugon sa Omicron SARS-CoV-2 variant”.
“Sa kabila ng mas mababang panganib sa malalang sakit at pagkamatay, mayroon pa ring kapansin-pansin na pagdami ng naoospital dahil sa matinding hawahan,” sabi ng WHO noong Enero 21. “Lumalaking pasanin pa rin ito para sa mga health care system sa kalakhan ng mga bansa, at maaaring mauwi sa pagdami ng may sakit lalo na mula sa bulnerableng populasyon.”
“Kahit na sabihin natin na mas mild siya, kung mas maraming mainfect mas marami pa rin ang magiging malubha na kaso,” sabi ni Dr. Roland Angeles sa unang briefing ng taon ng Citizens’ Urgent Response to End Covid-19 (Cure Covid).
Umabot pa nga ang positivity rate sa higit 40 porsiyento, o isa sa kada dalawang nagpapa-test para sa Covid-19 ay nagpopositibo. Ang mahirap, hindi masabayan ng health system ng bansa ang bilis ng pagkalat ng sakit.
“Yung mga free testing sa [local government units], usually delayed ang schedule,” sabi ni Dr. Angeles. “May mga pasyente po ako, … nagpa-schedule siya noong Wednesday, ang ibinigay na available testing sa kanya ay Sunday pa.”
Abot-kaya at agarang testing
Hanggang ngayon, sinisingil pa rin mula sa pamahalaan ang libre, regular, at malawakang testing.
“Ang testing sa Pilipinas ay nakadepende sa demand,” ayon kay Dr. Josh San Pedro, co-convenor ng Coalition for People’s Right to Health. Aniya, nakabatay ang testing kung may karamdaman o sintomas ang bawat mamamayan at may kakayahang gumastos para rito.
Pangako ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na magsagawa ng 90,000 hanggang 100,000 testing kada araw, ngunit umabot lang ito sa target noong nakaraang taon kung kailan may pagtaas ng mga kaso bunsod ng Delta variant. Nang humupa ang bilang ng mga kaso ay bumaba na rin ang mga sinusuri kada araw.
Mabigat din sa bulsa ng bawat ordinaryong Pilipino ang presyo kapag magpapasuri gamit ang Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test, pinakanirerekomenda sa pagsusuri. Nagkakahalaga ito ng hanggang P2,800 sa mga pampublikong institusyon at P3,360 sa pribado. May libreng testing sa mga lokal na pamahalaan ngunit naaantala ang usad lalo’t lumolobo na naman ang bilang ng mga kaso.
Utos pa ng IATF na gumastos para sa RT-PCR test kada dalawang linggo ang mga manggagawang hindi bakunado upang magpatuloy sa paghahanapbuhay “Walang kakayahan ang mga manggagawa mula sa napakaliit niyang sahod,” ayon sa Kilusang Mayo Uno.
Hindi pa rin magsasagawa ng malawakang testing ang gobyerno ayon sa Department of Health dahil magastos daw ito at hindi siyentipiko. Ito ay sa kabila ng P11.92 trilyong kabuuang utang ng bansa ayon sa Bureau of Treasury.
Ayon pa kay WHO Representative to the Philippines Rabindra Abeyasinghe, hindi kailangan ipatest ang mga nasa kabahayan ng positive sa Covid-19 kung walang sintomas at hindi bulnerable (nakatatanda, may mga sakit). “Ipagpalagay niyo na lang na Omicron ito, kasi mild. Mas maigi pang mag-isolate o quarantine agad.”
Dehado sa ganitong sistema ang mga manggagawang on-site, dahil kaltas agad sa sweldo ang isolation. Sa ilang kompanya naman, mayroong tulong pinansyal pero kailangan may positive test result. Nakabinbin pa rin ang panawagan ng mga manggagawa para sa “paid isolation o quarantine leave” o suportang pinansyal habang nakaliban sa trabaho dahil sa Covid-19.
Pondo para sa manggagawa
“Dapat ba magtiis sa gutom ang mga manggagawa at mga pamilya nila o baka naman puwedeng may siguradong mapagkukunan sila ng pinansya habang nasa quarantine?” sabi ng Trade Union Congress of the Philippines.
