Ilang mga larawan mula sa paglunsad ng de-padyak na Community Pantry nang Linggo

September 8, 2022

Sa bansang pinamumunuan ng pamilyang napatunayan sa kasaysayan na magnanakaw at may mahabang listahan ng paglabag sa karapatang pantao, siguradong mas titindi ang kahirapan. Titindi ang fake news, red taggin, at pang-aalimura sa mahihirap. Sa rehimeng sanay na pumatay ng sarili niyang mamamayan, ano ang maaasahan ng mga tulad ni Aling Beybi at Mang Ernesto. Mas lalong lalakas ang kaisipang survival mode/ kanya-kanya muna tayo/ bahala kayo sa buhay nyo!

Alas-tres na ng umaga, araw ng Linggo ako nakatulog pero pagdating ng alas-otso ng umaga, nagising at di na muli makatulog. Wala akong plano pero naramdaman kong kailang nang simulan muli ang community pantry (CP). Agad ako lumabas at bumili ng pinakamadaling orderin para 60 katao, hotdog sandwich sa Angels Burger.

Naglibot ako sa Paco-Malate area. Wala halos nabago sa kalagayan ng mga homeless liban sa mga bagong nadagdag na mukha.

Si Aling Beybi, nagreklamo na yung tangi nyang pag- aari na kariton, kinumpiska pa ng mga tauhan ng Manila City Hall. Nakasasagabal daw sa bangketa ang karitong maituturing pinakamalapit na katumbas ng tahanan para sa pamilya ni Aling Beybi.

Habang mas malinis naman ang itsura ni Mang Ernesto na tubong Bikol at kababaryo ang bayani ng mangagawang Pilipino na si Ka Bel, Crispin Beltran. Ayon sa kanya, kakarating niya lang galing sa Bikol. Bumalik daw siyang Maynila dahil walang mapagkakitaan doon sa probinsya at nagiging pabigat lang sya sa mga kapatid. Homeless pa rin si Mang Ernesto sa Maynila. Pero mas mabuti daw dito at nakakapangalakal sya ng mga bote at basura. Balak nya daw mag-apply muli bilang pahinante sa Pier. Ito ay sa kabila ng kanyang edad at mga sakit na iniinda (hika, rayuma, atbp).

Isang oras pa lang, ubos na ang sandwich at nagbabike na ako pauwi. Sa pagbabike, ramdam na ramdam ko ang kakulangan sa gawaing ito. Napakarami pa rin ang nadaanan kong homeless na hindi ko man lang natulungan. Para pa ring pusang madungis ang turing ng marami sa ating mga kababayan sa mga homeless. Ang iba sa kanila mga may pambili ng Starbucks Coffee pero wala ni singkong barya para sa pulubi. Hindi nila sila kilala pero rason nila sa pagtangging tumulong: Mga sindikato daw ang mga ito.

Sa bansang pinamumunuan ng pamilyang napatunayan sa kasaysayan na magnanakaw at may mahabang listahan ng paglabag sa karapatang pantao, siguradong mas titindi ang kahirapan. Titindi ang fake news, red taggin, at pang-aalimura sa mahihirap. Sa rehimeng sanay na pumatay ng sarili niyang mamamayan, ano ang maaasahan ng mga tulad ni Aling Beybi at Mang Ernesto. Mas lalong lalakas ang kaisipang survival mode/ kanya-kanya muna tayo/ bahala kayo sa buhay nyo!

Isa pa siguro sa dahilan kung ba’t ako natagalan mag de-padyak na Community Pantry muli ay ang maraming tanong sa isip na mahirap sagutin. May naitutuling ba talaga ito sa mga homeless? Sa higit na pagnormalisa sa kasinungalingan, kapalpakan, at korapsyon sa pamahalaan, ano ang magagawa ng mga community pantry?

Kung lunasan ang kagutuman, malinaw na pansamantala lamang ang nagagawa nito. Pero bakit kailangan ipagpatuloy? Siguro, higit pa sa pagkaing naipapamahagi para sa mga may perpetwal na pagkalam ng tiyan, higit na binubusog ng pakikiisa at pagtulong sa mahihirap ang pangangailangang buhayin ang kumakalam na diwa ng pagtutulungan at pag-asa.

Avatar