#KuwentongKabataan

May pasok na naman bukas

Bilang isang estudyante na hindi pa nakakatulong sa pamilya sa ngayon, hindi ko alam kung paanong nagkakasya sa aming pamilya ang suweldong inaasahan namin sa trabaho ni Tatay.

“Nay, may pasok po kami bukas.”

Minsan, napapaisip ako kung naririndi na ba sa akin sina Nanay at Tatay tuwing babanggitin ko ‘yan sa hapag tuwing umaga.

Ibig sabihin kasi, kailangan ko ulit gastusan ang pag-aaral ko. 

Bilang galing sa pamilya na umaasa lang sa hindi regular ng trabaho ni Tatay, naranasan ko nang matulala na lang sa kisame kakaisip kung paano ko na naman sasabihin sa kanila na kailangan ko ng panggastos para makapasok sa eskuwelahan. 

Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at pati pamasahe, hindi ko na maiwasang makaramdam ng hiya at pag-aalinlangan sa tuwing kinakailangan kong manghingi.

Sa inilabas na ulat ng Philippine Statistics Authority, pumalo ng 3.7% ang implasyon nitong Marso. Mas lalo nitong pinalinaw ang nagkakasalubong na problema sa mataas na presyo ng mga bilihin at mababang pasahod sa mga manggagawa.

Naisasakripisyo na ang pansariling pangangailangan para lang maitawid ang pang-araw-araw na buhay. 

Hindi ko malilimutan ang mga sinabi sa amin ni Ate Aneste Gole, asawa ng isang minimum wage earner sa Metro Manila, noong nakapanayam namin siya.

Aniya, upang mapagkasya ang kanilang badyet, may mga pagkakataong hindi na siya kumakain ng tanghalian lalo na kapag walang natira sa kanilang almusal. 

Ang sentimyentong ito ang siyang nagmulat pa sa aking mata sa reyalidad ng buhay dahil sa kawalan ng kagyat na aksiyon ng estado para sa nakabubuhay na sahod.

Tumatak sa akin kung paano natitiis ni Ate Aneste na hindi bumili ng ibang mga importanteng bagay para ilaan sa pangangailangan ng kanyang dalawang nag-aaral na anak. Dahil ayon sa kanya, kahit mahirap ang buhay, ayaw niyang maramdaman ng kanyang mga anak na sila ay naiiba.

Ang inaprubahang ng Senado nitong Pebrero na Senate Bill 2534 o P100 Daily Minimum Wage Increase Act of 2024 ay isa lang sa mga panukala para sa dagdag-sahod. Kailangan pa nito pumasa sa Kamara at mapirmahan ng pangulo bago maging ganap na batas at maipatupad.

Ngunit hindi pa rin ito sapat kung gagawing basehan ang bagong datos ng Ibon Foundation nitong Marso na nagsabing P1,197 kada araw ang kailangan ng pamilyang may limang miyembro upang mabuhay nang disente.

Nakita ko kung paanong pangunahing inaasahan ng pamilya ni Ate Aneste ang sahod, katulad na lang namin. At ang masalimuot na lagay ng sahod sa bansa ang siya ring aming pangunahing problema.

Bilang isang estudyante na hindi pa nakakatulong sa pamilya sa ngayon, hindi ko alam kung paanong nagkakasya sa aming pamilya ang suweldong inaasahan namin sa trabaho ni Tatay. 

Sa bigat ng gastusin, alam kong nahihirapan na rin punan nina Nanay at Tatay ang aking mga pangangailangan lalo na’t kasama pa sa aming badyet ang tubig, kuryente, pagkain at iba pang mga pangunahing pangangailangan. 

Katulad na lang ng mga panawagan ng nakararami, amin ring panawagan ang nakabubuhay na dagdag-sahod na hindi lang isang manggagawa ang matutulungan, kundi milyong-milyong manggagawa at mga pamilya nila.