Ayon kay Sen. Leila De Lima, dobleng pasanin ng mga manggagawa na wala na ngang suportang pinansyal, paparusahan pa ang mga lumalabag sa quarantine dahil desperado magtrabaho.
Isinusulong ni Sen. De Lima ang Senate Bill No. 2307 na katapat ng panukalang House Bill No. 7909 ng Gabriela Women’s Party. Sa mga panukalang ito, gagawing polisiya ang pagbigay ng hindi lalagpas sa 60 na araw ng paid leave credits sa mga manggagawa, at magkakakaroon ng karapatan sa 80 porsiyento ng buong sweldo ang manggagawa na ilalagay sa “floating status”.
Kung alangan ang gobyerno sa pondo, ani De Lima, puwedeng pagkuhanan ang nag-uumapaw na pondo para sa operasyon ng militar at pulis.
Pareho ito ng posisyon ni Atty. Neri Colmenares, tagapangulo ng Makabayan. “Bakit ka may [National Task Force to End Local Communist Armed Conflict] fund na P17 bilyon? Bakit ka may intel fund na P4 bilyon? Presidente may P4-B na intel fund eh lahat ng nasa ilalim mo may intel fund.
Ang dapat sa pondo na ito, aniya, dinadala sa mga manggagawa, sa pondo pang-testing, sa pagpapaayos ng pampublikong mga health center, at sa pagpapabakuna ng mga mamamayan.
Bakuna para sa masa
Sabi ni Carlito Galvez Jr., retiradong heneral ng Philippine Army at inatasan ni Duterte maging punong-abala sa pagpapabakuna o “vaccine czar”, kung hindi sana nasalanta ng Bagyong Odette ang anim na rehiyon, baka naabot ng Pilipinas ang target na 54 milyong may kumpletong bakuna sa bansa. Noong Setyembre, ang pangakong numero nina Galvez ay 77 milyon. Natapos ang taon na 45.85 porsiyento pa lang ng populasyon o lalagpas sa 50 milyon ang may kumpletong bakuna.
Ayon kay Vivencio Dizon, Presidential Adviser para sa Covid-19 Response, may ilang government center para sa bakuna ang kinailangan magsara o magpabagal ng operasyon dahil nagsakit, o kaya naman ay kinailangan madestino pabalik sa mga ospital dahil sa dumaraming kaso ng may Covid-19. Binuksan na rin para sa pagbabakuna ng booster ang mga pribadong drugstore at parmasiya.
Ngayong unang kapat ng taon inaasahan maabot ang target na 77 milyong may kumpletong bakuna o 70 porsiyento ng populasyon. Sa pagtatasa ng Bantay Bakuna para maabot ang target na ito ngayong Pebrero kailangan umabot sa higit 850,000 ang nababakunahan kada araw. Sa tala noong Enero 22, nasa higit 630,000 vaccinations pa lang ang seven-day average.
Sino ang pumapasan?
Sa kabila ng mga sistematikong problema sa agarang pagbakuna, tinuloy ng Department of Transportation ang Department Order No. 2022-001 o mas kilala bilang “no vaccination, no ride policy” sa Metro Manila.
Sabi ni Transportation Undersecretary Artemio Tuazon Jr. Pwede pa rin gumamit ng sariling sasakyan ang mga hindi pa nababakunahan. Pero sa datos na nalikom noong 2014 sa Department of Transportation and Communications, wala pa sa dalawa bawat sampung kabahayan sa buong Metro Manila ang may sasakyan.
Kaliwa’t kanan na ang babala at pagtutol ng iba’t ibang organisasyon sa polisiyang ito. Ayon sa Commission on Human Rights, hinahadlangan ng polisiya ang karapatan ng ilang mamamayan sa mga batayang pangangailangan at serbisyo.
“Patuloy kaming nananawagan sa gobyerno na harapin ang pag-aalinlangan ng mamamayan sa bakuna sa pamamagitan ng edukasyon at positibong pag-eenganyo,” sabi ni Jacqueline de Guia, tagapagsalita ng CHR. Hindi pananakot, aniya, kundi pagpapaliwanag ang makakatulong sa mga mamamayan.
Featured image: Dibuho ni Kit Gonzales